Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 6: Aric

Nagpagulong-gulong si Aric pababa ng damuhan, sa bilis ng mga pangyayari, hindi na niya nagawang matukoy kung anong nilalang ba ang sumunggab sa kanya mula sa likuran, kung ito ba ay ang isang tao, mabangis na hayop, o ang halimaw na nakasagupa nga, hindi na niya matiyak. Ang alam niya lang ay malakas ang pwersa nito.

Mayroong nakaabang sakin! Kailangang maging maingat ako.

Agad niyang kinuha ang kanyang pana at siniyasat ang paligid, wala siyang nakita kundi ang puting usa na tumatakbo papalayo.

Hindi ka pwedeng makaalis, kailangan ko na ng kumain.

Kahit na kumikirot pa ang kanyang sugat sa talampakan, nagpumilit siyang tumayo at habulin ito, iika-ika pa ang kanyang paa ngunit sapat pa rin ang bilis niya sa pagtakbo.

Mula sa kawalan, isang tao ang bigla na lamang humarang sa pagitan nila ng usa, agad na humambalos sa kanyang pisngi ang isang arnis na kanyang ikinabagsak.

Tinutukan siya nito ng kanyang kutsilyo at nagsalita ng pagalit sa wikang hindi niya maunawaan. Nanlaki sa gulat ang mga mata ni Aric nang masilayan niyang isang babae pala ang umatake sa kanya. Sa likuran nito, nagtago ang usang nais niyang puntiryahin.

Tinitigan ng binatilyo ang dalagita at lubos niyang ikinamangha ang anyo nito. May kaputian ang kanyang kutis at kakaiba ang kanyang mga mata. Para bang tulad ito ng pinaghalong berde at asul na tubig sa bandang kababawan ng dalampasigan. Turkesa ang tamang salita para sa kulay nito. Kakaiba rin ang kanyang kasuotan, maikli lamang ang telang tulad ng sa tapis at tinatakpan lamang nito ang kanyang dibdib. Hindi ito ang karaniwang sinusuot ng mga tao sa Silangan, maihahalintulad niya ito sa kasuotan ng mga tribo.

Habang nakatutok ang kanyang armas, napatitig rin ang dalagita sa kanya at napansin nito ang sugatan niyang paa kaya naman bahagya nitong naibaba ang kanyang armas.

Sinamantala ni Aric ang pagkakataon para bumangon, hanggang ngayon hindi niya maalis ang tingin niya sa kanya. Ngayon niya lang nakita ang dalaga pero bakit parang pakiramdam niya ay nagkita na sila dati. Sa pisikal na anyo, mas malapit siya sa isang Cenpyera kaysa sa isang Myongan. Malakas ang hinala niyang kalahi niya ang babae. Biglang bumalik sa isipan ng binatilyo ang panaginip niya tungkol sa isang babaeng magdadala sa kanya sa mga Myongan: isang dalagitang hindi niya matiyak kung isa nga bang tao, diwata o anghel.

Siya na nga kaya ang babae sa aking panaginip? Kailangan kong malaman.

"Alam mo ba kung nasaan ang mga Myongan?" tanong ni Aric sa Karaniwang Lengguahe ng mga Cenpyre.

Hindi sinagot ng dalagita ang kanyang tanong.

Sinubukan niyang lumapit ngunit napalayo ang dalaga na may pag-iingat sa kanya.

"Naiintindihan mo ba ko?"

Wala pa rin itong naisagot at mukhang ito ay nagugulahan sa kanyang mga binibitawan na salita.

Hindi nya siguro ako naiintindihan, kailangan kong sumubok ng ibang lengguahe.

"Si-la-ngan," dahan-dahang binigkas ni Aric sa Wikang Silangan. "Marunong ka bang magsalita ng Silangan?"

"Ako...marunong,"sa wakas ay nakasagot na ang dalaga. Malamang ay naunawaan na nito ang sinabi niya. "Ikaw muntikan na patayin alaga ko...sino ikaw?"

Medyo mabagal at nauutal ang kanyang pagbigkas ngunit sapat na ito para maunawaaan siya ng binatilyo.

"Ako si Aric," nakangiti siyang nagpakilala sa kanya, "huwag kang matakot sakin."

Tuluyan nang binaba ng dalagita ang kanyang armas, nakatulong ang mga huling salitang sinabi ng binatilyo, pero nanatiling malayo ang espasyo sa pagitan nila. Nagkatinginan ang dalawa. Batid niyang nakatuon rin ang mga turkesang mata ng dalaga sa kanya.

Naantala ang lahat nang may marinig silang tunog mula sa halamanan. Biglang nagsulputan ang mga kalalakihang nakasuot ng tapis at may hawak na mga palakol.

Mga Myongan!

Hindi maaaring magkamali si Aric. Walang pagkakaiba ang kanilang taas at anyo sa nakita niya sa kanyang panaginip.

Naligalig sila sa kanyang presensiya at nakita niyang hinatak ng isang Myongan ang kakaibang dalaga na para bang nais niya itong protektahan, kinausap niya ito sa kanilang wika at narinig niyang sinagot ito ng dalaga.

Sumigaw ang isang Myongan at agad na natagpuan ni Aric ang kanyang sarili na napapaligiran nila at ng kanilang mga palakol.

Tinutok ng isa ang kanyang palakol malapit sa kanyang leeg at nagsalita sa kanilang wika. Hindi naunawaan ni Aric ang sinabi nito pero may ideya naman siya base sa kanyang kilos. Nanatili lamang siya sa kanyang pwesto.

Isang galaw lang at pwede akong paslangin ng mga damuho.

Kinausap nila ang lalaking may hawak sa dalagita na tila nagsisilbing pinuno, sumagot ito at siya ay hinawakan ng mahigpit ng dalawang Myongan.

Malamang pinahuhuli na niya ako, sige lang at papayag ako, baka dalhin pa nila ako sa kanilang taguan...

Matiwasay na sumama sa kanila si Aric.

***

Gaya ng kanyang inaasahan, dinala nga siya ng mga Myongan sa kanilang pinagtataguan, sa dulo ng kagubatan. Kasama nilang bumalik ang dalagita na karga-karga ang alaga nitong usa.

Nakita ni rin ni Aric ang komunidad ng mga Tribo, ang mga lalaki ay nagawa ng mga tolda gamit ang mga kawayan at ang mga babae naman ay naghahakot mg prutas.

Sa wakas ay natagpuan ko na ang lungga ng mga Myongan, dito lang pala sila nagtatago, pero bakit wala sila malapit sa dalampasigan?

Namataan siya ng isang batang babae at tinuro niya nito sa kanyang mga katribo. Ang lahat ay nabigla nang makita siya. Napatigil sila sa kanilang ginagawa at nagkumpulan sa kanya na parang mga inosenteng bata. May kakulutan ang kanilang buhok, kayumangging kulay at taas na hindi hihigit sa limang talampakan. Kinuyog siya ng mga ito na para bang sila ay nakabingwit ng kakaibang nilalang at sila ay nagsasalita ng pahiyaw na tila nangungutya.

Ang mga mangmang, ngayon lang ba sila nakakita ng katulad ko?

Napalingon siya ulit sa kakaibang dalagita at napansin niya na tanging siya lamang ang naiiba sa mga Myongan sapagkat sila magkakapareho ang anyo.

Itinaas pa lalo ng may hawak sa kanya ang palakol at nagsimula ng mangalay ang kanyang ulo. "Huwag naman masyadong mataas, baka mabali na leeg ko."

Muli nilang tinanong ang lalaking kasama ng dalagita at narinig niyang nagbigay ito ng pahayag.

Hinatak siya ng dalawang Myongan sa bandang liblib ng kagubatan kung saan namataan niya ang isang higanteng hawla na yari sa makakapal na kawayan.

Talagang may nakahanda na silang kulungan sa mga gaya ko.

Hinagis siya ng dalawang Myongan papasok sa loob at siya ay napadaing nang tumama ang sugatan niyang paa sa lupa. Sinara ng dalawa ang hawla at sila ay tumayo sa magkabilang sulok bilang bantaya, napagtanto ni Aric na tuluyan na siyang naging bihag ng Tribo.

Malapit na ko sa dulo ng aking misyon. Madali na lang maituro kina Uwalhid ang kinaroroonan nila at magiging isang ganap na kawal na ako, kailangan ko lang makatakas dito, pero papaano? Bantay-sarado ako ng mga Myongan. Kinakailangan ko agad makaisip ng paraan.

***

Inabot na ng gabi si Aric sa kanyang hawla, naririnig niya na para bang may pinag-uusapan ang mga Myongan sa di-kalayuan.

Malamang pinagdidiskusyonan na nila kung paano nila ako papatayin...sa tipo nila mukhang hindi nila ako bubuhayin pa ng matagal, dapat makaalis na ko rito!

Kinapa niya ang kawayan at sa sobrang tigas at tibay nito, halos wala na ito pinagkaiba sa bakal na rehas. Nagsimulang kumulo ang sikmura ni Aric sa gutom, kung hindi lang sana nangialam ang dalagang maputi, baka nakakain na siya ngayon, pero di rin naman nasayang ang lahat at dahil sa kanya nahanap na niya ang matagal na niyang hinahanap.

Muling kumirot ang kanyang sugat sa paa maging ang kagat ng higanteng gagamba sa kanyang braso at nakaramdam siya ng pagkahilo, nagsimulang umikot at dumoble ang kanyang paningin sa hirap at pagod.

"Tubig...pagkain...bigyan nyo ko!" Nananamlay na ang kanyang tinig. "Gutom na gutom at uhaw na uhaw na ko!"

Napasigaw sa inis ang bantay na Myongan at hinampas nila ng malakas ang kawayan na siyang nagpatigil kay Aric. Nakutuban yata nila na nanghihina na ang bihag at sila ay nag-usap kung ano ang gagawin nila. Kumuha sila ng mangkok na yari sa balat ng niyog at nilagyan nila ito ng tubig. Agad itong dinakma ni Aric, ilang lagok lang at naubos niya ang tubig, kahit papaano ay umayos na ang kanyang pakiramdam.

***

Ilang saglit lang, namataan ni Aric na papalapit sa kanya ang isang matandang Myongan na may dala-dalang tungkod. Kulubot na ang kanyang balat na parang punong kahoy at siya na ang pinakamatandang Myongan na nakita niya sa ngayon. Kapansin-pansin ang kanyang sugatang dibdib na may mga hiwa na para bang ito ay nagmula sa kuko ng isang malaking halimaw. Kinausap muna nito ang mga bantay at sila ay nag-alisan sa kanyang hudyat, pagkatapos ay pinagmasdan siya nito mula ulo hanggang paa, hindi malaman ni Aric kung ano ang iniisip nito sa kanya.

"Ikaw taong-labas," nagsalita ang matanda sa Wikang Silangan. "Sino ikaw?"

"Aric po ang pangalan ko," magalang niyang sinagot.

"Saan nagmula, ikaw Aric?"

"Taga-Silangan po ako," paglalahad ni Aric.

Muling napatitig sa kanya ang matanda na may pagdududa.

"Ako di mo maloloko, anyo mo iba sa mga Silangan, ikaw sinungaling."

"Ano naman dahilan ko para magsinungaling?" matapang sambit sa kanya ng binatilyo. "Taga-Silangan ako, kaya nga nakakapagsalita ako ng Silangan at nakakapag-usap tayo. Pakiusap po, sabihin mo na po doon sa Pinuno nyo na pakawalan na nila ako, wala naman akong ginagawang masama."

Ang buong akala niya ang lalaking nagbibigay ng utos kanina ang pinuno ng mga Myongan.

Natawa ang matanda sa kanyang sinabi, "ikaw, di mo kilala ako? Ako Datu Mortho, ako Pinuno ng mga Myongan. Ako may karapatan ikaw palayain, ako lang."

Nagulat si Aric sapagkat kilala niya ang pangalang ito na nakawento na sa kanya ng Amang si Sarito.

"Kayo si Datu Mortho? Kayo ang pinuno mg mga Myongan na lumusob sa pwersa ni Emperador Cresento noong nagpunta sila sa Silangan?"

Hindi akalain ni Aric na buhay pa ang taong ito at namangha siya sapagkat para bang nakilala na niya ang isa sa mga tauhan sa isang alamat.

"Ako nga," sumang-ayon si Mortho, "ikaw nahuli ko na. Ikaw isang Cenpyero nga, niloloko mo nga kami."

"Opo, aaminin ko isa akong Cenpyero," binunyag na ni Aric, "pero hindi ako nanloloko, sa Silangan talaga ako nanirahan at lumaki."

"Kung ikaw sabi totoo, ano gawa ikaw aming lupain. Paano ikaw nakarating dito?"

Napaisip si Aric nang maisasagot, hindi siya pwedeng mabuking, kailangan niyang humanap ng lusot.

"Mahabang kwento, tinatahak ko ang Disyerto ng Syl nang higupin ako ng bagyo at buhangin at ang kasunod ay natagpuan ko na ang sarili ko dito sa kakaibang gubat. Hindi na ko makabalik kung saan ako nagmula."

"Ano naman ikaw gawa Syl?" pagtataka ni Datu Mortho.

"Kung ano man po ang sadya ko dun, sa akin na lang po muna, masasasabi ko lang napadpad ako doon dahil sa aking trabaho."

Duda pa rin si Mortho sa kanya.

"Trabaho na kami suplong sa Hari," hinulaan niya.

Nabigla si Aric nang mahulaan ito ng Datu ngunit hindi niya ito pinahalata.

"Ano, hindi?" Giniit niya, "ano po bang pinagsasasabi nyo?"

"Ikaw tauhan ni Rucaz at ikaw naririto para kami tapusin!" gumaspang lalo ang namamaos na boses ng matanda.

"Nagkakamali po kayo," patuloy na nagpalusot si Aric, "wala akong alam sa sinasabi nyo."

"Kung ikaw walang alam, bakit di mo sabihin ano trabaho bakit ikaw nasa Disyerto?"

"Sige po, sasabihin ko na," nakaisip na ng maidadahilan si Aric, "naroroon ako dahil isa akong minero, at sa kagustuhan kong makahanap ng Ginto at yumaman, ito ang sinapit ko, naligaw ako dito sa sinumpang gubat na ito."

"Ito hindi sumpa, ito Kasaganaan!"

Nakumpirma na nga ni Aric na tama ang pinangalan niya sa Lupain na ito.

"Ngayong nasabi ko na ang lahat, Datu Mortho, baka pwede nyo na akong pakawalan nang sa ganoon ay mahanap ko na ang daan at makauwi na ko. Hirap na hirap na po ako. Ilang araw na kong sugatan at walang kain."

"Hindi maaari," pagtanggi ni Mortho, "kapag ikaw pakawalan ko, ako di alam baka ikaw sumbong sa Hari o sa Emperador, kung saan kami tago!"

"Hindi po ako magsusumbong kahit kanino, pangako," saad ni Aric, "sinusumpa ko, mamatay man ako ngayon. Magtiwala kayo sa salita ko. Inosente ako sa anumang pinaparatang at iniisip nyo sakin na hindi maganda."

"Ako di tiwala sa'yo," paninindigan ni Mortho, "kayo Cenpyero, wala pagkakaiba Hari, kayo mga manlulupig rin at nais kami patayin! Kayo mga mamamatay-tao! Kaya ikaw hindi ko palayain!"

Tinalikuran siya ni Mortho sa galit.

"Kung pagsalitaan nyo naman kaming Cenpyero, bakit kayo din namang mga Myongan, mamamatay-tao rin naman kayo. Marami kayong pinatay na mga kawal at sinubukan nyo ring patayin ang Emperador noon. Ano ba pinagkaiba nyo sa amin?"

Muli siyang hinarap at binalikan ng matandang Datu.

"Ikaw mag-ingat, salita sakin!" nanlisik ang mga mata ni Mortho. "Kita mo ang mga sugat ko. Ako kumalaban halimaw! Ikaw mapalad at ikaw ay buhay pa! Ako madali lang ikaw patayin! Ikaw ba gusto mo magkalat iyong dugo dito? Kaya ko tapusin ikaw! Tulad ikaw sabi, ako mamamatay-tao!"

Natahimik si Aric at hindi na nakaimik, mukhang hindi nanloloko ang Datu sa kanyang mga banta.

"Oo, kami patay mga Cenpyero dati, pero kami gawa lang yun, dahil kayo una gulo sa amin! Lahat kayo gusto kami tapusin! Kaya ako hindi tiwala sa inyo! Ginagawa ko lang aking tungkulin bilang Datu!"

Naisip ni Aric na kailangan niyang suyuin ang Datu at magagawa lamang niya ito kung kakausapin niya ito ng maayos at mahinahon, walang magagawa kung magpapadala siya sa kanyang emosyon gaya kanina.

"Mahal na Datu, hindi lahat ng Cenpyero at Silangan nais kayong burahin sa mundo. Iyan ang problema sa inyo, sarili nyo lang ang pinagkakatiwalaan nyo. Bakit di nyo subukang magtiwala sa iba? Hindi naman lahat ng hindi nyo ka-uri ay masama na."

"Madali sabihin, mahirap patunayan," sagot ni Mortho, "ikaw patunayan muna sa aming lahat, baka kami maniwala pa!"

Ito na ang huling sinabi sa kanya ng Datu at iniwan na siya nito.

***

Napahiga na lamang si Aric sa matigas na kalupaan, nalaman na niya kung gaano katigas ang puso ng Mahal na Datu. Hindi niya ito basta-basta maloloko at maiiisahan. Naisip ni Aric na baka bilang na nga ang araw niya at hindi na niya magawa pang makatakas at maisagawa ang kanilang plano.

Ipinikit na lamang niya ang kanyang mata para matulog. Makalipas ang kalahating oras, tila nakarinig siya ng dalawang tinig ng babae na para bang sila ay nagbubulungan. Dumilat si Aric at nasilayan niyang nakasilip sa kanya ang magandang dalagita na kasama ng mga Myongan. Mabilis na inalis ng dalagita ang kanyang tingin at agad din itong umalis.

Napangiti si Aric, isang ideya na naman ang pumasok sa kanyang isipan.

***

Isang oras ang nagdaan at napasandal na lamang ang binatilyo sa kawayan na selda. Naramdaman si Aric ng mga yabag ng paa mula sa kanyang likuran.

"Sinasabi ko sa inyo, wala akong balak na..." Natigilan siya nang makita niya kung sino ito, akala niya ito ay si Datu Mortho pero ito ay ang dalagita lamang. "Ikaw pala, anong ginagawa mo rito? Pakakawalan mo na ba ako?"

"Hindi," direktang sinabi ng dalaga, "ikaw bihag namin. Bakit ko gawin yun? Ako narito para...para..."

Natigilan ito at hindi niya alam kung paano sabihin ang salitang langgas sa Silangan.

"Paa mo," sinenyas niya ang paa kay Aric.

Inilapit ni Aric ang paa nya nang maunawaan niya ang ibig nitong sabihin, nagsimula siyang maglagay ng mga dahon ng bayabas sa maligamgam na tubig. Lingid sa dalagita na abala sa paglalanggas, siya ay tinititigan ng binatilyo at lalo niya nakumpirma sa malapitan na imposible itong maging isang Myongan.

Dahan-dahan niyang binalot ang sugatang paa sa dahon ng bayabas. Napasigaw si Aric sa hapdi at kirot.

"Talaga una masakit," paalala ng dalaga, "ikaw hintay lang, gagaling din sugat mo."

Hinayaan na lamang ni Aric ang paang namimilipit na nakabalot sa dahon ng bayabas.

"Salamat sa paggamot sa akin," saad niya matapos ang paglalanggas.

"Ano ba nyari sa paa mo?" tanong ng dalaga.

"Nahiwa sa matalas bato, nung sinubukan kong tumakas sa halimaw na humabol sakin."

"Halimaw?"

"Oo yung higanteng butiki na may matulis na kuko at ngipin at nawawala-wala," inilarawan ni Aric.

"Ang Buktot," napagtanto ng dalaga.

"Ang ano? Alam nyo kung ano ito?"

Napatango ang dalaga. "Sinubukan namin patayin pero lahat kami nabigo. Papatayin kami lahat ng Buktot."

Ngayon lamang napagtanto ni Aric kung gaano kapanganib ang halimaw at paano kung maunahan pa sila ng halimaw na sugpuin ang mga Myongan. Tiyak na masisira ang lahat ng mga plano nila.

"Ikaw, ano gawa mo dito gubat?" tanong ng dalagita, "bakit ikaw naririto talaga?"

"Sabi ko na nga ba itatanong mo rin sa akin yan, nasagot ko na yan kanina kay Datu Mortho, tanong nyo na lang sa kanya."

"Nakausap ikaw Lolo Mortho?" nagulat ang dalagita.

"Sandali lang, Lolo mo si Datu Mortho?" ipinagtaka ni Aric.

"O-o," sagot ng dalaga.

Lalong naguluhan si Aric, "sino naman yung kasama mong lalaki kanina, yung humatak sa'yo papalayo?"

"Siya aking Ama," sagot nito.

"Pero paano nangyari yun? Ikaw ay isang..."

"Myongan," tinapos ng dalagita, "ako pinanganak na kakaiba, pero ako Myongan din. Ikaw tingin mga hayop at halaman, minsan may lumalabas kakaiba rin, tulad ako at ni Puti."

"Sino naman si Puti?"

"Alaga ko usa," sagot ng dalaga, "ikaw muntikan patayin kanina."

Napangisi si Aric, "pasensya na pala, sobrang gutom lang talaga ako, hindi ko alam na may nag-aalaga pala sa kanya."

"Pareho kami kakaiba, kaya ako ampon siya, patay na ng Buktot kanyang Ina,"

"Kung tutuusin kaya ka lang naman kakaiba dahil kasama mo ang mga Myongan, hindi ka naman kasi talaga...ibig kong sabihin ay...marami ka pang..."

"Ano?" Naguguluhan na ulit ang dalagita sa nais nitong sabihin sa kanya. Naisip niya na baka hindi lang rin siya paniwalaaan nito kung sasabihin niyang isa itong Cenpyero gaya niya.

"Hayaan mo na nga..."

Bakit ko nga ba pinag-aaksayahan ng oras na sabihin to sa kanya, ano ba pakialam ko kung ano ang lahi niya? Nandito ka para sa misyon mo...kuhanin mo ang loob niya...yun lang... Malakas ang pakiramdam kong siya ang makakatulong sa akin dahil siya rin ang nagdala sa akin sa Tribo...

"Ang masasabi ko lang kung iniisip nyong malalagay kayo sa panganib dahil naririto ako, huwag kayong mag-alala, wala akong masamang intensyon. Naligaw lang talaga ako sa gubat. Gusto ko lang makauwi at makabalik sa pinanggalingan ko."

"Nagsasabi ka ba totoo?" may bahid pa rin ng pagdududa ang dalagita sa kanya.

"Oo naman," handa nang panindigan ni Aric ang kasinungalingang ito. Kailangan niyang makuha ang loob ng mga Myongan para sa ikatatagumpay ng kanilang mga plano.

"May ibibigay ako sa'yo," ipinaalam ng dalagita. Mukhang napaniwala niya ito. Nagtungo ito sa sulok at kinuha niya ang isang buslo na puno ng mangga, saging, lansones, mansanas at iba pang prutas.

"Sa wakas at gutom na ko," pinaspasan ni Aric ang mga prutas at nagulat ang dalagita kung gaano ito kabilis kumain. "Maraming salamat."

Namumualam na ang binatilyo sa dami ng pagkain sa kanyang bibig.

"Ikaw malason sana kung ikaw di sabi totoo samin," tumigas ang tinig ng dalagita.

Medyo binagalan ni Aric ang pagkain, nag-iingat na baka nga may lason ito.

"Alam ko namang hindi mo ko lalasunin dahil mukha ka namang mabait," sambit ni Aric. "At kung ang lalason sa akin ay kasing ganda mo, mamamatay rin naman akong masaya dahil ikaw ang huling makikita ko."

Bahagyang napangiti ang dalaga sa kanyang papuri pero agad niya itong kinubli.

"Maraming salamat, nagawa mo na lahat para sa akin, dahil binigyan mo ko ng makakain at ginamot mo ang sugat ko. Isa lang sana ang hihilingin ko sa'yo."

"Ano yun?"

"Hindi mo pa nasasabi sa akin ang pangalan mo," nakangiting nagparinig ang binatilyo.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro