Kabanata 20: Covel
-Lupain ng Gremon:
Tatlumpung-Limang Taon Ang Nakaraan-
Sadlak ng dilim ang gabi ngunit nagsisilbing liwanag ang bilog na buwan. Sa isang damuhan sa liblib na kakahoyan ng Gremon, isang lalaking kumikilos ang kinukubli ng gabi. Abala ito sa paghuhukay gamit ang isang pala. Walang humoay ang kanyang paghuhukay hanggang sa maabot nito ang lalim na lalagpas sa anim na talampakan. Pagkatapos, siya ay pasimpleng nagpunta sa may sulok, hindi kalayuan.
Nang mga sandaling iyon, isa pang lalaki ang naglalakad malapit sa damuhan. Animo'y isang magsasaka mula sa bayan. Naantala ang ikalawang lalaki nang may mapansin siyang kakaibang butas sa may damuhang nilalakaran. Nasilayan niya ang hukay at ang pala. Labis niya itong ipinagtaka, sapagkat sino ba naman ang mangangahas na maghukay sa ganitong oras ng gabi? Iba na ang kutob niya rito. Hindi nagtagal, nakarinig siya ng mga kaluskos ng paa at siya ay agad na nagtago sa makakapal na halamanan sa paligid. Mula sa kanyang kinaroroonan, nasaksihan niya ang isang kahina-hinalang lalaki na tila may hila-hilang isang bagay. Kinusot ng saksi ang kanyang mga mata upang makita ng maigi kung ano ang bagay na ito at nang ituon niya ulit ang paningin niya rito, napagtanto niya kung ano ang hatak-hatak ng lalaki. Ito ay mga labi ng isang tao. Kitang-kita niya kung paano nilaglag ng lalaki ang bangkay sa hukay at siya ay kinilabutan sa nakita. Muling nagtungo ang kakaibang lalaki kung saan galing ang bangkay at pagkabalik niya, isa pang bangkay ang hatak-hatak niya patungo sa hukay. Mas maliit ang mga labi kumpara sa nauna at mahaba ang buhok nito, malamang bangkay ito ng isang babae. Natigilan nang bahagya ang lalaki sa harap ng bangkay bago niya ito tuluyang tinulak sa hinukay. Agad niyang tinabunan ng lupa ang mga labi at hindi nagtagal, natapos na ang ginawa niyang pagbaon sa dalawang patay.
Wala siyang kamalay-malay na mayroong nakakakita sa kanya na nakakubli sa may halamanan. Nais man kilalanin ng saksi kung sino ang lalaki, hindi niya magawa sapagkat lamon ng dilim hindi lamang ang buong paligid, kundi pati na rin ang kanyang mukha. Mabuti na lamang at napagpasyahan ng lalaking nagbaon na sindihan ang isang lampara. Sa wakas ay nailantad sa kanya ang anyo ng nasabing lalaki. Natigilan ang salarin sa harap ng libingan, nangangatog ang kalamnan, hinihingal, punong-puno ng pawis ang mukha, at namumula ang mga mata sa pagluha. Nakasuot ito ng isang unipormeng may kapa at armas na karaniwan sa isang Kawal Kanluran noong panahon iyon.
"Pinunong Haurre?" bulong ng saksi. Nanlaki ang kanyang mga mata ng makilala ang Kawal. Noong mga panahong iyon, walang hindi nakakakilala kay Haurre sa sapagkat itinuturing siyang isa sa pinakahinahangaang Kawal sa Kanluran.
-Kampo ng Kamatayan-
Balik sa kasalukuyan, naglalakad patungo sa Kampo ang parehong lalaki na ngayon ay matanda at uugod-ugod na. Sa kanyang kamay, hawak-hawak niya ang isang piraso ng papel na naglalaman ng isang panawagan mula sa Mataas na Panginoon. Ayon dito, ang sinumang nakaranas ng pagmamalupit at kasamaan mula kay Haurre at sa Kapatiran ay magtungo sa Kampo at agad ipagbigay alam kay Lodell. Taktika nila ito upang sirain ang reputasyon ng Kapatiran subalit alam nilang nagiging tanyag na ang samahan. Nagiging matunog na sila sa iba't-ibang lupain at umabot na sa puntong ang iba ay tinuturing silang mga bayani at tagapagligtas ng mga naaapi laban sa mapang-abusong pamahalaan. Nais ni Lodell na muling pasamain ang Kapatiran sa mata ng tao tulad ng nagawa nila noon.
Narating ng matanda ang tarangkahan ng Kampo at siya ay napansin ng mga guwardiya. Tinutok nila ang kanilang mga pana sa kanya.
"Sino ka tanda? At anong ginagawa mo rito?"
"Sandali, huwag nyo kong saktan, naparito ako dahil dito."
Inabot niya sa mga bantay ang papel. Alam na nila ang ibig sabihin nito. Pinapasok nila ang matanda at hinatid ito sa himpilan ni Lodell.
Kasalukuyang nag-uusap sina Lodell at Wharen nang dumating ang matanda sa loob.
"Mataas na Panginoon, may sadya daw po ang matandang ito, tungkol daw sa Kapatiran."
"Sige papasukin nyo siya," hudyat ni Lodell.
Pumasok ang matanda nang may pag-iingat. Napatingin si Lodell at Wharen sa kanya na para bang nanlulumo sila sa edad at anyo nito.
"Panginoong Lodell, ako po si Uldrek, isang dating magsasaka sa Lupain ng Gremon. Nakita ko po ang panawagan ninyo tungkol kay Haurre."
"Hulaan ko, naririto ka ngayon dahil isa ka sa nakaranas ng pang-aabuso mula sa kanila, tama ba?"
"Hindi po ako nakaranas ng pang-aabuso mula sa kanila pero may hatid po akong impormasyon tungkol sa isang pangyayaring kinasangkutan ni Haurre tatlumpung-limang taon na ang nakakalipas. Isang kagimbal-gimbal na kaganapang sisira sa kanyang reputasyon, kung nais nyong ilantad ang kanyang baho at sirain siya sa paningin ng madla, pakinggan nyo ang isisiwalat ko."
"Sige, simulan mo na."
"Nangyari po ito sa isang kakahoyan, sa kadiliman ng gabi. Katatapos ko lamang magsaka noon at nagtungo ako sa kakahoyan upang..."
Nilahad na ni Mang Uldrek kay Panginoong Lodell ang lahat ng nasaksihan niya noong gabing iyon at wala siyang iniwang detalye. Habang siya ay nagsasalaysay, hindi maiwasan ni Lodell na mapangiti at sa wakas ay nakahanap na siya ng alas laban kay Haurre. Hindi niya lubos maisip na may kakayahan pala si Haurre na gawin ang bagay na ito ngunit interesado siya sa natuklasan. Sigurado siyang sa oras na maisiwalat niya ito, wala nang mangangahas at magkukusang pumanig sa kanyang Kapatiran.
Kung siya ay kumbinsido na, taliwas naman ang reaksyon rito ni Wharen.
"Paano naman natin masasabing totoo nga ang ibinulgar ng matandang ito at hindi siya nanloloko tulad ng iba pang nauna sa kanya?"
Tumindig si Tandang Uldrek kahit na bahagya ng kuba ang kanyang likod, "Dahil may patunay ako. Markado ko ang lugar kung saan niya ito binaon. Kung gusto nyo makasigurado na nagsasabi ako ng totoo, bakit hindi nyo ko samahan at hukayin natin."
"Sang-ayon ako sa kanya. Wharen, magtalaga ka ng ating mga tauhan at samahan ang matanda. Hukayin nyo ang nasabing libingan at kuhanin ang mga labi, yun ay kung may natira pa sa kanila."
"Masusunod po, Mataas na Panginoon," saad ni Wharen kay Lodell.
"Malaki ang maitutulong mo samin, Uldrek, malaki rin ang magiging kabayaran nito."
-Kanlungan ng Kanluran-
Tok tok tok!
Nagising si Covel nang marinig ang mga pagpukpok at katamtamang galabog mula sa labas ng kanyang tolda. Pagkalabas niya, natagpuan niyang abala na ang karamihan sa paghahakot ng mga kagamitang gagamitin sa pagtatayo ng mga bagong tolda. Namamahala na si Pinunong Haurre sa kilos ng kanyang mga tauhan.
"Bilisan natin ang paggalaw. Tukmul, magbanat ka ng buto."
"Pagod na ko, Pinuno, bakit di na lang si Buto?" sagot nito sa kanya.
"Aba ayos ka rin, kanina pa nga kami ni Bilbel kumikilos rito," bwelta ni Buto sa kanya.
"Sige na, sige na, kailangan natin itong matapos bago sila dumating."
"Magandang araw, Pinuno," bungad ni Covel kay Haurre.
"Magandang araw, Mahal na Prinsipe, pasensya na at nagising ka yata sa ingay."
"Ayos lang po, sana nga ginising nyo ko ng maaga para nakatulong ako. Para saan po ba ito?"
"Di ko nga pala nasabi sa'yo, ngayon darating ang mga bagong aanib sa Kapatiran. Nauna na sina Toro at Ronis sa bayan para sunduin sila."
Nanigla ang aura ni Covel sa narinig. "Talaga po, mabuting balita ito, dumarami na ang ating pwersa. Hindi magtatagal, mapapagtagumpayan na rin natin ang ating misyon na sagipin ang Kanluran."
Tinapik ni Pinuno ang balikat ng Prinsipe na puno ng pag-asa. "Malapit na Covel, malapit na."
"Paano po, tutulong muna ako sa pagtatayo ng mga tolda."
Namataan ni Covel si Gavy na may hawak-hawak na mga patpat na gagamitin sa pagtatayo ng tolda. Nilapitan niya ito nang makitang mukha siyang nabibigatan sa buhat.
"Kailangan mo ng tulong?" sinalo niya ang mga bitbit ng kaibigan.
"Salamat."
Sinimulan nila ang pagtatali at pagdudugtong ng mga patpat na magsisilbing haligi at poste. Nagmartilyo rin sila ng mga kalawit sa sahig para maitayo at mapakapit ang mga tolda.
"Biruin mo, dati halos walang sumusuporta satin, pero ngayon tignan mo. Marami na ang madadagdag sa ating pangkat."
"Natutuwa nga ako dahil marami na ang namumulat dito sa Kanluran," tugon sa kanya ng dalaga.
"Ngayong darami na tayo sa Kapatiran, sigurado akong marami tayong makilalang bagong tao. Lalo na ikaw."
Natawa si Gavy sa sinabi ng Prinsipe.
"At ano naman sa iyo kung marami akong makikilala?"
Hindi pinahalata ni Covel ang kanyang pagkabagabag at pinanatili niyang normal ang kanyang timbre.
"Wala, wala naman, naisip ko lang baka hindi mo na ako mapansin."
Bahagyang kinilig ang dalaga sa mga hirit ni Covel, batid niya ang pagkabahala nito na para bang siya ay isang kasintahang nagseselos.
"Huwag kang mag-alala, kahit umabot pa tayo ng ilang libo rito, hindi kita makakalimutang pansinin. Sino ba ang makakalimot sa Prinsipe ng Imperyong Cenpyre? Sana nga may mga babaeng kasama para hindi na lang ako nag-iisa rito, pero ang tanong baka ako ang hindi mo na pansinin."
Sa pagkakataong ito, si Covel naman ang napahalakhak sa kanyang banat.
"Ikaw talaga. Tapusin na nga natin to."
Bakit ka nga ba nag-aalala? Hindi naman mawawala sa iyo si Gavy?
-Lupain ng Gremon-
Nagtungo sina Ronis at Toro sa may puwente kung saan nila napagkasunduang makipagkita kay Krego at ang kanyang mga kasama. Si Krego ang namumuno sa samahang 'Kakampi ng Kapatiran' at siya ay matagal na ring kilala nina Toro at Ronis dahil madalas silang nagkikita sa taberna. Sila ang unang pangkat na nagpresintang sumali sa Kapatiran ni Haurre. Pagkalipas ang ilang sandali, namataan na ni Toro ang kaibigan kasama ang kanyang hanay.
Maligayang binati ni Toro ang kaibigan. "Krego."
"Toro," nagagalak rin siyang sinalubong nito. May katangkaran ang nasabing lalaki at hanggang balikat lamang niya sina Toro at Ronis.
"Maraming salamat at pinaunlakan mo kami."
"Walang anuman, kahit ano para sa Kanluran."
"Ito na ba ang pangkat nyo?" sumenyas si Toro sa mga lalaki sa likuran.
"Oo," hindi bababa sa tatlumpu ang mga lalaking kasama ni Krego. "Ipakikilala ko silang lahat sa inyo sa oras na nasa kuta na tayo."
"Malaking sugal ang gagawin nyong pagsama sa amin. Buo na ba talaga ang pasya nyo?" Tanong ni Ronis.
"Syempre naman, lalo na ng mabalitaan namin ang kahayupan ng mga nasa itaas, kailangang may kumilos at mag-aklas na laban sa kanilang pamumuno. Bukod sa amin sa KNK, marami-rami pa ang ibang mga pangkat na handang sumama sa inyo, kami lang ang nauna. Sigurado ako susunod rin sila sa amin pag nalaman nilang opisyal na kasapi na kami."
"Mainam. Ano pang hinihintay natin, tara na?" paanyaya ni Toro.
"Saglit lang, ayaw nyo bang magtungo muna sa Plaza?" tanong ni Krego."Nabalitaan kong may mahalagang sasabihin daw ang 'mataas' na Panginoon. Pakinggan muna natin ng sa ganoon may makalap tayong impormasyon na maibabahagi nyo sa inyong Pinuno."
"Magandang ideya, makinig lang tayo sa sulok," sumang-ayon si Toro.
Sa pangunguna ni Krego, nagpunta sila nina Toro at Ronis sa Plaza. Nang makarating sila, laking gulat nila dahil dagsa ang mga tao. Hindi nila akalain na ganitong karami ang kanilang dadatnan. Halos wala ng mahulugan ng karayom ang Plaza gaya noong binatay si Donello. Malamang hindi lamang ang mga loyalista ni Lodell ang naririto, batid nilang marami rin sa mga ito ay mga lihim na sumsuporta sa adhikain ng Kapatiran at sila ay nakikisali at nakikitsismis lamang rin. Baka nga ang iba ay naghahanda ng magprotesta.
Mula sa kurtina, lumabas si Panginoong Lodell upang simulan ang palabas. Sari-saring reaksyon ang natanggap niya mula sa tao. May ibang nagbigay respeto sa kanyang presensiya habang ang iba naman ay nagpakita ng kanilang pagkutya.
"Magandang araw sa inyong lahat. Humaharap ako sa inyo upang bigyang linaw ang mga paninira at maling balitang pinapakalat tungkol sa amin ng mga salot na Kapatiran at ng kanilang mga binayaran. Siguro naman alam nyo ang mga pangyayari sa Kanluran nitong mga nakaraang araw. Nagkakagulo ngayon, marami ang nag-aaklas at nagpasyang kumampi sa Kapatiran dahil sa mga panlolokong ginagawa ngayon ni Haurre. Sinasabi nilang hindi makatao ang ginagawa naming pag-uusig at pag-aalipusta sa mga Itmai at Puttlan. Naririto ako ngayon upang sabihin sa inyo na pawang kasinungalingan ang lahat ng iyon. Wala itong katotohanan. Oo pinupuksa namin ang mga Itmai at Puttlan para linisin ang Kanluran pero hindi namin sila ginugutom, pinahihirapan at pinag-aaralan gaya ng pagmamalabis nilang isinasalaysay. Payapa, tahimik at makatao ang sistema namin sa Kampo at sinisigurado naming namamatay nang may dignidad ang aming mga bilanggo. Kung may nakikita man kayong walang awang pinatay ng mga Tagapuksa, iyon ay ang mga nanlaban at ayaw sumama ng matiwasay sa amin, pero ang lahat, hindi namin inaalisan ng pagkatao, kahit na sila pa ang anay na sumisira sa Kanluran. Huwag kayong maniwala sa pagapapaikot ni Haurre. Akala mo kung sino siyang nagmamalinis pero ngayon umaalingasaw na rin ang tinatago niyang baho. Mayroong isang magpapatunay na ang Pinuno ng Kapatiran ay isang mapanganib at kasuklam-suklam na tao."
Nagkatinginan nang may pagkalito sina Toro at Ronis at ganoon na rin si Krego. Wala silang alam sa sinasabi nito.
Sa kanyang hudyat, dahan-dahang umakyat ang matanda sa entablado. Pumwesto siya sa sentro bago magsalita.
"Ako po Uldrek, pitumpung-limang taong gulang at naririto ako upang ilantad ang isang kalunos-lunos na pangyayaring naganap tatlumpung-limang taon na ang nakakaraan. Isang gabi sa kabilugan nang buwan, habang ako ay nangangalap ng mga kahoy pansiga, may nakita akong isang lalaking aali-aligid sa kakahoyan. Ito ay ang dating Kawal na si Haurre. Kitang-kita ng aking mga mata kung paano niya nilibing sa lupa ang bangkay ng dalawang tao, isang babae at isang lalaki. Malakas ang kutob ko na siya ang pumatay sa kanila sapagkat kahina-hinala ang kanyang asta at anyo. Halatang-halata ang kanyang pangangatog, pagpapawis at pagkataranta. Ako lamang ang bukod tanging saksi noong gabing iyon. Makalipas ang ilang araw, bigla na lamang nawala ang kanyang asawa. Duda ko ang babaeng iyon ang kanyang kabiyak at ang lalaking kasama niyang ibinaon ay ang kanyang kalaguyo. Marahil pinatay sila ni Haurre dahil natuklasan niya kanilang pakikiapid. Halos apat na dekada kong tinago ang lihim na to, pero ngayon isinisiwalat ko na sa inyong lahat dahil inuusig na ko ng konsensiya ko. Hanggang ngayon, hindi ako pinatatahimik ng kasamaaang aking nasaksihan. Hindi ko na ito kayang itago pa. Kailangang malaman ng lahat na si Haurre ay hindi isang mabuting ehemplo. Isa siyang kriminal at mamamatay-tao. Nararapat lamang siyang tugisin ng Mataas na Panginoon."
Bumaba si Uldrek sa entablado at sa kanyang mga pagpapatotoo, hindi makaimik ang mga tao sa pagkabigla. Muling bumalik si Lodell at nagpatuloy.
"Narinig nyo ang sinabi ng nag-iisang saksi. Siguro marami sa inyo ang napapatanong at nagdududa kung totoo ba ang mga sinabi niya kaya naman nagpadala ako ng mga tauhan ko sa nasabing kakahoyan upang hukayin ang pruweba base sa pagtuturo ni Mang Uldrek at ngayon ipapakita ko sa inyo ang nahanap namin sa mismong damuhan."
Sa panuto niya, kinuha ni Wharen ang isang sako at ibinagsak niya ang nilalaman nito. Nangilabot ang mga tao nang makita nila ang mga piraso ng mga buto at dalawang kalansay. Purong puti na ang mga ito, patunay na matagal na panahon na silang patay. Kinuha ni Wharen ang isa sa mga kalansay nang walang pandidiri at itinaas ito para makita ng publiko. Tumaas ang balahibo ng mga mahihina ang loob at halos masuka rin ang mahina ang sikmura.
"Pagmasdan niyo ang kahayupang ginawa ni Haurre sa dalawang taong ito!" nanggagalaiting sigaw ni Lodell. "Kung kami ay tinatawag niyang mamamatay-tao, ano ang tingin niya sa sarili niya? Kaya sa mga sumusuporta at nagtatanggol kay Haurre, tatanungin ko ulit kayo? Ganito ba ang klase ng taong nais nyong tularan? Isang taong kala mo ay isang bayani ngunit ang totoo ay isang sukab! Pilit niyang hinuhugasan ang mantsa ng dugo sa kanyang mga kamay! Ito ba ang sinasabi niyong magliligtas sa Kanluran?"
Sinabayan ng mga tao ang galit ni Lodell.
"Hindi!"
"Pagbayarin ang salarin! Hustisya!"
"Katarungan sa pinaslang!"
"Pabagsakin si Haurre at ang Kapatiran!"
Ikinatuwa ni Lodell na napapaikot na niya ulit ang damdamin ng mga tao. Umaayon ang lahat sa kanyang plano.
"Kaya tulungan nyo ko na pagbayarin at panagutin sa batas si Haurre, ang Kapatiran at ang lahat ng tumutulong sa kanila."
Nagpatong-patong ang hiyawan at pagkukutya ng mga tao na ikinarindi nila Toro. Nagpoprotesta na nga sila ngayon, pero sa maling tao.
"Hindi ito totoo," giit ni Toro kay Ronis.
Napailing naman si Krego sa lahat ng natuklasan. Kumalas ang kanilang grupo kina Toro at Ronis.
"Krego, sandali," sinundan sila ng dalawa.
-Kanlungan ng Kanluran-
Natapos na ng Kapatiran ang pagtatayo ng mga karagdagang tolda para sa mga bagong kakampi. Hindi nagtagal, dumating na sina Toro at Ronis. Sa hindi inaasahan ni Haurre, silang dalawa lamang ang bumalik sa kuta.
"Toro, kamusta ang lakad nyo? Papunta na ba ang mga bago nating kasangga?"
Hindi agad makapagsalita si Toro at nagpakiramdaman muna sila ni Ronis kung sino sa kanila ang magsasalita.
"Ikinalulungkot ko, pero kinausap na kami ni Krego, hindi na muna sila sasama sa ating pangkat."
"Bakit naman?" tugon ng Pinuno. "Anong nakapagpabago sa isip nila?"
Nagsalita si Ronis. "Nagkaroon ng malaking pagpupulong sa Plaza si Lodell. May mga isiniwalat sila tungkol sa inyo, Pinuno. Mga bagay na nakakikilabot at mahirap paniwalaan."
Natagalan si Haurre bago tumugon. "Anong sinabi niya?"
"Ang sabi niya may isang kalunos-lunos na krimen kayong ginawa tatlumpung-limang taon na ang nakalipas. Di umano'y kayo raw ay may pinaslang na dalawang tao at lihim itong inilibing sa kakahoyan ng Gremon. Sabi nila isa sa mga ito mismong asawa nyo. Kinumpirma ito ng isang saksi at may pinakita silang pruweba. Ang mga buto ng taong binaon nyo na muli nilang hinukay. Dahil sa pinagkalat ni Lodell, marami ang nagulantang sa kanilang nalaman. Pati ang mga nagbabalak na kumampi sa Kapatiran. Tinalikuran nila tayo ng ganun-ganun lang. Pinakiusapan namin sila pero sabi nila hindi sila maaaring umanib sa isang kriminal, sa isang taong nasa loob ang kulo at may tinatagong malagim na sikreto. Napakabilis nag-iba ang tingin nila sa inyo. Para bang sa mga mata nila, kayo na ang pinakamasamang tao."
Tila hindi nagulat si Haurre sa mga balita, pero halata na malalim ang pinanghuhugutan ng kanyang malalamlam na mga mata.
Napailing naman si Covel sa pagkadismaya.
Akala ko pa naman marami na ang makikiisa sa aming mithiin.
"Isa itong malaking kalokohan," sagot ni Ermin. "Dahil lamang sa mga akusasyon ni Lodell, tinalikuran na nila ang kanilang mga prinsipyo? Parang tinalikuran na rin nila ang Kanluran."
"Sang-ayon ako," dagdag ni Gavielle. "Hindi ako naniniwala kayang gawin ni Pinuno ang mga binibintang nila, mga pawang paninira lamang ito. Gusto nila kayong siraan dahil alam nilang marami na ang kumakampi sa atin. Hindi naman ito totoo, di ba Pinuno?"
Natulala si Haurre na may pag-aalinlangan sa kanyang mukha. Hindi niya magawang sagutin agad ng diretso ang tanong ng dalaga.
"Gavy, natatandaan mo ba ang kinwento ko sa'yo, tungkol sa isang Kawal nagpadala sa kanyang galit at nakagawa ng isang bagay na kanyang pinagsisihan?"
"Opo."
"Ako ang taong yun."
Natigilan ang dalaga sa nilahad ng Pinuno. Naaalala pa niya ang kwentong ito ni Haurre hanggang ngayon.
"Teka lang, saan ito patungo, anong sinasabi nyo?" naguluhan na si Toro sa mga kakaibang sinasabi ng Pinuno.
Nagpakawala ng malalim na buntong-hininga si Haurre bago tumindig. "Makinig kayong mabuti sa sasabihin ko. Ang lahat ng mga pinaparatang nila sa akin, totoo ang lahat ng iyon."
Gaya ng nangyari sa Plaza, nabigla rin ang lahat sa pag-amin ng Pinuno sa krimeng kinasasangkutan. Natahimik ang lahat at ilang saglit na walang makapagsalita ni isa sa kanila.
Maging si Covel ay hindi rin makapaniwala. "Paaan ito nangyari, Pinuno?"
"Nagsimula ito sa isang pagtataksil. Napag-alaman kong matagal na palang may tinatagong relasyon ang aking kabiyak na si Alveena at ang matalik kong kaibigan, si Zorelle na kapwa kong Kawal. Mahal na mahal ko ang asawa ko at kapatid na ang turing ko sa kaibigan ko kaya naman napakasakit para sa akin ng ginawa nila. Wala silang kamalay-kamalay na may binabalak na ko. Humanap lamang ako ng tamang tyempo upang hulihin sila sa akto."
***
Muling bumalik sa gunita ni Haurre ang mga pangyayari noong araw na iyon. Namataan niyang magkayakap sina Alveena at Zorelle malapit sa kanilang sikretong tagpuan. Walang pagdadalawang-isip na lumapit si Haurre upang komprontahin ang dalawa. Natigilan sila ng makita nilang nahuli na sila.
"Haurre, magpapaliwanag kami," naliligalig na sinabi sa kanya ni Alveena.
"Wala na kayong dapat pang ipaliwanag, matagal ko ng alam ang ginagawa nyong pang-aahas sa akin. Paano nyo nagawa sa akin to? Pinagkatiwalaan ko kayo!"
Pumwesto si Zorelle sa harap ni Alveena upang protektahan ito. Kitang-kita nila kung gaano kaagresibo si Haurre.
"Alam mo namang noon pa man, hindi pa kayo kasal, bago pa kayo naging magkasintahan, mahal ko na si Alveena," paliwanag ng kaibigan.
"Hindi pa rin yun sapat na dahilan para iputan mo ko sa ulo, walanghiya ka!"
Nagpasya nang pumagitna sa dalawa ang pinag-aagawan nilang babae.
"Maniwala ka, mahal. Kung anuman ang namamagitan sa amin ni Zorelle tapos na yun. Tinapos na namin ang lahat ngayon. Pakinggan mo muna ako at may sasabihin ako."
"Hindi nyo na ako maloloko pa, mga taksil!"
"Haurre, kaibigan, kumalma ka. Pag-usapan natin to. Hayaan mong humingi ako ng tawad sa ginawa ko."
"Tawad? Tingin mo mapapatawad pa kitang hayop ka! Sa lahat ng tao, ikaw pa talaga? Hindi kapatawaran ko ang magiging kabayaran sa pagtatraydor mo sa akin."
Walang pag-iingat na nilabas ni Haurre ang kanyang espada at napaurong ang dalawa sa pagkasindak.
"Maghunos dili ka, Haurre. Hindi kailangang humantong sa ganito ang lahat."
"Pagbabayaran mo ngayon ang pang-aagaw mo sa kabiyak ko!"
Inugay ni Haurre ang kanyang espada. Kinuha ni Zorelle ang kanya at sinabayan ito. Matapos ang mainit nilang sagupaan, nanaig si Haurre at napaslang niya ang kaibigan gamit ang kanyang espada. Isang saksak sa dibdib ang kanyang ibinigay sa dating kaibigan.
"Zorelle!" Nilapitan ni Alveena ang duguang katawan ng kalaguyo at siya ay napaiyak sa paghihinagpis. "Hayop ka, anong ginawa mo?"
Natauhan si Haurre at nabitawan ng kanyang nangangatog na kamay ang duguang espada.
"Hindi ko sinasadya, nandilim ang paningin ko."
Bumangon si Alveena at pinagsasampal niya ang asawa sa pagkamuhi.
"Alam mo kung bakit ko siya pinili kaysa sa'yo? Dahil may oras siya para sa akin, pinaramdam niya na mahal niya ko. Hindi siya katulad mo na puro tungkulin mo lang ang mahalaga sa'yo. Wala ka sa kalingkingan niya. Wala kang kwenta kumpara sa kanya. Sobrang laki ng pagkukulang mo sa akin na siya ang nagpuno! Hayop ka! Sisiguraduhin kong malalagot ka sa pagpatay mo sa kanya."
"Tumahimik ka!" Muling nabalutan ng galit si Haurre. Kinuha niya ang kanyang espada at tinutok ito sa asawa. "Kung hindi nyo ko pinagtaksilan, hindi ito mangyayari sa kanya, kasalanan nyo ang lahat ng ito! Kung tutuusin, hindi lang siya ang nararapat na mamatay. Pati na rin ikaw. Tutal siya naman ang gusto mo, bakit hindi pa kayo magsama sa kabilang buhay. Anong pumipigil sa akin para patayin ka?"
Sumama ang kutob ni Alveena nang mapansin niyang tila desido at seryoso ang asawa sa kanyang pagbabanta.
"Haurre, pakiusap, nagmamakaawa ako sa'yo. Huwag mo kong patayin. Magsimula tayo ulit at hindi na ko magsusumbong, pakiusap." Napaluhod siya sa harap ng asawa. "Bigyan mo pa ako ng isa pang pagkakataon para ayusin ito, Mahal ko."
"Tumayo ka na, pinapatawad na kita."
Tumayo nga si Alveena at bago pa man siya makapagsalita, sinunggaban siya ni Haurre at walang pag-aalangan niyang sinaksak sa katawan ng asawa ang kanyang espada. Tumagos ito sa kanyang likuran.
"Pinapalaya na kita, Alveena."
Umagos ang dugo mula sa bibig ng babae at bago siya bumagsak sa sahig, pinilit niyang magsalita. "Haurre, ang anak natin..."
Napahawak ang asawa sa kanyang sikmurang may nakabaon na espada, pilit na tinuturo ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Dito na napagtanto ni Haurre ang pagkakamaling nagawa at sinalo niya ito sa kanyang palad.
"Alveena, buntis ka?"
Hindi na nakasagot si Alveena, umabot sa sukdulan ang kanyang paghihingalo at siya ay nilagutan na ng hininga.
Kinilabutan si Haurre sa mga takbo ng pangyayari. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin sa mapaglarong ikot ng tadhana at siya ay napahiyaw na lamang ng buong kapaitan sa ginawang paspaslang sa asawa, kaibigan at anak.
***
"Noong gabing iyon, binaon ko sila sa kakahoyan. Noong pinaimbestigahan na ng Mataas na Panginoong Borix ang nangyari, sinabi kong nagtanan ang dalawa sa malayong lupain at mula noon wala ng nagsuspetsa pa sa kanila. Hindi ko alam na may nakakita pala sa paglibing ko sa kanila at malamang ang mga buto nga nina Alveena at Zorelle ang nahukay nila. Karumal-dumal ang krimeng nagawa ko, sa mag-ina ko at sa kaibigan ko. Nakatatak sa isip ko ang mga huling salita ni Alveena, hindi ko alam kung totoo ang sinabi nya o kung ito ay huling ganti lamang niya sa akin. Totoo man o hindi, Walang araw na hindi ko pinagsisisihan ang mga sandaling yun. Hanggang ngayon kahit ilang beses ko pa itong ikubli, sariwa pa rin ang sugat ng aking nakaraan. Naisip ko ano kaya ang kinahantungan ng lahat kung hindi ako nagpadala sa galit at poot? Wala akong ibang kinamumuhian pa higit sa sarili ko. Sinusubukan nilang magpaliwanag pero hindi ko sila pinakinggan. Nagpadala ako sa pagkakasala nila at hindi ko na napagtanto na malaki rin ang pagkukulang ko sa asawa ko. Matagal ko siyang binalewala dahil sa tungkulin ko at nabigo akong bigyan siya ng mga anak. Mula noon pinanindigan ko na lang ang pagiging abala bilang isang mabuting Kawal at ang lahat ng ginagawa ko ngayong pagtulong sa mga sawimpalad, isang maliit na bagay lang ito kumpara sa kasamaang nagawa ko noon. Ngayong alam nyo na ang lahat, na ang inaasahan nyong Pinuno ay hindi kasing linis at perpekto gaya ng inaakala nyo, hindi ko kayo masisisi at pipigilan kung tatalikuran nyo na rin ako. Patawarin nyo kong lahat at binigo ko kayo."
Pinunasan ni Haurre ang kanyang luhang hindi niya namalayan na dumadaloy na sa kanyang mga mata. Minsan lang maglabas ng kanyang emosyon ang Pinuno. Sanay silang ito ang pinakamalakas at matatag sa kanila, pero ngayon kitang-kita nila kung gano siya kadurog at karupok sa pinagdadaanan.
"Hindi ako makapaniwala," si Ancho ang unang sumagot. "Sinunod ko kayo, pinagkatiwalaan, ang buong akala ko puro at malinis kayong tao. Nilalabanan nyo ang mga Tagapuksa pero ano bang pinagkaiba nyo sa kanila? Sabihin nyo sa akin, ano pa ba ang tinatago mo sa amin? Sino pa ba ang napaslang ng espada mo bukod sa kanila?"
"Ancho, ano bang nangyayari sa'yo?" nagpasya nang sawayin ni Jualem ang kasamahan. "Kung ano man ang nagawa ng Pinuno noon, labas ito sa pinaglalaban niya ngayon."
Ipinagtaka ng karamihan ang mga pahayag ni Ancho sapagkat madalas itong tahimik at kung mayroon mang unang magsasalita, inaasahan nilang si Toro yun.
"Sino ba tayo para husgahan ang Pinuno?" tahasan siyang inusisa ni Covel. "Lahat naman tayo nagkakamali at nagkakasala, ang mahalaga ay kung paano natin itatama ang ating mga kasalanan."
Kumirot sa kaibuturan ni Gavy ang mga salita ni Covel at siya ay napatingin kay Jiaruz na kanina pa nananahimik at hindi nakikisali sa diskusyon. Tila tinamaan siya sa mga ipinahayag nito.
"Maaaring madilim ang nakaraan niya, pero sino ba ang nagsisilbing liwanag sa Kanluran ngayon? Hindi ba si Pinuno at tayong lahat dito sa Kapatiran. Kita naman natin lahat na pinagsisisihan na niya ang nagawa niya. Kaya kahit anong mangyari, mananatili pa rin ang katapatan ko sa kanya. Hindi ko siya tatalikuran."
"Tama si Covel," sumabat na rin si Toro sa usapan. "Hindi dapat maging basehan ang nagawa ni Pinuno ilang dekada na ang nakalipas, ni wala pa nga tayo sa mundo noon. Isang pagkakamali kung tatalikuran natin siya ngayon. Nagkamali na ko noong pinagdudahan ko ang kakayahan ng Mahal na Prinsipe. Hindi na ko uulitin pa ang pagkakamali kong iyon."
Napatango si Covel kay Toro. Sa wakas, naayos na ang gusot sa pagitan nila.
"Bakit ba isang pagkakamali lamang at nakakalimutan na natin ang sampung nagawang tama ng isang tao? Napakaraming nagawa sa akin ni Pinunong Haurre, pinalaki niya ko at tinuruang manindigan para ipaglaban ang tama. Malaki ang utang na loob ko sa kanya at dahil roon hindi ko siya iiwan."
Maluha-luha si Haurre sa sinabi ni Toro, naantig ang puso niyang marinig ito mula sa batang kanyang pinalaki.
Sunod na nagsalita si Ermin. "Pinuno, wala ka ng magagawa para maibalik ang nakaraan pero sa tinagal-tagal na panahong nakasama kita, ako ang magpapatunay na hindi ka masamang tao. Hindi lamang ang pagkakasalang ito ang magdidikta kung sino ka talaga. Huwag mong hayaang sirain nito ang pagkatao mo at ang lahat ng iyong pinaglalaban. Hahayaan ba natin na magtagumpay si Lodell?"
"Hindi!"
"Pinuno, huwag kayo malungkot, dito lang Itoi, di ko kayo iwanan." Isinandal ng bata ang ulo niya sa kanlungan ni Haurre.
"Ako rin Pinuno," nanindigan si Gavy. "Kung ang iba kaya kayong talikuran, makakaasa kayo na hindi-hindi ko iyon gagawin sa inyo."
"Kami rin," saad nina Buto at Bilbel.
"Maraming salamat at nagpasya pa rin kayong sumama sa akin, sa kabila ng lahat."
Hindi na nakapagpigil si Haurre at siya ay napaupo at napahagulgol. Napalapit sina Covel, Toro, Gavy, Jualem, Buto, Bilbel at Tukmul upang yakapin ito. Si Ancho at ang iba naman ay nakatingin lamang at para bang nag-aalangan pa rin.
"Pinuno, paano ang iba pang pangkat na nagbigay ng suporta sa atin, ibig sabihin ba nito tinalikuran na rin nila tayo gaya ng grupo ni Krego?" tanong ni Jualem.
"Hindi natin sila masisisi kung nadala sila sa nilantad ni Lodell. Hayaan muna natin silang mag-isip-isip, naniniwala ako na sa huli kung sino ang nasa tama ay papanig rin sa atin."
***
Bandang hapon, matapos makapag-isip-isip, lumabas si Gavy sa kanyang tolda. Nagtungo siya sa mesa kung saan nagmemeryenda sina Covel, Haurre at ang iba pa. Isa na lamang ang bakanteng upuan at ito ay sa tabi ni Jiaruz. Nang makita niyang papalapit ang dalaga, nagpasya na lamang itong tumayo at umiwas.
"Baka hindi mo gustong naririto ako. Sige aalis na muna ako."
"Hindi," tugon ni Gavy na ikinabigla, hindi lamang ni Jiaruz kundi ng lahat ng naroroon. "Dito ka lang, mayroon tayong kailangang pag-usapan ngayon."
Kahit na pinangungunahan ng ilang at hiya, napasunod si Jiaruz sa panuto ng dalaga. Napayuko ito at hindi siya magawang tignan ng direkta. Ang lahat ay nag-aabang sa sasabihin ng dalaga.
"Naaalala ko lang ang napag-usapan natin kanina, kung paano naging ilaw si Pinuno sa kabila ng madilim niyang nakaraan at marami akong napagtanto. Aaminin ko, hanggang ngayon napakabigat pa rin ng kalooban ko. Sa loob ng mahabang panahon, sagad sa buto ang pagkamuhi at pagsumpa ko sa taong malaki ang pagkakasala sa akin. Hindi ko namalayang unti-unti na pala akong nasisira nito. Ayokong umabot ako sa puntong makakagawa din ako ng isang bagay na pagsisisihan ko dahil nagpabulag ako sa poot. Ayoko na, pagod na kong mamuhay nang punong-puno ng galit. Gusto ko ng mahanap ang katahimikan sa puso ko at batid kong isa lang ang paraan para makamit ko to. Kung may natutunan man ako sa kwento ni Pinunong Haurre, ito ang katotohanang lahat tayo ay tao lamang na nagkakamali. Kung siya nga nagawa nyong bigyan ng pangalawang pagkakataon, sino ba naman ako para ipagkait ito sa taong humihingi nito sa akin? Hindi ito madali para sa akin pero handa na ako. Handa ng bitawan ang aking galit at kalimutan ang lahat ng masasakit na pangyayari."
Dahan-dahang lumapit ang dalaga sa nahihiyang lalaki, ang lahat ay nag-aabang sa kanyang susunod na sasabihin. Nahuhulaan na ni Covel at Haurre saan ito patungo, habang si Jiaruz naman ay wala pa ring kamalay-malay sa susunod nitong hakbang.
"Jiaruz, pinapatawad na kita sa lahat," sumabay ang patak ng kanyang mga luha habang sinasabi ito sa taong malaki ang utang sa kanya. Nagpakawala rin siya ng malalim na hininga na para bang siya ay nakaramdam ng malaking ginhawa.
Hindi makapaniwala si Jiaruz sa narinig, sa pagkakataong ito, napatingin ang nanlalaki niyang mga mata sa dalaga.
"Totoo ba ito, pinapatawad mo na ako?"
Napatango ang dalaga at nabuo ang isang maaliwalas na ngiti sa kanyang mukha.
"Hindi mo alam gaano ko inaasam na makuha ang kapatawaran mula sa'yo. Sa dami ng nagawa kong kasalanan sa inyong magkapatid. Salamat, Gavy."
Wala ng nagawa si Jiaruz sa pagbuhos ng kanyang emosyon. Nasilayan nilang naluha sa unang pagkakataon ang dating Komandante at siya ay napayakap nang mahigpit sa dalaga. Isang yakap na puno ng galak at pasasalamat. Noong una, hindi magawang yakapin pabalik ni Gavielle ang lalaki ngunit hindi nagtagal, nagawa niya ring yakapin ito at tapikin ang kanyang likuran.
Napalingon si Gavy kay Prinsipe Covel at Pinunong Haurre. Kapwa silang napangiti sa ginawang pagpapatawad ng dalaga. Lalo lamang napahanga si Covel sa pambihirang katatagan ng puso at damdamin ng dalaga na kanyang ipinamalas ngayon.
***
Matapos siyang patawarin ni Gavy, nilapitan ni Covel si Jiaruz malapit sa kanyang tolda.
"Kamusta ka naman, anong pakiramdam na nakuha mo na ang inaasam mong kapatawaran mula kay Gavy?"
"Parang isang dambuhalang tinik ang naalis sa akin. Hindi ko alam na ganito pala ang pakiramdam ng kapatawaran. Magaan, maluwag, mapayapa. Matagal-tagal na rin ako sa pangkat nyo pero hanggang ngayon marami pa rin akong natututunan sa inyong lahat. Mga bagay na hindi naituro sa akin ninuman."
"Manatili ka lang sa amin at marami ka pang matututunan, marami ka pang magagawa. Dati marami akong limitasyon sa sarili ko, pero ang lahat ng yun naglaho mula noong maging kasapi ako ng Kapatiran. Napagtanto kong marami pa pala akong kayang gawin at matutunan."
Nanigla pa lalo ang aura ni Jiaruz, tila nabuhayan ito sa ideyang nanliwanag sa kanyang kaisipan.
"Tama ka, marami na kayong nagawa. Marami ring nagawa si Pinunong Haurre sa pagpapakatotoo niya at si Gavielle rin sa pagpapatawad niya sa akin. Panahon na para ako naman ang may gawin."
"Bakit ano bang binabalak mo?"
***
Agad na pinatawag ni Haurre ang natitirang miyembro ng Kapatiran para sa isang "Seremonya ng Pagtanggap." Nakapagdesisyon na si Jiaruz na gawing opisyal ang pagiging miyembro ng Kapatiran at ito ay lubos na ikinatuwa ni Haurre at ng iba pang kasapi.
Matapos sabihin ang kanyang pagsumpa, tuluyan nang minarkahan ni Pinunong Haurre si Jiaruz at siya ay hiniwaan ng letrang 'K' sa kanyang balagat, tulad ng kay Prinsipe Covel.
Matapos ang pagmarka, pinagmamalaking inanunsyo ni Pinunong Haurre ang pagiging pormal na kasapi ng Kapatiran. "Mabuhay si Jiaruz, ang bago nating kapatid!"
"Mabuhay!"
Napalingon si Jiaruz kay Covel at napansin niya kung gaano ito kasaya para sa kanya. Sunod siyang napatingin kay Gavy na ngayon ay nakangiti na rin para sa kanya, maging sina Toro na dating nagpahirap at malaki ang galit sa kanya ay natutunan na rin siyang tanggapin ngayon bilang bagong kapatid.
Lalong nakahinga ng maluwag si Jiaruz. Sa wakas, nagawa na niya ang pinakamagandang desisyon sa kanyang buong buhay at tuluyan na siyang yumakap sa liwanag.
-Kampo ng Kamatayan-
Bago sumapit ang gabi, isang misteryosong liham ang dumating sa Kampo. Natanggap ito ng isa sa mga bantay at agad niya itong binigay kay Wharen.
"Sulat po para sa inyo."
Katatapos lamang nilang magromansa ni Demetria at muling nabagot ang Mataas na Komandante sa pag-abala nito sa kanilang pagtulog.
Binasa ni Wharen ang nilalaman ng sulat at ito ay maikli lamang.
"Panahon na para ilantad ko ang sarili ko at magkakilala tayo. Kitain mo ko mamayang hatinggabi sa kakahoyan kung saan natagpuan ang mga buto."
Natigilan si Wharen sa mensaheng natanggap, dumating na rin sa wakas ang araw na hinihintay niya.
***
Agad na nagtungo si Wharen sa nasabing lugar sa oras na kanilang napagkasunduan. Madilim ang gabi at liblib ang kakahoyan. Bilog ang buwan at walang maririnig sa paligid kundi ang bahagyang pagkaluskos ng mga paniki at kwago. Hindi naman niya ito inaalintana at ito ang huling bagay na inaalala niya ngayon, kung tutuusin baka nga mas mapanganib pa siya sa kahit anong nilalang na maaari niyang makasagupa. Ang iniisip niya lamang ay kung sisipot ba ang nasabing espiya ng Kapatiran. Mag-iisang oras na siyang nag-aabang sa kakahoyan ngunit hanggang ngayon wala pa ring senyales mula sa taong ito, kahit ang kanyang anino. Hindi na siya makapaghintay na makilala kung sino ba talaga ang nagtataksil sa Kapatiran.
Aalis na sana siya nang makarinig siya ng mga yabag ng paa at nasilayan niya ang isang taong nakatayo sa kadiliman ng kakahoyan.
"Ikaw na ba yan? Ang tagal mo kong pinaghintay."
"Pasensya na, kanina pa ko nandito, tiniyak ko lang na tutupad ka sa usapan at magiging ligtas ang ating pagkikita," sagot nito sa kanya.
"Kung ganun, ikaw nga ang misteryosong espiya ng Kapatiran. Ang lobong nagpapanggap na tupa. Marami tayong kailangang pag-usapan. Lumapit ka nga rito sa liwanag, hindi kita makita."
Naglakad ang traydor papalapit kay Wharen. Tinapat sa kanya ng Mataas na Komandante ang lampara. Kapansin-pansin ang markang 'K' sa braso nito, nangangahulugang siya nga ay totoong miyembro ng Kapatiran.
Nang makita ni Wharen ang wangis ng lalaki, tinignan niya ito nang may pang-uuyam sapagkat iba ito sa inaasahan niya. Baka nga mas matanda pa siya rito.
"Magpakilala ka," atas ni Wharen.
Tumindig ang espiya at sumagot, "Ako si Ancho."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro