Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 6: Saraphine

Nilibing si Pinang sa may bakuran ng kanilang bahay malapit kung saan sila nagpapakain ng mga ibon ni Saraphine. Nilagyan nila ng mga maliliit na bato ang palibot bilang palatandaan sa kanyang puntod.

Mula nang mawala si Pinang, hindi na naging magkatulad ang lahat. Ang kanilang munting pugad na nagsisilbing tahanan nila ngayon ay isa na lamang malungkot at madilim na bahay. Sa tuwing madadaanan ni Saraphine ang mga lugar sa bahay na madalas na kinaroroonan ng kanyang Ate, hindi niya maiwasang maalala ito. Mula sa kusina, hanggang sa kanyang silid, para bang laging nanunumbalik si Pinang sa kanyang gunita. Naaalala niya ang masaya nitong aura, ang kanyang mga pagkukwento, at ang sunggab na pagyakap nito sa kanyang likuran sa tuwing siya ay may dinadamdam, ngunit sa pagkakataong ito, wala nang yayakap at gagabay sa kanya sa kalungkutang nadarama. Sinubukan niyang pakainin ang mga ibon mag-isa pero hindi na ito kasing saya noong kasama pa niya si Pinang.

Parang kahapon lang at kasama ko pa siya, ngunit ngayon isa na lamang siyang alaala.

Halos isang bariles na ng luha ang iniyak ni Saraphine, iba ang sakit ng pagkawala ni Pinang. Siya na lamang ang tanging pamilyang mayroon siya. Ang huling taong nagpakita ng pagmamahal sa kanya.

Maging si Uranna ay nalungkot rin sa pagkawala ng kanyang pamangkin. Kahit hindi niya ipahalata, pansin rin ni Saraphine ang kaibahan sa kilos ng tiyahan. Kung dati rati ay madalas itong manigaw at magbunganga, ngayon ay nananahimik na lamang ito bago umalis ng bahay at pati na rin pag-uwi. Nahalata rin niya na mas malamlam ang mga mata ng matandang tiyahin, malamang palihim rin nitong iniiyakan ang pagkawala ng pamangkin, sa kabila ng lahat naniniwala siyang mahal ni Uranna ang kanyang kapatid, kahit hindi man niya ito maipakita.

Isang araw, naabutan ni Uranna si Saraphine na umiinom ng kape sa mesa. Sa kanyang pagkagulat, kalmado itong umupo malapit sa kanya.

"Noong gabing namatay si Pinang, bakit ka nasa labas ng bahay?" tinanong nito sa kanya.

Bumalik sa isipan ni Saraphine ang napag-usapan nila ni Pinang na magkita sila sa burol at huwag itong ipaalam kay Uranna.

"Balak ko lang sana siya sunduin ng araw na iyon," matipid na sagot sa kanya ni Saraphine.

Desidido siyang tuparin ang pangako sa Ate hanggang sa hukay. May rason kung bakit nais itong ilihim ni Saraphina kay Uranna.

Mukhang naniniwala naman sa kanya ang Tiyahin, hindi na lamang ito umimik sa kanyang sinabi at pumasok na lamang ito sa taberna.

Sinubukan na lamang itulog ni Saraphine ang lungkot at pangungulila, pero sa tuwing siya ay maiidlip, napapanaginipan niya ang karumal-dumal na sinapit ni Pinang. Nakikita niya ang kanyang bugbog na mukha at katawan, ang kanyang warak na kasuotan at ang kanyang saksak sa sikmura. Kinikilabutan siya at nanghihina sa tuwing bumabalik ito sa kanya.

"Ang burol, Saraphine," tila tumatawag sa kanya ang kaluluwa ng kapatid mula sa panaginip, "puntahan mo ang burol!"

Nagising si Saraphine na naghahabol ng hininga at nangangatog sa pawis. Maging ang mga mata niya ay mamasa-masa.

May nais ipahiwatig si Ate...

Nangako siya sa huling hininga ni Pinang na pupuntahan niya ang burol ngunit ilang araw na ang nakalipas at hindi pa rin niya ito napupuntahan. Masyado pang sariwa ang lahat para sa kanya at ang gusto lamang niya ngayon ay ang makalimutan ang panibagong trahedyang ito sa kanyang buhay.

Oras na siguro para puntahan ang burol nang matahimik na si Ate Pinang.

***

Kinaumagahan, maagang tinahak ni Saraphine ang daan patungo sa burol. Narating niya ito nang walang hirap at balakid sapagkat kabisado na niya ang lugar. Tulad ng dati, puno pa rin ng masaganang damuhan ang burol. Purong berde pa rin ang mga damo at malalanghap ang aroma nito sa pagbuga ng hangin. Hindi ito kataasan ngunit sapat na ang tuktok nito para mapagmasdan ang paglitaw at paglubog ng araw.

Naalala niya ang sinabi ni Pinang na mayroon siyang iniwan dito para kay Saraphine at magagamit niya ito para makapagbagong buhay, ito ang sorpresang nais niyang ipakita sa kanya noong gabing iyon. Naglibot si Saraphine sa damuhan ng burol, humahanap ng palatandaan kung saan maaari niyang mahanap ang huling iniwan sa kanya ng kapatid. Siniyasat niya ang bawat madadaanan at hindi nagtagal, may napansin siyang kakaiba. Sa gitna ng burol mayroong mga nakapalibot na maliliit na bato na para bang ito ay inayos bilang marka. Sa kalapit na puno, namataan niya rin ang isang pala. Kinuha niya ito, tinanggal ang bato at nagsimulang maghukay.

Ilang saglit lang, nakapa ng kanyang pala ang isang matigas na bagay. Napagtanto niyang isa itong baul na may katamtamang laki at bigat. Kinuha niya ito mula sa pagkakabaon at binuksan. Sa loob, nagulat si Saraphine nang makita niyang marami itong laman na pera. Sa kanyang tansta maaaring nasa dalawang libong Gintong Silangan ang laman ng baul. Nakabungad ang isang liham na gawa ni Saraphina para sa kanya. Binasa ni Saraphine ang nilalaman.

"Saraphine, sana ay nagustuhan mo ang sorpresa ko. Nagulat ka paano ako nakapagtabi ng ganitong karaming pera? Ito lang naman ang naipon ko sa halos walong taon kong pagtatrabaho sa taberna. Halos lahat ng kinikita ko napupunta kay Tiyang Uranna pero lingid sa kanyang kaalaman, nakakapagtabi ako ng ilang porsiyento ng aking kita at inipon ko ito ng inipon dito sa baul hanggang sa dumami, para sa atin ito, mahal kong kapatid. Ito ang magagamit natin para makaalis na sa pugad ng bwitre at tayo ay makapagsimula na ng bagong buhay. Nagmamahal, Ate Pinang."

Nagsimula na namang tumulo ang mga luha ni Saraphine, ngayon niya lang nalaman na marami palang sakripisyo si Saraphina para sa kanya, nanghinayang siya at hindi na nagawang makaalis ni Pinang sa kanilang pugad.

"Maraming salamat, Ate Pinang."

***

Bago lumubog ang araw, umuwi na si Saraphine sa bahay. Hindi niya namalayan na mayroong isang babaeng nag-aabang malapit sa kanilang bahay. Maaaring nasa singkwenta ayos na ito base sa kanyang itsura, gayunpaman marami na siyang mga puting buhok. Nang makita niyang bubuksan na ng dalagita ang pinto, hindi na niya pinalagpas ang pagkakataon at siya ay lumapit.

"Anak, ikaw ba si Saraphine?" tanong niya na ipinagtaka ng dalagita.

"Ako nga po," sagot ng dalaga sa babae.

"Nakikiramay ako sa pagkawala ng Ate Saraphina mo," tugon niya.

"Paumanhin po, pero kilala po ba namin kayo?" malumanay na inusisa ng dalaga. Sa panahon ngayon nahihirapan na siyang magtiwala sa ibang tao.

"Ako nga pala si Thelma," pagpapakilala ng Ale sa kanyang sarili, "may-ari ako ng maraming establishamento at panuluyan sa lugar na ito. Hindi mo ako kilala pero kilala ako ng Ate mo. Isa ako sa mga huling taong nakausap ni Pinang ilang araw bago siya mamatay."

Napaisip si Saraphine sa sinabi ni Thelma, sa anyo nito, mukha namang mapapagkatiwalaan siya at mukhang nagsasabi siya ng totoo.

"Pasok po kayo," pag-imbita ng dalagita, "sa loob po tayo mag-usap."

***

Pinaghanda ni Saraphine nang makakain si Aling Thelma at nagsimula ang kanilang pag-uusap.

"Nagpunta ang Ate Pinang mo sa panuluyan ko at kinuha niya ang isa sa pinakamahal naming kwarto, binayaran na niya ang ilang buwang upa sa aking panuluyan. Ang sabi niya nagbabalak na siyang ilipat ka doon sa lalong madaling panahon. Sa totoo nga wala siyang bukambibig kundi ikaw. Nais niyang mailayo ka na niya sa Tiyahin nyong inaalila kayo. Tinawag pa nga nyang matandang bruha si Uranna."

Napangiti si Saraphine sa narinig, "ganyang-ganyan nga magsalita si Ate Pinang. Ano pa po ang sinabi niya sa inyo?"

"Ang sabi niya may naipon na siyang sapat na pera para makapagbagong buhay at desidido na siyang umalis sa taberna. Nabanggit niya rin sa akin na may nahanap na siyang bagong trabaho."

"Bagong trabaho po?" Ngayon lang ito nalaman si Saraphine sapagkat walang nabanggit sa kanya ang kapatid. "Ano pong trabaho?"

"Ang alam ko lang ay balak niyang mamasukan sa Palasyo dahil nabalitaan niyang nangangailangan sila ng mga bagong kasambahay ngayon."

"Kasambahay sa Palasyo?" bahagya itong ipinagtaka ni Saraphine.

Nagiging malinaw na ngayon sa kanya ang pagbabagong buhay na tinutukoy ni Pinang. Natutuwa siya na mas marami pa siyang nalalaman sa mga hakbang ng kapatid.

"Ito lang ang alam ko, Saraphine," saad ni Aling Thelma nang maubos na niya ang inihandang tinapay at kape, "paano baka nakakaistorbo na ako. Kailangan ko ng umalis. Sa ngayon, wala pang nakatira sa kwartong kinuha ni Pinang. Hindi ko muna ito papakuha sa iba at baka gusto mong kuhanin ito, tutal ay para sa iyo naman talaga yun ayon sa yumao mong kapatid. Pwede mo rin bawiin ang pera sa akin kung nais mo. Ikaw ang bahala."

"Maraming salamat po sa alok nyo, pag-iisipan ko po muna," paninigurado ni Saraphine.

Binigyan ni Thelma ng mapa si Saraphine kung saan matatagpuan ang kinaroroonan ng kanyang panuluyan, "puntahan mo lang ako kung may kailangan ka."

"Salamat po."

"Napakabuting tao ni Pinang," mahahalata rin ang lungkot sa manipis niyang tinig. "Hindi nararapat sa kanya ang sinapit niya. Hinihiling ko na sana mabigyan siya ng hustisya at maparusahan ang gumawa nito sa kanya."

"Wala rin po akong ibang hinihiling," sumang-ayon si Saraphine at tuluyan ng umalis ang matandang babae.

***

Sumunod na araw, pinagluluksa pa rin ni Saraphine ang pagkawala ng kapatid nang pumasok si Uranna sa kanyang silid nang walang pasintabi at bigla na lamang siya hinagisan nito ng mga makukulay na damit.

"Magbihis ka at aalis tayo," nanumbalik na ang taray ni Uranna.

"Para saan ito?" tanong ni Saraphine.

"Para saan? Di mo ba nakikita kung ano yan? Sasama ka sa akin at magtatrabaho ka na sa taberna. Alam kong nagluluksa ka pa sa pagkamatay ni Pinang at ako rin naman, dugo at laman ko siya pero hindi lalapit sa atin ang pera kung wala tayong gagawin dito kundi magmukmok."

Nadismaya siya sa sinabi ng tiyahin, ang akala pa naman niya ay magbabago na ito.

"Hindi ako sasama," pagmamatigas ni Saraphine.

"Anong sinasabi mo? Nag-iinarte ka na naman?"

"Kung nandito si Ate Pinang, hindi niya hahayaang magtrabaho ako sa taberna, kaya kung may kaunting respeto pa kayo sa kanya huwag nyo na akong pilitin pa."

Nandilim ang paningin ni Uranna at hinablot niya sa buhok ang dalaga. "Matapang ka na? Yan ba ang tinuro sa'yo ni Pinang? Puwes wala siya dito para pigilan ako at ipagtanggol ka! Sasama ka sa akin at makikinabang ko sa katawan mo!"

"Sinabing hindi," tila isang tigreng kumalas si Saraphine at naitulak niya si Uranna na ikinabagsak nito sa sahig, nagulat ang matandang bruha sa ginawa nito sa kanya.

"Pasensya na Tiyang Uranna, kahit anong gawin nyo, hindi nyo ko mapapasama sa lugar na iyon!" paninindigan ni Saraphine.

"Wala kang utang na loob, pagkatapos ng lahat ng ginawa ko sa inyo, ito lang ang gaganti mo sakin?"

Ngumisi ang dalagita sa ginagawang panunumbat ng Tiyahin.

"Utang na loob? Matagal nang bayad ang utang namin sa inyo. Buong buhay namin ni Ate, sinunod namin kayo, pinag-tiisan namin kayo! Si Ate Pinang, ginamit mo siya sa murang edad niya para ibenta ang kanyang katawan! Inabuso mo siya at pinagkakitaan. Halos lahat ng kinikita niya sa inyo napupunta! Hindi man kayo ang mismong pumatay sa kanya pero isa kayo sa dahilan kung bakit siya nawala!"

"Manahimik ka!" binirahan ni Uranna ng sampal si Saraphine na nag-iwan ng pamumula sa kanyang maputing pisngi. "Hindi mo alam kung ano ang isinakripisyo ko para kay Pinang at sa mga magulang niya!"

"Kung mayroon mang nagsikripisyo dito kami yun," sambit ni Saraphine. "Hindi ako makapapayag na gawin mo sa akin ang ginawa mo sa kanya! Noon tinitiis ko ang pang-aalipin mo sa akin alang-alang kay Ate Pinang, pero iba na ngayon! Hindi na ko magtitiis pa sa kagaspangan ng ugali mo at sa pamamahay na ito!"

"Wala ka talagang utang na loob!" Nanginig sa panggagalaiti ang labi ni Uranna. "Lumayas kang ingrata ka! Layas!"

"Talagang lalayas na ko!" lakas loob na sinagot ni Saraphine. "Hindi mo na ko kailangang ipagtabuyan!"

Tinalikuran ni Saraphine si Uranna para kuhanin ang kanyang mga gamit.

"Sige lumayas ka! Tignan natin kung saang kangkungan ka pupulutin ng wala ako! Ano bang pinagmamalaki mo? Ang punyetang pagkabirhen mo!"

"Hindi na ko birhen!" sagot ni Saraphine na may bahid ng pagsisisi sa kanyang nagawa noon.

Bahagyang nagulat si Uranna sa nalaman niya.

"Sinasabi ko na, wala ka rin pinagkaiba sa amin! Sayang lang pala ang pag-utos ko kay Nonong at Basyo na pagsamantalahan ka!"

Napatakip sa kanyang bibig si Uranna at hindi niya inaasahang siya ay madudulas. Natigilan si Saraphine sa kanyang kinaroroonan at naalala niya ang gabing muntik na siyang pagsamantalahan ng dalawang lalaking nagbenta sa kanya kung hindi lang siya niligtas ni Aric.

Maiyak-iyak niyang nilapitan si Uranna, "anong sabi nyo? Ikaw ang nag-utos sa kanila na gahasain ako ng gabing iyon?"

Natigilan si Uranna at hindi ito makaimik. Napayuko siya at hindi niya magawang tignan sa mata ang dalaga.

"Sumagot kayo!" Nagpadagundong sa buong bahay ang sigaw ni Saraphine.

"Oo, ako nga," pag-amin ni Uranna, "naisip kong ito lang ang paraan para mapilitan kang mapapasok sa taberna, kung mawawala na ang pinakaiingatan mong pagkabirhen."

Hindi makapaniwala si Saraphine sa natuklasan, "paano nyo nagawa sa akin ito! Anong klaseng tao kayo!"

Namataan ng dalaga ang kutsilyo malapit sa kanyang higaan at itinutok ito kay Uranna.

"Napakasama mo!"

Nagulantang si Uranna sa presensiya ng kutsilyo ngunit hindi niya ito pinakita.

"Sige!" pag-uudyok ng Tiyahin, "ituloy mo! Saksakin mo na ako, patayin mo na ako! Kung sa tingin mo ito ang kabayaran sa kalapastangan ko sa iyo!"

Nanlisik ang mga berdeng mata ni Saraphine na namumula na sa pag-iyak. Nang mga panahong iyon, wala siyang nais na gawin kundi saktan at pagbayarin si Uranna sa kanyang ginawa, ngunit kahit anong pilit niya, hindi niya magawang saktan ito dahil sa utang na loob niya sa pagkupkop nito sa kanya. Binagsak na lamang niya ang kutsilyo sa sahig.

"Hindi ko kayo papatayin," kalmado niyang pinaalam, "ang hiling ko lang sana ay hindi ko na makita ang pagmumukha mo kahit kailan!"

Tuluyan nang nilisan ni Saraphine ang bahay at naiwan rin si Uranna na napapailing sa pagsisisi.

***

Agad na nagtungo si Saraphine sa burol at muling hinukay ang baon. Nagtungo siya sa panuluyan ni Aling Thelma at napagpasyahan na niyang ituloy ang paglipat dito gaya ng  balak ni Pinang. Limang palapag ang taas ng panuluyan at nasa tuktok na palapag ang kanyang tutuluyan, gawa sa bato ang establishamento habang ang mga kagamitan naman ay gawa sa kahoy. Maayos at malinis naman ang lugar, mukhang ligtas para sa nag-iisaang kagaya niya. Sinamahan siya ng may-ari papunta sa kanyang bagong tirahan.

"Ito ang kwarto mo," ipanakita sa kanya ni Thelma. "Ito ang susi, ingatan mo maigi."

"Salamat po," kinuha ni Saraphine ang susi.

Bahagyang mas malaki lang ng kaunti ang kawarto sa kanyang silid sa bahay ni Uranna, gayunpaman sapat na ito para sa kanya. May nakahanda nang maliit na kama sa kanang bahagi ng pader at malapit dito nakapwesto ang bintana na siya ring pinagkukunan ng liwanag ng silid. Mayroon na ring nakahandang mga kandila at lampara para sa gabi. Pagkahakbang niya sa silid, narinig niya ang matinis na ingay ng umuugang sahig na yari sa kahoy kaya naman siya ay nag-ingat sa paglalakad. Nagsimula nang ayusin ni Saraphine ang kanyang mga kagamitan at nilagay na niya ang mga damit sa aparador, nilinis pa niya ang aparador dahil ito ay marumi at puno ng alikabok.

Matapos ang pag-aayos, nahiga si Saraphine at nagpahinga sa kama kahit na naninibago pa siya. Mas malambot at mas komportable ang dati niyang higaan ngunit mas pipiliin na niyang tiisin ito kaysa manirahan kasama ang maloko niyang tiyahin. Napamasid na lamang siya sa mga ulap na maaaninag sa maliit na bintana.

***

Kinabukasan, naglibot-libot si Saraphine sa panuluyan at naaninag niya ang isang maliit na balkonahe sa may dulo. Namataan niya rin ang mga bagong kapitbahay niyang nakatira sa mga kwartong katabi ng sa kanya. Mayroong isang dalagitang tulad niya na naghahakot ng mga nilabhan niyang damit, malapit sa kanya nagwawalis ang isang lalaking hindi niya alam kung nangungupahan ba sa panuluyan o nagsisilbing tagalinis at sa isang sulok naman, nakasilip ang isang matandang babae mula sa pintuan ng kanyang kwarto.

Lahat sila ay kailangang lagpasan ni Saraphine bago niya marating ang balkonahe. Naglakad siya at hindi pinansin ang mga ito. Sa ginawa sa kanya ni Aric at Uranna, nadala na siyang magtiwala sa kahit na sino bukod lang sa kanyang sarili.

Nalagpasan niya ang babaeng naghahakot at ang lalaking nagwawalis at papalapit na sana siya sa balkonahe nang makarinig siya ng sitsit mula sa dulong kwarto.

"Hoy," narinig niya ang matandang babae na tila may tinatawag.

Nilingon niya ito, "ako po?"

"Oo, ikaw apo, lumapit ka rito," utos ng matanda.

Lumapit si Saraphine nang may pag-iingat patungo sa kapitbahay.

"Bago ka dito?" tanong ng matanda.

"Opo," sagot ni Saraphine.

Naasiwa ang dalagita nang siya ay pagmasdan ng matanda mula ulo hanggang paa.

"Naiiba ka? Isa kang dayuhan?" muli siyang nagtanong.

"Pinanganak po akong Cenpyero," ipinaalam ni Saraphine, "pero dito ako lumaki sa Silangan."

"Mag-isa ka lang ba ngayon?" masyado nang nagiging mausisa ang matanda.

Napatango si Saraphine. Nagulantang ang matanda at lumabas siya sa kanyang silid.

"Mag-iingat ka, ang isang magandang dilag na tulad mo ay hindi ligtas sa lupaing ito. Isang pitik lang at maaaring matapos ang lahat."

"Ano pong ibig nyong sabihin?" hindi nagugustuhan ng dalaga ang pananakot ng matanda.

"Ang apo kong si Lucia, halos kasing edad mo lamang siya nang siya ay maging biktima ng mga halang na kaluluwa dito sa Silangan. Tipo nila ang mga magaganda, bata at sariwa. Ginahasa muna siya bago siya pinaslang. Hindi malabong magaya ka sa sinapit niya kung hindi ka mag-iingat!"

Kinilabutan si Saraphine sa kwento niya, hindi lang pala ang kanyang Ate Pinang ang naging biktima nila.

"Lola Oleng naman tinatakot mo naman siya," sumabat ang nakababatang babae sa usapan, "mukha namang kaya niyang protektahan ang kanyang sarili."

"Nagpapaalala lamang ako, wala silang pinipili," babala ng matanda.

"Pasensyahan mo na si Lola, maaaring natakot ka niya pero may punto siya," sumang-ayon ang babae. "Dito sa Silangan, bagay lang ang turing nila sa ating mga kababaihan. Hindi nila tayo binibigyang importansya. Sa totoo nga, hindi lang si Lola ang nawalan ng kapamilya. Pinatay rin nila ang nakababata kong pinsan. Kinse anyos pa lamang siya nang matagpuan namin siyang hubad at walang buhay sa kakahoyan. Hinalay at pinahirapan muna bago patayin."

Tumayo ang balahibo ni Saraphine dahil parehong-pareho ito sa nangyari kay Pinang.

"Tutal ay nag-uusap na kayo sasali na rin ako," sagot ng lalaking naglilinis, "kung hindi nyo alam, isa rin ang pamangkin ko sa nabiktima nila. Ilang buwan pa lamang ang nakakalipas nang makita namin siya na puro saksak at bugbog, halos mawarak na ang suot niyang damit."

Hindi lubos akalain ni Saraphine na lahat silang naririto ay kaanak ng mga biktima.

"Kilala nyo ba kung sino ang may kagagawan sa mga pagpatay na ito?" tanong ni Saraphine sa pag-aakalang makakakuha siya ng impormasyon.

"Hindi namin matiyak pero may tsismis na sa tuwing may nawawalang mga kababaihan dito, palaging may nakaaligid na mga kawal ng Hari," sagot ng nakababatang babae.

"Ang mga walanghiyang Kawal na iyan, sila ang may kagagawan nito, nasisiguro ko," nanggagalaiti ang lalaki, "pero hindi sila napaparusahan dahil may proteksyon sila ng Hari. Hindi ito patas!"

"Totoo," sumang-ayon ang matanda, "minsan pinakausapan ko ang Haring Rucaz na bigyang hustisya ang apo ko, nangako siya sa akin na gagawin niya ang lahat para mabigyan siya ng hustisya pero sa huli napako lang rin ang kanyang pangako. Mga hangin lamang ang kanyang mga salita. Binigyan niya lamang ako ng pera at sinabihang huwag ko na babanggitin ulit sa iba ang nangyari! Aba hindi naman ako pwede manahimik!"

"Nakapagtataka nga kung bakit parang may nililihim si Rucaz at ayaw na niyang maungkat ang mga pangyayari, pwera na lang kung may alam siya."

"Dito sa Silangan, walang laban ang mga naghahanap ng hustisya," sagot ng babae, "malay ba natin kung ang Hari mismo ay may kinalaman dito."

"Ganyan naman pag nasa kapangyarihan ka," dagdag ng lalaki, "kaya mong baliktarin ang tama at mali, kayo mong takasan ang lahat ng kawalanghiyaan mo."

Natuklasan ni Saraphine ang kawalan ng hustisya sa Silangan sa pamumuno ng kasalukuyang Hari, taimtim niyang tinatak sa kaisipan ang bawat salita ng mga kapitbahay.

"Kaya kung ako sa'yo, apo mag-iingat ka," muling paalala ng matanda, "para sa kaligtasan mo lang ang mga paalala namin."

"Maraming salamat po, huwag po kayong mag-alala sakin," tugon ni Saraphine. "Alam ko ang nararamdaman nyong lahat dahil ang kapatid ko ang pinakahuli nilang nabiktima."

Nagulat ang tatlo sa ipinagtapat ni Saraphine.

"Ikaw? Ikaw ang kapatid nung babaeng pinaslang ng mga Kawal ilang araw pa lang ang nakakaraan?" tanong ng matanda.

"Ako nga po," sagot niya, "nasilayan ko ang sinapit ng Ate Pinang ko sa kanila, naroroon ako bago siya tuluyang bawian ng buhay, ngunit hindi ang mga kawal ang pumaslang sa kanya, inutusan lamang silang dalhin ang biktima sa totoong halimaw. Nakita ko mismo kung paano siya hinatak ng mga Kawal papunta sa kakahoyan."

"Kung ganun sino ang pumapatay?" tanong ng lalaki.

Tandang-tanda pa ni Saraphine ang huling salita ni Pinang nang tanungin niya kung sino ang may kagagawan nito. "Prinsipe..."

"Kilala nyo ba ang Prinsipe?" Binalik ni Saraphine ang tanong.

"Oo," sagot ng lalaki, "dalawa sila, si Prinsipe Rionne na kapatid sa labas ni Haring Rucaz, at si Prinsipe Rigo na anak naman ng Hari, alam ko pareho silang madalas makita sa taberna."

Prinsipe Rionne at Prinsipe Rigo...

"Teka lang, sinasabi mo bang sila ang may sala?" tanong ng isang dalagang kapitbahay. "Ang mga Prinsipe ang pumapatay sa mga kababaihan dito?"

"Sila ang tinuro ng kapatid ko bago siya lagutan ng hininga," naluluhang sagot ni Saraphine. "Malakas ang kutob ko na isa sa kanila ang tunay na salarin."

"Kaya pala hindi pinapansin ng Hari ang hinaing naming mga nawalan, mismong kadugo niya lang pala ang halimaw na naghahasik ng lagim dito sa Silangan."

"Ngayong alam nyo na, hindi nyo ba paglalaban ang katarungan?" tanong ni Saraphine.

"Mahirap ang sinasabi mo, apo," sagot ng matanda. "Hindi mo alam kung sino ang kinakalaban mo."

"Maliliit na tao lang kami," sambit ng lalaki. "Wala kaming kalaban-laban sa kanila."

***

Kinagabihan nagtungo na si Saraphine sa maliit na balkonahe ng panuluyan, sa kanyang pagkamangha, ang una niyang nasilayan ay ang Palasyo ng Hari sa may kalayuan. Nangingibabaw sa buong tanawin ang matataas nitong mga tore at kastilyo na may matutulis na mga bubungan at iba-ibang kulay na ilaw sa bawat palapag. Hindi maitatanggi ni Saraphine ang angkin nitong halina.

Magandang Palasyo, hindi nalalayo sa dati kong tahanan. Sayang nga lang at pugad ito ng mga halimaw.

Sa tuwing maririnig niya ang salitang Prinsipe, napupuno lamang ng galit at pagkamuhi ang kanyang puso.

Hindi niya makakalimutan at mapapapatawad ang ginawa nila kay Pinang. Kung paano siya binababoy, pinahirapan, nilapastangan at pinaslang ng walang kalaban-laban.

Walang laman ang bugso ng kanyang damdamin kundi ang pagnanasa niyang makapaghiganti sa mga taong gumawa nito sa kanya. Nais niyang maranasan nila ang sakit na kanyang nadarama ngayon. Ito ang bagay na nagpapanatiling gising sa kanya sa buong magdamag.

Kailangan niyang gawin ito, hindi lamang para sa kanyang kapatid, kundi para na rin sa iba pang mga kababaihang inalipusta ng mga nasa kapangyarihan. Lalong umigting ang kagustuhan niyang pagbayaran ang Hari at ang kanyang pamilya dahil sa mga nalaman niya.

Kung sila ay mananahimik lang, ibahin nila ako. Kailangang makagawa ako ng paraan para makapasok ako sa buhay nila.

Naalala ni Saraphine ang sinabi ni Aling Thelma na naghahanap ang Palasyo ng mga bagong kasamabahay na maninilbihan sa kanila at isang ideya ang biglang pumasok sa isipan ng dalagita.

Humanda kayo, Mahal na Hari at mga Prinsipe, hindi nyo namamalayan, darating na lang ako na parang isang bagyong mananalasa sa inyong lahat.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro