Kabanata 20: Graison
Isang pilyong ngiti ang sinagot ng kanyang batang sarili kay Graison, sa kabila ng nagdurugo nitong noo. Noong papalapit na siya rito, bigla naman itong naliligalig na tumaripas ng takbo, papalayo sa kanya.
"Sandali!" hinabol ni Graison ang bata.
Narinig niya ang halakhak ng musmos bago ito tuluyang maglaho na parang bula sa kawalan.
"Nasaan na siya?"
"Hindi mo na siya kailangang hanapin."
Narinig niya ang isang tinig na lubhang pamilyar sa kanya. Ang sarili niyang boses. Ipinagtaka niya ito dahil sigurado siyang hindi siya ang nagsalita.
"Matagal na siyang wala. Isa na lamang siyang alaala. Ikaw na lamang ang nalalabi ngayon."
Lumingon si Graison sa direksyon ng nagsasalita. Nanlaki ang kanyang mga mata sa pagkagulat sapagkat nakita niya mismo ang sariling wangis na nakatayo sa kanyang harapan, animo'y siya ay nakaharap sa salamin at nakatingin sa kanyang repleksyon.
"Sino ka?" Nagugulantang na tinanong ni Graison. "Bakit magkamukha tayo?"
Muli niyang pinagmasdan ang kakaibang nilalang. Parehong-pareho man ang kanilang anyo, may pagkakaiba pa rin ang dalawa. Ang bersyong ito ng kanyang sarili ay nakasuot nang mas madilim na asul na kasuotan taliwas sa kanyang mas matingkad na asul na damit. Kapansin-pansin rin na may bangid ng lungkot at lalim ang kanyang mga mata.
"Ano nga ba ako sa tingin mo? Isang anino, isang alaala, isang ilusyon o isang aparisyon? Ang totoo, ikaw ay ako at ako ay ikaw. Iisa lamang tayo."
Hindi makapaniwala si Graison sa narinig at lalo lamang siyang nalito.
"Imposible, paano mangyayari yun? Paano ka magiging ako kung ako ang naririto ngayon." Tinuro niya ang kanyang sarili.
"Hindi ka nagkakamali, ikaw ay ikaw ngunit ikaw ay magiging ako pagdating ng itinakdang panahon. Kapag ikaw ay tuluyan ng namulat."
Naglakad papalayo ang isa pang Graison.
"Sandali, saan ka pupunta? Huwag mo kong iwan Naguguluhan na talaga ako. Hindi ko alam ano bang nangyayari at nasaan ako."
"Nais mong magkaroon ng linaw ang lahat, sundan mo ko at malalaman mo."
"Saan ba tayo pupunta?"
"Sa isang paglalakbay sa nakaraan, kasalukuyan at hinaharap. Mainam na mauna tayo sa huli."
***
Sumunod si Graison sa kanyang sarili at hindi nagtagal nakarating sila sa kanilang unang destinasyon. Sa kanilang Templo sa Palasyo kung saan nakaayos ito na tila mayroong ikakasal. Napakaraming taong naroroon at ang lahat ay nag-aabang sa dalagang ikakasal.
Nanood ang dalawang Graison na para bang naroroon mismo sila sa nasabing kasal. Sa may harap ng Templo, nakaabang na roon ang lalaking ikakasal. Napababa ang panga ni Graison nang makita ang lalaking nag-aabang sa kanyang kabiyak.
"Ako rin ito."
"Tayo nga," sagot ng sarili sa kanya.
Ang ikakasal na Graison ay hindi pa lubos na katandaan kumpara sa kanilang ngayon, maaaring mga nasa tatlo hanggang limang taon lamang ang agwat ng edad nito sa kanila at siya ay nakamaayos na puting baro at balabal na bughaw.
"Ibig sabihin, makakapag-asawa pala ako."
"Siyempre naman, bakit naman hindi?" Natatawang sagot ng isa sa kanya.
"Hindi ko lang akalain na mangyayari ito sa akin, mahiyain kasi ako."
"Gayunpaman, isang babae ang napaibig mo."
Napalingon ang lahat sa pagpasok ng dalaga sa Templo. Nakasuot ito ng simple ngunit kahali-halinang puting trahe. Mahahalintulad ang anyo nito sa isang diwata o anghel.
Napangiti si Graison nang makilala ang babaeng ikakasal.
"Osylla."
Malumanay na naglakad ang dalaga patungo sa altar, papalapit sa lalaking iniirog. Sila ay nagkangitian at mapapansin na sabik na ang dalawa sa kanilang pag-iisang dibdib.
Kung mayroon man siyang pakakasalan, wala na siyang ibang hinahangad pa kundi ang katulad ng kanyang kaibigan. Mabait, mapag-unawa at mabuti ang puso. Halos lahat ng katangiang hinahanap niya sa babae ay na kay Osylla na.
"Halika na, marami pa tayong pupuntahan."
Masyado namang nalibang si Graison sa panonood.
"Hindi na ba natin tatapusin kahit hanggang sa sila ay...alam mo na."
"Kung ganun, mawawala na ang sorpresa sa mismong araw na magaganap ito, kung ito nga ay magaganap."
"Anong ibig mong sabihin, maaari pang mabago ito?"
"Nakadepende pa rin sa atin ang lahat. Ang lahat ng makikita mo sa hinaharap ay hindi pa nailalapat, parang isang aklat na buo na ang ideya ngunit hindi pa naisusulat.
Sinundan niya ulit ang wangis at sa pagkakataong ito dinala siya nito sa isa pang pamilyar na lokasyon sa Palasyo. Sa Pangunahing Bulwagan, sa Ginintuang Trono. May lalaking nakaupo sa Trono at nakasuot ng Koronang naiiba sa gamit ng kanyang Ama. Pinagmasdan ni Graison ang nasabing lalaki. Maaaring nasa tatlumpung taon ang edad niya. Malumanay ang anyo nito, nababalutan ng katamtamang bigote at balbas ang kanyang makinis na mukha. Maamo rin ang kanyang asul na mga mata. Habang tinititigan niya nang matagal ang lalaki, unti-unti rin niyang napapagtanto kung sino ito.
"Sandali, tayo rin ba to?" pang-apat na beses na niyang nakita ang sarili sa iba't-ibang pagkakataon ng kanyang buhay subalit hindi pa rin mapawi ang kanyang pagkamangha sa tuwing nakakakita siya ng ibang bersyon. Lalo na ngayon at nakita niyang siya ang nakaupong Emperador ng Cenpyre.
"Oo, tayo nga. Siya rin ako at ikaw, pag tayo ay tumanda na."
Nahihirapan pa rin si Graison na mantaking siya nga ang magiging Emperador kahit na ito ang ipinakita sa kanya. Hindi niya akalain na talagang ipagkakaloob ng Ama ang kapangyarihang ito sa kanya.
"Ibig sabihin ba nito, totoong tayo nga ang susunod na Emperador?"
"Gaya ng sinabi ko, sa atin pa rin nakasalalay ang lahat. Kung magpapatuloy tayo sa ating daang tinatahak, ito nga ang ating kahihinatnan."
Daan?
Hindi malaman ni Graison kung ano ang iisipin niya. Paano niya malalamang tama ang daang tinatahak niya kung palagi siyang hindi sigurado sa kanyang sariling pagpapasya? Wala siyang kasiguraduhan kung ano ba ang tamang landas na nakalaan para sa kanya. Ang sundin ang kanyang Ama o sundin ang kanyang puso?
"Tara na, tapos na ang paglalakbay natin sa hinaharap. Magtungo na tayo sa kasalukuyan."
Hindi gaano nasasabik si Graison sa susunod nilang destinasyon.
"Pasensya na pero sa tingin ko wala naman tayong makikitang bago sa atin sa kasalukuyan."
"Sino ba ang nagsabing tayo ang sisilipin natin?"
"Kung di tayo, sino?"
Hindi sumagot sa kanya ang isa pang Graison, nanahimik lamang ito at nagpatuloy sa paglalakad.
Sinundan niya ito at dinala siya nito sa isang lugar na di pa niya napupuntahan. Isang lugar na mahamog ngunit magulo. Sa Kontinente ng Kanluran. Isang digmaan ang nagaganap sa dalawang pwersa. Ang isa ay may bandera ng Pulang Tumanggong at ang isa naman ay mula sa di matukoy na grupo na kinabibilangan ng mga karaniwang Kanluranin. Napukaw ang atensyon ni Graison ng isang lalaking tila isang banyaga at may hawig sa isang Cenpyero. Siya ay magiting na nakikipagdigma sa mga mapang-abusong pwersa gamit ang kanyang sibat at kasama ang kanyang pangkat, sinasagip nila ang mga inaaping mga lahi.
"Tignan mo maigi ang lalaking yan."
"Sino siya?"
"Isang Prinsipeng tulad mo. Nahiwalay sa sariling Lupain, namuhay sa iba, at ngayon nagsisilbing pag-asa para sa mga naaapi at inaalipusta. Isang tagapagligtas na nakikipagdigma para sa Karapatan at Katarungan."
"Kahanga-hanga ang tapang na ipinapamalas niya. Sana ganoon rin ako."
"Halika na."
Sunod nilang tinahak ang isa pang Kontinente. Ang Silangan. Pumasok sila sa loob ng Kastilyo ng Hari at namataan nila ang isang dalagang gaya ng nauna ay mukha ring isang Cenpyera, ngunit sa kabila ng kanyang magandang anyo, siya ay nakadamit na maayos lamang ng bahagya sa isang basahan. Siya ay abala sa paglilinis at paglalampaso ng sahig, pero kapansin-pansin rin na para bang siya ay nakikiramdam sa paligid.
"Ito naman ay isa ring Prinsesa. Nalayo rin sa kanyang tahanan. Namumuhay ngayon sa tahanan ng kanyang kaaway, nag-aasam sa hustisyang pinagkait sa kanya. Naghahanap ng tamang pagkakataon upang pagbayarin ang responsable sa kanyang mga kasawian."
"Ibig mong sabihin naghihiganti siya? Ano bang nangyari sa kanya?"
"Hindi na ito para malaman mo. May isa pa tayong kailangang puntahan."
Meron pa?
Muli siyang sinundan ni Graison kahit na nakakaramdam na ng pagod ang kanyang nga paa. Tunay na kakaiba ang lugar na pinuntahan nila ngayon. Tila isang malaking kagubatan sa dulo ng disyerto. Buhay na buhay ang makukulay na nga bulak at purong luntian ang mga kapunuan. Ang dalampasigan rin ay kahanga-hanga sa purong puting buhangin at berdeng-asul na karagatan. Hindi lamang ito ang kakaiba. Pati na rin ang mga tao. Sila ay isang Tribong ngayon lamang nakita ni Graison. May kaliitan, kayumanggi ang balat at kulot ang buhok. Silang lahat ay naghahanda para sa isang pagdiriwang. Isang dalaga ulit ang pumukaw sa pansin niya sapagkat siya lamang ang naiiba sa Tribo. Maputi, may katangkaran at ang kanyang mga mata ay animo'y kahalintulad sa purong asul na karagatan.
"Sino naman siya?"
"Isa pang Prinsesa. Nahiwalay rin sa kanyang Lupain tulad ng mga nauna. Itinuturing na isa sa Tribo. Matapang, mapangahas pero busilak ang puso. Marami siyang tanong sa katotohanan tungkol sa kanyang pagkatao."
"Tulad ko."
Hindi nagtagal, nilisan na rin nila ang mala-paraisong Lupain.
Pagkatapos ang lahat ng kanilang nasaksihan, bumalik ang dalawang Graison sa madilim na kawalan.
"Hanggang ngayon naguguluhan pa rin ako. Maraming tanong ang tumatakbo sa isipan ko. Sino ba talaga sila? Totoo ba sila? Anong kinalaman nila sa akin at kailangan mo silang ipakita?"
"Magandang tanong, Graison. Gusto kong tandaan mo sila sapagkat malaki ang papel nila sa iyong nakaraan."
Imbes na luminaw ang lahat, mas nadagdagan lamang ang tanong ni Graison na nagkapatong-patong na mula pa kanina.
"Pwede ba tapatin mo na ko, sabihin mo na sa akin ang lahat. Napapagod na ako sa mga palaisipang pinapahayag mo sa akin. Ipakita mo na sa akin ang nakaraan nang sa ganoon ay matapos na ito at malaman ko na ang dapat kong malaman. Gusto ko ng umuwi. Gusto ko ng bumalik sa pinagmulan ko."
Napangiti ang isa pa niyang sarili
na para bang wala lang sa kanya ang pagmamaktol ng Prinsipe.
"Mainam naman at nais mong masilip ang iyong nakaraan. Tumingin ka rito."
Tumingin nga si Graison at tumambad sa kanya ang isang malaking imahe. Isang litrato ng isang pamilya. Naroroon ang Ama, Ina at kanilang apat na anak. Dalawang lalaki at dalawang babae. Taimtim na tinignan ng Prinsipe ang bawat mukha sa imahe. Sinimulan niya sa Ama at Ina. Tila pamilyar ito sa kanya, lalo na ang Ina. Kahawig ito ng isang babaeng kanyang pininta noon. Sunod niyang tinignan ang kanyang mga anak. Namukhaan niya ang panganay na lalaki, ito ang Prinsipeng nakikidgma. Nakilala niya rin ang panganay na babae, ang Prinsesang naghahangad ng hustiya. Ang pinakamaliit naman ay ang Prinsesang lumaki sa Tribo base sa kulay ng kanyang mga mata. Huling tinignan ni Graison ang bunsong Prinsipe at ang ikatlong anak. Natigilan siya sa kanyang posisyon at tumaas ang kanyang buhok nang madiskobre niyang siya ang nasabing bata sa imahe. Ang parehong duguang bata na hinahabol niya kanina.
"Ako ito...tayo...anong ginagawa natin kasama ang mga iyan? Bakit hindi si Ama at Ina ang kasama natin sa litratong ito?"
"Hawakan mo ito, kung nais mong malaman ang kasagutan. Mag-ingat ka lamang."
Sa kanyang panuto, dahan-dahang nilapat ni Graison ang kanyang palad patungo sa imahe. Sinabayan niya ng pikit ang pagdikit ng kanyang mga kamay at isa na namang pangitain ang lumantad sa kanya.
Namataan niya ang kanyang sarili kasama ang pamilyang sa gunita niya lamang nakikita. Nakikipaglaro siya sa Ama at ganoon na rin sa panganay na Prinsipe at Prinsesa habang ang kanilang Ina naman ay abala sa paghehele ng kanilang bunsong kapatid.
Ikaw ang aking mundo, ang aking buhay.
Maya-maya biglang nag-iba ang takbo ng pangyayari. Namataan ni Graison na inuusig ng taumbayan ang pamilya sa Palasyo. Nagkahiwa-hiwalay ang magkakapatid at natagpuan niya ang sarili na tinatakas sa isang karwahe. Isang pwersa ng Apoy ang tumutugis sa kanila.
"Yrvin, tumakas ka na! Bilis! Takbo!" Narinig niya mula sa tinig ng isang babae.
Tumakbo ang bata sa malubak na batuhan ngunit siya ay napatid. Doon na tumama ang kanyang noo sa batuhan.
Naghihikahos na si Graison sa kanyang kinalalagyan, nagpaulit-ulit ang mga imahe at sa pagkakataong ito, tila milyon-milyong pangyayari ang mabilis na tumatakbo sa kanyang isipin na para bang humabol pabalik sa kanya ang lahat ng memoryang kanyang nalimutan. Higit na mabilis sa mga nakikita niya sa kanyang pinta.
"Sino ba ko? Sino ba sila? Ano ba talaga ang nangyayari? Ipaalam nyo sakin!"
Natigil lamang ang kaguluhan sa kanyang kaisipan nang alisin ng isang Graison ang kanyang kamay sa imahe. Siya ay napadilat at naghabol ng kanyang hininga.
"Anong ginawa mo? Bakit mo ko pinigilan? Ibalik mo ko roon para malaman ko na ang katotohanan."
"Pasensya na pero hindi ka na maaaring magpatuloy."
"At bakit naman?"
"Handa ka bang harapin ang katotohanan kahit na ito ang sisira sa'yo?"
Natauhan si Graison sa tanong ng kanyang sarili, may punto siya. Ngayon pa nga lang sobra na ang kanyang nararanasan, paano pa kaya pag nalaman niya ang buong katotohanan?
"Bibigyan kita ng pagpipilian. Kung gusto mong magpatuloy hahayaan kita, pero babalaan kita. Sa oras na ginawa mo yun, lalagpas ka na sa puntong wala nang balikan. Masyadong masakit ang katotohanang iyong matutuklasan, ito ang tatapos sa'yo. Hindi ka na makakabalik pa sa iyong buhay sa mundo at sa lahat ng iyong pinanghahawakan."
"Anong sinasabi mo? Wala naman sa panganib ang buhay ko, niligtas ko lang naman si Ama pagkatapos..."
Natahimik si Graison nang muling mapagtanto ang nangyari sa labanan at kung paano siya natamaan ng palaso ni Duke Aurello.
"Ibig mong sabihin hindi na ko makakabalik sa aking katawan at tuluyan na kong mamamatay? Hindi, paano si Ama, si Ina...si Osylla..."
Paano pa niya mapapakasalan ang kaibigan kung siya ay patay na? Lalo lamang umigting ang pananabik niyang makita siya ulit sa kabilang dako.
"Sa isang banda naman, maaari kang bumalik sa iyong dating buhay. Gigising ka, makakalimutan mo ang lahat ng nangyari sa atin rito gayunpaman, mananatili ang iyong pag-aasam na alamin ang kinukubling bahagi ng iyong pagkatao. Ikaw lamang ang makapagpapasya kung ano ang iyong magiging kapalaran."
Napaisip si Graison kung ano ang kanyang nararapat na gawin. Batid niyang masyado pa siyang bata para lisanin ang mundo. Marami pa siyang balak alamin at tuklasin sa abot ng kanyang kakayahan.
"Ang alam ko lang hindi pa ko maaaring mamatay. Kung matutuklasan ko ang lahat, mabuti nang sa mundong ibabaw na lamang nang sa ganoon may magagawa pa ako pagkatapos."
Napangiti ang isa pang Graison at sa hindi niya inaasahan, isang mahigpit na yakap ang ibinigay ng kanyang sarili sa kanya. Nakaramdam siya ng kakaibang kagaangan sa yakap nito. Ang buong akala niya ang pinakamatinding kalaban niya ay ang kanyang sarili pero ang totoo siya rin pala ang lubos na nagmamalasakit sa kanya.
"May tiwala ako sa'yo. Naniniwala akong magagawa mo ring tuklasin ang katotohanan sa sarili mong sikap. Hanggang sa muli. Hihintayin kita hanggang sa ikaw ay maging ako. Makakabalik ka na."
Bago pa makasagot si Graison, siya ay nawalan ng balanse at siya ay nalaglag mula sa madilim na kawalan.
***
Umabot sa sukdulan ang pagdaing ni Graison mula sa kanyang kinahihimlayan. Nagising ang kanina pang nahihimbing na si Grasiela nang marinig ang ungol mula sa anak.
Ilang segundo lamang, tuluyang dumilat ang kanyang malalamlam na mga mata.
"Graison, anak, sa wakas gising ka na," naluluhang tugon ng kanyang Ina.
Narinig ni Fierro ang pagbubunyi ng asawa bago siya pumasok sa silid. Namataan ng Mataas na Emperador na nagkamalay na ang anak.
"Graison, anak. Kamusta na ang pakiramdam mo?"
Hindi nakasagot ang Prinsipe, tulala lamang siyang napatingin sa mga magulang, tila nasa malayo pa rin ang kamalayan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro