Kabanata 3: Graison
-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-
Nananatiling nakakubli sa ilalim ng higaan ang Mahiwagang Pisara ng Yelo, hindi lamang ito ang nananatili sa magarbong silid sa Palasyo, maging si Prinsipe Graison ay walang kagalaw-galaw na nakahiga sa kanyang kama, ilang araw na ang nakalipas mula nang siya'y mapagtaasan ng boses ng kanyang Ama, ngunit hanggang ngayon ay dinaramdam pa rin niya ang mga pangyayari. Kahit ang mga bagay na kinahihiligan at pinaglilibangan niya ay wala na ring puwang sa kanya ngayon. Wala siyang ganang magbasa, magpinta at makipag-sosyo sa kanilang mga panauhin mula sa Ossig. Ikinabahala ito ng Emperatris habang ang Emperador naman ay walang pakialam.
Ika-8 ng umaga, nagtungo ang Tagapag-alagang si Edina sa silid ng Prinsipe, "Anak dinalhan kita ng almusal. Kainin mo na habang mainit pa."
"Maraming salamat po, pero hindi pa po ako gutom," saad ni Graison na may matamlay na tinig.
"Iwan ko na lang dito sa mesa, kainin mo pag nagutom ka na," ipinatong ni Edina ang pagkain sa may mesa malapit sa kama ni Graison.
Bahagyang napangiti si Graison sa kanya bago siya iwanan ni Edina sa kanyang silid. Malapit sa may silid ng Prinsipe, nag-aabang si Grasiela ng balita mula sa katulong. Hindi siya mapakali sa nangyayari sa anak.
"Kamusta na siya?" Tanong niya kay Edina.
"Ayun, malungkot pa rin, wala pang ganang kumain," paliwanag ng Tagapag-alaga, "nakahiga lang sa kanyang kama."
"Ano kaya ang magagawa natin para mapasaya siya?"
"Tingin ko hindi tayo ang makakapagpasaya sa Mahal na Prinsipe ngayon," palagay ni Edina.
"Sino?" Pag-usisa ni Grasiela.
"Isang kaibigan," paglalahad ng katulong.
***
Nagtungo ang Emperatris sa Silid ng kanilang mga panauhin, gising na si Osylla at kasalukuyan niyang sinusuklay ang kanyang mapuputing buhok habang siya'y humuhuni sa may salamin. Pumasok si Grasiela nang palihim at lumapit sa dalagita.
"Tunay ngang napakaganda mo, Osylla," papuri niya.
"Kamahalan," may pagkagulat na pagbati ni Osylla, "magandang umaga po."
Agad siyang yumuko sa presensya ng Emperatris bilang paggalang.
"Magandang umaga rin," saad ni Grasiela, "kanina ka pa ba gising?"
"Mga kalahating oras na po," nahihiyang sagot ni Osylla.
"Alam mo, pinagmasdan ko kayo ng aking anak sa sayawan," pagpapatuloy ni Grasiela, "nakakatuwa kayong panoorin, bagay na bagay kayo ni Graison."
Bahagyang namula ang malaporselanang pisngi ni Osylla sa papuri ng Emperatris.
"Talaga po?"
"Oo naman, kung magkakaroon ng kabiyak si Graison balang araw, nanaisin kong kagaya mo siya."
"Maraming salamat po," tugon ni Osylla.
"Osylla, hihingi sana ako ng pabor sa iyo, kung iyong mamarapatin," hindi na nagpaligoy-ligoy pa ang Emperatris.
"Ano pong maitutulong ko, kamahalan?"
"Tungkol ito kay Graison," paglalahad ni Grasiela, "malungkot kasi siya nitong mga nakaraang araw."
"Napansin ko nga po," pagbubunyag ni Osylla, "bihira ko siyang makita at makausap, ano po bang nangyari?"
"Napagalitan kasi siya ng Emperador dahil sinuway niya ang isa mga alituntunin niya rito sa Palasyo, hindi ko naman siya masisisi, dala lang siguro ng pagtuklas. Mula noon, palagi na siyang nag-iisa sa kanyang silid, nakahiga at walang ganang kumain o humarap sa kahit na sino."
"Nais nyo po bang tulungan ko kayong magkaayos sila ng Emperador?" Palagay ng dalagita. "Tutulong po ako."
"Hindi," saad ni Grasiela, "ayoko namang idamay ka sa problema ng aming pamilya, ako na ang bahala doon, pero may isang bagay kang magagawa para makatulong."
"Ano po iyon?"
"Ang pasayahin ang Prinsipe, kailangan niya ng kaibigan ngayon at alam kong ikaw ang makakapagpasaya sa kanya."
"Ako na po ang bahala, Emperatris Grasiela, tutulungan ko po si Grai," paninigurado ng binibini.
"Maraming salamat," hinawakan ng Emperatris ang makinis na palad ng dalagita. "Sabi ko nga ba maaasahan kita."
***
Pagsapit ng ika-3 ng hapon, nakarinig si Graison ng pagkatok mula sa kanyang silid, napahawak siya sa kanyang unan at pinangtakip ito sa kanyang mukha.
"Pasok," may pagkairita niyang sinambit.
Bumukas ang pinto at sa kanyang pagkagulat, si Osylla ang kanyang nakita, akala niya ay ang kanyang Ina at si Aling Edina lamang ito.
"Osylla," malumanay niyang pagbati, "anong ginagawa mo rito?"
"Binibisita lang kita," tugon ni Osylla. "Hindi na kasi tayo nakapag-usap mula noong selebrasyon."
Nagmasid siya sa silid ng Prinsipe, nakita niyang hindi pa ginagalaw ng Prinsipe ang pagkaing ihinanda ni Edina sa kanya.
"Kamusta ka naman?" tanong ng dalagita.
"Mainam naman," ito ang isinagot ng Prinsipe sa kanya.
Napansin ni Osylla ang malaking estante na may mga libro, pisara at mga kagamitang pampinta.
"Ang sabi nila bukod sa pagpipinta, mahilig ka ring magbasa ng mga libro. Nabasa mo na ba lahat?"
"Hindi pa," sagot ni Graison, "may ilan pa kong hindi pa natatapos."
"Gusto mo ba basahin natin ngayon?" Tanong ni Osylla.
"Osylla, pasensya ka na pero wala kasi ako sa kondisyon magbasa ngayon," saad niya. "Hindi kasi maganda ang gising ko. Huwag mo sanang masamain ngunit nais ko munang mapag-isa ngayon."
Naglaho ang ngiti sa mga mukha ni Osylla. Napansin niya ang matabang na pakikitungo sa kanya ng Prinsipe, taliwas noong una silang nagkita."
"Sigurado ka ba na hindi mo kailangan ng kaibigan?" tanong niya. "Nandito ako."
"Salamat na lang, Osylla,"saad ni Graison, "sa malasakit."
"May problema ka, tama ba ako?"
Tumango si Graison, "pero ayoko munang pag-usapan ngayon."
"Ayos lang, hindi mo naman kailangang sabihin sa akin," saad niya, "minsan may mga problema rin ako, may mga panahong nalulungkot rin ako, gayunpaman, nakakahanap ako ng paraan para sumaya. May mga bagay akong pinagkakaabalahan na nagpapasaya sa akin. Gusto mo bang subukan? Malay mo makatulong sa'yo at mapawi rin kung ano man ang dinadamdam mo."
Napaisip si Graison sa alok ng dalagita. Iilang araw na siyang nagmumukmok sa kanyang silid at nanlalambot na rin ang katawan niya sa kama.
***
Isinama ni Osylla si Graison sa may bakuran kung saan nakaabang na ang dalawa sa mga kabayo ng Palasyo.
"Ano ba talagang gagawin natin, Osylla?" tanong ni Graison.
Bago pa sabihin sa kanya ng dalagita ang kanyang pakay, ginulat niya ang Prinsipe nang siya'y sumakay sa kabayo na kasing tulin ng isang kawal na makikipagdigma.
"Magkakarera tayo," saad ni Osylla, "sabihin mo lang kung saan, paunahan tayong makarating."
"Ano?" Naguluhan si Graison. "Hindi mo ba alam na hindi ako maaaring basta-basta na lang lumabas ng Palasyo at kahit gusto ko pa, kailangan ko munang magpaalam."
"Hindi na kailangan, bata," saad ni Talas mula sa kanyang likuran, "areglado na ang lahat, ito."
Ihinagis niya kay Graison ang susi sa bakuran palabas ng Gubat ng Cen at ito ay sinalo ng Prinsipe.
"Tiyo Talas, anong ibig sabihin nito?"
"Ayos na, pwede na kayong lumabas, alam na ito ng Ina mo," paglalahad ni Talas. "Basta huwag lang kayong papagabi masyado, tangina kung hindi lang namilit si Grasiela, hindi ko kayo papayagang lumabas."
"Salamat," masayang sambit ni Graison. "Wala talagang katulad ang pinakamahusay na Kawal sa Buong Lupain."
"Puta, nambola ka pa," sagot ni Talas, "utang mo sa akin to, bata. Siguraduhin nyo lang na huwag na huwag kayong papahuli lalo na dun sa gagong Kapitan. Hindi ito alam ng Emperador. Atin-atin lang to, sige una na ko."
Paglisan ni Talas, napangiti si Osylla kay Graison, "may susi na tayo, saan mo na gusto pumunta?"
Napaisip si Graison sa mga lugar na napuntahan na niya sa Sentralisadong Imperyo, hindi ito karamihan ngunit may ilang tumatak sa kanya.
"Magtungo tayo sa Silanganang bayan, sa may bungad mayroon doong isang bakanteng lote na may mga damuhan, doon tayo magpaligsahan."
"Sige, gusto ko iyan," malumanay na saad ni Osylla.
Binuksan ni Graison ang pinto palabas ng bakuran, sumakay siya sa kanyang kabayo at pinatakbo nila ito patungo sa Gubat ng Cen.
Nagsimula ang kanilang pangangarera sa masukal na gubat. Matapos malagpasan ang ilang malulubak at mababatong daanan na puno ng kumunoy, nagtungo sila palabas ng Cen patungo sa direksyon na Silangan. Makalipas ang ilang minuto nadaanan ni Graison ang malalawak na dingding ng Palasyo, napansin niyang nauuna siya kay Osylla sa kanilang karera.
"Humabol ka naman, Osylla," pagbibiro ni Graison, "masyado itong madali sa akin!"
"Madali pala?" saad ni Osylla, "gusto mo pakita ko sa'yo kung ano ang madali!"
Nagpatuloy sa kanilang paligsahan ang dalawang magkaibigan. Nadaanan nila ang mga kabayanan, abala ang mga Cenpyero sa kanilang mga buhay. Ang iba ay nagtitinda at naghahakot ng mga ani at bariles ng alak. Namangha ang karamihan nang tumaripas ng takbo ang dalawang kabayo sa pagitan kanilang mga daan. Hindi araw-araw nakikita nilang nakikipagkarera ang Prinsipe ng Imperyong Cenpyre.
Kahit na maraming nakaharang sa paligid ng abalang kabayanan, napanatili ni Graison ang bilis ng kanyang kabayo, lumingon siya sa may likuran at hindi na niya mamataan kung nasaan na si Osylla.
Suko na siguro siya.
Naging kampante na ang Prinsipe sa pagpapatakbo sa kanyang kabayo, kumpiyansang mananalo sa kanilang laro nang biglang tumalon ang kabayo ni Osylla palagpas sa kanila. Napanganga si Graison sa pagkamangha. Naunahan na siya ng dalagita sa kanilang karera patungo sa Silanganang Bayan.
"Bilisan mo Grai, matatalo na kita," pag-udyok ni Osylla.
"Hyah!" Pinabilis ni Graison ang pagpapatakbo sa kanyang kabayo ngunit kahit anong tulin nito, hindi na niya magawang maunahan si Osylla sa kanilang tunggalian na nalalapit na sa pagtatapos.
Narating na nila ang Silanganang Bayan at namataan na ng dalagita ang bakanteng lote sa bungad ng bayan gaya ng inilarawan ni Graison. Gamit ang kabesada, pinahinto niya ang kabayo at siya'y bumaba.
Hinintay niya nang ilang minuto si Graison bago niya marating ang pagtatapos ng kanilang karera.
"Panalo ako," pagmamalaki ng dalagita.
"Natsambahan mo lang ako," sabi ni Graison.
"Anong masasabi mo?" tanong ni Osylla.
"Tama ka," pagsang-ayon ni Graison, "kahit papaano napawi ang problema ko. Ang sarap pala mangarera."
"Sinabi mo pa," saad ni Osylla, pagkatapos napalingon ang dalagita sa paligid. Malawak ang bakanteng lote, tumubo na ang malalagong damuhan sa dati ay isang palayan.Para bang mayroong isang batuhang nagmula sa istatwa ngunit ito ay wasak-wasak na.
"Bakit mo nga pala naisipang dito pumunta?" tanong ni Osylla.
"Hindi ko alam kung bakit pero pakiramdam ko, may kabuluhan sa akin ang lugar na ito," saad ni Graison.
Lingid sa Prinsipe, ito ang dating tirahan ng yumao niyang Lola na si Drella at ng kanyang mga magulang na ginawang handog ni Emperador Costan para sa kanilang alaala, noong maupo na si Fierro bilang Emperador, ipinagiba niya ang istatwa ng pamilya ng dating Emperador, mula noon nanatili ng bakante ang espasyong ito sa Silanganang Bayan.
"Tamang-tama, malapit nang lumubog ang araw," saad ni Graison, "masarap maupo sa may damuhan at magtanaw."
Pumwesto si Graison sa may damuhan at siya ay sinamahan ni Osylla.
"Hindi ko alam na magaling ka pala mangabayo," saad ni Graison. "Nagulat talaga ako nung natalo mo ko kanina."
"Ganun talaga, sanay akong mangarera," sagot ni Osylla
Tinignan ni Graison ang dalagita na may pagtataka sa kanyang ekspresyon.
"Bakit?" natatawang tanong ni Osylla. "May muta ba ko?"
"Wala," sagot ni Graison, "ngayon lang kasi ako nakakilala ng isang binibining marunong mangabayo at malayang nakakalabas. Sino ang nagturo sa'yo?"
"Si Ama," paglalahad ni Osylla, "tinuruan niya akong sumakay ng kabayo noong sampung taon pa lang ako, lahat ng alam ko, natutunan ko sa kanya, hinayaan niya kong magtuklas at tumayo sa sarili kong mga paa, maikli lang buhay sabi niya nung namatay si Ina, kaya hinahayaan niya lang akong maging malaya na gawin ang gusto ko, kung ano ang nagpapasaya sa akin."
"Maswerte ka pala kay Panginoong Ocillo," saad ni Graison. "Mabuti siyang Ama."
"Bakit mo naman nasabi yan?" pagtataka ni Osylla. "Maswerte ka nga rin at ang Mataas na Emperador ang iyong Ama."
"Siya ang Ama ko, pero kung ituring niya ko, parang hindi niya ko anak," pagbabahagi ni Graison, "wala kaming koneksyon sa isa't-isa, mula nung bata ako... Hindi niya ko tinuruang mangabayo, o magpana. Ang lahat ng alam ko sa pakikipaglaban, natutunan ko lang kay Tiyo Talas. Kahit kailan, hindi siya nagkaroon ng oras para sakin."
"Baka naman abala lang siya sa pamumuno ng Imperyo," tugon ni Oyslla, "Sigurado akong mahal ka niya, wala namang magulang na hindi mahal ang anak nila. Alam mo mas maswerte ka pa nga sa akin."
"Bakit naman?"
"May Ama at Ina ka pa, kumpleto pa ang lahat sa buhay mo, hindi tulad ko, wala na ang aking Ina, yun ang dahilan kung bakit ako nalulungkot, naiisip ko mas masaya siguro ako kung nandito pa siya. Sa kabila ng lahat, nananatili pa ring positibo ang pananaw ko. Kaysa isipin ang mga bagay na wala sa akin, iniisip ko na lang kung ano ang mga mayroon ako ngayon. Kaya ikaw, kung ano man ang bumabagabag sa'yo, maaayos mo rin yan, palagi mo lang tatandaan na mayroon kang kaibigan."
Hinawakan ni Graison ang kamay ng dalagita, "Osylla..."
"Ano yun, Grai?" nag-aabang sa kanyang sagot ang kababata.
"Masaya ako na kasama kita ngayon," pagpapatuloy ni Graison.
Sumigla ang ngiti sa mga labi ni Osylla at kumutitap sa tuwa ang kanyang mga mata. Isinandal niya ang kanyang ulo sa balikat ng Prinsipe at sabay nilang tinanaw ang paglubog ng araw.
Tama ka, Osylla hindi dapat ako magambala, kumpleto ang lahat sa buhay ko pero bakit parang ang dami pa ring kulang na piraso?
***
Kinagabihan, sabay-sabay na nagtungo sa Hapag-Kainan ang Emperador, Emperatris at si Panginoong Ocillo. Nakahain na ang lahat ng mga putaheng ipinaluto ni Fierro para sa mga panauhin, nakahanda na ang lahat. Ang kulang na lamang ay si Prinsipe Graison at si Osylla.
"Panginoong Ocillo, nasaan ang iyong anak?" tanong ni Fierro.
"Sabi ni Zusan ay wala siya sa kanyang silid, siguro ay naglibot-libot lang siya sa paligid," saad ni Ocillo, "Kamahalan, nasaan rin si Prinsipe Graison? Hindi ba siya sasabay sa atin? Pansin ko hindi ko siya madalas makita."
Sumama ang mukha ni Fierro nang maalala niya ang kinamumuhiang anak-anakan. Sumenyas ito sa isang katiwala para tawagin ang Prinsipe. Maya-maya ay bumalik ang katiwala para magbigay ng ulat sa Emperador.
"Wala ang Mahal na Prinsipe sa kanyang silid, at hindi rin siya mahanap ng iba pang katiwala sa Palasyo."
"Sige, salamat sa pagpapaalam," tugon ni Fierro.
"Aba tignan mo nga naman, wala ang aking anak at wala rin ang Mahal na Prinsipe, di kaya magkasama ang dalawa?" palagay ni Panginoong Ocillo na may ngiti sa kanyang mga labi.
Hindi maipagtapat ng Emperatris kay Panginoong Ocillo na alam niya ang ginawang pamamasyal ng dalawang magkaibigan. Ayaw niyang malaman ni Fierro na kinausap niya si Osylla, baka magtalo lang sila sa harap ng Panginoon.
"Pasensya na Panginoong Ocillo kung magkasama nga silang dalawa," saad ng Emperador, "hindi nakapagpaalam sa akin si Graison, baka nag-aalala ka na kay Osylla."
"Naku, wala iyon, Kamahalan," paninigurado ni Panginoong Ocillo, "kahit sa Ossig pinapayagan ko talagang maglibang si Osylla sa labas ng aming kastilyo. Matatag ang aking anak, hindi siya basta-basta mapapahamak. Isa pa kasama naman niya si Prinsipe Graison."
Napangiti ang Emperador, pagkatapos, isang masamang tingin ang ibinigay niya sa kanyang Kapitan na si Malko. Nilisan ng Kawal ang silid, tila alam na ang kagustuhan ng Emperador base sa kanyang senyas.
Ilang minuto lang, nakarinig sila ng mga tinig at tawanan patungo sa Hapag-Kainan, nakauwi na si Graison at Osylla mula sa kanilang pamamasyal, masayang nagkukwentuhan ang dalawa tungkol sa kanilang tunggalian.
"Mas magaling talaga ako kaysa sa'yo," saad ni Osylla.
"Tignan mo sa susunod, mauunahan na talaga kita," natatawang sambit ni Graison.
Hindi nagtagal, napansin nilang nakatitig na sa kanila ang Emperador at ang Panginoon. Nanahimik ang dalawa at nagseryoso patungo sa kanilang mga upuan. Umupo si Osylla sa tabi ng kanyang Ama at si Graison naman sa tabi ng Emperatris.
"Saan kayo nanggaling?" diretsang tinanong ni Fierro kay Graison.
Nagkalingunan si Graison at Osylla sa isa't-isa, nag-iisip ng isasagot sa Emperador.
"Niyaya ko po si Prinsipe Grai na mamasyal sa labas," saad ni Osylla sa Emperador, "paumahin po kung hindi kami nakapagpaalam."
"Wala yun, iha," umaliwalas ang aura ng Emperador sa sagot ng dalagita, "nagagalak ako at nakapamasyal kayo, sa susunod lang huwag kayong mahihiyang magpaalam sa akin."
"Opo, Ama," hindi pa rin magawang tignan ni Fierro sa mga mata ang Emperador.
"Saan naman kayo namasyal?" pag-usisa ni Ocillo.
"Sa Silanganang bayan po," masiglang pagkukuwento ni Graison, "nangarera kami ng mga kabayo. Ang galing po pala ni Osylla, natalo niya ko sa karera."
"Aba syempre," piningot ni Ocillo ang pisngi ng anak, "natuto yan sa pinakamagaling."
"Ama naman," nahihiyang sinaway ni Osylla ang Panginoon.
"Ngayong kumpleto na tayong lahat, tara na at kumain na tayo," alok ng Emperador.
Muling nagkasulyapan si Graison at Osylla bago sila kumain ng hapunan. Masaya si Emperatris sa kinahinatnan ng lahat.
***
Sa may bakuran, hinahasa ni Talas ang kanyang espada nang siya'y makita ng Kapitan.
"Hoy Talas!"
"Kapitan!" Tumayo si Talas at sumaludo kay Malko. Napansin niyang nakahambalos ang mukha nito sa kanya. "Mukhang masama na naman ang timpla mo."
"Sabihin mo nga sa akin? Paano nakalabas ang mga bata ng Palasyo e nakabantay ang mga guwardiya ko?" tanong ni Malko. "Maliban na lang kung sa pintuan ng bakuran sila lumabas. Nasa iyo ang susi palabas ng Gubat ng Cen, ikaw ba ang nagpalabas sa kanila?"
"Ako nga," pag-amin ni Talas. "Ibinigay ko sa Prinsipe ang susi palabas ng bakuran."
"At bakit mo pinalabas ang Prinsipe ng walang paalam sa Emperador, hindi naman ikaw ang kanyang Ama! Dahil sa pangungunsinti mo sa Prinsipe, ako ang nalilintikan sa Emperador. Gusto mo ba talaga akong isabotahe?"
"Tangina naman para pag-isipan mo ko ng masama, walang mali sa ginawa ako," paliwanag ni Talas, "may pahintulot ng Emperatris ang paglabas nila. Wala naman sigurong problema dun?"
"Yan ka na naman, dyan ka lang magaling! Porket pinsan ka ng Emperatris, nagagamit mo siya para makapagdahilan. Huwag na tayong maglokohan dito, Talas. Batid nating hindi natin gusto ang isa't-isa. Hindi ko alam bakit naging Kawal ng Imperyo ang isang Taga-Silangang tulad mo, Kung hindi ka lang niya kamag-anak, wala ka sana sa kinalalagyan mo ngayon!"
"Kung hindi ka lang rin sipsip sa Emperador, hindi rin sana ikaw ang Kapitan ngayon," bulong ni Talas sa kanyang sarili.
"Anong sinabi mo?"
"Wala, wala," sambit ni Talas.
"Sa susunod kailangang hindi lang ang Emperatris ang dapat nakakaalam sa mga kilos ng Prinsipe, kundi pati ang Emperador!"
"At ano naman ang masama kung sa akin lang magpapaalam ang Prinsipe?" tanong ni Grasiela nang marinig ang kanilang usapan.
"Kamahalan," yumuko si Malko s Emperatris.
"Kapitan, hindi ko gusto ang tabas ng dila mo," taas noong pagsita ni Grasiela, "para bang hindi mo ko kinikilala bilang isang Emperatris?"
"Hindi naman sa ganun, Kamahalan," paliwanag ni Malko, "ang sa akin lang, mahalagang alam ng Emperador ang lahat ng ginagawa at pinupuntahan ng kanyang anak."
"Ako ang Ina ng Prinsipe," pagpapatuloy ni Grasiela, "may karapatan akong pahintulatan ang aking anak sa anumang nais niyang gawin, alam man o ito ng Emperador o hindi."
"Patawad po, Kamahalan, hindi na po mauulit," pagyuko ni Malko, "aalis na po ako."
***
Makalipas ang ilang oras, nagtungo ang Emperador sa kanilang silid, nakahiga na ang Emperatris at nakatalikod ito sa kanya.
"Napag-alaman kong si Talas pala ang nagbigay ng susi kay Graison at Osylla palabas ng Palasyo nang hindi nagpapaalam sa akin," sinumulan ni Fierro ang kanilang pag-uusap.
"Nalaman mo na pala," bumangon si Grasiela sa kanilang kama, "nagsumbong na pala ang tuta mong Kapitan. Walang nilabag ang pinsan ko at pati na rin ang mga bata, may pahintulot ng Emperatris ang kanilang pag-alis, huwag mong sisihin si Graison, ideya ko ang lahat. Kinausap ko si Oyslla, humingi ako ng tulong sa kanya para libangin ang anak natin."
"Ano pa nga ba ang magagawa ko?" Kalmadong saad ng Emperador, "nangyari na at wala namang kaso kay Panginoong Ocillo, hindi ito ang nais kong pag-usapan natin ngayon."
"Kung ganun, ano nga ba ang pag-uusapan natin?" Tanong ni Grasiela.
"Alam kong matagal na kitang nasasaktan sa mga kilos ko at walang kasing sakit ang marinig mismo ito sa aking mga salita. Grasiela, inaamin ko, hindi ko magawang kalimutan si Ysavel pero hindi ibig sabihin na wala ka ng halaga sa akin. Patawarin mo ko Grasiela, dahil hindi ako naging mabuting kabiyak sa iyo."
"Kahit hindi ka humingi ng tawad sa akin, pinapatawad na kita, Fierro. Ganoon kita kamahal."
Tulad ng kanilang usapan noon, hindi na naman napigilan ni Grasiela ang kanyang mga luha. Pinunasan ito ni Fierro gamit ang kanyang mga kamay, pagkatapos, Lumuhod siya sa kanya, hawak-hawak ang isang gintong singsing.
"Tanggapin mo ito bilang simbolo ng aking pagmamahal. Ito ang singsing na ibinigay ni Ama kay Ina, dapat ay ibibigay ko ito sa babaeng aking magiging kabiyak. Hindi ko nagawang maibigay ito sa'yo noong ikasal tayo dahil pinaghahawakan ko pa rin ang pag-ibig ko kay Ysavel. Hindi pa ko handang kalimutan siya. Ngayon, napagtanto kong iisang babae lamang ang nararapat na magmay-ari nito at iyon ay walang iba kundi ikaw, Grasiela."
Tinanggal ni Fierro ang dating singsing ng kabiyak at ipinalit ang singsing na ibinigay niya. Niyakap ni Grasiela ang Emperador nang may kagalakan.
"Tinatanggap ko na ang papel ni Ysavel sa buhay mo, Fierro," saad ni Grasiela, "may isa lang sana akong kahilingan."
"Ano iyon, mahal ko?" tanong ni Fierro.
"Sana ay tanggapin mo na rin ang papel ni Graison bilang anak mo."
Natigilan si Fierro at hindi na niya nasagot pa si Grasiela, niyakap na lamang niya ang kanyang Emperatris.
***
"Nakuha ko na ang loob ni Grasiela," pagsasalaysay ni Fierro kay Tandang Ora, "pero hindi pa rin sapat, gusto nyang magpaka-Ama ako sa pesteng anak ni Costan!"
"Bakit hindi ka na lang magpanggap sa bata, gaya ng ginawa mo sa Ina-inahan niya?" suhestyon ni Ora.
Hindi makapaniwala si Fierro sa mungkahi ng matanda, "kahit magpanggap hindi ko makayang gawin, tuwing nakikita ko ang batang iyon, naaalala ko lang ang pagtataksil ni Costan at Ysavel sa akin, kahit kailan hindi ko siya magagawang mahalin, kahit sa panaginip nya pa!"
"Aking Panginoon, kung patuloy kang mabubuhay sa bangungot ng nakaraan, hindi makakausad ang ating mga plano," paliwanag ng mangkukulam, "hindi na nagpipinta ang bata ngayon sa mahiwagang pisara, hindi na natin nakikita ang mga nakikita niya. Nasasayang ang mga araw na dapat ay napapakinabangan na natin siya!"
"Hindi ba ito ang mas makakabuti?" tanong ni Fierro. "Nang dahil sa pagpipinta niya, muntikan na niyang matuklasan ang sikretong silid para kay Ysavel! Buti na lang malabo sa kanya ang lahat. Ayokong may maaalala pa siya sa nakaraan niya! Sigurado ako maghihiganti siya pag nalaman niya kung ano ang ginawa ko sa kanyang pamilya! Pipigilan ko ito hanggang sa aking makakaya! Hindi niya dapat makuha ang Trono sa akin!"
"Sa pagpigil at paghihigpit mo sa kanya mas lalo mo lamang siyang inuudyukang alamin ang katotohanan sa kanyang pagkatao at sa ginagawa mo, umuurong lang ng isang hakbang ang plano ng Itim na Diyos. Wala ka bang tiwala sa kanya o sa akin, pagkatapos ka niyang ibangon mula sa kawalan?"
Nanahimik na lamang ang Panginoon ng Apoy sa tanong ng kanyang tagapaglingkod.
"Maniwala ka pag sinabi ng Diyos na magagamit natin ang kakayahan ng batang ito para maisakatuparan ang kanyang kalooban! Dapat makuha mo ang loob ni Prinsipe Graison at mapasunod natin siya sa lahat ng ating kagustuhan! Mahahalaga ang mga bagay na matutuklasan natin, dapat bumalik siya sa pagpipinta!"
"Ano ang nararapat kong gawin?" tanong ni Fierro.
Alam na ni Ora ang sagot sa tanong ng Emperador.
***
Kinaumagahan, pagbaba ni Graison, pasikretong nagpunta si Fierro sa kanyang silid, tila may hinahanap sa kanyang mga kagamitan. Maraming mga pisara sa estante ngunit wala roon ang hinahanap niya.
"Nasaan ba iyon?"
Naghanap siya sa may ilalim ng kama at nakapa niya ang isang parihabang bagay na nababalutan ng tela. Hinila niya ito mula sa ilalim ng kama at tinanggal ang telang nakabalot dito, pagkatanggal niya sa tela, bumati sa kanya ang usok ng nasabing bagay at siya ay gininaw sa taglay nitong lamig. Napagtanto niyang ito na ang hinahanap niya. Ang Mahiwagang Pisara ng Yelo. Nakita niya ang kanyang sarili sa Yelong pisara na animo'y isang salamin.
"Ama?"
Narinig niya ang isang tinig mula sa kanyang likuran, pagkalingon niya, nakita niyang nakatayo si Prinsipe Graison malapit sa kanyang silid.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro