Kabanata 3: Covel
-Lupain ng Gremon-
Tumatagos sa kalamnan ni Covel ang mabilis na pagkabog ng kanyang dibdib habang karga-karga ang kapatid. Kasalukuyan silang hinahabol ng mga Tagapuksa. Nagtungo na lamang ang binatilyo kung saan siya dalhin ng kanyang mga paa, lumiliko sa bawat sulok at eskinita upang maligaw ang mga humahabol sa kanila.
"Kulev, saan tayo punta?" nag-alalang pag-usisa ni Itoi.
"Kung saan hindi nila tayo makikita," sagot ni Covel sa kapatid.
"Bakit tayo habol masasamang tao?" naguguluhan pa rin ang bata sa mga nangyayari.
Hindi na siya sinagot ni Covel sapagkat siya ay nag-iisip kung saan sila pwedeng magtago ng pansamantala, inikot niya ang kanyang paningin at may nakita siyang isang abandonadong bahay na nakabukas ang pinto. Tumuloy sila sa loob.
***
Dahil sa pangingialam ni Covel, naantala ang pagmamartsa ng mga hinuling Itmai at Puttlan, naghihintay ang Komandante ng mga Tagapuksa sa paghuli sa nakatakas na bihag.
"Bakit ang tagal nila?" reklamo ng ng isang Tagapuksa sa Komandante. "Iisang bata lang naman ang nakatakas."
"Hindi lang yung bata ang dapat mahuli, pati ang nagpatakas sa kanya," saad ng Komandante.
Hinarap ng Komandante ang mga Puttlan na nanginginig sa takot. "Sino ang nagpatakas sa bata? Miyembro ba siya ng kapatiran? Sagot!"
"Hindi namin sila kilala," sagot ng isang Puttlan.
"Sinungaling! Saan nagtatago ang kapatiran? Alam kong alam nyo!"
"Hindi namin alam!"
"Tignan natin kung hanggang saan ang tapang nyo!"
Itinaas ng Komandante ang kanyang espada, nakahanda nang isaksak sa mga Puttlan. Mula sa ere, lumipad ang pana sa kanyang direksyon at ito ay tumama sa katawan niya bago pa niya mapatay ang mga bihag, sa pagkagulat ng mga Tagapuksa. Bumagsak ang Komandante na wala ng buhay.
Lumingon sila sa itaas at nakita nila si Haurre na may hawak ng pana at siyang pumaslang sa kanilang pinuno. Mula sa bubungan ng mga nawasak na kabahayan, nagsilitawan sina Toro, Ronis at iba pang mga kasapi, nakapaligid na ang lahat sa bawat direksyon. Sa hudyat ng kanilang pinuno, sila ay lumundag pababa gaya ng mababagsik na hayop, kasabay ng matapang na sigaw.
"Kapatiran!" nangangambang sigaw ng isang Tagapuksa.
Hindi na nagsayang ng oras ang Kapatiran. Nagsimulang lusubin ni Haurre at ng kanyang mga tauhan ang mga Tagapuksa. Pinagpapana ng Mataas na Panginoon ang mga Tagapuksang papalapit sa kanya, pagkatapos inilabas niya ang kanyang espada at inugoy ito sa mga kasunod, kahit na may katandaan na ang batikang kawal, hindi pa rin nawawala ang liksi ng kanyang pangangatawan at ang galing niya sa pakikidigma. Hinarap niya ang isang dosenang Tagapuksa ng walang hirap, nailagan ang mga tira nito at napaslang niya ang lahat sa loob ng limang minuto gamit lamang ang kanyang espada.
Nagsimula na ring makipagdigma si Toro at ang kanyang mga kasamahan. Nagtagpo ang espada nila ng isang tagapuksa at matagumpay niya itong napuruhan sa sikmura. Napatay rin nina Nolan at Kamlon ang ilang Tagapuksa gamit ang kanilang mga espada at pana.
Si Ronis naman na pasuray-suray pa sa kalasingan ay napalibutan ng mga Tagapuksa. Ang tanging hawak niya lang ay ang bote ng alak. Nagsitawanan ang mga kalaban nang makita ito.
"Anong gagawin mo dyan?" mapang-insulto nilang tinanong.
"Gusto nyo talaga malaman?" binalik ni Ronis sa kanila ang tanong, pagkatapos binasag niya sa ulo ng isang tagapuksa ang bote, sinipa niya sa bayag ang isa pa. Kinuha niya ang mga piraso ng bote at pinagsasaksak ang iba pang mga Tagapuksa.
Habang nakikipaglaban ang Kapatiran, nababalutan pa rin ng ligalig ang mga nabihag na mga Itmai at Puttlan, nagimbal sila sa bilis ng mga kaganapan at hindi nila alam kung kalaban ba o kakampi ang nakaengkwentro ng mga Tagapuksa.
Napalingon si Haurre at napansin niyang natatakot ang mga ito, ang iba ay nagtatakabuhan na parang mga maiilap na hayop, yun nga lang sila ay namemeligro pa rin sapagkat patuloy pa rin ang digmaan at maaari silang maipit sa pagitan ng dalawang pwersa.
"Jualem, Buto, Bilbel, itakas nyo na sila!" utos ni Haurre habang nakikipaglaban. "Ancho protektahan mo sila!"
Hinabol ni Jualem, Buto at Bilbel ang mga bihag na nagkakawatak-watak.
"Sumunod kayo sa sa amin," saad ni Jualem sa kanila, ngunit ang iba ay natataranta pa rin. "Huwag kayong mag-aalala, hindi kami kalaban."
"May alam kaming ligtas na lugar," dagdag ni Bilbel.
"Tara na, kasapi sila ng kapatiran," paanyaya ng isang Itmai, "kakampi natin sila!"
Nagsunuran ang iba pang mga bihag sa kanila at sila ay tumakbo papalayo sa digmaan. Nasilayan ng isang Tagapuksa na sila ay natatakasan na ng kanilang mga huli.
"Tumatakas sila!" sigaw niya. "Habulin nyo!"
Sumunod ang ibang mga Tagapuksa sa mga tumatakas, ngunit sila ay pinagpapana ni Ancho. Matagumpay na nailayo nina Jualem ang mga bihag. Papalayo na sana sila nang magsulputan sa mga eskinita ang ang mga reserbang Tagapuksa at sila ay napaligiran . Sumunggab ang isang kalaban mula sa likuran at nahuli niya si Bilbel sa may leeg.
"Bilbel!" sinubukang labanan ni Buto ang mga Tagapuksa ngunit siya ay nadaplisan ng espada sa may sikmura.
"Wala na kayong pupuntahan pa!"
"Pakawalan mo siya!" saad ni Jualem. Wala siyang alam sa pakikidigma at ang tanging trabaho niya lamang ay pangunahan sa pagtakas ang mga bilanggo.
"Pakakawalan ko siya kung isusuko mo sa amin ang mga bihag!"
Nagsimulang mag-iyakan ang mga Itmai at Puttlan sa likuran ni Jualem.
"Tumakas na kayo!" saad ni Bilbel.
"Sa oras na tumakas kayo, kakatayin ko na tong si taba!" pananakot ng Tagapuksa.
Hindi malaman ni Jualem kung ano ang gagawin, kung itatakas niya ang mga bihag, mapapatay ang kanyang kaibigan. Kung ililigtas niya ang kaibigan, mapapahamak naman ang mga taong nais nilang tulungan.
Sa hindi nila inaasahan, isang lalaki ang lumundag mula sa likuran ng Tagapuksa at nakawala si Bilbel sa kanyang pagkabihag. Ito ay si Ermin, dala-dala niya ang espadang bigay sa kanya ni Jortan. Habang hindi pa nakakabangon ang kalaban, itinaas niya ang kanyang sandata at ibinaon ito sa katawan ng Tagapuksa. Pinaligiran siya ng iba pang mga tauhan.
"Itakas mo na sila!" atas niya kay Jualem.
Tumaripas ng takbo si Jualem, ang bihag at pati na rin si Bilbel na inaalalayan ang sugatan na si Buto. Hindi nagpatibag si Ermin sa pakikipaglaban, siya ay sumasaksak ng kalaban sa kanan at sa kaliwa.
***
Samantala, sa loob ng bahay, nagtago si Covel at Itoi sa may ilalim ng bintana, naririnig nilang naglalakad sa di kalayuan ang mga Tagapuksang naghahanap sa kanila.
"Nakita mo ba?" tanong ng isa.
"Hindi."
"Libutin ang bawat sulok, nandito lang ang mga yan!"
Niayakap ni Covel ang natatakot na kapatid at tinakpan ang bibig nito para hindi siya makagawa ng ingay. Maalikabok ang nasabing bahay at nalanghap ito ni Itoi. Hindi na napigilan ng bata ang kanyang ilong, Bumahing ito nang may kalakasan at siya'y narinig ng mga Tagapuksa.
"Dito sa loob!" pagtuturo ng Tagapuksa.
Binuksan nila ang pinto at natagpuan nila sina Covel at Itoi.
"Dito lang pala kayo nagtatago," saad ng Tagapuksa, kinuha niya ang kanyang espada mula sa kanyang sintrunan.
Ipinwesto ni Covel sa kanyang likuran ang kapatid at ihinanda rin niya ang kanyang sibat.
"Patay na kayo sa akin ngayon!"
Naghahanda na ang dalawa para sa kanilang labanan, sibat laban sa espada, ngunit isang lalaki ang biglang na lang sumulpot mula sa kawalan. Nilusob niya ang mga Tagapuksa sa loob ng bahay. Nilabanan niya ito gamit ang isang kadenang may matutulis na bakal sa dulo. Ipinanghampas niya ito sa mga kalaban, napatumba niya ang mga ito sa tulis ng kanyang armas. Tumira ang isang Tagapuksa mula sa likuran at ito'y hinambalos niya sa may ulo. Ang pinuno na lamang ng pulutong ang naiwan. Inugoy niya ang espada sa lalaki ngunit ito ay nailagan niya ng walang kahirap-hirap, umugoy ng paulit-ulit ang Tagapuksa ngunit hindi niya magawang tamaan ang lalaki. Ipinaikot-ikot ng lalaki ang kanyang kadenang armas at pinuntirya nito ang ulo ng Tagapuksa. Bumaon sa anit ng kalaban ang mga patusok na bakal at kinailangan pa niyang hilahin ito ng may pwersa para matanggal ito.
Hindi makapaniwala si Covel sa kanyang nasaksihan, patay na ang lahat ng mga umuusig sa kanila sa tulong ng lalaking ito. Nilisan ng lalaki sa bahay sa isang kisapmata.
"Dito ka lang," utos niya sa kapatid. Hinabol niya sa may labasan ang lalaki. "Sandali!"
Natigilan ang lalaki at ito'y napalingon sa kanya. Nakatakip ng asul na balabal ang kanyang mukha at katawan at tanging mga mata at kamay niya lamang ang makikita. Walang kasing putla ang kanyang mga kamay na nakahawak sa kanyang armas, maihahalintulad ang kanyang kutis sa isang Puttlan.
"Ginoo, maraming salamat sa pagtulong sa amin ng kapatid ko," saad ni Covel. "Sino ba kayo?"
Hindi siya sinagot ng lalaki, nakatitig lamang ito sa binatilyo, pinagmasdan rin siya ni Covel. Purong kulay abo ang mga mata ng lalaki, para bang may kakaiba sa mga tingin nito sa kanya. Hindi niya lang matukoy kung ano. Para bang hindi ito ang unang pagkakataon na nagkatinginan sila ng mata sa mata, pero alam niyang imposibleng nagkita na sila dati sapagkat ngayon lang siya nakakita ng lalaking ganito ang kulay ng mga mata.
Sino ba ang lalaking ito?
Naantala ang lahat nang may marinig silang pag-ugoy ng mga espada. Sa may sulok, nasaksihan ni Covel ang pagpapatuloy ng digmaan ng Kapatiran at ng mga Tagapuksa. Namangha ang binatilyo nang makilala niya ang isa sa mga nakikipaglaban. Ang kanyang amang si Ermin.
"Itay?" bulong ni Covel.
Sinaksak ni Ermin ang huling Tagapuksa sa may dibdib at napangiti si Covel. Ngayon niya lamang nakitang makipaglaban ang ama-amahan at siya ay napahanga nito.
"Ermin!" pagtawag ni Haurre. "Anong ginagawa mo rito? Sabi ko manatili ka lang sa taguan. Tara at bumalik na tayo."
Nakita niyang sumunod si Ermin kay Pinunong Haurre papalayo. Nang lumingon pabalik si Covel, wala na ang misteryosong lalaki. Natagpuan niyang mag-isa na lamang siya kasama ang labi ng mga tagapuksang pinaslang nito.
Nasaan na siya? At si Itay, saan sila pupunta? Kakampi ba nila ang lalaking yun?
Binalikan ni Covel si Itoi sa loob at kinarga ito.
"Saan na tayo punta?" tanong ng bata.
"Kay Itay," sagot ni Covel sa kapatid.
"Nahanap mo na Itay?" muling tanong ni Itoi.
"Oo, at pupuntahan natin siya," saad ni Covel.
***
Pasikretong sinundan ni Covel si Ermin at ang iba pang miyembro ng kapatiran, matapos ang ilang pasikot-sikot sa mga kabahayan, tumigil ang Kapatiran malapit sa isang lumang kabahayan. Mula sa isang halamanan, nasaksihan ni Covel na mayroong kinakalikot si Pinunong Haurre mula sa may halamanan sa may sulok ng bahay. Kinalkal niya ang isang pekeng damuhan, dito nakatago ang kanilang sikretong pinto. Gamit ang kanyang susi, binuksan ni Haurre ang kwadradong kahoy na pinto. Isa-isa silang bumababa dito, pinauna nila sa pagbaba si Ermin habang ang iba naman nagbabantay sa pali-paligid.
"Si Itay," saad ni Itoi nang makita ang Ama.
"Tahimik," bulong ni Covel sa kapatid.
Ilang saglit lang, nakababa na ang lahat at tanging si Pinunong Haurre na lang ang natira, ibinaba niya ang kanyang katawan at sinigurado niyang naikukubli ang sikretong pinto sa pamamagitan ng damuhang ipinapatong nila sa ibabaw nito.
Nagpasya si Covel at Itoi na magtungo rito ngunit napansin nilang mayroon pang isang taong papalapit at sila ay bumalik sa pagtatago.
"Sandali..." Saad ni Ronis na pasuray-suray pa ang paglalakad sa kalasingan, napag-iwanan siya ng grupo. May putok sa kanyang noo na malamang ay nakuha niya sa pakikipaglaban.
Nagtungo siya sa may halamanan, kinalkal ang pang-ibabaw na damuhan at napagtantong nakakandado na ang daluyan.
"Ano ba yan!" saad niya.
Kinuha na lamang niya ang susi sa bulsa at binuksan ang pinto, siya ay pumasok sa bahay.
Hindi siya nakapasok sa may damuhan. Siguro may daluyan rin sa loob ng bahay.
Pinalagpas muna ni Covel ang ilang minuto, pagkatapos ay nagtungo sila malapit sa may pinto, nadiskobre nilang ito ay kinandado na ni Ronis. Humanap sila ni Itoi ng paraan para makapasok sa loob. Nakita nila ang isang bintanang may maliit na butas. Sinubukang pumasok ng binatilyo, ngunit hindi kasya rito ang isang tao.
"Paano tayo pasok?" tanong ni Itoi.
Nakakuha ng ideya si Covel nang mapagtanto niya kung gaano kaliit ang kapatid kumpara sa kanya. Sinubukan niyang ipasok si Itoi sa looban at siya at nagkasya sa maliit na butas.
"Nakapasok na Itoi, Kulev!" nakangiting sinabi ng bata.
"Ngayon, tannggalin mo yung kawit sa may bintana para makapasok si Kulev," utos niya.
Sinunod ni Itoi ang kanyang kuya at inalis niya ang maliit na kawit na tulad ng isang turnilyo, pagkaalis nito, lumuwag na ang bintana.
"Magaling Itoi," papuri ni Covel nang makapasok siya sa loob ng bahay.
Abandonado na ang naturang bahay gaya ng pinagtaguan nila kanina. Maalikabok ang mga kagamitan at pinaliligiran na ng mga agiw at sapot ng gagamba ang kisame.
"Tao po?" Pagtawag ni Covel. Dumagundong ang kanyang tinig sa paligid, ilang saglit lang nakarinig siya ng yabag ng mga paa. Ramdam niyang animo'y nanggaling ang tunog sa ibaba. Nag-ikot-ikot ang binatilyo sa bawat silid ngunit hindi niya mahanap kung saan dumaan ang sinumang naglalakad sa ibaba.
May dinaanan siya rito para makababa, kailangang mahanap ko ito.
Walang pumukaw sa pansin ni Covel bukod lamang sa isang bagay. Ang isang malaking estante ng libro sa may dingding. Punong-puno ito ng mga libro. Mayroong makapal, mayroong manipis, mayroong mahaba at mayroong malapad. Napaisip si Covel na sa lahat ng kagamitan sa bahay, ito lamang ang hindi maalikabok.
Nagbasa-basa siya sa mga libro at inuna niyang basahin ang pamagat ng pinakamalaki at pinakamakapal na libro sa may pinakatuktok ng estante.
"Ang Aklat ay susi, hindi lamang sa iyong imahinasyon kundi sa iyong destinasyon."
Nakuha nito ang atensyon ni Covel at natukso siyang kunin ang aklat mula sa estante. May kabigatan ang nasabing libro. Pagkakuha niya rito, bigla na lamang gumalaw ang estante, na tulad ng isang pintuang bumukas.
"Multo!' sigaw ni Itoi.
"Hindi," pinakalma ni Covel ang kapatid.
Sa may ilalim ng estante, naroroon ang isa pang lihim na daanan na kanyang hinanap. Binuksan ni Covel ang daluyan at sa pagkakataong ito, hindi ito nakakandado.
"Tara na, Itoi," alok ng binatilyo sa kapatid habang siya'y pababa na sa daluyan, "pupuntahan na natin si Ama."
"Wala multo dyan?" may pag-aalinlangang tanong ni Itoi. "Takot Itoi multo."
"Wala," natatawang saad ni Covel.
-Kampo ng Kamatayan-
Sa kanilang magarbong kastilyo sa may Kampo ng Kamatayan, nagmamasid ang Mataas na Panginoong Lodell at si Wharen sa kanilang mga bilanggo, habang sila ay nagbubungkal ng lupa, nagsisibak ng kahoy at naghahakot ng kanilang mga patay na nagkapatong-patong sa kanilang mga kariton.
Napangiti si Lodell sa kanyang mga nakita, "tutal maayos naman ang lahat, mukhang kaya ko ng iwan muna sa'yo ang Kanluran, Wharen."
"Aalis po kayo, Panginoon?" tanong ni Wharen na tila maamong tupa. "Kailan?"
"Wala pang sinabi ang Mataas na Emperador sa kanyang sulat, ang sabi niya lang pababalikin niya ko sa Cenpyre, alam mo naman ang Kamahalan, gusto niya palaging nakakarinig ng balita mula sa akin, sayang nga lang at di ko nadaluhan ang kanyang kaarawan. Maaasahan ba kita, Wharen?"
"Hindi kayo madidismaya sa akin," paninigurado ni Wharen, "kayang-kaya kong patakbuhin ang Kanluran sa aking mga kamay na bakal."
"Mabuti, ano ang ulat ngayong araw?" Tanong ni Lodell.
"Paparating na ang ating mga pulutong kasama ang mga bilanggo mula sa Evero," tugon ni Wharen, "pagdating dito ng mga anay, sisiguraduhin kong impyerno agad ang bubungad sa kanila."
Sabay na humalakhak si Lodell at Wharen.
"Panginoon!" nawaglit ang kanilang pagsasaya sa pagdating ni Jiaruz. "May masamang balita! Ang mga nahuli nating Itmai at Puttlan mula sa Evero, nakatakas sila!"
"Ano?" sabay na saad ni Lodell at Wharen. "Papaanong nakatakas?"
"Pinatakas sila ng Kapatiran," paglalahad ni Jiaruz, "walang natira sa ating mga Tagapuksa! Pinatay silang lahat ni Haurre at ng mga tauhan niya!"
"Bwiset!" napahiyaw si Lodell habang si Wharen naman ay napapailing sa pagkadismaya. Nanahimik lang siya, natatakot sa maaaring sabihin sa kanya ni Lodell. Maaaring takot ang lahat kay Wharen, ngunit si Wharen naman ay takot kay Lodell.
"Akala ko ba magagaling ang mga tauhan mo?" saad ni Lodell kay Wharen na may pagsisisi sa kanyang tono. "Bakit lahat sila napatay ng mga hamak na Kapatiran?"
"Dating Kawal si Haurre," pagsabat ni Jiaruz, "magaling siya sa pagpaplano, malamang pinagplanuhan nila ng maayos ang pag-atake."
"Hindi mo ba sinanay ang mga Tagapuksa sa Evero?" tanong ni Lodell kay Wharen.
"Sinanay ko silang lahat at piling mga mamamatay tao ang mga yun, kaso mga baguhan lang sila sa ganitong trabaho," paglalahad ni Wharen, "paumanhin, Panginoon ko. Maliit na porsyento lamang sila ng ating hukbo, babawi ako, papalitan natin ang lahat ng nalagas at mas palalakasin ang ating pwersa nang sa ganoon ay wala ng panlaban ang Kapatiran."
"Dapat lang!" sigaw ni Lodell. "Huwag kang puro salita, patunayan mo! Sa'yo ko ibibigay ang responsibilad sa kapalpakang ito! Ano ang palagi kong sinasabi sa'yo, bata?"
"Hindi dapat ako maging palpak gaya ng aking Ama," halos mangatog-ngatog ang tinig ni Wharen habang sinasabi ito.
"Itatak mo yan sa kukote mo," sambit ni Lodell, "mukhang nagkamali ako na ipaubaya sa'yo ang Kanluran, nandito pa ako at nabubulilyaso na, paano pa pag ikaw na lang?"
Nagtitimpi na lamang sa galit si Wharen, sumarado na ang kanyang kamao at napapakagat na siya sa kanyang labi.
"Pagkabalik ko siguraduhin mong ayos na ang problemang ito, puksain mo na ang Kapatiran," atas ni Lodell.
"Masusunod, Panginoon ko," sambit ni Wharen.
"May isa pa pong masamang balita," pagpapatuloy ni Jiaruz, inabot niya kay Lodell ang isang papel at binasa ito ng Mataas na Panginoon.
"Ang inyong Mataas na Panginoong Lodell ay nakipagsabwatan sa Emperador Fierro na siyang sugo ng kasamaan at anak ng apoy upang sirain ang buong Kanluran at ibaling ang sisi sa mga Itmai at Puttlan, basahin ang kabuuan at alamin ang katotohanan..."
Nilukot ni Lodell ang papel at ihinagis ito sa may bintana.
"Sino ang nangahas na sumulat nito?" nanggagalaiting tanong ni Lodell.
"Hindi ko pa po alam, Panginoon," saad ni Jiaruz, "pero inaaalam na ng mga tao ko kung sino ang namimigay ng mga papel."
"Mainam, dapat mahuli ang sinumang naninira sa akin. Ang kamatayan ng taong yan ang magdadala ng takot sa sinumang kakalaban sa Mataas na Panginoon. Jiaruz, sa'yo ko iaatas ang paghuli sa kanya."
"Makakaasa kayo, Panginoon," tugon ni Jiaruz.
Nagulat naman si Wharen sa desisyon ng Mataas na Panginoon.
"Bakit hindi nyo na lang ito ipaubaya sa akin?" Pagrereklamo ni Wharen.
"Ang pagtuunan mo ng pansin ay ang pagpapalakas ng ating pwersa at ang paghuli sa kapatiran."
Wala ng nagawa si Wharen kundi sumunod sa utos ng kanyang Panginoon.
***
Sa isang kabahayan sa Lupain ng Gremon, naninirahan ang isang manunulat na siyang nagpapakalat ng katotohanan tungkol sa kalagayan ng Kanluran. Siya ay si Donello, isang binatilyong nasa dalawampung limang taong gulang at nanggaling sa mayamang angkan na ngayon ay nagtatago sapagkat sila ay kabilang sa mga sumasalungat sa pamumuno ng Mataas na Panginoon.
"Ipamigay mo na to sa mga tao at hikayatin mo sila na basahin," saad niya sa kanyang tauhan.
"Sige."
Dinala ng mga tauhan ang makakapal na piraso ng mga papel na naglalaman ng mga maiikling kwento tungkol sa pang-aabusong ginagawa ng mga Tagapuksa sa mga Itmai at Puttlan. Naririto rin ang mga haka-haka tungkol sa kasaysayan ng Kanluran labing apat na taon ng nakalipas kung saan nakapaloob kung paano nagsabwatan si Lodell at Fierro para angkinin ang Kanluran at ang Imperyong Cenpyre.
Pagkabigay niya sa kanyang tauhan, muling isinawsaw ni Donello ang kanyang pluma at bumalik sa pagsusulat. Habang siya ay abala, lumapit sa kanya ang isang dalagitang nasa dalawampung taong gulang.
"Hindi ka pa ba tapos dyan Kuya?" saad ng kapatid niyang si Gavielle.
Gaya ni Donello, galing rin si Gavielle sa dugong Erroiah. May kaputian ang kanyang kutis at may katingkaran ang kanyang kulay kahel na buhok. Para sa babaeng Erroiah masasabing tama lang ang kanyang laki at pangangatawan.
"Marami-rami pa to," tugon ni Donello, "kailangan marami ako magawa, para mas maraming makabasa. Lahat ng ito ginagawa natin para sa Kanluran."
Nanahimik si Gavielle sa sinabi ng kanyang Kuya.
"Bakit?"
"Kuya, kalat na kalat na ang sulat mo sa buong Gremon, gumawa ka ng ingay gamit ang iyong pluma," paglalahad ng kanyang kapatid. "Hindi magtatagal ipatutugis nila ang may gawa nito. Ipapapatay ka nila. Natatakot ako para sa'yo."
"Huwag ka mag-alala, Gavy, kaya ko ang sarili ko. Hindi ako natatakot sa kanila."
"Wala ka bang balak na itigil to?" tanong ni Gavielle.
Natigilan si Donello sa paglalapat ng kanyang pluma, ramdam niya ang hinaing ng kapatid.
"Ginagawa ko to para sa bayan, para kay Ama, para sa kaibigan nyang si Panginoong Berhel na pinaslang nila, para kay Kapitan Haurre at para sa mga kaawa-awang Itmai at Puttlan na kanilang inaalipusta at pinahihirapan. Ako ang nagsisilbing tinig ng mga inaapi rito sa Kanluran, hindi ako pwedeng tumigil. Lalaban ako para sa kanila."
"Kung lalaban ka rin lang pala bakit hindi ka na lang sumapi sa Kapatiran, kung saan mas ligtas ka, kung saan hindi ka lumalaban ng mag-isa."
"Hindi ako mag-isa," sagot ni Donello, "nararamdaman kong namumulat ko sa katotohanan ang mga nagbabasa ng aking mga pahayag, at dahil dito, marami ang mahihikayat na lumaban para sa pagbabago ng pamamahala ng Kanluran. Isa pa Gavy, kilala mo ko, lumalaban lang ako sa paraang alam ko, sa pagsulat. Hindi ako tulad mo, kung anong apoy ang nananalaytay sa'yo, tubig lamang ang mayroon ako. Kung may nararapat na sumali sa atin sa Kapatiran, ikaw yun."
"Kahit gaano katapang ako alam mong hindi ako tatanggapin sa Kapatiran," sagot ni Gavielle. "Babae ako at hindi ako marunong makipaglaban."
"Kaibigan ni Ama si Kapitan Haurre, parang naging Ama na rin siya sa atin, poprotektahan ka niya," saad ni Donello, "puntahan mo na siya habang maaga pa. Ayokong nandito ka kapag hinuli nila ako."
"Hindi kita iiwan, kuya," saad ni Gavielle, "kung ano ang laban mo, laban ko na rin."
Hinawakan niya ang palad ng kapatid bago ito bumalik sa pagsusulat.
-Kanlungan ng Kanluran-
May kadiliman ang daan sa ibaba ng sikretong daluyan, at medyo makipot papasok. Kumapit si Itoi kay Covel. Sinundan lang nila ang direksyon patungo sa liwanag, habang sila ay naglalakad, naririnig nila ang mga tinig ng mga kalalakihan. Ilang minuto lang, narating nila ang dulo ng lagusan. Siniyasat ni Covel ang paligid. Makikitang nakasabit ang banderang may nakalagay na 'KNK'. Maraming mga tolda at higaan sa paligid. Sa kabilang banda maraming mga silya at lamesang kahoy para sa inuman at kainan.
Natagpuan ni Covel na nagkukumpulan ang mga kalalakihang kasapi sa isang sulok, palihim na nagtungo ang binatilyo kasama si Itoi papalapit sa kanila at nagtago sila sa likuran ng isa sa mga silyang kahoy. Hindi nagtagal at nakita ni Covel si Ermin kasama nila.
"Kamusta? Ayos lang ba ang lahat?" tanong ni Pinunong Haurre.
"Maayos naman Pinuno," saad ni Bilbel, "nasugatan si Buto pero daplis lang."
"Ang mga bihag?"
"Nasa ligtas na kalagayan na sila ngayon," sagot ni Jualem.
"Dapat tayong magbunyi, maraming buhay na naman ang nailigtas natin," pagpapatuloy ng Mataas na Pinuno, "at mabuti walang nalagas sa atin ngayon."
Napasulyap si Haurre kay Ermin, "mukhang ikaw ang nagdala ng swerte sa amin, kaibigan."
"Tama kayo, Pinuno," dagdag ni Jualem, "kung hindi dahil kay Mang Ermin, baka wala na kami ngayon, niligtas niya kami laban sa mga Tagapuksa. Nagtagumpay ang misyon dahil sa kanya, maraming salamat po."
"Walang anuman, ginawa ko lang ang nararapat," saad ni Ermin, "at sa totoo lang sobra akong nanabik sa ganito."
"Ganitong may napatay tayo?" tanong ni Haurre. "Akala ko ba gusto mo na ng tahimik?"
"Hindi, ang ibig sabihin kong sabihin, tong ganitong may mga buhay tayong naisalba," paglilinaw ni Ermin. "Wala pa ring nagbabago sa samahan, marangal pa rin ang ating mga mithiin at nagagalak akong makipaglaban kasama ninyong lahat."
"Mabuhay ang kapatiran!" sigaw ni Buto.
"Mabuhay!" nagkaisa ang kanilang mga tinig.
Tama ang hinala ko, ito nga ang Kanlungan ng Kanluran.
"Ibig sabihin ba nito pumapayag ka ng gawing kasapi ng Kapatiran ang iyong anak?" tanong ni Haurre.
Napanganga si Covel nang marinig ang sinabi ng Pinuno.
Ako? Magiging miyembro ng kapatiran?
"Tungkol doon, Pinuno nakapagpasya na ko," pagpapaalam ni Ermin, "hindi ako ang makakasagot ng inyong tanong kundi si Covel mismo. Sa kanya ko na ipapaubaya ang lahat. Kailangang umuwi muna ako sa amin at isama ko siya dito para makapag-usap kayo."
"Sige, pumapayag ako, kaibigan," tugon ni Haurre.
Napaurong si Covel ng bahagya papalayo sa mesa, napansin niyang tila mayroon siyang nakabangga. Pagkalingon niya, nakita niya si Toro na nakatayo malapit sa kanila. Kagagaling lamang nito sa palikuran. Animo'y tulad nga ng isang galit na toro ang kanyang mukha.
"Mga kasama!" Nagulantang ang lahat sa pagsigaw ni Toro.
Hinatak niya si Covel habang nakatutok sa leeg nito ang kanyang espada.
"Napasok tayo ng isang espiya!" Pagsusumbong niya.
"Bitawan mo ko!" pagpupumiglas ni Covel.
"Ikaw bitaw sa Kulev ko!" pagtatanggol ni Itoi sa kanyang kuya habang hinahampas ng maliliit niyang mga kamay ang binti ni Toro.
Pinuntahan agad ni Haurre at ng mga kasapi si Toro, ihinanda nila ang kanilang mga armas.
"Sino nagpadala sa'yo dito?" Pag-uusisa ni Toro. "Paano ka nakapasok! Sumagot ka kundi ibabaon ko to sa leeg mo!"
"Itay!" saad ni Covel kay Ermin pagkakita niya sa Ama. "Pakisabi ngang bitawan nya ko!"
"Covel!" laking gulat ni Ermin nang mapagtantong si Covel ang sinasabing espiya. "Toro bitawan mo siya!"
Nabitawan ni Toro si Covel na may pagkagulat at pagtataka.
"Itay!" Yumakap si Itoi sa binti ng Ama.
Nagulat ang lahat sa pangalang binanggit ni Ermin, lalong-lalo na si Pinunong Haurre. Napansin ni Covel na sa kanya lahat nakatuon ang mga mata ng lahat naroroon. Mahinahong lumapit ang Mataas na Pinuno sa bagong salta.
"Covel?" tanong ni Haurre sa kanya. "Ang Prinsipe ng Imperyong Cenpyre?"
"Pinuno, mukhang nagkamali ako," anunsyo ni Ermin," hindi ko na pala kailangang umuwi."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro