Kabanata 5: Miya
-Kasaganaan-
May kalaliman ang mga hiwa sa katawan ni Datu Mortho, bahagya ng gumagaling ang kanyang pinsala ngunit gaya ng sinabi ni Myam-Gaam-Ot, ito ay mag-iiwan na ng permanenteng marka sa Mahal na Datu, hindi lang niya masigurado kung sa pisikal lamang o pati na rin sa kanyang pag-iisip. Patuloy ang paglalanggas ng matandang manggagamot, pinapahiran niya ng katas ng bayabas ang mga sugat para mapabilis ang paghilom, pagkatapos ito ay kanyang ikukubli gamit ang mga halamang erbal. Kasalukuyang nakabantay sa kanya ang anak na si Maahan at ang manugang niyang si Marcio.
"Papatayin kita..." nagsimulang bumulong si Datu Mortho mula sa kanyang kawayan na higaan.
"Gumigising na siya," natutuwang ipinalaam ni Maahan sa asawa at manggagamot.
"Tatapusin na kitang halimaw ka!" napalakas ang sigaw ni Mortho habang nakapikit ang kanyang mga mata, hanggang ngayon ay wala pa rin siya sa tamang pag-iisip, buong akala niya nasa kagubatan pa rin siya at nakikipaglaban sa Buktot.
"Ama," nilapitan siya Maahan at pinakalma, "wala rito ang halimaw."
Dumilat si Datu Mortho at nasilayan niya ang anak, si Marcio at si Myam-Gaam-Ot na nakatuon ang titig sa kanya. Natulala ang matanda nang ilang saglit, nabibigla pa rin sa mga kaganapan. Napatingin siya sa kanyang katawan at napansin ang mga dahon na nakapatong rito. Dahan-dahan niya itong inalis at nadiskobre niya ang tatlong malalalim na hiwa mula sa kanyang dibdib hanggang sa kanyang sikmura.
"Mahal na Datu, huwag nyo po munang tanggalin," payo ng matandang Manggagamot, "hindi pa lubos na naghihilom ang inyong mga sugat. Kamusta na ang pakiramdam nyo?"
Sinubukang bumangon ng matandang Datu. Napahiyaw si Mortho nang maramdaman ang hapdi at kirot sa kanyang katawan.
"Mahiga na po muna kayo," inalalayan ni Maahan pabalik sa paghiga ang Ama.
"Mas makakabuti kung mananatili muna kayo rito ng ilang araw," suhestyon ni Myam-Gaam-Ot, "kailangan nyong magpahinga at magpalakas."
"Anong nangyari?" bumalik na sa normal ang tono ng Datu.
"Nilusob kayo ng Buktot," paglalahad ni Maahan,"salamat sa Inang Kalikasan at ibinalik ka niya sa amin ng buhay."
Pilit na inaalala ni Mortho ang huling kaganapan bago siya tuluyang mawalan ng malay, nakasagupa na nga nila ang halimaw, siya at ang mga tauhang sinama niya sa puso ng kagubatan.
"Si Mylos at ang iba nating kasama?" tanong ni Datu Mortho kay Marcio.
"Wala na po sila, Amang Datu," may panginginig na ipinaalam ni Marcio sa biyenan, "napatay sila ng halimaw. Sinakripisyo ni Mylos ang kanyang sarili para maitakas ko kayo. Tayo lang po ang nakabalik ng buhay at ligtas."
"Hindi matatawaran ang sakripisyong ginawa nilang lahat," dagdag ni Maahan, "nag-alay na kami ng dasal para sa kanilang mga espiritu at sinindihan namin ang sampung tanglaw sa kanilang alaala."
Napatingin si Mortho sa taas, pagkatapos nagpakawala siya nang isang malalim na paghinga, nasimulang mangilid ang mga luha sa kanyang malamlam na mata.
"Kasalanan ko to," ramdam ang kalungkutan at pagsisisi sa boses ng Datu, "masyado kong minaliit ang halimaw. Ako ang naghatid sa kanila sa kamatayan."
"Ama, huwag nyong sisihin ang inyong sarili," sambit ni Maahan, "hindi mo rin sila maliligtas lahat kahit na gustuhin mo. Walang ibang dapat sisihin dito kundi ang Buktot."
"Ang damuho," napalitan ng galit ang ekspresyon ni Mortho nang maalala ang halimaw, "kung ano ang lakas nya noong huli ko siyang nakasagupa, wala na ito sa taglay niyang lakas ngayon. Kinakailangan na siguro ng isang daang katao para mapatay ang halimaw na iyan, gayunpaman, ayoko ng ibuwis ang buhay ng mga iba pa nating katribo."
"Sa tingin ko kaya siyang mapatay ng isang tao," saad ni Myam-Gaam-Ot.
"Papaano?"
"Kailangan lang na mapuruhan siya kung saan siya mahina, lahat ng nilalang ay may kahinaan, kahit na ang halimaw na kasing bagsik niya."
"Sinubukan ko pang bulagin ang isa nyang mata at tignan nyo ang napala ko. Sa kanyang liksi at lakas, mahihirapan ang sinuman na hanapin ang kanyang kahinaan, bago pa man nila ito magawa, nilamon at pinira-piraso na sila ng halimaw."
"Aalamin ko kung saan bahagi ang kahinaan ng Buktot," pangako ng Manggagamot.
"Sa susunod na natin pag-usapan ang pagpatay sa halimaw," sumabat si Maahan,"magpahinga na muna kayo. Hindi nyo alam kung gaano nyo kami pinag-alala lahat."
"Si Miya," napansin ng Datu na wala ang kanyang apo. "Kamusta siya?"
"Tulad nyo sinisisi rin niya ang sarili sa nangyari sa inyo. Hindi nya kayo iniwan," pagbubunyag ng anak, "magdamag siyang nagbantay dito sa inyong tabi."
"Ang mahal kong apo," napangiti si Datu Mortho sa nalaman, "malamang ay nagpapahinga na siya ngayon. Huwag nyo na muna siyang abalahin, maaari naman niya akong bisitahin mamaya."
Nagkasulyapan si Marcio at Maahan na may pag-aalala sa kanilang mga mukha. Hindi nila ito naitago sa Datu.
"Hindi?" napatanong si Mortho, hinuhulaan ang ibig sabihin ng kanilang pananahimik. "May problema ba? Nasaan ang aking apo?"
"Hindi pa namin siya nakikita mula kaninang umaga," pag-amin ni Marcio, "kahit si Myoris walang alam kung nasaan siya."
"Ibig sabihin nawawala siya?" napalakas ang tinig ng matanda sa pag-aalala.
"Ama, hindi pa namin sigurado pero ang hinala namin nagtungo siya sa kalaliman ng kagubatan."
"Kung doon siya pupunta, alam na natin ang binabalak niyang gawin, kilala natin ang batang yan, gagawin niya kung ano ang gusto niya para sa ikabubuti ng tribo. Ang inaalala ko baka mapahamak siya."
"Huminahon kayo, Ama, hindi iyan makakabuti sa kalagayan nyo."
"Huwag kang mag-alala, Amang Datu," paninigurado ni Marcio, "inutusan ko ang iba nating kalalakihan para sundan siya sa kagubatan."
"Matatag si Miya," pinalakas ni Maahan ang loob ng Ama, "natitiyak kong makakabalik siya rito ng ligtas."
-Kagubatan-
Malayo-layo na ang tinahak ni Miya mula noong siya ay umalis patungo sa nakagigimbal na kagubatan. Dala-dala niya ang arnis na hinasa ang magkabilang dulo bilang patalim at pati na rin ang iba pang mga armas na nakatago sa kanyang kasuotan.
Kanina pa niya sinusundan ang mga bakas ng Buktot sa damuhan. Sa tuwing siya ay makakarinig ng kakaibang kaluskos, siya ay nagtatago sa mga halamanan, nakahanda na ang kanyang arnis. Buti na lang at kakulay ng mga halaman ang ginawa niyang kasuotan.
Hindi nya agad ako mapapansin. Doon ko siya lulusubin.
Nagpatuloy siya sa paghahanap, nagsisimula nang tumirik ang araw bandang tanghali. Pinagpapawisan na si Miya sa kanyang suot. Sa kanilang tribo, tanging ang kanilang dibdib lamang ang binabalutan ng telang kapares ng kanilang tapis at mas sanay siyang walang suot ang kanyang braso at tiyan kaysa magbihis ng ganitong kakapal ngunit kakailanganin niya ito para hindi siya madaling masugatan ng halimaw, iyon ay kung uubra ang mga telang ito sa kanyang matitulis na kuko at kaliskis.
Mahahanap mo rin siya...kailangan mo lang maghanap ng mga palatandaan.
Sa kanyang kinatatayuan, biglang nagsiliparan ang isang grupo ng mga pulang ibon papalayo. Tila nagmamadali ang mga ito na para bang may nilalayuan. Namataan niya rin ang mga kuneho na tumutalon na may pagkaligalig. Lumalayo lamang ang mga hayop at ibon kung sila ay may kinatatakutan. Malapit na siya sa Buktot, nararamdaman niya. Matapang niyang tinahak ang direksyon kung saan nagsisilayasan ang mga hayop.
Bumulabog sa kagubatan ang nakangingilong ungol na rumindi sa tenga ni Miya. Nakaramdam rin siya ng pagyanig sa kalupaan na tila paa ng higante ang humahakbang malapit sa kanya.
Nagtago siya sa likuran ng isang makapal na puno at itinaas ang kanyang arnis. Hindi kalayuan, nagsimula siyang makarinig ng tunog ng isang hayop na may nilalamon, ang pagdurog sa isang karne at ang pagtatagpo ng mga matatalas na ngipin sa pagkagat.
Dahan-dahan siyang sumilip. Nasilayan na niya sa unang pagkakataon ang Buktot at higit itong mas nakakatakot sa inaakala niya, namataan niya ang mala-buwaya nitong mukha na kayang pirasuhin ang isang buong tao sa kanyang nguso, ang matalim nitong mata at ang matutulis nitong ngipin at kuko. Mayroon itong kinakain na isang puting hayop na hindi niya alam kung kambing ba o kabayo. Inuubos na niya ang lamang-loob nito at maging ang buto nito ay kanyang dinudurog gamit ang kanyang nakapangingilabot na bunganga.
Hindi makakurap si Miya sa kinaroroonan, umabot sa sukdulan ang pagkabog sa kanyang dibdib, halos mawalan na siya ng lakas sa nakita, nagsimulang manghina ang kanyang mga kamay, tuhod, binti at hindi na niya maramdaman ang hawak na sandata sa pagkamanhid. Matapang siya ngunit kahit sino mang matapang na tao ay titiklop at tutubuan ng takot sa presensiya ng Buktot.
Habang abala sa pagkain ang halimaw, namataan ni Miya na mayroon pang isang maliit na hayop malapit sa Buktot. Ito ay kulay puti gaya ng kambing ngunit magkaiba ang anyo. Ito ay isang batang usa at malamang ang kinakain ng halimaw ay ang kanyang ina. Malamang ito naman ang kakainin ng halimaw matapos niyang simutin ang naunang huli.
Napasandal si Miya sa may puno, nag-iisip ng plano kung paano maililigtas ang kaawa-awang hayop. Isang ideya ang pumasok sa kanyang kaisipan. Dahan-dahan siyang gumapang sa berdeng halaman, papalapit sa halimaw at sa puting usa. Sinigurado niyang hindi siya gagawa ng tunog na makakabaling sa atensyon ng Buktot. Nang mapalapit siya ng bahagya sa usa, inilitaw niya ang kanyang kamay at sumenyas. Gumana ang kanyang plano, nakita siya ng usa at ito ay nagsimulang maglakad papalapit sa halamanan.
Masyadong masiba ang Buktot para mapansin ang maliit na hayop, napagtanto niya. Ilang hakbang lang at matagumpay na narating ng batang usa ang halamanan. Maamo ang batang usa at ito ay nagpakarga sa kanya na tila naghahanap ng kalinga. Nais niyang patayin ang halimaw pero bago iyon, kailangan niya munang siguraduhin na ligtas ang inosenteng hayop.
"Halika na at ilalayo kita rito," bulong niya.
Naglakad siya papalayo sa parteng ito ng kagubatan nang sa isang iglap bigla na lamang sumulpot ang Buktot sa kanilang dinaraanan. Nanlilisik ang pula niyang mata. Hindi niya akalaing napansin pala sila ng halimaw. Sa pagkagulat ni Miya nabitawan niya ang usa. Itinutok niya ang patalim ng arnis at matapang niyang sinugod ang Buktot kasabay ng naghahamong paghiyaw.
Inugoy ng halimaw ang matalas na buntot sa dalagita, napunit ang kanyang makapal na kasoutan at humagis papalayo sa ere ang isa niyang arnis, kung saan ito bumagsak, hindi niya alam.
Tumakbo ang usa sa pagkaligalig at siya ang napagtuunan ng pansin ng Buktot. Hinabol niya ang maliit na biktima. Tumakbo si Miya patungo sa malaking puno, humakbang nang maliksi papataas sa may tangkay at lumundag papalapit sa halimaw.
Nagawa niyang ipitin ang leeg ng halimaw gamit ang arnis, dinukot niya ang kanyang kutsilyo at isinaksak ito sa ulo ng Buktot. Hindi umubra ang walang humpay niyang pagsaksak at nagbuno lamang sila ng halimaw. Parang tumusok lang siya sa isang makapal na bato. Sa pagnanais niyang tapusin ang halimaw, tinusok na lamang ni Miya ang ibang bahagi ng kanyang katawan at sinimulan niya sa may espina, malapit sa leeg. Humiyaw ang halimaw sa pamimilipit at napabagsak si Miya sa may damuhan, naiwang nakasaksak sa halimaw ang kanyang kutsilyo.
Nasaktan ko siya...
Sa kanyang ginawa lalong naging mabangis ang Buktot, umungol ito na nagpayanig sa kagubatan at sinugod niya ang dalagita.
Sasakasakin na ni Miya ang halimaw sa may leeg ngunit sinakmal nito ang natitira pa niyang sibat. Isang kagat lamang at nagkapira-piraso ito.
Ito na ang huling sandata niya, iisa na lamang ang maaari niyang gawin sa oras na siya ay mawalan ng panlaban: ang tumakbo para sa kanyang buhay. Hinablot niya ang batang usa at siya ay tumaripas ng takbo, hindi naman nalalayo sa kanilang likuran ang halimaw.
Pumunta si Miya sa kaliwa kung saan maraming nakasabit na baging pero sapat na para makadaan ang isang tao, desperadong sumunod ang Buktot sa kanila ngunit siya ay nagkasabit-sabit sa mga makakapal na baging at hindi na niya nagawang masundan pa ang dalawa niyang biktima.
-Kasaganaan-
Nakabalik si Miya kasama ang iniligtas na hayop. Hinubad na niya ang makapal niyang tela na nawarak ng halimaw at sa wakas guminhawa na ang pakiramdam niya sa telang walang manggas. Ibinaba na niya ang usa at ito ay sumusunod sa kanya saan man siya magpunta. Nakaabang na sa kanya ang kaibigang si Myoris.
"Saan ka nanggaling?" tanong niya. "Alam mo bang hinahanap ka sa akin ng Ama mo?Alalang-alala siya."
"Sinubukan kong patayin ang Buktot," direkta niyang sinabi sa kaibigan.
"Ano?" nagulat si Myoris sa kanyang ginawa. "Nababaliw ka na ba?"
"Naging tanga lang," pabiro siyang sinakyan ni Miya.
"Anong nangyari? Napatay mo naman ba?"
"Hindi," dismayado niyang sinambit, "pero may nailigtas ako."
Sumenyas si Miya sa kaibigan at ito ay napalingon sa maliit na hayop.
"Ano naman yan?"
"Isang usa."
"Ngayon lang ako nakakita ng puting usa," may pagkamanghang pinagmasdan ni Myoris ang hayop.
"Ako rin."
"Hindi naman ganyan yung nahuhuli nila sa pangangaso. Bibihira yan."
"Pinatay ng Buktot ang kanyang ina, baka nga sila na lang ang natitira sa kanilang lahi. Nakakaawa naman. Sana payagan nila akong alagaan siya."
"Bakit naman hindi?" Narinig ni Miya ang tinig ng Ama sa likuran.
"Ama," pagbati niya.
"Pumapayag akong alagaan mo siya, basta huwag mo lang hayaan na pagala-gala at baka katayin ng mga katribo natin."
Nagkatawanan si Miya at Myoris sa biro ng Ama, "itatali ko naman siya. Salamat po, Ama."
"Huwag ka munang magpasalamat, may atraso ka pa sa amin."
Bago pa makasagot si Miya, lumabas si Maahan mula sa pansamantalang pahingahan ng Datu.
"Anak, mabuti at nakabalik ka na. Ayos ka lang ba?"
"Wala po kayong kailangang ipag-alala," paninigurado niya.
"May magandang balita ako," maligayang pagkukuwento ng Ina, "nagising na ang lolo mo."
Sumigla ang aura ni Miya at umabot sa tenga ang kanyang ngiti, "talaga po, pupuntahan ko na siya."
"Tulog na siya," saad ni Maahan, "bukas na natin siya dalawin. Kailangan pa rin niya magphinga."
"Sige po."
***
Inasikaso na lamang ni Miya ang bagong alaga, itinali niya ito sa may puno at binigyan ng pagkain, mahilig siya sa damo at pati na rin sa mais. Hindi pa niya naririnig na nag-ingay o gumawa ng kahit anong tunog ang usa. Tahimik lamang siya, gaya ng isang maamong tupa. Isang munting nilalang na nag-iisa na sa mundo at malamang patay na ngayon kung hindi dahil sa kanya. Batid niyang kailangan siya nito. Siguro nga at hindi napunta sa wala ang pangangahas niyang mapatay ang Buktot, dahil dito nakapag-uwi naman siya ng bagong biyaya mula sa Inang Kalikasan.
Kahit papaano nakikita niya ang sarili sa usa. Naiiba rin ang anyo nito sa mga kauri, kagaya niya. Maputi ang balahibo nito at maputi naman ang balat niya. Ito siguro ang dahilan kung bakit magaan ang loob niya rito. Albino ang usa at napapaisip siya na baka nga isa rin siyang Albino. Hindi siya sanay sa ganoong tawag, mas gusto niya pa rin ang labanos at dalagang bangus
"Hindi naman tayo naiiba sa isa't-isa, ikaw at ako," saad niya habang hinihimas ang usa. "Kaya siguro tayo pinaglapit ng tadhana."
Tyempo namang napadaan ang magkapatid na Mylka at Maoro.
"Magandang gabi po Ate Miya," pagbati ni Mylka.
"Magandang gabi rin, bakit gising pa kayo?"
"Hindi pa po kami inaantok," sagot ni Maoro habang humihikab.
"Ang ganda naman po niya," agad na napansin ni Mylka ang usa. "Alaga nyo po?"
"Oo, mula ngayon dito na siya titira kasama natin."
"Ano pong pangalan nya?" tanong ni Maoro.
"Wala pa ko tinatawag sa kanya," napagtanto ni Miya na hindi pa nga niya napapangalanan ang alaga.
"Bibigyan namin siya ng pangalan Ate Miya," masayang sambit ni Mylka.
"Ano naman papangalan mo?" tanong ni Maoro sa kapatid. "May naisip ka na ba?"
"Meron," pagmamalaki ng batang babae.
"Ano?"
"Puti," ipinaalam ni Mylka, "yun ang tatawag ko sa kanya."
"Puti?" Hindi ito nagustuhan ng kapatid. "Anong klaseng pangalan yun? Kulay naman yun."
"Puti ang pangalan niya kasi kulay puti siya," pagtatanggol ni Mylka sa kanyang suhestyon.
Napahalakhak si Miya sa bangayan ng magkapatid. "Maraming salamat sa tulong nyong pangalanan siya lalo na sa'yo, Mylka. Maganda ang naisip mo, tatawagin na natin siyang Puti."
Dumila si Mylka kay Maoro nang may pang-aasar.
"Pwede po ba maglaro kami minsan kasama si Puti?"
"Syempre naman," paninigurado ni Miya, "basta magpaalam lang kayo."
Napatalon ang dalawa sa tuwa, kahit na gabi na, mataas pa rin ang kanilang enerhiya.
"Sige na at matulog na kayo."
***
Pagsapit ng bukang-liwayway, nagtungo agad si Miya sa pahingahan ni Datu Mortho.
"Lo," hinawakan niya ang kulubot na kamay ng lolo at nagmano.
"Miya, apo," ang kanyang presensiya ay nagdala ng matamlay na ngiti sa pisngi ng Matandang Datu. "Salamat at naparito ka."
"Mas ako po ang dapat magpasalamat dahil ligtas kayo. Kamusta po ang sugat nyo?"
"Tignan mo."
Maingat na tinaas ni Miya ang dahon at nakita niya ang sugat, ngayon lang niya napagtanto kung gaano kalaki ang pinsala ng Buktot sa lolo niya.
"Akala ng Buktot kaya niya ko patayin, hindi niya alam magkasing kapal kami ng balat. Hindi niya basta-basta mapapatay ang isang masamang damong tulad ko."
Hindi napigilan ni Miya na matawa sa hirit ng lolo.
"Sabi ni Myam-Gaam-Ot kasama ko na ang mga markang yan hanggang sa mamatay ako. Dapat ko na siguro ito ipagmalaki."
Mayroon siyang mga marka dahil sa akin...
"Balang araw ikukwento ko pa sa mga anak mo kung paano ko nakuha ang mga peklat na ito at hahangaan nila ako, kung aabutin ko pa yun."
"Aabutin nyo pa yun," may kumpyansang saad ni Miya, "sisiguraduhin ko."
"Nangangahulugan bang handa ka ng magpakasal kay Datu Leyro?"
"Kung ito po ang maglalayo sa inyo sa kapahamakan, pakakasalan ko na po siya. Nadala na po ako sa nangyari sa inyo. Kasalanan ko po ang lahat."
"Hindi, Apo," tumanggi si Mortho. "Kung mayroon man dapat sisihin dito ako yun. Kumilos ako nang may pagmamataas, inakala kong kaya naming patayin ang halimaw at hindi ko sinabi sa'yo ang napag-usapan namin ni Leyro. Pagkatapos ng lahat ng nangyari, napagtanto ko na tama ka."
Ikinagulat ni Miya ang huling sinabi ng lolo.
"Mali ang pilitin kang ipakasal sa lalaking hindi mo pa mahal, mula sa araw na ito magiging malaya ka ng sundin ang puso mo. Hindi mo pakakasalan si Leyro hanggang hindi mo siya natututunang mahalin at kung sakaling hindi dumating ang araw na iyon, nakahanda akong baliin ang kasunduan."
"Magkakagulo kayo ng Tribong Leon pag ginawa nyo yun."
"Hindi niya ko magagawang kalabanin, malaki ang utang na loob ng lolo niya sa akin at isa pa kailangan nila tayo. Ginagawa ko to dahil ito ang tama at dahil mahal kita."
"Salamat po, Lo," napayakap si Miya sa Mahal na Datu.
"Maiba tayo, nalaman kong nawawala ka raw kahapon. Saan ka ba nagpunta?"
"Sa gubat po, Lo, sinubukan kong patayin ang Buktot, nabigo ako."
"Maglolo nga tayo," matawa-tawa si Mortho, "parehong malakas ang loob, pero parehong talunan. Alam mo ba kung paano mo kami pinag-alala?"
"Patawarin nyo po ako, hindi ko na po uulitin. Humingi na rin po ako ng tawad kay Ama at Ina."
"Kung hindi lang ako mahina ngayon paparusahan sana kita sa pagsuway mo, gayunpaman nakikita kong maganda ang intensyon mo, padalos-dalos ka nga lang."
"Gaya po ng sinabi nyo may pagmamanahan," napangiting sinabi ni Miya. "Hindi naman po nasayang ang pag-alis ko."
"Paano mo nasabi? Humihinga pa ngayon ang halimaw at patuloy na nambibiktima."
"Nalaman ko na po kung paano natin maaaring mapatay ang halimaw. May kahinaan siya."
"Imposible, mata niya lang ang kahinaan niya, sa pagkakaalam ko."
"Bukod sa mata, kahinaan niya rin ang kanyang espina," paglalahad ni Miya, "nasaksak ko siya sa bahaging yun at nasaktan siya, nanghina."
"Mahalaga ang natuklasan mo, Miya, sa oras na gumaling na ko, pagpupulungan natin ang tungkol dyan."
"Sana nga po mapatay na ang halimaw, nang wala na siyang mapinsala."
"Sana nga," hiling rin ni Mortho, "sige na at baka hinihintay ka na ng alaga mo."
Hindi inaasahan ni Miya na babanggitin ito ng lolo sapagkat hindi pa niya ito nakukwento sa kanya.
"Alam nyo po?"
"Naikwento sa akin ng iyong Ina, huwag kang mag-alala, ligtas siya rito. Pakakain ko sa mga langgam ang sinumang magtatangkang kumatay sa kanya. Maswerte siya at nandun ka para sagipin siya. Mag-ingat ka lang sa pag-aalaga."
"Bakit po?"
"Sabi nila mahilig bumalik ang usa sa kanilang teritoryo, mas makakabuti kung babantayan mo siya maigi."
"Masusunod po, Mahal na Datu," pabirong sambit ng apo bago niya lisanin ang pahingahan.
***
Pagkalabas, nagtungo siya kanyang maliit na kubo, napalingon siya sa puno kung saan niya tinali si Puti pero sa kanyang pagkabigla tanging ang tali na lamang ang naroroon, wala na ang batang usa.
Nagmadali si Miya at isa-isa niyang tinanong ang mga katribo, "nakita nyo ba ang alaga kong usa?"
"Hindi," pare-pareho ang sagot ng bawat katribong nakakasalubong niya.
Namataan niya si Myoris malapit sa kanyang kubohan. "Myoris, nakita mo ba si Puti?"
"Yung usa? Hindi."
"Nasaan na kaya siya?"
Napaisip si Miya sa sinabi ng lolo na mahilig maglagi ang usa sa teritoryong nakasanayan nila. Alam na ng dalagita kung saan maaaring nagtungo ang alaga. Kumuha siya ulit ng arnis at kutsilyo at muling nagtungo sa puso ng kagubatan, sa pagkakataong ito para hanapin ang alaga. Susubukan niyang iwasan ang halimaw hanggang maaari, nakaswerte sila noong nakaraan, posibleng hindi na sila palarin sa susunod na makaengkwentro nila ang Buktot.
Sinundan niya ang bilugang marka ng kanyang paa sa damuhan at hindi nagtagal dinala siya nito sa kanyang hinahanap. Nakita niya si Puti na abala sa pagkain ng mga sariwang damo. Napangiti si Miya at nagpasya siyang hayaan munang patapusin ang alaga sa pagkain bago niya ito iuwi.
Maayos at matahimik at lahat nang biglang makarinig si Miya ng ingay mula sa halamanan sa likuran ni Puti. Nakutuban niya na mayroong nilalang na nagmamasid sa usa. Ano man ito, hindi maganda ang pakiramdam niya.
Sumulpot ang nasabing nilalang mula sa halamanan, napatitig si Miya nang may pagkamangha sa kanyang mga mata, ni hindi na niya nagawang hawakan ang kanyang armas.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro