Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 5: Aric

-Gubat ng Kasaganaan-

Walang humpay ang pagtakbo ni Aric, kung saan siya dalhin ng kanyang mga paa ay wala na siyang pakialam. Ang mahalaga lang ngayon ay makalayo siya sa dambuhalang butiking humahabol sa kanya. Iisa na lamang ang botang suot-suot ng kanyang paa. Naiwan niya ang isa sa may malagkit na putikan kaya naman kailangang magtiis ng hubad niyang talampakan sa magaspang at malubak na kalupaan. Naririnig niya ang mga ungol ng halimaw sa kanyang likuran at mas binilisan pa niya ang pagtakbo sa abot ng kanyang makakaya hanggang sa unti-unti ng humina ang ingay na nanggagaling sa likuran.

Malayo na ako sa kanya.

Sa pagmamadali, hindi na niya namalayang siya ay mapapatapak na sa isang matalas na bato. Sumakto rito ang kanyang talampakan at siya ay napahiyaw sa pamimilipit. Tinignan niya ang kanyang paa at nalaman niyang nahiwa na pala ito sa matulis na bato. May kahabaan ang hiwa niya at nang hawakan niya ito, lalo itong dumugo. Patuloy ang pagdaloy at kapag hindi niya tinakpan ang sugat maaari siyang manghina dahil sa dugong nabawas. Pumunit siya ng maliit na piraso ng tela mula sa kanyang lumang tsaleko at ito ay ibinalot niya sa sugatang talampakan para mapigilan ang pagdurugo.

Nanatili muna si Aric sa kanyang kinaroonan, sa kalagayan ng isa niyang paa mas makakabuti kung magpahinga muna siya at hayaang matuyo ang sugat. Hinihiling lang niya na sana ay hindi siya matunton ng mabangis na halimaw sa parteng ito ng kagubatan. Kahit papaano naman ay malayo-layo na rin ang kanyang tinakbo at panatag na nakalayo na siya mula sa humahabol.

Matapos ang ilang oras ng pamamahinga, bahagya nang naglaho ang sakit sa kanyang talampakan at nagawa na niyang makatayo kahit na siya ay iika-ika.

Hindi ako dapat magtagal, kailangang mahanap ko na agad ang Tribong Myongan nang ipakain ko na kay Uwalhid ang mga salita niya.

Muling nakaramdam ng paghilab sa kanyang sikmura ang binatilyo. Nakalimutan niya ang gutom sa pagkaligalig sa halimaw.

Bago ko sila hanapin kailangan ko munang humanap ng makakain.

Nagmasid si Aric sa kanyang paligid. Purong kulay berde ang kagubatan at buhay na buhay ang mga puno, halaman at mga bulaklak. Ang lahat ng naririto ay tunay na masagana. Kahit ang halimaw ay masagana rin sa laki at bangis. Minsan na silang nakapunta ni Eron sa kakahayon ng Silangan ngunit ang Gubat ng Kasaganaan ay higit na mas malawak kung ikukumpara rito. Maaari siyang maligaw kung hindi siya maingat at matandain sa lugar. May mga bagay rin siyang natutunan sa kanilang paggagala sa nasabing kakahoyan. Unang-una kailangang maglagay siya ng palatandaan sa lugar nang sa ganoon ay makabalik siya kung saan siya nanggaling. Kumuha siya ng mga maliliit na piraso ng bato at ito ay inayos niya sa hilerang gusto niya habang iniipon sa kanyang memorya ang mga imaheng nakikita sa kagubatan. Ang ibang bato ay inayos niya sa isang linya, ang iba naman ay pabilog at ang iba ay korteng tatsulok.

Ipinagpatuloy niya ang pagbagtas sa gubat, papalayo sa kanyang pinagpapahingahan, naghahanap ng maaaring kainin. Napansin niyang may kataasan ang mga puno sa bahaging ito kung ikukumpara sa kanyang pinanggalingan, ngunit mas malaki at mas makapal naman ang tangkay doon. Unti-unti na niyang napupuna ang pagkakaiba ng paligid. Hindi siya pwedeng bumalik paatras at baka naroroon pa ang halimaw. Ang pinakamagandang direksyong kanyang tatahakin ay ang pasulong.

Ilang saglit lang, namataan niya ang isang puno ng mangga. Hindi ito kataasan tulad ng ibang puno at kayang-kaya niyang abutin ang bunga. Namimintog ang mga mangga at sariwang-sariwa na sa pagkadilaw. Pumitas siya ng ilang piraso. Sunod siyang nakakita ng puno ng saging na bahagyang may kataasan. Kahit na sugatan pa ang paa, inakyat niya ang puno hanggang sa makuha niya ang ilang piling ng saging. Maberde-berde pa ito at ilang araw pa bago mahinog. Maraming naipon na prutas si Aric sa kanyang paglilibot. Nakakuha siya ng rambutan, lansones, mansanas at higit sa lahat isang malaking papaya.

Una niyang pinapaspasan ang mga mangga sa gutom. Sobrang tamis ng mga mangga, aakalain niyang binudburan ito ng asukal. Habang kumakain, nilasap ni Aric ang sariwang hangin ng gubat, kumapit sa kanyang balat ang haplos ng hangin at nilanghap ang aroma ng mga bulaklak sa di kalayuan. Napalingon siya sa isang kunehong tumalon pabalik sa kanyang munting lungga at napatingin siya sa bughaw na himpapawid at pinanood ang sabay-sabay na paglipad ng mga ibon sa kalangitan.

Masarap sigurong tumira sa lugar na ito, huwag ka nga lang makain ng mga mababagsik na hayop.

Matapos kumain, pumutol ang binatilyo ng isang malaking piraso ng dahon mula sa isang puno. Pinagsama-sama niyang ibinalot rito ang mga naipong prutas at ginawa niyang parang isang sako.

Pagsapit ng hapon, natagpuan ni Aric ang isang batis sa puso ng kagubatan. May kalakasan ang pagdaloy ng tubig rito. Kung gaano kasariwa ang mga puno at halaman, ganoon rin ang tubig. Sa sobrang linaw ng batis, nakita na niya ang kanyang sariling repleksyon. Kumuha siya ng tubig sa kanyang palad at hinilamusan niya ang kanyang pisngi. Sinamantala na rin niya ang pagkakataon na maibsan ang kanyang pagkauhaw at lumagok siya ng tubig sa kanyang palad. Malamig ang tubig, tamang-tama para mapawi ang kanyang pagod. Nag-iwan siya ng mga palatandaan at marka nang sa ganoon ay mahanap niya ulit ito sa oras na siya ay mauhaw.

Sinimulan na niya ang pangunahing misyon: ang hanapin ang Tribong Myongan. Nasa Kasaganaan na siya ngayon at natitiyak niyang hindi na nalalayo sa kanyang landas ang hinahanap na tribo. Buong akala niya magiging madali ang paghahanap niya sa kanila, ngunit siya ay nagkamali. Nilibot na niya ang kagubatan sa magkakabilang-direksyon pero wala siyang makita ni isang bakas ng tribo. Napaisip siya na paano kung malapit pala ang tribo kung saan niya naka-engkwentro ang halimaw, hindi siya magtatangkang bumalik doon, lalo na at mapanganib. Kailangan mahanap niya ang mga Myongan, hindi ang kanyang kamatayan.

Sa hindi niya inaasahan, mayroon siyang natagpuan, hindi ang Tribo kundi isang malaking kweba na napapalibutan ng mga dambuhalang bato. Mayroon itong malawak na pasukan. Palubog na ang araw at hindi magtatagal lalamunin na ng dilim ang buong kagubatan.

Hindi ko makikita ang mga Myongan ngayong araw na ito.

Nagdesisyon ang binatilyo na pumasok sa loob at ipagpabukas na ang kanyang paghahanap. Noong una ay hindi sigurado si Aric kung ligtas siya rito pero nang makapasok siya sa looban, naglaho na ang kanyang pag-aalala. Matahimik at mapayapa naman sa loob ng kweba at wala namang mga paniki na nakasabit sa matutulis na bato sa itaas nito. Makasisiguro siyang dito hindi siya basta-basta mahahanap ng anumang hayop.

Kumuha siya ng mga sanga, lulog at iba pang kagamitang pangsiga. Kiniskis niya ang mahabang patpat sa isa't-isa gamit ang kanyang dalawang kamay at matagumpay siyang nakagawa ng apoy. Isa rin ito sa natutunan niya sa pamamasyal sa kakahoyan, kailangan may apoy ka para hindi ka tablan ng hamog at lamig, lalo na sa gabi. Madali lang sa kanya ang gumawa ng apoy at sa totoo lang itinuturing na niyang kaibigan ang apoy, sa tagal ba naman niyang nagtatrabaho sa init ng taberna, nagustuhan na niyang makaramdam ng init at para bang nabubuhayan siya.

Humiga siya malapit sa apoyan at dinama ang init na nanggagaling mula rito. Nakapikit na si Aric nang bigla na lamang kumirot ang hiwa niya sa kanyang talampakan. Tinanggal niya ang benda at nakita niyang nagdudugo ulit ang kanyang sugat,  malamang sa sobrang paglalakad niya.

Sinumpa na ang paa ko. Ang paa kong tumakbo papalayo sa aking ama at pati na rin sa babaeng tunay na nagmamahal sa akin. Nararapat lang sa akin ito.

Natulog na lamang siya kaysa indahin ang sakit.

-Disyerto ng Syl-

Masayang nagpapakasasa si Uwalhid at ang iba pang sundalo sa pag-inom ng mga alak, habang si Eron naman ay patuloy ang paninilbihan sa kanila. Maligayang-maligaya ang lahat na para bang mayroong nagaganap na pagdiriwang.

"Alam nyo mabuti rin tong naisip ng Hari na ipadala tayo sa ekspedisyong ito," tugon ni Uwalhid na halata na ang kalasingan sa kanyang boses.

"Paano nyo naman nasabi Kapitan?" tanong ng isang Kawal.

"Hindi nyo ba nakikita? Nandito lang tayo sa dulo ng mundo, walang ginagawa at nag-iinuman, parang pinagbakasyon lang tayo ni Rucaz! Mabuhay ang Hari!"

"Mabuhay!" sabay-sabay nilang kinutya ang Hari sa kanilang kalasingan at nagpatuloy ang kanilang pagtatawanan.

Napapailing si Eron sa pagkainis. Habang sila ay nagpapakasarap, siya naman ay ginagawa nilang alipin. Wala naman siyang magawa kung hindi sumunod dahil wala siyang laban kay Uwalhid at sa kanyang mga kawal.

"Mabuhay rin si Aric!" saad ng isang kawal.

"Anong mabuhay?" tila hindi nagustuhan ni Uwalhid ang sinabi nito. "Mali, dapat mamatay si Aric!"

"Mamatay!"

"Baka kayo mamatay sa inggit kapag naging kawal na siya," bulong ni Eron sa sarili.

"May sinasabi ka bata?" tanong ng Kapitan sa utusan.

"Wala po," pagtanggi ng binatilyo, "sabi ko lang baka gusto nyo pa ng alak?"

"Oo, ikuha mo ko," utos ng isang kawal.

"Sandali lang naman, pagod na tong bata natin," pananaway ni Uwalhid, "pagpahingahin nyo muna. Maupo ka muna rito."

Napilitang umupo si Eron malapit sa Kapitan, kinuha ng Kapitan ang isang tasa, pinunan ito ng alak at inabot sa kanya.

"Uminom ka."

Agad na sinunod ni Eron ang Kapitan at lumagok siya ng alak.

"Hindi pa nakakabalik ang magaling mong kaibigan," naging seryoso ang tono ni Uwalhid.

"Nasaan na po kayo si Aric ngayon?"

"Aba malay ko, malamang tinangay na ng buhangin at kinakain na ng uod ngayon."

"Hindi," sinalungat siya ni Eron, "malakas ang kaibigan ko, magtatagapumpay siya sa paghahanap."

Humalakhak si Uwalhid sa sagot ng binata at sinundan siya ng kanyang mga kasamang sundalo.

"Talagang mataas ang tingin mo dyan kay Aric. Paano ka nakasisigurado na hindi niya tayo tinakasan? Paano kung sabihin ko sa'yo na nagtatago na siya sa ibang lupain at pinabayaan ka na niya sa amin para patayin?"

"Hindi niya gagawin yun," may kumpiyansang sambit ng binata, "may pamilya siya at alam niyang hawak sila ngayon ni Haring Rucaz at sa oras na magtraydor siya, buhay ni Mang Rito at Aling Sania ang magiging kabayaran."

"Kung sa bagay," napaisip si Uwalhid sa sinabi nito, "ngayon ko lang nalaman na may laman rin pala yang utak mo, bata. Mahal ng Panday ang lahat ng mahalaga sa kanya, teka nga pala, bago tayo umalis mayroong isang babaeng humabol sa kanya, kakaiba ang anyo niya sa lahat ng babaeng nakita ko. Parang isang Cenpyero. Kilala mo ba siya?"

"Oo nga pagkagandang babae nun," sumabat ang isang Kawal.

"Masarap kantutin," biro ng isa.

"Huwag nyo nga lang ipakita kay Prinsipe Rigo."

Napaisip si Eron sa pangakong binitawan niya sa kaibigan tungkol sa tunay na pagkatao ni Saraphine.

"Hindi ko po siya gaanong kilala. Isa lang siyang babaeng nagtatrabaho sa taberna."

"Talaga?" hindi kumbinsido si Uwalhid. "Nakapagtataka lang kasi mukhang malalim ang pinag-usapan nila ni Aric. Mapapagkamalan nga silang magkasintahan. May ugnayan ba sila?"

"Wala," muli niyang iginiit, "Pagkakaalam ko lang po may utang lang si Aric sa kanya. Alam nyo naman ang kaibigan kong yun, mahilig sa babae pero minsan di nakakabayad. Naiinggit nga ako sa kanya minsan. Gusto ko rin mangutang ng isang gabi sa mga babae doon."

"Sigurado ka ba sa sinasabi mo?" May suspetsang tanong ni Uwalhid.

"Sigurado pa sa sigurado," pilit na kinukubli ni Eron ang nerbyos sa kanyang mga ngiti.

"Dapat lang. Huwag kang magsisinungaling sa amin bata, kundi matatagpuan ni Aric ang pira-piraso mong katawan na nakabaon sa iba't-ibang bahagi ng disyerto."

Natigilan si Eron sa pananakot ni Uwalhid sa kanya.

"Sige na at ikuha mo pa kami ng alak. Mukhang wala rin naman ako mapapala sa'yo."

Tumayo si Eron na nakahinga ng maluwag, sa wakas at natapos ang pagtatanong sa kanya ni Uwalhid.

"Eron."

Muling kinabahan ang binatilyo sa pagtawag niya.

"Ano po iyon, Kapitan?"

"Bukod sa pagpapanday, marunong ka bang magluto?"

"Opo."

"Magaling, bukas na bukas dapat nakahanda na ang mga kakainin namin bago pa kami gumising, at pakainin mo na rin ang mga kamelyo."

"Masusunod po, Kapitan," mabilis na lumabas si Eron ng kanilang kampo.

-Gubat ng Kasaganaan-

Kinaumagahan, nagising si Aric nang may marinig na kakaibang tunog sa kweba na tila mga matitinis na irit. Pagbangon niya bumungad sa kanya ang isang grupo ng mga maiitim na unggoy na may mahabang buntot. Nagkukumpulan ang mga ito sa kanyang mga pagkain, ang iba ay hawak-hawak ang mga prutas at ang iba naman ay kumakain ng mga saging at mangga. Kinuha ni Aric ang kanyang espada at agad na lumapit sa mga unggoy.

"Umalis kayo dito!" binugaw niya ang mga ito.

Nataranta ang mga unggoy sa kanya at sila ay tumakbo papalabas ng kweba, bitbit-bitbit ang mga piling ng saging, papaya at iba pang prutas na hinakot niya kahapon.

"Hoy akin yan!" hinabol sila ni Aric sa labas, ngunit hindi pa gaano magaling ang kanyang paa at napag-iwanan siya ng mga pilyong unggoy.

Nag-akyatan ang mga ito sa puno, nagpatuloy ang matitinis nilang ingay na tila inaasar pa nila ang binatilyo sa ibaba.

"Mga magnanakaw na unggoy! Ibalik nyo sakin yan!"

Binato ng isang unggoy si Aric ng isang piraso ng rambutan at ito ay tumama sa ulo niya, lumabas ang gilagid ng unggoy na para bang ito ay natutuwa pa sa pagkutya sa kanya.

"Huwag lang talaga kayong bababa rito, puputulan ko kayong lahat ng buntot!"

Sumitsit ang pinakamalaking unggoy at muling binato si Aric, sa pagkakataong ito, balat naman ng lansones. Napuno si Aric, kinuha niya ang kanyang pana at itinapat ito sa may puno. Walang paligoy-ligoy niya itong tinira malapit sa mga unggoy. Natakot ang mga pilyong hayop nang tumama sa tangkay ang pana at sila ay nagtalunan papalayo sa mga katabing puno.

Napailing ang binatilyo sa kanyang kamalasan, ngayon kinakailangan na naman niyang maghakot ng mga prutas na makakaain.

***

Naglibot na lang ulit ang binatilyo sa namarkahan niyang parte ng kagubatan para maghanap ng makakakain. Hindi kalayuan, isang kakaibang imahe ang namataan ng binatilyo, nasilayan niya ang isang maliit na usa na kulay puti. Ngayon lamang siya nakakita ng ganitong uri ng usa, gayunpaman hindi na ito mahalaga sa kanya. Ang tingin niya lang dito ay isang pagkain. Mahilig siya sa mga prutas ngunit mas natatakam pa rin siya sa inihaw na karne.

Itinapat niya rito ang kanyang pana, lumayo ang batang usa at naglakad papalapit sa mas malaki pang usa. Tulad nito, purong kulay puti rin ito at walang sungay.

Mag-ina sila...

Nakahanda nang pakawalan ni Aric ang kanyang tira ngunit sa hindi niya malamang dahilan ay hindi niya magawa lalo na nang makita niyang tahimik na kumakain sa may damuhan ang mag-ina.

Kailangan ko na lang maghanap ng ibang kakainin.

Ibinaba ni Aric ang pana at nagpasyang umalis. Sa isang iglap, bigla na lamang siyang makarinig ng dumadagundong na ungol at noong siya ay lumingon, nakita niyang inaatake na ng dambuhalang butiki ang malaking usa. Nabitag na niya sa kanyang bunganga ang biktima at kasalukuyang nagpupumiglas ang usa sa kanyang matutulis na pangil, nagsimula nang kumalat ang dugo nito.

Napataripas ulit ng takbo si Aric pabalik sa kanyang munting kweba at hindi na niya ininda ang kanyang paa.

Nanatili na lamang siya maghapon sa kweba, nag-iingat sa halimaw na gumagala-gala na rin sa bahaging kanyang minarkahan. Ang tanging pagkain lamang niya ay ang isang piraso ng rambutan na binato ng unggoy sa kanya. Buti naman kahit papapano ay may tinira pa ang mga pesteng magnanakaw. Hindi na siya nakakakuha pa ng ibang pagkain sapagkat napakadelikado ngayon. Nakita niya kung paano nilamon ng halimaw ang malaking usa na para bang ito ay isang maliit na kuneho lamang.

Kinain nya ang natitirang pagkain, ngunit ito ay hindi sapat para maibsan ang gutom sa kanyang sikmura. Nagsiga na lamang siya ng apoy at nahiga sa matigas na lupa. Mabuting itulog na lang rin niya ang gutom kaysa maramdaman ito.

Pagpikit ng kanyang mga mata, hindi niya namalayang gumagapang na sa kanya ang isang kakaibang uri ng gagamba. Biglang napadilat si Aric sa pamimilipit at naramdaman niya ang kagat nito. Bumangon siya sa kanyang higaan at nahulog ang gagamba sa lupa. Mapula ang nasabing gagamba at mukhang makamandag. Sa inis, tinapakan niya ng paulit-ulit ang insekto hanggang sa ito ay madurog ng kanyang bota. Pinagmasdan niya ang kagat nito sa kanyang braso, hindi naman nagdugo pero namumula at may pamamaga. Sampung beses na mas masakit sa kagat ng langgam ang kagat ng gagamba.

Ilang minuto lang nagsimulang makaramdam ng pagkahilo si Aric. Maaaring dahil sa gutom, maaaring dahil sa sugat, o maaari ring dahil sa kagat ng gagamba. Napahiga siya na nakakaramdam ng init sa loob, malamang ay nilalagnat na siya.

Nagsimulang bumulong sa kanyang kaisipan ang sarili niyang boses at konsiyensya.

Traydor...

Suwail na anak...

Manloloko...

Hindi mo na mahahanap ang mga Myongan...

Hindi totoo ang mga panaginip at pangitain mo...

Mahina ka...

Walang kwenta...

Hindi alam ni Aric kung bakit naririnig niya ang sarili niya na sinasabi ang mga salitang ito. Dahil siguro sa lagnat. Pilit niyang nilalabanan ang patuloy na pag-usig ng kanyang isipan.

Hindi ka traydor, ginawa mo lang kung ano ang makakabuti para sa lahat...

Mahal ko si Ama...

Hindi ko ginustong iwanan si Cordelia...

Mahahanap ko rin ang mga Myongan, naririto lang sila. May rason kung bakit ko narating ang lugar na ito...

May rason rin kung bakit ko nakita ang pangitain ko sa aking panaginip...

Malakas ka...bukas na bukas ipagpapatuloy mo ang pakikipagsapalaran mo sa kagubatang ito...

Hindi ka mapipigilan ng gutom, sugat at lagnat...

Nalagpasan mo nga ang matinding bagyo ng buhangin sa Disyerto ng Syl, ngayon ka pa ba susuko?

Bukas babangon ka ng may lakas. Aalagaan ka niya...

Dinukot niya sa kanyang bulsa ang isang laruang kawal na inukit mula sa isang kahoy. Isa itong Kawal na Cenpyero. Ito ang huling bagay na ibinigay sa kanya ng ina niyang si Alyna bago siya pumanaw dahil sa malubha at nakakahawang karamdaman. Sa tuwing hawak niya ito, para bang ramdam niya ang presensiya ng ina. Tila naririto siya, nakabantay sa kanya.

-Silangan-

Maghahatinggabi na, ngunit hindi pa rin makatulog si Sarito na nakamasid sa bintana ng kanyang silid at nakatanaw sa mga bituin.

"Sarito, hindi ka pa ba matutulog?" tanong ng kanyang Tiya Sania.

"Hindi pa ako matulog."

"Iniisip mo na naman si Aric? Huwag kang mag-alala, matatag ang anak mo. Makakabalik siya sa atin, magtiwala ka lang."

Nagpakawala ng bugtong hininga ang dating kawal.

"Naiisip ko lang, ano kayang ginagawa niya ngayon? Nasaan na kaya siya? Maayos lang kaya siya? Kung nandito si Alyna sigurado ako magagalit yun sakin dahil hindi ako naging mabuting Ama sa anak namin."

"Kung nandito si Alyna matutuwa siya at napalaki mo ng maayos si Aric sa kabila ng sitwasyon mo," paninigurado ni Sania.

"Naaalala ko lang, sa pagpalit ng buwan, maglalabing-siyam na taon na mula ng pumanaw si Alyna. Napakaaga niyang kinuha sa amin."

"Mapayapa na siya ngayon, Sarito."

Napangiti si Sarito sa sinabi ng Tiyahin.

"Pinapanalangin ko lang na kung saan man siya naroroon, sana ay bantayan at gabayan niya lagi si Aric."

Pagkaalis ni Sarito, biglang kuminang ang malaking bituin sa kalangitan.

-Gubat ng Kasaganaan-

Kinabukasan, sumilaw kay Aric ang liwanag na nagmumula sa labas ng kanyang kweba. Bumangon siya sa matigas na lupa at inunat ang kanyang mga braso, tinignan niya ang kagat ng gagamba at napansin niyang medyo umimpis na ang pantal na iniwan nito. Hinipo niya ang kanyang noo at napagtantong nasa normal na ang init ng kanyang katawan. Pagbangon niya, hindi na rin gaano kasakit ang sugat sa kanyang talampakan.

Napahawak siya nangg mahigpit sa munting laruan at napangiti. "Salamat, Ina."

Lumabas siya sa kweba nang may panibagong tapang at lakas ng loob habang sumisinag sa kanya ang liwanag ng Haring Araw. Mula ngayon hindi na siya magtatago sa halimaw at papatayin niya ito kung ito ang sasagabal sa kanyang misyon. Hindi na siya magdadalawang-isip na mangaso ng mga makakaing hayop lalo na at kailangan niya ng pagkain para mabuhay, at kailangan niya ring mabuhay para mahanap ang Myongan. Nararamdaman niyang ito na ang araw na matatagpuan niya ang matagal ng hinahanap.

Kalalakad pa lamang ni Aric at namataan na niya agad ang pagkain. Ito ang anak ng puting usa na kinain ng halimaw. Kumakain ito mula sa damuhan. Hindi niya alam na nakaligtas pala ito. Nagtago siya sa likod ng halamanan at kinuha ang kanyang pana. Bumangon siya mula sa ibaba at itinutok ang pana sa puting usa. Walang pag-aalinlangan at pagdadalawang-isip sa binabalak niyang gawin.

Pasensya na munting usa, pero kailangan ko itong gawin. Wala na rin naman ang nanay mo. Hindi ka na rin magtatagal ng nag-iisa rito sa gubat. Mas mabuti ng ako ang makinabang sa'yo kaysa ang hunyangong halimaw.

Nakahanda na siyang pakawalan ang kanyang tira. Mula sa kawalan, isang pwersa ang bigla na lamang lumundag sa kanya at pinigilan ang gagawin niyang pagpaslang sa munting usa.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro