Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 7: Covel

-Lupain ng Gremon:
Labing-Apat Na Taon Ang Nakaraan-

Bago pa maging kuta ng kapatiran ang malaking abandonadong bahay sa Lupain ng Gremon, tumira dito ang isang pamilya na nabibilang sa mayamang angkan ng lahing Erroiah. Noong panahong iyon, napakaganda ng nasabing bahay, taliwas sa anyo nito ngayon. Kung ngayon puno na ito ng agiw at alikabok, dati-rati ito ay napakalinis at puno ng buhay. Kung ngayon ito ay nahihimlay na sa dilim, dati-rati ito ay nagliliwanag sa mga lampara at ilawan. Ngayon kasing tahimik na ito ng libingan, dati maririnig ang halakhak ng mga bata. Sa gitna ng malaking dingding, nakatayo na rin doon ang estante ng libro na ngayon ay ginagamit na lamang na daanan ng Kapatiran, ngunit noon puno ng mga aklat at ito ay napapakinabangan. Higit sa lahat, naroroon pa ang haligi ng tahanan at ang kanyang dalawang anak.

Kasalukuyang nagbabasa ng aklat ang panganay na anak habang ang bunso naman ay naglalaro gamit ang espadang kahoy. Lumabas ang kanilang Ama na nakasuot pang-alis at napansin niya ang mga anak.

"Anak ano yang hawak mo?" tanong niya sa bunsong anak.

"Espada po, Ama, pinahiram sakin ni Kuya," pagmamalaking kinwento ng batang babaeng nasa pitong taong gulang. Masigla ang kanyang mga mata at matingkad ang kanyang buhok.

"Namilit siya na pahiram ko sa kanya tong dati kong laruan ko," sagot ng panganay na nasa labindalawang taong gulang. "Hindi ko na nalalaro mula nung nahilig ako magbasa."

"Akin na muna," mahinahon na utos ng Ama at ibinigay ito sa kanyang ng anak. Pinagmasdan niya ang kahoy na espada, malayo ang talas nito sa totoong espada ngunit kaya ring makasakit pag di ginamit ng tama.

"Hindi ito nilalaro ng mga batang babae, para sa mga lalaki ang espada."

"Ito po ang gusto ko laruin, Ama," sagot ng batang babae.

Napangiti na lang siya sa sagot ng anak, "Dapat ang nilalaro mo ay mga manika. Gusto mo ba bilhan kita ng mga bago?"

"Sige po," napilitang sumang-ayon ang bata kahit na mas gusto nito ang espadang kahoy.

"Paano aalis na muna ako," pagpapaalam ng lalaki, "ikaw na muna bahala sa kapatid mo habang wala ako."

"Saan po kayo pupunta?" pag-usisa ng batang lalaki na abala pa rin sa pagbabasa ng mga libro.

"Tutulong ako sa mga kapus-palad nating kababayan, sa mga Itmai at Puttlan."

"Pero Ama, di ba po masasama ang mga Itmai at Puttlan sabi ng Mataas na Panginoon, sila ang nanggugulo dito sa Kanluran," paliwanag ng batang lalaki.

"Anak, hindi sila masasama."

Nagkalingunan ang dalawang magkapatid na may pagdududa sa kanilang mga mukha.

"Maniwala kayo sa akin, sino ba ang mas kilala nyo, ako o ang Mataas na Panginoon?"

"Kayo po syempre, Ama," tugon ng kanyang bunso.

"Ibig sabihin nagsisinungaling ang Mataas na Panginoon at siya ang tunay na masama kahit na marami siyang tagasunod? Paano po nangyari yun?" naguguluhan na tanong ng kanyang panganay.

"Hindi porket maraming tagasunod ang isang tao ay marangal na siya. Tandaan nyo, nakakasama man ang apoy sa kandila, marami pa rin itong naaakit at nabubulag na gamu-gamo."

"Bakit nyo po tutulungan ang mga Itmai at Puttlan?"

"Dahil tao rin sila na gaya natin at ito ang tama," katwiran ng kanilang Ama.

"Pero Ama sabi ng Mataas na Panginoon na ipapapatay niya rin ang mga tumutulong sa mga Itmai at Puttlan, hindi po ba kayo natatakot mamatay?" hindi maubusan ng tanong ang batang lalaki.

"Anak, sinasabi ko sa inyo, hindi dapat katakutan ang kamatayan basta nasa tama ang inyong pinaglalaban."

"Ama, kami po takot, ayaw ka po namin mawala," saad ng batang babae. "Marami pa po kayong gagawin, maglalaro pa po tayo, tapos kakain tapos pupunta sa iba't-ibang lugar kasama namin."

"Mukhang marami pa mga," natatawa siyang sinang-ayunan ng Ama, "kung sakali mang dumating ang araw na mawala ako kailangan nyo itong tanggapin sapagkat buong puso ko itong tatanggapin, kung iyon ang itinadhana, nangangahulugan lamang ito na tapos na at nagawa ko na ang lahat ng kailangan kong gawin sa mundo. Palagi nyo itong isa-puso, Donello, Gavy."

***

Parehong ginunita ng magkapatid ang mga panahon namumuhay pa sila ng tahimik at mapayapa kasama Amang si Darwyn. Si Donello sa kanyang bilangguan at si Gavielle naman sa sulok na kanyang pinagtataguan.

-Lupain ng Gremon-

Pumutok ang balita tungkol sa magaganap na malaking palabas sa Plaza Gremo at ito ang laman ng mga usapan at tsismisan sa bayan. Hati ang pananaw ng mga Kanluranin sa magaganap na paghatol. Marami ang namumuhi kay Donello sa ginawa niyang pagtuligsa sa pamamahala ni Lodell, lalo na ang mga bulag na tagasuporta ni Lodell. Sa kanila, isang kalapastangan at katangahan ang gulong sinimulan ni Donello sa kanyang mga mapanirang mga panulat. Sa mga tao namang nakabasa ng kanyang mga akda, siya ay isang bayani na buong tapang na isiniwalat ang pang-aapi at pag-aalipustang nangyayari sa Kontinente. Marami na ang naabot ng kanyang sulat kaya naman dumami na rin ang mga sumusuporta sa kanya, pero dahil sa lakas ng pwersa ni Lodell, wala silang magawa kundi ang manahimik, kung hindi maaari silang matulad sa sinapit at sasapitin ng kahabag-habag na binata.

-Kanlungan ng Kanluran-

Ika-walo ng umaga, nagising si Toro na ramdam pa rin ng kirot sa mga pasang inabot niya sa away nila Covel kahapon. Kumuha siya piraso ng yelo, binalot ito sa isang tela at idinampi sa kanyang pisngi.

Pagkarating niya sa mesa, naroroon na si Bilbel.

"Magandang araw, Toro," pagbati ni Bilbel na abala sa pagkain ng mga niluto ni Buto.

"Gandang araw," sagot ni Toro, napatingin siya sa pagkain at napansin nyang pareho na naman ang niluto ni Buto.

"Wala ka na bang ibang maihain sa amin kundi tong mga hita ng manok?"

"Kaya nga ako nakilala sa tawag na 'Buto' kasi yan lagi niluluto ko dati sa taberna at ako rin taga-kolekta ng mga buto nila," pagyayabang sa kanya ni Buto.

"Bahala na nga," hindi interesado si Toro sa mga kwento ng kasamahan. "Nasaan nga pala ang Pinuno?"

"Kanina pa sila madaling araw umalis kasama sina Prinsipe Covel, Ancho at Jualem," namumualam na sambit ni Bilbel.

"Ngayon ang balak nilang pagtakas dun sa manunulat, di mo ba natandaan?" tanong ni Ronis habang tumatagay ng kanyang paboritong alak.

"Alam ko, hindi ko lang akalain na talagang itutuloy ito ni Pinunong Haurre."

"Bakit naman? Wala naman ako nakikitang masama dun?" sagot ni Buto.

"Wala ba?" Binalik sa kanya ni Toro ang tanong. "Unang tingin ko pa lang sablay na ang plano, si Covel ang gagawa ng misyon na wala namang kaalam-alam at kasama pa niya ang bait-baitang si Ancho at ang di makabasag na si Jualem. Mainam pa kung sa amin na lang nila Nolan at Kamlon niya pinagkatiwala ang pagtakas."

"Oo nga kaya naman namin yun," pagmamalaki ni Nolan habang kumakain.

"Panigurado kung tayo yun, tapos na ang misyon at pauwi na tayo ngayon kasama si Donello," dagdag pa ni Kamlon.

"Pustahan tayo hindi nila maisasagawa ang pagtakas," kumpiyansang ipinagpalagay ni Toro.

"Sige nga pupusta rin ako," sagot ni Ronis, "mapapagtagumpayan nila ito."

"Ilapag mo na ang pusta mo sige," paghahamon ni Toro.

"Limampung Kanluran," banat ni Ronis, "bigay mo sakin pag nanalo ako at bigay ko naman sa'yo pag natalo ako."

"Walang problema," saad ni Toro.

Naantala ang kanilang pag-uusap nang marinig nila ang hilik ni Itoi sa kanyang tolda habang natutulog.

"May isang bagay lang ako na ikinamangha kahapon," saad ni Ronis.

"Ano naman yun?" tanong ni Toro.

"Ngayon ko lang nalaman na isang batang musmos lang pala ang makakapagpalambot sa pusong bato ng tigasing si Toro."

Matawa-tawa si Nolan, Kamlon at pati na rin sina Buto at Bilbel sa biro ni Ronis.

"Magtigil ka, baka gusto mong basagin ko sa bungo mo yang hawak mo," tinuro ni Toro ang bote ng alak na hawak ni Ronis.

-Ilog ng Gremon-

Nagtungo sina Covel, Pinunong Haurre, Ancho at Jualem malapit sa ilog kung saan naroroon ang isa sa labasan ng kanilang sikretong daluyan.

Pinahiran ni Jualem ng koloreteng kakulay ng kanyang kutis ang mga pasa ni Covel nang sa ganoon ay hindi mahalata ng iba na siya ay galing sa isang away.

Tinipon na sila ng Pinuno para ibigay ang kanyang utos.

"Dito na muna ako mag-aabang sa inyo, magtungo na kayo sa Plaza Gremo at isagawa nyo na ang plano, kitain nyo ko mamaya dito pag kasama nyo na si Donello."

"Sige po, Pinuno," sagot ni Ancho.

"Malinaw na ba sa inyo ang plano?" tanong ni Haurre.

"Opo, Pinuno," sagot ni Covel, "huwag kayong mag-aalala, pinapangako ko na dadalhin namin sa inyo ng ligtas ang anak ng kaibigan nyo."

Nakangiting tinapik ni Haurre sa braso ang Prinsipe, tiwala siya na mapapagtagumpayan nila ang misyon.

"Pinuno, malinaw na po ang plano pero tanong ko lang po," pahabol ni Jualem, "paano kami makakakuha ng mga kasuotan ng mga Tagapuksa?"

"Sa daan papunta sa Plaza Gremo, mayroong isang maliit na tindahan ng serbesa, makikita nyo dun ang hinahanap nyo."

-Lupain ng Gremon-

Mula nang siya'y tugisin ng pwersa ni Jiaruz, ilang araw nang nagpapagala-gala sa lansangan ng Gremon si Gavielle, ilang beses na siyang hinabol ng mga Tagapuksa ngunit lagi niya itong naiisahan. Naghahanap na lamang siya ng mapapagtaguan sa mga sulok ng mga kabahayan at establishamento. Karaniwan siya ay natutulog sa papag ng madilim na eskinita, minsan sa tabi ng mga bariles, dingding at basurahan kung saan hindi siya basta makikita ng mga umuusig sa kanya. Para mabuhay, natuto siyang mangupit. Nasubukan na niyang dumukot ng mga prutas sa palengke at minsan naman mga tinapay sa panaderya. Dahil hindi na siya nakapagpalit ng damit at nakakapaglinis ng katawan, dumungis na siya at hindi na rin maganda ang amoy niya sa kanyang sarili.

Kinaumagahan, sa araw na babago ng kanyang buhay, naghanap siya ng pagkakataon para mapunan ang kumakalam niyang sikmura, nag-abang siya sa panaderya na parang isang pusang huhuli ng daga. Naiwang nakabukas ang panaderya sapagkat nakikipagkwentuhan ang nagtitinda sa isang kapitbahay. Dahan-dahang pumasok si Gavielle sa loob at pumuslit siya ng ilang pirasong tinapay, papapaalis na sana siya dala ang mga ninakaw nang marinig niya ang usapan ng dalawa.

"Alam mo ba magkakaroon ng palabas ngayon sa Plaza Gremo?" saad ng babaeng kapitbahay

"Bakit?" usisa ng tindera.

"Ang bali-balita ngayon na sesentensyahan ng Mataas na Panginoon ang nahuli nilang kriminal, yung sumusulat ng mga kasiraan sa kanya."

"Sigurado kamatayan na ang hatol sa ulupong na yun, ang lakas ng loob niyang siraan ang Mahal na Panginoon!"

Natigilan si Gavielle sa narinig, sigurado siyang ang Kuya Donello niya ang tinutukoy nila. Namuo ang kaba at pangamba sa kanyang kalooban nang malaman ang maaari nitong sapitin sa kamay ni Lodell.

"Hoy! Anong ginagawa mo sa mga tinapay!" Natauhan lamang si Gavielle nang malaman niyang nahalata na siya ng tindera. "Ikaw siguro yung kumuha ng mga tinapay nung isang araw? Magnanakaw ka!"

Tumakbo si Gavielle na parang isang mailap na hayop, dala-dala ang mga tinapay.

"Tulong! May magnanakaw dito!" sigaw ng babae.

Narinig siya ng dalawang Tagapuksa na nag-iinuman sa di kalayuan. Namataan nila si Gavielle at namukhaan nila ito.

"Siya yun!" saad ng Tagapuksa, "ang dalagang kapatid ni Donello!"

"Habulin natin!" suhestyon ng isa.

"Hoy tigil!"

Lalong napamadali sa pagtakbo si Gavielle nang marinig ang dalawang tauhan ni Jiaruz. Tumakbo siya kung saan siya dalhin ng kanyang mga paa at nagpasikot-sikot sa mga eskinita upang mailigaw sila. Namataan niya ang isang maliit na kahoy na pinagtagpi-tagpi at nababalutan ng mga basahang tela malapit sa mga gamit na bariles ng alak at nagtago siya sa tabi nito.

Nang lumagpas ang dalawa sa kanyang direksyon, inakala niya ligtas na siya ngunit siya ay nagulantang sa presensya ng isang lalaking pulubi na nakakita sa kanya. Madungis din ang kanyang anyo at may kahabaan ang kulot niyang buhok.

"Anong ginagawa mo dito sa teritoryo ko?" tanong ng lalaki.

"Maawa ka sakin, hinahabol nila ako, pakiusap huwag mo kong isumbong! Kailangan kong makapunta sa Plaza Gremo."

Bago pa siya masagot ng pulubi, binagtas ng dalawang Tagapuksa ang kinaroroonan ng nagmamakaawang dalaga ngunit hindi siya napansin ng mga ito.

"Ikaw pulubi!" pagtawag nila.

"Ako?" tanong ng pulubi. "Bibigyan nyo ba ko ulit ng barya pag pinabili nyo ko ng alak?"

"Hindi! May hinahanap kaming babae! Matangkad, matingkad ang buhok, baka napadaan dito!"

"Wala po ako nakikitang babaeng dumaan dito sa Palasyo ko," pinagtakpan siya ng pulubi.

"Palasyo?" Humalakhak ang dalawa, "Wala ka ngang tirahan, sige nga saan ang bahay mo?"

"Dito, doon, dyan," ilang beses nagturo ang pulubi, "lahat ng lansangan na nakikita nyo dito bahay ko."

"Tumahimik ka! Kung talagang wala ang babae dyan pasilipin mo kami!"

Siniyasat ng dalawa ang loob ng barong-barong niyang kahoy ngunit pagtingin nila doon wala na si Gavielle.

"Wala nga," pagkumpirma ng Tagapuksa.

"Sabi ko naman sa inyo, lolokohin ko ba kayo, e utusan nyo nga ako," napangiti ang pulubi at nasilayan nila ang kanyang bungi-bunging ngipin.

"Sige na, aalis na kami, babalik kami mamaya at kailangan nakahanda na ang serbesa namin!"

"Ako pa ba, areglado yan mga ginoo!"

"At huwag kang pakalat-kalat," paalala ng Tagapuksa, "pasalamat ka hindi pa pinadadakip ni Panginoong Lodell ang mga hampaslupang gaya mo!"

Pagkaalis nila hinanap ng pulubi si Gavielle at nakita niya itong nagtatago sa sulok sa likuran ng mga bariles.

"Wala na sila," paninigurado niya sa dalaga, "umalis ka na bago pa sila bumalik."

"Maraming salamat," nakahinga ng maluwag si Gavielle, "utang ko sa'yo ang buhay ko."

"Wala yun, ako nga pala si Tukmul."

"Gavielle," nagpakilala rin siya kay Tukmul. "Alam mo ba kung saan ang daan patungo sa Plaza Gremo?"

"Malapit ka na, diretso ka lang," saad ni Tukmul.

"Maraming salamat ulit."

-Kampo ng Kamatayan-

Si Jiaruz ang naatasang mamahala sa gaganaping martsa patungo sa Plaza Gremo.

"Nakahanda na ba ang lahat sa martsa?" tanong niya sa mga tauhan.

"Ayos na po," dinala ng mga guwardiya si Donello na mahigpit ang pagkakagapos ng kadena sa mga braso niyang wala ng kamay. "Ito na po ang bilanggo."

Tinignan ni Jiaruz ang bihag mula ulo haggang paa.

"Siguro naman alam mo na ang kahahantungan mo mamaya, na baka bago lumubog ang araw, wala ka na rin sa mundong ito, ano kaya ang nararamdaman mo ngayon? Napapaisip ako, kinakabahan ka na ba? Sasabog na ba ang daga sa dibdib mo?"

Wala siyang narinig na sagot kay Donello na nananahimik lamang sa kanyang kinaroroonan.

"May balita ako na kahit papaano ay makakapagpagaan ng kalooban mo bago mo lisanin ang mundo, hindi pa nahahanap ng mga tauhan ko ang kapatid mo. Magaling siyang magtago, pero huwag kang mag-alala, mahahanap ko rin siya at pagbabayarin ko rin siya sa pambabastos niya sa isang Komandanteng gaya ko."

Sa ikalawang pagkakataon, hindi pa rin niya pinansin ang Komandante. Ngayon lamang nakita ni Jiaruz ang putol na kamay ng bilanggo.

"Tsaka nga pala, pasensya na sa ginawa sa'yo ng kaibigan ko, minsan talaga ay malakas ang tama niya sa ulo, hindi ko naman balak na putulan ka ng kamay, pero ano nga ba magagawa ko nandyan na yan."

Tumingin lamang nang may pagkamuhi si Donello. Napaisip tuloy si Jiaruz kung kasama ba ng naputol niyang kamay ang kanyang dila dahil hindi na siya nagsasalita.

-Gremon-

Sinunod ng tatlo ang panuto ni Haurre at nadaanan nga nila ang maliit na tindahan ng serbesa. Nakita nila ang dalawang Tagapuksa na humabol kanina kay Gavielle, sila ay walang mga malay na nakahandusay katabi ang mga bote ng serbesang kanilang ininom. Nakahubad ang dalawa at nakakalat ang kanilang mga kasuotan.

Ito ang sinasabi sa amin ni Pinuno.

Sinamantala ito ni Covel at Jualem at nagbihis sila upang sila ay mapagkamalan na mga tauhan ni Lodell.

"Magtungo na kayo sa Kampo, ihahahanda ko na rin ang mga gagamitin natin sa pagtakas," saad ni Ancho.

"Magkita na lang tayo sa martsa," paalala ni Covel, "siguraduhin mong makikita ka namin kaagad."

Humiwalay na si Ancho kina Covel at Jualem at sila ay tumungo sa Kampo.

-Kampo ng Kamatayan-

Pagdating nila sa kampo, natagpuan nilang nakapormasyon na ang lahat ng mga Tagalinis at Tagapuksa. Bahagyang kinakabahan si Covel sapagkat ngayon lamang siya nakapunta sa teritoryo ng mga kalaban ngunit handa silang gawin ang lahat para hindi sila mapaghinalaan.

"Kayong dalawa," napansin sila ng isang Komandante, "kayo na lang ang kulang, kayo ang hahawak sa bilanggo sa martsa."

"Opo," sagot ni Covel at Jualem na nakayuko, hindi napansin ng Komandante na iba sila sa dalawang Tagapuksa dahil halos pareho ang laki at pangangatawan nila.

Nasilayan nila ang bilanggo na nakagapos. Agad nila itong nilapitan at hinawakan nang mahigpit sa magkabilang direksyon. Si Covel sa kanan at si Jualem sa kaliwa.

Nagsimula na ang martsa at walang malay si Donello na si Covel at Jualem na ang dalawang may hawak sa kanya. Sila ang nasa unahan ng martsa at sa likod nila nakapwesto ang malaking pwersa ng mga Tagapuksa.

Tunay ngang ihinanda ang Gremon para sa araw na ito, ang buong bayan ay markado ng simbolo ni Lodell. Sa bawat kabahayan nakasabit ang bandera ng pulang tumanggong, maging ang mga taong nakasilip sa bintana ng kanilang mga bahay ay winawagayway ang bandera. Nasa daanan pa lamang sila ay pansin na nila Covel at Jualem na napakarami na agad ng mga taong nagkukumpulan upang manood, para bang isang masayang parada ang kanilang pinagmamasdan. Karamihan sa kanila ay mga loyalista ni Lodell, halata naman sa mga hawak nilang mga watawat.

Mga taong bulag sa katotohanan.

Sa una maayos ang martsa. Makalipas ang ilang saglit, palihim nilang niluwagan ang pagkakakalag ng kadena sa kanyang braso na naramdaman ni Donello.

"Huwag kang mag-alala," bulong ni Covel sa bilanggo, "naririto kami para sagipin ka."

Napatingin si Donello sa may hawak sa kanya at napagtanto niyang hindi siya isang Tagapuksa, at hindi rin niya ito kalahi, "Hindi ka Kanluranin, sino ka?"

"Siya si Prinsipe Covel, anak ni Emperador Costan," pabulong na nilahad ni Jualem.

Namangha si Donello sa nalaman, "ikaw ang Tagapagmana ng Imperyong Cenpyre?"

"Ako nga, pero tsaka na natin pag-usapan yan, makinig ka mabuti, itatakas ka namin, huwag kang magpapahalata."

"Anong ibig nyong sabihin?" pagtataka ni Donello.

"Mga Kapatiran kami at nais ni Pinunong Haurre na iligtas ka at maging kasapi namin."

"Kasapi? Kamahalan, sang-ayon ako sa pinaglalaban ng Kapatiran, iisa ang ating adhikain ngunit iba ang pamamaraan natin at hindi ako maaaring umanib sa inyo."

"Ano?" tanong ni Covel.

"Hindi ako gumagamit ng dahas sa pakikipaglaban, lumalaban ako sa paraang alam ko, sa mapayapang pamamaraan. Ilang dugo pa ba ang dadanak sa giyera nyong ito laban sa Mataas na Panginoon? Nakakaawa na ang bayan."

"Mas marami pa ang mamamatay kung walang gagawin ang kapatiran," sagot ni Jualem.

Napaisip ni Covel na hindi niya basta-basta mapipilit si Donello.

Tapat siya sa kanyang pinaninindigan, mahihirapan akong mahikayat siya, pero dapat ko pa ring subukan.

"Wala ng oras para pagtalunan natin ang ating mga prinsipyo, ang mahalaga kumikilos na ako para bawiin ang trono ng aking Ama at isa-ayos ang Buong Lupain. Nais kong masaksihan mo ang bagong mundong aking pamumunuan. Hindi ba yun naman ang nais mo kaya isiniwalat mo sa iyong mga sulat ang kanilang kabuktutan."

Tila tumalab kay Donello ang panghihikayat ni Covel gaya ng inaasahan niya.

"Magagalak ako pag nasilayan ko ang araw na yun Kamahalan, kung gusto mo talaga akong tulungan, hahayaan ko kayo. Kunin nyo ang nasa bulsa ko."

Napagtanto nilang hindi makukuha ni Donello ang sulat sapagkat putol na ang kanyang kamay.

"Pinutulan ka nila ng kamay, napakasama nila."

Palihim na kinuha ni Jualem ang sulat mula sa bulsa at inabot ito kay Covel.

"Nawawala ang kapatid kong si Gavielle, kung sakaling ito na ang katapusan ko, pangako nyong hahanapin nyo siya at ibigay sa kanya ang munti kong paalam. Siguraduhin nyong ligtas siya," Naluluhang hiniling ni Donello sa kanila.

"Pinapangako namin," saad ni Covel, "ngunit huwag mong sabihin yan dahil magkikita pa kayo. Maghanda ka, ilang sandali na lang at itatakas ka na namin."

"Paano nyo ito gagawin, napakaraming bantay sa likod natin?"

"Kami na ang bahala, basta huwag lang tayo magpahalata."

Nadaanan nila ang isang establishemento na may maluwag na espasyo at eskinita sa may pagitan. Sa karamihan ng tao, namataan nila ang isang lalaking nagtutulak ng isang malaking kariton, ito ay si Ancho. Senyales na ito na ang panahon para sila ay kumilos.

Nangusap sa senyas ang mga mata nila Covel at Jualem at sa isang iglap, tumakbo sila papalayo sa martsa hatak-hatak ang bilanggo at lumundag sa kariton ni Ancho, matulin na itinakbo ni Ancho ang kariton patungo sa may eskinita kahit na marami ang nakaharang na tao, sila ay naglayuan sa takot na baka sila ay mabangga at matagumpay silang nakadaan sa sulok.

Ikinagulat ni Jiaruz at nang iba pang naroroon ang mga kaganapan.

"Habulin sila!" utos niya.

Nagambala ang martsa at hinabol ng mga Tagapuksa ang tinakas na bilanggo.

"Huwag hayaang makatakas! Hulihin sila!"

Binilisan pa lalo ni Ancho ang pagtakas sa kariton. Nasa likod lamang nila ang mga humahabol sa kanila. Nang makita ni Donello ang dami ng pwersang humahabol, napaisip siya kung tama pa ba ang ginagawa nila.

"Anong ginawa nyo, bakit nyo pa ko tinatakas?"

"Dahil utos ito ni Pinunong Haurre," sagot ni Covel. "At ipinangako namin sa kanya na ililigtas ka namin."

"Iilan lang kayo at marami ang tauhan ni Lodell, mapapahamak kayo. Hindi nila kayo tatantanan hanggang hindi nila ako nababawi."

"Papatayin ka nila, Donello," paalala ni Jualem, "hindi ka ba natatakot?"

May naalala si Donello sa tanong ni Jualem, ang mga salita ng kanyang ama na siya namang kasagutan sa parehong katanungan.

"Hindi dapat katakutan ang kamatayan basta nasa tama ang iyong pinaglalaban. Kung sakali mang dumating ang araw na mawala ako kailangan nyo itong tanggapin sapagkat buong puso ko itong tatanggapin, kung iyon ang itinadhana, nangangahulugan lamang ito na tapos na at nagawa ko na ang lahat ng kailangan kong gawin sa mundo."

Napagtanto ni Donello na nagawa na niya ang kanyang misyon. Naibahagi na niya ang lahat ng kanyang mga sulat sa mga kababayan. Alam niyang kahit papaano ay may namulat sa kanyang mga akda. Nagawa na niya ang parte niya sa labang ito.

"Maganda ang layunin nyo sa bayan, hinahangad ko ang pagtatagumpay ng Kapatiran. Patawarin nyo ko at maunawaan sana ni Pinunong Haurre ang gagawin ko,"

Walang alinlangang tumalon si Donello paalis ng kariton sa pagkagulat nila Covel, Jualem at Ancho.

"Donello!" sigaw ni Covel.

"Tumakas na kayo!" Sigaw ni Donello habang siya ay hinahatak ng mga Tagapuksa.

"Balikan natin siya!" utos ni Covel.

"Hindi maaari, Kamahalan," saad ni Ancho.

"Nangako tayo kay Pinuno na itatakas natin siya!"

"Pag bumalik tayo doon, mapapahamak na tayo at lalo natin di magagawa ang misyon pag tayo ay napatay nila!"

"Hahanap na lang tayo ng ibang paraan!" suhestyon ni Jualem.

Hindi na pinag-aksayahan ng mga Tagapuksa ng panahon na habulin ang mga nagtangkang magtakas kay Donello sapagkat nakuha na nila ang bihag.

***

Nagbigay ng ulat kay Jiaruz ang mga nakahuli sa bilanggo.

"Natagpuan namin ang bihag, sinubukan siyang itakas ng mga lalaking nagpanggap na isa sa atin, ngunit tumalon ang bihag at nagpahuli sa amin."

Mula nang mangyari ito, si Jiaruz na mismo at ang kapwa niya Komandante ang naghatid kay Donello.

"Sabihin mo sa akin kung sino ang mga lalaking nangahas na magtakas sa'yo?" tanong ni Jiaruz.

"Kahit hindi nyo man ako patayin ngayon, hindi ko pa rin sila ipagkakanulo sa inyo," sa pagkakataong ito, matapang sumagot si Donello sa kanya.

-Plaza Gremo-

Narating nila ang Plaza Gremo ngunit bahagya silang nahuli dahil sa nangyaring aberya. Ang Plaza Gremo ang pinakamalaking Plaza sa Kontinente ng Kanluran. Malawak ang espasyo nito na maaaring pasyalan ng sinuman at marami ring nagtataasang mga puno sa apat na sulok, nakatayo rin sa bawat banda ang mga estatwang kawangis ni Lodell. Sa Sentro ng Plaza, ipinatayo ang isang entabladong gaya ng sa komedya at dulaan. Ito naman talaga ang dahilan kung bakit nagkaroon ng Plaza, Dati-rati ito ay ganapan ng mga kasiyahan ngunit ngayon ito ay ginagamit na ng Mataas na Panginoon sa kanyang mga masasamang gawain. Nakasabit ang isang malaking kurtina sa entablado na may simbolo ng Pulang Tumanggong. Nakaabang na roon si Lodell sa kanyang eleganteng upuan at pati na rin ang Mataas na Komandante niyang si Wharen. Sa dami ng taong naroroon, halos di na sila mababagsakan ng karayom. Paghahatol ang magaganap ngayon ngunit ito ay tila isang pista para sa mga Kanluranin tuwing sila ay nakakapanood ng mga pinapaslang na kriminal.

Umabot sa sukdulan ang hiyawan at pagkutya ng mga tao nang makita nila si Donello, ang iba sa kanila nais siyang kuyugin, sugurin at ang iba naman ay nagtangkang batuhin siya ng mga maliliit na piraso ng kahoy. Sumingit si Gavielle sa kanila at sa hindi kalayuan naman, nakipagsiksikan na rin sina Covel, Jualem at Ancho na nagpalit na ng kanilang mga kasuotan.

"Napakaraming tao at nasa harap na siya ng Mataas na Panginoon, paano pa natin siya maililigtas ngayon?" tanong ni Jualem.

Hanggang ngayon ay dismayado pa rin si Covel sa mga takbo ng pangyayari, habang tumatagal, mas lumiliit na ang tsansa nilang mailigtas si Donello.

Umupo si Jiaruz sa tabi ni Lodell at may binulong siya dito na kanyang ikinagulat, pagkatapos ay sumenyas naman siya kay Wharen.

Tumayo si Wharen bilang tagapagsalita ng Mataas na Panginoon, "Mga mahal naming nasasakupan, alam namin na gigil na gigil at inip na inip na kayong maparusahan ang taong nanira at lumaspatangan sa ating Mahal na Panginoon, ngunit hindi magsisimula ang palabas hanggang hindi kayo nananahimik."

Inilabas ni Wharen ang kanyang latigo at nanahimik ang mga tao.

"Bago natin simulan ang paghatol, bakit hindi muna tayo magpalamig," natawa si Wharen, "aanunsyo ko lang na mamaya magkakaroon tayo ng palaro para sa lahat, at ang mananalo ay makakatanggap nito...ang kamay ng traydor!"

Ipinakita ni Wharen sa madla ang kamay ni Donello na siyang ginawang isang tropeyo, nagsitawanan ang lahat ng Tagapuksa maliban lamang kay Jiaruz, na naiirita sa pagpapakitang gilas nito. Maging si Lodell ay naaasiwa sa presensiya ng kamay kahit na siya ang may utos na magpasugal para dito.

"Ito ang kamay na sumulat ng kabuktutan laban sa ating Panginoong Lodell! Marami pa kaming gagawing ganitong tropeyo pag hindi nagsitigil sa paninira ang mga walanghiya!

Naluha si Gavielle nang mapagtantong kamay ng kanyang Kuya Donello ang pinagkakatuwaan nila. Napapailing din si Covel sa nasaksihan.

Anong klaseng mga tao ba sila? Nakakasuka!

"Ngayon naman oras na para malaman natin ang hatol ng ating Mataas na Panginoon, ano ba ang kaparusahang nararapat sa kanya?" direktang tanong ni Wharen kay Lodell.

"Kamatayan!" sigaw ng isa sa madla.

"Patayin siya!" sunod na sinabi ng karamihan.

Tumayo si Lodell na may otoridad, "Mga mahal kong nasasakupan, napatunayan na ang taong ito ay nagkasala laban sa akin at pati na rin sa buong Kanluran. Nagsulat siya ng mga mapanirang pahayag na umalipusta sa aking malinis at marangal na pagkatao! Binastos niya ako, binaboy niya ang imahe ng inyong Mataas na Panginoon! Kung ano-anong mga kabulaanan ang pinagsasasabi at ipinaratang tungkol sa akin, nakasaad ang lahat ng ito sa kanyang panulat na ako mismo ang nakabasa! Malinaw na kinakampihan niya ang mga Itmai at Puttlan na siyang mga anay na sumisira sa ating bayan at siyang mga lahi na nais nating burahin sa mundo upang tayo ay magkaroon ng kapayapaan. Napag-alaman ko rin na kanina lamang ay tinangka siyang itakas ng mga lalaking hinihinalang mga miyembro ng Kapatiran! Malinaw rin na kasabwat siya ng mga ekstremista at ng mga rebelde at malamang ay nagbabalak sila ng isang pag-atake para pabagsakin tayo!"

"Patong-patong na ang kanyang mga pagkakasala! Napatunayan na isa siyang taksil sa ating bayan at isa siya sa Kapatiran ni Haurre! Mga kababayan, iisa lamang ang hatol na ipapataw ko sa kanya! Siya ay may sala at siya ay nararapat na mamatay! Sinesentensyahan ko siya ng Kamatayan!"

"Tama! Patayin!" sumang-ayon ang madla.

"Tadtarin siya ng pana!" may panggagalaiting ipinag-utos ni Lodell.

Naghiyawan sa tuwa ang mga tao. Natigilan si Covel at ang iba pa nang malaman ang hatol sa kanya.

"Hindi! Hindi!" hiyaw ni Gavielle. "Kuya!"

Napalingon si Covel sa paligid at pumukaw sa pansin niya ang isang dalagang madungis na tumatangis sa hindi kalayuan. Naalala niya ang sinabi sa kanya ni Donello tungkol sa kapatid nitong nawalala.

Siya siguro ang kapatid niya.

Ipinwesto si Donello sa gitna at nagsipaghanda ang mga Tagapuksa na pinamumunuan ni Wharen.

"May nais ka bang sabihin sa akin bago kita ipadala sa impyerno?" tanong ni Lodell kay Donello.

"Kung papatayin nyo ko, patayin nyo ko nang may dangal, nais kong nakaharap ako sa mga papaslang sa akin para makita ko sila ng mata sa mata at malaman nyong hindi ako natatakot sa inyo."

Tinignan siya nang matalim ni Donello, walang makikitang bakas ng takot sa kanyang mukha. Tanging pandidiri lamang sa Mataas na Panginoon.

"Alam ko na ang gusto mo," napangisi si Lodell, "ayaw mong makita ng mga tao ang mukha mo habang ikaw ay pinapatay. Ayaw mong makita nila ang takot. Puwes, hindi kita mapapagbigyan. Mamamatay ka ng walang dangal."

Bumalik sa kanyang trono si Lodell at ipinaubaya na niya kay Wharen ang pagpaslang sa traydor.

"Ihanda!" nagbigay ng unang panuto si Wharen.

Balak nang puntahan ni Gavielle ang kapatid ngunit may humatak sa kanyang isang lalaki, si Covel.

"Ikaw ang kapatid ni Donello?" Tanong niya.

Napalingon sa kanya ang lumuluhang dalaga at bahagyang natigilan, napapaisip kung sino ang dayuhang ito.

"Sumama ka sa amin," saad ni Covel.

"Hindi ko siya iiwan!" paninindigan ni Gavielle. "Lubayan nyo ko!"

"Makinig ka mabuti, wala na tayong magagawa."

Tila natauhan si Gavielle sa sinabi ni Covel. Muling tumulo ang mapapait na luha sa mga mata ng dalaga.

"Itapat!" sabay-sabay na tinapat ng isang dosenang Tagapuksa ang kanilang mga pana sa likuran ni Donello.

"Itira!" magaspang pa sa bato ang paos na tinig ni Wharen at pinakawalan na nila ang mga tirang tatapos sa buhay ng isang bayaning itinuring na traydor.

Nang mga sandaling iyon, panatag na ang kalooban ni Donello, sumagi sa isipan niya ang mga salitang ito sa tinig ng namayapa niyang ama. "Tapos na."

Tumama ang labindalawang bala ng pana sa katawan niya at ang iba ay tumagos pa sa kanyang harapan. Sa pagtadtad sa kanya ng mga pana siya'y bumagsak nang paharap at napatingin siya sa liwanag ng araw habang dumadaloy ang dugo mula sa kanyang bibig, pagkatapos ipinikit na niya ang kanyang mga mata. Dito na nagtapos ang masalimout na mundong ito para kay Donello at siya ay patungo na sa mundo kung saan makikita na niya ang kanyang Ama.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro