Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 6: Graison

-Artemias-

Kasabay ng mga pagpatak ng ulan, isang lalaking nakakubli ang nagmamadaling nagtungo sa Kastilyo ng Artemias. Bago pa man siya makahakbang papalapit sa pasukan, hinarang siya ng dalawang guwardiyang Artemian na nakabantay sa kadiliman ng gabi.

"Papasukin nyo ko, espiya ako ng Duke at may kailangan siyang malaman."

Hinatid ng mga bantay si Celso sa pangunahing bulwagan, kung saan nakaabang na sa kanya si Duke Aurello at Kapitan Roqil. Sa itsura ng Duke, mukhang kagigising lamang niya sapagkat may bahid pa ng antok at pungay ang kanyang mga mata.

"Celso, ikaw pala," pagbati ng Duke sa kanya, "malamang may mahalaga kang ibabalita sa akin kaya ka nagpunta mismo rito ng ganitong oras ng gabi."

"Tama po kayo, Mahal kong Duke," pagmamalaki ni Celso na abot tenga na ang ngiti sa tuwa, "mayroon akong isang mahalagang rebelasyon para sa inyo na siguradong ikamamangha ninyo."

Nagkalingunan si Aurello at Roqil sa sinabi ng espiya, hindi nila matiyak kung totoo ba ang sinasabi nito.

"Simulan mo na," permiso ni Aurello.

"Palihim kong sinundan ang Emperador hanggang sa pinakailaliman ng Palasyo kung saan nakakubli ang isang silid," panimula ng espiya.

"Anong nakita mo sa loob?" nais malaman ng Duke.

"Napakadilim po sa loob at napakainit, para bang may pinakukuluan sa loob. May katiting naman na liwanag at sapat na ito para maaninag ko ang mga pangyayari. Kitang-kita ng mga mata ko na nakikipag-usap si Fierro sa isang matandang mangkukulam."

"Matandang mangkukulam?" tanong ni Roqil. "Sigurado ka ba?"

"Opo, kapitan," pagsang-ayon niya, "nakakatakot ang itsura niya at nakaitim siyang kasuotan. May pinag-uusapan sila ng Emperador tungkol sa mga ritwal at sa Itim na Diyos na hindi ko naman lubos maunawaan."

"Natural, masyado itong malalim sa mababaw mong kaisipan," banat sa kanya ni Aurello na tinawanan ni Roqil. "Ibig sabihin totoo nga ang hinala ko, lingkod nga si Fierro ng Diyos ng Kadiliman."

"Hindi po kayo nagkakamali, Duke Aurello," saad ni Celso, "kung nakita nyo lang ang mga nakita ko, talagang nakapangingilabot, tatayo talaga ang mga balahibo nyo."

"Paano mo naman mapapatunayan ang mga natuklasan mo?" duda pa rin si Roqil sa kanyang mga kwento. "May mga patunay ka bang maipakikita sa amin?"

"Buti po at nabanggit nyo yan," lalong naligalig si Celso nang maalala ang kanyang nakuha, "may natagpuan akong Itim na Libro na ginagamit ng mangkukulam sa pagriritwal. Maraming mga guhit at simbolo doon na nag-uugnay sa halimaw at Itim na Diyos. Habang abala siya sa pagriritwal, dali-dali akong pumilas ng isang pahina!"

"Magaling," umaliwalis ang aura ni Aurello at sa wakas ay nagbubunga na ang kanyang mga plano, "nasaan na?"

"Ito po," kinapa ni Celso ang kanyang bulsa kung saan niya nilagay ang papel ngunit sa kanyang pagkabigla, wala na roon ang nasabing ebidensya.  "Sandali lang po..."

Kinabahan niyang kinapa ang kabilang bulsa pero hindi rin niya nakita doon ang papel.

"Anong problema?" tanong ni Aurello.

"Nawala po, mahal kong Duke," pinagpapawisang ipinaalam ni Celso.

"Anong nawala? Winala mo ang pruweba?" napataas ang boses ni Aurello sa panggagalaiti.

"Imposible," nagtatakang nagpaliwanag si Celso, "sinuksok ko yun sa pinakailaliman ng bulsa ko, imposible namang nahulog."

"Ilang araw ang byahe mo patungo rito, maaaring nawala mo na ang papel ng hindi mo namamalayan! O baka naman may butas at hindi mo maayos na nailagay sa bulsa mo!"

"Hindi po, sigurado ako na natabi ko yun, hindi yun basta mawawala na lang sa akin."

"Niloloko mo ba kami?" Nanlisik ang kahel na mata ni Aurello.

"Maniwala po kayo totoo ang sinasabi ko, mamatay man ako," nanginginig na nanindigan ang espiya.

"Pupunta ka rito para magbalita sa akin pero wala ka naman pala maipakitang ebidensya! Istupido!"

Napailing si Aurello na may panggigigil sa kanyang labi.

"Mahal na Duke, tutal ay nakita naman ng dalawa kong mata ang katotohanan kay Fierro baka sapat na ito para sirain natin siya, pwede kong tumestigo laban sa kanya," sinubukang hanapan ni Celso ng lusot ang kanyang kapalpakan.

"Hindi! Anong laban ng salita ng isang hampaslupang kagaya mo laban sa Emperador? Walang halaga ang mga salita mo laban sa kanya! Kahit sino pwede magbayad ng ginto sa sinuman para magbigay ng mapanirang pahayag! Ang kailangan ko ay isang tunay na pruweba laban sa kanya. Isang ebidensyang papaniwalaan ng madla na siyang ikasisira niya!"

"Pumalpak ka, Celso," nilapitan ng Kapitan si Celso, "ano na ang gagawin natin ngayon sa kanya, Mahal na Duke?"

Ihinanda na ni Roqil ang kanyang espada at lalong nangatog sa pagkagimbal ang espiya. Napaluhod siya sa presensiya ng Duke.

"Maawa po kayo, ayaw ko pang mamatay."

"Tama na yan, Roqil," sinaway ni Aurello ang kanyang Kapitan. "Hindi pa oras para mamatay ang inutil na to."

"Salamat po," napangiti si Celso sa pasasalamat.

"Huwag kang magpasalamat sa akin, may papagawa pa ko sa'yo," sambit sa kanya ng Duke.

"Kahit ano po gagawin ko!"

"Bumalik ka na sa Palasyo at siguraduhin mong madala mo na rito sa akin ang ebidensya, kung kinakailangan kunin mo na mismo ang buong libro!"

"Pangako po, hindi na po ako sasablay."

"Siguraduhin mo lang, kung hindi may kalalagyan ka na," malinaw ang babala sa kanya ni Aurello.

Sinamahan ni Roqil si Celso palabas ng Kastilyo.

"Ayusin mo ang trabaho mo, ang ayaw ni Duke Aurello sa lahat ay yung ginagago siya."

Tinulak niya ang espiya at ito ay tumakbo ng matulin papalabas ng kastilyo, patungo sa ulanan.

-Palasyo-

Sa kadiliman ng kanilang sikretong himpilan, abala si Tandang Ora sa kanyang pagriritwal. Siya ay nakapikit at bumubulong ng taimtim sa lengguaheng tanging siya at ang pinaglilingkuran lamang ang nakakaalam. Hawak-hawak niya ang Itim na Aklat at nakapwesto ang kanyang palad sa nawawalang pahina ng aklat. Habang siya ay patuloy sa kanyang ritwal, dahan-dahang umangat ang kanyang katawan mula sa lupa hanggang sa hindi niya namalayang nakalutang na siya sa ere. Ilang saglit lamang, unti-unting nabuo ang nawawalang pahina mula sa kawalan at tuluyan itong naibalik bilang bahagi ng libro.

"Magandang subok, daga," tugon ng matanda.

Makalipas ang ilang minuto, nagtungo ang Emperador, baon-baon ang pagkadismaya sa kanyang ekspresyon.

"Kamusta ang pagpipinta ng ating Mahal na Prinsipe?" tanong ni Ora.

"Huwag mo ng tanungin, wala rin naman ako mapapala," galit na saad ni Fierro, "ilang araw ko nang binabantayan ang mga pinta mgunit walang katuturan ang mga pinipinta niya, kung ano-anong mga larawan lamang na walang malalim na kahulugan. Hindi natin ito mapapakinabangan, sinasabi ko sa'yo."

"Wala nga ba?" tanong ni Ora.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Tanda nyo ang pininta nya ilang araw na ang nakalipas? Ang dagang pumasok sa madilim na lungga? Noong mismong araw na yun, may kaibigan tayong daga na nakapasok dito sa ating lungga at sinubukan niyang magnakaw sa aking Itim na Aklat."

"Ano?" nabigla si Fierro sa nalaman, "at hinayaan mo siyang makapuslit ng pahina?"

"Aba syempre hindi, nakaalis na ang daga na inaakalang may nakuha siyang keso ngunit mas tuso tayo sa kanya," paliwanag ni Ora. "ngayong alam na niyang wala siyang napala, babalik siya rito ulit para humanap ng ikasisira mo."

"Ang hayop na yun, sigurado ako na pakawala siya ni Aurello," naisip ng Emperador, "subukan lang niyang bumalik at susunugin ko siya ng buhay!"

"Huwag muna, kamahalan," pagtutol ni Ora, "hayaan muna natin siya."

"Hahayaan natin siyang makakuha ng ebidensya para kay Aurello?" tanong ni Fierro. "Hindi ko ito pahihintulutan!"

"Kumalma kayo, Panginoon ko. Ano bang kinakatakot mo? Ikaw ang Panginoon ng Apoy, wala silang laban sa'yo. Huwag kang mag-alala may oras din para siya ay patayin, pero ngayon paglaruan muna natin siya. Walang matalinong daga sa gutom na pusa. Nakita mo na kung paano nakatulong ang pinta ng Prinsipe sa ating plano, kaya mas makakabuti na bantayan mong maigi ang bawat pinta niya."

"Inuutusan mo ba ako?" Nairita na si Fierro sa kanyang pagmamando. "Ako ang Mataas na Emperador ng Cenpyre at ang Panginoon ng Apoy, bakit mas ikaw pa ang nasusunod kaysa sakin?"

"Kamahalan, pasensya na kayo, pero nagkakamali kayo. Hindi ako nag-uutos, bagkus ginagawa ko lamang kung ano ang sinasabi sa akin ng Diyos. Siya ang may kagustuhan nito kaya mas mabuting sundin na lang natin siya."

***

Nakabalik na ulit si Mang Celso sa Palasyo, matapos ang nabigo niyang misyon sa Duke, napaisip siya ng bagong taktika kung paano niya ulit mapapasok ang sikretong silid nang hindi namamalayan ng sinuman, naalala niya ang pagsususpetsa sa kanya ni Graison noong sinubok niyang pasukin ang Palasyo. Kaya niyang lusutan ng paliwanag ang mga kapwa niyang trabahador, ngunit ang Prinsipe, siya ang balakid sa kanyang daan. Sa oras na magsumbong ito sa kanyang ama, siguradong tapos na siya.

"Ang bwiset na Prinsipe, palaging nasa loob ng Palasyo," bulong niya sa sarili, "hindi nya ko pwedeng mahuli, kailangan makahanap ako ng paraan para maibaling sa iba ang atensyon niya."

Tyempo namang nagtungo ang anak niyang Cymon na may dala-dalang mga timba para sa mga kabayo. Nakaisip ng ideya si Celso.

"Anak, halika dito."

"Bakit po?"

"Magpahinga ka muna ngayong araw at ako na ang bahalang mag-asikaso sa kabayo."

"Bakit po Ama?" ipinagtaka ni Cymon.

"May hihiling sana ako sa'yo," inakbayan niya ang anak, "puntahan mo ang Prinsipe at yayain mo siyang makipaglaro sa'yo."

"Ano? Ama, alam nyong hindi ako pwede pumasok sa loob ng Kastilyo at isa pa ayokong kalaro si Graison. Mababagot ako, wala naman alam gawin yun kundi magbasa at magpinta! Tignan mo nga yung ginawa niyang pag-atras doon sa paligsahan namin."

"Anak, gawin mo ito para sa akin, "pakiusap ng Ama, "isipin mo na lang ito, kapag naging kaibigan mo ang Prinsipe magiging kaibigan mo rin ang susunod na Emperador balang araw, malay mo pamahagian niya tayo ng kanyang mga yaman at ginto at gawin ka pa niyang Kapitan ng mga Kawal. Ayaw mo ba?"

"Gusto ko po," mukhang hindi pa rin kumbinsido si Cymon sa kagustuhan ng Ama.

"Oh sige, puntahan mo siya sa kanyang silid bandang ika-dalawa ng hapon mamaya," atas sa kanya ni Celso.

"Sige po," napilitang sinabi ni Cymon bago siya bumalik sa trabaho.

***

Sa kanyang silid, puspusan na si Graison sa pagpipinta habang si Fierro naman ay nag-aabang. Nasa salungat na direksyon ang Emperador kaya wala siyang ideya kung ano ang pinipinta ng anak.

"Matagal pa ba yan, Anak?" tanong ni Fierro.

"Malapit na po," sagot ni Graison na dungis-dungis na ang mukha sa pagpipinta. Nailapat na niya ang brotsa sa huli niyang linya. "Tapos na po."

"Patingin," saad ni Fierro.

Hinarap ni Graison sa Ama ang Mahiwagang Pisara ng Yelo at kumapit sa Emperador ang lamig.

Nasilayan niya ang pinta ng anak at unti-unting natunaw ang ngiti sa kanyang mukha. Pininta ni Graison ang sarili na nakaupo sa Ginintuang Trono bilang isang Emperador. Siya ay naka-asul na kasuotan kagaya nila Costan at ng mga nauna pang Emperador at sa kanyang ulo, isinabit ng Punong Pari ang isang kumikinang na korona na higit na mas malaki at elegante kaysa sa suot ni Fierro ngayon.

"Dahil ako po ang magmamana ng Trono kaya mas mabuting ilarawan ko na ang sarili ko bilang Emperador. Alam ko pong kulay nyo ang pula pero mas gusto ko kasi ang kulay na asul. Sa tingin ko po ito na ang pinakamaganda kong pinta, ano pong masasabi nyo?"

Nananabik na nakaabang si Graison sa komento at papuri ng Ama sa pinagmamalaki niyang obra. Medyo natigilan si Fierro at hindi niya alam kung ano ang sasabihin, ang alam niya lang kailangan niya ang bata para sa kanilang mga plano. Kailangan niyang sumipsip at makuha ang loob ng Prinsipe.

"Maganda, magaling, bagay na bagay sayo ang maging Emperador," napilitan lamang si Fierro na sabihin ito sa anak pero sa loob-loob niya, kinamumuhian niya ang pinta at malamang sinunog na niya ito kung hindi lang ito nakapinta sa Mahiwagang Pisara. Hindi niya masikmura na makitang maging Emperador ang bunga ni Costan. Sa kanya lamang ang trono.

"Ama, tutal tapos na naman ako magpinta, baka pwede nyo po ako samahang magsanay sa bakuran."

"Pasensya na anak, marami pa kasi akong gagawin, sa susunod na lang," pagtanggi ni Fierro, "magpinta ka na lang muna at sabihan mo ko pag tapos ka na para makita ko."

"Sige po," tugon ni Graison.

Tinapik ni Fierro ang anak sa balikat bago niya lisanin ang silid at naiwan ang binatilyo na napapaisip. Napatingin siya sa kanyang pininta.

May mali ba sa pinta ko? Hindi ba maganda? Bakit parang ayaw niya? Naguguluhan na ko sa kinikilos ni Ama, mabait na siya sa akin ngunit sa tuwing pumupunta siya rito, kinakamusta nya lang ang mga pinta ko, at hindi ako.

***

Sumapit na ang ika-2 ng hapon at nagsimula na si Celso sa kanyang pag-iimbestiga sa Palasyo, sa kanyang pagkabigla, hindi niya inaasahang magkakasalubong sila ni Graison malapit sa bulwagan.

"Mang Celso, andito po kayo ulit?" Kalmadong tanong ni Graison. "Ano pong ginagawa nyo rito?"

Nag-isip si Celso nang maidadahilan, ang buong akala niya ay sinunod ni Cymon ang usapan nila na yayayain niya ang Prinsipe pero sinuway pala siya ng anak.

"Ikaw talaga ang sadya ko dito, Mahal na Prinsipe," saad niya.

"Ako po?" tanong ni Graison.

"Nais ka sanang yayain ni Cymon na magsanay kasama niya," sabi ng espiya.

"Ganun po ba?"

"Opo, nahiya lang magsabi sa'yo ang batang yun kaya ako na lang ang nagpasyang magpaalam para sa kanya."

"Wala pong problema, Mang Celso," paninigurado ni Graison, "balak ko rin po talagang magsanay sa bakuran, ako na po ang pupunta kay Cymon."

"Ah sige po, maraming salamat po, Prinsipe Graison."

Nagkunwaring lumabas si Celso pero nagtago lamang siya at binantayan niya ang kilos ni Graison, nang makita niyang lumabas na ang Prinsipe, pinagpatuloy na niya ang pagtahak sa sikretong silid. Malayo pa lang, namataan na niya si Fierro na binuksan ang dingding gamit ang kanyang medalyon, sa kanyang pagkabigla, hindi sinara ni Fierro ang daluyan.

"Tamang-tama, ito na ang pagkakataon ko," natatawang sambit ni Celso.

Tumakbo siya patungo sa daluyan, nang marating niya ang bukas na daan papasok, tila bumangga siya sa isang matigas na dingding at siya ay napahagis paurong. Nagulantang si Celso kung saan siya bumangga sapagkat wala namang nakaharang sa daraanan niya papunta sa daluyan. Tumakbo siya ulit dito at siya ay muling bumangga. Bigo siyang makapasok sa loob ng sikretong himpilan ng Emperador. Para bang may isang malaking pader na hindi niya nakikita at ito ang nagsisilbing panangga laban sa kanya. Buong pwersa niyang sinubok na pumasok sa looban ngunit isang pwersa din ang humaharang sa kanya na makapasok.

"Hindi to pwede, di ako pwedeng bumalik kay Duke Aurello nang wala akong dalang pruweba, kung hindi ako makakapasok rito, kailangan kong halughugin ang bawat sulok ng Palasyo, sasamantalahin ko na habang wala rito ang pakialamerong Prinsipe!"

Nagsimulang maglibot si Celso sa iba't-ibang sulok ng Palasyo.

***

Pumunta si Graison sa kuwadra at nakita niyang nagpapakain ng damo sa mga kabayo si Cymon.

"Magandang hapon, Cymon," pagbati ni Graison.

"Magandang hapon din po, Kamahalan," saad ni Cymon na abala sa pagpapakain ng mga kabayo, ni hindi na niya matignan ang Prinsipe.

"Kinausap ako ni Mang Celso, ang sabi niya nais mo daw magsanay kasama ako," paglalahad sa kanya ni Graison.

"Tama po yun, Kamahalan," napilitan na lamang si Cymon na sabihin ito, "nais kong magduelo tayo kung ayos lang sa'yo."

"Ayos naman sa akin," pagpayag ni Graison, "para matuloy na rin yung naudlot nating laban noong kaarawan ni Ama."

Napangisi si Cymon, "tara po."

***

Nagsimulang magduelo si Graison at Cymon sa bakuran gamit ang maliit na espadang bakal, matikas at maliksi ang pangangatawan ng tagapangalaga ng kabayo kaya mabilis niyang pinupuntirya ang Prinsipe. Naiilagan naman ni Graison ang katunggali, kahit papaano ay nagagamit na niya ang naituro sa kanya ni Talas kaya nakakasabay na siya, kaya nga lang mas sanay sa pagkilos si Cymon gawa ng kanyang trabaho sa kuwadra kaya naman nahirapan ang Prinsipe na talunin ang kalaban. Sumugod si Graison ngunit siya ay nailagan ni Cymon, sinamantala ito ng binatilyo at inugay niya nang matulin ang espada sa armas ng Prinsipe. Humagis ang kanyang espada at sinipa siya ni Cymon na nagpabagsak sa kanya sadamuhan. Inalok niya ang kamay kay Graison at tinulungan niya itong makabangon.

"Magaling," napangiti si Graison na tanggap ng buong loob ang pagkatalo. "Saan mo natutunang mag-espada?"

"Sa tiyuhin ko, marami siyang alam na armas, naturuan niya rin ako gumamit ng sibat, arnis at palakol."

"Talaga marunong ka sa iba't-ibang armas, ang alam ko lang mag-espada at pana," sagot ni Graison.

"Madali lang naman siya basta alam mo ang pagkakaiba ng bawat armas. Mabilis rin naman ako matuto."

"Mabuti naman kung ganun," saad ng Prinsipe. "Magandang laro, subukan ulit natin bukas?"

"Ah hindi ako pwede bukas, kamahalan, lalabas kami ni Zacria bukas."

"Sino si Zacria?" tanong ni Graison.

"Kasintahan ko," sagot ni Cymon, "dyan lang siya nakatira sa bayan."

"May kasintahan ka na?" muling namangha si Graison. "Parang magka-edad lang tayo. Hindi ba masyado ka pang bata?"

Napahalakhak si Cymon sa sinabi ng Prinsipe na para bang ito ang pinakanakakatawang bagay na narinig niya.

"Labinwalang taon na ko, pangatlo ko na nga, ikaw ba naka-ilan na?"

"Hindi pa ko nagkakaroon kahit isa," nahihiya niyang binunyag.

"Seryoso, Mahal na Prinsipe, bakit ilang taon ka na ba, pito?"

"Labing pitong taon na ko," hinayaan na lamang ni Graison ang mga kantyaw sa kanya ng kasama.

"Dapat nagkaroon ka na kahit isa, alam mo ba karamihan sating mga Cenpyero nagkakaroon na ng kasintahan sa edad na 13?"

"Totoo ba? Wala naman nabanggit sa akin si Ama at Ina."

"Maaaring iba ang alintuntunin nyong mga Imperyal, pero sa aming mga karaniwan na tao, yun ang patok. Bakit nga ba wala ka pa, ano ba meron?"

"Mahiyain din kasi ako tsaka di ko pa nahanap yung babaeng gusto ko."

"Binibiro mo naman ako kamahalan, ikaw na isang Prinsipe wala pang kasintahan?" Hindi pa rin makapaniwala si Cymon. "Akala ko nga kayo na ni Binibining Osylla, palagi ko kayong nakikita magkasama nung nandito pa sila."

"Magkaibigan pa lang kami," saad ni Graison, "sa ngayon."

"Pero gusto mo siya?"

"Gusto ko siya," pag-amin ni Graison, "pero sino ba namang hindi?"

"Yun naman pala, suyuin mo na siya," pag-udyok sa kanya ni Cymon, magandang lalaki ka naman, tiyak gusto ka rin niya at hindi lang siya, sigurado ako magkakandarapa lahat ng dalagita sa Cenpyre para lang hingin ng Prinsipe ang kanilang mga kamay. Kailangan mo lang ng diskarte paturo ka lang sa akin, paano pormahan ang mga babae. Sumama ka kaya sakin sa taberna."

"Pumpunta kayo doon?" Ikinagulat ni Graison.

"Oo naman, kami ng mga kaibigan ko."

"Marami ka nga palang kaibigan."

"Syempre, kung saan-saan nga kami nagpupunta, malaya kaming maggala at magsaya."

"Saan pa kayo nagpupunta bukod sa taberna?" usisa ni Graison.

"Marami, iba't-ibang lugar, madalas sa Kartiño, minsan nga pinapayagan pa kami ni Ama na magbakasyon sa Kontinente ng Silangan."

"Narating mo na ang Kontinente ng Silangan? Maganda ba?"

"Oo naman kaso nga lang iba-iba ang panahon, minsan may kainitan, minsan sobrang ulan at hindi ko maintindihan yung salita ng mga Taga-Silangan."

Napangisi si Graison sa sinabi ni Cymon.

"Buti ka pa, nakapunta na sa ibang Kontinente, wala pa kong nararating na ibang lupain, dito lang ako lagi." Nabahiran ng lumbay ang mukha ng Prinsipe. "Ano naman ang madalas nyong ginagawa?"

"Depende kung ano gusto namin, minsan namumundok kami, nagpapataasan kami sa pag-akyat ng puno, nasubukan na rin naming mag-araro ng mga Kalabaw sa Silangan, tapos minsan namamangka rin kami sa Ilog Cen, muntikan na naming marating ang Gubat ng Cen sa layo ng narating namin."

"Marunong kang mag-araro ng Kalabaw at mamangka sa ilog, at sa Gubat ng Cen pa, ayon sa nabasa kong libro, rumaragasa ang ilog doon sa parteng gubat."

"Wala yun," paninigurado ni Cymon, "sumisisid pa nga kami sa malalim minsan."

"Hindi nga?" tanong ni Graison. "Buwis buhay kayo kung ganun."

"Totoo, kahit tanong mo pa sa iba," saad ni Cymon.

"Hindi ako marunong gawin ang lahat ng iyan, at hindi ko pa rin naranasan lahat ng mga ginagawa nyo. Palagi kasi ako nakakulong sa Palasyo, ang alam ko lang ay magbasa at magpinta."

"Simple lang naman ang mga bagay na iyon, hindi lang naman ako ang marunong, kahit mga ibang kabataan alam yan. Gusto mo bang sumama samin minsan? Makapaglibang ka naman, hindi yung nakakulong ka lang dito."

Nagustuhan ni Graison ang alok ng kaibigan ngunit naalala niya ang mga payo at paalala sa kanya bilang isang Prinsipe.

"Gusto ko sana kaso mahigpit ang seguridad sa akin, ni ayaw nga ni Ina na magasgasan o madapuan ako ng langaw."

"Sige, ikaw bahala, pero sabihin ko lang sa'yo, mas marami pang kayang ialok ang buhay kaysa sa pagbabasa at pagpipinta."

Tumatak sa kaisipan ni Graison ang sinabi ng Cymon.

"Mukhang alam mo nga lahat ng di ko alam, nagawa mo na lahat ng di ko nagawa. Napakaswerte mo naman, malaya kang gawin ang gusto mo. Napakasaya siguro ng buhay mo."

"Hindi naman kasing saya ng pagiging Prinsipe," direkta siyang biniro ni Cymon. "Sa'yo na lahat ng yaman, karangyaan at kapangyarihan sa mundo. Hindi ka naman tulad namin na kailangang kumayod para lang may makain. Siguro kung ako ang Prinsipe, wala na kong hihilingin pa, ako na siguro ang pinakamasayang tao sa Buong Lupain."

Napangiti na lamang si Graison sa hiling ng bagong kaibigan. Napagtanto niyang hindi lang pala siya ang naiinggit sa buhay ng iba.

***

Naudlot ang paghahanap ni Celso sa ebidensya nang masilayan niyang bumalik na ang Prinsipe sa Palasyo, kailangan na niyang maghanap ulit ng bagong tyempo.

Nagtungo si Graison sa kanyang silid, pabalik sa kanyang sariling bula. Sa maliit niyang mundo na umiikot lamang sa apat na sulok ng Palasyo. Buong buhay niya ay nailalaan lamang sa pagbabasa, pagpipinta, pag-aaral, pagkain, pagtulog at pagpapaalala sa kanya ng mga magulang tungkol sa mga tungkulin na dapat niyang gampanan bilang isang Prinsipe at Tagapagmana.

Napapaisip na lamang siya: Ganito lang ba talaga ang buhay ko hanggang sa huling araw?

Marami siyang nagpagtanto sa pagkukuwentuhan nila ni Cymon. Sa murang edad nito, marami na siyang alam gawin, puntahan at nabaon na karanasan. Nakita niya ang saya sa kanya noong siya ay nagsasalaysay. Minsan lang sumaya si Graison, noong panahong nakipagkarera siya kay Osylla patungo sa isa sa kaunting lugar na napuntahan niya, bukod doon, wala na. Isa siyang Prinsipe ngunit isa rin siyang preso sa sarili niyang tahanan. Nakakulong sa maliit niyang mundo dito sa dingding ng Imperyo.

Ngayon, mas lalo niyang nabatid na mas malaki at mas malawak pa ang mundo kaysa sa kanyang nakagisnan at ginagalawan, marami pa siyang hindi alam na alam na ng mga kabataang kagaya niya, para bang nanliliit siya sa kanyang sarili at pakiramdam niya siya ay napapag-iwanan na ng buhay. Para bang ang lahat ay nasa isang malaking paligsahan at ang lahat ay nauuna sa kanya, siya lamang ang nanatiling hindi tumatakbo at nanatili sa kanyang pwesto mula sa umpisa.

Napapag-iwanan na ko sa maraming bagay at hindi ko alam kung kaya ko pang makaabot sa nais ko ring paroonan, dito lang ba masusukat ang aking kakayahan? Hanggang dito na lang ba ako?

Marami pa siyang gustong gawin. Marami pa siyang gustong puntahan. Marami pa siyang gustong maranasan. Ang mga bagay na nais niyang gawin, nananatili na lamang sa kanyang imahinasyon, ang mga lugar na nais niyang puntahan at ang buhay na nais niyang maranasan, nananatili lamang itong imahe na kanyang pinipinta sa isang blangkong pisara.

Kaya niyang ipagpalit ang lahat ng yaman sa mundo, kung mararanasan niya lamang maging malaya gaya ng mga ibon sa kalangitan, kung pwede nga lang ay magpalit sila ng buhay ni Cymon, kahit isang araw man lang.

Tila siya ay nananabik para sa isang lugar na hindi pa niya nararating, kung saan siya ay mamumuhay ng masaya at naaayon sa kanyang kalooban.

Hindi naman siguro masamang mangarap na mas marami pang kayang ialok ang buhay kaysa sa kinalalagyan ko ngayon.

***

Bandang hapon, binisita siya ng kanyang Ina sa kanyang silid, habang si Edina naman ay naglilinis sa labas.

"Nandito ka na pala, anak," saad ni Grasiela. "Halos hindi kita nakita buong araw."

"Opo, Ina, nagpinta lang naman po ako ngayon pagkatapos nagsanay lang ako kasama si Cymon."

"Mukhang naging abala ang araw mo anak, mukhang masaya."

"Oo nga po, masaya," mabilis na natunaw ang saya sa mukha ni Graison na agad na napansin ng Ina.

"Bakit ganyan ang mukha mo? Hindi naman ganyan ang mukhang masaya."

Nagpakawala ng malalim na paghinga si Graison bago magkwento sa Ina.

"Nakausap ko kasi si Cymon at nalaman ko yung mga bagay na nagagawa nila. Napagtanto ko na silang mga karaniwang kabataan, marami silang nagagawa na kahit kailan hindi ko pa nasubukan, malaya silang pumunta sa iba't-ibang lugar, kahit saan nila gusto,umakyat ng mga puno, lumangoy sa malalim na ilog, makisalumuha sa maraming tao. Minsan hindi ko lang maiwasang mainggit."

"Mainggit kay Cymon?" nagtaka si Grasiela.

"Hindi ko po alam Ina, pakiramdam ko kasi parang napapag-iwanan na ko."

"Saan?"

"Sa buhay," paglalahad niya, "sa mga dapat kong gawin, marami pa kong bagay na hindi nagagawa."

"Maaaring totoo yan pero hindi naman sila isang Prinsipe kagaya mo." Pagpapaalala sa kanya ng Ina.

Bahagyang napangiti si Graison.

"Anak, hindi mo dapat iniisip ang mga bagay na iyan, masyado ka pang bata at may panahon pa para makaabot ka at magawa mo lahat ng nais mo. Bakit mo ba kinukumpara ang sarili mo sa iba? Kanya-kanya naman tayo. Ganun ang buhay nila at iba naman ang sa iyo."

"Hindi ko po alam, Ina, alam ko po hindi ko dapat nararamdaman ang mga ganitong bagay."

"Tama ka, masyado ka lang nagiging negatibo. Hindi ka dapat nalulungkot, dapat nga maging masaya ka dahil maayos na kayo ng iyong Ama."

"Isa pa rin po yun sa iniisip ko, Ina," nagpatuloy ang Prinsipe. "Maayos na po kami ni Ama at pinapayagan na niya akong magpinta kaso lang..."

"Ayaw mo ba nun?" Tanong ni Grasiela. "Di ba yun naman ang gusto mo, na suportahan ka niya sa mga hilig mo."

"Opo, pero may napansin ako kay Ama, tingin ko kasi gusto niya lang makita ang mga pinta ko. Parang yun lang ang inaabangan niya tuwing dadalawin niya ko. Tuwing matatapos ako at nakita na niya, iniiwan na niya ako mag-isa."

"Graison, ano ka ba naman? Sinusubukan na ngang bumawi sa iyo ng ama mo, bakit kung ano-ano ang pumapasok sa isip mo? Bakit ka nagkakaganito?"

"Kahit ako po naguguluhan ina, Nakatira ako sa magarbong Palasyo, ako ang Tagapagmana ng Imperyong Cenpyre, anak ako ng pinakamalaking tao sa Buong Lupain ngunit bakit pakiramdam ko ako ang pinakamaliit sa lahat?"

"Huwag mong isipin yan, dapat nga maging masaya ka, napakalaki ng agwat mo sa ibang mga bata. Napakaayos ng buhay mo kung ikukumpara sa iba. Yung iba nga naghihirap pero tingnan mo sila, masaya sila sa buhay nila at kung ano ang mayroon sila, bakit hindi mo sila gayahin?"

Hindi na lamang nakasagot si Graison, nakikita niyang nasa magkaibang pahina sila ng ina.

"Isipin mo na lang kami ng Tiyo Talas mo," pagpapatuloy ni Grasiela, "mahirap ang buhay namin dati sa Silangan, namasukan pa kami kay Haring Rucaz bilang mga alipin at nakaranas kami ng pag-aalipusta mula sa kanya, mula noon, pinangako ko sa sarili ko na hindi mararanasan ng mga anak ko na maghirap kagaya ko, kung kukumpara sa buhay mo ngayon, higit na mas mahirap ang dinanas namin, pero hindi kami nagpaapekto sa lungkot o inggit."

Taimtim na nakinig si Graison sa pagsasalaysay ng ina.

"Anak, kailangan mong labanan ang emosyon mo, hindi ka pwedeng magpatalo o magpadala, gaya ng sinabi ng iyong Ama sa akin noong bagong Emperatris pa lamang ako. Milyon-milyong mga mata ang nakatuon sa ating mga Imperyal, hindi sila maaaring makakita ng kahinaan, kundi ito ang gagamitin nila laban sa atin. Sa oras na mapansin nila ito, hindi na natin sila masasakop, sila na ang sasakop sa atin. Kailangan nating maging malakas at matatag ano pa man ang nararamdaman natin. Iyon ang halimbawa ng isang magaling at tinitingalang Pinuno. Kaya sinasabi ko sa'yo, tigilan mo na ito, anak. Itatak mo lang sa isip mo na mas mapalad ka at sa dinami-rami ng mga tao sa Buong Lupain, ikaw ang naging Prinsipe."

Sinubukang hawakan ni Grasiela ang anak ngunit lumayo agad ang Prinsipe.

"Hindi nyo po ako naiintindihan, Ina," sambit ni Graison, "kung alam nyo lang, hindi ko naman piniling makaramdam ng ganito at alam ko naman kung gaano kapalad ako."

"Yun naman pala, kaya huwag mo na lang isipin yan, kung ano man yan lilipas rin yan. Makinig ka lang sa akin, gusto ko lang naman tulungan ka."

"Paumanhin po sa sasabihin ko, pero hindi po kayo nakakatulong," dismayado pa rin ang tinig ni Graison. "Magpapahangin lang po muna ako."

Nilisan niya ang silid at napatingin si Edina na may pagkahabag sa Prinsipe.

***

Naiwan si Grasiela na nag-iisip sa silid ni Graison, pumasok si Edina para damayan siya.

"Gusto ko lang naman makatulong sa kanya na gumaan ang kalooban nya, pero mas lalo ko pa yatang napalala. Hindi ko na alam. Mahal ko ang batang yan higit pa sa tunay na anak, hindi man siya nanggaling sa sinapupunan ko."

"Alam naming lahat yun, Kamahalan, saad ni Edina, "napakinggan ko ang usapan nyo kanina habang naglilinis ako, maganda ang intensyon mo, mali nga lang ang paraan ng pagkakasabi."

"Mali? Sinabi ko lang naman ang dapat niyang malaman."

"Sabihan mo ba naman siyang dapat maging masaya na lang siya, huwag na siyang malungkot, na mas maswerte siya sa iba at dapat kalimutan na lang nya, hindi nyo po ba naisip kung gaano kabigat ang mga salitang yun para sa isang taong may dinadamdam? Kung sa inyo po sinabi yun, ano ang magiging reaksyon nyo? Sabihin nating nasugatan ka tapos may nagsabi sa'yo na lilipas din yan, makakatulong ba yan? Para kasing pinangunahan mo siya kung ano ang dapat nyang maramdaman at higit sa lahat parang binalewala mo lang ang nararamdaman niya."

"Nagulo ko lang ang lahat" napahampas  si Grasiela kanyang noo. "Wala akong kwentang ina."

"Hindi pa naman huli ang lahat para bumawi," tugon ni Edina, "Tandaan natin kamahalan, hindi natin kontrolado kung ano ang mararamdaman natin, hindi natin alam kung ano ang dahilan kung bakit pero yun ang katotohanan. Wala itong pinipili, mahirap man o mayaman, kahit pa kabilang kayo sa pamilyang Imperyal. Mahirap kalaban ang sarili nating isip."

"Ano ang magagawa ko para matulungan siya?" walang hinahangad ngayon si Grasiela kundi ang makabawi kay Graison.

"Simple lang, makinig ka lang sa kanya at suportahan mo lang siya palagi, ipakita mong nauunawaan mo siya at hindi siya nag-iisa dahil nandito ka para sa kanya. Ang kailangan niya ay pag-unawa, hindi paghuhusga."

"Salamat, Edina," natuwa si Grasiela sa payong binigay ni Edina.

***

Lumabas si Grasiela sa bakuran at nasilayan niyang nagpapahangin ang anak.

"Grai," niyakap ni Grasiela ang anak.

"Patawarin mo ko anak sa mga nasabi ko. Patawarin mo ko dahil pinagwalang bahala ko ang nararamdaman mo. Imbes na makinig ako sa'yo, hiniya at minaliit ko pa ang pinagdaraanan mo."

"Ina, patawad din po, dahil nasagot ko kayo kanina," nahihiyang nagpaumanhin si Graison.

"Wala yun anak, nararapat lang sa akin yun dahil hindi ako naging mabuting Ina sa iyo."

"Ina, hindi po totoo yan," itinanggi ito ng Prinsipe, "napakaswerte ko po dahil kayo ang aking ina."

"Basta kung may dinadamdam ka, sabihin mo lang sa akin, handa akong makinig sa'yo. Hindi mo na to kailangang sarilihin, kung kailangan iiyak, iiyak mo lang. Kung ano man ang pagsubok na kinakaharap mo sa isip mo, malalagpasan mo rin yan dahil malakas ka, anak. Kahit ano pa man ang nangyayari sa'yo palagi mo lang tatandaan na mahal kita. Ano pa ba ang magagawa ko para mapadali ito sa'yo?"

"Isa lang po ang kailangan ko," saad ni Graison.

"Ano iyon?

"Kayo po, ang gusto ko lang manatili ka sa piling ko, sapat na po yun."

"Pangako anak, naririto lang ako palagi, nakasuporta sa'yo."

Muling napayakap si Grasiela sa anak at sa wakas, nakaramdam rin ng kaginhawaan si Graison sa kanyang piling.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro