Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 21: Saraphine

-Palasyo-

Matapos ang kanyang natuklasan tungkol sa Reyna at sa Prinsipe, naging mailap ang antok para kay Saraphine at pinalipas na lamang niya ang oras sa pag-iisip sa mga rebelasyon.

Si Rigo, pumatol siya sa Reyna. Sino ang mag-aakala na posible ito. Mag-ina na ang turingan nila. Paano niya nagawang makipagrelasyon sa taong tinuturing niyang Ina at sa taong tinuturing niyang anak? Nakakadiri silang dalawa.

Hindi makapaniwala si Saraphine. Ang buong akala niya wala na lalala pa sa natuklasan niyang krimen mula sa Prinsipe ngunit may kasunod pa pala.

Ngayong lalo pang dumami ang sikretong kanyang nalaman, hindi rin maiwasan ng dalaga sa mga posibilidad.

Ano pa kaya ang tinatago nila? Kung may relasyon sila, ibig sabihin niloloko nila ang Hari Maaari kayang may alam din ang Reyna sa mga pagpatay ni Rigo. Hindi ito malabo, siya nga mismo utak kriminal at naisipan akong ipapatay, tiyak kinukunsinti rin niya ang Prinsipe at baka nga kasabwat pa siya.


Sa isang banda, may maganda ring naidulot na nahuli niya ang dalawa sa akto ng pakikiapid.

Batid ni Saraphine na malaking balakid sa kanyang mga plano ang mapagsuspetsa at pakialamerang Reyna. Nais niyang mawala sa kanyang landas ang harang sa kanyang paghihiganti ngunit wala siyang maisip na maaari iyang magamit upang masira ito sa Hari, hanggang ngayon.

Hawak na niya ang alas. Sa oras na isiwalat niya sa Hari ang tinatago nilang baho, wala na silang ligtas sa kanya. Tuluyan nang mawawala si Reyna Helena at malaya na niyang maisasagawa ang pagpuntirya niya kay Rigo.


Kailangan ko na itong ipaalam kay Rucaz, pero dapat akong mag-ingat. Hindi dapat malaman ni Helena na buhay pa ako.

***

Pagsapit ng umaga, napansin ni Aling Estrella na tila balisa si Saraphine. Namumugto ang kanyang mga mata sa puyat at pag-iisip sa mga kakaibang pangyayari kahapon.

"Ayos ka lang ba, Sara? Mukhang may bumabagabag sa'yo."

"Wala ito, Aling Estrella. Pagod lang siguro sa sunod-sunod na trabaho. Kailangan ko sigurong lumiban muna ngayon."

"Magpahinga ka na lang muna, sasabihin ko na lang kay Rhoda na may sakit ka."

"Huwag na," napalakas nang bahagya ang tinig ni Saraphine sa pagkabigla.

"Bakit naman hindi? Huwag ka ng matakot dun, ako na bahalang sumalo sa'yo."

"Maraming salamat, Aling Estrella, pero ito na lang ang hihingin kong pabor sa'yo. Pag may nagtanong sa akin, sabihin mo na lang hindi mo pa ako nakikita ngayong araw."

"Sigurado ka, baka isipin nila naglayas ka na."

"Sigurado ako, mahirap ipaliwanag sa ngayon, pero ito lang ang maitutulong mo sa akin sa ngayon."

"Hindi kita maunawaan, ngunit sige. May tiwala naman ako sa'yo."

"Salamat."

Umalis ang kasamahan na hanggang ngayon ay naguguluhan sa mga kilos ni Sara.

Oras na para isuplong sila sa Hari at kailangan mahuli na sila sa akto.

***

Samantala, sa silid ni Rigo, sumibol ang liwanag na magkasama pa rin sila ng Reyna.

Binuksan ni Helena ang bintana. Nagising si Rigo sa kanyang kama nang masilaw sa liwanag at nadatnan niya ang Reyna na nakatayo at nagbibihis ng kanyang bestida.

"Aalis ka na?" Tanong niya habang pupungay-pingay pa ang mata sa antok.

"Kailangan. Maya-maya, gigising na ang Ama mo. Hindi siya maaaring maghinala sa atin."

Natigilan ang Prinsipe at napaisip sa sinabi nito.

"Huwag kang mag-alala, mamaya magliliwaliw ulit tayo. Dadagdagan ko ang epekto ng pampatulog na binibigay ko sa Ama mo. Mamaya sa'yong-sa'yo ako at akin na akin ka."

Lumapit si Helena at muling hinagkan ang Prinsipe ngunit napansin niyang tila ito ay matamlay at walang gana.

"Anong problema?"

Hindi agad nakaimik si Rigo at humanap muna siya ng tamang bwelo bago ipaalam ang kanyang saloobin.

"Naisip ko lang na baka makabubuti siguro muna na maghinay-hinay tayo."

Napapailing na napangisi si Helena, hindi niya inaasahan na ito ang maririnig niya mula sa kanya.

"Anong ibig mong sabihin, inaayawan mo na ba ako?"

"Hindi naman sa ganoon, nag-iingat lang ako. Kung dadalasan natin ito, hindi malayong mabuking tayo ni Ama. Isang maling galaw lang at maaari itong makarating sa kanya."

"At kailan ka pa naging maaalalahanin sa ganitong mga bagay. Kontrolado ko ang lahat, hawak ko sa leeg ang Hari, bayad ko ang mga bantay. Hindi niya tayo mabubuking. Ano bang inaalala mo?"

"Basta. Hindi mo rin naman ako mauunawaan."

"Ano bang nangyayari sa'yo? Hindi ka naman dating ganyan."

"Hindi ko rin alam, ang masasabi ko lang, nagsasawa na ko sa parehong putahe at baka panahon na para-"

"Para ano? Para tumikim ng ibang pagsasawaan mo. Ganun- ganun na lang ba yun? Matapos kitang pasayahin sa loob ng maraming taon, ngayon tinatapon mo na ako na parang isang panis na pagkain."

Napagtanto ni Rigo na nasaktan niya si Helena sa kanyang mga nasabi at sinubukan niya ulit itong suyuin.

"Hindi, hindi. Naisip ko lang baka kailangan muna natin maging madalang para muli tayong manabik sa isa't-isa. Hindi naman tayo titigil, magpapahinga lang pansamantala."

"Huwag mo na akong lokohin, Rigo. Basang-basa na kita. Batid kong ang dahilan ng panlalamig mo sa akin ay ang bruhang babaeng yun! Sinabi ko naman sa'yo, patay na siya at mabuti nang kalimutan mo na siya dahil hindi na siya babalik rito!"

Sa may labas ng silid, bahagyang napakinggan ni Saraphine ang usapan nila. Kumpirmado, magkasama pa rin ang dalawa.

"Kung ayaw mo sakin, bahala ka na sa buhay mo!"

Nagpasyang lumabas ang Reyna at namataan ni Saraphine na pabukas na ang pinto. Tumaripas ng takbo ang dalaga upang umiwas sa Reyna ngunit hindi pa rin siya nakaiwas sa mapagmatyag nitong paningin.

Nasilayan ni Helena na tumatakbo ang isang dalaga at nakilala niyang ito ay si Saraphine.

"Imposible," bulong niya.

Nagtago si Saraphine sa may sulok ng bulwagan nang sa ganoon ay hindi siya makita ng Reyna. Lumipas ang ilang saglit, humina ang mga tunog at yabag hanggang sa ito ay tuluyang maglaho sa pandinig niya.

Wala na siya. Sayang at naghiwalay na sila. Hahanap na lang ako ng ibang tyempo.

Pasimpleng lumabas ang dalaga sa pag-aakalang wala na si Helena, pero sa isang iglap, hindi niya akalain na bigla itong susulpot sa kanyang daan. Kapwa natigilan ang dalawa at nanlaki ang mga mata. Animo'y nakakita ng multo.

Naku, nalaman na niyang buhay ako. Paano na ito?

Hindi makapaniwala ang Reyna na buhay pa si Saraphine. Ang buong akala niya ay nagtagumpay ang mga inutusan niya para patayin ito.

"Naririto ka pala."

Hindi nakasagot si Saraphine. Natigilan ito sa kanyang pwesto at hindi niya malaman kung ano ang magiging reaksyon niya.

"Masaya akong makita ka na maayos at ligtas," sinabi ito ng Hari nang may pagdiin sa kanyang tono, tila nang-aamok at may nais iparating.

Dito na lumipas ang pagkaligalig ni Saraphine at unti-unting nabalutan ng poot ang kanyang ekspresyon.

Nahalata ni Helena ang matalim niyang pagtingin.

"Aong tinitingin-tingin mo dyan?"

Wala itong nagawa para sindakin si Saraphine. Nanatili pa ring masama ang tingin niya sa taong nagtangka sa kanyang buhay.

"Bakit ganyan ka makatingin sakin? Papalag ka na ba? Bruha ka!"

Naninigas na ang kalamnan ng dalaga, nagsusumamo na ang kanyang puso na gantihan si Helena ngunit napagpasyahan niyang huwag na munang patulan ang Reyna. Utak ang kailangan niyang paganahin hindi emosyon, kung ayaw niyang mapurnada ang lahat ng kanyang mga plano.

Iniwasan na lamang niya ito at naglakad papalayo. Hindi naman papaawat ang Reyna.

"Saan ka pupunta? Huwag mo kong tatalikuran pag kinakausap kita, walang galang na puta!"

Hinila niya si Saraphine sa buhok at hinatak niya ito sa may dingding.

"Bitawan mo ko!"

"Hindi! Sabihin mo sa akin bakit mo ako iniirapan ng ganyan! Akala mo ba hindi kita nahalata?"

Nasagad na si Saraphine sa pananakit ni Helena.

"Gusto nyo talagang malaman? Sige sasabihin ko sa inyo. Nabigo kayo, nakita mo ako? Buhay na buhay ako. Nagulat ka ano?"

"Wala akong alam sa sinasabi mo!"

"Hindi ka nagtagumpay sa plano mong ipapatay ako! Anong napala mo sa dalawang utusan mo? Sila ngayon ang napunta sa dapat nilang kalagyan!"

"Ang kapal rin talaga ng mukha mo para akusahan ako, nakakalimutan mo na yata ang lugar mo!"

"Huwag na kayong magpalusot pa. Alam kong ikaw lamang ang magtatangkang patayin ako dahil gusto mong mawala ako rito sa Palasyo."

"Aba, gusto mo talagang mawala sa Palasyo, pwes ibibigay ko to sa'yo."

Muling hinatak ni Helena si Saraphine, tinulak niya ito sa may balkonahe ng sala at agad niya itong sinakal sa leeg. Nagsimulang maghikahos ang dalaga sa galit at pwersa ng Reyna.

"Hayop kang haliparot ka! Hindi ka pa mamatay-matay! Ngayon papatayin na talaga kita!"

"Sige... patayin nyo ko, malalaman rin ng lahat... ang ginawa nyo...sa akin!"

"Dyan ka nagkakamali dahil palalabasin kong aksidente kang nahulog sa balkonahe! Ilang araw lang malilimutan ka na ng lahat!"

Nagsimula ng kapusin sa paghinga ang dalaga sa ginagawang pananakal ng Reyna.

"Bitawan...mo ko!"

"Hindi! Punong-puno na ko sa'yo! Wala ng makapipigil sa akin na tapusin kang babae ka!"

"Gawin mo na! Patayin mo na ko...hindi mo na nanaisin pang mabubay ako sa nalalaman ko..."

"Anong nalalaman mo?" Bahagyang lumuwag ang mga kamay ng Reyna at napaisip sa mga binitawan ni Sara. "Magsalita ka?"

Napangiti lamang si Saraphine. Nagpasya siyang gumawa ng ibang rason, hindi maaaring malaman ng Reyna na batid na niya ang tungkol sa namamagitan sa kanila ni Rigo.

"Sasabihin ko...lahat ng pang-aapi mo sa akin! Paano mo ako pagmalupitan! Paano mo ko sinubukang paslangin!"

Natawa si Helena at muling lumakas ang pwersa niya sa dalaga. Nakahinga ito ng malawag sa pag-aakalang yun lamang ang nalalaman ni Saraphine.

"Kanino mo naman sasabihin? Sa Hari? Sa tingin mo sino ang paniniwalaan niya sa atin, ako na asawa niya, o ikaw na isang hamak na alipin lamang? Walang laban sakin. Wala kang silbi. Hampaslupa! Oras na para mamatay ka!"

Umabot sa sukdulan ang pagdiin ni Helena kay Saraphine upang ito ay mahulog na sa balkonahe. Unti-unti nang nakakaramdam ng panghihina si Sara. Masyadong malakas para sa kanya si Helena.

Lumaban ka, Sara. Hindi rito magtatapos ang lahat ng pinaghirapan mo. Malapit ka na...malapit na...

Gamit ang natitira niyang lakas, nagpumiglas si Saraphine. Sinipa niya sa sikmura ang Reyna at ito ay napabitaw sa kanya. Muling susugod si Helena na parang isang galit na tigre ngunit inunahan na siya ni Sara at isang malakas na sampal ang humambalos sa mukha nito na nagpabagsak sa kanya sa sahig. Napainda siya sa sakit at napahawak sa kanyang pisngi.

"Isa pang lapit mo at higit pa dyan ang matitikman mo!"

"Ang lakas ng loob mong saktan ang Reyna! Malalaman ito ng Hari! Pagsisisihan mo ito, tandaan mo ang araw na ito!"

"Sige, magsumbong ka, nang magkaalaman tayo!"

Ito na ang huling sinabi ni Saraphine bago siya tuluyang umalis.

***

Tinupad ni Helena ang kanyang pagbabanta at sa kanyang pagsusumbong, agad na pinatawag ni Haring Rucaz si Sara tungkol sa kinakaharap niyang akusasyon.

Pumasok si Saraphine sa loob, sa pagkakataong ito, wala siyang naramdamang ni katiting na kaba sapagkat kumpiyansa siyang aayon sa kanya ang tadhana. Kung malilintikan siya, sisiguraduhin niyang mas malilintikan ang Reyna sa ibubunyag niya.

"Kamahalan," nagbigay-galang sa pagbati ang dalaga.

Naaninag niya base sa ekspresyon ng Hari na mukha itong iritable sa kanyang presenya. Inaasahan na niya ito.

"Huwag na tayong magpaligoy-ligoy pa. Sigurado akong alam mo na ang dahilan bakit kita pinatawag ngayon. Nakwento na sa akin ni Helena ang lahat. Hindi ko akalaing magagawa mo yun. Nagawa mong pagbuhatan ng kamay ang Reyna."

Napayuko si Saraphine at muli niyang nilaro ang Hari sa kanyang pagkukunwari.

"Humihingi po ako ng tawad sa nagawa ko, Kamahalan. Nasaan po ang Reyna?"

"Nagpapahinga siya at sumama ang pakiramdam. Hanggang ngayon nangangatog siya at hindi niya maatim na makita ka ngayon. Anong karapatan mong saktan ang isa sa Pamilya Royal?"

"Paumanhin po, Mahal na Hari. Hindi ko naman po sinasadya na saktan siya. Hayaan nyo pong magpaliwanag ako."

Napangisi ang Hari sa pagkauyam. "Ito na naman tayo, Sara. Ilang ulit na itong nangyari na may kinasasangkutan ka at nais mong magpaliwanag, pero sige. Sa huling pagkakataon, pinahihintulatan kitang magpaliwanag."

"Nagawa ko lang naman yun dahil pinagtanggol ko lang ang aking sarili laban sa kanya. Ang totoo po, siya ang unang nanakit sa akin. Hinatak niya ko, sinabutan, sinakal at muntik nang ihulog sa may balkonahe."

"At bakit naman iyon gagawin sa'yo ni Helena? Ang sabi niya sa akin tinignan mo daw siya ng masama at bigla mo na lang siyang hinampas sa mukha."

"Hindi po yun totoo. Batid nyo naman po noon pa man na mainit ang dugo sa akin ng Reyna. Ilang ulit na siyang gumawa ng paraan para mapatalsik ako sa Palasyo. Una pa lamang po, pinahirapan niya ko sa dami ng pinataw niya sa aking trabaho na halos bumigay na ang katawan ko sa pagod. Ilang ulit ko ring tiniis ang mga insulto at pangmamaliit niya sa akin. Minsan na rin niya akong nasaktan noong naririto ang Emperador. Labis-labis na pang-aalipusta at pang-aapi ang inabot ko sa kanya. Ngayon lamang po ako nagkaroon ng lakas ng loob na sabihin ito sa inyo, dahil ano nga ba ang laban ng isang hamak na katulong sa salita ng isang Reyna?"

Napaisip ang Hari sa mga siniwalat ni Sara. Nakikita niyang may namumuong awa sa kanya ngunit pilit niya itong kinukubli sa pagpabor sa kanyang asawa.

"Sabihin na nating totoo ang lahat ng ito, wala pa ring karapatan ang isang mababang katulad mo na saktan siya. Alam mo naman siguro ang kapurusahan sa ginawa mo? Isa pa bakit naman umabot sa puntong papatayin ka niya? Ganoon ba siyang namumuhi sa'yo?"

"Hindi ko rin po alam, pinagpipilitan niyang may masama akong intensyon sa inyo at handa siyang gawin ang lahat mawala lamang ako sa puder nya. Alam ko lang galit na galit siya sa akin kanina dahil nabigo siya at nakaligtas ako sa mga lalaking inutusan niya para ligpitin ako."

Napailing ang Hari, tila hindi malaman kung ano ang paniniwalaan.

"Ano na naman ito? Bagong akusasyon na naman. Ngayon sinasabi mong may mga lalaking nagtangka sa'yo."

"Opo, tinambangan nila ako kagabi."

"At si Helena ang may pakana? Paano ka naman nakasisigurado?"

"Dahil binalaan ako ni Prinsipe Rionne, matapos niya akong sagipin."

"Naniwala ka naman sa hangal kong kapatid."

"Hindi po hangal si Rionne, nagsasabi lamang siya ng totoo."

Sa takbo ng kanilang usapan, nararamdaman ni Saraphine na sa pagkakataong ito, bigo siyang makuha ang simpatya ng Hari gaya ng palagi niyang nagagawa noon. Mukhang mas kampi talaga ito sa Reyna. Baka nga nabilog na talaga ang ulo nito.

"Tama na, Sara. Wala na kong panahon pa para sa mga kalokohang ito. Iisa lang ang maliwanag sa akin, sinaktan mo ang mahal kong kabiyak at kailangan mo itong pagdusahan. Dalhin siya sa bilangguan."

Lumapit ang mga Kawal ng Hari at hinawakan si Saraphine sa magkabilang braso. Nagsimulang magpumiglas ang dalaga. Napagpasyahan na ito na ang tamang panahon upang isiwalat ang baho ni Helena. Desperado na siyang isama ang Reyna sa kanyang paglagapak.

"Sandali lang, pakiusap, Kamahalan. Nagmamakaawa ako sa inyo. Hindi nyo ko maaaring pakulong, marami pa kong nalalaman tungkol sa Reyna. Sa oras na pinakulong nyo ko, gagawa rin siya ng paraan para papatayin ako at hindi nyo na malalaman ang pangloloko nila sa inyo!"

Ipinagtaka ng Hari ang mga pahayag na ito ni Sara.

"Saglit lang, pakawalan nyo siya."

Ginawa nga ito ng mga Kawal.

"Anong ibig mong sabihing 'panloloko nila'?"

"Huwag po sana kayong mabibigla sa natuklasan ko tungkol sa Reyna..." natigilan si Saraphine nang bahagya.

"Diretsuhin mo na ako nang matapos na ito. Ano bang pinagsasasabi mo?"

Lumapit si Saraphine nang taas noo at buo ang tindig. Handa nang pakawalan ang kanyang huling alas.

"Kahapon po ng gabi, nakarinig ako ng ingay mula sa mga bulwagan, nagtungo ako sa silid ni Prinsipe Rigo at nakita kong naroroon si Reyna Helena. Nasilayan ko pong silang dalawa...na nagsisiping sa kwarto ng Prinsipe."

Nagmistulang istatwa si Rucaz sa kanyang kinauupuan. Masyadong magaspang sa tenga ang mga katagang ito. Hindi niya alam kung tama ba ang kanyang narinig o nagkakamali lamang siya. Nagsimulang mawalan ng pakiramdam ang kanyang katawan.

"Hindi ko po alam kung kailan ito nagsimula, pero isa lang ang natitiyak ko. Niloloko kayo ng Reyna at ng Prinsipe.

"Hindi, hindi totoo yan." Iginiit ng Hari. "Hindi nila ito magagawa sa akin. Nag-iimbento ka lang ng kwento para pasamain ang Reyna at pati ang anak ko dinadamay mo pa!"

"Sana nga po hindi totoo ang lahat ng ito, ngunit hindi nagkakamali ang mga mata ko. Ako man rin, hindi makapaniwala na magagawa nila ito sa inyo, na magagawa kayong pagtaksilan ng inyong asawa at sariling anak sa inyong tahanan, alam ko pong mahirap itong tanggapin pero yun ang katotohanan. Wala ba kayong napapansing kakaiba sa kanila? Gaano nila kamahal ang isa't-isa na daig pa ang tunay na mag-ina. Iyon ay dahil may namamagitan sa kanilang dalawa. Sa tingin ko, matagal-tagal na rin nila kayong sinasaksak ng patalikod."

"Hindi, hindi ko ito kayang pakinggan, niloloko mo lang ako, nagsisinungaling ka!" nagsimulang manginig ang kalamnan ng Hari at bahagya rin siyang namutla. Pilit man niyang nilalabanan ang bawat kataga ni Sara, lalo lamang itong bumabaon sa kanyang kalooban.

Direkta siyang tinignan ng dalaga nang walang ni katiting na pagkurap sa kanyang mga mata.

"Maniwala kayo sa akin, Mahal na Hari. Kayo ang niloloko nila at kung hahayaan nyo lang sila, paulit-ulit nila kayong paiikutin at iiputan sa ulo."

"Tumahimik ka na!" hindi na nakapagtimpi pa ang Hari. Napabangon ito sa kanyang Trono at dumagundong ang kanyang nanggagalaiting tinig.  "Wala na kong maririnig pa mula sa'yo! Dakpin ang babaeng yan, nararapat siyang mabulok sa pinakamababang selda!"

Muling hinawakan ng mga guwardiya si Saraphine at nilagyan siya ng kadenang posas. Hindi na nagpumiglas pa ang dalaga.

"Kung ito po ang nais nyo, tatanggapin ko dahil nirerespeto ko kayo bilang Hari. Ito lang ang ipapayo ko sa inyo, alamin nyo kung ano ang katotohanan tungkol sa inyong asawa at anak. Tsaka nyo ako bigyan ng hatol kapag napatunayan nyong mali ako."

"Ilayo siya sa paningin ko!" nanatiling nag-aalboroto ang napapaos na tinig ng Hari.

Hinatak na ng mga bantay si Saraphine at tuluyan siyang nilabas sa Bulwagan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro