Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 4: Aric

Maliwanag ang sikat ng araw mula sa silid ni Sarito, senyales na magiging maganda ang pagsisimula ng araw.

Bumangon ang dating kawal sa pagbati ng liwanag, tumunog ang kanyang buto sa pag-uunat niya ng kanyang braso, kinuha niya ang kanyang tungkod sa may dingding, ito ang unang bagay na hinahawakan niya kada-araw bilang pangsuporta sa kanyang nanghihinang mga paa. Pagkabangon, napasilip siya sa may silid ni Aric at nalaman niyang wala roon ang anak. Pagkababa niya, nadatnan niya ang kanyang Tiya Sania.

"Magandang araw, Sarito," pagbati ni Sania,"pinagtimpla na kita ng kape."

"Salamat," saad ni Sarito habang siya ay papaupo sa may silya.

"Nasaan nga pala si Aric?" tanong niya sa tiyahin. "Wala siya sa kanyang silid."

"Hindi ko pa siya nakikita mula kanina," sambit ni Sania, "maagang umalis at may aasikasuhin siguro sa Pandayan. Alam mo naman ang batang yun, masyadong abala nitong mga nakaraang araw, halos hindi na nga natin nakakasama at nakakausap."

Maging si Sarito ay ganito rin ang napapansin sa anak. Painom na siya ng kape sa tasa nang mapansin niyang mayroong isang piraso ng papel na nakapatong sa mesa.

"Ano to?" kinuha niya ang papel at siniyasat ang nilalaman. Nadiskobre niyang isa itong liham na galing sa anak.

"Mahal kong Ama,

Salamat at nagpasya kang basahin ang sulat na ito. Nitong mga nakaraang araw, maraming naganap na pangyayari sa aking buhay na lingid sa inyong kaalaman. Maraming hamon ang aking hinarap at mas mainam na hindi ko na ipinaalam sa inyo ang lahat ng iyon, gawa ng inyong kondisyon. Ang masasabi ko lang, tila naging mapagbiro sa akin ang kapalaran at nagkasabay-sabay ang kanilang pagdating. Kasabay nito, napagtanto kong malamang ito na ang panahon na para magpasya. Sari-saring emosyon ang tumakbo sa aking isipan habang ako'y nag-iisip: saya, pagkalito, takot at kalungkutan. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko ngunit sa bandang huli, naging buo na rin ang aking pasya at dito rin humantong ang lahat. Ang hakbang na aking tatahakin ang magdidikta sa pagbabagong mangyayari sa aking buhay. Natitiyak kong ang mga hamon na kinaharap ko ay wala pa sa kalingkingan ng mga hamon na darating pa lamang.

Ayoko mang lumisan ngunit ito ang kinakailangan kong gawin. Sana ay mapatawad nyo ko sa pagsuway ko sa iyong kagustuhan. Marahil ay galit na galit kayo sa ginawa ko ngayon, sinusumpa nyo siguro na isa akong suwail na anak. Hindi nyo man maunawaan sa ngayon pero alam kong darating ang panahon na maiintidihan nyo rin ang kinahinatnan ng aking desisyon. Sana ay makauwi pa ako at makapagpaliwanag sa inyo. Alagaan nyo ang inyong sarili habang wala ako at ganoon na rin si Tiyang Sania. Huwag na kayo mag-alala sa akin. Dala-dala ko ang inyong dakilang espada, sa ganitong paraan para bang kasama ko na rin kayo. Alam kong poprotektahan niya rin ako sa mga laban ko gaya ng ginawa niya sa inyo noon.

Ang inyong anak, Aric."

"Hindi," mangatog-ngatog  si Sarito sa kanyang nabasa, napatayo siya mula sa kanyang upuan, binilisan niya ang paglalakad gamit ang tungkod at siya ay nagtungo sa silid ng anak.

"Sarito, may problema ba?" nagtaka si Sania sa ikinilos ng pamangkin.

Binuksan ni Sarito ang aparador at natuklasan niyang wala na roon ang mga gamit ni Aric.

Sunod siyang nagpunta sa kanyang silid at nalaman niyang wala na rin doon ang espada sa pwesto kung saan ito dating nakalagay.

"Hindi ito maaari," natataranta niyang isinambit.

"Ano bang nangyayari? Bakit ka ba nagkakaganyan?" tanong ni Sania.

"Si Aric, kailangan ko siyang puntahan sa Pandayan," hindi na niya nagawang ipaliwanag ang nangyayari sa tiyahin, "baka hindi pa siya nakakalayo mapipigilan ko pa siya!"

"Samahan na kita," inalalayan ni Sania ang pamangkin na mas uugod-ugod pa kaysa sa kanya.

Sa kabilang kanto lamang ang Pandayan at madali nila itong narating. Malayo pa lang, nagulantang na ang dalawa nang makitang nakasarado na ang buong establishamento. Nakakandado na ng kadena ang pintuan. Nakabantay roon ang isang kawal ni Haring Rucaz.

"Anong ibig sabihin nito?" Napataas ang tinig ni Sarito sa Kawal. "Bakit nakasara ang Pandayan? Nasaan ang anak ko?"

"Huli ka na, nakaalis na sila kanina pa, kasama ang Kapitan Uwalhid at ang iba pang mga kawal para sa ekspedisyon patungo sa Sikretong Lupain."

"Sikretong Lupain?" tanong ni Sania.

"Doon nila susubukang hanapin ang lungga ng mga Myongan."

"Kung ganoon, totoo ngang umalis na ang apo ko," ninenerbyos na saad ni Sania. "Mga Diyos ko po!"

"Aric!" sinubukang tumakbo ni Sarito, ngunit hindi na kinaya ng kanyang mahinang paa.

"Hindi mo na sila maaabutan Mang Rito, nasa malayo na sila," pagpipigil ng Kawal, "nagpasya ang Haring Rucaz na ipasara muna ang Pandayan habang hindi pa sila nakakabalik, ipinapabigay nya ito bilang pambayad sa inyo."

Inabot niya kay Sarito ang isang malaking sako ng Gintong Silangan. "Pantugon sa inyong pangangailangan."

***

"Papaano ito nagawa ni Aric?" tanong ni Sania pagkauwi nila ng bahay. "Hindi na niya tayo nirespeto, lalo ka na bilang Ama niya. Anong gagawin niya dun? Magpapakahibang sa kanyang pangarap! Nilalagay niya lang sa panganib ang buhay niya! Ano bang pumasok sa isipan ng batang iyon!"

"Kasalanan ko to, Tiyang," unti-unti ng huminahon si Sarito, "ako ang nag-udyok sa kanya sa gawin ito, dahil masyado ko siyang pinaghigpitan. Ako ang nagpaalis sa kanya. Walang nararapat sisihin dito kundi ako, hindi ang anak ko."

"Ano ng gagawin natin ngayon?" Nag-aalalang usisa ni Sania.

"Sa ngayon wala tayong magagawa kundi manalangin sa kanyang kaligtasan," sagot ni Sarito, "at sana hindi mangyari na ang kanyang pag-angat ang maging sanhi ng pagbagsak ng iba."

Nakukutuban ni Sarito na hindi imposibleng matunton ng anak ang Sikretong Lupain at mahanap ang lungga ng mga Tribong Myongan.

***

Ang Disyerto ng Syl ay nasa dulo ng Kaharian ng Silangan at maraming kabayanan at pook ang daraanan bago ito marating. Taliwas sa nakaugaling martsa ng mga kawal, sila ay pinasakay na lamang sa mga karwahe upang mapanatiling sikreto ang kanilang ekspedisyon. Iisang direksyon ang kanilang daraanan ngunit hindi magkakasunod ang mga karwahe para hindi magsuspetsa ang taumbayan sa kanila. Nasa apatnapu ang bilang ng mga Kawal na kasama sa paglalakbay. Ilang karwahe rin ang nagamit sa pagdala ng kanilang mga pagkain, tubig, kasuotan at armas. Nakabukod si Kapitan Uwalhid ng karwahe sa ibang mga kawal at ganoon na rin si Aric at Eron na magkasama sa isang karwahe.

Marami pa ring tumatakbo sa isipan ni Aric: si Cordelia, ang kanyang Ama at kung ano-ano pa. Nananatili lamang siyang tahimik sa karwahe at nabagot na si Eron sa katahimikan.

"Grabe, nanghina ako sa ginawa mo kay Saraphine kanina, biruin mo ganoong kagandang babae pinakawalan mo. Ano ka ba naman?"

"Narinig mo ang usapan namin?" tanong ni Aric.

"Lahat naman narinig ang usapan nyo, nagkunwari lang silang hindi. Bakit ba kailangang gawin mong komplikado ang sitwasyon?"

"Dahil komplikado naman talaga ang lahat umpisa pa lang," sabi ni Aric, "kung ikaw ang nasa katayuan ko, mauunawaan mo kung bakit ko ito nagawa."

"Bakit nga ba?"

"Hawak na nila ako sa leeg," napabulong si Aric sa kaibigan. "Isang maling kilos ko lang at maaaring madamay lahat ng may kaugnayan sa akin, lahat ng mahalaga sa buhay ko."

"Ibig sabihin pinoprotektahan mo lang siya?"

"Isa yun sa mga dahilan, kaya kitang bigyan kahit kailang ilan pa ang gusto mo. Nagpadala kami sa mga emosyon namin, ginawa namin ang isang bagay na hindi iniisip ang kalalabasan. Marami na siyang pinagdaanang paghihirap at ayoko ng dumagdag pa. Hindi ako nararapat kay Cordelia, langit siya at lupa ako. Ano masaya ka na ba? Sinabi ko na ang mga dahilan."

Naguluhan si Eron sa sinabi ng kaibigan. "Anong langit at lupa pinagsasasabi mo? Mukha naman siyang ordinaryong dalagita, mas maganda nga lang sa karamihan. Tsaka sinong Cordelia naman ito? Kala ko ba Saraphine ang pangalan niya? May iba ka bang babae bukod sa kanya?"

Lalo lamang dumami ang katanungan ni Eron sa kanyang mga dahilan at napagtanto ni Aric na nadulas siya.

"May sasabihin ako sa'yo," bulong ni Aric, "pero ipangako mong walang makakaalam bukod sa ating dalawa. Mapapagkatiwalaan ba kita?"

"Kilala mo ko, kaya mong ipagkatiwala sa akin ang buhay mo," pagmamalaki ni Eron.

"Dyan pa lang sablay ka na, tanda mo nung napaaway tayo sa mga maton dati? Kung hindi ko inupakan ang mga iyon, mabubugbog ka na."

"Nakatsamba lang yung mga yun," pagdadahilan ni Eron. "Ano bang sasabihin mo? Ibuga mo na."

Nag-ingat si Aric at nagmasid sa kanilang kutsero bago magsalita. Napansin niyang hindi naman nito nakikinig sa kwentuhan nila pero para makasigurado, hininaan na lamang niya ang boses niya.

"Naaalala mo yung kababatang kinukwento ko sa'yo dati na nakakalaro ko sa Palasyo."

"Oo yung nawawalang Prinsesa," tila may napagtanto si Eron, "teka, huwag mong sabihing...iisa si Saraphine at ang Prinsesang iyon."

"Magaling, nahulaan mo agad."

"Nakuha ko na," nagiging malinaw na kay Eron ang lahat, "kaya ka lumayo sa kanya, para sa kaligtasan niya."

"Delikadong malaman ng kahit na sino ang pagkatao niya, ngayong wala na ako sa buhay niya, masisiguro kong ligtas na ang kanyang lihim, hindi ito malalaman ni Uwalhid, ni Haring Rucaz at higit sa lahat ng Emperador. Kaya ko ito sinabi sa'yo dahil alam kong mapapagkatiwalaan kita."

"Huwag kang mag-aalala, sarado ang bibig ko," pangako ni Eron, "Kawawa naman siya, nawalan siya ng pamilya, yaman, tahanan at kapangyarihan, sana pagdating ng panahon, makabalik rin siya kung saan siya nararapat."

"Sana nga at makabalik siya ng Cenpyre." Pareho rin ang hiling ni Aric.

***

Pagsapit ng hapon, ipinatigil muna ng Kapitan ang kanilang paglalakbay at nagpahinga muna sila sa isa sa mga probinsya. Sumunod sa kanila ang iba pang mga kawal makalipas ang ilang sandali.

"Magpapahinga muna tayo," paglalahad ni Uwalhid, "malayo-malayo pa ang lalakbayin natin."

"Ilang araw ba ang aabutin bago marating ang Disyerto?" Usisa ni Eron.

"Mga limang araw pa."

Pinagmasdan ni Uwalhid si Aric, hindi na nakapagpalit ng damit ang binatilyo at suot-suot pa rin niya ang tsalekong lagi niyang sinusuot sa pagpapanday, may sira at butas na ito dahil sa kanyang trabaho, ang kanyang pantalon ay mga tahi na at ang kanyang sapatos naman ay isang hakbang na lamang ay bibigay na rin. Napailing si Uwalhid sa kasuotan ng binatilyo.

"Panday," pagtawag niya dala-dala ang isang maliit na kahon. "Para sa'yo."

"Ano iyan?" Tanong ni Aric sa Kapitan.

"Mga kasuotan ng isang kawal, ipinahanda ng Hari para sa'yo," sagot ni Uwalhid. "Tutal ay magiging Kawal ka rin lang balang araw, mas mabuti nang manamit ka tulad ng isang Kawal."

Binuksan ni Aric ang kahon at tinignan ang nilalaman. Mayroong mahabang balabal, sintron, bakal na armas pangkatawan, bota na yari sa katad at isang bakal na kupya. Hindi mapigilan ng binatilyo na matuwa sa kanyang natanggap.

"Maraming salamat po."

"Pasalamatan mo ko kapag Kawal ka na," may pag-uuyam na sinabi ni Uwalhid, "isuot mo na yan ng magmukhang presentable ka naman."

"Kapitan sandali lang," pagtawag ni Eron, "ako ba walang ganyan?"

"Pagkakaalam ko si Aric lang ang maging Kawal at hindi ikaw."

"Kahit yung bota lang," pamimilit ni Eron na hindi pinansin ng Kapitan. "Ang barat naman."

Sinuot ni Aric ang kanyang bagong kasuotan mula ulo hanggang paa, pagkatapos ay isinabit niya ang espada ng kanyang Ama sa may sintrunan. Sakto ang lahat sa kanyang pangangatawan mula sa kupya hanggang sa bota.

Darating ang araw, ito na ang palagi kong susuotin bilang isang Kawal.

"Parang isa ka na talagang ganap na kawal," napahanga si Eron nang makita ang kaibigan.

Si Uwalhid naman ay napagiti ng masama.

"Sige lang at namnamin mo, ngayon mo lang naman yan susuotin," bulong ng Kapitan sa kanyang sarili.

-Disyerto ng Syl-

Makalipas ang halos limang araw na paglalakbay, narating na rin ng pulutong ni Kapitan Uwalhid ang Disyerto ng Syl. Bumaba sina Aric, Eron at ang kanyang pulutong ng mga Kawal sa kanyang hudyat.

"Naririto na tayo sa Disyerto ng Syl," pagpapakilala ni Uwalhid, "ang Silangan ng Silangan at dulo ng mundo."

Pinagmasdan ng magkaibigan ang disyerto, nasa bungad pa lamang sila ngunit naaaninag na ni Aric ang mala-gintong buhangin ng Syl na walang pagkakaiba sa nakita niya sa kanyang panaginip. Namangha rin sa dakilang disyerto ang mga Kawal ni Uwalhid na ngayon lamang nakapunta rito.

"Maraming salamat sa paghatid sa amin," nag-abot ang Kapitan ng Gintong Silangan sa mga kutserong naghatid sa kanila. "Iuwi nyo na sa Kastilyo ang mga Kabayo at karwahe."

Nagtaka si Aric sa inutos ni Uwalhid. "Kapitan nasa bungad pa lang tayo ng disyerto, kakailangan pa natin ang mga kabayo at karwahe sa ekspedisyon."

Bumungisngis si Uwalhid sa sinabi ng binatilyo, "nagpapatawa ka ba? Hindi kakayanin ng mga kabayo na maglakbay ng disyerto. Kung gusto mong malayo ang marating natin iisa lang ang dapat nating sakyan."

***

Naghanap ang pulutong ng isang tubong Syl na nag-aalaga ng mga kamelyo.

"Kailangan namin ng mga Kamelyo mo, maaari ba naming hiramin ang ilan sa kanila?" tanong ni Uwalhid sa dialektang Syl na hindi nauunawaan ni Aric.

"Sa inyo na sila basta bayaran nyo ko," saad ng Lalaking Syl.

Inabot ng isa sa mga Kawal sa kanya ang isang baul na puno ng Gintong Silangan. Walang ligoy na tinanggap ng lalaki ang kabayaran at matagumpay nilang nabili ang isang dosenang Kamelyo.

Sumakay si Uwalhid, Aric, Eron at ang iba pang mga nakatataas na Kawal sa Kamelyo habang ang iba naman ay napilitan na lamang na maglakad sa disyerto.

Nanibago ang magkaibigan sa pagsakay sa kamelyo lalo na si Aric, ngayon lamang siya nakasakay sa kamelyo at medyo naiilang pa siya sa dalawang bukol na nasa pagitan ng kanyang katawan. Mas mataas ang kamelyo sa kabayo ngunit walang pinagkaiba ang dalawa sa taglay nilang amo at bait sa mga tao.

Nagpatuloy sila sa paglalakbay, mas lalong tumitingkad ang ginintuang buhangin ng Syl na lalong ikinabighani ni Aric. Sa paglipas ng mga minuto, unti-unti na nilang nararamdaman ang init na disyerto. Sikat na sikat rito ang araw, at kumakapit sa balat ang kakaibang init kahit na hindi sila pinagpapawisan.

"Magtatayo tayo ng kampo rito," panuto ni Uwalhid nang marating nila ang ipinagpapalagay nilang sentro ng disyerto.

Ihinanda nila ang kanilang mga kagamitan at nagsimula silang magtayo ng mga tolda na pansamantala nilang tutuluyan, tumulong si Aric at Eron sa pagatatayo ng mga ito.

Matapos ayusin ang kanilang munting himpilan sa disyerto, bumuo ng pormasyon ang mga Kawal sa harap ng kanilang Kapitan, nagsimulang magbigay na ng utos si Uwalhid sa kanyang mga tauhan.

"Alam nyo na ang gagawin nyo, ang kalahati ay maghahanap sa hilagang bahagi ng Disyerto at ang isa pang kalahati ay magtutungo sa timog. Sa oras na matagpuan nyo ang Sikretong Lupain ng Kasaganaan bumalik agad kayo rito at ipaalam sa akin."

"Masusunod, Kapitan!" Saad nila at sila ay nagsimula ng maghanap sa Sikretong Lupain,

Tila hindi na naman nagustuhan ni Aric ang estratehiya ni Uwalhid, hindi ito ang napagkasunduan nila, kumikilos si Uwalhid sa sarili niyang pamamaraan.

"Kapitan, hindi ka ba magtatalaga ng mga tao para maghanap sa Silangan? Pwede ko silang samahan tutal at nandito naman ako bilang gabay."

Sa pagkakataong ito, hindi na nagustuhan ni Uwalhid ang pagtaliwas ni Aric. "Nasisiraan ka na ba talaga, Panday? Gusto mong magtungo ang mga tauhan ko sa lugar na hindi pa natatala sa mapa? Para ano? Para mamatay at tangayin ng matitinding hangin at buhangin sa kawalan? Delikadong magtungo sa Silangan!"

"Sa direksyon ng Silangan ko natagpuan ang Kasagaanan sa panaginip ko at sa pagkakaunawa ko kaya tayo naririto para alamin kung ano ang nasa dulo ng mapa, tingin ko mas malaki ang tsansa nating mahanap ang Sikretong Lupain kung tatahakin natin ang daan patungong Silangan."

Hindi nababali ang paninindigan ni Aric sa kanyang pangitain.

"Simula ka na naman sa panaginip mo!" Tuluyan ng napikon ang Kapitan sa kanyang pagkontra. "Nananaginip ka na naman ba, Panday? Baka gusto mong gisingin kita sa kahibangan mo. Hindi ko nga lubos akalain na pahihintulatan ng Hari ang paglalakbay na ito. Tumingin ka sa paligid mo! Naririto tayo sa dulo ng mundo, imposibleng mayroon ditong nakakubling masaganang lupain at doon nagtatago ang mga Tribo! Sinasayang mo lang ang oras namin!"

"Malakas ang kutob kong matatagpuan na natin ang lungga ng mga Myongan. Magtiwala lang kayo sa akin. Hindi ako maglalakas-loob na puntahan ang Hari kung hindi ako sigurado sa nakita kong pangitain. Maniwala kayo kung sasabihin kong ito sa Silangan ang tamang direksyon."

"Talagang ipagpipilitan mo pa!" mas lalong nairita sa kanya si Uwalhid. "Huwag mo na kaming damay, kung gusto mong maghanap sa Silangan, magtungo ka roon mag-isa mo! Hinahamon kita!"

"Sige Kapitan," buong tapang na sinabi ni Aric na muling nagpadala sa kanyang emosyon. "Tinatanggap ko ang hamon mo, magtutungo ako sa Silangan ng Disyerto ng mag-isa at papatunayan ko sa inyo na totoo ang Kasaganaan."

"Aric, sigurado ka ba dyan?" may pag-aalalang tanong ni Eron. "Mapanganib sa Silangan ng disyerto, bumabagyo ng buhangin doon, di mo ba alam?"

"Hayaan mo siya," pagsaway ni Uwalhid, "nagtatapang-tapangan ang kaibigan mo. Hindi pa ganap na Kawal pero nagyayabang na! Dalawa lang ang maaaring mangyari sa kanya, matatakot siya sa bagyo, babalik siya rito at patutunayan niyang nagkakamali siya o tuluyan ng tatangayin ng hangin ang bangkay niya kung saan mang lumalop siya nito dalhin."

"Mahahanap ko ang Sikretong Lupain, itaga mo yan sa bato," nayayamot na saad ni Aric.

"Kung ganoon, ano pang hinihintay mo?" tanong ni Uwalhid, "bilis na at lumakad ka na!"

"Ngayon na agad?" may pagkagulat na tanong ni Aric.

"Ngayon na, tutal ay naghahanap na rin ang mga tauhan ko ngayon bakit ipagpapaliban mo pa ang paghahanap mo?"

"Maghahakot lang ako ng mga pagkain," pagpapaalam niya.

"Hindi," pagtutol ng Kapitan, "tutal ay nagmamatigas ka, hindi kita papayagang magdala ng pagkain, ang tanging dadalhin mo lang ay tubig, mapa at mga armas mo. Di ba sabi mo masagana ang lupain? Doon ka maghanap ng pagkain."

May pagkainis na tinalikuran ni Aric ang Kapitan. Isinara niya ang kamao sa pagtitimpi.

Ano bang tingin niya sa akin? Mahina? Kaya kong tugunan ang sarili ko. Maghintay lang siya pagbalik ko at mapapahiya rin siya.

"Isa pa pala, hubarin mo ang mga suot mo," atas ni Uwalhid. "Kapag nakita ka ng mga Myongan tiyak na papatayin ka nila agad, aakalain nilang isa kang Kawal ng Hari, sabihin na nating mahanap mo nga sila na napakaimposibleng mangyari. Ibigay mo sa akin lahat."

Tinanggal ni Aric nang padabog ang kanyang kupya, sumunod ang kanyang balabal at bakal na armas pangkatawan, ibinagsak niya ang lahat ng ito sa may buhanginan. Huhubarin na rin niya ang eleganteng bota.

"Huwag na, pagbibigyan na kita sa bota," saad ni Uwalhid, "baka magpaltos pa ang paa mo sa dati mong sapatos. Lumayas ka na sa aking harapan, naaalibadbaran ako sa ayos mo."

Tuluyan ng umalis si Aric sa kanilang himpilan sa Disyerto, nagpipigil sa mga insulto at pangmamaliit ng Kapitan.

"Aric, hintayin mo ko, sasamahan na kita," pagtawag ni Eron sa kaibigan na hindi pa gaanong nakakalayo.

"Hindi dito ka lang," istriktong utos ni Uwalhid, "magiging pabigat ka lang kung sasama ka."

"Ano namang gagawin ko dito?" may pagkaasar na tanong ni Eron.

"Pagsilbihan mo kami," saad ni Uwalhid, "ikaw ang magiging alalay at utusan namin."

"Masyado akong gwapo para maging alalay," papuri ng binatilyo sa sarili.

"Tama na ang satsat," pananaway ni Uwalhid, hakutin mo ang mga kahon ng pagkain dito at bigyan mo kami ng alak."

Napilitang sumunod si Eron habang napapakamot sa kanyang ulo. Nagtawanan si Uwalhid at ang ilang naiwan na Kawal.

"Ano ba ang balak natin sa isang yan?" tanong ng isang Kawal.

"Siya ang magiging alas natin kay Aric," bulong ni Uwalhid, "kung sakaling ahasin at linlangin tayo ng hambog na iyon, tignan lang natin kung hindi siya mapabalik dito pag nalaman niyang nanganganib ang buhay ng kanyang matalik na kaibigan."

***

Sinimulan ni Aric ang pagbagtas sa direksyon ng Silangan, determinadong mahanap ang Sikretong Lupain ng Kasaganaan. Tinignan niya ang kanyang dalawang mapa at pinagdugtong ang Mapa ng Buong Lupain sa Kasaganaan. Pagkalingon niya sa disyerto napagtanto niyang higit itong malaki kaysa sa inaakala niya at malamang ay wala pa sa kalahati ang natahak niya.

Mahahanap ko rin ito, makikita nila!

Hindi natinag ang binatilyo sa paglalakad, iniinda ang pawis at pagod na dulot ng matinding init.

Ano pa nga ba ang aasahan ko, nandito ako sa pinakamainit na lugar sa mundo.

Sa sobrang uhaw, nainom na niya ang huling patak ng kanyang tubig kahit na ilang oras pa lamang siya naglalakad. Ito na ang pinakamalayong nalakad niya sa buong buhay niya pero parang wala pa rin siya nararating kundi buhangin, buhangin at walang katapusang buhangin. Daig pa niya yata ang naglalakad sa buwan. Kahit na nakasuot siya ng bota, ramdam niya pa rin ang ngalay sa kanyang mga paa. Dapat ay sumakay siya sa isa mga kamelyo para mas mapadali ang kanyang paglalakbay ngunit alam niyang pagbabawalan din siya ni Uwalhid, walang gusto ang Kapitan kundi ang pahirapan at isabotahe siya sa kanyang misyon.

Nagsimulang magliparan sa kanyang mga mata ang mga buhanging tinatangay ng mainit na hangin at siya ay napweng. Napansin niyang lumalakas na ang hangin habang lumalayo ang kanyang paglalakad. Ipinagpapalagay niyang ito na ang tinutukoy nilang bagyo ng buhangin.

Mas lalo pang tumindi ang hangin sa dulong Silangan ng Syl, tila bumabagyo na sa paligid pero imbes na ulan, buhangin ang nanalasa, at ito ay nagliparan sa kanya. Pakiramdam niya nalagyan na ng buhangin ang buong katawan niya. Wala na siyang maaninag sa paligid ng disyerto, sa lakas ng hangin, natatakpan na ng mga nagliliparang buhangin ang buong paligid. Naghihikahos na ang binatilyo ngunit wala pa rin siyang balak sumuko.

Kayanin mo, lilipas rin to...magpatuloy ka lang sa Silangan...

Kumikilos ang kanyang paa pasilangan ngunit siya ay dinadala ng hangin sa salungat na direksyon, napasigaw ang binatilyo habang nilalabanan ang pwersa ng kalikasan.

"Sa Silangan, dalhin mo ko sa Silangan!"

Sa kanyang pagkabigla, umabot sa sukdulan ang bagyo ng buhangin at tuluyan na siyang tinangay nito pataas sa direksyon ng Silangan gaya ng kanyang hinihiling. Nilamon siya ng ipo-ipo sa ere at siya ay napahiyaw sa pagkaligalig. Animo'y isa lamang siyang papel na tinangay ng hangin. Walang sinabi ang kanyang bigat sa ipo-ipo. Hindi niya alam kung nasaan na siya, kung titigil pa ba ang hangin o habang buhay na siya nitong tatangayin sa kawalan. Sumagi sa isip niya na sa panahong bumagsak siya sa kalupaan, isa na lang siyang bangkay.

Makalipas ang ilang minuto, unti-unting namatay ang hangin at siya ay bumagsak sa kalupaan na para bang siya ay niluwa nito. Naunang bumagsak ang kanyang ulo sa buhanganin. Natakpan ng buhangin ang kanyang mukha. Mahilo-hilo pa ang binatilyo sa sinapit. Inalis niya ang makakapal na buhangin sa kanyang mga mata upang maibsan ang hapdi nito.

Lumingon siya sa kanyang harapan at siya ay natulala sa kanyang nakita. Sa kanyang harap, bumati sa kanya ang mga kapunuan at halamang walang kasing berde. Pinunasan niya ulit ang kanyang mata, inaakala niyang namamalik-mata lamang siya at isang guni-guni lang ang lahat ngunit nang siya'y matapos sa pagpupunas, ito pa rin ang imaheng ipinakita sa kanya ng kanyang paningin. Tumingin siya sa kanyang likuran, ibang-iba ito sa nasa kanyang harapan, ito ay isang walang buhay na disyerto lamang.

"Nagkita na ang disyerto at ang gubat," napangiti si Aric. "Naririto na ko! Narating ko na ang Kasaganaan!"

Napabangon si Aric na may panibagong sigla at siya ay napatalon sa saya. Hindi na siya nagsayang pa ng oras at tumakbo siya papasok sa kagubatan.

Napakaganda ng Gubat ng Kasaganaan, walang binatbat ang mga kakahoyan sa Silangan. Pareho ito nang nakita niya sa kanyang panaginip, halos walang pinagkaiba. Sariwa ang simoy ng hangin, malulusog ang mga puno at halaman na sagana sa mga prutas at bulaklak. Maraming iba't-ibang uri ng mga ibong humuhuni, mga kunehong kumakain sa damuhan, mga tarsier na nakakapit sa kapunuan. Nakamamangha ang taglay nitong bighani at ganda.

"Kailangang mahanap ko kung saan dito naglulungga ang mga Tribo para makabalik ako agad at maibalita ko kay Uwalhid," plano ni Aric.

Habang siya ay naglilibot sa kagubatan, nakaramdam siya ng paghilab sa kanyang sikmura. Kumakalam na ito sa gutom. Matagal na siyang hindi kumakain at tanging tubig lamang ang laman ng kanyang tiyan.

"Gutom na ko, buti na lang at maraming makakain na prutas dito."

Mula sa mga kapunuan, bigla siyang nakarinig nang malalakas na kaluskos sa kagubatan, namataan niyang naglayuan ang mga kuneho at nagsiliparan papalayo ang mga nakadapong ibon. Ihinanda ni Aric ang kanyang sandata, kung sakaling mayroong mabangis na hayop sa kagubatan. Dahan-dahan siyang lumapit sa direksyon kung saan malakas ang paggalaw ng mga kapunuan.

"May tao ba dyan?" tanong ni Aric.

Biglang sumulpot ang isang dambuhalang mata at lumantad sa binatilyo ang isang nakagigimbal na nilalang. Isang higanteng butiki na may mukha ng buwaya ngunit higit na mas malaki.

Natigilan si Aric, nanlaki ang kanyang mga mata at napababa ang kanyang panga. Tumitig sa kanya ang halimaw, dahan-dahan itong bumaba sa damuhan gamit ang kanyang mahahabang kuko.

Hindi gumalaw ang binatilyo sa kanyang kinatatayuan, pinapakiramdaman ang kilos ng kakaibang hayop. Malumanay ang paggalaw nito, at sinabayan ito ni Aric. Papalapit sa kanya ang halimaw, malumanay niyang itinutok sa hayop ang kanyang espada bilang panakot. Hindi nagustuhan ng halimaw ang kanyang kilos at sa isang iglap, naglaho ang pagkakalmado nito. Sinugod siya nito kasabay ang isang nakaririnding ungol. Napalundag si Aric papalayo sa takot at siya ay nagsimulang tumakbo, hinabol siya ng halimaw. Tumaripas ang binatilyo sa abot ng kanyang makakakaya, makalayo lamang sa kapahamakan.

Dahil sa pagmamadali, hindi naalintana ni Aric kung saan siya tumatakbo at siya ay napatapak sa isang malagkit na putikan. Sinubukan niyang makaalis ngunit dumikit ang isa niyang bota sa putik.

Nasilayan niyang papalapit na ang halimaw sa kanya, napatalon na lamang ang binatilyo sa pagtatangka niyang makatakas at siya ay matagumpay na nakaalis sa putikan. Pinagpatuloy ni Aric ang pagtakbo para sa kanyang buhay, walang humpay rin ang halimaw sa paghabol sa kanyang biktima.

Naiwan ng binatilyo ang isa niyang bota na nakadikit sa putikan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro