Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 4: Covel

-Kanlungan ng Kanluran-

Hindi mapakali si Covel sa mga matang nakapaligid sa kanya at hindi rin niya magawang sagutin ang estrangherong nagtatanong kung siya nga ba si Prinsipe Covel ng Imperyong Cenpyre. Nabalutan ng takot at pangamba ang binatilyo sa kanilang presensiya.

"Huwag kang matakot anak, siya si Pinunong Haurre. Siya ang dahilan kung bakit tayo nakaligtas noong gabing nilusob ni Fierro ang Palasyo," paliwanag ni Ermin nang mapagtanto niyang nagigimbal ang anak. "Malaki ang utang na loob natin sa kanya."

Itinuon ng Prinsipe ang tingin niya sa Mataas na Pinuno na ngayon lamang niya nakita sa personal.

"Mukhang nabigla pa ang Mahal na Prinsipe sa mga natuklasan niya," palagay ni Haurre. "Tara na at magkakaroon ng pormal na pagpupulong."

***

"Covel bakit ka nga ba nandito?" seryosong tanong ni Ermin. "at sinama mo pa si Itoi."

Napangiti si Itoi nang marinig niyang mabanggit ang kanyang pangalan.

"Pumanhin po Itay, nag-alala lang po talaga ako sa inyo kaya nagtungo ako rito. Ako lang sana ang pupunta pero sinundan ako ni Itoi sa bangka kaya wala na kong nagawa kundi isama siya."

"Itoi gusto rin hanap Itay," natatawang saad ng bata.

"Napakamapanganib ng lugar na ito para sa inyo," saad ng kanilang Itay, "mabuti na lang at walang nangyaring masama sa inyong dalawa."

"Paano nyo nga pala nalaman kung saan kami nagtatago?" may pagsuspetsang tanong ni Toro na hanggang ngayon ay wala pa ring tiwala kay Covel.

"Sinundan namin si Itay kanina," tugon sa kanya ni Covel.

"Habang nagkakagulo?" pag-usisa ni Ermin. "Ano pang mga nasaksihan nyo?"

"Wala naman masyado," may pag-uuyam sa tono ni Covel. "Nakita lang namin kayong nakikipaglaban sa mga tauhan ng Mataas na Panginoon at kung paano nyo iniligtas ang mga Itmai at Puttlan sa kanila."

Natahimik ang lahat sa mga ibinunyag niya, hindi akalaing mayroong makakapagmasid at makakasunod sa kanilang sikretong lungga.

"Kayo ang Kanlungan ng Kanluran?" paninigurado ni Covel. "Ang samahang tumutulong sa mga nangangailangan at tumutuligsa sa pamahalaan? Tama ba ako?"

"Kami nga," sumang-ayon si Pinunong Haurre.

"At ikaw si Prinsipe Covel ng Imperyong Cenpyre?" nais kumpirmahin ni Jualem.

"Ako nga," napilitan ng aminin ni Covel ang tunay nyang pagkatao sa Kapatiran.

"Kamahalan," may paggalang na yumuko si Jualem kay Covel.

"Kamahalan," nagsiyuko rin sina Buto at Bilbel na may pagkamangha.

"Hindi nyo na kailangang gawin yan," saad ni Covel.

"Maligayang pagdating sa Lupain ng Gremon, Mahal na Prinsipe," pagbati ni Haurre.

"Salamat, Mataas na Pinuno," sagot niya, "at maraming salamat din po sa pagtulong sa amin makatakas, buhay kami ngayon dahil sa ginawa ninyo para samin. Tama po si Itay, malaki ang utang na loob namin sa inyo."

"Matagal na panahon na iyon, Kamahalan," saad ni Haurre, "pero tatanggapin ko pa rin ang iyong pagpapasalamat."

"Anak, may mahalagang sasabihin sa'yo ang Pinuno kaya niya naisipang ipatawag ako rito," paliwanag ni Ermin. "Uuwi pa nga sana ako para ipaalam sa'yo kaso lang ay nandito ka na pala."

"Alam ko na kung tungkol saan ito," paglalahad ni Covel. "Narinig ko ang pinag-usapan nyo kanina. Gusto nyong gawin akong kasapi ng Kapatiran."

"Tama ka, Prinsipe Covel," pagkumpirma ni Haurre. "Inaanyayahan ka naming maging kasapi ng Kanlungan ng Kanluran."

"Ako po talaga? Sa dami ng tao?" pagtataka ni Covel. "Bakit?"

"Dahil kailangan namin ng tulong mo at kailangan mo rin ang tulong namin. Ikaw ang tunay na Tagapagmana ng Imperyong Cenpyre. Matutulungan mo kami, Kamahalan."

"Paano ko kayo matutulungan?" tanong ni Covel.

"Tulungan mo kaming sagipin ang Kanluran kay Lodell at tutulungan ka naming bawiin ang Cenpyre mula kay Fierro."

Napangisi si Covel na para bang hindi siya makapaniwala sa sinabi ni Haurre.

"Anong magagawa ko? Wala akong alam sa pakikidigma, at wala rin akong sariling pwersa. Ano ang laban ko sa kanilang lahat?"

"Huwag mo ng alalahanin yun, tuturuan ka naming makipaglaban," paninigurado ni Haurre. "Kami ang aagapay sa'yo sa bawat hakbang. Kaming buong Kanluran ang magiging pwersa mo laban sa taong sumira sa iyong Ama at sa iyong buhay basta tulungan mo lang kaming ibangon ang Kanaluran. Lubog na lubog na ang buong kontinente sa kasamaan ng mga maniniil. Nakita mo naman siguro kanina kung gaano kalala ang sitwasyon sa bayang ito, maraming inosente ang nadadamay, maraming dugo ang dumadanak. Takot ang nagpapaikot ngayon sa Kanluran. Ikaw na lang ang katiting na liwanag na aming nakikita sa madilim nating mundo. Ikaw na lang ang pag-asa namin para maibangon ang Kanluran at ang Imperyo sa mga kamay ni Fierro at Lodell."

"Pinuno, nagkakamali po kayo," direkta niyang itinanggi, "hindi na po ako isang Prinsipe ngayon. Isa lang akong binatilyo mula sa kabundukan ng Nievah, wala akong kapangyarihan para matulungan kayo sa inyong mga mithiin."

"Mukhang ikaw ang nagkakamali, Kamahalan," pagtatama ni Haurre. "Baliktarin man ni Fierro ang mundo, ikaw pa rin si Prinsipe Covel. Hindi niya mababago ang katotohanang ito. May kapangyarihan ka, kailangan mo lang itong hanapin sa iyong kalooban. Ikaw ang nararapat na mamuno sa Buong Lupain. Lumaban ka at bawiin mo ang kinuha niya sa'yo. Ang Trono ng Cenpyre. Iisa lang ang hinahangad nating lahat. Isang mundong tahimik at mapayapa, magagawa mong isaayos ang lahat kapag ikaw na ang nakaupo bilang Emperador. Sa iyong pamumuno, nasisiguro kong hindi na muling malulugmok ang Buong Kanluran."

Nakuha ni Haurre ang atensyon ni Covel ngunit wala naman itong idinulot sa kanya kung hindi pagkabahala sa ninanais nilang gawin. Natagalan bago siya makaimik.

"Nagagalak ako at may naniniwalang kaya ko pang makabalik sa Cenpyre pero wala na ako magagawa kahit gustuhin ko mang pamunuan ang Imperyo."

"Mayroon kung susubukan mo," pagpapatuloy ni Haurre. "Gawin mo ito hindi lang para iyong sarili, kundi pati na rin sa mga tao at sa kinabukasan ng Buong Lupain. Kailangan ka namin."

"Kung gagawin ko ito, tuluyan na kong maiipit sa kaguluhang ito. Tahimik na ang buhay ko sa kabundukan," saad ni Covel. "Kasama si Inay, si Erryn at si Itoi."

Napalingon siya kay Itoi na seryosong nakikinig sa kanyang Kulev.

"Anak, ito rin ang sinabi ko kay Pinuno nang ipagtapat niya sa akin ito," dagdag ni Ermin.

"Paano ang mga taong naghihirap lalo na ang mga Itmai at Puttlan?" tanong ni Haurre, "hindi ba sila nararapat na mamuhay rin ng tahimik? Mahal na Prinsipe, alam kong malaking responsibilidad ang inaatang ko sa'yo at hindi ito madali, pero minsan ang mga bagay na mahirap ay ang mga bagay na kinakailangan nating gawin. Bibigyan kita ng panahon para makapag-isip. Nasa sa iyo na ang desisyon. Sana ay tanggapin mo ang aming alok."

Nagwakas ang pagpupulong at sinamahan ni Ermin ang dalawa niyang anak.

***

Nanatiling nakaupo at taimtim sa pag-iisip ang binatilyo nang siya'y lapitan ni Ermin.

"Iniisip mo pa rin ang mga sinabi ng Mataas na Pinuno?" tanong niya sa anak-anakan.

"Hindi madaling mabura sa isipan ang mga sinabi niya," sambit ni Covel. "At mas lalong hindi madali ang magpasya sa kanilang inaalok."

"Alam kong hindi mo ipagpapalit ang tahimik nating buhay para sa isang madugo at magulong digmaan, sa totoo nga halos pareho tayo ng sinabi kay Pinunong Haurre, maging ako ay hindi sang-ayon, muntik pa nga kaming magkairingan, sa kagustuhan kong protektahan ka inakala ko pa nga na ginagamit ka lang nila para sa sarili nilang interes, Hindi ko dapat inisip yun, maganda ang hangarin ng kapatiran, mula noon hanggang ngayon."

"Tama ka, Itay," sabi ni Covel. "Ayoko lang na iwan ko ang mapayapa nating buhay sa bundok."

"Anak, sa loob ng labing-apat na taon namuhay kang tahimik at mayapa sa Nievah, hindi kaya sapat na ito? Hindi kaya ngayon na ang panahon para lumabas ka sa iyong lungga at gumawa ng mga bagong karanasan? Tama si Pinuno, isa kang Prinsipe, hindi natin mababago yun, tadhana ang nagsasabing kailangan mong bawiin ang trono kay Fierro. Bakit ba ayaw mong subukan, alang-alang sa iyong Ama?"

"Kasi Itay, natatakot ako," pag-amin ni Covel pagkatapos magpakawala ng malalim na paghinga.

"Natatakot na matulad ka sa iyong Ama?" tanong ni Ermin.

Napatango si Covel na nangingilid ang mga luha sa nalulumbay niyang mga mata.

"Huwag kang mabahala, nandito kaming lahat para sa'yo, hindi ka nag-iisa sa laban mo," pangako ni Ermin. "Covel, isang malaking karangalan ang maging miyembro ng Kapatiran. Isang dekada akong naging kasapi at alam ko ang susuungin mo. Hindi madali, may mga panahong matatalo ka, manginginig, panghihinaan ng loob, pero ang lahat ng ito ay maiibsan tuwing mayroon kaming buhay na naililigtas, para bang sapat na yun para magkaroon kami ng pag-asa at lakas para lumaban. Masarap sa pakiramdam ang makatulong sa mga nangagailangan, malalaman mo rin ito pagtatagal, sana ay pag-isipan mong mabuti."

***

Tandaan mong isa kang Prinsipe, dapat maging matapang ka!

Bumalik na naman sa alaala ni Covel ang huling habilin sa kanya ng Ama bago sila tuluyang nagkahiwalay. Kasabay nito naalala rin ng binatilyo ang mga Itmai at Puttlan na nakarating sa kabundukan ng mga Nievah, kung gaano sila kasaya na sila ay nakaligtas sa kasamaan ng Mataas na Panginoon. Higit sa lahat, tumatak sa kanya ang mga nasaksihan niya kanina, kung paano alipustahin at pahirapan ng mga Tagapuksa ang kaawa-awang mga tao. Nakikini-kinita niya ang takot sa mukha ng batang kanyang tinulungang makatakas. Mabuti na lamang at naroroon ang kapatiran, kundi mas marami pang musmos na mahihirapan. Walang katarungan ang ginagagawang pagpapahirap ng pwersa ni Lodell. Puno ng lumbay at habag ang puso ng binatilyo para sa mga sawing-palad na lahi.

Naaawa ako sa kanila, gusto kong makatulong...pero hindi mawala ang takot sa puso ko.

Paulit-ulit na rin na kumakatok sa kanyang kamalayan ang mga salita ni Haurre. Kahit pilit niyang tinataliwas ang kanyang mga panghihikayat, tila may parte sa kanya na sumasang-ayon sa lahat ng kanyang sinabi.

Ako nga si Prinsipe Covel, ang tagapagmana ng Imperyong Cenpyre. Kung nabubuhay si Ama, naniniwala akong gugustuhin niyang lumaban ako para sa karapatan ko at sa kapakanan rin ng iba. Gugustuhin niyang maging matapang ako. Oras na nga siguro para iwanan ko na ang pagtatago ko sa bundok.

-Lupain ng Gremon-

Sumunod na araw, abala ang tauhan ni Donell na si Timotheus sa pamimigay ng kanyang mga sulat sa Kanluranin.

"Basahin nyo po," panghihikayat ni Timotheus, "ito ang Katotohanan sa Kanluran."

Mayroong kumukuha ng mga sulat at napupukaw ang atensyon sa mga panulat ni Donello.

"Maraming salamat at nilalahad nyo ang kabuktutang nangyayari sa bayan," saad ng isang Erroiah.

"Walang anuman, ipamigay nyo po sa iba nyong kakilala para mamulat sila sa katotohanan," saad ng tauhan habang binibigay niya ang ilang piraso ng kopya.

Patuloy siya sa panghihikayat sa mga tao, "basahin nyo po at kayo ay mamumulat sa katotohanan."

Mayroon ring ilan na hindi pinapansin ang mga sulat at itinatapon lamang ang mga papel na kanilang nirorolyo at nilulukot.

"Basahin po ninyo," saad ni Timotheus sa isang lalaking aali-aligid sa bayan, "para sa katotohanan."

Kinuha ng lalaki ang sulat, pagkatapos ito ay palihim na dumaan sa isang sulok at naglaho na parang bula. Maya-maya, sa parehong direksyon kung saan siya naglaho, bigla naman nagsulputan ang ilang pulutong ng mga Tagapuksa, dala-dala ang kanilang mga armas. Lingid sa kaalaman ni Timotheus, paparating na para sa kanya ang mga tauhan ni Jiaruz.

"Basahin nyo po at malaman ang tunay na kalagayan ng ating bayan."

Mula sa likuran, binitag ng mga Tagapuksa si Timotheus at nilagyan ng sako ang kanyang ulo. Nagbagsakan ang mga papel na kanyang ipinamimigay at ito ay pinulot ng iba pang mga Tagapuksa.

"Kumpirmado!"

"Huli ka ngayon!" natatawang saad ng isang Tagapuksa. Tuluyan na nilang dinampot ang tauhan ni Donello.

-Kanlungan ng Kanluran-

Pagsapit ng umaga, bumangon si Covel mula sa kanilang maliit na toldang ipinahanda ni Pinunong Haurre. Masarap pa ang tulog ni Itoi kaya naman dahan-dahan siyang bumangon upang hindi magising ang kapatid. Nag-aalmusal na si Ermin kasama si Haurre at ang iba pang miyembro ng kapatiran nang siya'y nagpakita.

"Magandang umaga, Prinsipe Covel," pagbati ni Haurre.

"Magandang umaga rin po, Pinuno," nahihiyang saad ni Covel, "at sa inyong lahat."

"Magandang umaga, Kamahalan," bumati si Jualem at ang iba pang mga kasapi maliban lamang kay Toro na tila sumama ang timpla nang makita ang Prinsipe.

Umupo si Covel sa tabi ng kanyang Ama, binigyan nila ng tinapay at tasa ng kape ang binatilyo.

"Kamusta ang tulog mo, anak?" tanong ni Ermin.

"Ayos naman po," saad ni Covel. "May sasabihin po sana ako. Nakapagdesisyon na ako tungkol sa alok nyo."

Napalingon ang lahat sa binatilyo, lalo na ang Mataas na Pinuno na nag-aabang sa kanyang pasya.

"Pumapayag na akong maging kasapi ng Kapatiran."

Napangiti si Haurre sa sinabi ni Covel at ganoon na rin ang karamihan sa mga kasapi habang si Toro naman ay hindi maipinta ang mukha sa nalaman.

"Ayos!" saad ni Ronis habang hawak ang kanyang bote ng alak. "May bago tayong magiging kasapi at Prinsipe pa!"

Si Ermin naman ay may pag-aalinlangan pa rin sa desisyon ng anak. "Covel, sigurado ka na ba sa desisyon mo? Wala ng urungan to."

"Sigurado na po ako, Ama," may kumpiyansang saad ni Covel. "Napag-isipan kong tama kayo, masayang makatulong sa iba, at bilang Prinsipe ng Imperyong Cenpyre, tutulong ako sa mga nangangailangan hindi lang dahil sa tungkulin ko ito, kundi dahil gusto ko talagang tumulong."

"Natutuwa akong marinig yan," pagpapaalam ni Haurre, "marami kang matutulungan, Mahal na Prinsipe."

"May mga bagay akong napagtanto sa mga nasaksihan ko kahapon," pagpapatuloy ni Covel. "Alam kong marami pa kong hindi nalalaman tungkol sa Kanluran at kung sa tingin nyo makakatulong ako para mas maging maayos ang ating mundo, handa na kong makipagsapalaran kasama nyo."

"Kung ito ang desisyon mo, anak, tinatanggap ko," paninigurado ni Ermin.

"Ngayong ayos na ang lahat, kailangan na nating paghandaan ang pagsali ni Covel," atas ni Haurre. "Jualem."

"Ihahanda na po ang lahat, Pinuno," sagot ng binatilyo.

-Kampo ng Kamatayan-

Abot tenga ang ngiti ni Wharen nang may matanggap siyang balita sa kanyang mga tao. Dismayado man sa kanya ang Mataas na Panginoon, sigurado siyang mapapawi ito sa mga ginawa niyang aksyon.

"Jiaruz," may pagmamalaki niyang tinawag ang mas mababang Komandante.

"Ano yun Wharen?" tanong ni Jiaruz.

"Mukhang hindi mo na kailangang hanapin ang naninira sa Mataas na Panginoon," may kumpiyansang paglalahad ni Wharen," may nakalap na balita ang mga espiya ko. Napag-alaman na nila mula sa kapitbahay kung saan nakatira ang hangal na nagbibigay ng mga mapanirang sulat sa mga tao. Papunta na sila sa bahay nito habang nag-uusap tayo."

"Ganun ba, sayang naman at nag-aksaya lang ng oras ang mga tao mo," hindi nagpatalo si Jiaruz sa pagmamayabang ni Wharen. "Nahuli na kasi ng mga tao ko ang sinasabi mong nagbibigay ng mga sulat. Nakakulong na rin siya ngayon habang nag-uusap tayo."

"Ano?" Natunaw ang ngiti sa mahabang pisngi ni Wharen. Hindi siya makapaniwala sa kanyang narinig. "Paano siya nahuli ng ganitong kabilis?"

"Isa sa mga espiya ko ang nabigyan niya ng sulat at natyempuhan siya ng mga tauhan ko sa lugar na palagi niyang pinupugaran. Paano ba yan, Wharen mukhang naunahan kita ngayon. Tiyak na matutuwa sa akin ang Mataas na Panginoon."

Pilit na napangiti si Wharen sa mga banat ng kaibigan. "Huwag mong masyadong ilagay ang ulo mo sa ulap, kaibigan. Alam naman natin kung sino ang mas magaling, kaya nga ako ang Mataas na Komandante. Naunahan mo lang ako ng bahagya sa taong ito, pinagbigyan lang kita ngayon, para naman puriin ka rin ng Panginoon. Wala naman na akong kailangang patunayan."

"Salamat," tuyot na saad ni Jiaruz, "ngayong nasa bitag na natin ang taong ito, magagamit natin siya para malaman kung sino ang utak sa mga mapanlinlang na sulat."

"Tutal at nahuli mo na siya, hayaan mong ako na ang magpakanta sa aso," pagpresinta ng Mataas na Komandante, "sandali lang sa akin yan."

"Kaibigan, ipaubaya mo na sa akin to," sambit ni Jiaruz, "di ba sabi mo wala ka ng kailangang patunayan kay Panginoong Lodell? Ako na ang bahalang umayos sa maliit na gusot na ito at ikaw atupagin mo na lang ang mas malaking problema, ang
paghuli sa Kapatiran."

"Magandang ideya," saad ni Wharen. "Baka kung ako ang magpahirap sa taong yan, mapatay ko siya agad sa aking latigo bago ko siya mapaamin. Hayaan ko na lang siya sa'yo."

Pagkaalis ni Wharen sumama ang kanyang mukha sa inis, "sino ka ba sa tingin mo? Hindi mo maaagaw ang tiwala sa akin ni Lodell! May araw ka rin sa akin hambog ka!"

***

Nakakandado sa bartolina si Timotheus na bugbog sarado na ang mukha at katawan mula sa mga Tagapuksa, magang-maga na ang kanyang kanang mata na animo'y kulay talong na.

Pumasok si Jiaruz sa loob at pinagmasdan ang kalunos-lunos na sinapit ng lalaki. "Tignan mo nga naman, nakahuli na naman ng isang kuneho ang mga tumanggong."

"Ano...bang...kailangan nyo sakin?" hirap na hirap na tinanong ni Timotheus.

"Simple lang," kalmadong tugon ni Jiaruz. "Sabihin mo amin kung sino ang may akda ng mga mapanirang sulat na ito at pakakawalan ka na namin. Ganoong kadali lang."

Ibinagsak ni Jiaruz ang makakapal na piraso ng papel sa sahig na siyang nagpadagundong sa paligid ng bartolina.

"Wala akong alam sa sinasabi nyo," paninindigan ni Timotheus.

Napakagat si Jiaruz sa panggagalaiti at isang malutong na suntok mula sa kanyang kamao ang humambalos sa mukha ni Timotheus na nagpadura sa kanya ng dugo.

"Ang ayoko sa lahat ay yung nagmamaang-maangan pa kahit na bistado na!" saad niya. "Sabihin mo sa amin kung sino ang gumawa ng mga sulat na ito at kung saan siya matatagpuan kundi higit pa dyan ang sasapitin mo!"

"Kahit anong gawin nyo hindi ako magsasalita!" nanatiling matigas si Timotheus. "Patayin nyo na lang ako!"

"Kung yan ang gusto mo," kumalma si Jiaruz at kumuha siya ng isang sibat. Ipinatong niya ang dulo nito sa nagbabagang uling hanggang sa uminit.

Walang paligoy-ligoy niya itong idinikit sa dibdib ng kanyang bihag. Umalingawngaw ang sigaw ni Timotheus, hindi niya makaya ang sakit at lapnos ng napakainit na sibat. Umuusok ang lapnos mula sa dibdib ng lalaki.

"Ano? Kaya mo pa ba?"

"Sige na!" Naghihikahos na sigaw ni Timotheus. "Magsasalita na ko! Sasabihin ko na kung sino!"

Tinannggal ni Jiaruz ang kanyang sibat at siya'y napangiti, sa wakas ay nagawa na niyang pakantahin ang tauhan ni Donello.

***

Hindi pa man sumasapit ang tanghali, nagkakagulo na sa Bayan ng Gremon malapit sa tinutuluyan ng magkapatid na Donello at Gavielle. Nabulabog at nagimbal ang taumbayan sa presensiya ng Komandante at ng kanyang pulutong na mga Tagapuksa. Sa tuwing may nagmamartsang mga Tagapuksa, alam na nilang mayroon na namang Itmai at Puttlan na dadakpin at siguradong dadanak na naman ang dugo.

Tumigil sila sa panuluyan kung saan itinuro ni Timotheus ang kinaroroonan ni Donello. Agarang lumapit ang Komandante sa may panuluyan at kinatok niya ng padabog ang pinto. Natigilan sa kanyang pagsusulat si Donello.

"Buksan nyo ang pinto, kami ay mga Tagapuksa," atas ni Jiaruz.

"Kuya, nandito na sila!" natatarantang sinabi ni Gavielle sa kanyang kapatid. "Siguradong nahuli na nila si Timotheus, ano ng gagawin natin?"

"Buksan mo ang pinto, Gavy," kalmadong saad ni Donello.

"Ano?" Nagulantang si Gavielle sa utos ng kapatid. "Huwag mong sabihing susuko ka na? Hindi ako papayag!"

"Gavy," pinakalma ni Donello ang kapatid.

"Hindi ka susuko Kuya, hindi ko hahayaang damputin ka nila!"

"Tama na, mangyari na kung ano ang nakatakda. Hindi ko sila tatakbuhan na parang isang duwag. Buksan mo na ang pinto."

Napilitan na ang dalagita na buksan ang pinto, walang paligoy-ligoy na pumasok si Jiaruz kasama ang ilang mga Tagapuksa.

"Magandang umaga, ako si Jiaruz, Komandante ng mga Tagapuksa. Ikaw ba ang nagngangalang Donello?"

"Ako nga," taas-noong saad ni Donello.

"Sa ngalan ng Mataas na Panginoong Lodell, ikaw ay inaaresto namin sa salang pagtatraydor sa Imperyo dahil sa iyong mga mapanirang mga akda! Dakpin siya!"

Sumunod ang mga Tagapuksa sa utos ng kanilang Komandante at kinadena nila ang mga kamay ni Donello.

"Tiyak na mabigat ang parusang ipapataw sa'yo," pananakot ni Jiaruz.

"Pakawalan niyo ang kuya ko! Wala siyang kasalanan!" Umiiyak na sambit ni Gavielle. "Sinasabi nya lang kung ano ang katotohanan!"

"Aba, aba sino to?" tanong ni Jiaruz. "Kapatid mo? Matapang ah!" Pinagmasdan niya nang may pagnanasa ang dalagita at hinawakan ang pisngi nito. "At maganda."

Nang ilapit ni Jiaruz ang mukha niya sa dalagita, tumalsik sa kanya ang dura mula kay
Gavielle.

Hinampas ng komandante ang dalagita na siyang nagpabagsak sa kanya sa sahig, "wala kang modong babae ka!

"Gavy!" napalakas ang tinig ni Donello nang makita ang nangyari sa kapatid.

"Dakpin din siya!" hiyaw ni Jiaruz sa kanyang mga tauhan. "May plano akong gawin sa isang to!"

"Ako na lang ang hulihin nyo huwag ang kapatid ko!" pagmamakaawa ni Donello. "Wala siyang kinalaman sa mga sulat ko!"

"Dalhin siya sakin!" hindi siya pinakinggan ni Jiaruz.

"Huwag!" nagpumiglas si Donello nang makitang dadakpin na ang kanyang kapatid at pinagdadagukan niya ang mga Tagapuksa gamit ang kanyang ulo. Wala siyang balak lumaban pero ibang usapan na pag ang kapatid na niya ang nadamay.

"Tumakas ka na!"

Tumakbo si Gavielle sa hudyat ng kanyang kapatid ngunit siya ay napatigil at napasulyap kay Donello. "Kuya!"

"Takbo na!" sigaw ni Donello na kasalukuyang kinukuyog ng mga Tagapuksa.

"Habulin siya!" atas ni Jiaruz.

Tumakbo si Gavielle papalayo sa kanilang tinutuluyan habang siya'y hinahabol ng mga tauhan ni Jiaruz.

-Kanlungan ng Kanluran-

Nagpulong-pulong na ang lahat ng kasapi para sa pagsali ni Covel sa Kapatiran.

"Maraming salamat sa pagdalo," panimula ni Haurre, "ngayon gaganapin na ang Seremonya ng Pagtanggap para maging ganap ng Kasapi ng Kapatiran ang Mahal na Prinsipe Covel."

"Anong Seremonya ng Pagtanggap?" bulong ni Covel kay Ermin.

"Basbas lang yan para sa mga bagong kasapi, basta gawin mo lang lahat ng ipapagawa ni Pinuno," saad ni Ermin.

Medyo kinabahan si Covel, sapagkat wala siyang alam kung ano ang ipapagawa sa kanya ng kapatiran.

"Covel," sumenyas si Haurre at lumapit naman sa kanya ng malumanay ang binatilyo.
"Itaas ang iyong kanang kamay."

Sinunod ni Covel ang Pinuno at itinaas niya ang kanyang kanang kamay.

"Bilang bagong kasapi ng Kanlungan ng Kanluran, manunumpa ka sa harap ng lahat, may mga sasabihin akong mga pahayag at kailangang sagutin mo ito ng 'nangangako ako'."

"Ipinapangako mo bang mula sa araw na ito, ikaw, Prinsipe Covel ay isa nang ganap na kasapi ng Kapatiran?"

"Nangangako ako." buong pusong sambit ni Covel.

Marami pang kasunod na pahayag ang binigkas ni Pinunong Haurre.

"Nangangako ka bang ikaw ay tutulong sa mga nangangailangan sa lahat ng oras?"

"Nangangako ka bang handa kang makipaglaban sa pwersa ng Mataas na Panginoon at ibuwis ang iyong buhay alang-alang sa Kapatiran at sa lahat ng nangangailangan?"

"Nangangako ka bang mananatili ang iyong katapatan sa Kapatiran at hindi mo ito ipagkakanulo kapalit ng kahit anong salapi at kapangyarihan?"

"Nangangako ka bang ikaw ay mananatiling kasapi ng Kapatiran at hindi ka maaaring kumalas sa samahan ng walang pahintulot ng Mataas na Pinuno?"

"Nangangako ako," ito ang isinagot ni Covel sa lahat ng binitawan ni Haurre, natapos ang kanyang panunumpa.

"Dahil ikaw ay nanumpa na, panahon na para ikaw ay markahan," saad ni Pinuno.

Markahan?

"Ano pong marka?" tanong niya.

Itinaas ni Haurre ang kanyang buhok malapit sa noo at nasilayan ni Covel ang isang natuyong peklat na kakorte ng letrang 'K'.

Sumunod ang ibang kasapi sa pagpapakita ng kanilang mga marka, mayroon si Bilbel sa kanyang sikmura, si Jualem ay mayroon malapit sa pulso at si Ancho naman ay sa binti.

"Anak," itinaas ni Ermin ang makapal niyang kasuotan at ipinakita sa anak ang kanyang marka sa may braso na ngayon lamang nakita ni Covel.

"Lahat ng sumasali sa Kapatiran ay mamarkahan bilang patunay na ikaw ay lehitimong kasapi," paliwanag ni Haurre.

Inabot ni Buto ang isang matalim na tarak sa kanilang Pinuno at nagulantang ang binata sa tulis nito.

"Ikaw ang bahala kung saan bahagi mo nais magpatatak."

Napaisip si Covel kung saan nga ba siya magpapatatak. Winarak nila ang makapal at mabalihibong kasuotan ng binatilyo malapit sa may dibdib. Napagpasyahan niyang magpamarka sa itaas ng kaliwang dibdib malapit sa kanyang balikat at sa itaas ng kanyang puso. Itinapat ni Haurre ang tarak sa kanyang balat.

"Tiisin mo, Kamahalan," babala ng Pinuno, "medyo masakit ito."

Nagsimula ang pagmamarka ni Haurre malapit sa balagat ng binatilyo, dahan-dahan siyang humiwa. Naramdaman ni Covel ang sakit ng paghiwa ngunit sinubukan niyang tiisin ito at hindi mapadaing. Napakagat na lang siya sa kanyang labi at napapikit. Pagkatapos ng unang hiwa, dalawang magkadikit na hiwa pa ang ginawa ni Pinuno para mabuo ang letrang K. Tinakpan ni Itoi ang kanyang mga mata nang makitang tinutusok ang kanyang Kulev. Tumulo ang malapot na dugo ng Prinsipe sa kanyang dibdib pero hindi nagtagal tumigil din ito at nawala na rin ang kirot ng pagmarka sa kanya. Matagumpay nang nakasali ang Prinsipe sa Kanlungan ng Kanluran.Tumayo siya sa kanyang pwesto at itinaas ni Pinunong Haurre ang kanyang kamay.

"Mabuhay si Prinsipe Covel, ang bagong kasapi ng Kapatiran!"

"Mabuhay!" sabay na sigaw ni Ermin at ng mga kasapi.

"Mabuhay Kulev ko!" Natatawang sigaw ni Itoi na kinagiliwan ng lahat.

Lahat ay nagbubunyi pwera lang kay Toro at sa kanyang mga kaibigan na nakatingin lamang sa bagong markang dibdib ng Prinsipe.

Napangiti si Covel sa kanilang pagsasaya, ngayong miyembro na siya ng kapatiran, magkakaroon na siya ng tapang upang harapin ang bagong kabanata ng kanyang buhay.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro