Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 6: Covel

-Kanlungan ng Kanluran-

Lubhang ikinabahala ni Haurre ang natuklasan niyang balita at halos hindi na niya maitago ang ang pagkabalisa.

Napansin ni Ermin na hindi maganda ang aura ni Pinunong Haurre, "Anong nangyari Pinuno? May problema ba?"

"Dinakip ng pwersa ni Lodell si Donello," malungkot na ibinahagi ni Haurre.

"Sino siya?" walang malay na inalam ni Ermin sapagkat ngayon niya lang narinig ang pangalang ito.

"Anak siya ng yumao kong kaibigan na si Darwyn. Malamang hindi mo rin siya kilala. Nakaalis ka na sa samahan noong kami ay tulungan nila. Nagmula sila sa pinakamayaman at maimpluwensiyang pamilya dito sa Gremon, ngunit gaya nating mga mulat sa katotohanan, hindi siya sang-ayon sa pamamalakad ni Lodell dito sa Kanluran kaya tinulungan niya kami. Pinondohan niya ang Kapatiran at nagamit namin ang mga perang ito para makabili ng mga armas. Kinainggitan siya ng ibang Kanluraning tapat sa Mataas na Panginoon kaya hinanapan siya ng mga ito ng kasiraan. Kumalat ang tsismis tungkol sa pagmamalasakit niya sa mga inuusig na lahi kaya kinamkam ng mga nasa itaas ang kanyang mga negosyo, lupain at ari-arian. Namuhay siyang naghihikahos. Dinamdam niya ito, nagkasakit siya at namatay bago pa siya arestuhin ng otoridad sa salang pagtatraydor. Naiwan niya ang kanyang dalawang anak, si Donello at ang bunso niyang babae na si Gavielle. Ngayon ang anak niyang si Donello ang kanilang inuusig sapagkat sumunod siya sa yapak ng kanyang Ama. Isiniwalat niya sa kanyang mga panulat ang pang-aapi at pag-aalipusta ng pwersa ni Lodell."

"Kawawa naman pala ang sinapit nila, bakit kung sino pa ang mararangal, siya pa ang nakakaranas ng paghihirap?"

"Dahil sa mga taong gaya nila Lodell at Fierro, kung tao pa sila," nangingilid ang luha sa mga mata ng Pinuno at napasara ang kanyang labi sa pagkamuhi.

"Anong balak nyong gawin?"

"Nabigo akong tulungan si Darwyn noong siya ang nangangailangan," may bahid pa rin ng pagsisisi sa kanyang matamlay na tinig. "Hindi ko na hahayaang maulit ito sa kanyang anak, kikilos tayo."

***

Tila nagbalik sa kaisipan ni Lynda ang hindi magagandang salita na nasambit niya kay Covel at lalo na kay Pinuno. Pinaghanda sila ng tolda ng mga kasapi at nakatabi na niya sa pagtulog si Eryn at Itoi, gayunpaman, gising siya magdamag, hindi dahil sa namamahay siya, subalit napapaisip siya kung ano nga ba ang dapat nyang gawin, kung tatanggapin ba niya ang sitwasyon na kinalalagyan ni Covel o kung patuloy pa rin siyang magmamatigas.

Bago sumapit ang bukang-liwayway, binisita niya ang Pinuno sa kanyang himpilan. Gising na rin si Haurre, marahil hindi rin siya pinatulog ng kanyang mga alalahanin.

"Pinuno, gusto ko lang pong humingi ng paumanhin sa inyo," nahihiyang sinabi ni Lynda na ngayon ay mas mahinahon na. "Nadala lang ako ng damdamin ko kaya hindi ko na naisip ang mga binitawan kong salita. Hindi ko po sinasadyang bastusin kayo."

"Wala kang dapat ipag-alala," sinigurado sa kanya ni Haurre. Hindi ako galit."

"Salamat po," nakahinga na ng maluwag ang nag-aalalang ina.

"Hindi ko masasabing naiintindihan kita ng lubusan, hindi ako isang magulang, pero bilang Pinuno ng Kapatiran, parang ako na ang nagsisilbing Ama ng lahat ng kasapi, siguro sapat na ito para maunawaan kita kahit papaano."

Bahagyang napangiti si Lynda sa sinabi ni Haurre.

"Pumapayag na akong maging kasapi ng Kapatiran si Covel," desidido niyang sinambit.

Nagkaroon ng buhay ang mahabang mukha ni Haurre sa pagpayag ni Lynda, hindi niya inakalang magbabago pa ang isip nito.

"Basta ipangako nyo na lang na hindi sila mapapahamak ni Ermin," nais ni Lynda na maging malinaw ito.

"Sa isang dekadang pakikipaglaban ni Ermin kasama kami, sinigurado kong walang mangyayaring masama sa kanya at makakauwi siya ng ligtas sa kanyang pamilya. Hindi ko binali ang pangakong ito."

"Batid ko po iyon, maraming pagkakataon na gising ako magdamag, nag-aalala at hinihintay ang pagbabalik ng aking asawa, gayunpaman palagi siyang nakakauwi ng ligtas sa amin."

"Makakaasa kang ganoon rin ang gagawin ko sa Mahal na Prinsipe," pangako ni Haurre, "Tulad ng sinabi ko, handa akong ibuwis ang buhay ko para sa kanya at natitiyak kong handa rin siyang protektahan ng Kapatiran hanggang sa huling katao. Parusahan sana ako ng Diyos ng Kabutihan kapag hindi ko tinupad ang pangakong ito."

***

Pagkatapos niyang kausapin ang Pinuno, namataan ni Lynda si Covel na nakaupo sa isang sulok, pinagmamasdan ng binatilyo ang kanyang sibat nang marinig niya ang hakbang ng mga paa na papalapit sa kanya. Pagkalingon niya, nakita niya ang kanyang ina na taimtim na nakatitig sa kanya.

"Inay," napatayo si Covel sa kanyang kinauupuan, ngayon niya lang ulit nakita si Lynda mula noong huli nilang pag-uusap na hindi maganda ang kinahantungan.

Namomroblema pa rin ang binatilyo kung paano niya ito mapapapayag sa kanyang desisyong sumama sa kapatiran. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya para lumambot ang puso ng ina.

Mangiyak-iyak na niyakap ni Lynda ang anak, sa pagkabigla ni Covel. Napangiti ang binatilyo at napagtanto niyang tanggap na ni Lynda ang desisyon niya.

-Kampo ng Kamatayan-

Sa kanyang himpilan, naghihintay si Lodell sa pagdating ng dalawang pinagkakatiwalaan niyang mga Komandante.

Sabay na dumating si Wharen at Jiaruz na mahahalata pa rin ang pakikipagkompetensya para sa papuri ng Mataas na Panginoon.

"Pinatawag nyo po kami?" tanong ni Wharen.

"Nalaman ko sa iba nating tauhan ang nangyari sa ating mahal na bilanggo," seryosong tugon ni Lodell. "Nagulat na lamang ako ng sabihin nilang wala na ang mapanirang kamay ni Donello. Sino sa inyo ang may kagagawan nito?"

"Mataas na Panginon," inunahan ni Jiaruz si Wharen sa pagsasalita, "wala po akong kinalaman sa-"

"Ako ang may kagagawan," sumabat si Wharen bago pa matapos ang sasabihin ng kasamahan, "ako mismo ang pumutol sa kamay niya."

Tila pinagmamalaki pa ni Wharen ang ginawa niya kay Donello.

"Nasisiraan ka na ba?" lakas-loob siyang kinutya ni Jiaruz. "Sino ang nagbigay sa'yo ng pahintulot na gawin ito? Mahigpit na bilin ng Mataas na Panginoon na walang gagalaw sa bilanggo! Isang pagsuway ang ginawa mong hakbang!"

"Jiaruz," pananaway ni Lodell, "hayaan muna natin siyang magpaliwanag."

"Panginoon," yumuko si Wharen bago niya isalaysay ang pangyayari, "kinausap ko si Donello kahapon at binigyan ko siya ng pagkakataon para pababain ang sentensya nya kung ituturo nya kung saan nagtatago ang Kapatiran dahil malakas ang kutob kong may sabwatan sila, ngunit ayaw nyang umamin. Nagmatigas siya at ininsulto niya ko, ininsulto nya kayo, kaya ko siya pinutulan ng kamay. Nais kong magtanda siya. Malaman niyang hindi tayo dapat insultuhin. Sa susunod na magsalita pa siya laban sa atin, dila na niya ang kukunin ko."

"Wala akong pinag-uutos na ganito," paglilinaw ni Lodell, "pinangunahan mo ko sa ginawa mo, Wharen."

Ngumisi si Jiaruz sa sinabi ng Mataas na Panginoon. Nasisiguro niyang mapapahamak ang Mataas na Komandante sa kanyang ginawa.

"Pero sa isang banda," napaisip si Lodell at nag-iba ang kanyang tono,"nagustuhan ko ang ginawa mo."

Umaliwalas ang mukha ni Wharen habang si Jiaruz naman ay nagulantang. Sa pagkakataong ito, si Wharen naman ang ngumisi nang pang-asar sa kanya.

"Nasaan ang kamay niya?"

"Nandoon pa sa selda niya," pagmamalaking saad ni Wharen.

"Mabuti, kunin ito at gawing tropeyo," atas ni Lodell, "bukas magpasugal kayo at ibigay ito sa mananalo nang sa ganoon ay manginig ang kamay ng mga nag-iisip na magsulat laban sa atin. Ipahanda ang Plaza Gremo, bukas magtatanghal tayo ng isang malaking palabas."

-Kanlungan ng Kanluran-

Nagsimulang maghanda sina Lynda at Eryn para sa pag-uwi nila sa Kabundukan ng Nievah.

"Tandaan mo ang mga paalala ko sa'yo," ilang ulit nang sinabi ni Lynda sa anak, "huwag kang magpapalipas ng gutom. Palagi kang kumain sa tamang oras."

"Opo, Inay," natatawang sagot ni Covel.

"At pag nalalamigan ka, suotin mo lang palagi ito," tinanggal ni Lynda ang balabal niyang yari sa balat ng lobo at binigay ito sa anak.

"Mas kailangan nyo yan sa bundok," ibinalik ni Covel ang balabal.

"Pero baka mahamugan ka, palagi ka na lang magpainit sa apoyan. Hindi rin naiiba ang panahon dito."

"Inay, huwag nyo na ko alalahanin," sabi ng binatilyo, "hindi na ko bata."

Napagtanto ni Lynda na may punto ang anak.

"Pasensya ka na, hindi ko lang talaga maiwasang mag-alala. Ito ang unang beses na mahihiwalay ka sa amin ng matagal."

"Lynda, tama ang anak mo, malaki na siya, kaya na niya ang sarili niya," paninigurado ni Ermin sa kabiyak. "Ngayon, tara na at mahaba pa ang lalakbayin natin."

"Uuwi na rin kayo, Itay?" tanong ni Covel.

"Hahatid ko lang muna ang Inay at mga kapatid mo pauwi sa Nievah, pagkatapos babalik din ako agad dito."

"Mag-ingat kayo," paalala sa kanila ni Covel.

Napansin ni Eryn na naglalaro pa ang kapatid na si Itoi ng paborito niyang laruan at para bang wala itong balak na umalis.

"Itoi, halika na," tinawag niya ang kapatid, "uuwi na tayo."

"Uuwi?" nagtatakang tanong ng bata. "Ayaw pa uwi, Itoi."

"Anak, hindi pwede," pagtutol ni Lynda, "hindi para sa bata ang lugar na ito."

"Makinig ka kay Inay, Itoi," paalala ni Covel. "kailangan mo ng sumama sa kanila."

"Ikaw Kulev, kasama ka ba uwi?" tanong ng bata sa kanya.

Nagkatinginan sina Covel, Ermin at Lynda, alam nilang magiging problema ang pagkumbinsi nila kay Itoi na sumama sa kanila.

"Anak, maiiwan ang Kulev mo dito," paliwanag ni Ermin, "marami pa siyang gagawin bilang miyembro ng kapatiran."

"Hindi uwi Itoi, kung hindi uwi Kulev," pagmamatigas ng bata at siya ay bumalik sa paglalaro ng kanyang kahoy na manika.

"Uuwi na tayo Itoi," sinubukang hawakan ni Lynda ang anak ngunit ito ay kumalas sa kanya at kumapit kay Covel.

"Dito lang, Itoi. Kasama Kulev."

Napabugtong-hininga si Lynda sa kulit ng bunsong anak.

"Paano ba yan, mukhang wala na tayong magagawa," palagay ni Ermin, "mukhang mas madali pang paghiwalayin ang balat sa tinalupan kaysa baguhin ang isip ng anak mo. May pinagmanahan talaga. Hayaan na lang natin siya dito kasama si Covel."

Napailing si Lynda sa kantyaw ng asawa.

"Ano pa nga ba ang magagawa ko, magwawala lang yan hanggang makauwi tayo kung isasama natin siya."

"Huwag ka ng mag-alala, Lynda, babantayan siya ni Covel at ng kapatiran habang wala ako.

Nilingon ni Lynda si Covel at napatango ang binatilyo bilang paninigurado na magiging ligtas si Itoi kasama nila.

"Pagkabalik ko, ganoon na rin ang gagawin ko," nangako si Ermin. "Ako na ang bahala sa anak natin."

"Basta siguraduhin mo lang na ibabalik mo ng ligtas sa akin ang mga anak ko, lalo na si Itoi. Alam mo namang marami siyang pangangailangan."

"Kalimutan mo ng asawa mo ko pag pinabayaan ko sila," muling pagbibiro ni Ermin. "Kahit palayasin at pagtabuyan mo na ako, ayos lang."

Natatawang napayakap si Lynda kay Ermin, "pareho nating batid na hindi iyon mangyayari."

***

"Paalam, Ina, paalam Eryn," maligayang sinabi ni Itoi sa Inay at kapatid.

Nakangiting iwinagayway ni Lynda at Eryn ang kanilang mga kamay kina Covel, Itoi at sa ibang kasapi ng kapatiran.

Dumating na ang oras para sila ay umuwi, at sila ay sinamahan ni Ermin.

Bago tuluyang lisanin ang taguan, nilingon ulit ni Lynda ang dalawang anak na may halong ligaya at lungkot sa kanyang mukha.

***

Pagsapit ng gabi, tinipon ni Pinunong Haurre ang lahat para sa isang mahalagang pagpupulong.

"Alam nyo naman na siguro kung bakit ko kayo pinulong ng ganitong oras. Tungkol ito kay Donello na anak ng yumao kong kaibigan. Kalat na ang balita, bilanggo siya ng Mataas na Panginoon at siya ay nakatakda ng sentensyahan bukas sa Plaza Gremo ayon sa nakalap ko sa ating mga espiya. Tiyak na ang kamatayan niya sa kamay ng mga kalaban kung wala tayong gagawin. Hindi ko hahayaan na matulad siya sa kanyang ama. Nakapagpasya na ako, bukas na bukas ililigtas natin siya."

Nagkagulo ang karamihan sa huling pahayag ng Pinuno at ang iba ay nagsimulang magdiskusyon. Si Covel naman ay nananahimik lang sa kanyang pwesto habang pinagmamasdan ang kaguluhan ng mga kasamahan.

Ganito ba lagi sila sa tuwing may panukala ang Pinuno?

"Pinuno, naiintindihan ko ang kagustuhan nyong sagipin ang buhay niya pero hindi ba delikado ito para sa atin?" tanong ni Toro.

"Hindi natin makakayang labanan ang pwersa nila," sagot ni Ronis na tila seryoso at walang bahid ng kalasingan "parang nagpakamatay na rin tayo sa gagawin natin."

"Sang-ayon ako, Pinuno," dagdag pa ni Jualem, "alam ko ang tungkol dito, tuwing mayroong kriminal na hahatulan ng mabigat na kaparusahan, siya ay pinagmamartsa sa Plaza at napakaraming manonood. Siguro mga..."

Nagsimulang magkwenta si Jualem gamit ang kanyang mga daliri.

"Tantya ko mga daan-daang Tagapuksa, hindi pa kasama doon ang mga sibilyang tapat kay Lodell..."

Muling nagkwenta si Jualem, napapailing sina Toro sa kanya at ang iba naman ay nagugulat sa kanyang mga kinikilos.

"Paumanhin," saad niya nang mapansing nakatitig sa kanya ang mga kasama,"nasobrahan ata ako."

"May punto kayong lahat sa mga sinabi nyo," sagot ni Haurre, "lubhang mapanganib nga ito, "kaya tayo ay gagalaw ng palihim, nang patago sa anino. Hindi tayo makikipaglaban sa kanila, hindi muna sa ngayon. May tamang panahon para dyan. Ang misyon lang natin ay ang sagipin ng pasikreto si Donello."

Napaisip si Haurre bago ipagpatuloy ang pagpaplano.

"Covel, sa iyo ko ibibigay ang gawaing ito, sasamahan ka ni Jualem at Ancho bukas."

"Ako po?" Nagtaka si Covel sa narinig.

Maging ang ibang miyembro ng kapatiran ay nagulumihanan sa hinirang ni Haurre para sa importanteng misyon. Hindi nila akalain na kay Covel niya ito ipagagawa. Si Jualem at Ancho naman ay kinabahan rin nang marinig na kasama sila bukas.

"Pinuno, mawalang-galang lang po," walang inaksayang oras si Toro para magsalita, "bakit hindi mo na lang ito iutos sa amin nila Nolan at Kamlon. Bakit sa kanya pa?"

"Toro may itatanong ako sa iyo. Merong dalawang espada ang isang mandirigma. Ang unang espada ay subok na subok na at napatunayang maaasahang sandata sa pakikipaglaban. Ang isa naman ay bagong panday pa lamang at wala pang karanasan sa pag-ugoy at pakikidigma. Oras na para magsanay ang mandirigma para sa nalalapit na laban, anong espada ang sa tingin mong unang bibigyan pansin ng mandirigma?"

"Ang ikalawang espada," sagot ni Toro, "nang sa ganoon ay masubok ang kanyang talas at ugoy."

"Nasagot na ang tanong mo kung bakit si Covel ang napili ko sa gawaing ito."

Naunawaan na ni Toro na sinusubok ni Haurre ang kakayahan ni Covel at siya ay napangiti nang mapagtantong siya ang unang espadang tinutukoy ng Pinuno.

"Covel, Jualem, Ancho," pagtawag ng Pinuno, "gumising kayo ng maaga at idedetalye ko ang iba nyong gagawin sa inyong misyon."

"Masusunod po, Pinuno," sagot ni Ancho.

"Yun lang muna sa ngayon, magpahinga na kayo," tinapos na ni Haurre ang pagpupulong.

Nagsi-tayuan na ang mga kasapi at nagsibalikan na ang iba sa kani-kanilang mga tolda.

"Prinsipe Covel," pagtawag ni Haurre sa binatilyo. "Maiwan ka muna rito."

Masamang tinignan ni Toro si Covel habang siya ay naglalakad paalis sa pulong. Tanging si Covel at Haurre na lamang ang naiwan.

"Napansin kong nag-aalangan ka nung sinabi kong ikaw ang mamumuno sa gagawin nating pagligtas."

"Sigurado po ba kayo na ako talaga ang nararapat para dito? Bago pa lang ako sa grupo at pati na rin dito sa Gremon, hindi ko pa gaano gamay ang kalakaran dito. Maaari akong pumalpak."

Hindi pa rin makapaniwala si Covel na sasabak na agad siya sa una niyang misyon.

"Alam kong mapapagtagumpayan mo ito, dahil may tiwala ako sa'yo. Binibigay ko sa'yo ang pagsubok na ito. Sinasanay kita dahil balang araw ikaw ang papalit sa akin, pamumunuan mo ang Kapatiran sa oras na wala na ako. Sa'yo ko ipagkakatiwala ang lahat."

Napalunok si Covel sa pagkabigla at nakaramdam siya na para bang siya ay dinaganan ng isang higante sa bigat ng responsibilidad na nais ipataw sa kanya ni Haurre. Siya ay hilaw pa para mamuno at mag-utos sapagkat bagong tagasunod pa lamang siya.

"Sa tingin ko hindi ako ang nararapat, maraming mas nauna at may kakayahan kaysa sa akin. Si Toro."

"Napatunayan na ni Toro ang kanyang sarili at nagagalak ako sa mga narating niya bilang kasapi ngunit hindi siya ang mamumuno sa ating lahat balang araw, kundi ikaw dahil nananalaytay sa iyo ang dugo ng tunay na Emperador. Kung pamumunuan mo ang isang malaking Imperyo kailangang masanay ka munang pamunuan ang isang maliit na grupo. Hindi na magbabago ang isip ko. Nais kong ikaw ang sumunod na maging Pinuno ng Kapatiran."

Hindi na nagawang tumanggi pa ni Covel sa kagustuhan ng Pinuno. Ang hindi nila alam, nakikinig si Toro at narinig niya ang lahat ng kanilang pinag-usapan.

***

Makalipas ang ilang saglit, papasok na si Covel sa kanyang tolda nang humarang sa kanya si Toro at ang mga kasama niya.

"Nandito na pala ang Mahal na Prinsipe?" abot tengang sinabi ni Toro sa mga kasama.

"Kamahalan," sabay na yumuko sila Nolan at Kamlon na ikinagulat ni Covel.

"Anong nangyayari dito?" tanong ni Ancho.

"Mukhang natuto na silang magbigay respeto sa Prinsipe," masayang saad ni Jualem.

"Maupo ka muna, Kamahalan," hinatak ni Nolan si Covel patungo sa upuan na ihinanda ni Kamlon.

"Baka may ipag-uutos sa amin ang Mahal na Kamahalan," pagpapatuloy ni Toro, "gusto nyo ba ipaghabi namin kayo ng mamahaling balabal o igawa namin kayo ng koronang nababagay sa Emperador?"

Hindi tumalab kay Covel ang kanilang palabas, alam niyang niloloko lamang siya ng mga ito.

"Tigilan nyo ko," tumayo siya nang buong tapang, "hindi ako natutuwa sa mga panloloko nyo."

Tinalikuran niya sila Toro na patuloy ang pagtatawanan.

"At saan ka natutuwa?" Pasigaw na tanong ni Toro. "Sa sinabi ni Haurre na ikaw ang papalit sa kanya bilang Mataas na Pinuno?"

Napalingon sa kanila si Covel na napapaisip kung paano ito nakarating sa kasamahan.

"Akala mo ba hindi namin alam ang napag-usapan nyo? Na ikaw na kabago-bago pa lang sa samahan at walang alam sa pakikipaglaban ang pinili niyang maging pinuno namin balang araw. Iyan ang tunay na kalokohan!"

Nagseryoso ang tinig ni Toro at nanlilisik ang mga tingin niya kay Covel.

"Hindi ko hiniling iyon," pagtanggi ni Covel. "Si Pinuno ang nagpasya, hindi ko siya pinilit."

"Pero hindi mo siya pinigilan! Huwag ka ng magkaila, Covel. Nababasa ko ang mga katulad mong may mataas na kapanganakan! Pakiramdam nyo kaya nyong lamangan ang lahat dahil lang sa mga titulo nyo? Alam namin na gusto mo ng kapangyarihan at komo isa kang  Prinsipe ay makukuha mo na ang lahat! Hindi mahalaga sa'yo na wala kang kakayahan, tingin mo kaya itong takpan ng Pagka-Prinsipe mo!"

"Hindi ko pa lubos na nauunawaan ang desisyon ni Pinuno, pero may tiwala ako sa kanya. Hindi niya ipagkakatiwala sa akin ang samahan kung nakikita niyang wala akong potensyal."

"Wala kang alam!" Lalong sumabog ang tensyon sa pagitan nila. "Hindi mo alam ang pinagdaanan naming lahat! Habang ikaw ay masayang nagtatago sa Bundok, kami rito ay nakikipaglaban at nagbubuwis ng mga buhay. Kung mayroon mang nararapat na mamuno sa kapatiran, isa sa amin yun!"

Sumara na ang kamao ni Covel na nagtitimpi na lamang na hindi patulan si Toro.

Talagang sinusubukan niya ko.

"Sa sinasabi mo, mukhang ikaw ang naghahangad ng kapangyarihan," sambit ni Covel. "Gusto mo bang maging Pinuno ng Kapatiran? Sige sa'yo na! Basta huwag mo lang aagawin ang trono ko kapag ako na ang naging Emperador. Bakit ba pinagbubuntungan mo kaming may matataas na kapanganakan?Kasalanan ko ba na pinanganak akong mas mataas kumpara sa'yo? Naiinggit ka lang naman sa akin dahil kahit kailan hindi ka magiging katulad ko!"

"Aba walanghiya ka!" Hindi na nakapagtimpi si Toro at sinapak niya sa pisngi si Covel. Hindi naman nagpatinag ang Prinsipe at ginantihan niya rin ng sapak si Toro at sila ay nagsimulang magbuno.

"Yan bugbugin mo siya Toro!" pang-uudyok nila Nolan at Kamlon.

Hinatak ni Toro si Covel patungo sa may mesa.

"Tumigil kayo!" Pananaway ni Jualem." magagalit ang Pinuno!"

Pagkalingon niya, nakita niyang nanonood si Ronis sabay ng pag-inom ng alak.

"Awatin mo sila!" Utos niya sa mas malaki niyang kasamahan.

"Para saan pa? Manood na lang tayo," tugon ng lasenggong kasapi.

Nais sana silang awatin ni Jualem ngunit natatakot siya na baka madamay siya sa gulo.

"Tatawagin ko ang Pinuno," saad ni Ancho habang patuloy ang kanilang pag-away.

"Isa ka lang hamak na taga-bundok!" Patuloy na insulto ni Toro.

"Hindi ako magpapatalo sa'yo!"

Binalibag ni Toro si Covel sa may mesa, hinablot niya ang kanyang espada at nakahanda nang iugay ito sa Prinsipe.

Nakutuban ni Covel ang gagawin ng kaaway kaya naman mabilis niyang kinuha ang espada mula sa kanyang sintrunan at ito ang pinangharang niya sa pag-atake ni Toro.

Nagtagpo ang kanilang mga espada, tumindig pabangon si Covel at sila ay nagtutukan ni Toro ng espada.

Dumating naman si Ancho kasama ang Mataas na Pinuno.

"Anong nangyayari rito?" Naantala ang dalawa sa pagdating ng Pinuno. "Bakit kayo nagpapatayan?"

Hindi nakasagot si Covel at Toro na pareho nang duguan ang labi.

"Si Toro po ang nagsimula!" pagsusumbong ni Jualem.

"Toro!" pagtawag ni Haurre. "Anong ibig sabihin nito? Bakit mo nilusob ang Prinsipe!"

"Dahil hindi ako makapapayag na ang isang baguhang tulad niya ang mamumuno sa atin!"

Nabigla si Haurre na alam ni Toro ang binabalak niya.

"Saan mo nalaman yan at anong karapatan mong kwestyunin ang desisyon ko?"

"Narinig ko ang usapan nyo, nagsasabi lang ako ng totoo, Pinuno. Noon pa man nasa tabi nyo na ko, pinaglingkuran ko kayo ngunit mas pinili nyo pang ipagkatiwala sa kanya ang kapatiran. Sinasabi ko sa inyo, sa oras na siya ang mumuno, ito ang ikababagsak ang samahan! Pagsisisihan nyong siya ang pinili nyong kahalili!"

"At paano ka naman nakakasiguro?" tanong ni Haurre.

"Mahina siya! Walang alam! Nakita mo naman ang nangyari sa kanyang Ama. Hindi ako papayag na ang isang taong nagmula sa angkan ng mga talunan ang mamumuno sa atin!"

Lalong nangdilim ang paningin ni Covel.

"Huwag mong idadamay dito ang Ama ko!"

Susugurin na sana ni Covel si Toro ngunit inawat siya ng kapatiran.

"Sige lumapit ka at ibabaon ko ang espada sa bungo mo!"

Sinubukan ring sumugod ni Toro.

"Tama na! Magtigil kayo! Hindi nyo na ko ginalang! Kayo ang nagbibigay dungis sa pangalan ng Kapatiran!"

Natahimik ang dalawa. Tyempo namang nagising si Itoi sa lakas ng kanilang mga boses at nakita niyang duguan ang kanyang kuya.

"Kulev!" nilapitan niya si Covel at yumakap.

"Itoi, bakit gising ka pa?" tanong ni Covel.

"Anong nangyari?" naiiyak na tanong ng bata.

"Wala ito, Itoi, mayroon lang kaming hindi pagkakaunawaan," pinapakalma ni Covel ang kapatid.

"Nag-away kayo?" Napatingin rin siya kay Toro. "Huwag na kayo away!"

Humagulgol ang bata habang nangangatog ang magalaw niyang mga kamay.

"Bakit kayo aaway? Masama ang away! Mas gusto Itoi kayo lahat bati, kayo lahat masaya at di nag-aaway! Lahat tayo dapat magmahalan!"

Natigilan si Covel at Toro sa sinabi ng bata, maging ang lahat ng kapatiran ay walang maisagot sa sinabi ng bata. Lahat ay natulala.

"Narinig nyo ang sinabi nya?" tanong ni Haurre. "Siya mismo na bata pa, alam nyang mali ang ginagawa nyo. Bakit hindi nyo ito makita? Paiiralin nyo na lang ba lagi ang init ng ulo? Tignan nyo si Itoi. Bukod sa napakabata pa niya, batid nating lahat ang kalagayan niya. Sa kabila ng kanyang kakulangan, masasabi kong mas kumpleto pa ang puso niya kaysa sa ating lahat at siya pa ang higit na nakakaunawa."

Nahiya si Covel at maging si Toro sa paghahambing ni Haurre at ito na ang tumapos sa kanilang pag-aaway.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro