Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 7: Miya

Hindi magkamayaw sa pagkain ang kanilang bilanggo. Nilantakan ni Aric ang mga prutas na binigay sa kanya ni Miya. Pinagmamasdan siya ng dalagita habang ito ay namumualam sa dami ng pagkain sa kanyang bibig, tila hindi siya nakakain ng matagal na panahon para magutom ng ganito. Maaari ring dala ng pagod at panghihina ng katawan kaya siya bumabawi ng lakas sa pagkain.

Nalanggasan na niya ang sugat nito sa paa. Marami na rin sila napag-usapan sa sandaling panahon. Higit sa inaakala niya, mukhang madali naman niyang mauunawaan ang lengguahe ng binatilyo. Napag-usapan na nila ang tungkol sa sugat nito, si Puti, ang Buktot, ang kanyang Lolo Mortho at ang tungkol sa kanyang kulay at anyo. Nahalata ni Miya na parang naguguluhan si Aric at may nais itong sabihin tungkol sa kanyang pagkatao.

Siguro naguluhan rin siya kung bakit ako naiiba, sino ba namang hindi?

Sinabi rin ng binatilyo sa kanya na wala siyang masamang intensyon sa tribo ngunit tama ang kanyang Lolo Mortho, hindi siya dapat magtiwala kaagad.

"Ikaw malason sana kung ikaw di sabi totoo samin," tumigas ang tinig ng dalagita.

Natigilan ng bahagya sa pagkain si Aric sa sinabi ng dalagita.

"Alam ko namang hindi mo ko lalasunin dahil mukha ka namang mabait at kung ang lalason sa akin ay kasing ganda mo, mamamatay rin naman akong masaya dahil ikaw ang huling makikita ko."

Hindi mapigilan ni Miya na mapangiti ngunit agad niya itong kinubli.

Huwag kang ngumiti, Miya. Ano bang ginagawa mo?

"Maraming salamat, nagawa mo na lahat para sa akin, dahil binigyan mo ko ng makakain at ginamot mo ang sugat ko. Isa lang sana ang hihilingin ko sa'yo."

"Ano yun?"

"Hindi mo pa nasasabi sa akin ang pangalan mo," sinagot sa kanya ng binatilyo na may ngiti sa kanyang mukha.

"Miya," pinaalam na niya ang pangalan sa bihag.

Nilabas niya ang bota pinakita ito sa binatilyo, "ito, sa iyo ba?"

Kinuha ito ni Aric mula sa kanya at nakahinga ng maluwag ang bihag, "salamat, akala ko hindi ko na makikita to ulit. Nawala ko to nung hinabol ako ng halimaw."

"Ako alis na," ito na lamang ang sinabi ng dalaga, umiwas na siya kay Aric at tuluyan nang bumalik sa kanyang tolda.

***

Sumunod na araw, magkakasabay na kumain ng almusal sina Miya, Datu Mortho, Maahan at Marcio sa tolda ng dalagita. Unti-unti nang nanunumbalik ang lakas ng Datu ngunit kailangan pa ring gamutin ang kanyang sugat.

"Kamusta naman ang ating mga katribo," tanong ni Datu Mortho, "nahihiya na ako sa kanila dahil hindi ko sila masyado naaasikaso nitong mga nakaraan."

"Ama, ayos lang iyon, napinsala ka ng halimaw at sigurado ako nauunawaan ka nila," saad ni Maahan.

"Huwag nyo na po silang alalahanin, maayos ang lahat," paninigurado ni Marcio, "pwera nga lang sa isang bagay. Nauubusan na tayo ng rasyon."

Bahagyang nahiya si Miya sapagkat siya ay kasalukuyang naghahakot ng mga prutas sa kanyang buslo.

"Dahil hindi tayo masyado makalibot sa kagubatan para maghakot ng mga prutas at masyado ring malayo ang dalampasigan para tayo ay makahuli ng isda."

"Ganoon ba?" napaisip si Mortho. "Sa ngayon wala muna tayong magagawa kundi magtiis kung ano ang mayroon tayo ngayon, hindi naman ito magtatagal dahil buo na ang aking pasya. Panatiliin pa ring maingat ang lahat sa gubat habang hindi pa tayo nakakauwi sa dati nating tahanan."

"Pagsasabihan ko po sila," pangako ni Marcio.

"Miya," napansin ni Mortho ang ginagawa niyang paghahakot. "Ang dami naman ng hinahakot mong prutas, makakain mo ba ang lahat habang tinatahak natin ang daan patungong dalampasigan?"

"Hindi po sa akin ito, Lo," may bahid ng hiya sa tono ni Miya, "para po ito sa ating bihag."

"Binubusog mo ang ating bilanggo?" ipinagtaka ito ng Datu. "Bakit?"

"Mamamatay siya pag hindi natin siya binigyan ng pagkain at paano ko naman malalaman ang tunay na dahilan ng kanyang pagparito kung siya ay patay na? Hindi po ba ako ang pinagbilinan nyo para kilatisin siya?"

"Tama, apo," sumang-ayon ang kanyang Lolo, "kailangan natin ng buhay ang dayo nang sa ganoon ay malaman natin ang panganib na nagbabadya sa ating tribo kung sakaling siya nga ay tao ng Hari. Magandang ideya, sa'yo ko na rin iaatang ang pagpapakain sa kanya."

"Salamat po sa pagtitiwala, Lo."

Patapos na sa pagkain ang Datu nang may maalala ito.

"May sasabihin pa pala ako, kanina nauna na rito ang isa sa mga Tribong Leon, ngayon daw nakatakdang bumalik si Datu Leyro."

Hindi nagustuhan ni Miya ang balitang ito. Ayaw niyang makita ang presensiya ng mayabang na Datu.

"Huwang kang mangamba, apo, pagkarating niya didiretsuhin ko na siya. Oras na para tapusin ang mga bagay na naantala, at isa na roon ang pakikipag-ugnayan natin sa kanilang Tribo."

***

Ilang saglit lang, muling nagtungo si Miya sa dulo para dalhan ng makakain si Aric. Napansin niyang nakahilata pa sa damuhan ang binatilyo. Nilagay niya ang buslo malapit sa kanyang kulungan na nagpagising sa binatilyo.

"Kumain ikaw," seryosong tugon ni Miya.

"Salamat at dinalhan mo ko ulit ng makakain."

Bumangon si Aric. Nahalata ng dalagita na pinagpapawisan ng matindi ang binatilyo, matamlay ang mga mata nito at namumutla ang kutis.

"Ka-musta, pakiramdam?"

"Ayos lang ako?" sambit ng bilanggo.

"Ikaw di mukhang ayos," sabi ni Miya, namataan niya ang malaking pantal sa kanyang braso na may madilaw na nana at namamaga.

"Ano sa braso mo?"

"Ito wala ito, kagat lang ito ng gagamba, malayo sa bituka," pagmamalaki ni Aric.

"Ikaw, mag-ingat, marami may lason dito gagamba," paalala ni Miya, "ito."

Kinuha ni Aric ang hawak nitong dahon ng bayabas at pinatong ito sa kanyang kagat, "huwag kang mag-alala, sinabi kong ayos lang ako. Kapag ba sinabi kong maysakit ako, papakawalan nyo na ba ako?"

Unti-unti nang nakakaramdam ng habag ang dalagita sa kanilang bilanggo. Hindi umimik si Miya at napapaisip.

Mukhang hindi na maganda ang lagay niya, maaari siyang mamatay pag hindi ito naagapan. Ano bang gagawin ko? Hindi ko naman siya maaaring pakawalan na lang basta. Nakasalalay dito ang kaligtasan ng aming tribo pero ibig sabihin ba nito na hahayaan ko na lang rin siyang mabulok dito?

"Ano bang kailangan kong gawin para pakawalan nyo ko. Magpanggap na lang kaya akong patay nang sa ganoon ay mailabas nyo ko. Maaari mo kong tulungan, hindi kita ipapahamak at walang makakaalam. Batid kong hindi mo rin gustong ikulong ako rito."

Hindi makapaniwala si Miya sa narinig, sa isang iglap naglaho ang nararamdaman niyang awa at ito ay napalitan ng pagdududa.

"Kami walang tiwala, ikaw dayo," pinanindigan ni Miya. "Ikaw sabi akin ulit, ikaw hindi kain, Ikaw sumubok takas dito, ikaw patunay samin hindi ikaw aming pagkatiwalaan."

Nilisan ni Miya na may pagkainis ang kulungan, hindi niya nagustuhan ang sinabi ni Aric.

"Sandali lang, nagbibiro lang naman ako," wala ng nagawa si Aric at hindi na siya binalikan ng dalaga.

***

Pagkabalik ni Miya, nakaabang na sa kanya ang kaibigang si Myoris na may pang-asar na ngiti sa kanyang mukha.

"Kamusta naman ang masigasig kong kaibigan at ang kanyang inaalagaan?"

"Sanay naman na si Puti dito sa atin."

"Hindi si Puti, alam mo kung sino ang tinutukoy ko."

"Huwag mo na siyang mababanggit sa akin," may pagkayamot na sabi ni Miya.

"Bakit anong nangyari?"

"Dinalhan ko ulit siya ng pagkain kanina. Naaawa na ko sa kanya kaso nahuli ko siya sa kanyang bibig, wala siyang iniisip kundi ang makaalis dito, sinabi pa niya sa akin ang balak niya para makatakas dito."

"Natural, ikaw ba naman ang ikulong habang ikaw ay naghihina, hindi mo ba gugustuhing makalabas?"

"Akala ko mapapagkatiwalaan siya, nagkamali pala ako. Tama si Lolo, kinakailangan mag-ingat tayo sa taong iyan, hindi natin alam kung may iba pa siyang binabalak sa ating tribo."

Hindi pa natatapos ang pag-uusap ng mgakaibigan nang marinig nilang paparating si Datu Leyro at ang ilan sa tribong leon. Malalaman mong nariyan na sila sapagkat tinitiyak ng Datu na alam ng lahat ang kanilang pagdating. Madalas silang mag-usap ng malakas at gumawa ng ingay upang makuha ang pansin ng lahat.

"At naririto pa ang isang hindi dapat natin pagkatiwalaaan."

"Miya," bumati si Leyro nang makita ang dalaga, "nabalitaan kong marami ng nangyari dito habang wala kami. Marami kayong dinanas na unos."

"Ang lahat ng iyon ay nalagpasan namin kahit wala kayo," may pagmamalaking sagot ng dalaga.

"Higit akong nagulat nang malaman kong nangahas kang kalabanin ang halimaw, hindi ko alam na may angking tapang pala ang aking magiging kabiyak, pero huwag ka ng mag-abala, ngayong naririto na kami, ako na ang bahala sa Bulot."

"Tignan lang natin kung uubra ka sa kanya. Hinihintay ka na ni Lolo sa loob, may sasabihin siyang mahalaga sa iyo."

"Nagpaplano na siguro sa ating kasal, hindi ko na dapat siyang paghintayin."

"Hindi ako magsasalita ng tapos kung ako ikaw," babala sa kanya ni Miya.

Nagtungo na si Leyro patungo sa tolda ni Datu Mortho.

"Ang gunggong, ni hindi nga niya maitama ang pagsabi ng Buktot."

***

Pumasok si Leyro sa tolda nang may ngiti na abot sa tenga.

"Mahal na Datu, nabalitaan ko ang nangyari sa inyo, kamusta na ang iyong lagay?"

"Maayos-ayos naman na," sagot ng Datu, "pagaling na ang aking mga sugat."

"Mabuti naman."

"Datu Leyro, hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, may nais akong ipaalam sa'yo."

"Tungkol ba ito sa kasundaan?"

"Tama ka."

"Magpaplano na ba tayo sa nalalapit naming kasal ni Miya?"

"Ipagpaumanhin mo sana ang sasabihin ko, malaki na ang naitulong ng iyong tribo sa amin at tinatanaw namin itong malaking utang na loob, pero napagpasyahan ko ng baliin ang kasunduan ng pag-iisang dibdib mo sa aking apo."

Natunaw ang ngiti sa mukha ni Datu Leyro. "Ano? Nagbibiro ba kayo, Mahal na Datu?"

Hindi siya sinagot nito at nanatiling seryoso si Datu Mortho. Napagtanto ni Leyro na totoo nga ang sinabi niya.

"Bakit?"

"Dahil napagtanto kong hindi pa handa ang aking apo na magpakasal, hindi siya sigurado sa iyo at ayoko namang pilitan siya kung ayaw niya. Hindi ko siya papatulunin sa isang banging walang kasiguraduhan. Kilala ko ang aking apo at magaling siyang humusga ng karakter ng isang tao, kung sinabi niyang hindi ka niya mahal, panghahawakan ko ang salita niya. Ako ay humihingi ng paumanhin."

Sasabog nang parang bulkan si Leyro ngunit pinigilan na lang niya ang sarili at nagtimpi.

"Naintindihan ko po, Mahal na Datu. Ramdam ko rin naman na hindi ako gusto ni Miya. Wala na akong magagawa doon. Kung ano man ang desisyon nyo, ginagalang ko."

"Maraming salamat."

Nag-isip ng maidadahilan si Leyro para siya ay makalabas na ng tolda.

"Ngayon lalabas na muna ako at tutulungan ang mga katribo nyo na maghakot para makalipat na kayo sa espasyong pinahanda ko."

"Isa pa yun, Datu Leyro, huwag na," muli siyang tinanggihan ng Datu. "Napagdesisyonan ko na rin na kami ay babalik na rin malapit sa dalampasigan tutal ay mukhang hindi na rin naman magkakaroon ng malakas na lindol. Mas magiging ligtas kami roon."

"Sigurado kayo?"

"Oo naman, masyado nang malaki ang utang na loob namin sa inyo, ayaw na naming dagdagan pa."

"Kayo ang bahala, pero hayaan nyong tulungan namin kayo pabalik sa dalampasigan."

Sa pagkakataong ito, pumayag na ang Datu na tumulong sa kanila si Leyro.

***

Makaraan ang ilang minuto, nagbigay na ng mahalagang anunsyo ang Datu para sa lahat.

"Masipaghanda kayo, hakutin na ninyo ang lahat ng mga mahahalagang gamit, maya-maya uuwi na tayo sa dati nating tahanan sa may dalampasigan."

"Masusunod po, Mahal na Datu," sagot ng karamihan.

"Hindi na naman siguro tayo mararating ng Buktot doon, pero kung sakali man na maka-engkwentro natin ang halimaw, alam nyo na ba ang gagawin nyo?"

"Nakahanda na po kami," ipinakita ng mga tauhan ang isang higanteng lambat na ginawa nila para sa halimaw. Yari ito sa pinagtaping baging, lana at sutla.

"Siguraduhin nyong pag nabitag na natin siya, sa galugod at espina ninyo aatakihin ang halimaw, dahil naroroon ang kahinaan nito."

Narinig ito ni Leyro, "paano nyo nalaman ang kahinaan niya."

"Dahil kay Miya," sagot ni Mortho.

"Doon ko siya bahagyang nasugatan at nakita kong nasaktan siya," nilahad ng dalagita.

"Magsi-ayos na ang lahat at walang maghihiwalay. Ayaw kong may maiwan sa atin."

"Datu Mortho paano po ang dayo?" tanong ng isa sa mga bantay sa kulungan.

"Dayo?" pagtataka ni Leyro.

"Nawala sa isip ko ang ating bilanggo."

"Anong ibig sabihin niya, anong dayo?" pag-usisa ni Leyro.

"Nakalimutan kong ipaalam sa'yo, may isang taong labas na nakarating dito sa Kasaganaan, kasalukuyan siyang nakapiit sa may dulo."

"Ano?" Lalong ikinagulat ni Leyro ang sinabi ni Mortho. "Kinulong nyo lang, bakit hindi nyo pa pinatay?"

"Dahil ulit kay Miya, kinumbinsi niya ako na kilatisin muna ang tao at maging patas sa aking hatol. Nakuha ko naman ang punto niya."

"May problema ba, Datu Leyro?" Pang-asar na tanong ni Miya.

"Malaki, magdadala lang ng panganib sa ating lahat ang taong ito. Kung sa amin, hindi na namin ito pinatagal at pinaslang na namin siya. Ipaubaya nyo na ito sa amin. Kami na ang bahalang magligpit sa kanya."

"Hindi," tumutol si Miya, "nakapagpasya na si Lolo, walang gagalaw sa tao habang siya ay aming bihag."

"Nananatili ang pasya ko," agad siyang sinang-ayunan ng kanyang Lolo. "Isasama natin ang dayo sa dalampasigan at doon natin siya ibibilanggo. Ang mahalaga ay makaalis na tayo agad dito bago pa matunton ng Buktot ang lugar na ito."

"Bahala kayo kung ano ang gusto nyo," may pagkainis na sagot ni Leyro, "basta binalaan ko na kayo."

Pagkaalis ng Datu, sumunggab si Leyro mula sa likod ni Miya at may ibinulong.

"Mukhang makakawala ka muna sa akin ng pansamantala ngayon, Miya pero ito sinasabi ko sa'yo, darating ang araw na kakailanganin mo ako at ikaw mismo ang babalik sa akin."

"Sisiguraduhin ko munang marami akong pagpipilian bago ko iyon gawin," matapang na ginanti sa kanya ni Miya.

Nagsimula ang lahat sa pagliligpit ng mga tolda at paghahakot ng mga gamit at pagkain.  Nagpanggap na nagmamalasakit si Leyro at tinulungan nila ang iba. Matapos ang kaunting pagtulong, nagmasid ang Datu sa Tribong Myongan, batid niya na abala na ang lahat sa paghahakot kaya pasimple siyang sumenyas sa kanyang mga kasama. Isang ideya ang pumasok sa kanyang makitid na utak.

"Samahan nyo ko at mangangaso tayo."

***

Maraming napaslang na usa at baboy-ramo sina Datu Leyro at ang kanyang mga kasama. Pagkatapos mangaso, hiniwa nila ang katawan ng mga huli. Kinuha ang mga karne at lamang loob. Pinaghihiwalay ang mga iba't-ibang parte at kinalat ang mga ito mula sa kalayuan ng kagubatan hanggang sa kampo ng Tribong Myongan.

"Yan, tignan na lang natin kung hindi pa magpakita ang Buklot dito sa ginawa natin."

"Buktot po, Mahal na Datu," pagtatama ng isa niyang kasama.

"Hayaan mo na," sagot ni Leyro.

"Sa dami ba naman ng mga sariwang karne sa ating huli tiyak maya-maya lang susulpot na rito ang halimaw."

"Magandang ideya ito, Datu Leyro, bakit kaya hindi ito naisip ni Datu Mortho, hindi ba gusto nilang hulihin ang Buktot?"

"Malamang natatakot siya na baka madamay ang buong tribo kapag narating ng Buktol ang tinutuluyan nila, mag-isip ka nga, may laman ba talaga yang utak mo?"

"Ipagpatawad nyo po Mahal na Datu."

"Sa oras na marating ng halimaw ang kanilang lugar, doon ako kikilos, papatayin ko ang halimaw at itituring nila akong bayani. Mababaon sa utang na loob si Datu Mortho at wala na siyang magagawa kundi ipakasal ako kay Miya. Mangyayari ang lahat ayon sa plano ko at wala ng makakapigil sa akin."

"Sigurado po ba kayo na kaya nyong patayin ang halimaw? Ang sabi nila napakalakas daw nito at naubos ang sampung tauhan ni Datu Mortho at ang hirap pa puntiryahin ang kahinaan niya."

"Ano ba ang akala nyo sa akin, mahina? Ako na ang bahala at tsaka huwag kayo maniwala sa sabi-sabi nila sa galugod ang kahinaan ng halimaw. Para mas lalo silang humanga sa akin, ibabaon ko ang sibat sa kanyang ulo, habang ako ay nakaharap at nakatingin sa kanyang mga mata. Ganoon ko papatayin ang Buktong."

"Buktot," sabaw nilang tinama si Leyro.

***

Patapos na sa pagliligpit ng kanilang mga tolda at paghahakot ng mga gamit ang buong tribo, nakahanda na ang lahat para lumisan, ngunit hindi nila inaasahan na mayroong bubulabog sa tahimik at mapayapang bahaging ito ng kagubatan. Sa isang iglap, naramdaman ng lahat ang pagyanig na tila nanggaling sa pagyabag ng malalaking hakbang ng mga paa, umaalog ang buong paligid at makikita ito sa mga nagagagalawang mga bato sa damuhan.

Nangamba si Miya, Datu Mortho at ang iba pang mga katribo habang si Datu Leyro naman ay pasimpleng napapangiti.

Hindi kalayuan, naramdaman rin ni Aric ang pagyanig sa kanyang kulungan, para bang ang bawat tunog ay tumatagos sa kanyang puso at kalamnan. Iniwan siya ng mga bantay upang siyasatin ang nakakagimbal na ugong.

Lahat sila ay hindi maiwasang bumilis ang pagkabog ng kanilang puso sa narinig. Nagsimulang mataranta ang buong tribo lalo na ang mga kababaihan. Si Myoris ay nangangatog na yumakap sa kanyang ina.

"Huminahon kayo," bulong ni Datu Mortho, "nakahanda tayo, huwag kayong matakot."

Nang mga sandaling iyon, bumingi sa lahat ang matinis na ungol na umalingawngaw sa buong kagubatan at nagpalipad sa mga ibon na naroroon. Mula sa halamanan, sumulpot ang Buktot na may dugo sa kanyang bibig. Gumana ang plano ni Leyro na palapitin ang halimaw sa mga iniwan nilang mga karne. Nagpakawala ang halimaw nang mas nakapangingilabot na ingay. Sa nakita nitong dami ng taong mabibiktima, hindi na ito nagsayang ng oras at ang lahat ay napahiyaw habang tumatakbo palayo.

Sama-samang nagtulungan ang mga kalalakihan, hiniwa nila ng kanilang palakol ang mga lubid na nakatali sa mga puno at bumagsak ang malaking lambat sa halimaw. Nagtagumpay sila at nabitag nila ito. Itutusok na nila ang mga kawitan sa apat na sulok ng damuhan ngunit hindi pa nagtatagal ay nagpumiglas ang Buktot. Sa lakas ng kanyang pwersa at talas ng kanyang pangil, kuko at kaliskis, madali niyang nasira ang bitag at siya ay nakawala sa kanyang pagkakahuli. Nagpatuloy ang halimaw patungo sa Tribo.

"Lusob!" atas ni Datu Mortho sa kanyang mga tao at sila ay tumakbo patungo sa rumaragasang halimaw, dala-dala ang kanilang mga sibat ang tanglaw.

Papasugod na ang matandang Datu patungo sa Buktot nang siya'y hatakin ni Marcio at ang iba pang kalalakihan.

"Bitawan nyo ko, bitawan nyo ko! Papatayin ko ang halimaw!"

"Hindi maaari, Ama," pagtutol ni Maahan, "masyado pang sariwa ang iyong mga sugat."

Pinaligiran ng mga kalalakahin ang Buktot sa bawat direksyon, sinusubukan itong saksakin ngunit hindi umuubra sa kapal ng kanyang balat ang kanilang mga armas.

"Tusukin nyo sa galugod!" sigaw ni Mortho.

Nagpasya ang lahat na sundin ang utos ng kanilang Datu at nagsimula silang kuyugin ang likod nito pero matalino ang halimaw para sa kanila. Ginamit nito ang kakayahan niyang ala-hunyango at siya ay naglaho sa kawalan.

"Nasaan na siya?" pagtataka ng mga kalalakihan.

Habang abala ang lahat sa paghahanap, muling nagpakita ang halimaw, tinaas niya ang kanyang patusok na buntot at hinambalos ang kalalakihan, humagis silang sugatan sa talas ng kanyang mga kaliskis. Sunod niyang hinampas ng kanyang mga kuko ang iba pa. Hinablot niya ang isa mga lalaki at hinati niya ito sa dalawa gamit ang kanyang matatalas na pangil. Sa ginawa nito, nangilabot na ang iba at nawalan ng lakas na labanan ang Buktot.

"Lumaban kayo!" Namamalat na ang Datu sa pag-udyok.

Nangangatog ang lahat at nabitawan na nila ang kanilang mga armas. Nakita ni Leyro na ito na ang pagkakataon para sila ay magpakitang gilas sa lahat.

"Tara!"

Tinahak nila ang daan papunta sa halimaw, dala-dala ang kanilang mga sibat.

"Lumapit ka sa akin, halimaw!"

Nauna si Leyro sa halimaw na buo ang kumpiyansang mapapatay niya ang Buktot. Pinuntirya ni Leyro ang katawan ng halimaw, sinubukan niyang itusok ang kanyang sibat sa dibdib nito pero sa kanyang pagkabigla mas matigas pa sa bato ang balat ng Buktot. Nanlisik ang nag-iisang mata ng halimaw at humambalos kay Leyro at sa mga tauhan niya ang matalas nitong buntot na naghagis sa kanila sa kalayuan. Tumama sila sa kapunuan at nawalan ng malay sa pinsalang tinamo.

Nahalata ng Buktot na wala ng nangangahas sa kanya at pinagtuunan nito ng pansin ang mga kakabaihan at mga batang natataranta sa pagtakbo. Muling umungol ang halimaw kasabay ng paghabol sa kanyang biktima. Sa hindi kalayuan, namataan ni Miya ang isa sa mga sibat na nakakalat sa damuhan.

Ito na ang pagkakataon ko.

Hinablot niya ang sibat at sinamantala ang pagkakataon habang nakatalikod ang Buktot at abala sa mga tao. Pasimpleng tumakbo si Miya, kumapit sa isa sa mga baging at umugoy patungo sa likuran ng halimaw. Narating niya ang lugar ng kanyang kahinaan. Hindi na nag-atubili pa si Miya at tinarak niya ang sibat sa galugod ng halimaw. Napatili ang Buktot sa pamimilipit ngunit hindi ito basta nagpatinag, nanggalaiti ang mabagsik niyang mata nang makita si Miya. Niyugyog niya nang buong lakas ang kanyang katawan at nahihilong bumagsak ang dalagita sa damuhan.

Napuruhan niya ang Buktot ngunit hindi ito sapat para mapatay ito sapagkat hindi pa niya naibaon masyado ang sibat. Lumusob ang halimaw para tapusin ang dalagitang nakasugat sa kanya. Nanlaki ang mga mata ni Miya sa pangingilabot nang namataan niya ang papalapit na halimaw, para bang kamatayan na ang lumalapit sa kanya.

"Miya!" sigaw ni Maahan sa anak.

Umiwas si Miya at pinikit ang kanyang mga mata, nakahanda ng tanggapin ang kanyang katapusan, ngunit sa isang iglap, bigla na lamang lumitaw ang kanilang bihag na si Aric. Hinarangan niya ang dalagita sa pag-atake ng halimaw at ito ay ikinagulat hindi lamang ni Miya kundi ng lahat ng naroroon.

Sinubukang kagatin ng halimaw ang binatilyo. Ginamit ni Aric ang kanyang espada bilang panangga sa bunganga ng halimaw. Sinipa niya ang nguso ng halimaw at siya ay nakawala sa kanya. Hinabol ng Buktot ang binatang nanghihina at naabutan siya nito, hindi nagawa ni Aric na iwasan ang tira ng halimaw. Kinalmot siya nito sa katawan gaya ng ginawa niya kay Datu Mortho.

Nasaktan si Aric ngunit hindi niya ininda ang sakit. Desidido pa rin siyang makatulong sa paglupig sa Buktot. Habang papalusob, naaninag ng binatilyo na nakadikit pa sa galugod ng halimaw ang sibat na tinusok ni Miya. Bago pa man siya makagawa ng anumang hakbang, umungol ang halimaw, papalapit na sa kanya ang malaking bungangang lalamon sa kanya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro