Kabanata 21: Graison
-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-
"Graison, anak? Naririnig mo ba kami?"
Napansin ni Grasiela na walang ni katiting na reaksyon mula sa anak. Nakatulala lamang ang Prinsipe, blangko ang ekspresyon at nasa malayo ang paningin. Normal naman ang kanyang paghinga at ang pagpikit ng kanyang mga mata.
"Tawagin ang manggagamot," panuto ni Emperador Fierro sa isa sa mga bantay.
Pagdating ng manggagamot, agad niyang sinuri ang Prinsipe sa mata, bibig at sa kanyang sugat upang malaman kung ano na ba ang kanyang kalagayan.
"Kamusta naman siya?" nag-aalalang tanong ng Emperatris.
"Magiging maayos na siya, naghihilom na ang kanyang sugat. Wala na tayong dapat ikabahala."
"Salamat naman," nakahinga ng maluwag si Fierro.
Si Grasiela naman ay hindi pa rin panatag sa sitwasyon ng anak.
"Kung maayos na siya bakit siya tulala? Hindi siya tumutugon sa amin at hindi pa siya nagsasalita."
"Marahil dulot lamang ito ng kanyang pinsala. Minsan talaga may mga taong nagkakaganito matapos nilang dumaan sa bingit ng kamatayan. Masasabi kong hindi naman ito iba sa mga nasuri ko."
"Gaano katagal siya magkakaganito?"
"Hindi natin masabi, maaaring mga ilang araw o abutin ng ilang linggo. Basta asikasuhin nyo lamang siya, bigyan ng makakain, maiinom at sapat na oras para magpahinga at hindi nyo mamamalayan babalik na rin siya sa dati."
"Salamat po."
***
Masugid na inasikaso ni Grasiela ang anak. Ipinaghanda niya ito ng mainit na sabaw at sinubuan ng dahan-dahan ang Prinsipe. Natuwa naman siya nang nakita niyang tinatanggap ni Graison ang pagkain at kahit papaano ay may malay na sa paligid.
"Yan kumain ka lang, para bumalik agad ang lakas mo. Hindi mo pa ba talaga kayang magsalita?"
Napatingin lamang sa kanya si Graison na may lamlam sa kanyang malungkot na mata, ito lamang ang naisasagot niya sa ngayon.
"Siguro, hindi pa nga, huwag muna nating pilitin kung hindi mo pa kaya."
Lingid sa Emperatris, pinagmamasdan lamang sila ng Emperador.
***
Pagkalabas ni Grasiela, agad siyang tinapat ng Emperador.
"Hanggang kailan mo ba ito gagawin?"
"Ano bang tinutukoy mo?"
"Itong pagpapakain mo sa kanya, kung tratuhin mo siya akala mo sanggol pa siya. Malaki na siya. Kaya yan nag-iinarte at hindi marunong tumayo sa sarili niyang mga paa kasi patuloy mong kinukunsinti."
Napailing ang Emperatris at napangisi sa sinambit ng Emperador. "Nag-iinarte? Naririnig mo ba ang sarili mo sa mga pinagsasasabi mo? Kagagaling lang ng anak natin sa peligro, muntikan na siyang mamatay nang dahil sa'yo, pagkatapos sasabihin mo ngayong nag-iinarte lang siya? Sa dami ng problema natin, tingin mo ba magpapabigat pa siya at gawa-gawa niya lang ang lahat ng ito? Wala ka man lang bang utang na loob, kahit na niligtas niya ang buhay mo."
Napaisip si Fierro sa sinabi ng asawa at siya ay napahinga ng malalim habang tumatatak sa kanya ang punto nito.
"Pasensya na, hindi ko siya gustong husgahan. Siguro hindi ko lang matanggap na ganito ang kalagayan ng anak natin kaya ipinagpalagay kong nagpapanggap lang siya."
"Kung ikaw hindi mo siya kayang alagaan, huwag mo akong igaya sa'yo. Wala na kong pakialam ano pa ang isipin mo, basta bilang kanyang Ina, gagawin ko ang makakaya ko para maibalik siya sa dati."
***
Sa sobrang pag-aaruga sa anak, inabot na ng hapon si Grasiela nang siya ay lumabas sa silid ni Graison. Nakasalubong ng Emperatris si Osylla pagbaba ng bulwagan.
"Kamahalan, magandang hapon po," yumuko ang dalaga.
"Magandang hapon rin, Osylla."
"Nabalitaan po namin na nagkamalay na po si Grai."
"Oo, maayos-ayos na si Graison, kaso lang may isang problema."
"Ano po yun?"
"Hindi pa kasi siya nababalik sa dati. Hindi pa siya naimik at madalas tulala pa rin siya sa malayo."
"Ganun po ba? Bisitahin ko po kaya siya, baka may maitulong ako."
"Salamat, Osylla, pero sabi ng manggagamot baka mga ilang araw pa bago siya makapagsalita ulit."
"Ayos lang po sakin, kahit di niya ko pansinin, gusto ko lang po talaga madalaw ang kaibigan ko."
"Sige, sasamahan kita mamaya."
***
Pagsapit ng gabi, pinuntahan ulit ni Grasiela ang anak kasama ang kaibigan niyang si Osylla. Kasalukuyang gising ang Prinsipe, nasa malayo pa rin ang kanyang tingin ngunit napukaw ng dalawa ang kanyang pansin at siya ay napatitig nang mahinahon sa kanila.
"Grai, may kasama ako," saad ng Emperatris. Sumulpot si Osylla na may baong ngiti sa kanyang pisngi.
"Kamusta, Grai. Ako to ang kaibigan mo."
Hindi siya inimik ni Graison at muli niyang tinuon ang paningin sa malayo.
"Hindi ka pa rin nakakapagsalita?"
Sa ikalawang pagkakataon, nanatiling tulala at walang imik ang Prinsipe sa presensiya ng dalaga.
Kahit na hindi siya pinansin ng Prinsipe, marahang lumapit ang dalaga at hinawakan niya ang palad ng kaibigan. Mainit-init pa rin ang kamay nito sapagkat nananatili pa rin ang kanyang sinat.
"Hindi kita pipilitin na makipag-usap sa akin kung hindi mo pa kaya. Naiintindihan ko. Basta palagi lang akong naririto para sa'yo. Magpagaling ka."
Napatingin si Osylla kay Grasiela. Dismayado pa rin ang Emperatis sa lagay ng anak.
"Aalis na ko."
Tumayo ang dalaga at bibitawan na sana niya ang kamay ni Graison nang maramdaman niyang may pumisil sa kanyang palad. Napatingin siya sa Prinsipe at napagtanto niyang nangungusap ang mga tingin nito sa kanya, gaya nang kung paano siya tignan nito noon.
"Grai?" Nanigla ang mukha ng dalaga.
Maging si Grasiela ay hindi makakurap sa reaksyon ng anak. Pinakiramdaman niya ang mga susunod na pangyayari.
"Huwag...huwag kang umalis...dito ka lang...sa tabi ko," malakas lamang ng kaunti sa bulong ang matamlay na tinig ng Prinsipe ngunit sapat naman para maunawaan nila.
Nagkatinginan sina Grasiela at Osylla at sabay silang napangiti sa nangyari.
"Nakakapagsalita ka na," saad ni Osylla.
"O-oo."
Hindi makapaniwala si Grasiela. Si Osylla lang pala ang tuluyang makapagpapagaling kay Graison. Hindi ang kanyang Ama, hindi ang kanyang Ina. Siya lamang na isang kaibigan.
"Kamusta na, anak?"
"Maayos na po ako, Ina," sinubukang gumalaw ni Graison ngunit kapansin-pansin pa rin ang paghihikahos. "Medyo masakit lang pag kumikilos."
"Mabuti naman, napawi na ang pag-aalala ko. Kaya mo na ba?"
"Kakayanin."
"May mga nakita o natatandaan ka ba noong nag-aagaw buhay ka?"
Sinusubukang alamin ng Emperatris kung may naalala na ang anak sa kanyang masalimuot na nakaraan.
Pilit na inalala ni Graison ang mga huling sandali bago siya mawalan ng kamalayan. Bumalik sa kanyang gunita ang pagtama ng palasong sa kanyang katawan.
"Ang naaalala ko lang...papatayin ni Duke Aurello si Ama. Pinrotektahan ko siya tapos...tapos wala na."
Nakumpirma ng Emperatris na wala pa ring nalalaman si Graison.
"Nasaan si Ama? Nakabalik ba siyang ligtas sa labanan?"
"Ligtas ang Ama mo, wala kang dapat ipag-alala. Mahalaga magpahinga ka muna."
"Masaya ako at nagbalik na ang dating Graison," muling napahawak ang kamay ni Osylla sa kaibigan.
"At dahil yun sa'yo, Osylla. Salamat at natulungan mo ang kaibigan mo."
"Walang anuman po, kahit ano para kay Grai."
"Ina."
"Ano yun, May kailangan ka?"
"Nagugutom po kasi ako," nahihiya niyang pinaalam.
"Magaling ka na nga," banat sa kanya ng Ina.
Sabay na nagkatawanan ang tatlo. Muli nilang binigyan ng makakain ang Prinsipe.
***
Pagsapit ng gabi, nakatulog na ulit si Graison kasama ang kanyang Ina. Minabuti ni Grasiela na manatili muna sa piling ng anak, sakaling sumama ulit ang pakiramdam nito.
Hindi mapakali ang Prinsipe sa kanyang kinahihimlayan. Tila hindi siya pinatatahimik ng isang malagim na alaala.
Nasaan ako? Anong nangyayari?
Sa kanyang panaginip, namataan niyang tumatakbo ang isang batang musmos at siya ay hinahabol ng isang pwersang maihahalintulad sa isang apoy. Hindi nito nilulubuyan ang bata, nakahandang lamunin at tupukin ito sa kanyang lagablab. Walang kalaban-laban ang bata at siya ay takot na takot. Ang kanyang kilabot ay para bang nararamdaman rin ni Graison sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa. Hindi nagtagal, isiniwalat na ng pwersa ng apoy ang kanyang nakapangingilabot na sarili. Hindi siya lubos makapaniwala kung kaninong wangis ang nilantad nito.
Ama? Anong ibig sabihin nito?
Pulado ang kanyang mga mata na kasing puro ng sa dugo at walang katulad ang panggagalaiti ng kanyang mukha.
Sumakit ang peklat niya sa kanyang noo at bumilis ang takbo ng mga pangyayari mula sa paglusob sa Cenpyre, sa paghabol sa isang musmos sa karwahe at ang pagsigaw ng isang babae na umuudyok sa kanya na tumakbo.
Nagising si Graison at napabalikwas siya mula sa kanyang kama na siyang nag-antala sa pagtulong ng kanyang Ina.
"Anak, bakit? Anong problema?"
Hindi agad makasagot si Graison sa sukdulang paghahabol ng kanyang hininga.
"Ang bata...tumatakbo siya...mayroong humahabol sa kanya...si Ama...inuusig niya ang bata..."
Natigilan si Grasiela sa kanyang sinambit.
"Bakit niya hinahabol ang bata?"
"Nananagip ka lang, hindi yun totoo," pinakalma ni Grasiela ang anak.
"Hindi, totoong-totoo ang mga nakita ko."
"Anak, kagagaling mo lang sa matinding pinsala at halos hindi pa nga tuluyang humuhupa ang sinat mo. Karaniwan lang na may mapanaginipan kang mga bagay na hindi kaaya-aya, pero hindi ibig sabihin na totoo ang lahat ng iyon."
"Siguro nga po," tuluyan nang kumalma ang Prinsipe at bumalik sa pagtulog.
Hindi pinahalata ni Grasiela ngunit maging siya ay nagambala rin sa napanaginipan ng anak. Batid niyang hindi malabo na unti-unti nang bumabalik ang nawalang alaala ng anak at ang batang tinutukoy nito ay walang iba kundi siya rin mismo. Naalala pa nga na parang kahapon lang ang araw na natagpuan niya ang batang sugatan at pagala-gala. Hindi akalain na ang batang ito ang tuluyang babago sa kanyang buhay, pero hanggang ngayon palaisipan pa rin sa kanya ang kasaysayan sa likod ng kanyang peklat.
***
Sumunod na araw, agad na kinausap ni Grasiela ang pinsang si Talas sapagkat hindi siya pinatatahimik ng panaginip ni Graison.
"Sinasabi mong baka ang panaginip niya ay alaala mula sa kanyang nakaraan?" tanong ng Kawal.
"Hindi ito imposible. Malay natin kinalog ng pinsala ang utak niya. Malapit na niyang maalala ang nakaraan niya."
Paikot-ikot sa paglalakad ang Emperatris sa pag-aalala at ito ay napansin ng kanyang pinsan.
"At ayaw mo ba nun? Masasagot na rin ang mga tanong sa isip niya at magkakaroon na siya ng kaliwanagan."
"Sa oras na maalala niya ang lahat, mapapagtanto niyang hindi kami ang tunay niyang magulang."
"Bakit naman kasi ayaw mo pang sabihin sa kanya ang katotohanan tungkol sa pagkatao niya. Tumatanda na si Graison."
"Hindi ko pa maaaring sabihin sa kanya ngayon, lalo na sa kalagayan niya, baka hindi ito makabuti sa kanya."
"Langya naman, Grasiela, yan ba talaga ang tunay na dahilan?"
"Ayokong ipaalam sa kanya sapagkat masasaktan siya. Mawawasak ang mundo niya kapag nalaman niyang ang buong pagkatao niya ay kasinungalingan lamang. Ano sa tingin mo ang mararamdaman niya pag nalaman niyang hindi siya tunay na Prinsipe?Ang masaklap pa, paano kung iwan nya ko at tuluyan na kong mawala sa buhay niya."
"Grasiela, kasama mo ko sa paglaki ni Graison at sa pagkakakilala ko sa batang yun, mabait siya at maunawain, sigurado ako mauunawaan niya ang lahat. Kung ang Emperador nga inunawa niya sa loob ng labing pitong taong malamig ang trato nito sa kanya, ikaw pa kaya na nag-alaga at nagpalaki sa kanya. Sigurado akong hindi ka niya iiwan. Kailangan niyang malaman ang totoo, utang natin ito sa kanya."
"Ewan ko, Talas. Hindi ko alam kung kaya ko bang ipagtapat sa kanya ang lahat."
"Nasa iyo pa rin ang desisyon, andito lang naman ako para suportahan ka. Ang ipinagtataka ko lang, bakit kasama ang Emperador sa gunita ni Graison? Hindi kaya may kinalaman o bahagi rin siya sa nakaraan niya?"
Napaisip rin si Grasiela sa tanong ng Pinsan.
***
Bago sumapit ang tanghali, nagpasya si Fierro na puntahan ang anak nang malaman niya mula kay Panginoong Ocillo na nakabalik na sa tamang wisyo ang Prinsipe. Agad niya itong pinuntahan sa silid at nadatnan niya itong nakahiga sa kanyang kama, nagpapahinga ngunit gising na at mukhang maayos na kumpara noong huli niya itong nakita.
"Graison."
Nag-iba ng direksyon ng ulo ang Prinsipe at umiwas siyang tignan nang diretso sa mata ang Ama. Matapos niyang makita ang matapang nitong mukha sa kanyang panaginip, hindi siya komportable na naririto siya ngayon.
"Ama, ano pong ginagawa nyo rito?" tuyot at walang gana ang tinig ng Prinsipe.
"Kinakamusta ka," sagot ni Fierro. "Mabuti naman at nasa tamang lagay ka na. Ang sugat mo, masakit pa ba?"
"Bahagya pa pong kumikirot pag gumagalaw ako pero pagaling naman na."
"Magandang balita yan," napangiti si Fierro.
Sa pagkakataong ito, hindi pagpapanggap kundi totoo ang pinapakita niyang malasakit kay Fierro. Hindi niya alam kung bakit pero hindi na niya maiwasang hindi umamo ang loob sa bata, lalo pa ngayon at nalaman niya kung gaano siya kahalaga sa kanya.
"Anak, maraming salamat sa ginawa mong pagsagip sa akin mula kay Aurello. Hindi ko akalain na kaya mong sakrispisyo ang sarili mo para sa akin. Utang ko sa'yo ang buhay ko."
"Huwag nyo na po alalahanin. Ganito rin naman ang gagawin nyo kung ako ang nasa sitwasyong iyon, hindi po ba?"
Nananatili pa ring ilag ang pakikitungo ni Graison sa Ama. Napaisip naman si Fierro bago sagutin ang tanong niya na animo'y mahirap ang tinanong nito.
"Sino ba namang magulang ang hindi gagawa nun para sa kanyang anak?"
Patungo naman si Grasiela sa silid nang mapansin niyang may kausap ang anak at nalaman niyang ang Emperador ang nasa loob. Napatigil siya at pasimpleng nakinig sa kanilang usapan.
"Nais ko lang rin malaman mo na lubos kong pinahahalagahan ang ginawa mo para sa akin. Ngayong binigyan pa ako ng isa pang pagkakataon para magpaka-Ama sa'yo, makakaasa kang babawi ako sa mga kakulangan ko sa'yo."
"Salamat," sambit ni Graison na hindi man lang nagawang tignan ang Ama. Ito ang mga salitang matagal na niyang minimithing marinig sa Ama mula pagkabata ngunit ngayon wala siyang kahit anong nararamdaman, ang gusto niya lang ngayon ay matapos na ang sasabihin ng Ama nang sa ganoon ito ay umalis na. Siguro nga naging manhid na siya sa lahat ng nangyayaring gulo sa kanyang buhay.
Nahalata na ng Emperador na para bang may nag-iba na ngayon sa pakikitungo ng Prinsipe sa kanya. Kung gaano siya kalamig noon kay Graison, ganoon rin ito kalamig sa kanya ngayon, kung kailan sinusubukan niyang maging sinsero sa anak ng kanyang mortal na kaaway.
Napaubo ang Emperador upang basagin ang pagkailang sa pagitan nila.
"Tsaka nga pala, gusto ko rin ibalita sa'yo na sa mga oras na ito, kumikilos na ang ating pwersa upang hulihin si Aurello at mabigyan na ng hustisya ang ginawa niya sa'yo. Pagbabayarin ko siya. Kung kinakailangang ako mismo ang umusig sa kanya, gagawin ko."
"Kayo po ang bahala, kayo ang Emperador."
"Ngayong maayos ka na, matutulungan mo na rin kami laban kay Aurello. Nahulaan mo sa iyong pinta ang ginawang pagsalakay sa amin, hindi ko dapat pinagdudahan ang kakayahan mo. Malaki ang maiaambag mo sa ating hukbo kung ipagpapatuloy mo ito. Anong masasabi mo?"
"Hindi, hindi ako papayag," sumagot si Grasiela mula sa likuran. "Kagagaling niya lang mula sa tama ng palasong tapos ngayon nais mo siyang idamay pabalik sa giyera nyo ni Aurello? Wala ka ba talagang natitirang malasakit sa anak mo? Hindi pa ba sapat na muntikan na siyang mawala nang dahil sa kalokohang ito?"
"Ayaw ko man ipataw sa kanya ang responsibilidad na ito, ngunit kailangan, Grasiela, gumagalaw ang kaaway, kaya dapat gumalaw din tayo. Kung hindi tayo kikilos baka may mangyari pang mas masahol sa nangyari sa anak natin."
"Hindi, hindi ka magpipinta," lumapit si Grasiela sa Prinsipe upang hikayatin ito. "Graison, sa akin ka makinig. Wala itong magandang idudulot sa'yo."
"Grasiela, hayaan mong ang bata ang magpasya."
Habang nagbabangayan ang dalawa, napaisip si Graison sa kung ano ang nararapat niyang gawin. Sa dami ng gumugulo sa kanyang utak ngayon, ayaw na nga niyang magpinta ngunit sa isang banda naisip niya rin na masasagot lamang ang gumugulo sa kanyang isipan sa pamamagitan ng pagpipinta. Malalaman niya rin ang katotohanan tungkol sa batang inuusig. Ilang ulit na niyang napatunayan na totoo ang kakayahan niya at ang mahika ng Pisara. Kung mayroon mang makakatulong sa kanya na tuklasin ang katotohan, ito ay ang sarili niya at ang Pisara.
"Huwag na kayong magtalo, nakapagpasya na ako."
Natahimik ang dalawa.
"Tama si Ama, siguro nga dapat kong ipagpatuloy ang pagpipinta."
Napailing si Grasiela at mukhang wala siyang balak na magpatinag.
"Hindi, anak. Naguguluhan ka lang ngayon."
"Nasa tamang pag-iisip ako, Ina. Magtiwala ka sa akin."
Natahimik ang Emperatris nang mapagtanto niyang wala na siyang magagawa pa para baguhin ang isip ng anak.
Kabaligtaran naman ang tugon ni Fierro.
"Nagagalak ako sa desisyon mo anak, alam kong malaki ang maitutulong mo sa Imperyo."
Hindi ko lang ito gagawin para sa iyo at sa Imperyo, kundi para rin sa sarili ko.
-Lupain ng Artemias-
Tulad ng ipinahayag ni Fierro, kasalukuyan ngang nagaganap ang pagkubkob nina Kapitan Malko at iba pang Kawal Imperyal sa Lupain ng Artemias. Ilang araw na nilang pinaliligiran ang lupain. Pilit silang nagpapadala ng mensahe kay Duke Aurello na isuko na ang sarili at ang lupain sa Mataas na Emperador, ngunit hanggang ngayon, wala pa rin silang natatanggap na sagot mula sa kanya. Nananatili lamang na tahimik ang mga Kawal Artemian habang sila ay unti-unting pinalilibutan. Wala pang nagaganap na labanan sa pagitan ng dalawang pwersa, sa ngayon.
"Mahal na Panginoon," lumapit si Kapitan Roqil. "May nakalap po akong balita mula sa Kapital. Galing sa mga kalaban."
"Ano yun?" may bahagyang kaba sa tono ni Aurello.
"Ang Prinsipe Covel po, ligtas na siya."
Nakahinga ng maluwag si Aurello, "mabuti naman at ligtas siya. Nagagalak akong malaman na hindi ko siya napuruhan."
"May isa pa po akong ibabalita," inabot ni Roqil ang papel na may lagda ng Emperador.
"Hindi pa ba naalis ang mga yan?"
Binasa ni Aurello ang sulat mula sa hukbo ng Mataas na Emperador. Nakasaad rito na kailangang sumuko na si Aurello bago maghatinggabi kundi mapipilitan na silang salakayin ang Artemias at pasukin ang Kastilyo.
"Lubos nilang naaantala ang suplay ng ating mga pagkain at pati ang pakikipagkalakalan natin sa ibang Lupain apektado na rin. Lulusubin na ba namin sila?"
"Huwag, hanggang maaari, ayokong may madamay na mga Artemian. Kung makikipaglaban tayo rito, siguradong marami ang mamamatay."
"Ano pong gagawin natin, napapaligiran na nila tayo?"
"Dating gawi, buksan ang tarangkahan, hayaan nyo silang makapasok ng mapayapa sa Kastilyo."
"Ano po?" Hindi makapaniwala si Roqil sa utos ng Panginoon. "Ibig sabihin ba isusuko nyo na ang Artemias sa Mataas na Emperador?"
"Ganun na nga," sagot ni Aurello.
"Pero dadakpin nila kayo. Sigurado ba kayong itutuloy nyo to?"
"Magtiwala ka lang sa akin, Roqil, alam ko ang ginagawa ko," nananatiling mahinahon si Aurello at walang bahid ng pag-aalinlangan sa kanyang seryosong mukha.
Sinunod ni Roqil ang kanyang panuto kahit na ito ay nag-aalangan at tuluyan nang binuksan ng mga Kawal Artemian ang tarangkahan ng Artemias para sa pwersa ni Fierro.
Nasorpresa si Malko at napangiti sa tuwa. Nagbunga na rin sa wakas ang ilang araw nilang paghihintay.
Pagkapasok nila sa loob, tinutukan nila ng pana ang mga bantay at kawal. Binaba ng mga Kawal Artemian ang kanilang mga armas. Kapansin-pansin na tila kaunti ang bilang nila sa inaasahan, pero wala ng pakialam roon si Malko. Ang mahalaga, napasakanila na ang Artemias at huhulihin na nila si Aurello.
Sa Pangunahing Bulwagan, nakaabang na sina Aurello at Kapitan Roqil sa kanila.
Nagmartsa ang hambog na si Malko na para bang siya ang may-ari ng lugar. Naglibot ang mga Kawal Artemian sa loob ng kastilyo. Yumuko ang mga bantay at lingkod ng Duke bilang pagsuko.
"Duke Aurello, ikaw ay pina-aaresto ng Mataas na Emperador sa salang pagtatraydor sa Imperyo, pambubulabog sa kapayapaan at sa ginawa mong pinsala sa Prinsipe Graison. Naririto rin kami para bawiin sa iyong kapangyarihan ang Lupain ng Artemias. Wala ka ng karapatan sa Lupaing ito at kailangan mo itong isauli sa Emperador. Oras na para harapin mo ang hatol ni Emperador Fierro. Sumama ka amin ng matiwasay kung ayaw mong dumanak ang dugo."
Tinaas ni Aurello ang kanyang kamay at ipinwesto sa paraan kung paano ito igagapos.
"Sumusuko na ko, dakpin nyo na ko."
"Baka naman niloloko mo na naman kami? Ikadena siya."
Nilagyan na nila ng kadenang posas ang Pinuno ng Artemias.
"Sandali," tumindig si Roqil at siya ay tinutukan nila ng kanilang mga armas.
"Hulihin nyo na rin ako, sasama ako sa aking Panginoon. Saan siya, naroroon rin ako."
"Iyan ang gusto mo, di ka namin pipigilan."
Iginapos na rin nila si Roqil gaya ng kahilingan niya.
"Ilabas na ang mga yan."
Isinakay ni Malko sina Aurello at Roqil sa kanilang karwahe at tinahak na nila ang daan pabalik sa Kapital. Naiwan naman ang karamihan ng mga Kawal Imperyal sa nasakop na lupain.
Tuluyan na nilang ibinaba ang bandera ni Aurello sa kastilyo at pinalitan nila ito ng bandera ng Imperyo. Ganoon rin ang ginawa nila sa bandera ng tarangkahan. Lahat ng ito ay nasaksihan ni Aurello ngunit hindi na lang niya ito binigyang pansin. Napatingin ang taumbayan ng Artemias nang makita nilang nakasakay na sa karwahe ng Imperyo ang kanilang Duke.
***
Pagkalabas nila sa Lupain ng Artemias, malapit nang tahakin ng Karwahe sa Kahabaang-Tulay na nagdudugtong sa ilog at sa iba pang bayan. Napatingin si Aurello sa bintana, tila may inaabangan at nagmamasid sa paligid.
"Siguradong matutuwa ang Mataas na Emperador kapag nakita niyang nahuli ka na namin. Baka nga puriin pa niya ako, biruin mo napasuko ko kayo ng ganitong kadali."
"Huwag kang magsalita ng tapos, Kapitan," saad ni Roqil. "Hindi ko pa rin makakalimutan paano ka naihi sa'yong salawal at napatakbo na parang isang mailap na usa noong nagkalaban tayo."
Hindi nagustuhan ni Malko ang mga banat niya. "Tumahimik ka, hindi ko hinihingi ang opinyon mo!"
Nanahimik nga si Roqil at siya ay napatingin sa kanyang Panginoon. Sumenyas sa kanya si Aurello na para bang nagbibigay ng hudyat. Alam na ito ng Kapitan dahil minsan na nila itong nagawa noon.
Hindi nagtagal, isinagawa na ni Aurello ang kanyang balak. Mula sa kanyang kinauupuan, inatake nila ang mga katabing kawal. Binuksan niya ang pinto at lumundag siya mula sa bintana at sumunod na rin si Roqil. Nagulantang si Kapitan Malko sa nangyari at pinatigil niya ang karwahe. Tumakbo ang dalawa, patungo sa mahabang tulay.
"Habulin sila!" Utos niya sa mga kawal.
Naabutan ng mga Kawal si Roqil ngunit gumamit siya ng pwersa at pinagsisipa niya ang mga Kawal. Nagkaroon siya ng sapat na oras para agawin ang isa sa kanilang espada. Inugay niya ito sa posas ni Aurello at ito ay naputol, hinagis niya ang espada sa kanyang Panginoon.
"Tumakas na kayo!"
Tumakbo si Aurello sa tulay at siya ay hinabol ng mga Kawal Imperyal. Hindi nagtagal, nakaabot sa kanya ang mga ito at napaligiran ulit siya.
Tinutok ni Malko at ng kanyang mga Kawal ang kanilang pana sa tumatakas na Duke.
"Wala ka ng kawala! Subukan mo pang tumakas at papatayin ka namin!"
Napatingin si Aurello sa rumaragasang ilog sa ilalim ng tulay. Kung maikukumpara sa hayop, mabagsik ang agos ng tubig ngayon.
"Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa sumuko sa inyong Huwad na Emperador!"
Tinutok ni Aurello ang espada sa kanyang sikmura at sa pagkabigla nina Roqil at Malko, walang pagdadalawang-isip niyang binaon sa kanyang tagliran ang espada. Napaungol sa pamimilipit si Duke Aurello at bago siya takasan ng kamalayan, nawalan siya ng balanse at siya ay nahulog mula sa tulay. Naglaho sa paglamon ng rumaragasang ilog.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro