Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 3: Aric

Nang dahil sa muli nilang pagkikita ng estrangherang si Saraphine, naganap ang isa sa pinakamagandang gabi sa buhay ni Aric. Muling nagbalik ang kaibigan niyang si Prinsesa Cordelia sa kanyang mundo, nangyari ang hindi nila inaasahan at ngayon kapiling niya sa kama ang isang napakagandang dalagita na alam niyang tunay na umiibig sa kanya. Sa kabila ng lahat, hindi pa rin mawala sa binatilyo ang pagkabagabag. Hindi pa rin mawaglit sa kanyang isipan ang mga salitang binitawan ni Cordelia pagkatapos ang kanilang romansa.

Ano ang mas mahalaga sa'yo ngayong magkasama na tayo, ako ba o ang pangarap mo?

Kung bukas sinabihan kang aalis na kayo, papayag ka na ba? Iiwan mo ba ako?

Hindi alam ni Aric kung ano ang sagot sa mga katanungang ito, mahalaga sa kanya si Cordelia ngunit mahalaga rin sa kanya ang pangarap niyang maging Kawal.

Pinagmasdan niya ang dalagita, mahimbing na ang tulog nito at hanggang ngayon ay mahahalata pa rin ang saya sa kanyang mukha. Hinagkan ng binatilyo ang braso ni Cordelia, mahigpit niya itong niyakap sa kanyang piling at siya'y bumalik sa pagtulog.

Huwag ka na munang mag-isip, ang mahalaga masaya ka ngayon kasama si Cordelia.

***

Pagsapit ng umaga, bumangon na agad si Aric sa kanyang kama at nagsimulang magbihis ng damit, masarap ang tulog ni Cordelia kaya naman hindi na niya ito ginising, maya-maya nagising na ang dalagita at nakita niyang nakatitig sa kanya si Aric.

"Magandang umaga, Mahal na Prinsesa," pagbati ni Aric.

Tila wala pa sa sarili si Cordelia at naguguluhan siya sa mga naganap. Napagtanto ng dalagita na tanging kumot lamang ang bumabalot sa kanyang maputi at makinis na katawan.

"Magandang umaga rin, Aric," sagot niya. "Totoo pala ang lahat, akala ko isang panaginip lang ang nangyari kahapon."

"Hindi Cordelia, totoong-totoo ang nangyari kagabi," pagkumpirma ng binatilyo sa kanya. "Masarap ang tulog mo kaya hinayaan na muna kita."

Napalingon si Cordelia sa may bintana at nasilaw siya sa liwanag ng araw, nagmadali siya sa pagbangon at isinuot ang kanyang damit.

"Umaga na pala, kailangan ko ng umuwi," saad niya. "Baka hinahanap na ko ni Ate Pinang."

"Sasamahan na kita," alok ni Aric.

***

"Masaya ako at nakasama kita kagabi," sabi ni Cordelia nang marating nila ang kanyang bahay." Hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na iyon."

"Ako rin," pagsang-ayon ni Aric. "Bibisitahin na lang kita rito bukas, hintayin mo ko."

"Sige, hindi ba ko pwede bumisita sa bahay nyo?"

Batid ng binatilyo na hindi pa ito ang tamang panahon para isama ang dalagita sa kanyang bahay.

"Gusto sana kitang isama sa bahay kaso baka makita ka ni Ama, baka makilala ka niya at alam mo naman na, mahina na ang katawan niya at hindi makakabuti sa kanya ang mabigla."

"Nauunawaan ko," napansin ni Aric ang kaunting pagkadismaya sa tono ng dalagita. Ayaw niyang isipin nito na hindi siya seryoso sa kung ano man ang mayroon sila.

"Balang araw, iuuwi rin kita sa bahay at magsasama tayo. Sa ngayon ako muna ang bibisita sa'yo, kung may problema puntahan mo lang ako sa Pandayan."

"Mag-iingat ka," muling naramdaman ni Aric ang mainit na yakap ni Cordelia.

Habang siya ay naglalakad pauwi ng taberna, naaalala niya ang nangyari sa kanila ng kababata at siya ay lubos na maligaya.

Salamat Cordelia, at bumalik ka sa buhay ko. Sana hindi ka na mawala ulit sa akin.

***

Pagsapit ng hapon, nagtungo si Aric sa kanyang Pandayan. Habang siya ay naghahasa ng mga bagong panday na espada, hindi niya mapigilang mapangiti. Walang laman ang isipin niya ngayon kundi si Cordelia. Ang mapupungay niyang mga mata, ang matamis niyang mga ngiti, ang init ng kanyang pagyakap, ang lahat ng ito ay sapat na para malimot niya ng pansamantala ang kanyang pangarap at ang naging kasunduan nila ni Haring Rucaz.

"Mukhang maganda ang araw natin ngayon ah," tugon ni Eron nang mapansin ang abot tengang ngiti ng kaibigan.

"Tama ka, Eron," pagsang-ayon ni Aric, "napakaganda nga ng umaga ko."

"Alam ko mga ganyang ngitian, tungkol yan sa babae," palagay ni Eron. "Kahapon nga pala may magandang dalagang naghahanap sa'yo. Yung mukhang Cenpyero. Saraphine yata pangalan nun."

"Siya ang dahilan kung bakit masaya ako ngayon," paglalahad ni Aric.

"Sino ba siya?" pag-uusisa ni Eron.

"Isang kaibigan na matagal ko ng hindi nakita."

Hindi niya sinabi kay Eron na si Saraphine ang kababatang kinukwento niya sa kanya noon. Nangako siya sa Prinsesa na walang makakaalam tungkol sa nitong pagkatao.

"Kaibigan lang ba?" tanong ni Eron. "Sa nakikita ko sa'yo, mukhang higit pa siya sa kaibigan. Mahal mo na?"

"Di ko pa alam kung oo o hindi," saad ni Aric, "masasabi ko lang, ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong saya ng dahil sa isang babae. Wala pa naman akong nakarelasyon o sineseryoso sa mga babaeng nakilala natin, hindi ko pa nararanasang magmahal kaya hindi ko alam kung pag-ibig na ba ito o panandaliang saya lang."

"Ngayon naranasan mo na," pagbibiro ni Eron, "maniwala ka sa akin, tinamaan ka na dyan. Alam na alam ko na, ilang beses na kong umibig para malaman ko. Kung ako sa'yo huwag mo na siyang pakawalan. Maganda siya at mukhang mabait. Masarap maging asawa mga tulad niya."

"Matapos ng nangyari kahapon, tingin ko tuloy-tuloy na to," pagkukwento ni Aric.

"Ano bang nangyari kahapon? Sinuko na ba niya ang bandera kaya hanggang ngayon ngiting aso ka?"

Napangisi si Aric sa mga pang-aasar ng kaibigan.

"Sinasabi ko na, hindi lang ang mga espadang pinapanday mo ang matulis!"

"Tama na nga yan, Eron. Bumalik na tayo sa trabaho, gusto ko ng matapos ang araw na to at bukas ay magkikita pa kami ni Saraphine."

Nagbibiruan pa ang dalawa nang bumukas ang pinto ng establishamento. Sumulpot si Kapitan Uwalhid at ang iba pang mga kawal na hindi inaasahan ng dalawa.

"Kapitan Uwalhid," pagbati ng binatilyo.

"Magandang umaga, Ginoong Panday," pagbati ng matangkad na kawal sa kanya, "naririto ako para magbigay ng balita mula sa Mahal na Hari. Maghanda ka na, sa loob ng tatlong araw magtutungo na tayo sa ating misyon para hanapin ang Sikretong Lupain ng Kasaganaan."

Nabigla si Aric nang marinig ang balita mula sa Kapitan, "tatlong araw na lang? Pero hindi pa ko nakakapaghanda."

"Maghahanda na ako kung ako sa'yo," seryosong sambit ni Uwalhid.

Natahimik si Aric at sila ay nagkalingunan ni Eron.

"May problema ba?"

"Hindi ba masyadong mabilis, Kapitan?" tanong ni Aric. "Marami pa akong kailangang gawin."

"Kinukwestyon mo ba ang kagustuhan ng Hari? Pag sinabi niyang aalis na, aalis na. Maghanda ka na! Nais ng Kamahalan na mahanap ang lungga ng mga Myongan sa lalong madaling panahon. Siguraduhin mong sisipot ka."

"Sige po, mag-aayos lang ako ng mga kailangan, pagbibilin ko lang tong Pandayan kay Eron," saad ni Aric.

"Huwag kang mag-alala, ako na ang bahala rito," paninigurado ni Eron.

"Hindi," pagtanggi ni Uwalhid, "sasama ka."

"Ano?" napalakas ang tinig ni Eron sa pagkabigla, hindi niya akalaing pati siya ay madadamay sa kalokohan ng kaibigan.

"Mas mainam kung mas marami tayo sa ekspedisyon," paglalahad ng Kapitan. "Isa pa matatagalan lang kung aayusin pa tong Pandayan, ipapasara na lamang ito ng pansamantala."

"Pero paano naman yung kita?" may pag-alalang tinanong ni Aric.

"Huwag kang mag-alala, ang Hari na ang bahala sa pangangailangan ni Mang Rito habang wala tayo. Nakahanda na ang lahat. Kayo na lang ang hinihintay."

Parehong hindi makaimik si Aric at Eron sa bilis ng mga pangyayari.

"Ang ayaw ni Haring Rucaz sa lahat ay ang nagsasayang ng oras niya. Kailangan pagbalik ko dito ng tatlong araw, nakahanda na kayo sa pag-alis, kung hindi baka tatlong araw na lang rin ang natitira sa mga buhay nyo."

Iniwan ni Uwalhid ang dalawa na namomroblema.

"Ano ba yan, pati ako nadamay pa," may pagkainis na saad ni Eron, "ano naman ang gagawin ko dun, tutunganga?"

Si Aric naman ay mayroong mas malalim na pinoproblema kaysa kay Eron. Nagpasya siyang isara na muna ng buong araw ang Pandayan para makapag-isip.

***

Pagkauwi ni Aric, nanatili siya sa kanyang silid at taimtim na nag-isip sa mga bagay-bagay.

Tatlong araw? Ganoong kabilis? Tatlong araw na magdidikta sa aking kapalaran. Ano na nga ba ang gagawin ko? Paano na si Ama? Paano na rin si Cordelia?

Sobrang dami ng tumatakbo sa isipan ni Aric. Minsan ay nagdududa na siya kung tama ba talaga ito.

Ano nga ba ang nakain ko at nangahas akong hamunin ang Hari?

Hindi na siya maaaring umatras rito. Buhay niya ang kapalit. Lagi itong pinapaalala ni Uwalhid sa kanya. Minsan nagsisimula na rin niyang kwestyunin ang kanyang pangarap.

Tama ba ang pangarap kong ito, dati gustong-gusto kong maging kawal, ngayong kumakatok na ito sa aking pintuan, bakit nag-aalangan ako? Dahil ito kay Cordelia, kung kailan masaya na ko sa kanya, kailangan pang mangyari ito? Paano kung nagkakamali lang pala ako sa mga bagay na pinapangarap ko? Paano kung tama siya? Paano pag naging kawal ako, hindi nito matumbasan ang sayang naramdaman ko sa piling ni Cordelia? Paano siya? Pag umalis ako, masasaktan ko lamang siya. Magkakalayo kami at walang kasiguraduhan kung magkikita pa kami ulit. Ayokong sayangin ang oras niya sa paghihintay sa akin.

Napahawak si Aric sa kanyang ulo sa sobrang pag-iisip. Walang kasiguraduhan ang daang hahatakin niya, ngunit alam niya rin na kung hindi siya susugal, habang buhay siyang magiging isang hamak na Panday.

Kung hindi ako susubok, walang mangyayari sa buhay ko. Sa oras na suwayin ko ang Hari, ipapapatay niya ko, kapag naman tumakas ako at sinama ko si Cordelia, madadamay lamang siya sa habang buhay kong pagtatago. Guguluhin ko lang ang buhay niya. Hindi ito ang nararapat sa kanya, lalo na at marami na siyang pinagdaanang pagdurusa. Hindi isang lalaking katulad ko ang nababagay sa kanya. Nararapat sa kanya ay isang Prinsipeng kayang magbigay sa kanya ng magandang buhay. Umalis man ako o hindi, masasaktan at masasaktan ko lang rin siya. Siguro mga hindi talaga kami nararapat sa isa't-isa. Baka isang pagkakamali lang talaga ang nangyari sa amin. Baka nga hindi ko talaga siya minahal. Baka nga higit na mas matimbang ang pangarap ko kaya gumagawa ako ng dahilan para iwanan siya. Mas mahal ko nga siguro ang pangarap kong ito. Wala akong ibang minimithi kundi ang pagkakawal.

Buong magdamag na hindi pinatulog si Aric ng kanyang isipan. Hindi siya mapakali sa kung ano ang nararapat niyang gawin. Kailangan na niyang magdesisyon at sa lalong madaling panahon.

Si Cordelia o ang Pagkakawal?

***

Kinabukasan, bumangon na si Aric sa kanyang kama, pagod ang kanyang isipan at lambot ang katawan niya sa kawalan ng tulog ngunit ngayon sigurado na siya sa desisyong magdamag niyang pinag-isipan.

Nagtungo siya sa silid ni Sarito at kinuha ang isang mahabang bagay na nababalutan ng tela. Ito ang dating espada ng Ama noong Kawal pa siya. May kapurulan na ito ngunit maaari pang hasain. Pagdating sa taberna, hinasa niya ito hanggang sa manumbalik ang dati nitong talas.

"Tiyak na matutuwa si Ama kapag nakita niya ito."

Umuwi siya sa bahay pagdating ng tanghali sa pagkabigla ni Sarito at Tiyang Sania.

"Anak, maaga ka ata ngayon," pagbati ng matandang Tiyahin.

"Opo, bihira na lang kasi akong magtanghalian dito at nasabik ako sa luto nyo," tugon niya.

"Ikaw talagang bata ka, sige at paghahain na kita," sambit ni Sania.

"Ama," pagtawag ni Aric, "may sorpresa ako sa inyo."

Hinugot niya mula sa kanyang likuran ang dating espada ng Ama na ngayon ay nagmukhang bago na ulit.

"Ang espada ko," bahagyang napangiti si Sarito na para bang nakakita siya ng isang kaibigan, "tandang-tanda ko siya ang kasama ko sa bawat laban. Katuwang ko siya sa pagprotekta sa Emperador at sa Imperyong Cenpyre. Matagal na panahon na mula ng huli ko itong gamitin."

"Parang isang Kawal na matagal na napahinga sa pakikidigma," saad ni Aric, "may kapurulan na, pero sa oras na hasain, kaya pang maibalik dating talas. Buti na lang at di pa kinalawang."

Napangiti ang Ama sa sinabi ni Aric. Malumanay niyang kinuha ang espada mula sa binatilyo.

"Anak, hindi ko na ito magagamit,"bakas ang lungkot sa tinig at mata ni Sarito, "maaaring kaya pang ibalik ang dating talas ng espada, pero hindi pareho ang masasabi sa akin. Mahina na ang katawan ko. Wala na kong kakayahang makipaglaban. Hindi na ako ang Kawal na hinahangaan mo dati."

Napalingon si Aric sa tungkod na hawak ng Ama, napagtanto niyang mahina na nga ang pilay niyang mga paa.

"Sa'yo na to, anak," inabot ni Sarito ang espada.

Nagulumihanan si Aric sa ipinahayag ng kanyang Ama. Muli niyang nahawakan ang dakilang armas.

"Seryoso ba kayo?"

"Magagamit mo ito pag nangailangan ka," saad ni Sarito, "sana ay maprotektahan ka niya sa mga laban mo, gaya ng ginawa niya sa akin noon."

Ibig sabihin ba nito pumapayag na siya sa kagustuhan kong maging Kawal?

Lumipas ang maghapon at napatingin si Aric sa paglubog ng Haring Araw. Naalala niya ang sinabi niya kay Saraphine na magkikita dapat sila ngayon pero hindi niya ito sinipot.

Patawarin mo ko, Cordelia.

***

Sa ikalawang araw, bumalik si Aric sa taberna kasama si Eron para maghakot at mag-empake ng mga gamit armas na dadalhin nila sa nalalapit na paglalakbay.

"Kainis ka talaga, Aric," saad ni Eron, "pati ako binaon mo sa hukay."

Hindi siya pinansin ng kaibigan at ito ay nagpatuloy lamang sa pag-aasikaso ng mga kagamitan.

"Kamusta na kayo ni Saraphine?" pag-usisa ni Eron. "Sinabi mo na ba sa kanya na aalis na tayo bukas?"

"Hindi pa, wala pa siyang kaalam-alam," sagot ni Aric. "Hindi pa nga kami nagkikita mula nung isang araw."

"Pambihira ka naman," napailing si Eron.

Hindi nagtagal, isang pagkatok ang narinig nila mula sa pintuan.

"May tao," bulong ni Eron.

"Sino naman kaya yan?" Saad ni Aric.

Muling kumatok kung sino man ang nasa kabilang panig ng pintuan.

"Aric, nandyan ka ba?" narinig nila ang tinig ng isang babae.

Nakilala ni Aric ang boses ni Cordelia.

"Si Saraphine," bulong niya kay Eron, "bilis, sabihin mo wala ako dito."

"Hindi mo ba siya haharapin?"

"Hindi na," natatarantang saad ng Panday.

"Ano namang sasabihin ko sa kanya pag nagtanong kung nasaan ka?"

"Di ko alam," tugon ni Aric, "ikaw na bahala kung ano sasabihin mo."

Nagtago si Aric sa may dingding malapit sa likuran ng pintuan. Binuksan ni Eron ang pinto na ninenerbyos.

"Saraphine, ikaw pala."

"Magandang hapon, Eron, nandyan ba si Aric?" Bahagyang narinig ni Aric ang boses ni Cordelia. "Ilang araw na kasi kaming hindi nagkikita gusto ko lang siya kamustahin kung maayos lang siya."

"Ah si Aric," nagsimulang mag-isip ng maidadahilan si Eron. "Ayos naman siya, kaso wala siya dito ngayon...bumili siya ng mga materyales sa pagpapanday."

Nagustuhan ng binatilyo ang dahilan ni Eron, mukhang magaling siya sa mga ganitong bagay.

"Ganun ba? Sige maghihintay na lang ako rito hanggang sa makabalik siya."

Napailing si Aric sa pamimilit ng dalagita. Napaisip siya kung paano ito malulusutan ng kaibigan.

"Hindi," napalakas ang tinig ni Eron, sa hindi inaasahan ni Aric. "Ibig kong sabihin, hindi kasi siya pupunta ng pandayan ngayon, didiretso na siya ng uwi sa bahay, pinagbilin na lang niya sa akin tong Pandayan, kaya kahit hintayin mo siya dito, di na rin siya darating."

"Talaga? Sige, aalis na ko," naramdaman ng binatilyo ang halong pagdududa at pagkadismaya sa tinig ng dalagita, "kung sakaling mapadaan siya, pakisabi lang kinakamusta ko siya."

"Makakarating, Saraphine, pasensya na," nahihiyang saad ni Eron.

Pagkasara niya ng pinto, hinarap niya ang nagtatagong kaibigan, "ayan, umalis na siya. May bayad tong ginawa ko para sa'yo!"

Sumilip si Aric sa may bintana at namataan niyang naglalakad na papaalis si Cordelia. Nadala ng pag-uusig ng kanyang konsensya ang binatilyo, nang mga panahong iyon, gusto na niyang lumabas at habulin ang dalagita.

"Bakit ba kasi ayaw mo pang sabihin sa kanya na aalis ka na?" tanong ni Eron. "Pansamantala lang naman to, babalik ka rin, pwede pa rin maging kayo."

"Masyadong komplikado ang lahat, Eron," saad ni Aric, "walang kasiguraduhan kung kaya ko pang panghawakan ang nararamdaman ko sa kanya. Mas makakabuti na to para sa aming dalawa."

"Hindi ka man lang nagpaalam sa kanya," tugon ni Eron.

"Hindi ko alam kung kayo kong gawin yun," pagpapatuloy niya.

"Magpakalalaki ka naman," kantyaw ni Eron, "barakong panday ka tapos gaganyanin mo lang yung babaeng nagmamahal sa'yo. Alam mo sa ginagawa mo, mas lalo mo lang siyang sinasaktan."

Tumatak sa kamalayan ni Aric ang mga payo ng kaibigan.

May kawal bang kasing duwag ko?

***

Dumating na ang araw na babago sa takbo ng buhay ni Aric, ang oras para panindigan ang kanyang desisyon ay naririto na. Ang ikatlong araw. Natapos na ang lihim niyang pag-eempake. Kinuha niya ang espadang binigay sa kanya ng Ama at sinuri ang talim nito.

Protektahan mo nga sana ako sa pagsubok kong ito.

Sumilip siya sa silid ng kanyang Tiya Sania at mahimbing pa ang tulog ng matanda.

"Paalam, Tiyang Sania."

Sunod siyang sumilip sa kwarto ni Sarito, gaya ng kanyang tiyahin mahimbing rin ang tulog ng kanyang Ama. Hinawakan niya ang tungkod na nakasandal sa may dingding malapit sa kanyang kama.

"Ikaw na muna ang bahala sa sa kanya," saad ni Aric sa tungkod.

Sa may mesa, iniwan ni Aric ang isang nakatiklop na piraso ng papel na naglalaman ng kanyang liham kay Sarito at Tiyang Sania.

Patawarin nyo ko sa gagawin ko...

***

Pagdating sa Pandayan, nakaabang na kay Aric at Eron sina Kapitan Uwalhid at ang mga piling Kawal na sasama sa ekspedisyon.

"Mabuti naman at sumipot kayo," saad ni Uwalhid.

"May magagawa pa nga ba ako," walang sigla sa tono ni Aric, "ako ang may gusto nito."

Hinakot na ni Eron ang mga kagamitang kanilang kakailangan sa paglalakbay, ikinandado na ni Aric ang buong establishamento, sa hudyat ng mga Kawal. Hawak-hawak ng binatilyo ang espada ng Ama at ang mapa ng Kasaganaan.

Nilapitan ng Kapitan si Aric, "alam mo wala pa rin akong tiwala sa misyong ito, ipinalangin mo na lang na swertehin ka, Panday."

Tinapik ni Uwalhid ang balikat ng binatilyo na may pag-uuyam.

"Aric!"

Bago pa makasagot si Aric sa sinabi ni Uwalhid, narinig niyang may tumawag sa kanyang pangalan mula sa kalayuan. Narinig rin ito ni Eron, ng Kapitan at ng iba pang mga Kawal na naroroon. Napalingon ang binatilyo at nasilayan niya si Cordelia na papalpit sa kanya.

"Sandali lang Kapitan," pagpapaalam niya kay Uwalhid, "magpapaalam lang ako sa kanya."

"Nobya mo?" tanong ni Uwalhid na hindi naman niya sinagot.

Lumapit siya sa dalagita kahit na wala na siyang mukhang maihaharap sa kanya.

"Saraphine, anong ginagawa mo rito?" may pag-aalala niyang tanong.

"Hindi ba dapat ako ang nagatatanong sa'yo, Aric?" binalik ni Cordelia ang tanong sa kanya. Ano ang ibig sabihin nito?"

Dumating na ang kinatatakutan ko, ang magpaalam sa napakahalagang tao sa buhay ko.

"Saraphine, kailangan nating mag-usap."

"Kailangan talaga nating mag-usap!" may panggigigil na sumang-ayon ang dalagita. "Nangako ka sa akin na pupuntahan mo ko, naghintay ako sayo buong araw para lang sa wala. Pinuntahan pa kita sa Pandayan, alam kong nandun ka at iniiwasan mo lang ako. Ipaliwanag mo sakin, Aric, ano ba talagang nangyayari?"

"Patawarin mo ko at hindi ko na matutupad ang mga pangako ko sa'yo," diniretso na niya ang dalagita. "Cordelia, aalis na ko."

"Aalis?" hindi makapaniwala ang dalagita sa narinig.

"Ipinatawag na kami ng Hari at ngayon na magsisimula ang misyon namin para sa paghahanap sa Sikretong Lupain."

"Hindi," pagtutol niya, "hindi ka pwedeng umalis."

"Nakapagdesisyon na ko, hindi na magbabago yun," paninindigan niya.

"Pero paano ako? Paano tayo? Iiwan mo na lang ako?"

"Cordelia, walang tayo," pagbubunyag niya, "Isang pagkakamali ang nagawa natin noong gabing yun, humihingi ako ng tawad sa'yo dahil pinagsamantalahan kita nang mga panahong mahina ka. Kung maibabalik ko lang sana ang kinuha ko sa'yo."

"Ginusto nating pareho ang nangyari," paliwanag ng dalagita, "Walang nanamantala! Aric, mahal kita. Noon pa man, kahit nung mga bata pa tayo, hindi ko pa lang alam kung ano ang nararamdaman ko dati pero ngayon sigurado na ako. Mahal na mahal kita, mahal mo rin ba ako?"

Hinaplos niya sa mukha ang binatilyo pero inalis niya ang kanyang kamay mula sa kanyang pisngi.

"Hindi..." walang kasiguraduhang sinabi ni Aric. "Tingin ko hindi rin pagmamahal ang nararamdaman mo sa akin, nasabik ka lang, dahil sa pamamagitan ko, naibalik ko ng pansamantala ang buhay na nawala sa'yo. Nasabik lang tayo sa isa't-isa. Nadala sa ating mga emosyon. Yun lang ang lahat ng yun, isang panandaliang aliw."

"Nagsisinungaling ka, alam ko sa sarili ko na iniibig kita at naramdaman ko rin ang pagmamahal mo sa akin. Sa sandaling panahon na nagkasama tayo naramdaman kong may halaga ako sa'yo."

Nag-isip si Aric nang sasabihin para matapos na ang lahat sa kanila.

"Kaibigan lang kita, hanggang doon lang. Ayokong paasahin ka sa wala. May mahahanap ka pang mas higit sa akin. Mayroong lalaking magmamahal sa'yo ng buong puso at ikinalulungkot kong hindi ako yun. Hindi ako nararapat sa'yo, Cordelia."

Napayuko si Cordelia na nangingilid ang luha sa kanyang mga berdeng mata.

"Tatanungin kita ulit. Ano bang mas mahalaga sa'yo, ako na naririto sa harap mo ngayon o ang pangarap mong walang kasiguraduhan?"

Ano ba to? Binibigyan ba niya ako ng isa pang pagkakataon para baguhin ang isip ko? Bakit mo ba ako kailangang pahirapan ng ganito?

"Alam nating pareho ang sagot dyan, kaya nga ako aalis. Walang mas matimbang sa akin kundi ang pangarap ko. Kaya kong talikuran ang kahit ano at kahit sino matupad ko lang ito."

Tinalikuran niya si Cordelia, hindi niya magawang makitang nasasaktan ang kababata sa mga salita niya.

"Binigay ko sa'yo ang dangal ko, ang katawan ko, ang puso ko, pagkatapos iiwan mo lang rin ako tulad ng pamilya ko? Ganun-ganun lang ba sa'yo ang lahat, sabihin mo sa akin, pinaglaruan mo lang ba ako ng gabing yun?"

Alam ni Aric na hindi siya basta-basta pakakawalan ng dalagita. Kailangan niyang gumawa ng paraan para tuluyan nang lumayo ang kalooban ni Cordelia sa kanya kahit na masakit ito.

Magsalita ka! Magdahilan! Magsinungaling! Ibuga mo na lahat, mas mabuti ng kamuhian ka niya sa iyong mga salita, kaysa ilagay mo sa kapahamakan ang buhay niya.

"Oo, Cordelia..." Napipilitan na sinagot ni Aric. "Nilaro lang kita, gaya ng ibang mga babaeng ikinama ko dati. Ganun naman ang palagi kong ginawa, pagsasawaan ko lang kayo tapos iiwan ko na. Marami pang nauna sa'yo. Isa ka lang sa mga niloko ko."

Lalong napatangis ang dalagita sa ibinunyag ng binatilyo. Hindi na nakapagpigil pa si Cordelia, itinaas na niya ang kamay niya para sampalin si Aric ngunit hindi tumugma ang kamay niya sa nais ng kanyang puso, hindi niya magawang saktan ang iniibig.

"Paalam, Saraphine," ito na lang ang sinabi ni Aric bago niya tuluyang talikuran ang dalagita. Mas pinili niyang sa ngalan ng estrangherang si Saraphine na lamang siya magpaalam kaysa sa kaibigan niyang si Cordelia, sa pamamagitan nito, mas napadali ang kanyang pamamaalam.

Umiiyak na tumakbo papalayo si Cordelia, batid niyang tumagos sa puso ng dalagita ang mga masasakit na salitang binitiwan niya at sa pagkakataong ito, napaniwala na niya ang kaibigan. Siguradong kamumuhian na siya nito, pero ngayon mas panatag na siya at natapos na lahat sa pagitan nila. Magagawa na niyang tuparin ang kanyang pangarap at mabubuhay na si Cordelia ng malayo sa magulo niyang mundo.

"Mukhang malalim ang naging usapan nyo. Tapos na ba ang palabas?" Natatawang tanong ni Uwalhid. "tara na!"

Habang sila ay naglalakad patungo sa pantalan, napailing si Eron sa naging pasya ng kaibigan. Hanggang ngayon, nilalamon pa rin ng lungkot at pagsisisi ang buong katauhan ni Aric.

Patawarin mo ko, Cordelia. Patawad at kailangan pang humantong sa ganito ang lahat...wala akong hinihiling kundi ang kasiyahan mo... Ito ang mas makabubuti para sa ating dalawa...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro