Kabanata 4: Graison
-Palasyo-
"Ano pong ginagawa nyo rito?" usisa ni Graison sa Ama nang madatnan niya ito sa kanyang silid.
Nagulat si Fierro nang malaman niyang naroroon pala ang anak, napaisip siya ng isasagot sa kanya habang siya ay nakahawak sa Mahiwagang Pisara ng Yelo na patuloy pa rin sa pag-usok sa lamig.
"Wala, binibisita ko lang ang iyong silid," pagdadahilan niya, "napansin kong may nakausli sa ilalim ng kama mo kaya tinignan, ito pala ang Pisara na ihinandog sa'yo ni Doray."
"Opo, Ama," tugon ng Prinsipe, "ang sabi nya alam nyo pa raw ang tungkol dito."
"Oo, nakapagpaalam siya sa akin," pagkumpirya ng Emperador.
"Nakapagtataka nga po, ang sabi niya may taglay na mahika ang Pisara at..."
Natigilan si Graison sa pagsasalita. Sasabihin na sana niya ang tungkol sa ipinagtapat ng matanda tungkol sa kaugnayan ng Pisara sa kakayahan niya ngunit siya ay pinigilan ng kanyang dila.
"Noong nagpinta po ako dito noong nakaraan, nagulat na lang ako at biglan na lang gumalaw ang ipininta ko," pagpapatuloy ng Prinsipe.
"Maging ako ay nagtataka rin," sumang-ayon si Fierro na kunwari ay walang alam sa hiwaga ng Pisara, "hindi kasi ako naniniwala sa mga mahi-mahika na yan, tingin ko may lohika kung bakit gumalaw ang mga pinta, baka ilusyon mo lang. Baka parang laruan lang ang Pisarang yan na may makina at pyesa sa loob kaya umuusok."
"Baka nga," nagpigil ng tawa si Graison sa sinabi ng Ama.
Hindi siya nainiwala sa mga mahika at kapangyarihan, wala ng rason para sabihin ko ito sa kanya.
"Ayaw mo bang gamitin sa pagpipinta?" tanong ni Fierro na tila ikinabigla ng Prinsipe sapagkat batid niya na tutol ang Ama sa kanyang mga pinagkakalibangan.
"Hindi na lang po, Ama," nanamlay ang tono ni ni Graison, tinakpan niya ng tela ang umuusok na pisara at muli itong ikinubli, "ito po ang dahilan kung bakit narating ko ang ipinagbabawal na Silid, dahil ito po ang ipinakita ng Pisara mula sa aking pinta. Hindi ko na po iyon uulitin. Ayoko na po kayong suwayin ulit."
"Ganun ba?" kalmadong sagot ni Fierro sa anak.
"Itatago ko na lang po muna," saad ni Graison habang ibinabalik sa ilalim ng kama ang Pisara.
"Sige, ikaw ang bahala," tugon ni Fierro bago siya umalis, "bababa na ako."
"Sige po, Ama," pagkaalis ni Fierro, nagtataka pa rin si Graison kung bakit naroroon ang Ama at pinagmamasdan ang Pisara.
***
"Matigas ang bata," may pagdadabog na inilahad ni Fierro kay Tandang Ora sa kanilang sikretong himpilan, "ayaw na niyang bumalik sa pagpipinta mula noong napagalitan ko siya. Nadala na siguro siya sa nangyari noong nakaraan."
"Pinilit mo ba?" tanong ni Tandang Ora.
Napailing ang Emperador sa tanong ng matandang mangkukulam.
"Kaya naman pala, dapat pinilit mo siya."
"Baka tumanggi lang siya at hindi ako makapagtimpi!" dumagundong ang tinig ni Fierro sa madilim na espasyo.
"Madali lang ito, Panginoon ko, gawin mo sa bata ang ginawa mo sa kanyang Ina-inahan. Pakitunguhan mo siya ng mabuti nang sa ganoon ay makuha mo ang loob niya at maibalik ang gana niya sa kanyang mga pinagkakalibangan, kailangan mapilit natin siyang bumalik sa pagpipinta."
"Ako na ang bahala," saad ni Fierro, "may naisip na akong paraan kung paano siya mapapabalik sa pagpinta."
***
Kinagabihan, nagtipon-tipon na sa hapag-kainan ang Pamilyang Imperyal at ang mga mahahalagang Panauhin mula sa Ossig. Kapansin-pansin sa lahat ang magandang aura mula sa Mataas na Emperador.
"Mabuti at naririto na ang lahat, sabay-sabay na tayong makakapaghapunan," abot sa tenga ang kanyang ngiti.
"Kamahalan, mukhang maligaya kayo ngayong araw na ito?" sabi ni Panginoong Ocillo.
"Oo naman, Panginoong Ocillo, marami akong mga bagay na dapat ikaligaya," napahawak si Fierro sa kamay ng kanyang kabiyak at napangiti si Grasiela. "Isa na itong napakagandang hiyas sa aking harapan."
"Ikaw talaga, nasasanay ka na talagang maging bolero," pagbibiro ni Grasiela.
Napahalakhak si Ocillo sa mag-asawa habang si Graison at Osylla naman ay pasimpleng nagsusulyapan na may ngiti para sa isa't-isa.
"Kung katulad lang naman ng Emperatris ang magiging kabiyak, lahat naman siguro magiging bolero. Naiinggit talaga ako sa inyong dalawa."
Halos hindi na makahinga ang matabang Panginoon sa kakatawa sa kanyang mga banat.
"Bukod pa dyan, napagtanto kong libre lang ang sumaya," nagpatuloy ang Emperador, "bakit di pa natin araw-arawin, lalo na sa ating mga nakaupo sa pwesto, nararapat lamang na maibsan kahit papaano ang mga pasanin natin sa pagpapatakbo ng mga Lupain."
"Tama yan, Kamahalan," saad ni Ocillo, "sang-ayon ako."
"Nasaan na ba ang mga putahe, ng makakain na tayo," sumenyas ang Emperador sa isang katiwala at nagtungo ito sa kusina.
Kasalukuyang ihinihahanda na ni Edina at Zusan ang mga putahe para sa hapunan.
"Salamat sa pagtulong sa akin, Zusan," saad ni Edina.
"Walang anuman," sagot ni Zusan, "naninilbihan rin naman ako at nararapat lang na tumulong ako sa kusina, hindi naman ako ang panauhin dito kundi si Panginoong Ocillo at ang alaga kong si Osylla."
"Tiyak na magugustuhan nila itong niluto natin," saad ni Edina.
"Ang balita ko hindi mahilig ang Emperador sa mga pagkaing dagat?" tanong ni Zusan.
"Totoo, hindi ko nga alam kung bakit ito ang ipinahanda niya sa atin," pagbubunyag ni Edina, "pero isa lang ang sigurado ko, tiyak na magugustuhan ito ng Mahal na Prinsipe."
"Hinihintay na ng Kamahalan ang mga putahe," ipinaalam ng katiwala sa mga kusinera.
"Halika na at ihain na natin," pagyayaya ni Zusan kay Edina.
Pagkarating nila sa Silid-Kainan, nakaabang na ang dalawang pamilya para sa kanilang hapunan.
"Ito na pala sila," saad ni Emperador Fierro.
"Dito pa lang naaamoy ko na ang bango ng mga putahe," papuri ni Panginoong Ocillo habang lumalanghap, "ano ba ang mga niluto nila?"
"Sigurado akong magugustuhan nyo," palagay ni Fierro. "Lalo na ng aking anak."
Sa ikalawang pagkakataon ngayong araw na ito, nagtaka si Graison sa mga ikinikilos ng kanyang Ama.
Nagsimulang ihain ni Edina sa Pamilya Imperyal ang isang malaking mangkok at si Zusan naman ang naghain sa mag-amang Taga-Ossig.
"Ito ang ating hapunan, Mantikilyang Hipon," pagpapakilala ni Fierro sa kanilang hapunan. Napalingon ang lahat sa putahe sa hapag-kainan. Malalaki at malalaman ang mga Hipon na nilagyan ng malinamnam na mantikilya. Natakam si Ocillo sa putahe, maging si Graison ay halos maglaway na sa pagkatakam ngunit nagpigil ang binatilyo at nanatiling pormal sa kanilang mga panauhin.
"Mukhang napakasarap naman nyan," papuri ni Ocillo.
"Iyan talaga ang pinaluto ko dahil alam kong ito ang paboritong pagkain ng aking mahal na anak, hindi ba Graison?"
"Opo," naninibagong sumagot ang Prinsipe, "mahilig po talaga ako sa Mantikilyang Hipon."
"Matagal na tagal na mula ng huli kaming kumain nito, hindi kasi ako mahilig sa hipon pero minsan kailangan mong gumawa ng sakripisyo alang-alang sa anak mo."
"Salamat po, Ama," napangiting isinaad ni Graison.
Isang ngiti rin ang sinagot ng Emperador sa anak. Maligayang nagkalingunan si Grasiela at Osylla nang mapansin na tila nagkakaayos na ang Mag-Ama.
"Paano ba yan, tiyak na madadagdagan na talaga ako ng timbang bago kami bumalik sa Ossig," pagbibiro ni Ocillo bago tirahin ang masasarap na hipon.
***
Sumunod na araw, muling namasyal si Prinsipe Graison kasama si Osylla at nagtungo ulit ang dalawa sa bakanteng lote para panoorin ang paglubog ng araw.
"Nagtataka talaga ako sa mga kilos ni Ama kahapon," sambit ni Graison kay Osylla, "una, tinanong niya ko tungkol sa pagpipinta samantalang dati ayaw na ayaw niyang magpipinta ako, tapos noong gabi naman, nagpahanda pa siya ng paborito kong pagkain para sa akin, ngayon niya lang to ginawa sa buong buhay ko."
"Bumabawi siguro ang Emperador sa'yo," saad ni Osylla. "Ano ng nararamdaman mo ngayon?"
"Masaya," nakangiting sagot ni Graison, "hindi ko alam, bago sa akin ang lahat ng ito. Ngayon lang talaga."
"Sabi ko naman sa'yo mahal ka rin ng iyong Ama," pagpapatuloy ni Osylla, "at kahit ano pang problemang pagdaanan nyo, malalagpasan nyo rin dahil isang pamilya kayo."
"Sana ganito na lagi," pag-aasam ni Graison, "yung ganitong masaya lang, kasama mo ang pamilya mo at pati na rin ang isang kaibigang tulad mo."
"Sana nga," natawa si Osylla pagkatapos napansin ni Graison na unti-unting naglaho ang mga ngiti sa kanyang mala-porselanang mukha.
"Osylla, bakit?" tanong niya. "May problema ba?"
"Wala naman," paninigurado niya, "may sasabihin kasi ako."
"Ano yun?"
"Aalis na kami ni Ama, babalik na kami sa Ossig," pagbubunyag ng dalagita.
"Kailan?" seryosong tanong ng Prinsipe.
"Sa makalawa, marami na kasi siyang gagawin sa aming Lupain at kinakailangan na naming umuwi."
"Ganun ba?" bahagyang nalungkot ang aura ng Prinsipe sa nalaman, "sayang at marami pa sana tayong pwedeng gawin. Mamasyal-masyal, magkarera."
"Kung gusto mo pwede mo rin naman ako bisitahin sa Ossig," paanyaya ng dalagita.
"Makakaasa ka," pangako ni Graison, "alam mo malulungkot talaga ako pag nakauwi na kayo."
"Talaga?" sinusubukang hulihin ni Osylla ang Prinsipe sa kanyang mga salita, "malulungkot ka kapag umalis na ako?"
"Oo naman," sagot ni Graison, "kaibigan kaya kita."
Muling napawi ang saya sa mga labi ni Osylla, hindi ito ang inaasahan niyang sagot mula kay Graison ngunit wala naman siyang magagawa. "Oo nga...kaibigan."
"Alam mo kasi, ikaw pa lang ang bukod tanging nakipagkaibigan sakin," ipinaalam sa kanya ni Graison. "Ayaw kasi sakin ng mga kasing edad ko, hindi ko kasi hilig ang mga hilig nila, noon kasi mas hilig ko magbasa, mag-isip at magpinta. Tingin nila sakin kakaiba ako, kaya siguro hindi nila ako gusto."
"Lahat naman tayo kakaiba," malumanay na tugon ni Oyslla, "minsan kailangan lang talaga natin ng isang taong tatanggap sa atin."
"At tingin ko nahanap ko na ang sa akin," hinawakan ni Graison ang palad ng dalagita at sabay uli nilang pinagmasdan ang pagbaba ng araw.
-Lupain ng Artemias-
Kinagabihan, palihim na nagtungo sa Kastilyo ng Artemias ang isang lalaking nakabalabal na may hawak na piraso ng papel, inabot niya ito sa mga guwardiyang bantay sa may bakod.
"Sulat mula sa Sentralisadong Imperyo, pakibigay kay Kapitan Roqil."
"At kanino naman ito galing?" mahigpit na tanong ng guwardiya na walang tiwala sa lalaki.
"Pakisabing galing sa lingkod niyang may ngalang nagsisimula sa 'C', alam na niya ito," saad ng lalaki.
Natanggap ng Kapitan ng mga Kawal na si Roqil ang nasabing sulat mula sa mga guwardiya.
***
"Mahal na Duke," yumuko si Roqil kay Duke Aurello at inabot ang papel sa kanya. "Balita mula sa ating mga espiya sa Palasyo."
Mahinahong kinuha ng Duke ang papel at binuksan ito, "sana ay magandang balita."
Binasa ni Aurello ang nilalaman ng sulat at tila hindi niya nagustuhan ang nakapaloob rito. Ihinagis niya sa sahig ang liham na may pagkamuhi.
"Ano pong sabi?" tanong ni Roqil.
"Hanggang ngayon wala pa ring natutuklasan ang ating espiya," nanggagalaiting saad ni Duke Aurello. "Sabi ni Celso narating na niya ang isa sa mga tagong silid sa pinakailalim na palapag sa Palasyo ngunit bago pa niya ito mapasok, nadatnan siya ng anak ni Fierro na naroroon rin sa nasabing lugar. Bwisit!"
"Mana rin pala sa Ama ang anak," saad ni Roqil, "hindi rin basta-basta malulusutan. May mahahanap na sana ang tao natin kung hindi lang dahil sa kanya. Anong sabi ni Celso, nakahalata raw ba ang Prinsipe sa ikinikilos niya?"
"Ang sabi niya ay hindi," paglalahad ni Aurello, "kung nakalahata naman siguro ang Prinsipe malamang ipinagtapat na niya ito sa Emperador at nahuli na sana ang ating espiya."
"Mabuti naman at wala pa silang nalalaman," nakahinga ng maluwag si Roqil.
"Nagawang hadlangan ni Prinsipe Graison ang pagtuklas natin sa katotohanan," tugon ni Aurello, "kailangang maging maingat si Celso sa susunod, hindi lamang sa Ama, kundi pati na rin sa anak. Magpapadala tayo ng sulat sa kanya. Tumatakbo na ang oras, kailangan makahanap na tayo ng pruwebang ikababagsak ng Mataas ng Emperador!"
-Palasyo-
Dumating na ang araw ng paglisan ni Panginoong Ocillo at Binibining Osylla pabalik sa Lupain ng Ossig. Nakahanda na ang kanilang karwahe at hukbo para sa kanilang paglalakbay.
"Maraming salamat sa pagbisita sa aking kaarawan, Panginoong Ocillo," saad ni Fierro, "sa totoo lang sumaya ang Palasyo sa inyong presensiya, mag-iingat kayo palagi."
"Maraming salamat din po kamahalan sa mainit na pagtanggap nyo samin ng aking anak, basta kung bibisita kayo ng Ossig, palaging bukas ang aming Lupain para sa Mataas na Emperador at sa kanyang pamilya."
"Asahan mo ang aming pagpunta," pangako ni Fierro.
"At mukhang marami-rami tayong mapapag-usapan," natatawang saad ni Ocillo.
"Ipapanalangin namin ang ligtas nyong pag-uwi," saad ni Grasiela, "hanggang sa muli."
"Maraming salamat po, Kamahalan," tugon ni Ocillo. "Pagpalain kayo."
"Mag-iingat po kayo, Panginoong Ocillo," pagpapaalam ni Graison, "at maraming salamat po sa pananatili sa Palasyo."
"Walang anuman, Kamahalan" inakbayan ni Ocillo ang binatilyo, "napakabuti mong bata, Prinsipe Graison, ikaw ang anak na lalaking minimithi ko. Sana ay hindi ka magbago."
"Salamat po."
Sunod na nagpaalam ang Emperador kay Osylla, "mag-iingat ka, magandang Binibini at palaging sumunod sa iyong Ama."
"Pangako po, Kamahalan," tugon ni Osylla sa Emperador.
"Oyslla," niyapos ng Emperatris ang dalagita at bumulong sa kanyang tenga, "salamat at napasaya mo ang aking anak. Wala itong katumbas para sa akin."
"Kahit ano po handa akong gawin para mapaglingkuran kayo," bulong ni Osylla sa Emperatris.
Nang si Graison na ang magpapaalam halos mawalan siya ng mga angkop na salita para sa kaibigan. Akala niya noong una magiging madali lang ang magpaalam sa kanyang kaibigan pero ngayon napagtanto niyang ganitong kahirap pala.
Ano ba nangyayari sa'yo, Graison, bakit di ka makapagsalita...naghihintay siya.
"Mag-iingat ka palagi," ito na lang ang nasabi niya.
"Ikaw rin," maging si Osylla ay nahihiyang magpaalam sa Prinsipe ngunit hindi niya rin napigilan ang kanyang sarili at siya ay napayakap kay Graison.
"Wala akong hinahangad kundi ang sumaya ka," may pangangatog ang malungkot na tono ni Osylla na nagpipigil lamang ng kanyang emosyon.
"Masaya na ako dahil dumating ka noong mga panahong malungkot ako at masaya rin ako kung ano man ang mayroon sa atin ngayon," sagot sa kanya ni Graison.
Isang matamis na ngiti ang ipinambati ni Osylla sa Prinsipe bago siya tuluyang sumakay sa karwahe kasama ang kanyang Ama. Pinagmasdan ng Pamilya Imperyal ang Mag-Ama habang sila ay nagbabyahe na palabas ng Sentralisadong Imperyo at patungo sa kanilang sariling lupain.
***
Kinabukasan, ramdam pa rin si Palasyo ang kawalan ni Ocillo at Osylla, maayos at masaya pa rin naman ang lahat ngunit hindi maiwasang maalala ng Prinsipe ang pamamasyal nila ng kaibigan noong mga panahong naririto pa siya. Pagsapit ng hapon, kinatok ni Fierro at Grasiela si Graison na kasalukuyang nagpapahinga sa kanyang silid.
"Ama, Ina, bakit po?"
"Anak, may nais ibigay sa'yo ang iyong Ama," anunsyo ni Grasiela.
Kinuha ni Fierro ang isang malaking kahon na may laso at inabot ito ng Emperador sa anak, "para sa'yo."
"Sa akin po?" muling namangha si Graison sa kilos ng Ama sa ikatlong pagkakataon.
"Oo, para sa'yo, regalo ko yan," saad ni Fierro. "Napansin ko kasing nalungkot ka noong umalis si Osylla. Buksan mo na."
Hindi makapaniwala si Graison sa nangyayari, buong buhay niya hindi pa siya nireregaluhan ng Ama pwera na lang kung kaarawan niya o may espesyal na okasyon. Dahan-dahan niyang tinanggal ang laso at binuksan ang kahon.
Isang mamahaling brotsa ang handog sa kanya ng Ama at marami pang mga garapon ng iba't-ibang kulay na pintura, tamang-tama sa pagpipinta. Halos mapababa ang panga ni Graison sa kanyang natanggap.
"Magagamit mo yan sa pagpipinta," saad ni Fierro, "nagustuhan mo ba?"
"Opo, Ama," nagugulumihanan pa rin ang Prinsipe sa pagbabago ng ihip ng hangin, "pero hindi ko maintindihan, di ba po pinagbabawalan nyo kong magpinta?"
"Dati yun, anak," pagbawi ni Fierro, "hindi na ngayon, naisip kong wala akong karapatan para hadlangan ka sa mga nais mong gawin. May talento ka, Graison. Dapat gamitin mo ito at paglawigin. Imbes na puriin kita, palagi lang kitang pinagagalitan. Masyado akong naging mahigpit sa'yo anak. Sana ay mapatawad mo ko."
Nagsimulang tumulo ang mga luha sa mata ng Prinsipe. Maging si Grasiela ay naluluha na rin.
"Hindi ko man maipakita to sa'yo ng madalas pero mahal kita, anak," pagpapatuloy niya, "mahal na mahal kita, sana ay hindi pa huli ang lahat para maipakita at maiparamdam ko sa'yo to."
"Mahal na mahal ko rin po kayo, Ama," naluluhang napayakap si Graison sa Emperador. Hinawakan ni Fierro nang may pagmamahal ang ulo ng Prinsipe at hinaplos ang kanyang buhok. Sumama si Grasiela sa yakap, ito na ang unang beses na nagkayap sila bilang isang pamilya.
"Paano, lalabas na kami, magsimula ka ng magpinta," panghihikayat ng kanyang Ama, "mamaya babalik ako at titignan ko ang natapos mo."
"Sige po, Ama." Natatawang saad ni Graison habang pinupunasan ang luha ng kanyang kaligayahan.
***
Pagkalabas ng silid, maligayang-maligaya pa rin si Grasiela sa mga kaganapan.
"Maraming salamat," saad ni Grasiela.
"Para saan? Ginagawa ko lang ang tungkulin ko bilang Ama niya."
"Yun nga," sagot ng Emperatris, "salamat dahil napasaya mo ang ating anak. Hindi mo alam kung gaano ito kahalaga sa kanya."
"Tama ka, napasaya ko nga siya, at mula ngayon magpapaka-Ama na ko kay Graison dahil anak natin siya at kailangan niya ko para maging Ama."
Niyakap ni Grasiela si Fierro, napangisi ang Emperador at sa wakas ay nagawa na niyang makuha ang loob ng anak at nakumbinsi na niya itong bumalik sa pagpipinta.
***
Muling inilabas ni Graison ang Mahiwagang Pisara ng Yelo. Ihinanda na niya ang kanyang bagong brotsa at mga pintura, nakahanda ng magpinta muli.
Ano naman kaya ang ipipinta ko ngayon?
Sa sobrang pananabik at ligaya ng Prinsipe nablangko na ang kanyang utak at wala siyang maisip na ipinta sa mahiwagang Pisara.
Mag-isip ka...
Naalala niya ang Gubat ng Cen na minsan nilang pinagkarerahan ni Osylla noong nasa Palasyo pa siya.
Tamang-tama, may berdeng pintura para sa mga puno at halaman sa gubat.
Nagsimulang magpinta si Graison ng mga puno at damuhan gaya ng kanyang pagkakaalala sa Cen. Napapahuni pa ang Prinsipe habang siya ay nagpipinta.
Sa kanyang bolang krystal, pinapanood ni Fierro at Tandang Ora ang ipinipinta ng Prinsipe, lingid sa kanyang kaalaman.
Makalipas ang ilang oras, matatapos na si Graison sa kanyang pagpipinta. Nagpahinga muna siya at pinagmasdan ang Gubat ng Cen na isa sa mga bago niyang obra.
Maayos ang lahat hanggang sa isang iglap, bigla na lamang namilipit sa sakit ang Prinsipe at siya ay napahawak sa kanyang ulo. Narindi ang kanyang tenga at nagsimula itong makarinig ng mga kakaibang tunog. Animo'y tunog ng isang karwaheng gumuguho. Bigla na lamang pumasok sa kanyang kamalayan ang isang malabong alaala mula sa kanyang nakalipas. Batang-bata pa siya, mga tatlong taon pa lamang, nakasakay siya sa isang karwahe kasama ang ilang taong hindi niya maaninag ang mukha, nagmamadali ang kanilang sinasakyan at hinahabol ito ng kumakalat na apoy sa nasusunog na Gubat ng Cen. Sa tindi ng pinsalang dulot ng apoy, nagkulay-kahel ang buong kagubatan. Nang matupok ang karwahe, nagpatuloy sa pagtakbo ang Prinsipe sa gubat at walang humpay pa rin ang paghabol sa kanya ng apoy na umuusig sa kanya. Sa pagmamadali niya, nawalan siya ng balanse at tumama ang kanyang ulo sa mga batuhan. Ito na ang pagtatapos ng kanyang gunita. Muling nakaramdam ng kirot si Graison sa kanyang noo kung saan may peklat pa rin ang pinsalang tinamo ng kanyang ulo sa pagkakatama sa mga bato.
Nangilabot ang Prinsipe, tumayo ang lahat ng buhok sa kanyang katawan at nangatog ang kanyang mga kamay at paa sa pagkaligalig.
Ano yun? Bakit ko ito biglang naalala.
Napalingon siya sa kanyang pinta, kinuha niya ang piraso ng tela at nanginginig niyang binura ang kanyang pinta gamit ito.
Naglaho ang imahe sa Bolang Krystal ni Tandang Ora at ito ay nanatiling blangko.
"Anong nangyari?" Tanong ni Fierro. "Nasaan na ang pinta niya?"
"Binura niya ito, Aking Panginoon," paglalahad ni Tandang Ora, "mayroong bumabagabag sa isipan ng Mahal na Prinsipe, naramdaman ko ito!"
"Ano?" tanong ni Fierro. "Makikita ba natin ito sa bola?"
"Hindi," sagot ni Ora, "kailangan nya munang maipinta ito sa pisara para malaman natin kung ano ang nilalaman ng kanyang isipan, para maipakita ito ng Bolang Krystal! Kailangan mo siyang pabalikin sa pagpipinta!"
Nagmadali si Fierro pabalik sa silid ni Graison, kung saan natagpuan niya itong nakatulala at namumutla. Blangko na ang Mahiwagang Pisara ng Yelo na patuloy pa rin sa pagbuga ng usok.
"Anak, anong nangyari? Akala ko magpipinta ka? May problema ba?"
Hindi makasagot si Graison sa mga tanong ng Ama. Nangagatog pa rin ang kanyang kalamnan.
"Namumutla ka," napagtanto ni Fierro, "ayos ka lang ba? Graison!"
Bumalik sa tamang pag-iisip si Graison sa pagtawag ng Ama at nasilayan niya ang nag-aalalang mukha ni Fierro.
"Anong nangyari? Sabihin mo sa akin."
"Wala po, Ama," giit niya, "sumakit lang po bigla ang ulo ko habang nagpipinta. Itinigil ko po muna."
"Sige, sige, huwag ka na munang magpinta," suhestyon ni Fierro, "magpahinga na lang muna. Basta kung may sasabihin ka, naririto lang ako."
"Salamat po," walang emosyon ang tinig ni Graison at siya ay humiga sa kanyang kama. Ikinubli ni Fierro ang pisara sa tela at may pag-aalalang tinignan ang anak-anakan.
***
"Nag-aalala ako sa nangyari kanina," balita ni Fierro sa mangkukulam, "nakatulala siya, namumutla at nangangatog. Paano kung may naaalala na siya tungkol sa nakaraan niya? Sinasabi ko nga ba at hindi ito magandang ideya."
"Wala kang dapat ikabahala, Aking Panginoon," paninigurado ni Ora, "ipaubaya mo na sa akin ang bata. Ako na ang bahala sa kanya. Malalaman rin natin kung ano ang tumatakbo sa kanyang isipan."
***
Kinagabihan, habang natutulog na ang lahat, palihim na pumasok si Tandang Ora sa silid ni Prinsipe Graison. Nadatnan niyang natutulog na ang binatilyo sa kanyang higaan. Dahan-dahang lumapit sa kanya ang matandang mangkukulam, dala-dala ang isang itim na insenso na nagbubuga ng usok sa paligid.
Walang paligoy-ligoy niyang inilagay ang kanyang palad sa noo ni Graison, ginalaw-galaw niya ang kanyang insenso at bumulong ng kanyang mga ritwal.
"Panginoon, ipagkaloob nyo po sa akin ang nilalaman ng isipan ng mortal na ito."
Ipinikit ni Ora ang kanyang mata, pilit na iniimahe ang isipan ng Prinsipe ngunit nananatili lamang blangko ang lahat para sa kanya. Wala siyang makita kahit katiting na simbolo o imahe.
"Hindi umuubra ang ritwal," bulong niya, "kailangan ibahin ko na lang."
Muling humawak si Ora sa noo ni Graison at nagritwal. Bumubulong sa lenggwaheng tanging siya at ang sinasambang Panginoon ng Kadiliman lamang ang nakakarinig.
"Panginoon ko, kung hindi nyo maipagkakaloob sa akin ang kanyang isipan, dinggin nyo na lamang ang aking kahilingan. Kung ano mang takot, pagkaligalig at pangamba ang mayroon sa isipan ng mortal na ito, pawiin nyo po itong lahat nang sa ganoon ay magawa namin siyang mapasunod sa aming mga kagustuhan. Matahimik nawa ang kanyang kamalayan!"
Nang matapos ni Ora ang kanyang panalangin, humimbing ang tulog ni Graison at tila isang ngiti ang nagsimulang pumorma sa kanyang labi.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro