Kabanata 21: Covel
-Bayan ng Gremon:
Labing-apat na taon na ang nakaraan-
Ilang araw pa lamang ang nakakaraan matapos ang pagbagsak ng dalawang tore at hindi pa nakakabangon ang buong Gremon sa kaguluhan. Hindi madaling makalimutan na ang dalawang tore na nagsisilbing simbolo ng pag-asa at pananampalataya at bigla na lamang maglalaho na parang isang bula, kasama ang libo-libong buhay. Kasalukuyang sinisisi ng taumbayan ang lahing Itmai at Puttlan sa nangyaring trahedya at ito ay naghatid ng matinding panganib sa sinumang matatagpuan sa lansangan at kalsada, sapagkat sila ang napagbuntunan ng galit mula sa madla.
Sa kabila nito, isang lalaki ang hindi natitinag sa paggala sa nagulantang na bayan kasama ang kanyang batang anak. Argus ang ngalan ng lalaki, matangkad ito, diretso ang postura ngunit may kapayatan at hulpak ang mukhang nababalutan ng bigote. Tinatawag naman niyang Ancho ang kanyang anak na noon ay pitong taong gulang pa lamang. Madalas laman ng kalsada ang mag-ama at tila hindi nila inaantala ang komosyon at kaguluhan sa Gremon, bagkus ginamit pa nila itong pagkakataon upang sila ay makapaghanapbuhay.
"Doon tayo, anak," atas ni Argus sa bata. Sumunod si Ancho sa Ama na parang isang alagang tuta.
Sa may dingding sa sulok ng isang bahay, kinuha ni Argus ang kanyang brotsa at pintura. Sinimulan niyang kulayan nang abong maputla ang anak sa kanyang mukha, braso at binti, sa mga bahaging hindi nakukubli ng damit.
"Yan, wala ng makatatangging isa kang Puttlan."
"Ama, ano po bang gagawin natin?"
"Magtatrabaho lang ulit tayo, anak. Kikita tayo ng malaki basta sumunod ka lang sa akin."
Lumabas ang dalawa at naglibot-libot sa sentro ng bayan.
Noong mga oras na yun, nagpapatrolya si Haurre sa bayan. Sa panuto ng Mataas na Panginoon, sinisiyasat niya ang bawat daanan kung mayroon bang nanggugulong mga mananalakay o mga sibilyang nag-aamok sa mga lahing tinutuligsa. Nagmistulang sementeryo ang bayan ngayon at walang kahit anong ingay na maririnig. Wala ring makikitang aali-aligid na sibilyan, sapagkat marami pa rin ang nagluluksa. Animo'y inabandonang siyudad ngayon ang Gremon.
Matapos ng kanyang pag-iikot, napatigil ang Kawal upang magpahinga.
Matindi ang sikat ng araw at nasinagan nito ang isang bagay na kanyang suot. Ang gintong kwintas na minsan niyang binigay sa kanyang asawa. Ito na lamang ang alaalang naiwan niya sa kanya. Mula noong paslangin niya ito, hindi na niya nagawang alisin ang kwintas sa kanyang leeg. Natigilan ang Kawal at muling bumalik sa kanya ang nakalipas, kung kailan masaya pa sila ng kabiyak.
Lingid sa kanya, nakamasid na sa likuran ang mag-ama, naghihintay ng tamang tyempo.
"Tamang-tama, sinuswerte nga naman tayo. Malaking isda, ang Mataas na Kawal mismo, si Haurre. Makinig ka sa akin, Ancho. Dito ko na mapapakinabangan lahat ng naituro ko sa'yo."
"Paano po, Ama?" inosenteng tanong ng musmos.
Bumulong ang Ama sa anak at mukhang naunawaan naman agad ng bata ang kanyang panuto.
Ilang saglit lamang, naantala ang pagmumuni-muni ni Haurre nang makarinig siya ng isang nakabubulabog na sigaw mula sa isang paslit. Agad siyang kumilos at hinugot ang kanyang espada sa direksyon ng tinig.
"Tulong! Tulungan nyo po ako!"
Namataan ni Haurre na hawak-hawak ni Argos ang bata at may nakatutok itong kutsilyo sa leeg nito.
Handa nang rumesponde si Haurre ngunit inunahan na siya ni Argus. "Huwag kang lalapit, dyan ka lang kundi ibabaon ko to sa leeg niya!"
"Bitawan mo siya!"
"At bakit ko naman gagawin yun? Salot ang lahi ng batang ito at mabuti nang patayin siya hanggang maaga pa nang sa ganoon hindi na siya lumaki at maging perwisyo pa! Salot ang mga Puttlan!""
Epektibo ang pag-arte ni Argus at napaniwala niya agad si Haurre na siya ay isang sibilyang naghihiganti sa mga Puttlan. Bahagya niyang diniin ang talim ng kutsilyo sa leeg ng bata at siya ay napatili.
Nagpasya si Haurre na daanin sa mahinahong pamamaraan ang sitwasyon.
"Ginoo, kung ano man ang problema mo, maari nating pag-usapan, basta huwag mo lang saktan ang bata. Kung nawalan ka man ng pamilya sa tore, wala siyang kasalanan doon."
"Nang dahil sa kanila nawala na ang lahat sa akin! Binawi ng aking Ama ang pamana niya sa akin dahil ang paborito niyang anak ang namatay sa trahedya at hindi ako! Sabihin mo sa akin, paano mo ko matutulungan?"
"Hindi ko alam, basta huminahon ka muna, simulan natin sa pagpapalaya mo sa bata, pakiusap huwag mo siyang saktan."
Ipinagpatuloy ni Argus ang pagpapanggap. "Papatayin ko siya at wala ka ng magagawa. Sige subukan mo pang lumapit!"
Bahagyang napaurong ang Kawal, alang-alang sa kaligtasan ng bata. Nasinagan ng araw ang kanyang kwintas at hindi nito natakasan ang matalas na mata ng manggagantso. Natagpuan na rin niya ang kanyang puntirya.
"Ang kwintas mo, ginto yan di ba?"
"Oo, ano naman sa'yo?" sambit ni Haurre.
"Gusto mong pakawalan ko ang bata, hindi ba? Papakawalan ko siya basta ibigay mo sakin yan."
"Ano? Hindi maaari, walang katumbas ang halaga ng kwintas na ito sa akin. Hindi ko ito basta-basta maibibigay. Humingi ka na lang ng kahit ano, pagkain, pera, bibigay ko sa'yo. Huwag lang to."
"Yan ang gusto ko! Madali naman akong kausap, kung ayaw mong ibigay papatayin ko na to!"
Muli niyang inambaan ang bata.
"Sandali! Sandali! Sige ibibigay ko na."
Tinanggal ni Haurre ang kwintas mula sa kanyang leeg.
"Akin na bilis!"
Lumapit si Haurre sa mag-ama. Habang papalapit ang Kawal, mas lalong nagiging labag sa kanyang kalooban na isuko ang iniingatang kwintas sa lalaking nagbabanta. Muli siyang natigilan at napatitig nang may pag-aalinlangan sa kwintas.
"Hindi mo talaga ibibigay, tutuluyan ko na talaga to!" Umabot sa sukdulan ang pagpapanggap ni Argus, itinaas niya ang kanyang kutsilyo at nagkunwaring isasaksak ito sa anak.
"Huwag!"
Wala ng sinayang na panahon si Haurre. Agad niyang sinaksak ang espada sa dibdib ni Argus at tumagos ito palabas sa kanyang likuran. Nabitawan ni Argus ang anak at siya ay bumagsak sa sahig, bumulwak ang dugo sa kanyang bibig at naghahabol ng hininga. Ilang segundo lamang at tuluyan na itong nilagutan ng hininga. Sa hindi kalayuan, natigilan naman si Ancho, hindi makapaniwala sa sinapit ng Ama.
"Huwag kang mag-alala, ligtas ka na," tugon ni Haurre.
"Ama!" nahimasmasan ang natulalang bata sa nangyari. Nilapitan niya si Argus at umabot sa sukdulan ang kanyang nakakarinding pag-iyak.
Nagtaka si Haurre at labis niyang ikinalito ang reaksyon ng bata sa lalaking nagtangka sa buhay niya.
"Ama, ama gumising ka! Huwag mo kong iwan!"
"Bata? Anong nangyayari? Bakit Ama ang tawag mo sa taong yan? Muntikan ka na niyang saktan. Halika na ilalayo na kita!"
Kukunin na sana ni Haurre ang bata ngunit napailag ito na parang isang mailap na hayop.
"Huwag mo kong hawakan, salbahe ka, pinatay mo ang Ama ko!"
"Hindi kita sasaktan, nililigtas kita, halika na, hanapin natin ang mga magulang mo."
"Ayoko sa'yo. Pinatay mo siya, pinatay mo ang Ama ko! Salbahe ka!"
Sinubukan ulit ni Haurre kuhanin ang bata ngunit ito ay tumakbo papalayo sa kanya, may halong takot at galit ang mga tingin nito sa kanya.
"Hindi ko sinasadya, hindi ko alam, patawarin mo ko!" sigaw ni Haurre nang mapagtanto niyang baka nga totoong mag-ama ang dalawa at gawa-gawa lamang nila ang kaguluhang naganap.
Nagtago si Ancho sa may sulok at nagpatuloy sa pag-iyak. Naiwan si Haurre na muling kinikilabutan sa nagawa niyang pagpatay kay Argus. Sa pangalawang pagkakataon, muli na namang nadungisan ng dugo ang kanyang kamay nang hindi niya sinasadya.
-Kakahoyan ng Gremon:
Kasalakuyan-
Hindi maiwasan ni Ancho na magunita ang sakit ng nakalipas lalo na ngayon at malapit na niyang maisakatuparan ang paghihiganti sa taong pumaslang sa kanyang Ama.
"Ancho," inulit ni Wharen nang may pag-uuyam ang ngalan niya. "Ikaw pala ang espiyang nagtataksil sa Kapatiran."
"Ako nga," malumanay na kinumpirma ni Ancho. "Parang hindi ka mapaniwala."
Napangisi ang Komandante sa kanyang pahayag.
"Mahirap lang paniwalaan na kaya mong gumawa ng masama. Ibang-iba ka sa inaakala ko. Wala sa anyo mo. Mukhang hindi ka nga makababasag ng pinggan."
"Ito nga ang dahilan kung bakit hindi nila ako pagdududahan. Sa paningin nila ako ang tahimik at mabait na miyembro ng Kapatiran."
Ipinakita niya ang kanyang marka sa Komandante. Pinanatili niyang kalmado ang kanyang asta at tinig habang si Wharen naman ay patuloy sa pagtimbang at pakikiramdam sa kanya.
"Sa tingin mo ba magagawa ko silang linlangin kung kasing tuso mo ang itsura ko?"
"Anong gusto mong palabasin?" Lumakas ang tinig ni Wharen nang may pagkayamot.
"Wala, hinay-hinay ka lang. Huwag mong pairalin ang init ng ulo mo. Tandaan mong hindi ako ang kalaban rito."
"Paano ako nakakasigurado na kakampi ka? Pinatunayan mong kasapi ka nga ng Kapatiran."
"Hindi pa ba sapat ang lahat ng ng nagawa ko. Paano ko sila sinaksak ng patalikod?"
Naalala ni Ancho ang lahat ng pangyayari.
Noong araw na ililigtas ng Kapatiran si Donello at napagkasunduan nilang magkita sa may ilog, siya ang nagsuplong ng kanilang tagpuan sa mga Tagapuksa.
Noong nag-iimbestiga sina Covel at ang iba pa kung sino ang espiya, natunugan niyang minamanmanan siya ng Prinsipe at ng iba pa. Hindi siya nagpahalata at pinasok niya ang unang bahay na nakita.
Laking gulat ng isang ginang noong makita niyang pumasok si Ancho sa loob.
"Sino ka, anong ginagawa sa bahay ko?"
Agad niyang tinakpan ang bibig ng babae at tinutukan ito ng kutsilyo sa kanyang leeg.
"Huwag kang papalag. Hindi kita sasaktan, basta sundin mo lang ang ipapagawa ko."
Pinagpanggap niyang maysakit na tiyahin ang nasabing babae at sinadya niya itong ipakita kina Covel habang sila ay nagmamasid sa bintana.
Noong nabihag nila si Jiaruz, habang tulog na ang lahat, siya rin ang palihim na sumira sa kandado ng kanyang kadena, nang sa ganoon ay makatakas ito.
Ikinwento ni Ancho ang lahat sa Komandante ngunit hindi pa rin kumbinsido si Wharen.
"Bakit mo ginagawa ang lahat ng ito? Ano bang pakay mo?"
"Sabihin na lang natin na malaki pagkakasala sa akin ni Haurre at ang lahat ng ito ay parte ng paghihiganti ko sa kanya."
"Hindi mo pa rin ako basta-basta makukuha sa mga kwento mo. Posibleng isa lamang itong patibong ng Pinuno mong si Haurre para mabitag kami. Paano mo mapapatunayang totoo ang lahat ng sinasabi mo?"
"Ako na ang kukumpirma sa'yo," narinig ni Wharen ang pamilyar na tinig mula sa kadiliman. Nilantad ni Lodell ang sarili sa dalawa.
"Mataas na Panginoon, naririto kayo," hindi ito inaasahan ng Komandante.
"Oo, magkasama kami ng espiya sa pagkita sa'yo."
"Alam nyo ang tungkol sa kanya?"
"Ngayon lang rin siya sumangguni sa akin ng personal," sagot nito.
"Nagtitiwala kayo sa taong ito? Bakit naman?"
"Dahil kilala ko siya," kumpirma ni Lodell. "Musmos pa lamang siya noon. Minsan na siyang namasukan sa ating paaralan ngunit isang araw bigla na lamang siyang tumakas sa pamamagitan ng paglilinlang. Noon pa man nakitaan ko na siya ng potensyal at nagawa na nga niya. Nakapasok siya nang may lihim na motibo sa Kapatiran at nakuha niya ang tiwala nila. Malayo na ang narating mo."
Tinapik ni Lodell si Ancho at hindi ito nagustuhan ni Wharen, matapos nito, nagsalita na ang espiya.
"Salamat, Panginoong Lodell. Gaya ng aking Ama, nagpaka-bihasa ako sa sining ng pagpapapanggap at pinapaikot ko na silang lahat sa aking palad. Malapit na nating maisagawa ang ating mga mithiin. Ang pabagsakin si Haurre."
Tinuon ni Lodell ang pansin sa kanyang Mataas na Komandante.
"Malaki rin ang atraso ni Haurre sa kanya. Kapwa kayong naulila nang dahil sa kanya. May rason rin siya para patayin ito kagaya mo."
"Naniniwala ka na sa akin ngayon?" Pang-asar na inusisa ni Ancho sa kanya.
Hindi basta makasagot si Wharen. Nagtitimpi na lamang itong hindi patulan ang espiya sapagkat naroroon si Lodell.
"Marami kayong pagkakatulad, pero ang kaibahan nyo lamang mukhang mas mapapakinabangan ko siya kumpara sa'yo."
"Ano pong ibig nyong sabihin?" Sumakit ang tenga ni Wharen sa naging pahayag ng Mataas na Panginoon.
"Akala mo ba hindi ko alam na nilihim mo sa akin ang tungkol sa espiya? Na hindi mo sinabi sa akin na nagpapadala na siya ng mga mensahe at impormasyon at ikaw ang tumatanggap nito."
"Panginoon, maniwala kayo sa akin, may magandang rason bakit ko ito nagawang itago sa inyo. Una, hindi ko lubos na kilala ang espiyang ito. Gusto ko munang makasiguro na mapapagkatiwalaan natin siya bago ko ito ipaalam sa inyo. Ayaw kong paasahin kayo sa wala sakaling niloloko niya lang ako, kaya nga ako nakipagkita sa kanya para makasigurado. Isa pa, gusto ko rin kayong sorpresahin sa oras na mabitag ko na ang Kapatiran. Ayaw ko namang humarap sa inyo nang wala akong maipagmamalaki."
Tila nairita na rin si Lodell sa mahabang pagpapaliwanag ng kanyang tauhan.
"Tinatanggap ko na ang paliwanag mo, pero hindi pa rin maitatanggi na kung hindi dahil kay Ancho, wala paring patutunguhan ang paghahanap mo sa Kapatiran."
"Salamat, Panginoon at paumanhin rin. Ito na ang huling beses na bibiguin ko kayo. Ngayong nakatitiyak na tayo na nalalapit na ang pagbagsak ng Kapatiran, hayaan nyong patunayan ko ulit ang sarili ko. Ano pong plano nyo ngayon?"
"Lulusubin na natin sila. Oras na para tapusin natin silang lahat," wala ng palalagpasing pagkakataon si Lodell.
"Mainam kung gagawin natin ito bukas ng gabi habang wala silang kamalay-malay. Ako mismo ang maghahatid sa inyo sa aming kuta," nagbigay ng suhestyon ang espiya.
"Magandang ideya. Bukas na bukas rin, matitikman ng Kapatiran ang hagupit ng ating hukbo. Dadalhin natin ang impyerno sa kanilang lungga."
-Kanlungan ng Kanluran-
Bumalik si Ancho matapos sumikat ang araw. Gising na sina Prinsipe Covel at ang iba pa. Ipinagtaka ng Prinsipe ang pagbabalik ng kasamahan sapagkat nasanay na siyang siya ang nauunang gumising sa kanila.
"Ancho, umalis ka pala. Saan ka pala nagpunta?"
Nag-isip nang maidadahilan ang traydor. Hindi siya maaaring pagdudahan ninuman, lalo na ng Prinsipe.
"Dinalaw ko lang ang tiyahin ko."
"Nang madaling araw, hindi ba dapat nagpapahinga na siya ng ganung oras?"
"Naalala ko lang siya, kaya binisita ko."
"Kamusta naman siya?"
"Maayos naman, maigi-igi na."
Napansin ni Covel na tila matipid ang sagutan ni Ancho ngunit sanay naman siya, madalas namang ito ang isa sa pinakatahimik sa kanila.
"Buti naman at maayos siya, sa susunod kung kailangan mo ng kasama, sabihan mo lang kami para madalaw din namin siya."
"Salamat, pero hindi na kailangan. Hindi kasi siya komportable pag maraming tao."
"Sige na, dadalhan naman namin siya ng pagkain," pagpupumilit ni Covel.
Sunod namang sumingit sina Buto at Bilbel sa usapan ng dalawa.
"Ako na sa mga tinapay."
"Ako naman sa prutas."
"Sinabing hindi na nga! Bakit ba di kayo makaintindi?"
Lumakas ang tinig ni Ancho na hindi inaasahan ni Covel at nang iba pa. Ngayon lang nila ito nakitang sumabog ng ganito. Nagpasya namang umalis ang traydor nang mapagtanto niyang lumabas ang kanyang tunay na kulay.
"Anong nangyari dun?" tanong ni Bilbel sa Prinsipe.
"Hindi ko rin alam. Hayaan na natin. Baka may problema lang."
Bakit kaya parang may nag-iba kay Ancho?
***
Pagsapit ng tanghali, bumalik si Toro sa kuta kasama sina Krego at ang iba pang kalalakihan na malamang ay miyembro ng kanilang pangkat.
"Toro, may mga kasama ka. Sino sila?" tanong ni Haurre.
"Pinuno siya po si Krego, ang Pinuno ng 'Kampi ng Kapatiran.' May nais siyang sabihin sa inyo."
Mainit na sinalubong ni Haurre ang mga bagong salta.
"Ikinagagalak kitang makilala, Krego."
"Ganoon rin ako, Pinunong Haurre, isang karangalan na makaharap ang Pinuno ng Kapatiran."
"Salamat. Ano itong nais mong sabihin sa akin?"
"Nakapag-isip-isip na po kami sa mga pangyayari at ngayon masasabi kong buo na ang aming pasya na kami ay aanib na sa inyo."
Napangiti sina Covel, Gavy at iba pang naroroon, habang si Ancho naman ay tahimik lamang na nagmamasid.
"Aba, magandang balita yan. Lubos kaming natutuwa sa inyong suporta at tiwala. Akala namin hindi na kayo aanib. Anong nakapagpabago sa isip nyo?"
"Napagtanto lang namin ang mga bagay-bagay. Maaaring nakagawa kayo ng pagkakamali sa inyong nakaraan ngunit tapos na yun. Ang mahalaga ay kung ano ang nagagawa nyo para sa Kanluran ngayon. Kayo ang nagsisilbing liwanag at pag-asa ng bayang lugmok. Nais namin makibahagi sa inyong pakikibaka laban sa mga nag-aalipusta. Sa aming pagsali, asahan ninyong marami pa ang susunod sa amin na makikiisa sa inyong layunin."
"Maraming salamat, Krego. Buong puso namin kayong tinatanggap sa Kapatiran. Ngayong nakarating na ang mga bago nating kapatid, bilang pagsalubong sa kanila, magkakaroon tayo ng munting salo-salo mamayang gabi. Ito ay pasasalamat na rin sa mga naging tagumpay natin noong nakaraang misyon."
Nagsihiyawan sa tuwa sina Buto, Bilbel at iba pang kasapi ng Kapatiran sapagkat bihira lamang silang nagkakasayahan ng ganito.
"Ancho, ikaw na ang bahala sa serbesa mamaya," atas ng Pinuno. "Alam mo na ang bibilhin, huwag masyadong matapang."
"Makakaasa kayo sa akin, Mahal na Pinuno."
***
Sinunod ni Ancho ang utos ni Haurre at bumili siya ng mga bariles ng serbesa gamit ang kanilang pondo.
Bago bumalik sa kampo, kumuha ng isang bote ng likido ang traydor at nilagyan niya ang loob bariles.
"Magsaya na kayo mamaya dahil ito na huling gabi nyo sa mundong ito."
***
Pagsapit ng gabi, naghanda na ang lahat para sa gaganaping salo-salo sa kanilang kuta. Nagluto na sina Buto at Bilbel nang mga putaheng kanilang pupulutan habang ang iba naman ay nagtulong-tulong sa pag-aayos ng mga silya at mesa.
Hindi nagtagal, bumalik na si Ancho dala ang mga bariles. Siya na lamang ang hinihintay at magsisimula na ang lahat.
Pagkatapos maghain ng mga putahe, kumuha si Haurre at ang iba pa ng serbesa mula sa bariles. Pumwesto ang Pinuno sa sentro ng mesa upang magbigay ng paunang salita.
"Ngayon, binibigyan natin ng maligayang bati sina Krego at ang mga bago nating makakasama sa Kapatiran. Para sa inyo ito. Mabuhay ang Kapatiran!"
"Mabuhay!"
Uminom ang Pinuno. Lumagok na rin sina Covel, Ermin, Gavy, Jiaruz, Toro, Jualem at iba pa.
"Itay, Itoi gusto rin inom," may pangungulit na saad ng bata.
"Hindi ito pwede sa'yo anak," napaisip si Ermin at pinagtimpla na lamang niya ang anak ng maiinim mula sa katas ng sariwang ubas ang anak.
Lingid sa kanila na pinagmamasdan na sila ni Ancho na lumagok na rin sa kanyang tasa. Ang sa kanya lamang ang walang hinalong gamot.
Sa kasagsagan ng kanilang pagsasalo-salo sa hapag, isang ideya ang pumasok sa isip ni Tukmul.
"Bakit hindi tayo maglaro?"
Sumang-ayon ang lahat ngunit bahagya silang nahirapan sa pagpili kung ano ang angkop na laro.
Nakaisip ang Pinuno ng isang laro na alam niyang magugustuhan ng lahat. "Ito na lang."
Kinuha niya ang boteng nasa harapan at ipinakita ito sa lahat.
"Kung sino ang matapatan ng boteng ito, magsasabi siya kung sino sa atin ang nais niyang pasalamatan at ang pasasalamatan naman niya ang susunod na magsasabi ng sa kanya. Hindi na maaaring maulit ang napangalanan na."
"Sige," iisa ang tugon ng lahat.
Itinumba ng Pinuno ang bote at pinaikot ito nang may sapat na pwersa. Matulin man ang pag-ikot nito, agad rin itong huminto sa isa sa kanila. Ang tinapatan ay si Jualem.
"Jualem, ikaw ang mauuna," anunsyo ng Pinuno.
"Sige po," nahihiyang saad ng binata. "Nais ko lang pasalamatan si Tukmul."
Nasorpresa ang lahat sapagkat wala si Tukmul sa naiisip nilang unang mapapasalamatan sa pangkat. Maging si Tukmul ay napaisip rin.
"Salamat hindi lang sa pagbibigay-aliw niya sa ating lahat kung hindi pati na rin sa ginagawa niyang pagmamasid at pag-uulat kung ano ang nagaganap sa mundo sa labas."
"Maraming salamat, Jualem. Salamat sa Kapatiran at dahil sa inyo nagkaroon ng kwenta ang buhay ko. Di na ko patapon ngayon!"
Nagtawanan ang lahat sa banat ng palabirong mensahero.
"Totoo yun, malaki nga ang naging ambag mo sa amin, Tukmul. Kahit na ganyan ka, mapapakinabangan ka naman pala," sambit ni Haurre.
"Sino naman ang nais mong pasalamatan, Tukmul?" Tanong ni Covel.
Nag-isip si Tukmul at tinignan sila isa-isa. Napatingin siya kay Jiaruz na kanyang tabi. "Salamat nga pala sa Komandante. Kahit na noong una pinahirapan mo kami, marami ka ring nagawa para sa Kapatiran. Pwede-pwede ka na sa akin."
Napahalakhak uli ang lahat sa panibago niyang hirit.
"Maraming salamat sa henyo mong pahayag, Tukmul, at sa pagpasa ko sa'yo," sinabayan ni Jiaruz ang kanyang pagbibiro. "Ako naman, marami akong nais pasalamatan sa inyo, pero isang tao lamang ang pinagkakautangan ko ng malaki. Gusto ko siyang pasalamatan sapagkat nahanap niya sa puso niyang patawarin ako sa kabila ng lahat ng pagkakasalang nagawa ko sa kanya at sa kapatid niya. Maraming salamat sa pagkakaloob sa akin ng iyong kapatawaran, Gavy."
"Sabi ko naman sa'yo, wala na yun. Tapos na," tiniyak ni Gavy sa kanya.
"Ikaw Gavy? Sino ang sa'yo?"
"Ang sa akin?" Napatingin si Gavy kay Prinsipe Covel. Nais man niya itong pasalamatan, minabuti niyang pumili na lamang ng iba. Unti-unti nang tumatalab sa kanya ang serbesa at iniiwasan niyang may masabi siya tungkol sa nararamdaman niya sa Prinsipe.
"Ibibigay ko na to kay Toro."
"Ako talaga?" tinuro ni Toro ang sarili nang hindi makapaniwala.
"Oo, salamat dahil hindi na gaano mainit ang ulo mo at hindi mo na kami nakakabangayan. Ngayon ko lang napagtanto na mabait ka rin pala."
"Sino bang nagsabing hindi?" tanong ni Toro sa lahat.
Nagtaas ng kamay sina Ronis, Kamlon at Nolan.
"Mga gago!"
"Toro, ikaw naman," hudyat ng Pinuno matapos ang kanilang pagbabardagulan.
"Toro! Toro! Toro!"
"Sige na nga, dahil mapilit kayo. Hindi ko akalaing sasabihin ko ito. Ikaw ang pinasasalamatan ko, Mahal na Prinsipe."
Gaya ng mga nauna, hindi rin inaasahan ni Covel na siya ang sasambitin nito.
"Ako?"
"Oo, ikaw. Hindi naman siguro lingid sa lahat na noong bagong dating ka rito, ayaw na ayaw ko sa'yo. Nang malaman kong ikaw ang Prinsipe, wala agad akong tiwala sa'yo. Akala ko ikaw ay mapagmataas, mayabang, kulang sa kakayahan at mag Hahari-harian sa aming lahat. Akala ko ipapahamak mo lang kami, ngunit pinatunayan mong nagkamali ako sa panghuhusga ko sa'yo. Sa bawat araw na nagdaan, sa bawat laban at hamon, sa bawat pagsubok at desisyon, mas lalo mo pang pinatutunayan na karapat-dapat kang maging kasapi ng samahan. Iba ang Prinsipeng nakikala ko sa inaasahan ko, bagkus siya ay isang mabuti, mapagkumbaba, matapang at mapagmalasakit na tao at dahil doon, nakuha mo ang respeto ko, Kamahalan."
Sa unang pagkakataon, yumuko si Toro kay Covel.
"Ito na ang pinakamagandang bagay na nasabi mo sa akin."
Nahihiyang nagpatuloy ang kasamahang dati niyang nakaalitan, sa pagkakataong ito, naging malumanay ang kanyang tinig na puno ng pagpapakumbaba.
"Patawarin mo sana ako sa mga panahong hindi naging maayos ang trato ko sa'yo. Pinagsisisihan ko ang lahat."
"Wala na yun, Toro. Magkapatid tayo rito sa Kapatiran at di pa naman huli ang lahat para makapagsimula tayo ulit."
"Salamat, Kamahalan."
Inabot ni Toro ang bote, hudyat na si Covel na ang susunod.
"Ngayong ako na ang magpapasalamat, lahat kayo gusto kong pasalamatan sa pagiging bukas nyo sa akin. Tinanggap nyo ang isang naghihikahos na Prinsipe sa inyong samahan kahit na alam nyong maaari nyo itong ikapahamak at habang buhay ko itong tatanawing utang na loob. Maraming salamat sa pagkakaibigan, pagtutulungan at pagkakaisa. Higit sa lahat, nais kong magbigay-pugay sa haliging sinasandalan nating sa lahat. Sa isang Pinunong handang gawin ang tama anuman ang mangyari. Anumang pagsubok ang harapin at anumang panganib ang suungin, hindi siya sumusuko at natitibag, para sa hustisya. Sa ating Ama na patuloy na gumagabay at nagbibigay-lakas sa ating lahat. Para kay Pinunong Haurre!"
"Para kay Pinunong Haurre!"
Naantig si Haurre sa papuring natanggap niya mula sa mga tauhan. Humanap muna ng tamang bwelo ang Pinuno upang magsalita, tila malalim ang iniisip.
"Maraming salamat sa inyong lahat. Siguro sa akin na magtatapos ang laro. Hindi ko na kayo iisa-isahin, alam nyong lahat gaano ko pinagpapasalamat ang presensiya ng bawat isa sa inyo, ang mga anak ko. Sinabi nyong ako ang nagbibigay ng lakas sa inyo pero ang totoo kayo ang nagbibigay ng lakas sa akin. Hindi natin mararating ito kung wala ang bawat isa sa inyo, kaya pasalamatan nyo rin ang inyong mga sarili sapagkat nanitili kayong matuwid, matapang, matulungin at higit sa lahat, matapat sa ating prinsipyo. Kayo ang tunay na bayani ng Kanluran."
Sabay-sabay na tumagay ang lahat. Habang abala ang pansin ng lahat sa Pinuno, pasimpleng umismid si Ancho sa taong kinamumuhian dahil siya ay natamaan sa huling pinahayag nito.
Muling napatingin si Haurre sa kanyang kwintas at nang mga panahong iyon, isang realisasyon ang bigla na lamang sumagi sa kanya. Tinapik niya ang palad sa mesa at kinuha ang atensyon ng lahat.
"Bago natin ituloy ang pagsasaya, may nais pa akong aminin sa inyo. Isang bagay na ngayon ko lang sasabihin. Sa loob ng apatnapung taon ng pagiging isang mandirigma, manhid na ko sa pakikipaglaban, sa mga espada at pana, dugo at bangkay. Lahat ng ito nakatatak na sa pagkatao ko, gayunpaman, aaminin kong may isang bagay pa akong kinatatakutan: ang kamatayan. Hindi dahil sa natatakot akong malagutan ng hininga at mawalan ng buhay, kung hindi dahil natatakot ako na baka mawala ako nang hindi ko pa natatapos ang misyon ko. Ang tunay na misyon ko bakit ako ipinanganak sa mundong ito. Matagal na panahon ko itong kinimkim at ngayon lamang naglaho ang takot na ito. Ngayong naririto kayong lahat sa harapan ko, kapiling ko. Napakarami kong dapat ikatuwa. Nagkapatawaran na sina Gavy at Jiaruz, maayos na rin ang Prinsipe Covel at si Toro. Magkakasama na tayong lahat. Pinagbubuklod at pinag-iisa ng isang adhikain. Isang pangarap. Ngayon masasabi kong mamatay man ako, panatag na ang aking puso dahil nagawa ko na ang parte ko, kumpiyansa akong maiiwan ko sa mabuting kamay ang Kapatiran. Sa inyong mga anak ko. Sigurado akong magiging mabubuting Pinuno kayo pagdating ng panahon. Baka nga mahigitan nyo pa ako. Kaya ayos lang sa akin, mawala man ako ngayon, handa na ako."
Natahimik ang lahat sa pahayag ng Pinuno kahit na ang mga bagong kasapi. Ang iba ay nabalutan ng lungkot sa kanilang mga mukha, maliban lamang kay Ancho na walang maaaninag na kahit katiting na reaksyon.
Nilapitan ni Covel ang emosyonal na Pinuno.
"Huwag kayong magsalita ng ganyan, Pinuno. Hindi pa kayo mawawala. Masisilayan nyo pa ang araw na makakamit ng Kanluran ang kalayaang nararapat sa kanya."
"Sana nga. May mangyari man sa akin o sa sinuman sa inyo, tandaan nyo ang paaalala kong ito. Kung ang mga buhay natin ang magiging kabayaran para masagip ang Kanluran, hayaan nating ang ating dugo ang maging pandilig sa pag-usbong ng kalayaan."
Walang ni isang makakibo sa kanyang madamdaming pahayag. Sa isang iglap, tila bumalik na sa bawat isa ang realidad na kanilang kinakaharap ngayon. Na kahit anong oras maaari silang salubungin ng panganib.
"Siya, siya, tama na ito. Marami tayong kailangang ipagpasalamat kaya hahayaan ko kayong magsaya buong magdamag. Magpakalango kayo, ayos lang. Sa inyo ang gabing ito."
Sa kanyang hudyat muling nagkasiyahan sa pagkain, pag-inom at paglalaro ang buong kapatiran.
Habang pinapanood ni Haurre na naglilibang ang lahat, dahan-dahan niyang inalis ang gintong kwintas. Ito ang unang pagkakataong inalis niya ito sa loob ng mahabang panahon at para bang isang mabigat na pasanin ang kanyang binitawan, nakaramdam siya ng kakaibang kaginhawahan at kapayapaan.
Makalipas ang ilang oras, unti-unti nang nakakaramdam ng kakaibang pagkahilo at panghihina ang mga miyembro ng Kapatiran. Animo'y may kakaibang sipa ang serbesang ininom nila kumpara sa karaniwan.
Napatingin si Covel sa paligid at namataan niyang nakahandusay na sa sahig sina Toro, Nolan, Kamlon, Buto, Bilbel, Tukmul at iba pa. Maging siya ay nakararamdam na rin ng pagkahilo mula sa likidong nilagay ni Ancho.
Sunod niyang nakita ang Amaing si Ermin papasok sa kanyang tolda.
"Itay, nasaan si Itoi?"
"Kanina ko pa pinatulog," sagot nito. "Sige anak, matutulog na rin ako, masakit ang ulo ko."
Pagkapasok ni Ermin, nakita ni Covel si Gavy na pasuray-suray sa paglalakad. Nagpasya siyang lapitan ang kaibigan at tulungan ito.
"Ayos ka lang?"
"Oo, naparami lang siguro ng inom," sagot ng dalaga.
"Alalayan na kita."
"Salamat."
Malumanay na tinulungan ni Covel ang kaibigan papunta sa kanyang tolda.
"Dapat siguro masanay na tayo sa ganito."
"Bakit mo naman nasabi yan?"
"Kasi nararamdaman ko na malapit na. Malapit na tayong magwagi sa laban na ito. Dumarami na ang mga kakampi natin at dadami pa tayo sa mga susunod na araw. Kaunting hakbang na lang at mapapasakamay na natin ang tagumpay."
Napangiti si Gavy. "Sana nga magdilang anghel ka. Nananabik na rin akong mamuhay ng normal."
"Balang araw mamumuhay rin tayo ng maayos at mapayapa."
"Basta isa lang ang siguraduhin natin."
"Ano yun?"
"Na walang magbabago sa atin kapag natapos na ang lahat ng ito."
Si Covel naman ang napangiti sa sinambit ng dalaga.
"Syempre naman, walang magbabago. Isang pamilya pa rin tayo. Sa kabilang banda, tingin ko marami rin ang mababago sa mga buhay natin. Sa oras na nakamit na natin ang kapayapaan, magiging malaya na tayo. Magagawa na natin ang mga bagay na hindi nagagawa ngayong nakikipaglaban tayo. Malayang mabuhay, malayang sumaya, malayang magmahal."
Napaisip ang dalaga sa sinabi ni Covel at muli niyang naalala ang lihim niyang nararamdaman para sa kanya. Hindi nagtagal, narating na nila ang tolda ng dalaga.
Umabot na sukdulan ang pagkahilo ni Gavy at kailangan pa siyang mas alalayan ng Prinsipe.
"Ihihiga na kita."
Tila bumigat ang katawan ng dalaga at nahatak niya rin sa higaan ang Prinsipe.
Nagkadikit sila ng bahagya at hindi maiwasan ni Gavy na mapatingin sa mukha ni Covel kahit na nanlalabo na ang kanyang paningin.
Napangiti siya nang malambing at hinaplos niya ang pisngi nito.
"Nasabi ko na bang...kaaya-aya ang mukha mo...Alam mo...sa'yo lang ako nakaramdam ng ganito...malayang umibig at...magmahal..."
Tumingin ang dalaga sa labi ni Covel na para bang siya ay nananabik na hagkan ito. Hindi rin magawa ni Covel na alisin ang tingin niya sa magandang mukha ng kaibigan. Unti-unting nilapit ng dalaga ang kanyang mukha sa Prinsipe at ganoon rin si Covel ngunit bago pa lumapat ang bibig nila sa isa't-isa, bumagsak si Gavy sa kanyang higaan at tuluyang nakatulog.
"Magpahinga ka na, Gavy," napapangiting saad ni Covel.
Pagkalabas niya sa tolda, dito na rin nakaramdam ng matinding pagkahilo si Covel at siya ay napahawak na lamang sa kanyang ulo.
Hindi lamang si Covel ang nakakaramdam ng ganito. Maging si Pinunong Haurre ay tinamaan rin ng sipa ng alak. Napahawak siya sa isa sa mga silya sapagkat nahihirapan na siyang ibalanse ang sarili. Umiikot-ikot at nagdodoble ang kanyang paningin. Dahil sa kanyang edad, madaling tumalab ang epekto ng likido at siya ay napabagsak malapit sa kanyang tolda na walang malay.
Samantala, si Ancho lamang ang nanatiling gising sa kanilang lahat. Pinagmasdan niya ang paligid at nakita niyang tulog at walang malay na ang mga kasamahan sa nilagay niyang gamot sa alak. Napangisi ng masama ang taksil na kasapi at agad niyang nilisan ang kanilang lungga.
-Kampo ng Kamatayan-
Nang mga oras na yun, naghihintay na sina Lodell, Wharen at Demetria sa pagdating ni Ancho. Napagkasunduan nilang isasagawa na nila ang paglusob sa oras na makarating ang espiya at ito ang magiging gabay at daan nila patungo sa lungga ng Kapatiran.
"Nasaan na siya? Bakit wala pa siya?" Naiinip na tanong ni Wharen. "Anong oras na."
"Sigurado ba tayo na tutupad ang taong ito sa usapan? Baka naman niloloko niya lang tayo?" Dagdag ni Demetria.
"Kumalma kayo, malakas ang kumpiyansa kong tutupad si Ancho sa usapan, maghintay lang tayo at darating din siya."
Makalipas ang ilang minuto, sumulpot na nga si Ancho sa himpilan ng Mataas na Panginoon.
"Bakit ngayon ka lang? Pinaghintay mo pa kami," usisa ng Mataas na Komandante.
"Pasensya na, sinigurado ko lang munang ayos na ang lahat bago ako umalis."
"Ano ng balita sa Kapatiran, Ancho?" tanong ni Lodell.
"Nilagyan ko ng gamot ang serbesang ininom nila, lahat sila nakatulog na sa pagkahilo. Hinang-hina sila. Ito na ang tamang pagkakataon para lusubin natin sila."
"Magaling," napangiti si Lodell sa nalaman. "Ihanda na ang ating hukbo. Lulusob na tayo."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro