Kabanata 6: Miya
Isang lalaki!
Ito ang nakita ni Miya mula sa damuhan. Nakatuon ang kanyang mga asul na mata sa nasabing nilalang. Naiiba ang anyo ng lalaki. Siya ay mataas at matipuno, mayroon siyang itim at may kahabaan na buhok, may katangusan ang kanyang ilong at siya ay mayroong katamtamang kutis. Nasisiguro niyang isa itong estranghero sapagkat malaki ang pagkakaiba niya sa mga kalalakihang kabilang sa Tribong Myongan at Tribong Leon.
Isang estranghero na nagmula sa ibang lupain.
Namangha si Miya sapagkat ngayon lamang siya nakakita ng isang taong Taga-labas, lalo na at may pagkakahalintulad ang kanilang mga anyo, kulay at taas. Sa kanyang kuryusidad, hindi niya maalis ang tingin sa lalaki at tila nakalimutan na niya ang alaga niyang si Puti na kumakain ng damo sa hindi kalayuan.
Nananatili sa kanyang pwesto ang lalaki, halos hindi gumagawa ng tunog, dahan-dahan itong may kinuha at lalong napamasid si Miya. Nanlaki ang mata ng dalagita nang makitang isang pana ang kinuha nito at itinutok ito sa usa. Napalingon si Miya sa alaga na walang kamalay-malay sa balak gawin ng estranghero.
Papatayin niya si Puti! Kailangan ko siyang pigilan!
Hinablot niya ulit ang kanyang mga armas at tumakbo papalapit sa lalaki. Tyempo namang papakawalan na ng estranghero ang kanyang tira nang bigla na lamang lumundag si Miya mula sa likuran at sila ay nagpagulong-gulong pababa ng damuhan. Nagulantang si Puti sa mga kaganapan at siya ay napatakbo papalayo.
Napabagsak si Miya sa makapal na damuhan at ang lalaki naman sa di kalayuan, sa bilis ng pangyayari, hindi namalayan ng lalaki kung anong nilalang ang lumundag sa kanya, kinuha niya ang kanyang pana bilang proteksyon at nagmasid sa paligid, wala siyang nakita kundi ang puting usa na tumatakbo papalayo.
Napatayo siya kahit iika-ika at pinilit pa rin niyang habulin ang hayop, dito na muling kumilos si Miya, humarang siya sa harap ng lalaki at hinampas ito ng kanyang arnis sa bandang pisngi, napabagsak ang lalaki sa kanyang paglusob.
"Hindi ko hahayaang patayin mo siya!" mabangis na saad ni Miya habang nakatutok ang kutsilyo sa lalaki.
Napatingin sa kanya ang lalaki na mula sa kanyang pinagbagsakan, tila nagulat rin ito sa kanyang presensiya at natulala lamang ito habang nakatitig sa kanya.
Nananatili namang nakatutok ang kutsilyo ni Miya habang si Puti ay nagtatago sa kanyang likuran, malamang ay napansin na ng lalaki na mayroong nagmamay-ari sa usang nais niyang patayin. Napatitig rin ulit ang dalagita sa lalaki, napansin niyang may sugat ito sa may talampakan at mukhang hirap at pagod na ito. Bahagya niyang naibaba ang tutok ng kanyang armas nang mapagtanto niyang mahina ito.
Dahan-dahang bumangon ang lalaki na nakatuon pa rin ang tingin sa dalagita, nagsalita ito at sinubukan siyang kausapin ngunit hindi nauunawaan ni Miya ang lengguaheng ginagamit niya kaya hindi siya makasagot at hanggang ngayon ay naguguluhan pa rin siya sa kilos at intensyon ng dayo.
Sinubukang lumapit ng estranghero sa kanya at napalayo si Miya tulad ng isang mailap na hayop. Nagpatuloy ang lalaki sa pagsasalita ngunit tinignan niya lang ito ng walang muwang.
Ano bang pinagsasasabi niya?
"Si-la-ngan," dahan-dahang binigkas ng lalaki, "marunong ka bang magsalita ng Silangan?"
Sa wakas ay naunawaan na ni Miya ang sinabi nito, nagsalita ang lalaki sa Wikang Silangan. Kahit papaano ay may kaunting pagkakahalintulad ang salita nilang Myongese sa ginagamit ng mga Taga-Silangan sapagkat naiba lamang ito nang dumating na ang Unang Hari sa Kontinente, pero nananatili namang pareho ang ilan sa mga salita nilang Myongan, sapat na para maunawaan niya ang sinasabi nito at isa pa maalam ang kanyang Lolo sa kanilang lengguahe.
"Ako...marunong," sinubukan ni Miya na kausapin ang lalaki, kahit minsan medyo nauutal siya at naiiba niya ang tamang pagkakasunod ng mga salita. "Ikaw muntikan na patayin alaga ko...sino ikaw?"
"Ako si Aric," nakangiting nagpakilala ang lalaki. Sa tingin niya naunawaan naman siya ng lalaki dahil nasagot siya nito. "Huwag kang matakot sakin."
Napababa na si Miya ng kanyang armas, mukha namang hindi na siya sasaktan nito pero para makasigurado pinanatili niya ang distansya nila. Muling nagkatinginan ang dalagita at ang estrangherong nagngangalang Aric. Napansin ni Miya na parang nangungusap ang mga tingin sa kanya nito. Parang may kakaiba sa kanyang mga mata.
Isang ingay ang kanilang narinig at naantala ang pakiramdaman nila sa isa't-isa. Dumating si Marcio at ang isang pulutong ng Tribong Myongan dala-dala ang kanilang mga palakol. Nagulantang siya at ang lahat nang makita nila ang lalaking taga-labas.
"Miya!" Hiyaw ni Marcio nang mapagtanto niyang malapit ang anak sa estranghero, "lumayo ka sa kanya!"
"Ama!" natauhan si Miya sa kanyang pagtawag.
Agad na hinatak ni Marcio papalayo ang anak kay Aric.
"Taga-labas!" saad ng mga iba pang Myongan at agad nilang pinaligiran ang binatilyo na nakatutok ang kanilang mga palakol sa kanya.
"Huwag kang gagalaw kung ayaw mo mamatay!" saad ng isa sa kanila sa salitang Myongese.
Hindi naunawaan ni Aric ang sinabi nila ngunit nahuhulaan niya sa kanilang mga kilos. Nanatili siyang kalmado sa kanyang pwesto habang napapaligiran.
"Anak, ayos ka lang ba? Sinaktan ka ba niya?" tanong ni Marcio kay Miya na may pag-aalala.
"Maayos naman po ako, hindi nya ko sinaktan," paninigurado ni Miya.
"Marcio, ito ang estrangherong sinasabi ng Mahal na Datu," sabi ng isang Myongan, "anong gagawin natin sa kanya?"
"Dakpin siya at ikulong!" Mahigpit na utos ni Marcio.
Hinawakan ng dalawang Myongan ang mas matangkad na lalaki habang may nakatutok sa kanyang mga armas, matiwasay na sumama sa kanila si Aric nang hindi nagpupumiglas o nanlalaban.
***
Bumalik sila sa kanilang pansamantalang tirahan sa Gubat. Karga-karga ni Miya ang alagang si Puti habang si Aric naman ay hatak-hatak pa rin ng mga Myongan. Abala sa trabaho ang buong tribo, ang mga kalalakihan ay nag-aayos ng kanilang mga toldang yari sa punong kahoy at kawayan, ang mga kababaihan naman ay naghahakot ng mga prutas sa kanilang mga buslo.
Nang mapadaan sa kanila ang mga kapwa Myongan kasama si Aric, napukaw niya ang pansin ni Mylka.
"Tignan nyo," saad ng bata sa pagkamangha. Napalingon si Maoro at ang iba pa sa kanyang pagtuturo.
Nabigla ang lahat nang makita nila ang presensiya ng lalaking dayuhan sa kanilang teritoryo. Natigilan ang mga kalalakihan sa paggawa at naibagsak naman ng mga kababaihan ang mga dala-dala nilang mga buslo kaya nagkalat ang mga manggang nahakot nila. Nagsimulang magkumpulan ang karamihan sa kanya na para bang nakahuli sila ng isang malaking halimaw na gaya ng Buktot. Ang karamihan ay nangungutya kay Aric habang si Myoris naman ay nakangiti at napahanga sa kanyang tindig at anyo.
Kasalukuyang nagbabantay si Maahan kay Datu Mortho nang marinig niya ang komosyon, lumabas siya para alamin kung ano nangyayari.
"Marcio, anong nangyari?" Nilapitan niya ang asawa. "Bakit nagkakagulo? Nahuli na ba ang Buktot?"
"Hindi, pero iba ang nahuli namin," sumenyas ang asawa at nasilayan niya ang taga-labas na hawak-hawak ng kanilang katribo.
"Huwag naman masyadong mataas," tugon ni Aric sa mga Myongan na nakatutok ng palakol sa kanya, "baka mabali na leeg ko."
"Saan nyo siya natagpuan?" tanong ni Maahan.
"Mahabang kwento, mamaya ko na lang po papaalam," sambit ni Miya.
"Nakahanda na ba ang kulungan?" tanong ni Marcio.
"Handang-handa na," saad ng mga Katribo.
"Ikulong siya at bantayan."
Hinatak nila ang bihag papunta sa kanyang pagkakakulungan. Naaninag ni Aric ang isang malaking kulungan na yari sa kawayan, kahalintulad ito ng mga hawlang ginagamit para bitagin ang isang mabangis na hayop.
"Paano yan, lalong dumarami ang problema natin?" nag-aalalang saad ni Maahan, "una ang Buktot, pagkatapos ang taong ito naman. Tiyak na aalalahanin ito ni Ama."
"Kaya nga hindi natin muna sasabihin," napagpasyahan ni Marcio.
"Ano? Pero marami nang nakakita sa kanya, hindi natin ito basta maililihim."
"Sasabihin rin natin, sa oras na gumaling na siya."
"Sang-ayon po ako kay Ama," saad ni Miya.
Pinuntahan nila si Datu Mortho na nagpapahinga pa rin sa kanyang himpilan. Gising na ang matanda nang sila ay pumasok sa kanyang tolda.
"Lo, kamusta na po kayo?" tanong ni Miya sa mahal niyang lolo.
"Maayos naman na, Apo," sagot ni Mortho, "mukhang tuloy-tuloy na ang paggaling ko, sinabi ko naman sa inyo, huwag nyo na ako masyadong alalahanin. Teka nga pala, bakit parang may narinig akong nagkakagulo sa labas, may problema ba? May kailangan ba kong malaman?"
"Wala po yun, Ama," nagpalusot si Maahan,"alam mo naman tong mga katribo natin minsan maingay pa sa hayop."
"Tama po si Maahan, Amang-Datu," tugon ni Marcio, "maayos lang ang lahat."
Tyempo namang pumasok ang isang tauhan sa loob ng maliit na tolda, na may dala-dalang balita, "Marcio, tapos na ang pinapapagawa mo, nakakulong na ang bihag sa hawlang kawayan."
"Bihag?" Ipinagtaka ni Datu Mortho ang narinig.
Napaismid si Marcio, Maahan at Miya sa nadulas na katribo, hindi niya akalaing gising na pala ang Datu dahil sa bilis niyang magsalita at siya ay natigilan nang mapagtanto ang pagkakamali niya.
"Anong ibig sabihin nito? Sinong bihag? Tapatin nyo ko!"
"Kasi Ama..." napilitan na si Maahan na ipagtapat ang totoo sa Ama, "nahuli na nila ang lalaking dayuhan na gumagala dito sa kagubatan."
"Ano?" Biglang nanumbalik ang malakas na boses ng Datu.
Napabangon siya sa kanyang kinahihigaan na para bang agarang gumaling ang kanyang mga sugat.
"Sinasabi ko na nga ba, naririto lang ang taong nagmamay-ari ng nakita naming kagamitan! Iharap nyo siya sa akin!"
"Ama, huminahon kayo," pinakalma siya ng anak, "hindi pa kayo gaano magaling, baka mabinat pa kayo."
"Wala akong pakialam, kailangan ko na siyang makita! Hindi ako papayag na mapasok tayo ng mga Taga-labas!"
"Lo, tama po si Ina, hindi po makakabuti na makaharap nyo siya ngayon," suhestyon ni Miya,"ipagpaliban nyo po muna at baka bumuka ang mga sugat nyo."
"Sige na nga," napasunod rin kay Miya ang Lolo, "pero magpatawag kayo ng pagpupulong, kailangang mapag-usapan na agad nating lahat kung ano ang dapat natin gawin sa taong ito. Hindi ako maaaring basta-basta na lang humilata rito habang nanganganib ang kaligtasan ng ating Tribo!"
"Masusunod po, Amang-Datu," saad ni Marcio.
***
Ipinaayos ang lahat para sa sa gaganaping pagpupulong. Ipinwesto na nila sa gitna ang malaking silyang kawayan na alay nila para sa kanilang mahal na pinuno. Nakaabang na ang lahat sa paglabas ni Datu Mortho sapagkat ito ang unang pagkakataon na siya ay haharap sa lahat matapos ang insidenteng naganap sa pagitan nila ng halimaw. Kapansin-pansin ang pagkaligalig sa mukha ng mga Myongan at tila nahuhulaan na nila kung tungkol saan ang pagpupulungan nila. Hindi nila malilimutan ang nakita nila kanina lamang.
Lumabas si Datu Mortho na inaalalayan ng mga kalalakihan.
"Hayaan nyo na ko," saad niya sa mga tauhan, "kaya ko na."
Tumindig ang Mahal na Datu na tanging tungkod lamang ang umaalalay sa kanya. Wala na ang nilanggasang dahon at kitang-kita na ang mga sugat na iniwan ng Buktot sa kanyang katawan. Nagtungo ang tinitingalang pinuno sa upuang hinanda para sa kanya. Sunod naman na umupo si Miya, Maahan at Marcio sa kanyang harapan.
"Magandang gabi sa inyong lahat, sa mga nag-alala at nanalangin sa aking paggaling, kayo ay aking pinasasalamatan, nasugatan man ng Buktot ang aking katawan, ngunit hindi siya nagtagumpay sa pagpatay sa akin. Ngayon, naririto ako humaharap sa inyo, na may panibagong lakas at tapang. Alam nyo naman na ang balita, na bukod sa halimaw, napasok na rin tayo ng isang dayo na siyang nagmamay-ari ng gamit na ito."
Ipinakita ni Mortho ang balat na bota sa mga katribo. Ngayon lang rin nakita ni Miya ang nasabing gamit at napagtanto niyang tugma ito sa suot ng lalaki sa isa niyang paa.
"Nahanap namin ito noong araw na ako ay napuruhan ng halimaw, hindi namin agad masabi sa inyo gawa ng nangyari sa akin, at isa pa ayaw namin kayong mag-alala masyado, pero ang tao na mismo ang nagpasyang magpakita sa ating lahat, at ngayon ay kasalukuyan siyang nakakulong. Miya, apo, sinasabi nilang ikaw ang unang nakakita sa tao, maaari bang ilahad mo sa amin kung paano mo siya nakita?"
"Namataan ko po siya sa puso ng kagubatan," panimula ng dalagita.
"Sa puso ng kagubatan?" nagtaka ang kanyang lolo. "Ano naman ang ginagawa mo doon? Di ba ay pinagbawalan ka na naming pumunta dahil lubhang mapanganib."
"Paumanhin po, Lo, wala naman talaga akong balak pumunta ng gubat kung hindi lang nawala ang alaga kong si Puti."
Napailing si Mortho sa kanyang kwento. Hindi niya nagustuhan ang ginawang pagpunta doon ng apo.
"Natagpuan ko siya sa may damuhan kung saan naroroon rin ang dayo, sinubukan niyang paslangin ang alaga ko gamit ang kanyang pana kaya pinigilan ko siya at doon na kami nakita ni Ama at ng ibang katribo."
"Mali ang ginawa mo, apo," hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Mortho na ipaalala ito sa apo, "pero sa isang banda, nakabuti na rin ito sa ating lahat at ngayon ay bihag na natin siya."
"Mahal na Datu, ano pong balak nating gawin sa kanya?" tanong ni Myam-Gaam-Ot.
"Mapanganib ang dayo," nagsalita ang isang lalaking katribo, "tignan nyo ang muntikan na niyang gawin sa alaga ni Miya, maaari rin niya gawin sa atin ito!"
"Patayin na natin siya bago pa niya tayo maisahan!" sumabat pa ang isa.
"Ipaubaya na natin siya kay Datu Leyro at sa Tribong Leon, sila na ang bahala sa kanya sa oras na bumalik sila rito!"
"Hindi natin ito pwedeng gawin," pagtanggi ng Datu,"tayo ang nakadakip sa kanya, tayo dapat ang may karapatang magdesisyon kung ano ang kahihinatnan niya! Hindi ko siya ipapagkatiwala kay Leyro!"
"Patayin ang tao!"
"Paslangin!" ito ang nais ng karamihan.
"Sige, ako na ang bahalang magpataw sa kanya ng hukom. Maaari ko siyang ipakain sa mga buwaya, sunugin ng buhay o itali sa puno para papakin ng mga higanteng langgam. Abangan nyo na lang kung ano ang pasya ko."
Hindi sang-ayon si Miya sa nais ng karamihan na paslangin ang estranghero, para bang may parte sa loob-loob niya na nagsasabing isang pagkakamali ang binabalak nilang gawin.
"Lo, kung inyo pong pahihintulutan, may sasabihin po ako," nagpaalam si Miya sa Datu.
"Sige apo."
"Noong naka-engkwentro ko ang dayo, may napansin ako sa kanya, mukha siyang pagod at nanghihina, sugatan ang kanyang paa at tila dumanas siya ng hirap. Noong sinubukan niyang paslangin ang aking usa, malamang napilitan lamang siyang gawin ito para makaligtas. Hindi naman niya ako sinaktan o sinubukang patayin nang makita nya ko. Sinubukan pa nga niya akong kausapin. Sa tingin ko hindi siya masamang tao at marunong akong kumilatis, baka naman naligaw lang siya dito sa Kasaganaan at sinsubukan niya lang makauwi."
Natahimik ang lahat sa kanyang pahayag, maging si Datu Mortho at ang kanyang mga magulang. Hindi nila inaasahan na ipagtatanggol ni Miya ang lalaking taga-labas.
"Hindi natin alam yan, Miya. Hindi natin kilala ang taong ito, mahirap ang magtiwala na lang basta-basta, paano kung gawa-gawa nya lang ang lahat ng ito? Paano kung tao pala siya ng Hari? Hindi natin alam kung ano ang totoong motibo niya, kung ano ang ginagawa nya at kung bakit siya naririto. Sa oras na pakawalan natin siya, lalo tayong manganganib. Maaari siyang magsumbong sa Hari at ito na ang magiging katapusan nating lahat! Kamatayan lang niya ang nakikita kong solusyon sa problemang ito."
"Nauunawaan ko po Lo, pero ang sinasabi ko po, huwag tayong magmadali sa ating mga desisyon, mas makakabuti kung manatili munang bilanggo ang lalaki nang sa ganoon ay mabantayan natin siya at malaman natin ang totoo niyang pakay. Sa oras na makilala natin siya at malaman nating isa siyang banta laban sa ating lahat, maaari na nating ipataw ang nararapat na kaparusahan sa kanya. Hindi ko na kayo pipigilan kung gusto nyo siyang paslangin sa anumang paraang naisip nyo. Ang nais ko lang ngayon ay maging patas tayo hindi lang para sa atin kundi para sa lahat."
"Sang-ayon ako, Miya," saad ni Myam-Gaam-Ot, "masyadong mabilis kung papatayin natin siya agad, hayaan muna natin siya sa kulungan, mas mahalagang pagtuunan natin ng pansin ang Buktot at ang paghuli sa kanya."
"Sige, pumapayag ako," nakapagpasya na ang Datu Mortho, "mananatili munang bihag ang tao sa ngayon! Mainam siguro kung makaharap ko na siya sa lalong madaling panahon."
Gumaan ang kalooban ni Miya sa pagpayag ng kanyang Lolo sa kanyang pakiusap.
***
Maya-maya, nagpasya si Miya na pagmasdan sa kalayuan ang bihag na dayo sa pagpupumilit ni Myoris, nakakulong na si Aric sa kulungang yari sa matatag na kawayan. Dalawang bantay ang nakapaligid sa kanya, kasalukuyan siyang natutulog.
"Nandito na tayo, Myoris," saad ni Miya,"masaya ka na ba?"
"Tignan mo nga siya," tugon ni Myoris.
"Nakita ko na siya kanina, sapat na yun, bakit ba?" Bahagyang nakukulitan si Miya sa kaibigan na kanina pang walang bukang-bibig kundi ang lalaki.
"Ano ka ba naman, hindi mo ba nakikita ang nakikita ko? Siya na yata ang pinakamagandang lalaking nakita ko sa buong buhay ko, tignan mo yung tikas niya, yung mata niya, yung ilong niya, yung buhok niya, walang binatbat lahat ng katribo natin sa kanya. Nakakahumaling talaga, tingin mo ba siya ang tipong gagawa ng masama sa tribo, mukhang hindi naman."
Muling napamasid na may pagkahumaling si Myoris.
"Hindi pa rin tayo dapat magtiwala agad sa sinumang taga-labas, sabi ni Lolo," paalala sa kanya ni Miya.
"Kunwari ka pa, may napansin naman ako sa'yo kanina sa pulong," paglalahad ni Myoris.
"Ano naman?"
"Nakita naming lahat kung paano mo siya pinagtanggol sa Datu, para bang nakuha na niya agad ang loob mo kung paano mo siya pagtakpan. Hindi ka naman ganyan kay Datu Leyro, ni minsan hindi mo siya napagtanggol pero itong lalaking ito na ngayon mo lang nakilala, grabe naman kung pagtanggol mo."
"Una sa lahat magkaiba ang sitwasyon nila ni Leyro, buhay na niya ang nakasalalay dito at isa pa, ayaw ko lang na magkamali tayo ng pasya," pangangatwiran ni Miya, "hindi ko hahayaang patayin natin ang isang taong wala namang ginagawang masama. Hindi ganun ang pamamaraan natin, yun lang."
Lalong napangiti si Myoris at mas naging ganado pa siya na asarin ang kaibigan.
"Ibig sabihin naniniwala ka ngang inosente siya o baka naman lumambot ka sa kanya dahil nahumaling ka rin?"
"Myoris, ano ka ba naman? Hindi ako nahumaling. Nagulat lang ako nung una ko siyang makita, ngayon lang kasi ako nakakita ng isang taong hindi natin kalahi."
"Ano bang napag-usapan nyo kanina?" tanong ng kaibigan.
"Marunong siyang magsalita ng Wikang Silangan," sagot ng dalaga, "at nagpakilala siya sa akin."
"Talaga? Ano bang pangalan niya?"
"Aric," binanggit ni Miya na may pagkalumanay sa kanyang tinig, "yun ang pangalan niya."
"Aric," pag-uulit ni Myoris, "sa wakas at nagkaroon na rin dito ng isang taong hindi nagsisimula sa 'M' ang pangalan."
Napailing na natawa si Miya sa banat ng kaibigan.
"Tignan mo siya, mukha siyang hirap na hirap tapos kinulong pa, ano yung nasa paa niya?"
"Malamang tela na pinangtakip niya sa sugat niya," sa pagkakataong ito, sang-ayon si Miya sa kaibigan, mukhang hirap na nga ang bihag.
"Oo nga pala, may sugat siya."
"Nakita ko kanina na may hiwa ang paa niya."
"Kawawa naman pala siya, bakit hindi mo gamutin?" pag-udyok ni Myoris.
"Napakaswerte naman niya," muling bumalik ang sungit sa tono ng dalaga, "kung sa sugat nga na dinanas natin dati sa gubat nung mga bata pa tayo, balewala pa nga yan. Hindi siya mamamatay dyan."
"Grabe ka naman, sige kung ayaw mo siyang langgasan, kahit bigyan mo man lang siya ng mga prutas o anumang makakain. Baka nagugutom na siya."
"Myoris, baka nakakalimutan mo, bihag natin siya, hindi panauhin. Muntik na niyang patayin si Puti, hindi ko makakalimutan yun."
"Bahala ka nga, ang sa akin lang wala namang masama kung magmalasakit ka sa kanya kahit kaunti."
Napaisip si Miya sa suhestyon ng kaibigan, kung tutuusin may punto naman talaga siya.
"Siya, iwan ko na nga muna kayo ni Aric," ginaya ni Myoris ang malambot na pagbigkas ni Miya sa pangalan nito, pagkatapos ay umalis na siya.
Naiwan si Miya na nakamasid sa estrangherong bilanggo. Dumilat ang mata ng lalaki at nalaman nitong nakatingin sa kanya ang dalagita. Iniwas agad ni Miya ang mga mata niya at siya ay umalis na rin, pabalik sa kanyang tolda.
Pagkabalik niya, namataan niya ang botang ipinakita ni Datu Mortho sa pagpupulong. Hinawakan niya ito at pinagmasdan. Makapal ang balat na bota at may kabigatan. Sinukat niya ito sa kanyang paa ngunit siya ay nanibago. Silang mga Myongan ay hindi sanay na may suot na anumang gamit sa kanilang mga paa.
Malamang sa kanya nga ito, dapat ko itong ibalik sa kanya...
Papunta na sana si Miya nang maalala niya ang kalagayan ng lalaking bihag, hindi lang ito ang kailangan niya. Sa huli, hindi rin siya nagawang tiisin ni Miya. Naghakot siya ng mga prutas at naghanda ng mga dahon panlanggas kasama ang botang pagmamay-ari ni Aric.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro