Kabanata 20: Miya
-Kasaganaan-
Sa pagdaan ng panibagong araw, naging abala ang lahat sa paghahanda para sa pagdiriwang ng kanilang pagkakasagip sa sakuna. Nagsimulang mangaso ang mga kalalakihang nanumbalik ang lakas at ang mga kababaihan naman ang nag-ihaw ng mga huling kambing at baboy-ramo. Hindi rin magkamayaw ang ibang Myongan sa pananahi at paggawa ng mga kasuotan sa gaganaping pagtatanghal mamaya.
Pagsapit ng gabi, nagsimula na ang seremonya at sa pagkakataong ito, tila ang lahat ay mas ganado at mas malakas pa kumpara sa karaniwan noong bago sila magkasakit.
Naupo si Miya kasama ang kaibigang si Myoris katabi ni Aric at sila ay tinabihan rin nina Maoro, Mylka at ng ibang mga bata.
Bilang panimula ng kanilang selebrasyon, tumindig muna sa harap ng lahat si Datu Mortho upang magbigay ng kanyang paunang mensahe.
"Magandang gabi sa aking mga mahal na Katribo. Tunay nga, isang napakagandang gabi ang bumungad sa ating lahat. Ang selebrasyong ito ay hindi lamang upang ipagdiwang ang ating pagkakasagip sa sakuna, kundi upang gunitain at magbigay pugay sa ating mga mahal sa buhay. Sa mga kasama pa natin ngayon at ganoon na rin sa mga mahal natin sa buhay na lumisan dahil sa sakit. Hinding-hindi natin makakalimutan ang kanilang buhay at ang kanilang alaala. Nais kong pasalamatan si Aric na siyang nagdala ng lunas at sumagip sa ating lahat. Lubos ka naming pinasasalamatan at tatanawin naming malaking utang na loob ang iyong ipinamalas na katapangan at sakripisyo. Hindi matatawaran ang dugo, pawis at paghihirap na iyong dinanas, alang-alang sa ating Tribo."
Ang lahat ay humiyaw nang may pagpupugay sa dayo, kabilang na sina Miya, Myoris at ang mga bata.
Napatango si Aric at napangiti siya sa pagbibigay-pugay sa kanya ng Datu.
"Nais ko ring pasalamatan si Miya sa kanyang katatagan at kabutihang loob na manindigan para sa karapatan ng mga Leonesa. Ngayon naririto na sila kasama natin at nagsisimula ng bagong buhay, malayo sa mapang-abusong pamumuno ni Datu Leyro at ng Tribong Leon. Binibigay ko sa inyo ang aking mainit na pagbati at sana ituring na nating pamilya ang isa'-isa."
Maligayang nakikinig ang mga babaeng Leonesa sa kanilang pwesto. Hanggang ngayon hindi pa rin makapaniwala ang ilan sa kanila na sila ay malaya na sa kanilang dating buhay. Animo'y isang magandang panaginip lamang ang lahat.
"Napakapalad nating lahat sapagkat pinagkalooban tayo ng Inang Maykapal nang pangalawang pagkakataon para mabuhay at ngayong gabi, hahayaan kong lasapin nyo ito. Hindi ko kayo pipigilang kumain at magsaya hanggang gusto ninyo, pero bago yun, nais kong panoorin nyo muna ang isang munting pagtatanghal tungkol sa mga nangyari sa atin nitong mga nagdaang araw. Nawa ay masiyahan kayo."
Umalis si Datu Mortho at sa kanyang hudyat, umakyat ang mga Myongang magtatanghal ng pagsasadula.
Nagsimulang magsalita ang Tagapagsalaysay:
"Sa masaganang lupain ng Kasaganaan, namumuhay ng payapa ang Tribong Myongan, ngunit lingid sa kanila, isang sakuna ang bigla na lamang gigimbal sa kanilang tahimik na buhay dahil sa kagagawan ni..."
Isang lalaking Myongan ang gumanap bilang si Datu Mortho ang sumulpot at ginaya niya ang kanyang kasuotan. Kasama ang iba pang gumaganap, nagkunwari silang papasok sa isang kwebang yari sa inukit na kahoy at mula roon isang lalaking nakasuot ng pakpak na yari sa kawayan at dahon ang nagpanggap na isang paniki at kinagat ang isa sa mga umaarteng Myongan.
"Anong gagawin natin?" tanong ng tauhan sa umaarteng Leyro.
"Hihingi tayo ng tulong kay Datu Mortho, pero huwag kayong maingay na sa atin nagsimula ang sakit."
Sa ikalawang eksena, nagtungo si Datu Leyro sa gumaganap na Datu Mortho at pagkatapos nagsimulang mahawa ng sakit ang Tribo. Nagkunwaring nanghina ang mga gumaganap na Myongan at sila ay nagbagsakan sa entablado.
"Ang lahat ay nagkasakit na. Sino ang kukuha ng lunas?" Tanong ng gumaganap na Mortho.
Tumindig ang gumaganap na dayo at nagsalita.
"Ako ang kukuha ng lunas at ang sasagip sa inyong lahat."
"Syempre hindi lang ikaw, ako rin!"
Nagtawanan ang mga nanonood sa paggaya ng Myongan kay Leyro. Ang iba naman ay nadadala ng kanilang emosyon at nagpapahayag ng kanilang pagkainis sa traydor na Datu kahit na siya ay peke.
Nagpatuloy ang Tagapagsalaysay. "Sabay na tinahak ng dalawa ang daan sa malayong kagubatan ngunit hindi batid ng dayo na siya ay pagtatangkaan ng tusong datu."
Sumunggab ang gumaganap na Leyro sa gumaganap na Aric at nagkunwari silang nagsasagupaan gamit ang kanilang mga kahoy na espada. Hinihiyaw ng mga Myongan ang ngalan ni Aric at hindi naman mapigilan ni Miya na mapangiti.
Hindi lang pala ako ang napamahal sa kanya, maging ang buong Tribo rin.
Sunod namang nagtakbuhan ang mga Myongan na nagpapanggap na asong gubat base sa matulis nilang tenga, itim na ilong at batik-batik na kolorete. Kinuyog nila ang gumaganap na Aric habang tumakbo naman papalayo ang gumaganap na Leyro.
"Sa kabila nito, nakaligtas ang dayo sa pagdating ng Ginintuang Paniki na siyang may taglay ng lunas."
Sumulpot ang gumaganap na paniki at hinatak niya kunwari ang gumaganap na Aric papalayo sa mga asong-gubat.
"Ngunit hindi pa doon natatapos ang kanyang pagsubok."
Lumusob ang gumaganap na lawin at kinalmot niya ang gumaganap na Aric. Ipinagtanggol ng Paniki ang dayo at sila ay nagsagupaan ng ibon. Pinagtulungan ng dayo at ng paniki ang lawin at ito ay kanilang natalo. Bumagsak ang nagkukunwaring lawin at nagpanggap na patay.
"Ipinagkaloob ng paniki ang kanyang kapangyarihan sa dayo."
Inilapat ng gumaganap na paniki ang gawa-gawa nitong pakpak at nanumbalik ang lakas ng dayo.
Nakauwi ang gumaganap na Aric sa Tribo, pinuntahan niya ang gumaganap na Miya at hinawakan ang kamay nito.
"Pagagalingin kita, magandang binibini. Dala ko ang lunas para sa'yo."
Kinilig ang ilan sa mga nanonood sa eksena ng dalawa. Kinukubli naman ni Miya at Aric ang kilig sa pagitan nila.
Binigyan niya ng kunwaring sabaw ang gumaganap na Miya at bumalik ang lakas at sigla nito.
"Magaling na ako, salamat sa iyo, mabuti at matapang na dayo. Ikaw ang aming tagapagligtas."
Nagkatinginan sina Miya at Aric sa isa't-isa habang naaalala ang mga pangyayaring ito.
"Dahil sa katapangan ng isang dayo naligtas sa bingit ng kamatayan ang buong Tribo."
Nagbangunan ang mga Myongang ginaganapan ang kanilang mga sarili sa panunumbalik ng kanilang kalusugan.
"Maayos na ang lahat, pero isa pang hamon ang kakaharapin ng tagapagligtas."
"Hinahamon kita sa isang palakasan. Ang matatalo ang aalis," pagmamalaking saad ng gumaganap na Leyro.
"Hindi ko tatanggihan ang hamong ito," matapang na sinagot ng gumaganap na Aric.
Nagpakitang gilas ulit ang mga gumaganap bilang Aric at Leyro at sila ay nagtakbuhan na parang nagpapabilisan.
Natatawa naman sa pagkaaliw sina Maoro, Mylka at iba pang batang nanonood. Muli nilang sinigaw ang pangalan ng dayo kahit na ang lahat ay palabas lamang.
Nagmadali ang gumaganap na Aric at siya ang nauna sa dulo ng entablado. Nilagay niya ang kanyang tanglaw na simbolo ng kanyang pagkapanalo.
"Sa huli, nanaig rin ang kabutihan at natalo ang kasamaan. Nanalo ang dayo at tuluyang napaalis ang tusong Datu. Naibalik sa dati ang lahat at nagkaroon ng panibagong buhay ang mga tribo. At dyan na nagwawakas ang ating kwento."
Nagsipalakpakan ang lahat sa nakakaaliw na pagsasadula at ganoon na rin sina Miya at Aric na lubos ang kagalakan sa kanilang napanood. Napahawak ang dalaga sa kamay ng nobyo at nawala sa kanyang isip na naroroon nga pala ang buong tribo.
"Whoo, susunod naman, kailan ba ang kasal?" napalakas ang kantyaw ni Myoris sa dalawa at napukaw niya ang atensyon ng lahat.
Napatahimik ang lahat at napatingin sa dalawa kabilang na sina Datu Mortho, Marcio at Maahan. Sabay namang inalis ni Miya ang kamay niya sa dayo at bahagyang lumayo. Hindi naman inaasahan ni Aric ang kanyang naging asta at sila ay nagka-ilangan.
Si Myoris talaga, walang pirmi ang bibig.
Naghanap ng maipapalusot ang pilyang dalaga nang mapagtanto niyang nadudulas na siya.
"Ang ibig kong sabihin, kailan ba ako ikakasal? Sana ako na ang susunod na kakasal."
Natawa ang lahat sa kanyang hirit at natabunan na ulit ng kasayahan ang pagkailang kanina. Naging abala na ang lahat sa pagkain at paglalaro, gayunpaman hindi pa rin ito nawala sa isip nina Maahan at Marcio.
Pasimple nilang nilapitan ang Datu.
"Ama, totoo ba na binigay mo ang kamay ni Miya sa dayo kapalit ng pagliligtas niya sa atin."
"Binigyan ko lamang ng lakas ng loob ang dayo para magpursigeng pagtagumpayan ang kanyang misyon. Tignan mo naman ang naging bunga."
"Nagpapasalamat kami sa ginawa ng dayo, pero hindi pa rin ako sang-ayon. Minsan nang nagkaproblema si Miya dahil sa pagpupumilit nating ipakasal siya. Papayag na lang ba tayo na ipakasal siya kay Aric nang ganun-ganun lang? Hindi ba dapat may gawin tayo?"
Napansin ng kanyang Ama na siya ay pinangungunahan na naman ng pagkabalisa.
"Ano bang kinakatakot mo, Maahan? Bakit ka ba nababahala ng ganyan?"
Nagpasya ng pumagitna si Marcio.
"Ikinakatakot lang ni Maahan na baka sa oras na ikasal na si Miya kay Aric, yayain na siya nitong bumalik sa kanyang dating tahanan at tuluyan na niya tayong iwanan. Nauunawaan ko naman ang pinanggagalingan niya. Ako man ay nababahala rin."
Masinsinang napaisip ang Datu sa sinabi ng manugang. Malabo man itong gawin ni Miya, alam niyang hindi rin ito imposible.
"Kung kayo ay nababahala, mabuti nga sigurong kausapin ko muna si Miya mamaya nang malaman ko ang kanyang tunay na saloobin."
**
Bago sumapit ang bukang-liwayway natapos ang pagdiriwang at nagtulong-tulong ang lahat sa pagliligpit. Sinamantala ito ni Mortho at tinungo niya ang kanyang apo habang siya ay naglilinis.
"Apo, maaari ba kitang makausap?"
"Sige po. Tungkol saan po?"
"Tungkol kay Aric."
Natigilan ang dalaga sa kanyang ginagawa. "Ano pong tungkol sa dayo?"
"Noong nagkasakit ka, nagbitaw kasi ako ng pangako sa kanya. Sinabi kong sa oras na makuha niya ang lunas, ibibigay ko sa kanya ang iyong kamay."
"Ginawa nyo po yun?" halata ang pagkabigla ni Miya sa bahagyang paglakas ng kanyang tono. Hindi niya inaasahan ito mula sa Datu.
"Oo, apo, pasensya na, desperado lang talaga ako noong mga panahong yun. Maysakit ka at kailangan ko siyang bigyan ng motibasyon para mapagtagumpayan ang misyon at nagawa niya nga. Nailigtas niya tayong lahat. Isa lang ang napatunayan ko. Sa tingin ko, totoong umiibig na sa'yo si Aric. Walang sinuman ang makakagawa ng nagawa niya kung hindi tunay ang nararamdaman niya."
Hindi nakalagpas kay Miya ang pagkabahala sa aura ni Mortho, maging ang malalim niyang paghinga.
"At hindi po kayo sang-ayon?"
"Hindi naman sa ganun, apo. Malaki ang utang na loob natin kay Aric. Ilang ulit na niya tayong sinagip, wala akong duda sa kanyang intensyon pero kung ako ang tatanungin mas nanaisin kong isang tubong Myongan ang iyong makakaisang-dibdib."
Hindi nakasagot si Miya sa sinabi ng kanyang lolo sapagkat wala siyang maisip na tamang salita. Nagsisimula ng mas maging komplikado ang lahat.
"Miya, napapansin ko na madalas kayong magkasama ni Aric. Tila kayo ay nagkakaunawaan at ngayon lang kita nakitang ganitong kasaya kasama ang isang lalaki. Sabihin mo sa akin, apo. May namamagitan ba sa inyo ng dayo?"
Napaisip si Miya bago sagutin ang Datu. Nais man niyang aminin ang lahat kay Mortho naalala niya ang pag-aalangan nito kay Aric.
"Wala po, magkaibigan lang po kami ni Aric. Marami lang po kaming pagkakapareho sa ugali kaya nagkakasundo kami.""
"Mabuti naman. Mainam nang manatili kayong magkaibigan at nagkakaliwanagan kayo. Kung ganun kailangan ko ng sabihin sa kanya na binabawi ko na ang aking pangako."
"Pero Lo, nakapagbitaw na po kayo sa kanya. Hindi po ba makakaapekto ito sa imahe nyo, pag nalaman ng iba na binali ng dakilang Datu ang kanyang pangako, na ni minsan hindi pa niya nagawa."
"Huwag mo ng alalahanin ano ang iisipin sa akin ng iba. Handa akong gawin yun para sa'yo, apo. Nadala na ko nung pinagpilitan kitang ipakasal kay Leyro. Pinangako ko sa sarili ko na hindi ko na uulitin ang pagkakamaling yun."
"Pero paano naman po si Aric?" nagbabakasakali pa rin si Miya na pigilan ang Datu sa pagbawi ng kanyang salita.
"Sa pagkakakilala ko sa kanya sigurado akong mauunawaan niya ang aking pasya. Sasabihin kong kaibigan lamang ang tingin mo sa kanya at kung may matipuhan man siyang ibang Myongan, hindi ako magdadalawang-isip na suportahan siya."
Napayakap ang Datu kay Miya, hindi naman mapakali ang dalaga kung tama nga ba ang naging hakbang niya.
***
May pagkayamot na nagulantang si Aric nang sabihin ni Miya ang napag-usapan nila ng Datu.
"Ano? Sinabi mong kaibigan mo lang ako?"
"Oo, maniwala ka, balak ko na sanang aminin ang lahat ngunit napag-alaman ko kasing may pagdadalawang-isip pa rin si Lolo sa'yo. Nagawa ko lamang yun dahil natakot ako na kapag nalaman niyang may relasyon tayo, baka tuluyan nila akong palayuin sa'yo."
Napailing ang dayo sa kanyang mga paliwanag.
"Hindi mo nga ba tayo pinaglayo sa ginawa mo? Ngayon babawiin na ng Datu ang pangako niyang ibibigay niya ang iyong kamay. Ang akala niya kaibigan lang ang turing mo sa akin. Sa ginawa mo, parang tinanggihan mo na rin ang pag-ibig ko para sa'yo."
"Ang kagandahan roon hindi na nila tayo paghihiwalayin. Kahit madalas tayong magkasama aakalain nilang magkaibigan lamang tayo. Mahal, huwag ka ng magalit sa akin."
Napahaplos si Miya mula sa kanyang likuran.
"Hindi naman ako galit, dismayado lang ako. Kasi...kasi pakiramdam ko ikinakahiya mo ko."
"Huwag mong isipin yun, hindi kita ikinakahiya. Humahanap lang talaga ako ng tamang pagkakataon para aminin sa kanila ang lahat."
"Miya, ikaw ang isa sa pinakamatapang na taong nakilala ko pero bakit pagdating sa akin naduduwag ka? Sa ginawa mo, parang tinanggihan mo na rin ang pag-ibig ko para sa'yo. Kung ako ang tatanungin handa akong pakasalan ka sa harap mismo ng buong tribo. Ikaw, handa mo bang gawin yun para sa akin?"
Natigilan si Miya at tinignan lamang niya si Aric na may pagkabalisa at pagkalito sa kanyang mga mata.
Napangisi ang dayo na halatang nasaktan sa kanyang pananahimik.
"Wala kang maisagot. Mabuti siguro mag-isip-isip ka muna kung dapat pa ba natin itong ituloy."
Nilisan ni Aric ang kanilang tagpuan na may bahid ng lungkot at pagkadismaya.
"Aric, Aric sandali," tinawag ni Miya ang kasintahan ngunit hindi siya nito pinansin.
Napapikit ang mga mata ni Miya sa pamomroblema at pagkadilat niya, hindi niya namalayang sabay na palang tumulo ang kanyang mga luha.
Ano ba itong nagawa ko?
***
Sumunod na araw, nagtungo si Miya sa kanilang tagpuan ni Aric. Hindi niya inaasahan na naroroon na ang kasintahan sapagkat akala niya ay galit pa rin ito sa kanya.
"Aric, narito ka."
"Nakausap na ko ni Datu Mortho tungkol sa pagbawi sa iyong kamay."
"At anong nangyari?"
"Sumang-ayon ako, nagkunwari akong hindi ako apektado, kahit alam kong sa loob-loob ko, labag ito sa akin."
Napabuntong-hininga si Miya.
"Patawarin mo ko at nasaktan kita. Hindi ko na dapat tinanggi pa ang pagmamahalan natin. Isa itong malaking pagkakamali."
Nilapitan siya ni Aric na ngayon ay mas mahinahon na at hinawakan niya ang palad ng kasintahan.
"Hindi mo na kailangang humingi ng tawad. Sa totoo lang masyado akong nagpadala sa emosyon ko. Naging makasarali rin ako, nagalit agad ako at hindi ko muna pinakinggan ang panig mo. Napagtanto kong nagawa mo lamang ang lahat ng iyon para protektahan ang ating relasyon. Para hindi tayo magkahiwalay. Kaya sana patawarin mo rin ako."
Nagyakapan ang dalawa, senyales na naayos na ang gusot sa pagitan nila.
"Mula ngayon handa na kong panindigan ang pag-iibigan natin. May sagot na ko sa tanong mo sa akin kahapon. Masasabi ko ng buong puso na handa na akong pakasalan ka kahit sa harap pa ng lahat."
Hindi maiwasan ni Aric na mapangiti.
"Nagagalak akong malaman ang sagot mo pero sa tingin ko mas makabubuti nga munang itago muna natin ang ating relasyon. Nalaman ko sa Datu na hindi pa rin sang-ayon ang mga magulang mo sa atin. Darating rin ang araw na aaminin natin sa lahat ang namamagitan sa atin, konting tiis na lang, malapit na."
Hinaplos ni Aric ang makinis na pisngi ni Miya.
"Halika na, bumalik na tayo."
"Sandali, wala ka bang nakakalimutan?" tanong ni Aric.
"Ano naman?"
"Sinagot mo na ang tanong ko, pumayag kang pakasalan ako."
Napahalakhak ang dalaga.
"Oo, pero saan ito patungo? Sinasabi mo bang manunumpa tayo ngayon kahit walang Datung magkakasal sa atin?"
"Bakit hindi? Maaari naman tayo ikasal sa sarili nating paraan."
"Gusto ko yan, Aric. Wala akong ibang hinahangad."
"Kung ganun, magpakasal na tayo."
"Paano ba kayo ikasal sa Silangan?"
Sinimulan na ni Miya at Aric ang kanilang pag-iisang dibdib. Hinawakan niya ang kamay ng dalaga at tinignan nito ng direkta sa mata bago ilagay ang isang singsing na gawa mula sa dahon at bulaklak.
"Pasensyahan mo na at ito lang ang kaya kong ibigay ngayon."
"Ano ito?" Walang muwang na tanong ni Miya.
"Isang singsing."
"Ano ang 'singsing'?"
"Isa itong gamit na yari sa pilak o ginto, hinahandog ito ng isang lalaki sa daliri ng kanyang kasintahan sa oras na sila ay ikakasal bilang simbolo ng kanilang pagmamahal."
"Kung ganun, ito ang pinakamagandang singsing na natanggap ko...at sa totoo lang, ito pa lamang talaga ang tanging singsing na natanggap ko."
Matawa-tawa si Aric sa hirit ni Miya. "Kapag bumisita tayo sa tahanan ko sa Silangan, kukunin ko ang sa aking ina nang sa ganoon ay mabigyan kita ng totoong singsing."
"Huwag mo nang alalahanin yun. Kahit ano galing sa'yo masaya na ako. Ano na ang susunod."
"Oras na para tayo ay manumpa. Ako na ang mauuna."
Muling hinawakan ni Aric ang kamay ng dalaga.
"Miya, ikaw ang babaeng pinapangarap kong makasama habang buhay. Walang salitang makapagpapaliwanag kung gaano kita kamahal. Nagpapasalamat ako at dinala ako ng tadhana sa piling mo. Pinapangako kong poprotektahan ka, aaalagaan at wala akong ibang mamahalin pa. Sa saya at lumbay, sa hirap man o sa ginhawa. Walang sinuman o anuman ang makapaghihiwalay sa atin mula ngayon at kailanman."
Mangiyak-iyak ang dalaga sa pagpapahayag ni Aric ng kanyang pag-ibig.
Sumunod naman siyang nagbigay ng kanyang panata sa kasintahan.
"Aric, walang hanggan ang kaligayahan ko noong dumating ka sa aking bahay at kung ako man ay mabubuhay ulit, wala akong babaguhin at wala akong iibigan pa kundi ikaw lamang. Bigyan man ako ng ilang libong taon, hindi ko yun ipagpapalit sa ilang saglit na kapiling kita. Pinapangako kong iibigan ka, susuportahan at sasamahan sa bawat pagsubok at labang haharapin mo sa buhay na ito. Sa kasaganahan at kasalatan, sa tag-init at tag-ulan. Handa akong maging ina sa mga anak mo at maging katuwang mo sa buhay, gaano katagal man ang ipagkakaloob sa atin ng Maykapal."
"Ito na ang parteng sasabihin ng Pari na maaari ko ng hagkan ang aking kabiyak."
Natawa si Miya sa pagbibiro ng kasintahan. Hindi na sila nagpaligoy-ligoy pa at isang masimbuyong halik ang pinagsaluhan nila.
Syempre hindi matatapos ang araw ng kasal kung hindi magaganap ang pulot-gata. Nagtungo ang dalawa sa kanilang munting kubo at sila ay muling gumawa ng pagmamahal sa isa't-isa. Mainit ang mga handog na halik na Aric at uhaw na uhaw naman siya para sa kanya. Sa tagal nilang nagkahiwalay dahil sa sakuna, sobra silang nanabik na muling lasapin ang bawat sandaling magkapiling sila. Sa pagkakataong ito, tila hindi na gaano nag-aalangan at nababahala si Miya sa kanilang ginagawa sapagkat pakiramdam niya ay kasal na sila talaga ni Aric at sila ay iisa na, sa diwa, laman at kaluluwa.
***
Pagkatapos ng kanilang panandaliang ligaya, bumalik ang dalawa sa dalampasigan nang sa ganoon hindi sila paghinalaan.
Pagkarating nila, sinalubong sila ng hinihingal at naliligalig na si Myoris.
"Miya, Aric, saan ba kayo nagpunta? Hindi kayo maniniwala sa sasabihin ko. May kakaibang kaganapan ngayon dito."
"Anong nangyari? Nanggulo na naman ba si Leyro?" tanong ni Miya.
"Hindi si Leyro, kundi isang dayo. Isa pang dayo ang nakarating sa Kasaganaan."
"Ano?"
Hindi makapaniwala si Miya sa nalaman, nagkatinginan sila ni Aric at kapwa sila nagulantang sa hindi inaasahang pangyayari.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro