Kabanata 3: Miya
-Kasaganaan-
Isang araw matapos maganap ang ang kaguluhan sa pagitan ng Tribong Myongan at Tribong Leon, abalang naglalaba si Miya at Myoris sa may sapa. Napakaaliwalas ng panahon, maganda ang sikat ng Haring Araw, tamang-tama para labhan ang kanilang mga tapis.
"Grabe pala yung nangyari kagabi," saad ni Myoris habang naglalaba, "kararating pa lamang ng mga Tribong Leon, nanggulo na agad sila. Buti na lang ang nandoon ka."
"Baka kung ano na ang ginawa nila sa dalawa kung hindi ako dumating," sagot ni Miya na may pagmamalaki sa kanyang tono. "Nararapat lang na maparusuhan sila. Pasalamat pa nga sila at pinababa ko ang parusa nila, gusto na nga sila patayin ni Lolo."
"Pero alam mo napahanga ako ni Datu Leyro kahapon," papuri ni Myoris.
"Paano mo naman nasabi?"
"Kahit na katribo nya ang mga salarin, hinayaan niya pa rin silang maparusahan ni Datu Mortho."
Napailing si Miya sa mga pahayag ng kaibigan.
"Palagay ko napilitan lang siya, ginawa niya lang yun para makuha ang loob ni Lolo. Alam niyang hindi lang ako ang dapat niyang ligawan, kundi pati ang Datu at ang buong Tribo. Hindi pa rin ako naniniwala sa mga ipinakita niya kagabi."
"Talagang ayaw mo talaga kay Datu Leyro," napagtanto ni Myoris, "kahit na matapang at matipuno siya."
"Magandang katangian pero hindi yan ang mga basehan ko."
"Ano ba talaga ang hinahanap mo sa isang lalaki?"
Natahimik si Miya na para bang maraming tumatakbo sa kanyang isipan ukol sa tanong ng kaibigan.
"Simple lang, yung maprinsipyo, may respeto sa mga babae at may mabuting puso. Yung katulad ko, na palaging handang tumulong at isipin ang kapakanan ng iba bago ang kanyang sarili. Yung kapag nagkatinginan kami sa mga mata, mararamdaman kong may ugnayan kami sa isa't-isa."
"Masyado naman mataas ang pangarap mong lalaki," natatawang saad ni Myoris, "baka naman sa ibang Lupain mo pa siya mahanap. Ang tanong, totoo bang may ganito pang mag lalaki o gaya lang siya ng mga bayaning napapakinggan natin sa mga alamat?"
"Totoo siya," paniniwala ni Miya, "nararamdaman ko, at balang araw magtatagpo rin ang aming mga landas."
"Paano na ang kagustuhan ng Lolo mo?" tanong ni Myoris. "Desidido siyang ipakasal ka kay Datu Leyro.
Bahagyang napaisip si Miya. Alam niyang magkakaroon siya ng problema aa oras na tanggihan niya ang kagustuhan ng mahal niyang lolo.
***
Pagkatapos ng kanilang paglalaba, bumalik ang dalawa sa kanilang kabayanan sa may dalampasigan. Malayo pa lang, napansin na ni Myoris na nakaabang si Datu Leyro malapit sa Kubo ng kaibigan.
"Tignan mo naman yan, ang aga-aga may nakaabang na sa'yo," pagtuturo ni Myoris.
"Myoris," may pagkayamot na pananaway ni Miya.
"Sige na at uuwi na muna ako," saad ng kanyang kaibigan. "Mag-usap na kayo."
Naglakad si Miya patungo sa kanyang kubo na halata ang pagkairita sa presensiya ng mayabang na Datu.
"Magandang araw, Miya," pagbati ni Leyro.
"Magandang araw, Datu," tuyot ang tono ni Miya.
"Maaga ka pa lang gumising kanina," sabi ng Datu.
"Naglaba kasi kami ni Myoris," ipinakita ni Miya ang mga basket ng damit na kanilang nilabhan.
"Para sa'yo nga pala," inabot ng Datu sa kanya ang ilang piraso ng mga bagong pitas na pulang rosas. "Sana magustuhan mo."
"Salamat," saad ni Miya, kahit sa totoo lang hindi niya nagugustuhan na pinipitas ang mga bulaklak. "Para saan nga pala to?"
"Pagbawi ko para sa perwisyong muntikan ng idulot sa'yo ng aking mga tauhan kagabi. Tungkol doon, sana ay kalimutan na natin ang nangyari. Sana hindi ang maliit na pangyayaring yun ang makasira sa samahan ng ating mga Tribo."
"Handa naman naming kalimutan ang paglapastangan ng Tribong Leon, basta siguraduhin nyo lang na hindi na ito mauulit."
"Nangako naman na ako kagabi di ba?" tanong ni Leyro.
Hindi nagustuhan ng dalagita ang aroganteng tono ng Datu.
"Hindi pa sa sapat ang pangako, kailangan makita namin na totoo ito sa kilos at diwa," paninindigan ni Miya.
"Makakaasa kayo," saad ni Leyro, "Miya, makakasama ka ba sa akin mamaya?"
"Saan naman tayo pupunta?"
"Uuwi muna kami sa aming Tribo para ibalita ang nangyari, nais kitang isama nang maipakilala ko na sa kanila ang napakagandang babaeng mapapangasawa ng kanilang Mahal na Datu."
Umakbay ang Datu sa maputing braso ng dalagita, pasimpleng lumayo si Miya sa kanyang pagkakahawak.
"Sa susunod na lang siguro," pagtanggi niya, "pag malapit na ang kasal."
"Ayaw mo pa ba ngayon?" Pamimilit ni Leyro. "Ipapakita ko rin sa'yo ang mga ulo ng mga mababangis na hayop na napaslang ko. Tiyak na hahanga ka sa angkin kong galing sa pangangaso."
"Hindi na talaga," malamig na sagot ni Miya, "kailangan ako ng mga Katribo ko dito."
"Miya, napapansin ko na hanggang ngayon naiilang ka pa rin sakin," paglalahad ni Leyro, "hindi ko pa rin makuha ang loob mo, sa kabila ng aking mga handog, mga matatamis na salita at ginawa kong sakrispisyo para sa yong tribo, nabawasan ako ng mga tauhan. Kung tutuusin maswerte ka at ikakasal ka sa isang Dakilang Datu, pinapangarap lang ito ng maraming mga babaeng Leonesa, pero bakit parang ako pa ang nanlilimos sa atensyon mo? "
"Siguro nga at naiiba ako sa mga babaeng Leonesa," direktang sagot ni Miya, "huwag na tayo maglokohan dito, Datu Leyro. Tama ang lahat ng sinabi mo, hindi mo pa rin ako nakukuha."
"Ano pa ba ang nararapat kong gawin para makuha ko ang loob mo?" desperadong tanong ng Datu. "Sabihin mo sa akin."
"Kapag sinabi ko sa'yo para bang tinuruan na kita kung paano mo maipapanalo ang larong ito," sambit ni Miya, "kailangan mong alamin sa iyong sarili kung ano ang nararapat mong gawin para makuha mo ang pagtanggap ko at ng buong Tribong Myongan."
"Pagbalik ko, patutunayan ko na ako ang nararapat para sa'yo. Walang masamang intensyon ang Tribong Leon sa inyong mga Myongan at makikita nyo rin na kailangan nyo rin kami. Paalam."
Umalis na ang Datu bago pa makasagot sa kanya ang dalagita.
Paalam, mas mabuti sana kung huwag na lang kayo bumalik.
***
Bago umuwi sa kanilang Tribo sa kabilang sulok ng Kasaganaan, nagpunta si Datu Leyro at ang kanyang mga tauhan sa Kubo ni Datu Mortho para magpaalam.
"Maraming salamat sa mainit na pagtanggap sa amin, Mahal na Datu," saad ni Leyro.
"Walang anuman, Datu Leyro, mayroon ka bang mga saloobin na nais mong sabihin sa akin bago kayo umuwi?" tanong ni Mortho.
"Tungkol lang kay Miya," saad ng Datu, "batid kong hindi niya pa rin ako gustong mapangasawa."
"Wag kang malumbay," paninigurado ni Mortho. "Ganyan talaga ang aking apo, mapili sa lalaki at di basta nagtitiwala. Di magtatagal makukuha mo rin ang puso niya, kailangan mo lang patunayan na karapat-dapat ka."
"Gagawin ko ang lahat para suyuin siya," sagot ni Leyro, "para sa ating mga Tribo. Paalam, Mahal na Datu."
"Paalam, mag-iingat kayo sa pag-uwi, hanggang sa inyong muling pagbabalik."
***
Sumapit ang gabi sa Lupain ng Kasaganaan, mahimbing na ang tulog ng buong tribo sa kanilang mga kubo sa dalampasigan. Magkatabing nahihimbing sina Marcio at Maahan, habang si Miya naman ay tulog na rin sa kanyang silid. Tila pangkaraniwan lamang ang gabing ito para sa kanila tulad ng mga araw na nagdaan, wala silang kaalam-alam sa mga mangyayari.
Nagsimulang maggalawan ang mga maliliit na bato sa dalampasigan, kasunod nito, nag-ugaan rin ang mga kapunuan, sa kagubatan, nagsimulang lumisan ang mga usa, kuneho at mga dagang gubat sa naramdaman nilang pagyanig sa kanilang mga lungga. Nagsimulang mabitak ang ilang kalupaan sa paligid.
Sa lakas ng pagyanig, namulat ang nahihimbing na kamalayan ni Miya. Pagkadilat niya, nasilayan niyang umuuga na ang bubungan ng kanilang kubo. Agad siyang bumangon at naramdaman niya sa kanyang mga paa ang matinding pag-alog ng kalupaan.
Lumilindol!
Nagmadali siya papunta sa kanyang mga magulang.
"Gumising kayo! Lumilindol!"
Nagulantang ang kanyang mga magulang nang sila'y magising at napansin nila ang malakas na pagyanig.
"Anong gagawin natin?" tanong ni Maahan.
"Lumabas na tayo ng kubo bago pa tayo tangayin ng alon!" Atas ni Marcio.
Pagkalabas nila ng bahay, nakasalubong nila si Datu Mortho na kalalabas lang rin mula sa kanyang Kubo. "Bilisan nyo na! Papalakas na ang alon!"
Nagsimulang tumakbo sina Miya at ang kanyang mga magulang papalayo. Nagsisilabasan na rin ang buong tribo sa utos ng Mahal na Datu. Tumaripas ng takbo ang mga Myongan palabas ng kanilang mga tahanan.
"Lumayo kayo sa dalampasigan! Delikado!" Paalala ni Mortho. "Alalayan ang mga bata at matatanda!"
Inakay ng kanilang mga magulang sina Mylka at Maoro at inalalayan naman ng mga kalalakihan ang mga matatanda kabilang na si Myam-Gaam-Ot.
Tumataas na ang alon sa lakas ng lindol at hinambalos nito ang ilang kubo. Nagpatuloy sa paglikas ang mga Myongan na nangangamba sa kanilang mga buhay. Sinigurado muna ni Mortho na nakalabas na ang lahat ng katribo bago siya tuluyang lumikas.
"Tulungan na po namin kayo!" Alok sa kanya ng mga kalalakihan.
"Huwag na!" pagmamataas ng Datu. "kaya ko ang sarili ko."
Gamit ang kanyang tungkod, tumakbo ang matandang Datu papalayo sa rumaragasang alon, dahil sa kanyang edad, hindi na siya makatakbo ng kasing tulin niya noong panahon ng kanyang kabataan at siya ay napapag-iwanan.
Lumingon si Miya at napansin niyang hindi na makakaabot ang Datu, nadapa ito sa may buhanginan, nagpasya ang dalagita na tulungan ang kanyang Lolo.
"Miya!" sigaw ni Marcio sa anak.
Tumakbo siya direksyon ng mga mababagsik na alon at tinulungan niya sa pagbangon ang kanyang Lolo.
"Miya, umalis ka na!" saad ni Mortho. "Pabayaan mo na ako!"
"Hindi ko po magagawa yun, Lo!" saad ni Miya. "Lilikas tayong lahat ng buhay, pati na ang Mahal na Datu!"
Matulin niyang inalalayan ang Lolo papalayo sa mga maladambuhalang alon. Narating nila ang bungad ng kagubatan bago pa man sila anurin ng nagambalang karagatan.
Ilang saglit lang, tumigil na ang pagyanig sa Kasaganaan at nagsimula na ring kumalma ang alon. Nagmasid ang lahat habang unti-unting bumabalik sa normal ang galaw ng tubig. Sa kabutihang palad, hindi na umabot sa sukdulan ang pagtaas ng alon at hindi nito nasira ang buong kabayanan kahit na may napatumba itong mga kubo. Umabot ng ilang minuto ang naganap na pagyanig.
"Ligtas ba ang lahat?" Paalala ni Datu Mortho sa lahat. "Siguraduhing magkakasama ang bawat pamilya!"
"Ama," niyakap ni Maahan ang Datu, "kala ko mawawala na kayo sa amin!"
"Ako rin," saad ni Mortho, "buti na lang at nandyan ang aking apo. Maraming salamat sa pagligtas sa akin."
"Handa po akong gawin ang lahat para sa inyo, Lo," niyakap ni Miya ang Datu.
***
Pagsapit ng bukang-liwayway, tinipon ni Mortho ang buong tribo.
"Amang Datu, paano kung umulit ang lindol?" tanong ni Marcio. "Magiging ligtas pa ba tayo dito sa dalampasigan?"
"Hindi ko alam, Marcio," may pagkabagabag na sagot ni Mortho. "Alang-alang sa kaligtasan nating lahat, napagpasyahan kong manatili muna tayong lahat sa may bungad ng kagubatan. Magsipaghanda tayo ng mga kahoy at kawayan, gagawa tayo ng pansamantalang masisilungan. Malakas ang alon dahil sa nangyaring paglindol, may mga nasirang kubo. Pagbalik natin sa dalampasigan, kailangan magtulong-tulong tayo sa pagsasaayos ng mga napinsala! Bubuuin ulit natin ang mga bahay sa lalong madaling panahon, at patutuluyin muna natin ang mga pamilyang nawalan ng tirahan sa ating mga kubo!"
"Anong masasabi niyo sa nangyari?" tanong ng Datu kay Myam-Gaam-Ot.
"Iba ang kutob ko dito!" nanginginig na saad ng matanda sa mga Myongan. "Tingin ko isa itong babala na maaaring may masamang mangyayari! May paparating na hindi natin inaasahan. Mag-ingat tayong lahat at magmatyag!"
Kinilabutan si Myoris at iba pang mga Katribo sa mga nakakatakot na pahiwatig ng matanda.
***
Kinahapunan, inatasan ng Datu ang dalawa sa kanyang mga tauhan na magsibak ng mga kawayan para sa gagawin nilang pansamantalang silungan. Marami-rami ang kawayang nahakot ng dalawa sa puso ng gulat at sila ay pabalik na sa may bungad.
"Tiyak na matutuwa sa atin ang Datu," saad ng unang Myongan.
"Oo nga, tara na at bilisan na na natin," tugon ng ikalawa.
Biglang natigilan ang dalawa sa paglalakad nang sila'y may makasalubong, malapit sa kanilang dinaraanan, naroroon ang isang leopardo. Nanlilisik ang tingin nito sa kanila, nakalabas ang kanyang mga pangil sa galit at ito'y nagsimulang umungol. Inilabas ng dalawa ang mga bolong ginamit sa pagpuputol ng kawayan at itinutok ito sa hayop para matakot ngunit wala itong epekto sa mabangis na animal.
Pumwesto ang leopardo, nakahanda ng dumamba sa dalawa. Mula sa halamanan sa likuran, isang mahabang bagay ang pumulupot sa paa ng leopardo at siya'y hinila nito
patungo sa halamanan na ikinagulat ng dalawa. Nagsimulang maghihiyaw ang animal na tila ito'y namimilipit sa sakit, nakarinig ang dalawa ng tunog na para bang may mga laman at butong kinakagat at ningunguya, matapos nito, isang kakaibang ungol ang dumagundong sa buong kagubatan. Hindi lamang ang dalawa ang nakarinig dito kundi pati na rin ang Buong Tribo. Natigilan si Miya sa kanyang narinig habang si Myam-Gaam-Ot naman ay napadasal sa Inang Kalikasan.
Nasisiguro ng dalawang Myongan na hindi ito galing sa leopardo sapagkat may kahabaan at katinisan ang ungol. Nagtungo sila malapit sa halaman at sinilip kung ano ang nangyayari, halos lumuwa ang mata ng dalawa sa kanilang nasaksihan, nabitawan ng dalawa ang mga bitbit nilang mga kawayan at sila'y tumakbo na walang kasing tulin pabalik sa bungad ng kagubatan. Namataan ng Datu ang dalawa habang tumatakbo.
"Anong nangyari?"
"May Halimaw!" Hiyaw ng lalaki. "May halimaw sa Gubat!"
"Kailangan na natin umalis dito!" anunsyo ng ikalawa.
"Sandali lang, huminahon kayo!" pinakalma ng Datu ang dalawa. "Ano bang nakita nyo? Ilarawan nyo sakin!"
"Hindi namin nakita ang buong katawan pero alam namin na malaki siya! Napakalaki ng bunganga niya!"
"At nakapaktulis ng mga pangil!" dagdag ng isa.
"Para siyang buwaya pero sobrang laki! Nagkasya sa bibig niya yung katawan ng leaopardo! Kitang-kita namin kung paano niya ito kinain!"
Nangilabot sa takot ang Matandang Datu at naramdaman niya ang malakas na kabog sa kanyang dibdib na minsan na niyang naranasan.
***
Nagtungo ang Datu kasama sina Marcio, Myam-Gaam-Ot at ang iba pang kalalakihan sa pinangyarihan ng insidente. Nakita nila ang gutay-gutay na katawan ng leopardo pati na rin ang kanyang mga pira-pirasong mga buto. Tanging balat at buto na lang ang natira sa mabagsik na hayop.
"Nabiktima niya ang leopardo," saad ni Myam-Gaam-Ot.
"Pero kahit kailan hindi pa naging biktima ang isang mabagsik na hayop gaya ng leopardo," saad ni Marcio, "ibig sabihin isa talagang halimaw ang may gawa nito!"
"Mahal na Datu!" pagtawag ng mga kalalakihan.
Itinuro nila ang mga bakas ng mga paa at kuko na may kalakihan. Kung ito ay kanilang susundan, mararating nila ang kinaroroonan ng nasabing halimaw.
"Iisa lang ang maaaring gumawa nito," nagigimbal na sinabi ng Datu Mortho. "Isang Buktot!"
***
Pagkabalik ng tatlo, sinalubong sila Miya at Maahan na nag-aabang na sa kanilang mga balita.
"Kamusta ang paglilibot nyo sa gubat?" tanong ni Maahan, "totoo ba ang sinasabi nila na may halimaw?"
"Maahan, Miya, makinig kayo sa amin," tugon ni Marcio sa kanila, "mayroon kaming masamang balita pero huwag nyo muna sasabihin sa iba."
"Ano yun, Ama?" tanong ni Miya.
"Totoong may halimaw na nakita ang dalawa nating katribo," paglalahad niya.
"Ano?" sabay na tanong ng mag-ina sa pagkabigla.
"Ang Buktot," Sambit ni Datu Mortho.
"Ano ang Buktot?" ngayon lang narinig ni Miya ang salitang ito.
"Ang Buktot ay isang halimaw ng sinaunang panahon, namuhay sila sa Silangan ilang milyong taon na ang nakakaraan. Mayroon silang mahahabang katawan at buntot, malalakas ang kanilang mga paa, matalas ang kanilang mga kuko, sing tigas ng bato ang makaliskis nilang balat, malaki ang kanilang mga bunganga at matutulis ang kanilang mga pangil!"
"Parang isang Buwaya?" pagpapalagay ni Miya.
"Hindi Miya," pagtatama ni Mortho, "Siya ang buwaya ng mga buwaya! Higit siyang mas malaki at mas mabagsik! Gaya ng isang butiki, humahaba ang kanyang malalagkit na dila at ginagamit niya ito para mabitag ang kanyang biktima, sa oras na mayroong itong mahuli, hihilahin na niya pabalik ang kanyang dila at dudurugin na niya ang kanyang huli gamit ang kanyang matatalas na ngipin."
"Paano niyo po nalaman ang tungkol dito?" Pag-usisa ng kanyang apo.
"Dahil minsan na kaming nagkasagupaan," pagbubunyag ng Datu. "Noong bago pa lang kami sa Kasaganaan, nagtungo kami sa isang liblib ng kweba para magtuklas, sa aming pagkagimbal, nilusob kami ng mabagsik na halimaw na ito! Akala namin matagal na silang nalipol ngunit mayroon pa palang natira sa kanila. Nang kami ay manlaban, napatay niya ang lahat ng kasama ko at nahuli ako gamit ng kanyang malagkit na dila, kakainin na sana niya ako pero hinablot ko ang aking sinabat, sinubukan ko siyang saksakin sa katawan pero hindi tinatablan ang makapal niyang kaliskis, kaya sa mata ko na lamang siya tinusok, ito ang kahinaan niya. Namilipit siya sa sakit at nabulag ang isa niyang mata. Nakawala ako at hinabol niya ko palabas ng kweba. Umuulan ng araw na iyon, kumidlat ng walang kasing lakas malapit sa kweba, nabitak ang malaking bato at nabagsakan ang daanan palabas ng kweba. Buti na lang at nakalabas ako agad bago pa gumuho ang bato, at ang Buktot na lang ang naiwan sa loob ng madilim na kweba. Mula noon hindi ko na siya nakita."
"Sa tingin nyo ba siya rin ang mismong Buktot na kumain sa leopardo?" tanong ni Miya.
"Hindi ko alam, ang tanging paraan lang para malaman ito ay kung makikita ko mismo ang Buktot," saad ni Mortho. "Matagal na panahon na iyon, Miya. Wala ka pa rito nang maganap ang lahat."
"Kung siya nga ang halimaw na iyon, paano siya nabuhay ng ganitong katagal sa kweba ng walang pagkain o tubig?" tanong ni Maahan. "Hindi ba siya nagutom o nauhaw?"
"May mga kwento ang aming mga ninuno tungkol sa Buktot," paglalahad ni Myam-Gaam-Ot,"sinasabi nilang kapag walang makain ang Buktot, kaya nitong iligtas ang kanyang sarili sa pagkagutom, matutulog lamang ito sa loob ng mahabang panahon, kahit ilang taon pa ang abutin. Malamang ito lang ginawa niya sa kweba. Sinasabi rin nila na magigising lamang ang Buktot kapag nagambala ito ng isang delubyo, maaaring isang bagyo, kidlat o-"
"Lindol," pagtatapos ni Miya, napaisip ang dalagita, "nagsimula lamang ang pagsulpot ng Buktot mula ng lumindol. Hindi kaya ito ang gumising sa kanya?"
"May punto ka, Miya," sumang-ayon si Myam-Gaam-Ot, "posibleng nagising ang Buktot sa lakas ng lindol."
"Iisa lang ang paraan para malaman natin," may naisip na ideya ang Datu.
***
Nagtungo si Mortho, Marcio, Myam-Gaam-Ot at Miya sa kweba kung saan sila nagkalaban ng halimaw. Pagkarating nila, bumungad sa kanila ang bukas na daanan papasok ng kweba, nagkapira-piraso na ang batong gumuho sa tapat nito.
"Nasira ng lindol ang bato, kaya nakalabas ang Buktot," saad ni Marcio.
"O baka ang Buktot mismo ang nangahas na sirain ang bato para siya ay makalaya sa kanyang pagkakakulong," tugon ni Myam-Gaam-Ot
Nakita nila ang mga bakas ng mga paa na nagmula pa sa loob ng kweba. Kumpirmado ng ang Buktot na nakalaban ng Datu ay ang halimaw na namiminsala ngayon sa Gubat ng Kasaganaan.
"Kailangan nating bigyang babala ang lahat," saad ni Datu Mortho.
***
Mabilis pa sa alas-kwatro, muling nagpatawag ng pagpupulong ang Mahal na Datu para sa lahat ng kanyang mga katribo, nagkumpulan ang lahat sa bungad ng Kagubatan para pakinggan kung ano man ang kanyang ipapaalam.
"Mga katribo, kahapon lang ginambala tayo ng isang sakuna at kinailangan nating lumipat ng tahanan pansamantala, ngunit hindi roon nagtatapos ang ating mga suliranin."
Nagsimulang mag-alala ang karamihan sa mga Tribong Myongan.
"Kanina, napag-alaman namin na nagbalik ang isang matinding banta sa ating kaligtasan. Muling nagbalik ang dati kong kalaban. Ang walang sing bagsik na halimaw. Ang Buktot!"
Kinilabutan ang mga Myongan nang marinig ang salitang ito mula sa kanilang Pinuno.
"Ano ng gagawin natin!"
"Mamamatay na ba tayo?" tanong ng ilan.
"Mga Katribo, huwag tayo mag-alala, lubhang mapanganib man ngayon ang ating kalagayan dahil sa Buktot, makakaya nating makaligtas basta tayo ay mag-iingat. Hindi alam ng Buktot ang dalampasigan, hindi pa niya ito nararating, sa pagkakaalam ko. Mas makakabuti siguro kung tayong lahat ay bumalik na sa ating dating tahanan kung saan tayo ay mas ligtas. Batid kong may banta pa rin ng lindol ngunit hindi ko itataya ang inyong mga buhay sa pananatili sa kagubatan, lalo na ngayon at naroroon ang isang nakagigimbal na halimaw. Minsan lang lumindol, ang Buktot ay palaging nasa gubat. Mas kampante ako kung tayo ay mananatili sa ating mga tirahan."
Sumang-ayon ang mga Myongan sa panukala ni Datu Mortho. Wala nang mas ligtas na lugar para sa kanila kundi ang kanilang mga kubo sa dalampasigan.
"Magpapatupad din ako ng paghihigpit sa ating pamayanan," pagpapatuloy ng Datu. "Napakalakas at napakabagsik ng kalaban, kaya niyang lamunin ang isang buong leopardo, paano pa kaya ang ating mga kababaihan at mga bata. Matagal na panahon siyang hindi kumain at sigurado akong sabik na sabik na siyang lumamon ng sariwang karne."
Natakot sina Maoro at Mylka sa sinabi ng Datu at sila ay napakapit ng mahigpit sa kanilang ina.
"Mula ngayon hindi muna maaaring magtungo ng kagubatan ang mga kababaihan at ang mga bata, tanging ang mga kalalakihan lamang na marunong makidigma ang maaaring pumunta roon. Susubukan naming hulihi at patayin ang Buktot nang matapos na ang paghahasik niya ng lagim."
Napaisip si Miya sa desisyon ng kanyang lolo sapagkat isa siya sa madalas na pumunta sa Gubat.
Ibig sabihin ba nito, di na rin ako pwedeng lumabas? Kahit na marunong rin akong makidigma? Pagbabawalan rin kaya nila ako?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro