Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 7: Saraphine

-Kapital ng Kaharian ng Silangan-

Kasabay ng bukang-liwayway sa Silangan, tinatahak na ni Saraphine ang daan papunta sa kanyang susunod na destinasyon, Ang Palasyo ni Haring Rucaz. Napagpasyahan niyang siya na ang kukuha ng trabahong nais ni Saraphina baon ang isang layunin. Ipaghihiganti niya ang pagkamatay ng kapatid at pagbabayarin ang tunay na may sala.

Nakamahabang pang-itaas at palda ang dalagita at natatakpan din ng makapal na balabal ang kanyang buhok na ngayon ay maikli at kulay itim na. Minabuti niyang gupitin at kulayan ng itim ang kanyang buhok nang sa ganoon ay hindi mahalata ng karamihan na siya ay isang dayuhan. Dala-dala niya ang kanyang mga gamit at ang baul na naglalaman ng mga naipong pera ng kanyang Ate Pinang at pati na rin ang huli niyang sulat.

Malapit sa kanyang dinaraanan, naroroon rin si Prinsipe Rionne. Nakasanayan na niyang magpatrolya sa Kapital at tumulong kung mayroon mang nangangailangan. Magarbo man ang Kastilyo ng Hari, marami pa rin ang lugmok sa kahirapan sa Silangan at dumarami rin ang mga kumakapit sa patalim at nagiging mga kawatan, kaya naman sa tuwing may nagaganap na kaguluhan, agad siyang umaaksyon para tumulong. Ito na lamang ang paraan ni Rionne para siya ay makabawi sa mga krimeng nagawa ng kanyang pamilya sa mga Taga-Silangan.

Napatigil si Saraphine sa kinatatayuan nang maaninag niya ulit ang Kastilyo ng Hari.

Humanda kayo at malapit na ako.

Sa sobrang taimtim ng pag-iisip ni Saraphine, hindi niya namalayang may nag-aabang na sa kanyang isang binatilyo na kanina pa humahanap ng tyempo para sa baul. Nang mapansin niyang nakatulala ang dalagita, hindi na siya nagsayang ng panahon, agad niya itong hinablot at tumakbo papalayo.

"Hoy! Ang baul ko!" napasigaw si Saraphine sa lalaki. "Ibalik mo yan! Akin yan!"

Narinig siya ni Rionne at agad niyang hinabol ang magnanakaw. Dahil may kabilisan ang kanyang paa, naabutan niya agad ang binatilyo, nilundagan ito at sila ay nagbuno sa baul. Mas malakas ang pwersa ng Prinsipe kaya naagaw niya ang baul at ito ay humagis sa hindi kalayuan. Balak pa itong kuhanin ulit ng magnanakaw ngunit hinarangan siya ni Rionne na may nakatutok na espada sa kanyang leeg.

"Sige subukan mo lang!" babala niya sa binatilyo.

Natigilan ang magnanakaw, pagkatapos siya ay tumakbo papalayo. Hahabulin pa sana siya ni Rionne ngunit siya ay hinawakan ni Saraphine.

"Tama na, hayaan mo na siya."

"Nasaktan ka ba niya?" tanong ni Rionne sa kanya.

"Hindi, ayos lang ako," paninigurado ng dalagita.

Binuhat ni Rionne ang baul at inabot ito sa dalaga, "Mukhang mahalaga ang laman ng baul na to at may kabigatan."

Napangiti si Saraphine at nakahinga na ng maluwag.

"Maraming salamat, kung alam mo lang higit pa sa buhay ko ang mga laman ng baul na yan."

"Mag-iingat ka sa lugar na ito at maraming mga mandurukot," paalala ng Prinsipe, "ano nga palang ginagawa mo ng ganitong kaaga?"

"Naghahanap ako ng trabaho," wika ni Saraphine habang buhat ang kanyang baul.

"Gusto mo bang tulungan kita?" Alok ni Rionne. "Samahan na kita sa pupuntahan mo at bubuhatin ko na tong baul."

"Pasensya na pero sa Palasyo kasi ako pupunta, kaya ko na naman," sa panahon ngayon hindi na basta nagtitiwala si Saraphine, kahit nga ang kababata niyang si Aric ay nagawa siyang lokohin.

"Sigurado ka?"

Tumango si Saraphine, pagkatapos narinig nila ang kalembang ng mga kampana, nanganguhulugan na lumipas na naman ang isang oras.

"Kailangan ko ng umalis, paalam at salamat ulit..."

Tumaripas ng takbo si Saraphine patungo sa kanyang paroroonan.

"Sandali lang," saad ni Rionne ngunit hindi na siya narinig ng dalaga.

"Ano nga palang pangalan mo? Napabulong na lang ang binatilyo sa tanong na para kay Saraphine at siya ay napangiti. Hindi na niya nagawang magpakilala sa dalaga, batid niyang ang akala nito ay karaniwang mamamayan lang siya.

-Kastilyo ng Hari-

Kasalukuyang nagkakakulangan ngayon sa mga babaeng kasambahay sa Palasyo ni Haring Rucaz. Ang karamihan sa mga dati nilang trabahador ay bigla na lamang lumalayas ng walang paalam dahil sa takot. Hindi na nila matiis ang mga panghihipo at pambabastos ni Prinsipe Rigo. Napag-usapan na ng Hari at Reyna na kailangan na nila ng mga bagong katulong kaya naman ngayon bukas ang Palasyo para sa lahat.

"Nakahanda na ba ang lahat?" tanong ni Reyna Helena sa kanyang pinagkakatiwalaang alalay na si Rhoda.

"Bukas na po ang Kastilyo para mga gustong mamasukan na kasambahay. Ako na po ang kikilatis sa kanila."

Maliit na tao si Rhoda, singkit ang kanyang mga mata gaya ng kanyang amo at maraming linya ang kunot niyang noo.

"Siguraduhin mo lang na pag mamimili ka na, huwag mong pipiliin yung mga bata at sariwa. Piliin mo yung mga may edad na." Ilang ulit na itong pinapaalala ni Helena sa kanya.

"Pwede na ba yung nasa tatlumpu o apatnapu?"

"Siguro pwede na yung," pinagmasdan ni Helena ang kanyang katiwala, "yung kasing tanda mo."

Natawa si Rhoda sa pagkaprangka ng Reyna. "Binibiro mo naman ako, Kamahalan, batang-bata pa naman ako at sariwa pa."

"Seryoso ako," pagbara ni Helena, "mukha ba kong nagbibiro?"

"Hindi po," natunaw ang ngiti sa mukha ni Rhoda at muling nagseryoso. "Sige, pipiliin ko po yung mga kasing tanda ko."

"Magaling, ikaw na ang bahala at magpapasarap pa ko," iniwan na ng Reyna ang kanyang katiwala.

***

Para makarating sa Palasyo ni Rucaz, dumaan muna si Saraphine sa tulay sa may ilog na nag-uugnay sa bayan. Ito ang tulay na nawasak nang pasabugin ni Haring Romando ang mga lulusob na Myongan at ang mga nahuling tribo din ang pinaayos niya nito sa pamamagitan ng pwersahang pagpapagawa.

Narating na sa wakas ni Saraphine ang Kastilyo at nakita na niya ito ng malapitan. Maraming itong pagkakaiba sa dati niyang tirahan: ang Palasyo ng Cenpyre. Kung iyon ay mas malaki, mas malawak at mas mataas, ito naman ay mas magarbo at mas makulay. Kumpara sa simpleng disenyo ng mga tore ng Cenpyre, ito ay parisukat at kahalintulad sa korte ng isang bahay na maraming mga palapag. Mayroong mga patusok na bubungan sa bawat palapag at iba-iba ang kulay ng mga ilaw na makikita sa bintana. Bughaw ang kulay ng bubong at pula naman ang dingding at pundasyon. Napansin rin niya na mababa at hindi kakapalan ang mga batong bakod na pader, taliwas sa mataas at makapal na batong nakapaligid sa Palasyo ng Imperyong Cenpyre. Base sa disenyo ng kastilyo, halatang mas pinagtuunan ng pansin at pagpapaganda rito kaysa sa pagpapalakas ng pwersa nito laban sa mga kaaway.

Sa bagay wala na namang magtatangkang lumusob dito dahil ang mga Myongan lang naman ang kalaban nila at matagal na silang wala.

Maraming nakasabay si Saraphine sa pagpasok sa Pangunahing Pinto, karamihan mga babae at malamang ay nais rin mamasukan sa Palasyo.

Sa paligid, nakabantay ang mga guwardiya ng Hari na nakasuot ng salakot. Dito mapapagkaiba ang mga Kawal sa mga pawang bantay. Malalaman lamang na Kawal ang tao sa Silangan kung sila ay nakasout ng mga bakal na armas at panangga gaya nga mga Cenpyero at kung hindi, mabababa lamang ang kanilang mga ranggo. Sa ganitong paraan tila naghalo na ang kultura ng Cenpyero at Silangan. Marami na rin ang nabago sa Palasyo. Dati ay halos katulad ito ng sa Cenpyre sapagkat ganito ito pinatayo ng Unang Hari ng Silangan na may lahing Cenpyero ngunit mula ng mapangasawa ni Rucaz si Helena, sinunod niya ang payo nitong gawing magara at makulay ang Palasyo gaya ng mga kabahayan sa Lupain ng Tzi at ang tulay lamang ang hindi nabago.

Inakyat nila ang malawak na hagdan patungo sa loob. Pagkapasok, agad na siniyasat ni Saraphine ang looban. Makulay ang mga dingding at haligi, ngunit hindi masyado mataas ang kisameng sinasabitan ng mga makukulay na parol bilang ilawan, taliwas sa may kataasang kisame ng Palasyong Cenpyre na mayroong mga ginintuang aranya bilang ilawan. Iba rin ang mga kagamitan. Kung sa dati niyang tirahan karamihan sa mga kagamitan ay yari sa bato, ginto, pilak at bakal, dito naman may mga kagamitang yari sa mga kahoy at kawayan gaya ng kanilang mga silya, lamesa at bintana.

***

Walang malay si Saraphine na kanina pa nakabuntot sa kanya ng palihim si Rionne at pinagmamasdan niya ang dalaga.

Isang katiwala ang sumalubong sa mga panauhin, "ano pong sadya sa pagbisita?"

"Kami ay mamamasukan bilang kasambahay," saad ng isa sa mga babae.

"Sumunod kayo," saad ng katiwala at pinangunahan sila nito papunta sa isang silid at inatasang pumila ng maayos. Sa loob, nakaupo na si Rhoda. Nagsimula na ang kanyang pagkilatis at tinatanong na niya ang bawat babaeng nakapila. Makalipas ang ilang pagkilatis, ang babaeng katabi na ni Saraphine ang lumapit.

"Pangalan?"

"Estrella po," pagpapakilala ng babae.

"Ilang taon?"

"Apatnapung lima," sagot ng babae.

"Ano ang kaya mong gawaing bahay?" nananatiling seryoso ang supladang pagmumukha ni Rhoda.

"Maglaba at maglinis."

"Pumunta ka dun sa kabilang silid at bibigay nila ang susuotin mo sa trabaho. Pagakatapos, aabutan ka rin ng basahan at timba, lampasuhin mo ang kabilang kwarto."

"Ibig sabihin tanggap na ko?" nais masiguro ng babae.

"Wala ng maraming tanong, bilis na," napataas ang boses ni Rhoda sa babae, na siya namang dahilan kung bakit agad na itong lumabas ng silid.

"Sunod!"

Oras na para si Saraphine naman ang humarap sa kanya.

"Ikaw ano ang ginagawa mo dito?" masungit na tanong ni Rhoda sa dalaga.

Unang tingin pa lang niya kay Saraphine kumunot na agad ang noo niya na para bang tinatanggihan na niya ito.

"Nais ko pong mamasukan sa bilang kasambahay dito," sabi ni Saraphine.

"Ilang taon ka na ba?"

"Labing siyam po," sagot niya.

"Umuwi ka na, hindi ikaw ang hinahanap. Masyado ka pang bata para sa hinahanap namin."

Hindi inaasahan ng dalagita na ito ang sagot na matatanggap niya mula sa katiwala. Kumpiyansa siyang madali lang tatanggapin ang dalagang kagaya niya.

"Pero nasa tamang edad na naman ako at marunong akong magtrabaho."

"Kung gusto mong magtrabaho maraming taberna dito, sila ang kulitin mo. Doon mapapakinabangan mo pa ang ganda mo."

Nayamot si Saraphine sa sinabi sa kanya ni Rhoda. "Hindi naman po ata patas ito. Sigurado ako kung makakausap ko lang ang Hari, kukunin niya ako. Pakiusap po, wala na po ako mapupuntahan, kailangang-kailangan ko po talaga ang trabahong ito."

"Abala ang mga Hari para pag-aksayahan ka ng oras, aalis ka na ba o ipapakaladkad kita sa mga guwardiya?"

Narinig ni Rionne ang pakiusap ng dalaga at ang ginagawang pagsusungit ni Rhoda kay Saraphine.

"Rhoda, hayaan mo siya. Hindi ba dapat bukas ang Kastilyo sa lahat ng nangangailangan?"

Namukhaan ni Saraphine ang binatilyo, natandaan niyang ito ang lalaking tumulong sa kanya kanina.

"Pero Kamahalan, mahigpit na bilin sa akin ni Reyna Helena na mga may edad lamang ang kukunin na katulong..."

"Ako na ang bahalang kumausap sa Reyna," banat sa kanya ni Rionne, "huwag mo ng alalahanin yun. Ngayon hahayaan mo na ba siyang makausap ang Hari?"

"Maaari na po, Prinsipe Rionne," wala ng nagawa si Rhoda.

Prinsipe?

Hindi rin ito inaasahan ni Saraphine.

***

Nagmadaling nagtungo si Rhoda sa Silid Liguan ni Reyna Helena kung saan natagpuan niyang nagpapasarap ang Reyna habang siya'y nagbababad sa kanyang paliguang batya na puno ng bula.

"Kamahalan, may problema po tayo!" hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa.

"Ano ba yun Rhoda, hindi mo ba nakikita na abala ako dito?" nairita si Helena sa pang-iistorbo sa kanya ng katiwala.

"Si Prinsipe Rionne kasi may pinapasok na magandang dalagita na nais mamasukan. Papunta na sila sa Hari."

"Ano?" Nandilat ang mga singkit na mata ni Helena sa gulat at siya'y tumayong nakahubad sa kanyang kinahihigaan.

***

Nahihiya si Saraphine kay Prinsipe Rionne habang sinasamahan siya nito, hindi niya alam kung paano niya ito kakausapin, napagpasyahan niyang simulan ito sa isang katanungan.

"Isa ka palang Prinsipe?"

"Hindi ka nagkakamali, Prinsipe Rionne ang Prinsipe ng mga anino."

Halatang may bahid ng pag-uuyam sa kanyang pagpapakilala.

"Bakit hindi mo sinabi sa akin kanina? Nakakahiya naman at tinanggihan ko pa kanina ang alok mong samahan ako sa Palasyo."

"Wala yun."

"Sa bagay nakakahiya naman din kung bubuhatin ng isang Prinsipe ang mga dala-dala ko."

"Hindi naman," natawa ang Prinsipe.

"Kaano-ano mo ang Hari?" muling nag-usisa ang dalagita.

"Kapatid ko siya," tugon ni Rionne, "kalahating kapatid."

"Pasensya na po, Kamahalan, pero napapaisip lang ako, anong ginagawa nyo sa labas ng Palasyo at kayo ay nakasuot pa ng gaya ng sa karaniwang tao."

Napaisip ang Prinsipe nang bahagya bago sagutin si Saraphine.

"Madalas ako sa labas, nabuburyo ako sa loob ng Kastilyo at sa totoo lang, mas gugustuhin ko pang maging karaniwang tao."

"Bakit naman po?"

"Mahabang kwento, sabihin na lang natin na hindi ko maituturing na pribilehiyo ang pagiging Prinsipe. Tutal ay nakilala mo na ako, baka naman pwede ko ng malaman ang pangalan mo?"

Kailangan ko ulit mag-iba ng pangalan, mahirap na at baka malaman nila ang kaugnayan ko kay Ate Pinang.

"Sara," minabuti ng paiklian niya ang kanyang pangalan.

Napangiti si Rionne sa kanya. Hindi nagtagal, narating na nila ang Pangunahing Bulwagan.

"Narito na tayo, sige pumasok ka na."

"Hindi nyo po ako sasamahan?"

"Magtiwala ka sa akin, mas nanaisin pa ng Hari na makita ang presensiya mo kaysa sa akin."

Kinausap ni Rionne ang mga nakabantay sa pintuan ng bulwagan.

"May nais kumausap sa Hari, papasukin nyo siya."

Binuksan nila ang pinto sa kanyang hudyat.

"Maiwan na muna kita, Sara."

Sinagot niya ng kanyang ngiti ang Prinsipe. Umalis na si Rionne at pumasok na si Saraphine sa loob nang malumanay at may pag-iingat.

Makikilala ko na rin ang Hari.

"Ah tapos ka na pala," saad ni Rucaz pagkabukas ng pinto, ang buong akala niya si Helena ang papasok. "Kanina pa kita-"

Nahumaling ang Hari at natigilan siya nang makita ang magandang dilag na naglalakad patungo sa kanya.

"Hinihintay..."

Tumigil si Saraphine sa paglalakad nang siya'y malapit na kay Rucaz.

"Kamahalan," yumuko siya sa presensiya ng Hari.

"Maraming salamat sa paggalang," halos hindi na maalis ni Rucaz ang tingin niya rito, "magandang dalagita, anong pangalan mo?"

"Ako po si Sara," pareho rin ang sinabi niyang pangalan sa Hari.

"Sara, napakagandang pangalan, angkop na angkop sa iyong kagandahan. Ikinagagalak ko ang iyong presensya, ano pala ang sadya mo at naparito ka sa harapan ng Hari?"

"Nabalitaan ko po na naghahanap kayo ng bagong kasambahay, nais ko po sanang mamasukan, kung ako po ay tatanggapin nyo."

"Ganoon ba? Bakit hindi ka kay Rhoda nagtungo, siya ang naatasan naming mamili ng mga kukunin na katulong dito sa Kastilyo."

"Nasubukan ko na po kanina, pero hindi niya po ako binigyan ng tsansa, ang sabi niya masyado pa daw po akong bata."

"Sinabi nya yun?" tanong ni Rucaz.

"Narinig ko po na yun ang bilin ng Reyna."

"Huwag mo ng intindihin yun, wala yun," biglang binawi ng Hari. "Ngayon magsalaysay ka tungkol sa buhay mo. Sabihin mo sa akin, may mga lahi ba ang magulang mo? Medyo naiiba kasi ang anyo mo sa mga babaeng Silangan."

"Ang Ama ko po ay Taga-Silangan at ang Ina ko naman po ay isang Cenpyera," nagsimula nang ibahin ni Saraphine ang mga detalye tungkol sa kanyang pagkatao.

"Kaya pala, halo ang lahi mo, sinong mapapaisip na maganda pala ang kombinasyon ng Cenpyre at Silangan? Nasaan na sila, alam ba nila na gusto mong mamasukan sa Palasyo ko?"

"Patay na po sila," sa pagkakataong ito, totoo ang sinabi niya, "namatay sila noong musmos pa ko."

"Ikinalulungkot ko yun," wika ng Hari.

"Naninirahan po ako sa tiyahin ko mula noon at ako'y inalipin niya mula pagkabata, pinilit niya kong mamasukan sa taberna kaya wala na kong nagawa kundi lumayas at humanap ng trabaho, kaya po ako naririto dahil desperado na ko. Pakiusap po, sana ay tanggapin nyo ko."

Tumangis si Saraphine at nagpanggap sa harap ng Hari para makuha ang simpatya nito, tumayo si Rucaz, hinawakan ang kanyang kamay sa awa at hinayaan naman niya ito. Gumagana na ang kanyang pagkukunwari, mahalaga na mapalapit siya sa kanyang mga kaaway.

"Huwag ka ng umiyak, anak. Hindi ka nababagay sa taberna, huwag kang mag-alala at bukas ang aking Palasyo sa mga kapus-palad, magtatrabaho ka na dito mula ngayon."

"Maraming salamat po, Mahal na Hari," mamula-mula pa ang kanyang pisngi sa pag-iyak."

"Tumahan ka na."

***

Pagkarating nila Helena at Rhoda sa bulwagan ay nadatnan nilang nakikipagtawanan Hari sa dalagita.

"Rucaz!" dumagundong ang tinig ng Reyna sa apat na sulok ng bulwagan.

"Nandyan ka na pala, Helena. Kanina pa kita hinihintay."

"Oo nga, mukhang nasayahan ka habang wala ako," inis na sagot ng Reyna. "Anong ibig sabihin nito? Sino siya?"

Hanggang ngayon abot tenga pa rin ang ngiti ng Hari.

"Siya nga pala si Sara, mula ngayon maninilbihan na siya dito sa atin."

"Magandang araw po, Reyna Helena," yumuko si Saraphine bilang paggalang.

Hindi siya sinagot ng Reyna. Tinitigan siya ni Helena mula ulo hanggang paa at napagtanto niya kung gaano kaganda, kakinis at kabata ang dalagita. Sa kanyang mapanlasong tingin, tila naaalala ni Saraphine ang kanyang Tiyang Uranna, kahit na singkit ang Reyna at nanlilisik ang tiyahin.

"Nagbibiro ka ba, Rucaz? Masyado pa siyang bata! Hindi ba may napagkasunduan na tayong edad sa mga mamamasukan dito? Mga matatanda lang ang ating tatanggapin."

"Hindi na ngayon," magiliw siyang tinutulan ni Rucaz.

"Ano ibig mong sabihin?"

"Rhoda!" pagtawag ng Hari.

"Kamahalan?" lumapit ang katiwala.

"May mga nakuha ka na ba sa nais mamasukan sa Kastilyo?"

"Mayroon na po akong ilang napili."

"Magaling, itigil mo na ang paghahanap ng mga kasambahay," direkta niyang inutos.

"At bakit?" pagtataka ni Helena.

"Dahil nandito na si Sara."

"Kulang pa po tayo sa mga tao, Kamahalan," sinubukang baguhin ni Rhoda ang pasya ng Hari. "Kakaunti pa lamang sila."

"Narinig mo, kakaunti pa lamang sila, Rucaz," sumang-ayon si Helena. "Sige nga bigyan mo ko ng magandang rason bakit kailangang ipatigil ang pagkuha nang dahil sa babaeng yan. Ano bang meron sa kanya?"

Malalaman mo rin.

"Buti natanong mo, sa pag-uusap namin ni Sara, napag-alaman kong marami siyang alam na gawaing buhay. Marunong siyang maglinis, magluto, maglaba, maghalaman at magpakain ng mga hayop. Hindi mo ba nakikita? Bibihira lang ang katulad niya. Makakatipid tayo sa mga palalamunin sa Palasyo at hindi na natin kailangan pa ng maraming katulong."

"Totoo po yun, Kamahalan, marami po akong alam," pagmamalaki ni Sara.

"Tumahimik ka," nanggagalaiting pagsaway ni Helena, "hindi ka ba marunong gumalang sa isang Reyna? Hindi ka magsasalita hanggang di ko pinahihintulutan!"

Kung alam mo lang, ako ang Prinsesa ng Imperyong Cenpyre, at mas mataas pa ang titulo ko sa'yo."

"Helena ano ka ba? Pakitunguhan mo naman ng maayos ang ating bagong tagapaglingkod."

"Pwede ba tayo makipag-usap ng tayo lang?"

Sumenyas ang Hari at hinatak ni Rhoda papalayo ang dalagita para makapag-usap ang mag-asawa.

"Ano tong ginagawa mo?" tanong ng Reyna. "Bakit mo siya tinanggap dito?"

"Nakakaawa siya, wala na siyang mapupuntahan."

"Hindi yun ang punto ko, paano pag nakita siya ni Rigo, paano kung sa pagtatangka niya makalusot ang dalagang ito at ibunyag niya ang ating mga sikreto! Maganda siya, bata! Imposibleng hindi niya mapukaw ang mata ng anak mo."

"Ako na ang bahala kay Rigo, siguro naman ay natutunan na niya ang leksyon niya at hindi na siya gagawa pa ng kalokohan, ako na ang bahalang magprotekta sa dalaga."

"Isa pa yan sa inaalala ko, paano kung mahumaling ka sa dalagang yan at ipagpalit mo ko? Paano kung gusto niya lang akitin ka kaya siya namasukan dito?"

"Huwag kang mag-aalala, ikaw lang ang Reyna ko at hindi ako magpapaakit sa kanya."

Hinaplos niya ang buhok ng Reyna at nadala niya ito sa kanyang matatamis na salita.

"Siguraduhin mo lang, dahil sa oras na makita kong magkatagpo ni isang daliri nyo, ako mismo ang kakaladkad sa kanya palabas ng Palasyo."

"Walang mangyayaring ganun, magtiwala ka sa akin. Hayaan na muna natin siyang patunayan ang kanyang sarili."

"Sige, ikaw ang bahala, pero sa oras na maging problema ang babaeng yan, wag mong kalimutan na pinaalalahanan kita."

Muling sumenyas ang Hari at nilapit ni Rhoda si Saraphine sa kanila.

"Magandang balita, Sara, sumang-ayon na ang aking Reyna na ikaw ay manilbihan dito sa amin."

"Talaga po?" Sumigla ang mukha ni Saraphine sa tuwa. "Maraming salamat po, hindi po kayo magsisisi na tinanggap niyo ko."

"Ang sabi mo marami kang alam na trabaho?"

"Opo."

"Tignan lang natin," may paghahamon sa tono ni Helena. "Tamang-tama, tambak na ang mga kasuotan kong marumi, labhan mo lahat, pagkatapos lampasuhin mo rin ang buong sala, tapos may alaga rin akong limampung ibon, pakainin mo silang lahat, at kailangan bago magtanghali tapos na lahat ng pinapagawa ko sa'yo."

"Ngayong tanghali po?"

"May problema ba? Di ba sabi mo kaya mong gawin lahat, dapat madali na lang yan sa'yo."

"Kaya niya yan," dagdag ni Rucaz, "hindi ba, Sara?"

"Sisiw lang po," papilit na sambit ni Saraphine.

"Magsimula ka na," saad ni Rhoda.

Inabot niya sa dalaga ang lahat ng damit ng Reyna. Gabundok ang dami ng kanyang mga kasuotan. Sinimulan na ni Saraphine ang paninilbihan sa Palasyo. Habang nilalabhan ang mga eleganteng kasuotan ni Helena, naramdaman na agad niya ang pagod.

Kung pwede lang sana, pupunitin ko na lahat ng damit ng bruhang Reyna.

Sa isang banda naisip niya na wala rin naman pinagkaiba ang gagawin niya kung nasa puder siya ni Uranna, kahit papapano dito ay may patutunguhan ang mga ginagawa niyang pagpapaalipin sa oras ma singilin na niya ang buong angkan ng Hari.

***

Matapos maglaba, nagulantang siya nang makita ang lawak ng salang kanyang lalampasuhin, wala pa sa kalahati nito ang bahay niya kina Uranna. Sinimulan na niya ang paglalampaso.

Tyempo namang pababa ng sala si Prinsipe Rigo na susuray-suray sa kalasingan, napalingon siya mula sa balkonahe at agad niyang napansin ang bagong katulong, napakusot sa mata ang Prinsipe bago niya titigan nang may pagnanasa si Saraphine.

"Ikaw," pagtawag ni Rigo habang bumababa ng hagdan.

Napalingon si Saraphine sa Prinsipe.

Sino naman kaya ito? Malamang kapamilya rin ng Hari.

"Bago ka dito?"

"Opo, Kamahalan."

Nais makita ni Rigo sa malapitan ang dalaga pero nais niya rin itong pahirapan kaya tinapon niya ang alak na iniinom sa may sahig.

"Katulong, natapon, linisin mo."

Alam ni Saraphine na sinadya niya itong gawin.

"Ano pang hinihintay mo? Hindi yan malilinis ng kusa!"

Pumwesto si Saraphine sa tapat ni Rigo, yumuko siya at pinunasan ang natapon na alak. Lingid sa kanyang kaalaman, sinusubukan na siyang silipan ng Prinsipe sa bandang dibdib habang siya ay nakayukong nagpupunas nga kanyang kalat.

Tinanggal ni Rigo ang tatlong butones ng kanyang kasuotan, nais naman niya makita ang mukha ng dalagita kaya nagbigay ulit siya ng utos.

"Ibutones mo nga tong suot ko."

Tumayo si Saraphine, inabot ang damit ng Prinsipe at nagkaroon ng pagkakataon si Rigo na pagmasdan ang mukha ng dalaga. Napangiti si Rigo sapagkat nakita niyang maganda si Saraphine.

"May ipag-uutos pa po ba kayo, Mahal na Prinsipe?" tanong ni Saraphine nang matapos niyang ayusin ang damit nito.

"Wala na," napaisip si Rigo kung paano pa niya sasamantalahin ang dalaga. "Punasan mo na lang siguro tong mga plorera."

Sinunod ni Saraphine ang utos niya at pinunasan ang plorera. Habang nakatalikod, pinagmamasdan ni Rigo ang kanyang katawan mula taas hanggang baba. Nang hindi na siya makapagpigil, sumunggab na siya sa likod ni Saraphine at naramdaman ng dalaga ang paghinga nito sa kanyang buhok.

"Kamahalan, ano pong ginagawa nyo?"

"Huwag kang maingay, di ba bago ka dito? Hayaan mong pasayahin kita."

Naramdaman ni Saraphine ang kamay ni Rigo sa kanyang hita, hinihipuan siya nito at unti-unti nang tumataas ang kanyang hipo mula hita patungo sa pwet.

"Pakiusap po, itigil nyo na," nagtitimpi na lamang si Saraphine sa kanya.

"Hindi, gusto mo to di ba?"

"Prinsipe Rigo," naantala ang lahat nang tawagin siya ng isa sa mga katiwala sa Palasyo.

"Ano yun? Di mo ba nakikita na may ginagawa ako?"

"Paumanhin po, Kamahalan, pero pinapatawag po kayo ng Hari sa lalong madaling panahon, may mahalaga po daw siyang sasabihin sa inyo."

Napabugtong-hininga si Rigo sa inis pero wala siyang nagawa kundi sumunod sa utos ng Ama.

"Maghintay ka lang," sambit niya kay Saraphine, "babalikan kita."

Napairap si Saraphine pagtalikod sa kanya ni Rigo. Alam na niya ngayon kung bakit mga matatanda lamang ang nais tanggapin sa Palasyo.

***

Dala-dala ang sako ng mga pagkain, nagtungo si Saraphine para pakainin ang mga ibon na alaga ng Reyna. Nakakulong sila sa higanteng hawla na may malawak na espasyo kaya sila ay malayang nakakalipad. Sa loob may mga puno at tangkay rin na madadapuan ang mga ibon at mayroon din silang mga pugaran na yari sa kwadradong kahoy. Hindi basta ibon ang alaga nila. Ito ay mga mamahaling loro na iba't-iba ang kulay. Mayroong pula, asul, dilaw, berde at iba pa. Pagkapasok ni Saraphine, ang mga ibon ay nagliparin papalayo sa itaas ng hawla.

"Huwag kayong matakot," maamong tugon ni Saraphine.

Sa ilang taon nilang pagpapakain sa mga ibon, alam na ng dalaga ang mga taglay nitong katangian. Batid niya na nagiging mailap ang mga ito kapag nagugulat sa kanilang mga kilos kaya naman dahan-dahan niyang ikinalat sa paligid ang mga pagkain. Unti-unting bumaba ang mga loro para kumain at hindi nagtagal lahat sila ay nagsibabaan na para tumuka.

Lumabas siya mula sa hawla at pinagmasdan niya ang mga ito habang sila ay kumakain, bumalik sa isipan niya ang mga panahong kasama pa niya si Pinang at masaya nilang pinapakain ang mga ibong maya malapit sa kanilang bahay. Sa sandaling panahon, nakalimutan ni Saraphine na naninilbihan siya sa Palasyo at hindi niya namalayan na paparating na si Reyna Helena mula sa kanyang likuran.

"Anong ginagawa mo at nakatunganga ka dito?" nakapamewang na tanong ng Reyna. "Napakain mo na ba silang lahat?"

"Tapos na po, Mahal na Reyna," pagmamalaki ng dalaga.

"Ang mga labada tapos na ba pati yung paglalampaso mo sa sala?"

"Tapos ko na rin po," sagot ni Saraphine sa parehong tono.

Namangha si Helena sa bilis nito at nahirapan siyang makaisip ng panibagong pambara. "Kahit na, hindi ka pa rin dapat tumunganga, marami pa akong iuutos sayo!"

Sinimulan na ng Reyna ang pagpapahirap kay Saraphine at buong araw siyang nagtrabaho hanggang sa sumapit na ang dilim.

***

Sinamahan siya ng ibang katiwala patungo sa kanyang silid, kung saan kasama niya sa isang kwarto ang mga kapwa niya kasambahay na mga babae, hindi ito nagustuhan ni Saraphine pero kailangan niyang magtiis alang-alang sa katuparan ng kanyang mga plano. Napahiga siya sa kanyang kama at kahit papapano naman ay komportable ito para sa kanya.

Bago matapos ang araw nakilala na sa wakas ni Saraphine ang pamilyang Royal. Dalawa ang maayos makitungo at dalawa naman ang hindi.

Naipamalas na ni Helena ang kanyang katarayan at nakita na rin niya ang pagkahambog ni Rigo, pero dapat din siyang mag-ingat kay Haring Rucaz at Prinsipe Rionne sapagkat masyado silang mabait. Hindi siya dapat magtiwala at kailangan niyang mag-ingat sa dalawang ito. Minsan kung sino pa ang mabait, sila ang may tinatagong kulo.

Ngayong nakapasok na siya sa buhay nila, matitikman na nila ang lupit ng paghihiganti ni Saraphine.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro