Kabanata 5: Covel
-Kanlungan ng Kanluran-
Sariwa pa ang marka ng Kapatiran malapit sa dibdib ni Covel, isang araw pa lamang ang nakalipas noong siya ay maging opisyal na kasapi ng Kanlungan ng Kanluran. Tuyo na ang hiwa ngunit ito ay medyo namumula pa rin. Nagbukas na ang panibagong yugto sa kanyang buhay at natapos na ang mga pahina ni Colev ng Nievah.
Bilang miyembro ng kapatiran, binigyan siya ni Pinunong Haurre ng panibagong damit at kinakailangan na niyang hubarin ang dati niyang kasuotan na yari sa balat ng oso. Ang kanyang bagong kasuotan ay isang tunika na yari sa katad na katamtaman ang kapal, nang sa ganoon ay hindi ito mabigat sa katawan. Malapit sa may butones, makikita ang letrang K na sumisimbolo sa Kapatiran. Nang isuot niya ito pakiramdam niya ay para bang naging ibang tao na siya.
Hindi isang Prinsipe, hindi isang Tubong Nievo, kundi isang mandirigma.
"Isa ka na talagang Kasapi ng Kapatiran ngayon," pagbati ng kanyang Ama. "Ibang-iba na ang anyo mo."
"Ibang-iba rin sa pakiramdam, Itay," sabi ni Covel.
"Masasanay ka rin," tinapik ni Ermin sa balikat ang anak. "Kamusta ang marka mo? Masakit pa ba?"
"Natutuyo naman na," ipinaalam niya.
"Mabuti, aalis na muna kami ni Itoi."
"Saan kayo pupunta?"
"Iuuwi ko na muna siya at kailangan ko na ring ibalita sa iyong ina ang naging desisyon mo."
"Sigurado ako hindi niya ito ikagagalak," nagsimulang siyang mangamba. Alam niyang mapag-alala ang kanyang ina lalo na sa kalagayan ng mga anak.
"Asahan na natin iyan," tugon ni Ermin,"paano uuna na kami, hindi ko na sinabi sa kapatid mo na iuuwi ko na siya, buong akala niya, igagagala ko lang siya sa bayan. Alam mo naman ang batang iyon, ayaw nun mawawalay sa'yo. Baka magmaktol."
Napangiti si Covel nang maalala ang espesyal niyang kapatid.
"Mag-iingat kayo," pagpapaalam niya. Kahit na handa na siyang iwan ang buhay sa Nievah, may parte pa rin sa kanyang puso na nais sumama sa kanyang Ama pauwi sa kabundukan, malayo sa mapanganib niyang mundo ngayon.
-Kampo ng Kamatayan-
Sa bawat suntok na humahambalos sa kanyang katawan, tumatalsik ang dugo mula sa bibig ni Donello. Mula nang madakip, kanina pa siya pinagtutulungan nila Jiaruz at ng kanyang mga tauhan. Puno na ng latay ang kanyang balat at namamaga na ang kanyang mukha. Nagsisimula nang mapuno ng pasa ang kanyang katawan at pumutok na rin ang kanyang labi.
"Yan ang nararapat sa mga kumakalaban sa Mataas na Panginoon," muling sinuntok ni Jiaruz ang panga ni Donello na halos mapamanhid sa kanya. "Sa gagawin namin sa'yo, sigurado magtatanda na ang lahat ng kalaban namin!"
"Patayin nyo na ko, ngayon na!" sigaw ni Donello.
Hinila ni Jiaruz ang buhok ng binatilyo at nilapit ang kanyang nanggagalaiting mukha. "Gustong-gusto ko na nga sana kaso kailangan ka pa naming gawing handog kay Panginoong Lodell. Sigurado ako matutuwa siya. Ilang araw lang, magkakaroon ng isang palabas para sa lahat at ikaw ang bida. Gusto mo yun di ba? Ang magpasikat at magpakabayani?"
"Ang gusto ko lang ay ilahad ang katotohanan at mamulat silang lahat sa kasamaan nyo!"
Muling sumapak sa kanya ang malutong na kamao ng Komandante.
"Wala ka ng magagawa dahil hawak ka na namin ngayon! Wala ng kakampi at maniniwala sa'yo. Pasalamat ka at di mo pa dinaranas ang sinapit ng kaibigan mong namamahagi ng mga sulat mo."
Naalala ni Donello ang kaibigang si Timotheus, "Anong ginawa nyo sa kanya?
"Ang isang yun, mahirap siyang pakantahin pero napakanta rin namin siya," kwento ni Jiaruz, "ginamitan namin siya ng sibat at nagbabagang uling, nakapagsalita siya at naituro ka niya sa amin, yun nga lang hindi niya rin kinaya at bumigay siya sa tindi ng lapnos. Nasa impyerno na siya ngayon."
Humagulgol ang bihag nang malaman ang sinapit ng kaibigang sa kamay ng mga kalaban. Inuusig siya ng kanyang konsensya sapagkat siya ang nanghikayat kay Timotheus na ipamahagi ang kanyang mga gawa.
"Huwag ka munang umiyak, may natitira pa naman sa'yo. Magagalak ka siguro kung sasabihin ko sa'yong hindi pa namin nahahanap ang kapatid mo."
Nanlaki ang mga mata ni Donello nang banggitin niya sa Gavielle. "Mga hayop kayo! Huwag nyong sasaktan ang kapatid ko!"
"Malaki ang atraso sa akin ng kapatid mo," paliwanag ng Komandante. "Hindi ko basta-basta makakalimutan ang isang katulad niya. Ako na ang bahala sa kanya. Sa oras na mapasakamay ko siya, tinitiyak ko sa'yo na makaka-isa siya sa akin. Ano kaya ang lasa niya? Gusto ko na siyang matikman."
"Hayop ka!" umabot sa sukdulan ang pagsigaw ni Donello sa pagkamuhi, sinubukan niyang sugurin si Jiaruz ngunit siya ay nakakadena sa kamay at paa.
Binirahan siya ng mga tauhan ni Jiaruz sa sikmura pagkatapos ang Komandante naman ang sumipa sa kanyang katawan nang walang humpay hanggang sa siya ay mamilipit sa sakit.
"Huwag na huwag nyong gagalawin ang kapatid ko!" Babala ng bihag.
Tinalikuran siya ni Jiaruz na may masamang ngiti sa kanyang mukha.
"Bantayan nyo siya maigi," mahigpit niyang bilin sa mga bantay. "At ako lang ang Komandanteng papapasukin nyo, maliwanag?"
"Masusunod po!" saad ng mga guwardiya.
***
Sabay na nagtungo sina Wharen at Jiaruz sa himpilan ng Mataas na Panginoon, nakahanda na namang magpakitang-gilas ang dalawa para kay Lodell.
"Magaling Jiaruz, nagtagumpay kang mahuli ang anay na sumisira sa ating reputasyon," Pinuri ni Lodell ang nakabababang tauhan.
Hindi nagustuhan ni Wharen ang papuring natanggap ni Jiaruz ngunit hindi niya ito pinahalata sa kanila.
"Maraming salamat po, Mataas na Panginoon."
"Ano na ang kalagayan ng animal ngayon?"
"Nandun, bugbog-sarado, nakatikim sa akin," pagmamalaki ni Jiaruz, "nagtimpi naman ako kahit papaano at hindi ko pa siya pinuruhan."
"Mahusay, tama na muna yun, kailangan natin siya ng buhay," paalala ni Lodell. "Papatayin natin siya sa harap ng maraming tao sa nakatakdang oras nang sa ganoon ay tubuan sila ng takot na kalabanin tayo."
"Magandang ideya po, Panginoon," ibinalik ng Mababang Komandante ang papuri.
"Ganyan ang gusto ko, mabilis na resulta pero hindi padalos-dalos," sinadya itong iparinig ni Lodell sa kanyang Mataas na Komandante na nakatayo lamang malapit sa kanila. "Ikaw Wharen, kamusta ang pagtugis mo sa Kapatiran? May pag-usad naman ba?"
"Sa ngayon naghahanap pa ang mga tauhan at espiya ko, sadyang magaling lang talagang magtago ang Kapatiran at-"
"Tama na," kalmadong sumabat si Lodell, "huwag ka ng magsayang ng laway, tsaka mo na lang ako balitaan pag nagtagumpay ka na, bakit hindi mo gayahin ang iyong Komandante?"
Napangisi nang mapang-asar si Jiaruz kay Wharen at nagtitimpi na lamang siya.
"Panginoon, mawalang-galang lang po ngunit di hamak na mas madaling hanapin ang isang tao kumpara sa grupo ng mga rebelde," ipinagtanggol ni Wharen ang sarili.
"Totoo," sumang-ayon naman sa kanya si Lodell, "kaya nga sa'yo ko ibinigay ang tungkuling ito dahil alam kong kaya mo silang pabagsakin, huwag mo sanang patunayan na nagkamali ako."
Tumatak sa Mataas na Komandante ang pinaghalong papuri at banta sa kanya.
"Hindi mangyayari yun," kumpiyansa niyang isinagot, "pinapangako ko sa aking buhay na gagawin ko ang lahat para lipulin ang lahat ng Kapatiran."
"Maaari na kayong bumalik sa inyong mga trabaho," hindi gaano pinansin ni Lodell ang mga pangako ni Wharen, "balitaan nyo na lang ako kung ilang Itmai at Puttlan ang napaslang natin ngayong araw na ito."
-Kanlungan ng Kanluran-
Bago lumabas sa kanyang tolda, pumukaw sa atensyon ni Covel ang kanyang sibat. Kinuha niya ito at siya ay nagsimulang magsanay sa paraan ng Nievah, inugay niya ito pababa tulad ng ginagawa nila pag sila ay nangingisda o nanghuhuli ng mga kuneho at iba pang mga hayop. Lingid sa kanyang kaalaman, pinapanood siya ni Pinunong Haurre at ng iba pa niyang mga kapatid sa samahan.
Hindi na nag-atubiling lumapit si Haurre sa Prinsipe, "nakikita kong may kaalaman ka na sa paggamit ng sibat."
"Bahagya lang po, Pinuno," inilahad ni Covel, hindi niya inaasahang pinapanood pala siya, "ginagamit namin ito pag nangingisda at nangangaso kami."
"Nagamit mo na ba ito para protektahan ang iyong sarili?"
"Isang beses pa lang," nahihiyang sagot ng binatilyo, "noong hinahabol kami ng mga Tagapuksa, nadaplisan ko siya sa braso. Medyo nangangapa pa nga ako. Mapayapa kasi kaming mga Tubong Nievo, hindi namin ginagamit ang sibat para makapanakit ng kapwa."
Tama ba ang naisagot ko?
"Kinakailangan mong gamitin ito ngayon, lalo na at isa ka na sa amin," sambit ng Pinuno. "Maalam ako sa paggamit ng iba't-ibang armas, isa na rito ang sibat. Nais mo bang ibahagi ko na sa'yo ang aking mga kaalaman? Sasanayin kita hanggang sa ikaw ay matuto."
"Isa pong malaking karangalan ang maging estudyante nyo," napayuko si Covel bilang paggalang.
"Simulan na natin," napangiti ang Pinuno. "Ipakita mo sa akin kung paano mo ulit gamitin ang iyong sibat."
Ipinwesto ni Covel ang talim ng sibat sa ibaba at inugay ito sa sahig gamit ang magkaparehong kamay.
"Mahusay, ganyan nga ang paraan ng pangingisda, ngayon tuturuan kita kung paano ito gamitin sa pakikidigma."
Kinuha ni Haurre ang sibat at inayos niya ang tamang posisyon ng mga kamay ni Covel. Nasa taas ang talim, ipinuwesto niya ang kaliwang kamay sa ibabang dulo at ang kanang kamay naman sa gitna. Medyo nanibago ang Prinsipe.
"Ganyan ang tamang paghawak ng sibat, palaging nakatapat pataas ang talim nang sa ganoon ay maprotektahan mo ang iyong ulo at handa ka rin kung sakaling kailanganin ng iyong paa. Huwag mong hayaang laging nasa baba ang talim, palaging nasa itaas.Ulusin mo ang talim pataas pagkatapos iurong sa tapat ng iyong balakang gamit ang kaliwang kamay. Sampung beses."
Ginawa ni Covel ang sinabi ni Haurre, inulos niya pataas ang talim ng sibat pagkatapos inurong ito pabalik habang siya ay bumibilang.
"Isa...dalawa...tatlo..."
Ulos, urong...ulos, urong...
"Mahusay," papuri ni Pinuno pagkatapos niya, "madali kang matuto, magiging madali lang ito sa'yo dahil sanay ka na sa sibat."
"Salamat po."
"Sa ganitong paraan mo mapupuruhan ang kalaban, uugay mo lang pababa ang talim kung gusto mo siyang laslasin, pero huwag sobrang baba na aabot na sa sahig. Marami pa akong ituturo sa'yo bukod sa sibat."
Nagsimula ang pagtuturo ni Haurre sa iba't-ibang sandata, una ang espada. Binigyan niya ng espada si Covel. Isang totoong espada, hindi espadang kahoy o laruan na nilalaro nila ni Yrvin sa Palasyo. May kabigatan pala ito kaysa sa inaakala niya.
"Ipakita mo sa akin ano ang kaya mo," hamon niya, "puntiryahin mo ko."
Inugay ni Covel ang espada patungo kay Haurre, sa paghawak ng binatilyo, mapapaghalataan na hindi siya sanay sa ganitong armas. Mabilis na naiilagan ni Haurre ang bawat tira, sa kabila ng kanyang edad, nananatiling maliksi ang pangangatawan ng isa sa piankamahusay na Kawal sa Buong Lupain. Kinuha ng Pinuno ang kanyang sariling espada at inugay ito sa Prinsipe, napatalsik niya ang espada ng binatilyo papalayo.
"Palagay ko hindi ka pa nakakahawak ng espada sa buong buhay mo?" Hula ni Haurre.
"Espadang kahoy lang po, Pinuno," paglalahad ni Covel na may hiya sa kanyang tono, "noong pitong taon pa lang ako."
Nagtawanan sina Kamlon at Nolan habang nanonood at si Toro naman ay napapailing sa nalaman.
"Kuhanin mo," utos ni Haurre.
Kinuha ni Covel ang espada at muli silang nagsanay.
Sunod na pinag-aralan ng Prinsipe ang paggamit ng pana. Nagpakitang-gilas ang Pinuno at nagawa niyang tamaan ang sentro ng kanyang target sa isang tira.
Ginaya ng binatilyo ang paghawak ng pana. Tulad ng sa espada, hindi rin siya gamay sa paggamit nito. Pinakawalan ni Covel ang unang tira nang walang paligoy-ligoy at ito ay tumama sa dulo, ganoon na rin sa ikalawa at ikatlong tira, hindi niya magawang tamaan ang gitna.
"Ulit-ulitin mo lang hanggang sa tamaan mo ang gitna," pang-eenganyo ni Haurre.
Pinagpapawisan na si Covel sa kanyang pwesto, makalipas ang maraming tira, wala pa rin siyang natatamaan. Sa pagkakataong ito, naghinay-hinay muna siya, itiunuon ang kanyang pansin sa target, pagkatapos ay pinakawalan ng dahan-dahan ang kanyang tira.
Sumakto na sa target ang kanyang tira, sa kanyang pagkagalak. Nagbunyi siya sa kanyang munting tagumpay.
"Hindi masama sa iyong unang araw, Mahal na Prinsipe," pagbati ni Haurre. "Magpahinga ka na, bukas ulit."
Nagtungo ang Pinuno sa kanyang silid at naiwan si Covel na napaupo sa isang silya, bahagyang hinihingal at nag-uunat ng mga braso. Nilapitan siya ni Toro at ng iba pa.
"Kaya pa ba ang pagsasanay Covel?" Direkta siyang kinutya ni Toro.
"Prinsipe Covel dapat ang tawag mo sa kanya Toro," pagtatama ni Jualem. "Prinsipe siya."
"Tatawagin ko siya sa paraang gusto ko," binara siya ni Toro nang may pagkainis sa kanyang boses.
"Ayos lang, Jualem," paninigurado ni Covel kay Jualem, pagkatapos ay hinarap niya si Toro, "Naninibago lang siguro ako, napagod."
"Alam mo ba ilang taon kami noong una kaming sinanay ni Pinunong Haurre?" tanong nito sa kanya. "12 taong gulang pa lamang kami at ni minsan hindi namin pinakita na napagod kami. Hindi ba?"
"Tama," sumang-ayon sina Nolan at Kamlon.
"Siguro kung hindi ka lang isang Prinsipe, hindi ka pag-aaksayahan ng panahon ng Pinuno, alam ko wala siyang oras para sa mga mahihina."
Masyado nang magaspang ang dila niya.
"Hindi ako mahina," tumayo si Covel at taas-noong tumingin sa mas matangkad na kasamahan. "Kung alam mo lang ang buhay namin sa Nievah, umaakyat kami ng bundok, naghahakot ng mga mabibigat na isda, nangangaso gamit ang aming mga sibat. Ngayon lang ako nakagamit ng espada at pana kaya di ko gamay, pero hindi ako mahina."
Natigilan sina Jualem, Ronis, Buto at Bilbel sa nabubuong tensyon sa dalawa.
"Tignan natin," wala pa ring bilib si Toro sa paliwanag ng Prinsipe. "Oras lang ang makakapagsabi kung karapat-dapat kang maging miyembro ng Kapatiran, hindi ang titulo mo bilang Prinsipe."
Umalis si Toro kasama ang kanyang mga kaibigan na may pagmamaliit na sulyap kay Covel.
"Una pa lang pansin ko na, hindi ako gusto ng isang yan," tugon ni Covel sa mga bagong kasamahan.
"Huwag mo ng pansinin yun, Kamahalan," suhestyon ni Jualem, "ganyan talaga yang si Toro, minsan parang siya pa ang Mataas na Pinuno."
"Madalas talaga pinag-iinitan niya ang mga bagong kasapi," paglalahad ni Buto.
"Pagpasensyahan mo na lang, Mahal na Prinsipe," dagdag ni Bilbel.
"Mukhang matindi inis sa'yo, Prinsipe," Namumula pa ang mga mata ni Ronis sa pag-inom.
"Huwag mo ng gatungan," sinaway siya ni Ancho, "baka lumala pa."
"Kaibigan ko naman yun, mabait rin yun, sa umpisa lang maangas yan," pagbawi ni Ronis, "tara magsanay na lang ulit tayo."
-Lupain ng Gremon-
Matapos ang ilang araw na paglalakbay mula sa Lupain ng Nievah, narating na ng mag-inang Lynda at Eryn ang Lupain ng Gremon. Lubos na nag-alala si Lynda noong hindi umuwi magdamag sina Covel at Itoi. Nagtanong-tanong sila ni Eryn sa mga Nievo at pati na rin sa mga Itmai at Puttlan. Sinabi ng isa sa mga inuusig na inalam ni Covel ang direksyon patungo ng Gremon, kaya naman napaisip sila na baka nga nagtungo roon ang magkapatid. Nagpasya ang mag-ina na puntahan sa mapanganib na lupain para hanapin ang dalawa.
Tumambad sa mag-ina ang kalunos-lunos na kalagayan ng bayan, wala nang buhay ang Lupain at ang tanging tingkad na makikita na lamang ay ang bandera ng Pulang Tumanggong ni Lodell. Nagkalat sa paligid ang mga naiwang labi ng mga Itmai at Puttlan pati na rin ang kanilang mga gulo-gulong kagamitan.
Nangilabot si Eryn sa presensiya ng mga dugo at siya ay napatago sa likuran ng Ina. Ngayon lamang siya nakakita ng mga patay na tao. Maging si Lynda ay nagimbal sa kanyang nakita at napatakip na lamang sa kanyang ilong, sa pagkabigla.
"Ano ng nangyari sa bayang ito?" napatanong si Lynda.
"Inay, nasaan na ba sina Itay, Kuya Colev at Itoi?" Nangangambang tanong ni Eryn. "Ayoko na dito, gusto ko ng umuwi."
"Huwag kang mag-alala, sa oras na makita natin sila, uuwi na tayo agad," paninigurado ni Lynda.
Naglalakad ang mag-ina nang makarinig sila ng mga yabag ng paa. Napalingon si Lynda at nakita niyang paparating na ang isang pulutong ng mga Tagapuksa, sa pangunguna ng kanilang komandante. Naririnig niya ang gaspang ng kanyang tinig. Natatakot para sa buhay niya at ng anak, agad niyang hinatak si Eryn patago sa dingding ng isang abandonadong bahay sa may sulok, habang nagmamartsa ang mga galamay ni Lodell papalagpas sa kanila. Makalipas ang ilang saglit, humina na ang tunog ng kanilang martsa at nakahinga na ng maluwag ang mag-ina.
Mula sa kawalan, isang kamay ang kumapit sa bibig ni Lynda na lubha niyang ikinabalisa. Nilingon niya kung sino ang humablot sa kanya. Walang iba kundi si Ermin.
"Huwag kayong maingay hanggang di pa sila tuluyang nakakalagpas," malumanay na inutos ng kabiyak.
"Ermin," nakahinga siya ng maluwag.
"Itay," binati ni Eryn ang Ama.
"Inay-nay!" lumundag si Itoi sa kanyang Ina at kinarga na siya ni Lynda.
"Huwag daw maingay," sinaway ni Eryn ang kapatid.
"Anong ginagawa nyo rito?" Nag-aalalang usisa ni Ermin sa asawa.
"Hinahanap namin si Covel at Itoi," paliwanag ni Lynda. "Naglayas ang dalawa."
"Itoi andito," saad ng bata habang nakayakap sa Ina.
"Uuwi na tayo, nasaan na si Covel?"
"Kasama niya ang Kapatiran doon sa taguan," paglalahad ni Ermin. "Pauwi na rin sana kami ni Itoi nang makita namin kayo."
"Bakit iniwan mo pa si Covel doon?" Ipinagtaka ni Lynda.
"Mahabang kwento, sumama na muna kayo sa akin sa taguan," paanyaya ni Ermin.
-Kanlungan ng Kanluran-
Kasalukuyang nagsasanay si Covel kasama ang ibang miyembro ng kapatiran nang dumating si Ermin, Lynda at mga bata. Namataan agad ng ina ang anak-anakan na isa sa mga nakikipagduelo gamit ang espada.
Covel," pagtawag ni Lynda.
Napalingon si Covel at nagulantang, hindi niya inaasahang makikita niya ang ina at kapatid sa lungga ng Kapatiran. Kasama na sila ni Ermin at Itoi pagkabalik nila. Ibinaba niya ang kanyang espada sa sahig.
"Inay, Eryn?"
"Kuya," tumakbo si Eryn kay Covel at niyakap niya ang kanyang kuya na may pagkasabik.
"Anong ginagawa nyo rito?" tanong niya sa Ina at kapatid.
"Kung mayroong dapat magtanong dito, ako yun," sabay niyang piningot ang tenga ni Covel at Itoi nang may panggigigil.
"Aray, Inay naman," namimilipit na saad ni Covel. "Nakakahiya sa kanila."
"Sakit tenga Itoi," daing ng bata.
"Anong kalokohan na naman ang pumasok sa mga kukote nyo at bigla na lang kayo umaalis ng walang paalam! Papatayin nyo ba ko sa pag-aalala?"
"Patawad Inay," saad ni Covel na naiipit ang boses, "hindi ko na naipaalam sa inyo na susundan ko si Itay. Biglaan lang po tsaka wala naman akong balak na isama si Itoi."
"Tama na yan," nakangiting pananaway ni Ermin, "sigurado naman ako na nadala na sila sa sakit ng pingot mo."
"Opo," sabay na sumagot si Covel at Itoi umaasang bibitawan na sila ng Ina.
Pagkabitaw ni Lynda, sumulpot si Haurre mula sa kanyang himpilan.
"Lynda," agad na makilala ng Pinuno ang kabiyak ni Ermin.
"Pinuno," napayuko si Lynda bilang pagrespeto sa kanya.
"Nagagalak akong makita kang muli, hindi pa rin kumukupas ang kagandahan mo."
"Maraming salamat po, tumaba nga lang."
Hindi napigilan ni Haurre at Ermin na matawa sa mga hirit ni Lynda.
"Kamusta ang paglalakbay nyo?" tanong ni Haurre.
"Mainam naman po, medyo nanibago lang kami sa lugar."
Napansin ni Haurre ang batang babaing kasama niya, "Ito na ba si Eryn?"
"Opo," pagpapakilala ni Lynda, "Eryn, siya si Pinunong Haurre, kaibigan ng iyong ama."
"Hindi mo na siguro ako natatandaan pero nagkita na tayo, noong sanggol ka pa. Ngayon malaki ka na," maligayang hinaplos ni Haurre ang buhok ni Eryn, tulad ng isang lolo sa kanyang apo, "at maganda, mana sa Ina."
"Salamat po," napangiti si Eryn sa papuri ng Mataas na Pinuno.
"Siguro naman po ay natulungan na kayo ni Ermin kung ano man ang hiniling nyo sa kanya, at tutal magkakasama na naman kaming buong pamilya, mas mabuti sigurong umuwi na kami. Tara na."
"Hindi pwede, Inay," pagtutol ni Covel.
"Lynda, mahal, may ipagtatapat sana kami sa'yo," saad ni Ermin.
"Kinakabahan ako kung ano man iyan," halata ang pagkabalisa sa tono ni Lynda.
"Mas mabuting pag-usapan na natin ito sa silid ko," paanyaya ni Haurre. "Nang tayo-tayo lang."
"Eryn, maglaro muna kayo ni Itoi," pagpapaalam ni Lynda sa anak, "mag-uusap lang muna kami."
"Sige po," sagot ni Eryn pagkatapos ay napalingon siya kay Itoi. "Tara maglaro tayo, dala ko ang paborito mong laruan."
Dinukot niya sa kanyang bulsa ang kahoy na manika ni Itoi, na lubos niyang ikinatuwa.
"Itoi gusto laro."
"Tara mga bata," paanyaya ni Jualem, "samahan namin kayong maglaro."
Nalibang ang mga kasapi sa magkapatid at sila ay nagsimulang maglaro.
Pumasok si Covel, Ermin at Lynda sa silid ni Haurre. May kasikipan ang tolda ngunit sapat naman ito sa para sa kanilang apat. Pagkaupo nila, nabalutan ng katahimikan ang buong silid, hindi malaman ng tatlo kung sino sa kanilang ang magsasalita.
"Ano ba ang sasabihin nyo sakin?" nainip na si Lynda at siya na ang nagpanimula.
"Lynda, huwag ka sana mabibigla," pinangunahan siya ni Ermin. Sumenyas siya kay Covel na at tila naunawaan niya ang nais ng Ama.
Tinanggal niya ang tatlong butones ng kanyang bagong damit at ipinakita sa Ina ang marka ng kapatiran sa kanyang dibdib.
Nagulat si Lynda nang makita ang marka, hindi kumukurap ang kanyang mga mata na nakatitig sa letrang K malapit sa balagat ni Covel at naghabol siya ng kanyang paghinga.
"Totoo nga? Isa ka ng miyembro ng Kapatiran."
"Opo, Inay," Pagkumpirma ni Covel, "patawarin nyo po ako at hindi ko nasangguni sa inyo ang aking desisyon."
Inalis ni Lynda ang tingin sa anak-anakan nang nakakunot ang noo at binaling ang atensyon niya kay Ermin at Haurre, mas lalo na sa Mataas na Pinuno.
"Anong ginawa nyo sa anak ko? Anong klaseng pamimilit ang ginawa nyo para mapasali siya?"
"Walang nangyaring pamimilit, Lynda," sinigurado sa kanya ni Haurre. "Ipinaunawa lang namin ang kalagayan ng bayang ito. Inalok namin siya pero binigyan namin siya ng sapat na panahon para magdesisyon at siya mismo ang nagpasyang umanib sa samahan."
"At pinayagan mo naman, Ermin? O hinikayat mo?"
"Mahal maniwala ka, noong una tutol rin ako dito," paliwanag ni Ermin, "tinanong ko pa si Covel kung talagang desidido siya."
"Inay, huwag na kayo magalit sa kanila," pinakalma ni Covel si Lynda. "Ako ang nagpasya ng bukal sa kalooban ko. Ginusto ko to."
"Bakit?" tanong ni Lynda. "Hindi ka na ba masaya kasama kami?"
"Masaya, alam nyo kung gaano kayo kahalaga sa akin, pero napagpasyahan ko ng talikuran ang buhay sa Kabundukan. Inay, matagal na panahon na akong nagtatago sa anino, habang ang mga taong sanhi ng ating kasawian ay nagpapakasasa, patuloy nilang pinahihirapan ang taumbayan. Oras na para may gawin ako, gusto kong tumulong sa mga sawimpalad, gusto kong bawiin ang trono ng aking Ama kay Fierro, pabagsakin sila ni Lodell at ibalik ang kapayapaan sa Buong Lupain. Ako ang tunay na Tagapagmana, tungkulin ko ito. Lalaban ako kasama ang Kapatiran."
Hindi makapaniwala si Lynda na kanyang banggitin ni Covel ang lahat ng kanyang sinabi.
"Anak, batid ko ang kagustuhan mong makatulong sa iba at bigyang hustisya ang mga magulang mo, pero napakalakas nila. Anong laban mo? Anong laban nyong lahat?"
Maging ang Mataas na Pinuno ay napaisip ng taimtim.
"Pakiusap, Covel. Huwag mo ng gawin ito, alang-alang sa akin," nagsimulang tumulo ang luha sa mga mata ni Lynda.
"Inay..." ayaw niyang magmalaki at suwayin ang Ina-inahan matapos ang lahat ng pagmamalasakit nito sa kanya, ngunit kung bibitaw siya, alam niyang pagsisisihan niya ito. Wala nang naisagot si Covel sa kanya.
"Pinuno, nakikiusap ako, baka pwedeng ipawalang-bisa mo ang pakiki-anib niya sa Kapatiran? Nagmamaka-awa ako."
"Pasensya na Lynda, nanumpa na si Prinsipe Covel," mahinahon na tumanggi si Haurre, "sariwa pa ang kanyang marka, maaari lamang siyang kumalas sa samahan kung nakapalingkod na siya ng higit sa isang dekada. Wala na kong magagawa."
"Sinasabi ko na nga at walang magandang idudulot ang pag-imbita mo," sumama ang tingin ni Lynda kay Haurre na may panggagalaiti, "ano pa bang gusto mo? Ilang taon ang ninakaw mo sa amin ni Ermin noon, ngayon si Covel naman ang kukunin mo sa akin? Sisimulan mo na naman ulit! Hindi ako makakapayag na sirain mo ang buhay ng anak ko!"
"Humihanon ka," sinaway ni Ermin ang asawa sa hiya niya kay Pinunong Haurre.
"Lynda, sana maunawaan mo, hindi ako ang nagsimula nito," nananatiling kalmado si Haurre, "si Fierro at Lodell. Sila ang sanhi ng lahat. Ang Kapatiran at si Prinsipe Covel lamang ang tatapos ng kanilang kasamaan. Iyon lang ang plano namin. Humihingi ako ng dispensa sa'yo kung sa tingin mo ay inaagaw ko ang mga mahalaga sa'yo. Hindi iyon ang intensyon ko."
"Tama si Pinunong Haurre, Inay," pagsang-ayon ni Covel. "Hindi siya ang kalaban dito. Kakampi natin siya. Sana payagan nyo na ko makipaglaban kasama ang Kapatiran."
"Paano kung mapahamak ka?" Pangamba ni Lynda. "Nakatungtong sa libingan ang isa mong paa habang kasama mo sila."
"Hindi naman maaalis ang banta ng panganib sa oras na sumali ka na sa isang digmaan, magtiwala lang kayo sa akin, magiging matapang ako."
"Sinasabi mo lang iyan dahil hindi ka pa napapasabak sa digmaan, balang-araw kakainin mo rin ang mga sinabi mo at mapapag-isip mo rin na tama ako na pigilan ka sa pagsali sa madugo nilang laro."
"Mahal, huwag kang mag-alala, hindi siya nag-iisa, poprotektahan namin siya," pangako ni Ermin.
"Hindi siya mapapahamak," tugon ni Haurre, "handa akong ibuwis ang aking buhay alang-alang sa kanya, pinapangako ko."
"Masasabi nyo rin ba yan sa lahat kasapi nyong napaslang?" Walang nagawa ang mga pangako ni Haurre para mabuksan ang isipan ni Lynda.
Muli siyang napalingon kay Covel, "kung gusto mong malagay sa peligro bahala ka na sa buhay mo, tutal hangin lang rin ang mga salita ko."
"Inay."
Tumayo si Lynda kanyang pwesto at galit na lumabas ng tolda.
"Covel, unawain mo lang ang iyong Inay," payo ni Ermin, "nabigla lang siya, lilipas rin iyan. Palamigin muna natin ang ulo niya."
"Sana nga po," hiling ni Covel.
"Pinuno, ako na ang humihingi ng paumanhin sa mga hindi magagandang sinabi ni Lynda. Galit lang siya kaya niya nasabi ang mga bagay na iyon."
"Hindi na kailangan, kaibigan," paninigurado ni Haurre. "Wala akong kahit katiting na sama ng loob kay Lynda, nauunawaan ko siya. Isa siyang Ina at ayaw niya lang mapahamak ang kanyang anak. Bigyan natin siya ng panahon."
-Kampo ng Kamatayan-
Hanggang ngayon nanggagalaiti pa rin si Wharen sa papuring natanggap ni Jiaruz sa Mataas na Panginoon at sa pagkumpara nito sa kanya.
"Kailangang masira ko si Jiaruz kay Lodell, hindi ako makapapayag na maungusan niya ako!"
Isang ideya ang pumasok sa madilim na kaisipan ng Mataas na Komandante. Nagtungo siya sa may selda kung saan kasalukuyang nakakulong ang kanilang espesyal na bihag.
"Nais kong dalawin ang bihag," mahinahong ipinaalam ni Wharen sa dalawang bantay.
"Nagbilin po si Komandante Jiaruz na huwag na huwag kaming magpapasok ng sinuman sa selda, tanging siya lang."
Sumama ang timpla ni Wharen sa sinabi nila.
"Baka nakakalimutan nyo kung sino ang kausap nyo, ako ang Mataas na Komandante, kapag ako ang nag-utos sa inyo, susundin nyo ako kahit na taliwas sa utos ibang Komandente."
Nagkatinginan ang dalawa na napapaisip kung ano ang kanilang gagawin.
"Susundin nyo ba ko o malilintikan kayo sa akin," nanlisik ang matatalim niyang mga mata. "Sinisigurado ko sa inyo, hindi nyo magugustuhan kapag ininis nyo ko."
Sapat na ang kanyang mga banta para matakot ang dalawa, agad nilang binuksan ang pinto.
"Ako na ang bahala rito, magpahinga na kayo."
Yumuko ang dalawang guwardiya at umalis sa kanilang pwesto.
Sa loob ng selda, kasalukuyang nagsusulat si Donello sa isang maliit na piraso ng papel gamit ang pluma, nangangatog na ang kanyang kamay sa tindi ng bugbog na kanyang inabot kaya naman gulo-gulo na ang sulat niya. Wala na rin siyang gaanong lakas kaya sinulat na lamang niya kung ano ang makakaya nya. Apat na pangungusap lamang ang nagawa niya kung ikukumpara sa daan-daang pahinang nagagawa niya noong malaya pa siya. Ang sulat na ito ay para sa kapatid niyang si Gavielle.
Itinago niya sa kanyang bulsa ang papel nang marinig niyang mayroong papasok sa loob. Namataan niyang papalapit na ang Komandante sa kanya.
"Kung papatayin nyo ko gawin nyo na ngayon," sambit ni Donello.
"Wala akong balak na patayin ka," sagot ni Wharen.
Napansin ni Donello na hindi Jiaruz ang nasabing Komandante. Ngayon lamang sila nagkita nito. Malumanay na tinanggal ni Wharen ang kandado ng mga kadena sa kanyang kamay at paa na ipinagtaka ng bihag.
"Anong ginagawa mo?"
"Ano sa tingin mo?" Binuksan ni Wharen ang selda, "pinapalaya na kita."
"Isa itong patibong," hindi naniniwala sa kanya ang bihag.
"Hindi ito patibong," suminag sa mahabang mukha ni Wharen ang liwanag mula sa selda, "bibigay ko ang kalayaan mo kung matutulungan mo ko. Pinaimbestigahan kita at nadiskobre kong matalik na kaibigan ng yumao mong Ama si Haurre na siyang pinuno ng kapatiran. Malamang ay may koneksyon ka rin sa kanila. Ganito ang magiging kasunduan natin, sabihin mo sa akin kung saan nagtatago ang Kapatiran at pakakawalan na kita. Lilinisin ko ang pangalan mo, basta makipagtulungan ka sa akin. Ganoon lang kasimple."
Natawa si Donello sa alok ni Wharen, "wala kang maloloko rito, Wharen."
Bahagyang nagulat ang Mataas na Komandante nang marinig niyang banggitin ng bihag ang pangalan niya.
"Ngayon lang kita nakita pero kilala kita, alam ko ang lahat ng kawalanghiyaang ginawa mo sa mga Itmai at Puttlan. Wala kang pinagkaiba kay Jiaruz, pare-pareho kayong mga hayop! Kayo ang mga halang na bitukang binabanggit ko sa mga sulat ko! Lahat yun patama sa inyo!"
Nagsimula nang sumara ang kamao ni Wharen sa pang-insulto ni Donello sa kanya, ngunit nananatili siyang kalmado.
"Hindi ko alam kung saan nagtatago ang kapatiran at kahit alam ko pa, hinding-hindi ko sasabihin sa inyo! Sila na lang ang pag-asa ng Kanluran, mas gugustuhin ko pang patayin nyo na ko ngayon kaysa ipagkanulo sila!"
Napangisi si Wharen, "sige, kung ayaw mo, hindi kita pipilitin."
Napalingon ang Mataas na Komandante at namataan niya ang pluma at tinta malapit sa bihag. Maging ang piraso ng papel sa kanyang bulsa na bahagyang nakaangat.
"Nakakahinayang lang at isa kang magaling na manunulat, may talento ang iyong mga kamay, sayang nga lang at kailangang humantong ka sa ganito. Kung mayroong talento ang kamay ko ng katulad sa iyo, baka hindi na ko tumigil sa pagsusulat. Nakikita kong ang kamay mo nabibigay lakas sa'yo, para makuha ang atensyon ng Buong Kanluran nang ganoong kadali."
Kinuha ni Wharen ang kadena, "akin na ang kamay mo, kung gusto mo pang magpabihag."
Dahan-dahang inilapit ni Donello ang kanyang kamay na magkadikit ang dalawang pulso, nakahanda na siyang magpagapos ulit at tanggapin ang kanyang kapalaran.
Ilalagay na sana ni Wharen ang mga kadena nang bigla niyang hinablot ang kanyang espada mula sa tagliran at inugoy ito nang walang pag-aalinlangan sa mga kamay ni Donello.
Umalingawngaw sa buong selda ang hiyaw ng bihag, kasabay ng pagkalas ng kanyang mga kamay. Nagkalat ang dugo sa paligid at napatangis si Donello nang makita ang kanyang dalawang kamay na naputol ng espada.
"Kung hindi lang rin kita mapapakinabangan, mas mabuti pang pahirapan na lang kita!"
Bumingisngis si Wharen habang kinukuha ang duguang kamay ng bihag sa sahig. Padabog niyang ihinagis kay Donello ang dalawa nitong kamay na umaagos pa ang dugo.
"Tignan natin kung ano pa ang maipagmamayabang mo ngayong wala ka ng silbi. Wala na ang magagaling mong mga kamay! Tama ang lahat ng nasa sulat mo. Halang nga ang bituka ko. Nagkamali ka lang sa isa. Si Jiaruz lang ang hayop dahil halimaw ako kumpara sa kanya!"
Hinawakan ulit ni Wharen ang naputol na kamay ni Donello at hinampas ito sa mukha ng bihag. Walanang nagawa ang bihag kundi mapaiyak sa sinapit niya.
"Huwag ka ng umiyak," pang-asar niyang sinabi habang tumatawa "kailangan mo ba ng kamay? Nakakatawa lang, lahat ng tao nanginginig makita lang nila ang anino ko, ngunit ikaw, iba ka sa lahat. Ang lakas ng loob mong insultuhin ako, hindi mo siguro alam kung ano ang kaya kong gawin, ngayon alam mo na."
Ikinadena niya ang paa ni Donello at nilisan ang selda, naiwan ang bihag na umiiyak at namimilipit sa sakit.
-Kanlungan ng Kanluran-
Nananatili pa sa silid ni Haurre sina Covel at Ermin, namomroblema pa rin sila kung paano nila maaayos ang problema ng Prinsipe sa kanyang ina-inahan.
"Mataas na Pinuno," binasag ni Jualem ang katahimikan nang siya ay pumasok sa tolda.
"Jualem, anong nangyari?" tanong ni Pinunong Haurre.
"May masama pong balita, napag-alaman ko po sa mga tao natin sa labas. Tungkol po ito sa panganay na anak ng kaibigan nyong si Darwyn."
"Si Donello?" Usia ni Haurre. "Bakit anong nangyari sa kanya?"
Hindi maganda ang aura ni Jualem, senyales na mayroon na namang panibagong pagsubok na haharapin ang Kapatiran.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro