Kabanata 4: Miya
-Kasaganaan-
Taas-noo si Datu Leyro at ang kanyang mga tauhan habang sila ay patungo sa pansamantalang tinutuluyan ng mga Myongan sa bungad ng kagubatan. Matawa-tawa ang Datu nang makita ang tolda at kampong ginawa ng mga Tribo gamit ang mga kawayan. Nagpatuloy sa paglalakad ang aroganteng Tribong Leon na animo'y isa nga silang leon na nasa lungga ng mga daga.
"Nakakatakot na talaga ang panahon ngayon," saad ni Myoris kay Miya habang sila ay nagbubuo ng mga tolda. "Nagkalindol na tapos may halimaw pa, ano pa ba ang susunod, gugunawin na ba ang mundo?"
"Myoris, huwag kang magsalita ng ganyan," sinaway ni Miya ang kaibigan, "magiging maayos rin ang lahat, manalig ka lang. May paraan ang Inang Kalikasan."
"Paano kasi talagang-"
"Miya," pagtawag ni Datu Leyro at hindi na natapos ni Myoris ang sasabihin niya.
"Datu Leyro, nakabalik ka na pala," payak na pagbati ni Miya.
"Sa totoo lang ang Datu ang nagpatawag sa amin, mukhang kailangan nyo ang tulong namin."
"Nakamamatay ang maling akala, Datu," babala sa kanya ni Miya, "abangan mo na lang ang sasabihin ni Lolo."
"Kamusta ka naman?" hindi pinansin ni Leyro ang mapait na pakikitungo ni Miya. "Nananabik ka ba sa akin?"
Napangiti nang may asim at pag-uuyam ang ekspresyon ang dalagita, "Nananabik ako sa aming tahanan sa dalampasigan, nananabik rin akong maglibot sa kagubatan. Oo nananabik ako, pero hindi sa'yo."
Napangiti ang Datu sa pagmamatigas ng dalagitang nais niyang mapangasawa.
"Huwag kang mag-alala, darating ka rin dun," sambit ni Leyro, "puntahan ko na lang ang Lolo mo."
"Umasa ka pa," naaasar na bulong ni Miya sa kanyang sarili pagkaalis ng Datu.
"Anong sabi mo kanina? pag-usisa ni Myoris. "Nananabik kang mamasyal sa gubat? Naku po. Di ba sabi ng Datu delikadong pumunta roon kaya nga bawal ang mga bata at kababaihan."
"Mukhang mas delikado rito," may pagkairitang saad ni Miya, "may isa pang halimaw na aali-aligid sa akin, nakahandang sumunggab."
***
Pumasok si Datu Leyro sa tolda ni Datu Mortho kung saan nakaabang na sa kanya ang Pinuno ng mga Myongan.
"Datu Leyro, maligayang pagbabalik," pagbati ni Mortho, "salamat at tinanggap mo ang aking paanyaya."
Umupo si Leyro sa silyang kayawan malapit sa Datu.
"Nakarating sa aming tribo ang tungkol sa halimaw na tinatawag nilang Buktok at kung paano namemeligro ngayon ang mga Myongan."
"Totoo iyon, Datu Leyro," pagkumpirma ni Mortho. "Habang humihinga ang halimaw na ito, lahat kami ay nasa bingit ng kamatayan, kaya nga ipinatawag ko kayo ngayon dahil kailangan namin ng tulong nyo."
"Paano kami makakatulong sa inyo?"
"May balak kaming paslangin ang Buktot, ngunit hindi ito magiging madali. Sa paglipas ng mga taon, mas lumaki na ang halimaw at kakailanganin namin ng maraming tao para maisagawa ang paghuli at pagpatay sa kanya. Isang pwersang kayang tapatan ang lakas ng halimaw. Kailangan namin ng tulong mula sa iyong tribo. Mas marami tayo, mas mainam."
"Yun lang ba? Walang problema. Kung hindi nyo naitatanong sanay na sanay ang mga katribo ko sa pangangaso ng mga mababangis na hayop. Lahat kaya namin paslangin: lobo, oso, leopardo, pangalanan nyo lang. Kayang-kaya namin."
"Huwag kang masyadong pakampante, Datu," paalala ni Mortho. "Minsan ko ng nakalaban ang Buktot. Halimaw siya kumpara sa mga hayop na iyong nabanggit."
"Lahat naman ng halimaw ay kayang patayin," kumpiyansang sagot ni Leyro, "tutulungan namin kayo."
"Maraming salamat," ikinagalak ni Datu Mortho ang sagot ng Datu.
"Isa pa pala Mahal na Datu, may nais sana akong ialok sa inyo," pagpapatuloy ni Leyro. "Batid kong mapanganib para sa inyong lahat ang manatili sa parteng ito ng kagubatan, bakit di na lang kayo tumuloy sa amin at tumira kasama ang Tribong Leon?"
Bahagyang ikinabigla ni Mortho ang alok ng nakababatang Datu.
"Leyro, maraming salamat sa malasakit mo, pero kaya namin ang aming mga sarili. Kami ay mga Myongan, walang pagsubok na hindi namin kayang lagpasan basta nagkakaisa kami bilang isang tribo. Balak na nga namin bumalik sa dalampasigan kahit na sira pa ang ibang kabahayan, isa pa, ayaw na namin kayong magambala pa. Kailangan lang namin ng tulong nyo sa paglipol sa halimaw, yun lang ang hinihiling ko wala ng iba. Kapag napatay na natin ito, wala ng rason para kami ay lumipat."
"Walang kasiguraduhan kung kailan natin mapapatay ang halimaw at nabalitaan kong delikado pa rin ang manirahan sa dalampasigan dahil may banta pa rin ng lindol. Datu Mortho huwag na kayo mahiya, tutal balak nyo rin naman pag-isahin ang ating mga Tribo sa oras na ikasal kami ni Miya, tanggapin nyo na ang alok ko."
Nagpakawala ng malalim na paghinga si Mortho at pinag-iisipan ang mga sinabi ni Leyro.
"Ganito na lang, kung ayaw nyo pang makiisa sa aming tribo habang di pa kami kasal, mayroon pang malaking espasyo ng lupa malapit sa amin, doon maaari kayong manatili habang di pa maayos ang lahat. Sapat na sapat ito sa bilang ng iyong tribo. Mahal na Datu, alam kong malakas ang iyong tribo at hindi nyo ugaling manghingi ng tulong sa iba, pero isipin nyo na lang ang mga katribo mo. Anumang oras maaari silang salakayin ng halimaw. Ngayon pa ba kayo magmamataas kung kailan ang tulong na ang lumalapit sa inyo?"
"Siguro nga tama ka," napagtanto ni Mortho, "mas kailangan kong isipin ang kapakanan nila. Tinatanggap ko ang iyong alok. Pansamantala kaming mananatili sa lupain malapit sa inyo, kailangan lang namin maghakot ng mga kagamitan para sa paggawa ng aming mga kabahayan."
"Hindi na kailangan," paglalahad ni Leyro, "marami ng mga kayawan at kahoy sa amin, ang mga tao ko na ang bahala sa paggawa sa mga kampo. Wala na kayong gagawin at aalalahanin, basta lilipat na lang kayo. Ipapaalam ko na lang kung kailan. Babalitaan ko kayo sa oras na tapos na sila sa paggawa."
"Maraming salamat, Leyro, napakalaki na ng utang na loob namin sa iyo. Sobra-sobra na ang lahat."
"Ibinabalik lang namin ito sa inyo," tugon ni Leyro, "sinama nyo ang aming tribo sa Kasaganaan noong kami naman ang inuusig ng Hari. Tumatanaw lang rin kami ng pasasalmat."
"Sigurado ako makakahinga ng maluwag ang mga katribo ko," saad ni Mortho. "ngayong maayos na ang lahat, sasabihan ko na ang mga tauhan ko na maghanda sa paghuli sa halimaw."
"Datu Mortho," pagtawag ni Leyro, "sandali lang, hindi pa tapos ang ating usapan. Hindi ko nabanggit na may kapalit ang pagtulong ko sa inyo."
"Kapalit?"
"Madali lang naman," pagpapatuloy ni Leyro, "isa lang ang nais ko, na sa oras na matapos ang kaguluhang ito, ikakasal na agad kami ni Miya sa lalong madaling panahon."
Naglaho ang saya sa mukha ni Mortho sa kondisyon ng Leyro, alam niyang hindi pa gaano gusto ni Miya ang Datu para maging kabiyak.
"Tungkol dun, hindi ko sigurado kung papayag ang aking apo sa iyong kagustuhan, maging ako ay nakakapansin na hindi pa siya gaano malapit sa'yo. Sigurado ka ba sa gusto mo, Datu Leyro? Baka kasi mabigla ang bata pag kinasal kayo agad-agad. Mas mabuti siguro kung bigyan nyo muna ng tamang oras para makilala ang isa't-isa gaya ng hiling niya."
"Makikilala rin namin ang isa't-isa kapag kami ay magkabiyak na, bakit patatagalin pa?" Tanong ni Leyro na para bang hindi Datu ang kanyang kinakausap. "Tutol si Miya sa agarang pagpapakasal ngunit mahal niya ang kanyang lolo at susunod siya kapag kayo na mismo ang nag-utos sa kanya. Pakiusap, Mahal na Datu. Malaking bagay ang gagawin ko para sa inyo, sana naman ay gawin nyo ang maliit na pabor na ito para sa akin."
"Susubukan ko," napilitang sambit ni Mortho, "ako na ang bahala, sa ngayon hindi ko muna ipapaalam sa kanya. Kukuha lang ako ng tamang tyempo."
"Salamat," si Leyro naman ang sumaya sa kanyang sagot. "Alam kong maasahan ko rin kayo. Uuwi muna ako sa aming tribo para sabihin na maghanda na sila sa paggawa ng kampo. Huhulihin na natin ang Buktok pagkabalik namin."
"Buktot," pagtatama ni Mortho.
"Tama," saad ni Leyro.
"Hihintayin namin kayo," pagpapalam ni Mortho sa Datu ng Tribong Leon.
***
Pagkatapos ng kanilang pag-uusap nagtungo si Mortho sa maliit na tolda ng kanyang apo at nadatnan niya itong nagsasanay sa pag-aarnis.
"Nasaan na si Datu Leyro?" tanong ni Miya nang makita ang Lolo.
"Umuwi na muna sa kanilang tribo," tugon ni Mortho.
"Ano pong napag-usapan nyo?" nais malaman ng dalagita.
"Sinabi niyang tutulong siya at ang kanyang tribo sa pagpatay sa halimaw at nais niyang lumipat muna tayo ng tutuluyan malapit sa kanilang Tribo para sa ating kaligtasan."
"At pumayag kayo?" seryosong tanong ang apo, halatang hindi sang-ayon si Miya sa paglipat.
"Noong una ayokong tumanggap ng kahit anong tulong, ayokong magmukhang mahina pero napagtanto kong tama siya, mas mahalaga ang kapakanan ng Tribo kaysa sa pagmamataas ko. Ito ang makakabuti sa lahat."
"Sana nga Lo," humina ang tinig ni Miya, "sana mabuti rin ang hangarin niya sa ating tribo."
"Nag-aalangan ka pa rin ba sa kanya, apo?"
"Alam nyo po?" nagulat ang dalagita sa tanong ng kanyang Lolo.
"Kilala kita, Miya. Kahit hindi mo sabihin, nararamdaman ko kung ano ang nasa loob mo. Bakit nga ba nagdududa sa kanya hanggang ngayon?"
"Hindi ko pa po siya lubusang kilala, ayaw ko lang na ilagay niya tayo sa isang patibong kung saan magagawa na nila tayong pasunurin dahil sa laki ng utang na loob natin sa kanila. Mahirap magtiwala agad."
Tumatak sa kukote ni Mortho ang sinabi ng apo. Kung tatanggapin nga nila ang tulong ng Datu maaari niya itong gamitin na alas sa kanila kung sakaling magkagipitan. Ngayon lamang ito sumagi sa kanyang isip.
"Ito lang ang masasabi ko, bigyan mo ng pagkakataon si Leyro na patunayan ang kanyang sarili, makikita mong karapat-dapat siya."
"Kinikilala ko na naman siya, ngunit hindi sa paraang inaasahan niya," sagot ni Miya.
Naalala ng Datu ang kahilingan sa kanya ni Leyro na ipakasal agad sila ni Miya sa lalong madaling panahon.
"Apo, sabihin mo sa akin, pagpapatuloy ni Mortho. "Gusto mo na bang lumagay sa tahimik? Mag-asawa, magkaroon ng mga anak, bumuo ng isang pamilya?"
"Lo, labing anim na taon pa lang ako, wala pa sa isip ko ang mga bagay na iyan," direktang sinabi ni Miya.
"Ano bang gusto mong gawin?"
"Gusto ko munang tumulong sa ating mga katribo, magsanay pa sa pakikipaglaban at mamuno."
"Mukhang ako ang gusto mong gayahin," pabirong saad ni Mortho.
"Hindi naman po masama kung ganun na nga," biglang nabahiran ng kalungkutan si Miya, "kaso alam kong hindi maaari."
"Tama ka, ang mamuno at makipaglaban, para iyan sa mga lalaki. Ang tungkuling ginagampanan ng babae sa ating tribo ay magbigay ng mga supling sa mga kalalakihan at mag-alaga ng kanilang mga anak, yan ang nais ng bawat babae dito."
"Hindi ako," pagtutol ni Miya. "Ayokong makilala lang bilang asawa ng isang Datu na maninilbihan at magpapaalilala gaya ng iba pang mga babae. Nais kong maiba sa kanila, gumawa ng pagbabago. Marami pa kong gustong gawin. Alam kong darating din ang araw na iyon pero hindi pa ngayon. Kaya kung gusto talaga ako mapangasawa si Datu Leyro, paghirapan niyang makuha ang puso ko. Maghintay pa siya ng ilang taon, dahil ngayon wala pa ako nakikitang rason para pakasalan siya."
Wala ng naisagot si Datu Mortho kay Miya, nanahimik na lang siya at napaisip. Magkaiba ang nais mangyari ng kanyang apo at ng Datu. Ang ayaw ni Miya ay gusto ni Leyro. Hindi niya alam kung ano ang kanyang gagawin, ayaw niyang pilitin ang apo sa bagay na di pa siya handa ngunit kung hindi niya tutuparin ang pangako niya kay Leyro, maaaring malagay ang katribo niya sa panganib sapagkat walang tutulong sa kanila. Hindi alam ng Datu kung uunahin ba niya ang pamilya o ang tungkulin niya sa kanyang katribo.
***
Kinabukasan, maagang nagising ang Datu matapos ang magdamag na pagpapasya at ipinatawag ang labindalawang kakalakihan, kasama si Marcio at ang isa sa kanyang pinagkakatiwalaang tauhan na si Mylos. Inabot sa kanila ng datu ang kanilang mga bolo, sibat at palakol bilang sandata.
"Magsihanda kayo," mahigpit niyang utos.
"Ano pong gagawin natin?" tanong ni Mylos.
"Pupuksain na natin ang Buktot ngayon!"
Kahit na nag-aalangan ang mga tauhan niya, sumunod pa rin sila sa kanilang Datu at maaga silang nagtungo sa puso ng kagubatan.
"Amang Datu di ko po maintindihan," bungad sa kanya ni Marcio, "hindi ba pumayag si Datu Leyro na tumulong sa atin sa pagpatay sa halimaw?"
"Oo pumayag siya."
"Bakit tayo lumakad agad na wala sila? Hindi na lang natin ipagpaliban hanggang sa bumalik na sila."
"Si Miya ang masisisi mo dyan," pagbibiro ni Datu Mortho. "Ginagawa natin to alang-alang sa kanya. May kapalit ang pagtulong sa atin ni Leyro, nais niyang ipakasal ko siya agad kay Miya sa lalong madaling panahon. Kinausap ko ang anak mo kagabi, hindi ko direktang sinabi pero tinanong ko siya tungkol dito, ayaw niya pang magpakasal. Nauunawaan ko dahil bata pa siya para sa ganitong mga bagay. Napag-isipan kong tanggihan na lang ang alok ni Leyro, kaya tayo andito. Pag patay na ang Buktot hindi na natin kakailanganin ang tulong ng Datu, hindi na natin kakailanganing lumipat malapit sa kanila at magkaroon ng utang na loob na ikaiipit pa natin pag nagkataon. Alam mo namang napakahalaga sa akin ni Miya."
"Alam ko po at sang-ayon ako, ang Buktot lang naman ang problema," saad ni Marcio, "tahimik na naman ang mga alon, pag wala na ang halimaw, makakabalik na tayo sa dalampasigan."
"Kaya kailangan na talaga nating patayin ang halimaw," pagpapaalala ng Datu.
"Kung kakayanin natin," may pag-aalangan na sambit ni Mylos, "kaya ba Mahal na Datu?"
"Katumbas na siguro ng dalawampung katao ang lakas ng halimaw," panimula ni Mortho, "pero huwag nyong kalilimutan na bawat isang lalaking Myongan ay katumbas ng limang katao, tingin ko may laban tayong isang dosena sa halimaw kahit na wala ang pwersa ni Leyro. Magtiwala lang tayo."
Sinundan nila ang mga higanteng marka ng paa mula sa halimaw, kalat ang mga ito sa kagubatan at makikita ang mga mga balat at buto ng mga hayop na kanyang kinain. Nagpatuloy sila sa paglalakad sa lilim ng gubat at narating nila ang isang maputik na bahagi.
"Ano yun?" may napansin si Mylos na isang bagay na nakadikit sa malapot at malagkit na putikan.
Hinila ni Mortho ang kakaibang gamit mula sa putikan at pinagmasdan niya itong maigi. Ito ay isang bota na yari sa isang katad. Muling bumalik sa kanyang alaala ang kasuotan ng mga Cenpyero at Silanganang nakalaban nila noon.
"Hindi ito gamit ng anumang tribo," paglalahad ni Mortho. "Ito ay gamit na sinusuot ng mga Cenpyero at Taga-Silangan sa kanilang mga paa. Iisa lang ang ibig sabihin nito. May nakapasok na Taga-labas!"
Nagmatyag ang mga tauhan ni Mortho sa kanilang paligid, nag-iingat sa posibleng pagbulaga ng nasabing dayo.
"Akala pa naman natin ang Buktot lang ang problema natin," saad ni Marcio, "mayroon pa palang isa."
"Buti kung buhay pa yun, baka nakain na siya ng Buktot," palagay ni Mylos. "Kaya tong gamit na lang niya ang nalabi."
"Tama si Mylos," saad ni Mortho, "hindi ang tao ang dapat alalahanin natin, kundi ang halimaw, gayunpaman kung sakaling mayroon sa inyo ang makakita sa dayo, hulihin agad ito at dalhin sa akin!"
"Masusunod, Mahal na Datu," sabay-sabay nilang sinabi.
Ibinigay ni Mortho kay Marcio ang bota at itinago ito ng manungang sa kanyang tapis.
"Halika na at hanapin na natin ang halimaw," sambit ng Datu. "Sigurado ako naririto lang yun."
Habang sila ay naglalakad, nagsimulang gumalaw ang kapunuan at nagbagsakan ang ilang mga dahon at bunga. Nakarinig sila ng mga tunog sa mga dahon, sanga at tangkay. Nagulumihanan ang lahat sapagkat wala namang mga unggoy o anumang hayop sa puno, hindi rin naman mahangin. Para bang mayroong isang bagay na nakapatong sa mga kapunuan. Itinutok nila ang kanilang mga sandata sa mga gumagalaw na kapunuan. Bumibilis ang pagkabog ng kanilang mga dibdib, naghahanda sa panganib.
Sa kapunuan kung saan nanggangaling ang ingay, tumanaw sa kanila ang isang dambuhala at kulay pulang mata. Nagbago ang kulay sa tuktok ng puno, gumimbal sa lahat ang kulay abo at makaliskis na bagay na nakakapit sa magkabilang puno, tulad ng isang higanteng butiki. Tuluyan nang inilantad ng Buktot ang kanyang sarili. Ginaya lang ng halimaw ang kulay ng mga puno para di siya mapansin ng kanyang mga biktima, gaya ng isang hunyango. Lalo ngang lumaki ang halimaw at halos tatlumpung talampakan na ang haba nito.
"Ang Buktot!" sigaw ni Mylos.
Nagambala ang halimaw sa kanyang hiyaw at ito ay nagpakawala ng isang nakakangilong ungol na nagpadagundong sa kagubatan.
"Lusubin siya!" Sigaw ni Datu Mortho.
Dala-dala ang kanilang mga sibat at bolo, sinugod ng mga Myongan ang halimaw. Sinalubong sila ng Buktot at hinuli niya ang isang Myongan gamit ang kanyang dila. Naghihiyaw ang lalaki habang siya ay papalapit sa bunganga ng halimaw, pinira-piraso ng Buktot ang lalaki gamit ang kanyang matutulis na ngipin. Pagkatapos ay nilunok niya ang malaking piraso ng katawan. Nagkalat ang dugo sa damuhan pati ang piraso ng kanyang mga gutay na laman at buto.
Sinubukang saksakin ng mga iba pang Myongan ang katawan ng halimaw ngunit hindi tinatablan ang makakapal niyang balat na puno ng kaliskis. Ginamit ng halimaw ang kanyang matulis na buntot at inugoy niya ito sa mga kalalakihan, natusok sila sa matulis nitong kaliskis at sila ay humagis sa may puno na duguan at wala ng buhay. Pinagkakalmot niya ang iba gamit ang kanyang matutulis na kuko. Nahati sa dalawa ang katawan ng isang Myongan sa kagat ng kanyang bunganga. Hinatak niya ang isa pa at napakaskas ang lalaki sa damuhan, ihinagis siya ng halimaw sa ere at sinalo ito ng kanyang bibig, sabay nilunok ang lalaki ng buo. Walang laban ang mga tauhan ni Mortho sa talas ng ngipin, kuko at buntot ng halimaw.
Sunod na lumusob si Marcio gamit ang kanyang sibat, pasimple siyang aatake ngunit nakutuban siya nito, humampas sa kanya ang buntot ng halimaw. Siya ay napalipad papalayo at nawalan ng malay.
Sumugod si Mylos sa likuran ng halimaw, sinusubukan itong saksakin sa ulo, ngunit walang panlaban ang kanyang armas. Ihinampas ng halimaw ang kanyang ulo sa batuhan at doon tumama ang sugatang si Mylos.
"Hunyangong Halimaw!" Halos mapaos na si Datu Mortho sa kanyang pagsigaw. "Naririto ako! Tayo ang magtuos! Naaalala mo pa ba ako?"
Napalingon ang Buktot sa matandang Datu at tinuon niya ang pansin niya rito. Napatitig ang halimaw kay Mortho nang may pagkamuhi sa kanyang mababangis na mata. Kirat na ang isa niyang mata sa pinsalang tinamo niya dati sa kanya. Tila nakikilala ng halimaw ang taong minsan na niyang nakasagupa.
"Ako ang may gawa nyan sa'yo!" pagmamalaki ni Mortho.
Lalong nanggalaiti ang halimaw at sumugod siya sa Datu. Itinutok ni Mortho ang kanyang sibat sa halimaw at walang takot na tumaripas ng takbo patungo rito. Tumungtong si Mortho sa ulo ng Buktot, sinusubukang puntiryahin ang natitirang mata ng halimaw ngunit higit na mas maliksi ang halimaw sa kanya. Hinagis niya ang Datu sa damuhan. Lumapit ang bunganga ng halimaw sa kanya ngunit ito ay hinarangan niya ng kanyang sibat. Kinuha niya ang kanyang bolo at pinagtutusok niya ang halimaw pero gaya ng iba pang sumubok, wala itong panama.
"Mamatay ka ng halimaw ka!" desperadong isinigaw ni Mortho habang patuloy ang kanyang pag-atake.
Nawasak ng halimaw ang kanyang sibat, itinaas nito ang kanyang matulis na kuko at isang mabagsik na kalmot ang tumama sa katawan ng Datu. Natigilan si Mortho sa pamimilipit. Nagsimulang lumabas ang dugo sa nahiwa niyang laman at nawalan siya ng kamalayan.
"Amang Datu!" nilapitan ni Marcio ang sugatang biyenan. Pinagmasdan niya ang hiwa nito. Malala ngunit higit na mas malala ang sinapit ng mga kasama nila.
Namataan ng Buktot na buhay pa si Marcio, umungol ang halimaw at tumakbo palusob sa kanila. Mula sa kalayuan, tumalon si Mylos sa harap ng halimaw. Ikinapit niya ang kanyang mga braso at binti sa pagitan ng mga ngipin ng halimaw, pinipigilan ang pagsara ng bunganga nito.
"Itakas mo na ang Datu!" sigaw ni Mylos. "Habang may oras pa!"
Inilayo ni Marcio ang walang malay na Datu papalayo sa halimaw habang nakikipagbuno si Mylos. Nahihirapan na ang tapat na Myongan sa pagpigil sa halimaw, duguan na ang kanyang mga braso at paa sa tulis ng mga ngipin. Nang mapansin niyang wala na ang Datu, sinuko na niya ang kanyang sarili sa halimaw. Tuluyan ng sumara ang bunganga ng Buktot at nilamon na si Mylos ng kadiliman at kawalan.
***
"Tulong!" Sigaw ni Marcio sa kanyang mga Katribo habang akay-akay ang sugatang Datu. "Tulungan niyo kami! Ang Amang Datu!"
Kasalukuyang naghahakot si Miya at ang inang si Maahan ng mga prutas nang masilayan ang sugatang magbiyenan.
"Ama!" sigaw ni Maahan.
Nabitawan ng mag-ina ang mga basket ng prutas at nilapitan ang Datu sa pag-aalala.
"Lo!" nangangatog na pagtawag ni Miya. "Ano pong nangyari?"
"Sinubukan naming paslangin ang Buktot, pero kami ang naisahan niya," naluluhang ikinwento ni Marcio. "Kami lang ng Datu ang nakaalis ng buhay."
"Hindi!" Napahiyaw ang maybahay ni Mylos nang marinig ang balita. "Ang asawa ko!"
Humandusay sa may damuhan ang naghihinagpis na asawa. Naawa ang lahat sa kanya, lalong-lalo na si Marcio na nakasaksi sa kabayanihan ni Mylos.
Nagsimulang magsilapitan ang mga katribo pati na rin si Myom-Gaam-Ot. "Tara na at kailangang magamot agad ng Mahal na Datu."
***
Nilanggasan ni Myam-Gaam-Ot ng bayabas ang sugat ng Datu pagkatapos ay binalutan niya ng halamang erbal ang kanyang katawan. Wala pa ring malay si Mortho.
"Kamusta na siya?" tanong ni Maahan sa matandang manggagamot.
"Maayos na ang Datu," paninigurado niya, "buti na lang at di kalaliman ang pinsalang tinamo niya kundi baka wala na tayong magawa."
Nakahinga ng maluwag si Miya at ang kanyang ina sa nalaman.
"Kinakailangan lang niya ng mahabang pahinga para maghilom ang kanyang mga sugat," saad ng matanda. "May masamang balita, mag-iiwan na ng marka sa kanyang katawan ang mga hiwa mula sa kuko ng Buktot."
"Ang mahalaga ay buhay siya," sagot ni Miya.
Lumabas sila sa may tolda at hinayaang magpahinga ang Datu, nadatnan ng Mag-ina na nakatulala si Marcio dahil sa tindi ng mga kaganapan.
"Ama," malumanay na pagtawag ni Miya
"Kamusta na ang Amang Datu?" tanong ni Marcio.
"Ligtas na siya, salamat sa Inang Kalikasan," saad ni Maahan.
"Buti naman, hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may nangyari sa kanya at hindi ko siya naprotektahan."
"Marcio, ano ba talagang nangyari?" mahigpit na tanong ni Maahan. "Bakit kayo nagpasyang paslangin ang halimaw nang kayo-kayo lang?"
"Di ba nangako na si Datu Leyro na tutulong sila?" mainis-inis na dagdag ni Miya.
"Anak, ginawa iyon ng Lolo mo dahil sa'yo," ibinunyag ni Marcio.
"Ano? Di ko po maintindihan,"naguguluhan si Miya sa ipinagtapat ng Ama.
"May kondisyon ang pagtulong ni Leyro sa atin, na kapag tahimik na ang lahat, ipakakasal na kayo sa lalong madaling panahon. Alam ng Lolo mo na hindi ka papayag, kaya nagpasya siyang kami na lamang ang lumakad nang sa ganoon ay hindi na matuloy ang kasunduan nila ni Leyro. Ginawa ito ng Datu dahil sa pagmamahal niya sa'yo."
Naaalala ni Miya ang huling pag-uusap nila ni Mortho at kung paano niya tinutulan ang tanong nito sa kanya tungkol sa pagpapakasal. Nagsimulang mamuo ang luha sa mga asul na mata ng dalagita.
"ibig sabihin ako pala....ako ang may kasalanan..."
"Hindi, anak," giit ni Maahan. "Wala kang kasalanan."
"Kasalanan ko kung bakit napahamak si Lolo, dahil masyado ako naging makasarali! Kasalanan ko!"
Umagos ang luha mula sa kanyang maputing mukha at napayakap siya ng kanyang mga magulang.
"Kung hindi ako tumutol, hindi sana mangyayari sa kanya to!"
"Huwag mong sisihin ang sarili mo, anak," sabi ni Marcio, "hindi mo ginusto ang nangyari, hindi mo alam ang tungkol sa kasunduan nang tanungin ka ng Lolo mo. Wala kang kasalanan."
***
Kinagabihan, binisita ni Marcio at Maahan ang kabiyak ni Mylos. Nagluluksa pa rin ang kanyang maybahay sa kanyang pagkawala.
"Nakikiramay kami sa'yo Minah," saad ni Maahan, "napakagiting ni Mylos, tapat niyang pinagsilbihan si Ama. Isa siyang malaking kawalan."
"Maraming salamat sa papuri nyo sa kanya," saad ni Minah.
"Bayani ang asawa mo," paglalahad ni Marcio, "inalay niya ang kanyang buhay para maitakas ko ang Datu. Hinding-hindi ko malilimutan yun."
"Ganun naman lagi siya, mas inuuna niya ang kapakanan ng Datu kaysa sa kanyang sarili, gusto ko man magalit at manisi, alam kong hindi niya ito gugustuhin," lumuluhang saad ni Minah,"kaya mabigat man sa kalooban ko ang kanyang pagkawala, tinatanaw ko itong isang malaking karangalan, dahil namatay siya sa ngalan ng kanyang tungkulin sa ating Datu at Tribo."
"Bibigyan namin siya ng hustisya," pangako ni Marcio, "siya at ang lahat ng nabiktima ng halimaw na ito."
***
Sa tolda ng Datu, nakabantay si Miya sa kanyang Lolo Mortho.
"Lo, patawarin nyo po ako," hanggang ngayon kinakain pa rin si Miya ng kanyang konsiyensiya. Hawak-hawak niya ang makulubot na kamay ng matandang Datu, "kung sinunod ko lang sana kayo, hindi na sana nangyari sa inyo to...pangako po babawi po ako sa inyo...magpagaling po kayo...mahal na mahal po kayo ng paborito nyong apo."
Nanatili si Miya sa piling ng kanyang Lolo at siya ay nakatulog na sa pagbabantay. Kinaumagahan, maagang bumangon ang dalagita at nag-isip-isip sa mga nangyari.
Talagang gagawin ni Leyro ang lahat para makuha ako. Ginamit pa niya ang suliranin para lang masigurong maikakasal ako sa kanya...
Ayoko pa ring magpakasal sa kanya ngunit ito ang gusto ni Lolo at ng Tribo... Paano ko magagawang pakasalan ang isang lalaking handang samantalahin kaming mga sawimpalad para lang matupad ang kanyang pansariling kagustuhan?
Hindi ko hahayaang ibaon niya kami sa utang na loob at paikutin niya kami sa kanyang palad. Malamang nakutuban rin ito ni Lolo kaya niya ito nagawa.
Kung ganoon mukhang isa na lang ang nararapat kong gawin... Ang tapusin ang sinimulan ni Lolo. Ako ang papatay sa Buktot nang sa ganoon ay maibalik na sa tahimik ang aming mga buhay, nang sa ganoon ay hindi na namin kailangang umasa sa pagbabalatkayong malasakit ni Leyro!
Kumuha si Miya nang isang pares ng mga makakapal na arnis, kumuha rin siya ng kutsilyo. Kinurba at hinasa niya ang magkabilang-dulo nito hanggang sa maging kasing tulis ito ng isang sibat. Nanahi rin siya ng mga makakapal na tela at ibinalot niya ito sa kanyang sarili bilang proteksyon laban sa mga kuko at kaliskis ng halimaw. Pasimpleng nagtungo ang dalagita sa kagubatan, dala-dala ang mga armas na ipinapanalangin niyang tatapos sa lagim ng nakakagimbal na halimaw.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro