Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 7: Aric

-Kasaganaan-

Miya, ito pala ang pangalan niya.

Nagtagumpay ang binatilyo sa kanyang swabeng banat at ipinaalam na ng dalagita ang pangalan niya sa kanya.

May bagay na kinuha ang dalagita ipinakita sa kanya, "ito, sa iyo ba?"

Naalala ni Aric ang botang nawala niya noong siya ay hinabol ng halimaw, ito nga ang hawak ni Miya.

Kinuha niya ito mula sa dalagita at nakahinga ng maluwag ang bihag, "salamat, akala ko hindi ko na makikita to ulit. Nawala ko to nung hinabol ako ng halimaw."

"Ako alis na," napansin niya na tila umiiwas sa kanya ang dalaga. Iniwan siya nito sa kanyang kulungan. Isinuot na lamang niya ang bota sa isa niyang paa.

Ngayong alam ko na ang pangalan mo, hindi magtatagal makukuha ko na rin ang loob mo at papakawalan mo rin ako dito, Miya.

***

Bandang hatinggabi, hindi mapalagay si Aric sa kanyang kalagayan. Medyo natutuyo na ang sugat niya sa paa at unti-unti na siyang nasasanay na siya ay kumakain at natutulog malapit kung saan siya dumudumi at umiihi ngunit mula siyang nakaramdam ng panghihina dahil sa pagod. Bukod pa rito, nagsimula siyang lamigin at mahilo. Umiikot-ikot na ang kanyang paningin na parang siya ay lutang sa kalasingan. Nagsimulang mag-init ang kanyang palad, paa at hininga. Hinipo niya ang kanyang leeg at napagtanto niyang nilalagnat siya. Kumirot ang kanyang braso kung saan siya kinagat ng malaking gagamba at pagkatingin niya rito, napansin niya na namamaga at namumula na ang kagat, nagsisimula na rin itong maghakot ng nana. Palagay niya ngayon tumatalab ang kamandag nito sa kanya.

Anong klaseng gagamba ba ang kumagat sa akin?

Humiga na lamang siya at ginawang kumot ang dahon ng bayabas na ginamit ni Miya na panlanggas sa kanya kanina.

Hindi ako maaaring manghina. Paano ako makakatakas dito kung mas lanta pa ko sa gulay? Itulog mo na lang.

***

Lumipas ang magdamag ngunit hindi dumating ang antok sa binatilyo. Hanggang ngayon ay masama pa rin ang pakiramdam niya. Ngayon ay namumutla na siya at pinagpapawisan ng malamig. Hindi umaalis sa pagbabantay ang dalawang lalaking inutusan ng Datu.

Paano kaya ako makakaalis rito? Mag-isip ka. Sigurado akong may paraan. Sa ngayon magpahinga ka na lang muna at magpalakas, kakailanganin mo ito sa iyong pagtakas.

Hindi nagtagal, pinagmasdan ng dalawang bantay ang binatilyo, napansin nila na hindi tumitinag sa kanyang pagkakahiga ang bilanggo.

"Ikaw gising!"

Hindi umimik si Aric sa kanyang kinahihigaan.

Narinig niyang nag-uusap ang dalawa sa Wikang Myongese. Nagpasya ang isa sa mga bantay na buksan ang hawla at pumasok ito sa loob at nabigla si Aric nang gawin niya ito.

Ito pala ang magpapabukas sa hawla.

"Gising," bahagya siyang sinipa ng bantay sa may hita.

Dumilat ang binatilyo upang ipaalam sa bantay na buhay pa siya. Namataan niyang nakabukas ang hawla ngunit siya ay nagpigil sa kanyang sarili na tumakas.

Hindi pa ito ang tamang panahon, mahina pa ako at siguradong mahuhuli nila ako pag nagkataon. Hahanap muna ako ng tamang tyempo.

Lumabas na ang bantay nang makitang buhay pa ang bihag at muli nilang sinara ang seldang kawayan.

Base sa ginawa ng mga bantay, may nabuo ng plano si Aric kung paano siya makakatakas pero dapat ay may kasabwat siya para pag nagkataon ay may tutulong sa kanya.

Alam ko na kung sino ang makakatulong sa akin.

-Disyerto ng Syl-

Sinamantala ni Kapitan Uwalhid at ng mga Kawal ang libreng oras nila sa Disyerto ng Syl habang wala si Aric. Malayo sa kanilang responsibilidad sa Hari, sila ay nagsaya sa pag-iinuman at paghilata sa kanilang binuong kampo. Ginawa nilang utusan si Eron sa lahat ng gawain, siya ang naghahanda ng kanilang mga kakainin at siya rin ang nagpapakain sa mga kamelyo. Sa paglipas ng mga araw akala nila magpapatuloy ang kanilang pagliliwaliw ngunit nagkamali sila. Nagsimulang tumirik ng matindi ang araw at nakaramdam sila ng nakakapasong init. Sa sobrang init ng klima, mamasa-masa na ang lahat sa pawis at hindi na nila nakayanan pang manatili sa tolda. Noong sila ay lumabas, napaso ang kanilang mga balat at napansin ni Uwalhid na malaki ang pinagbago sa kanilang mga kulay. Naisip ng Kapitan na hindi na sila maaaring magpatuloy ng ganito.

Isang umaga, nagtungo ang isa sa kanyang mga Kawal, "Kapitan Uwalhid, may nangyari po."

"Anong nangyari?"

"Namatay ang ilan sa mga Kamelyong binili natin," paglalahad nito.

"Paano mangyayari iyon, hindi ba dapat sanay sila sa initan?" ipinagtaka ng Kapitan.

"Hindi ko rin po alam."

Napalingon si Uwalhid kay Eron na kasalukuyang naghahakot ng mga bariles ng alak.

"Anong ginawa mo sa mga Kamelyo, napapakain mo ba ng maayos?"

"Opo, Kapitan," tugon ni Eron, "kumakain at umiinom naman sila kaso napansin ko na matamlay at naglalaway sila."

"Imposible, akala ko kaya nilang mag-imbak ng tubig sa kanilang mga bukol sa likod, maaaring niloko tayo ng lalaking nagbenta sa atin at binigyan tayo ng maysakit na hayop o maaari ring hindi na nila nakayanan ang pambihirang init rito kaya kahit silang mga kamelyo ay namatay na."

"Ano ng gagawin natin, Kapitan?" tanong ng kanyang mga tauhan. "Mananatili pa ba tayo rito?"

"Hindi ko alam, mag-iilang araw na at wala pa ring balita kay Aric."

Karamihan sa kanila ay nangangamba na sa kanilang sitwasyon sa Disyerto.

"Huwag kang mag-alala, Kapitan, Babalik rin si Aric, magtiwala lang kayo sa kaibigan ko."

Tanging si Eron na lamang ang may kumpiyansa kay Aric.

"Talaga ba? Tingin mo babalik pa siya? Hindi iyan ang tingin ko. Ang palagay ko sa kagustuhan niyang marating ang dulo ng Disyerto kung saan naroroon ang gawa-gawa niyang alamat, narating na niya ang araw at ngayon ay tustado na ang kanyang bangkay."

Hindi nakasagot si Eron sa pahayag ng Kapitan. Alam niya sa sarili niya na buhay pa rin ang kaibigan ngunit alam din niyang mahirap sumalungat kay Uwalhid

Nag-isip si Uwalhid kung ano ang susunod nilang hakbang at ipinatawag niya ang isa sa mga mensaherong kawal.

"Nais kong magtungo ka sa Hari, sabihin mo ang lahat ng nangyari dito, na ilang araw ng walang balita sa Panday at hanggang ngayon wala pa ring pinatutunguhan ang ekspedisyon na ito. Tanungin mo siya kung itutuloy pa ba natin ang paghahanap dito o kung tayo ay uuwi na. Bumalik ka agad dito at ipaalam sa akin ang kanyang pasya. Larga na."

"Masusunod po, Kapitan Uwalhid."

Narinig ni Eron ang ipinag-utos ng Kapitan. "Sandali lang, babalik na siya sa Kaharian? Kung ganun sasama na ko."

"Hindi, dito ka lang," mahigpit na utos ni Uwalhid.

"Pero Kapitan, gusto ko ng umuwi."

"Susunod ka sa akin o maglalaho ka na lang kagaya ng kaibigan mo."

Sa tono ng Kapitan, mukhang hindi siya nagbibiro.Wala ng nagawa si Eron kundi sumunod.

"Tutal ay nandito ka lang rin at sinabing mong kilala mo ang kaibigan mo, magkwento ka nga tungkol sa kanila ng Ama niyang si Mang Rito. Nakapagtataka lang, matagal na sila dito sa Silangan ngunit halos wala ka naming nalalaman tungkol sa kanila. Ano ba ang buhay nila sa Cenpyre?"

Alam ni Eron ang tungkol sa nakaraan ni Aric at Sarito at batid niya rin ang malaking halagang ipinatong ng Emperador sa ulo ng dating kawal. Kailangang maging maingat siya sa bawat salitang bibitawan sapagkat maaari nila itong ikapahamak.

"Ang sabi lang sa akin ni Aric matagal ng marunong gumawa ng mga armas si Mang Rito, kinailangan lang nilang umalis ng Cenpyre dahil nagkaroon ng malaking kaguluhan doon."

"Nabalitaan ko nga yan noon, ang kaguluhan sa pagitan ng dalawang nag-aagawang magkapatid sa trono ng Cenpyre, ano naman ang kinalaman ni Rito at Aric doon at kinailangan nilang lisanin ang kanilang Inang Lupain?"

"Hindi ko na po alam," sambit ni Eron, "si Aric lang po ang nakakaalam nun, mabuting siya na lang ang tanungin nyo pagbalik niya."

"Sige, ipaghanda mo na kami ng makakain," napagtanto ni Uwalhid na wala siyang mapapala sa buhay ni Aric kaya inutusan na lamang niya si Eron.

-Kasaganaan-

Makalipas ang ilang oras nakaiglip na rin ang binatilyo sa kabila ng kanyang kondisyon. Nagising lamang siya nang marinig niya ang pagpatong ng isang buslo malapit sa kanyang kulungan. Paglingon niya, nasilayan niya ulit si Miya. Nagdala ulit siya ng mga prutas na makakain.

"Kumain ikaw," sabi sa kanya ng dalagita.

"Salamat at dinalhan mo ko ulit ng makakain."

Bumangon siya na nananamlay. Pinagmamasdan siya ng dalagita at malamang nahalata na nito na hindi maganda ang kanyang lagay

"Ka-musta, pakiramdam?"

"Ayos lang ako," may kumpiyansa niyang sinagot.

"Ikaw di mukhang ayos," napasulyap ang dalagita sa kanyang brasong namamaga at may nana.

"Ano sa braso mo?"

"Ito, wala ito, kagat lang ito ng gagamba, malayo sa bituka."

"Ikaw, mag-ingat, marami may lason dito gagamba."

Lason? Hindi kaya ito ang nagpapahina sa akin ngayon?

"Ito," nang-alok ang dalaga ng panibagong dahon ng bayabas at dinampi ito ng binatilyo sa kanyang kagat.

"huwag kang mag-alala, sinabi kong ayos lang ako, Kapag ba sinabi kong maysakit ako, papakawalan nyo na ba ako?"

Unti-unti nang nakakaramdam ng takot ang binatilyo sa paglala ng kanyang kalagayan ngunit sa panlabas ay hindi ito mahahalata sa kanya. Naghihintay siya sa sagot ni Miya na ngayon ay napapaisip.

"Ano bang kailangan kong gawin para pakawalan nyo ko?" diniretso na siya ng binatilyo. "Magpanggap na lang kaya akong patay nang sa ganoon ay mailabas nyo ko. Maaari mo kong tulungan, hindi kita ipapahamak at walang makakaalam. Batid kong hindi mo rin gustong ikulong ako rito."

Ikinagulat ng dalagita ang sinabi niya, kitang-kita sa kanyang mukha. Napaismid sa kanya si Miya.

"Kami walang tiwala, ikaw dayo," tugon nito sa kanya. "Ikaw sabi akin ulit, ikaw hindi kain, Ikaw sumubok takas dito, ikaw patunay samin hindi ikaw aming pagkatiwalaan."

Tuluyan na siyang iniwan ng dalaga. Ikinainis lamang ni Miya ang kanyang mga sinabi.

"Sandali lang, nagbibiro lang naman ako," wala ng nagawa si Aric.

Hindi ako nagbibiro, mamamatay na talaga ako rito... Napakatanga mo talaga, lumulutang na ba talaga ang isip mo? Bakit sinabi mo pa sa kanya ang plano mo? Ngayong alam na niya, mas lalo nilang hihigpitan ang pagbabantay nila at alam na nila kung ano ang posible mong gawin. Hindi ka na makakaalis dito.

***

Masama pa rin ang pakiramdam ni Aric sa kanyang kulungan. Hindi pa rin humuhupa ang kanyang lagnat, hilo at panlalamig. Humiga na lamang siya sa damuhan upang magpahinga. Ilang saglit lang, nakaramdam siya ng pag-alog sa kalupaan. Ang buong akala niya siya'y nanginginig lang sa kanyang pakiramdam ngunit sumabay pa sa pagkalog ang isang malakas na ugong na mailalahantulad sa hakbang ng malalaking paa.

Bumangon ang binatilyo na may pagtataka, nagpatuloy ang nakapangingilabot na ingay sa kagubatan, napasulyap si Aric sa maliliit na piraso ng bato sa kanyang hawla at nakita niyang ito ay nagagagalawan. Ang bawat tunog ay tumatagos sa kanyang puso at kalamnan.

Maging ang mga bantay ay nakaramdam rin sa pagyanig. "Ano yun?"

"Tara tignan natin."

Naiwan si Aric na napapaisip at kinakabahan sa kanyang kulungan. Hindi pa nagtatagal, isang matinis na ungol ang rumindi sa tenga ng binatilyo. Pamilyar sa kanya ang tunog sapagkat nakasagupa na niya ang pinanggagalingan ng nakagigimbal na ingay.

Naririto na ang halimaw! Kailangan ko ng makaalis dito.

Batid ni Aric kung gaano kapanganib at kabagsik ang halimaw, sa oras na maabutan siya nito wala siyang kalaban-laban sa kalagayan niya ngayon. Malamang hindi na siya makaligtas.

Habang wala ang kanyang mga bantay, sinubukan ni Aric kung makakaya niyang siraan ang kawayan niyang hawla gamit ang kamay ngunit dahil sa panghihina, kahit anong suntok at hampas, hindi niya ito magawa. Nagmasid-masid si Aric sa paligid, sa apat na sulok ng hawla at naghahanap ng gamit na maaari niyang gamitin para makatakas.

Namataan niya ang isang piraso ng bato na kasing laki ng kanyang kamao. Medyo may kalapitan ito sa hawla, nilusot niya ang kanyang braso para kuhanin nito. Kailangan pa ng matinding pwersa para maabot ang bato dahil ilang pulgada rin ang layo nito sa kanya.

Narinig ni Aric ang pagsisigawan ng mga Tribo habang umaatake ang Buktot, naging sapat na itong dahilan para magpursige ang binatilyo na maabot ang bato. Pagkakuha niya, hinampas niya ang matatag na kawayan at hindi niya ito tinigilan hanggang sa mabaklas na niya ang isang kawayan. Hindi pa siya kasya kaya muli niyang sinira ang isa pang kawayan. Lumabas si Aric na pasuray-suray mula sa kanyang pagkakabilanggo.

Ito na ang pagkakataon ko para makatakas.

Nagsimulang tumakbo ang binatilyo papalayo habang patuloy ang paglusob ng halimaw sa Tribo. Desidido na siyang lisanin ang gubat ngunit siya ay biglang napalingon sa likuran kung saan nagaganap ang isang matinding sagupaan sa pagitan ng mga Myongan at ng halimaw.

Sa isang iglap sabay siyang nakaramdam ng awa at pagkalito. May parte sa kanyang isipan na nagsasabing umalis na siya at tuluyan na niyang iwan ang Tribo ngunit mayroon ding nagsasabi na kailangan niya silang tulungan dahil sila ay nangangailangan.

Bahala na...

Nanaig sa kanya ang tawag ng konsiyensiya at siya ay nagtungo sa kabilang direksyon, patungo sa kaguluhan.

Sumilip siya sa kaganapan sa may bukana at nasilayan niyang lulusubin na ng Buktot ang nakahigang si Miya. Naalala ni Aric ang ginawang paggagamot at pagbibigay ng pagkain sa kanya ng dalaga. Sa sandaling panahon, nakita niya ang kabutihan ng kanyang puso.

Tumakbo ang binatilyo nang walang pag-aalinlangan, hindi iniinda ang sakit ng kanyang katawan at talampakan. Buong tapang siyang humarang sa harapan ng dalagita dala-dala ang kanyang espada at nagsimula silang magbuno ng halimaw. Ginamit niyang panangga ang kanyang espada laban sa mga bunganga ng halimaw. Humanap ng tyempo ang binatilyo at sinipa niya ito sa nguso.

Kumawala siya sa halimaw at tumaripas papalayo ngunit nararamdaman niyang mas lalo na siyang nanghihina. Naabutan siya ng Buktot at kinalmot nito ang kanyang katawan. Tiniis ni Aric ang pamimilipit, nakita niya ang pagdaloy ng dugo mula sa kanyang sugatang katawan.

Buo pa rin ang loob niyang malupig ang Buktot. Habang papalusob ang halimaw, napansin ni Aric na nakadikit sa galugod ang isang sibat.

May tama na siya, may tsansa pa kong mapatay siya.

Habang napapaisip, papalapit na sa kanya ang malaking bunganga ng halimaw. Sa kabila ng kanyang kalagayan, nagawang makaiwas ni Aric. Lumundag siya nang matulin patungo sa likuran ng halimaw. Hinawakan niya ang sibat at gamit ang natitira pa niyang lakas, pasigaw niyang binaon ang sibat sa kaloob-looban ng kanyang galugod at tumagos ito sa kanyang leeg. Nagpakawala ng nakabibinging ungol ng pamimilipit ang halimaw sa pinsalang tinamo. Nagsimulang umagos ang dugo mula sa kanyang leeg. Nagpasuray-suray ang halimaw sa pangingisay hanggang sa mawalan ito ng balanse at tuluyang bumagsak sa damuhan kasama ang binatilyo. Nakanganga ang malaki nitong bunganga habang bumubulwak ang dugo. Unti-unting tumigil ang kanyang pag-ungol, at sa huling pagkakataon pinikit na niya ang natitira niyang kulay pulang mata. Patay na ang halimaw.

Bumangon ang naghihikahos na si Aric, hanggang ngayon ay naghahabol pa rin siya ng hininga. Duguan na ang katawan sa tinamo niyang pinsala. Nagkumpulan ang buong tribo malapit sa kanya at sa napatay na halimaw. Wala silang masabi sa bilis ng mga kaganapan. Karamihan sa kanila ay natulala sa halimaw pati na si Datu Mortho. Si Miya naman ay nakatuon ang tingin sa binatilyo, may bahid pa rin ng pagkabigla at pagkagimbal ang kanyang nanlalaking mga mata.

Nang mga sandaling iyon, tila hindi lang ang Buktot ang bibigay. Naramdaman ni Aric na ubos na ang natitirang lakas sa kanya, ito na ang huli niyang naramdaman bago mandilim ang lahat.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro