Kabanata 5: Graison
-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-
Bumangon si Graison sa kanyang higaan na may taglay na enerhiyang hindi niya inaasahan. Kahapon lamang sumama ang kanyang pakiramdam habang nagpipinta ngunit ngayon tila nakalimutan na niya ang masamang imaheng pumasok sa kanyang kamalayan, na para bang gumising siya na may panibagong lakas para harapin ang panibagong araw.
Maayos lang siguro ang tulog ko, ang pinakamaayos sa matagal na panahon...
Napalingon siya sa Mahiwagang Pisara na natatakpan ng tela, nais niyang magpinta ngunit pinipigilan niya ang kanyang sarili, ayaw niyang maulit ang nangyari kahapon. Malapit sa kanyang kama, nakapwesto ang lalagyan ng brotsang niregalo sa kanya ng Ama na tila naghihintay sa kanyang malikhaing kamay. Natutukso siyang buksan ito pero ginawa niya ang makakaya para pigilan ang sarili.
Hindi ka muna magpipinta...humanap ka na lang muna ng ibang bagay na maaari mong pagkaabalahan...
Napaisip ang Prinsipe ng taimtim sa kanyang kinaroroonan.
Ano nga ba ang pwede kong gawin?
Sawa na siyang magbasa ng mga libro tungkol sa kasaysayan ng Cenpyre, lalo na ang kabanata kung saan nag-aklas ang kanyang Ama na kuhanin ang tronong inagaw ng kanyang bastardong kapatid. Hindi niya alam kung bakit, ngunit sa tuwing binabasa niya ito, nagigimbal at nalulumbay lamang siya, minsan ay napapatanong siya kung dapat nga bang maging masaya siya sa tagumpay ng kanyang Ama kung ang naging kapalit nito ay maraming buhay ang nakitil at maraming dugo ang dumanak. Nabasa pa niya na mayroong mga batang nadamay sa digmaan, ang mga anak ng huwad na Emperador, kung ano man ang itsura at pangalan nila, hindi na niya alam sapagkat ipinagbabawal ni Fierro na banggitin ang kanilang pangalan at ipinasunog niya ang lahat ng imaheng mayroon sila, tulad ng ginawa niya sa mang-aagaw niyang kapatid. Kahit sa mga libro ay ipinabura ang kanilang mga marka. Natitiyak niyang sa oras na may sumuway sa kanyang Ama, Mga Diyos na lamang ang nakakaalam kung ano ang maaari nitong gawin.
Inalis ni Graison ang isipan niya sa mga librong nabasa, nais niyang sumubok ng mga bagong pagkakalibangan bukod sa libro at pinta. Wala na sa Palasyo si Osylla gayunpaman, alam niyang mayroon pa ring isang taong hindi magsasawang magbigay ng oras sa kanya.
***
Kumalampag ang dalawang espada sa isa't-isa, hawak ng Prinsipe ang kanyang espada at ang Tiyo Talas naman kanyang kaduelo. Inugoy ng Kawal ang kanyang espada sa pamangkin ngunit maliksing nakakailag sa kanya si Graison na may kumpiyansa sa kanyang mga galaw. Sumugod sa kanya si Talas at sinalubong niya ng kanyang espada ang tira ng tiyuhin, kasabay ng nakakangilong tunog ng kanilang mga bakal na armas.
"Magaling bata," papuri ni Talas, "kakaiba ang liksi mo ngayon, karaniwan ganitong oras madadatnan kita sa kwarto mo nagpipinta o nagbabasa, ngayon ikaw pa talaga ang naglakas-loob na yayain akong magduelo. Ayos ka lang ba? Ano bang nakain mo? Nakulam ka ba?"
"Hindi po Tiyo Talas," napangiti si Graison sa tanong niya, "maganda lang ang tulog ko kahapon siguro dahil na rin sa pagkakaayos namin ni Ama."
"Natutuwa ako at maayos na kayo," sagot ng kanyang tiyuhin. "Yan lang makakapagpasa sa iyong Ina."
"Alam mo bang niregaluhan niya ko ng mamahaling brotsa?" ikinuwento niya nang may pagmamalaki. "Hindi na siya tutol sa pagpipinta ko."
"Talaga ba? Bakit hindi ka pa nagpipinta?" Pabirong inusisa ni Talas.
Naglaho ang ngiti sa pawisang pisngi ng batang Prinsipe. "Gusto ko sana kaso pansin ko nitong mga nakaraan tuwing nagpipinta ako kung ano-anong mga bagay ang pumapasok sa isipan ko, karamihan mga imaheng nakakagimbal, hindi ko alam kung totoo ba o imahinasyon ko lang, kung nangyari na ba o magaganap pa lang."
"Ikaw bata, kinakabahan na ko sa'yo," sambit ni Talas, "kung ano-ano na pumapasok dyan sa kukote mo, tangina baka mamaya makita mo na kung paano magugunaw ang Buong Lupain o kung paano ka mamamatay."
"Mainam nga siguro," sumang-ayon si Graison na hindi inaasahan ni Talas, "nang sa ganoon may magawa ako para mapigilan ang lahat ng iyon."
Bumalik sa kanya ang sinabi ng Matandang si Doray tungkol sa kanyang kakayahang naiiba sa lahat, ang kakayahang tanging siya lamang ang may taglay.
Ang kakayahang hindi ko rin lubos na maunawaan...
"Iba talaga ang utak mo," napailing na lamang ang Kawal sa binatilyo, "siguro dahil na rin dyan sa peklat mo."
Napahawak si Graison kanyang noo at nakapa niya ang malalim niyang peklat.
"Nakalog siguro ng matindi ang ulo mo noong nabagok ka kaya naging utak pantas ka."
"Tiyo Talas, paano ba ko nasugatan?" hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa, "kahit kailan hindi ko pa nalaman kung bakit ako may malaking peklat sa noo."
Nanahimik si Talas sa kanyang tanong na para bang nag-iisip ng isasagot sa kanya, "mabuti pang ang Emperatris na lang ang tanungin mo tungkol dyan. Bumalik na lang tayo sa pagsasanay."
Hindi na pinilit ng Prinsipe ang Tiyuhin, pinulot na lamang niya ang kanyang sandata at naghanda na sa kanilang muling pagduduelo. Papatira na si Graison nang maaninag niya ang Ama na naglalakad malapit sa bakuran.
"Ama."
"Kamahalan," yumuko si Talas sa Emperador.
"Nakaabala ba ko?" tanong ni Fierro sa tonong mas maamo pa sa tupa.
"Hindi naman po," sagot ni Graison.
"Kapitan, maaari bang maiwan mo muna kami ng aking anak?"
"Masusunod po," muling yumuko si Talas bago lumisan.
"Palagay ko maayos na ang pakiramdam mo, Graison?" tinapik ni Fierro ang balikat ng Prinsipe, "hindi naman siguro kita makikita rito sa bakuran kung may sakit ka pa."
"Nakapahinga na po ako ng maigi, Ama," ipinaalam ni Graison, "at sobrang aktibo ko na po pagkagising ko kanina."
Napangiti si Fierro sa pagtatagumpay ng ritwal ni Ora, "mabuti naman, anak. May hihilingin sana akong pabor sa'yo kung mapapagbigyan mo ko."
"Kahit ano po, Ama," kumpiyansang siniguro sa kanya ni Graison, "sino ba ako para tanggihan ang Mataas na Emperador? Ano po ba iyon?"
"Gusto kong magtungo ka sa kwarto mo at bumalik sa pagpipinta," utos ng kanyang Ama, "oras na siguro para pakitaan mo ko ng isa sa mga obra mo. Sayang nga lang at naantala kahapon."
Natunaw ang masayang aura ng Prinsipe sa hiling ng Ama, nangako siya sa sarili niyang hindi muna siya magpipinta ngayong araw ngunit alam niyang hindi niya dapat suwayin ang Ama. Kailan lamang sila nagkaayos at hindi niya dapat ito biguin.
"Ayos lang ba sa'yo?" nahalata ni Fierro ang pagdadalawang-isip ng anak, "sayang rin naman ang regalo kong brotsa at ang Mahiwagang Pisara kung hindi natin magagamit hindi ba?"
"Syempre naman po," sumang-ayon ng papilit si Graison.
"Mainam," sumaya ang Emperador sa desisyon ng anak. "Pupuntahan kita mamaya at titignan ko ang pinta mo."
***
Pagkabalik sa kanyang silid, hindi alam ni Graison ang gagawin, kanina pa siya nakaupo sa harap ng Mahiwagang Pisara habang umuusok ang hamog nito sa kanya. Hanggang ngayon hindi pa niya nailalapat ang brotsa sa takot na baka kung ano na naman ang magunita niya sa oras na siya ay magpinta.
Hindi mo dapat biguin si Ama...magpinta ka na lang base sa nakikita mo at hindi sa iniisip mo.
Napalingon siya sa paligid, naghahanap ng inspirasyon, tyempo namang may dumaan malapit sa kanyang silid. Ito ay ang isang maliit na bubuwit na ilang beses na niyang nakitang pagala-gala sa iba't-ibang sulok ng Palasyo. Maliit pa lamang ang daga at kaunti lang ang laki nito sa butiki, nang siya'y mapatingin, agad itong tumakbo papalayo.
"Bahala na," kinuha niya ang brotsa at nagpinta nang mabilisan at labag sa kanyang kalooban.
Ilang saglit lang, pumasok ang Mataas na Emperador sa kanyang silid. "Kamusta?"
"Ama," tinakpan ni Graison nang tela ang kanyang natapos na pinta.
"Tapos na ba?"
"Opo," nahihiyang saad ng Prinsipe.
"Bago ko tignan ang pinta, may nais akong itanong sa'yo," pagpapaalam ni Fierro, "ano ba talagang nangyari sa'yo kahapon? Bakit ka biglang sinamaan ng katawaan?"
Naisip ni Graison na wala namang masama kung sasabihin niya sa Ama ang kanyang mga nakita.
"Sa totoo lang po hindi ko rin alam, maayos naman akong nagpipinta nang biglang pumasok ang isang imahe sa isipan ko... Isang imaheng gumimbal at nagpakilabot sa akin...pinasakit nito ang ulo ko, biningi ang pandinig ko at pinakabog ng malakas ang dibdib ko."
"Anong nakita mo?" taimtim na nag-aabang si Fierro.
"Nakita ko po ang sarili ko noong bata pa ko, siguro mga tatlo o apat na taon pa lang. Nakasakay ako sa isang karwahe sa Gubat ng Cen. Kumakalat ang apoy sa buong paligid, hinahabol nila ako. Nilamon nito ang buong Gubat at pati na ang karwahe, bumagsak ako sa batuhan pagkatapos kumirot na nang matindi ang ulo ko."
Tandang-tanda pa ni Fierro ang araw na iyon, nakumpirma niyang isang parte ng alaala ni Graison ang nanumbalik sa kanya. Ang apoy na humahabol sa bata ay walang iba kundi siya at ang kanyang pwersa.
"Hindi ko po maunawaan, Ama," naguguluhan pa rin ang Prinsipe, "bakit ko naiisip ang mga bagay na iyon? Hindi ko alam kung guni-guni ko lang ba ito o bahagi talaga ito ng nakaraan ko. Ang daming bagay na malabo pa sa akin."
"Anak, naaalala mo ang mga bagay na iyan dahil nangyari talaga ito sa'yo," Binunyag ni Fierro.
"Totoo po ba?" Napanganga si Graison sa sinabi ni Fierro.
"Panahon na para malaman mo ito," seryosong tugon ng Emperador. "Tatlong taon ka pa lamang noong naganap ang pag-aaklas ko laban kay Costan."
"Costan?" Inulit ni Graison ang pangalang ngayon niya lang narinig.
"Pamilyar ba sa'yo ang pangalan na yan?" Sinadya talagang ipaalam ni Fierro ang pangalan ng mortal na kaaway nang sa ganoon ay masubukan niya kung matatandaan ng bata ang kanyang nakaraan.
"Hindi po," pagtanggi ni Graison na halatang walang kaalam-alam tungkol rito, "sino po ba siya?"
Nagalak si Fierro sa kanyang loob, wala pa ring natatandaan ang bata, kahit ang pangalan ng totoong Ama.
"Si Costan ang Huwad na Emperador na nababasa mo sa libro, ang kapatid kong traydor na umagaw sa tronong nararapat para sa akin."
"Ito pala ang pangalan niya," napagtanto ni Graison, "ano pong kinalaman niya sa mga gunita ko?"
"Mabuti at natanong mo," pagpapatuloy ni Fierro, "bago maganap ang huling labanan namin sa Gubat ng Cen, dinukot ka niya mula sa akin."
"Dinukot?" lalong nagulantang si Graison sa ipinagtapat ng Ama.
"Oo, kinuha ka niya sa amin, at ilang taon kang nanatili sa kanyang puder, dito mismo sa Palasyo. Noong gabi ng pag-aaklas, nagawa kang iligtas ng mga tauhan ko mula sa kanya, ngunit ayaw ka nyang lubayan, gusto niyang bawiin ka at patayin sa aking harapan, hindi siya tumigil sa paghabol sa inyo, kahit sunugin pa niya ang buong gubat. Naabutan niya ang karwahe at napatay niya ang mga tao ko. Tumama ang ulo mo sa batuhan. Iyan ang dahilan kung bakit ka may peklat sa iyong noo. Siya ang may kagagawan."
Inilalarawan ni Graison sa isipan ang pagkukuwento ng Ama. Nagsimula siyang kilabutan at muling bumilis ang kabog ng kanyang dibdib, "Napakasama niya. Kahit na isang musmos na katulad ko idadamay niya, para lamang mapanatili sa kanya ang trono at ang Imperyo."
"Oo wala siyang kasing sama, buti na lang at napatay ko siya at nabawi ko ang trono, pero ang lahat ng iyon ay walang halaga kung hindi kita nabawi sa kanya. Hindi ako tumigil hanggang hindi ko nakakapiling ang aking mahal na Tagapagmana."
"Ngayon ko lang nalaman, Ama," nangatog ang tinig ni Graison, "kung gaano nyo ko kamahal."
Natuwa si Fierro at nagawa niyang bilugin ang ulo ni Graison, ngayon kinamumuhian na niya si Costan na siyang tunay niyang Ama. Nagawa na niyang baliktarin ang katotohanan at guluhin ang isipan ng Prinsipe.
"Nawala siguro ang ilang mong alaala dahil sa aksidente kaya marami kang alaalang bigla na lang bumabalik sa iyo, sana naging malinaw na sa'yo ang lahat."
"Nasagot na po ang matagal ko ng tinatanong," nakahinga na ng maluwag ang binatilyo at nakaramdam ng kapanatagan, "salamat po at ibinahagi nyo na sa akin kung ano talaga ang tunay na nangyari."
"Walang anuman."
"Ipinagtataka ko lang po ay kung bakit wala sa aklat ng kasaysayan ang pagdakip sa akin ng Huwad na Emperador."
Nag-isip si Fierro sa tanong ng bata, matalino si Graison at kinakailangan niya ng maliwanag na eksplanasyon. Dapat may katuturan at kapani-paniwala ang lahat.
"Sinadya ko talaga itong huwag ipalathala sa libro dahil ayokong mabasa mo ito, nais kong malaman mo ito galing mismo sa bibig ko."
Naniniwala si Graison at naunawaan niya ang punto ng kanyang Ama.
"Tama na muna ang pagkukwento ko, titignan ko na ang obra mo," inalis ni Fierro ang tela sa pisara. Tumambad sa kanya ang ipininta ng anak.
Pininta ni Graison ang dagang nakita niya kanina, nagsimulang gumalaw ang imahe sa pisara, tumatakbo ang bubuwit patungo sa isang madilim na lungga sa Palasyo at sa loob nito, nakahanap siya ng makakaing mga mani at keso.
Nadismaya si Fierro sa kanyang nakita, napakasimple ng kanyang pinta kumpara sa inaakala niya. Umaasa siyang isang malalim at makahulugang pangitain ang makikita niya mula sa Pisara.
"Nagustuhan nyo po ba?" nahihiyang tanong ni Graison.
"Oo naman," napilitang puriin ni Fierro ang anak, "magaling, magaling. Simpleng-simple lang pero maganda. Magaling ka rin pa lang gumuhit ng mga hayop."
"Opo Ama, kaya ko mapa-ibon, isda, leon, lobo, oso, kahit ano."
"Magaling Graison," muli niyang tinapik ang balikat ng anak, "magaling."
***
Kinagabihan, palihim na nagmamasid si Mang Celso sa kilos ng Mataas na Emperador, kunwari siya ay nagwawalis lamang sa bulwagan. Namataan niyang bumaba ang Emperador at agad niya itong sinundan.
Dinaanan ni Fierro ang silid na dapat ay papasukin na niya noon ngunit hindi siya doon patungo, bumbaba pa siya sa paikot na hagdan. Nalagpasan nila ang bartolina. Patuloy niyang binuntutan ang Emperador sa sulok kung saan ay may kadiliman na at ang tanging ilaw na makikita lamang ay ang liwanag na nagmumula sa mga tanglaw na nakasabit.
Tumigil ang Emperador sa isang malaking dingding, kinuha niya ang isang medalyon na may nakaukit na mukha ng isang dragon. Inilagay niya ito sa sentro ng pader. Nagsimulang dumagundong ang paligid sa paggalaw ng mga dingding. Nahati ito sa dalawa at dahan-dahan itong bumukas padulas gaya ng dalawang pintuan.
Pumasok si Fierro sa loob, sumunod si Celso nang hindi niya namamalayan, nag-iingat sa kanyang bawat hakbang. Isang ingay lamang at buhay na niya ang kapalit pag siya ay nahuli.
Sa loob, mayroon pang paikot na hadgan na ilang baitang pa ang lalim mula sa inaakala ng lahat na pinakamababang palapag. Balot ng kadiliman ang paligid. Bahagyang nahihirapan si Celso na huminga sapagkat kulob ang hangin. Kakaiba rin ang amoy na para bang mayroong nagsisiga sa loob.
Nagpatuloy siya sa pagsunod kay Fierro hanggang sa tumigil ito, nagtago ang espiya sa isa sa mga haligi.
"Aking panginoon," pagbati ni Tandang Ora kay Fierro, "maligayang pagbabalik sa ating muting himpilan!"
Natakot si Celso nang masilayan ang matanda, unang tingin pa lang alam na niyang isa itong mangkukulam. Kasalukuyan itong naghahalo ng kumukulong likido sa kanyang higanteng kaldero at sa ibabaw nito lumulutang ang kanyang bolang krystal na kumikinang gaya ng araw.
"Tumalab ba ang ritwal ko sa kanya?" tanong ni Tandang Ora.
"Sa nakikita ko naging aktibo siya at lumakas ang loob," pagsasalaysay ni Fierro, "bumalik na siya sa pagpipinta."
"Mabuti naman."
"Nalaman ko na kung ano ang nangyari sa kanya, bumalik ang piraso ng kanyang memorya noong gabing inuusig ko siya, nagawa ko namang manipulahin ang alaalang ito."
"Ganun naman pala, bakit parang hindi ka masaya?" napansin ng matanda. "Nalaman na natin ang nasa isip niya, napabalik na natin siya sa pagpipinta, ano pa bang pinoproblema mo?"
"Ang pinta niya mismo ang problema ko, tignan mo!"
Sinunod ni Tandang Ora ang utos ng Panginoon ng Apoy at tinignan niya ang ipininta ni Graison sa kanyang bolang krystal. Nakita niya ang daga at ang madilim na lungga.
"Sabihin mo sa akin paano natin mapapakinabangan ang mga imaheng to?" ngayon binuhos ni Fierro ang pagkadismaya niya. "Isang maliit na daga lang, anong klase yan? kala ko naman makikita niya ang mga bagay na tunay na mahalaga, ang mga imaheng makakatulong sa ating pag-usad."
Hindi nila alam na patagong nakikinig si Celso sa kanila. Naguguluhan siya kung ano ang kanilang pinag-uusapan ngunit batid niyang makakatulong ang kanyang natuklasan sa plano ni Duke Aurello.
"May nakikita akong mali," bulong ni Ora habang sinusuri maigi ang imahe, "malamang pinipigilan ng bata ang kanyang isipan habang nagpipinta. Imbes na gamitin ang isip, mas pinairal niya ang kanyang paningin. Maaari ring nagkakamali tayo ng interpretasyon."
"Anong ibig mong sabihin?" kumalma na ang Emperador.
"Posibleng may simbolismo ang imahe," ipinagpalagay ni Ora, "maaaring kumakatawan ang daga, ang lungga at ang mga mani sa isang tao, lugar o pangyayari. Hindi ko lang matiyak."
"Alamin mo," may otoridad na inatas kanya ni Fierro.
Mula sa isang maalikabok na baul, kinuha ni Tandang Ora ang isang napakakapal na libro na purong itim ang pabalat.
"Ano yan?"
"Ito ang Itim na Aklat," pagpapakilala ng matanda, "naririto ang lahat ng simbolong ipinapadala sa akin ng Panginoon, mula noon hanggang ngayon. Aalamin ko kung makakakuha ako ng mga kasagutan rito."
"Sige, simulan mo ngayon," sumang-ayon si Fierro, "babalik na ko sa taas."
Ikinubli ni Celso ang sarili habang ang Mataas na Emperador ay dumaan malapit sa kanya.
Nagsimulang basahin ni Tandang Ora sa ibang wika ang Itim na Aklat nang nakapikit ang mata at tila nagriritwal. Nagsimulang tumaas ang balahibo ni Celso sa pangingilabot. Pinagpatuloy niya ang pagmamasid sa matandang mangkukulam. Sa loob ng kalahating oras, walang ginawa ang matanda kundi magritwal at bumulong ng mga kakaibang salita.
Hindi nagtagal, nakarinig si Celso nang ingay mula sa matanda na tila ito ay humihilik na. Dahan-dahang naglakad ang espiya patungo sa matanda, nakatulog na ng mahimbing si Tandang Ora habang nagriritwal.
Maingat niyang binuklat ang malaking aklat. Kung ano-ano ang nakita niya rito, mga guhit ng mga Itim na halimaw na may mapupulang mga mata at mga simbolismong hindi niya maunawaan. Ang ibang pahina ay mayroong imahe ng isang taong bihag para isakripisyo sa isang malaking halimaw na may mala-higanteng kamay at matutulis na kuko. Ang iba naman ay may guhit ng isang taong nagriritwal, sa ibaba merong mga letrang mula sa lennguageng hindi niya alam. Daan-daan ang pahina ng nasabing libro. Napagtanto niya na si Fierro at ang matanda ay isang tagasunod ng Itim na Diyos. Maingat na pumilas si Celso ng isang pahina mula sa libro, itiniklop ito at inilagay sa kanyang bulsa.
Tumakbo na ang daga papalabas ng madilim na lungga, dala-dala ang kanyang mga mani at keso. Dumilat si Tandang Ora at napangiti sa kanyang kinaroroonan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro