Kabanata 20: Aric
-Kasaganaan-
Matapos ang matinding sakuna, panatag si Aric mababalik na ang katahimikan sa Kasaganaan. Muli silang nagkaroon ng pagdiriwang para sa kanilang bagong buhay ngunit hindi pa man nagtatagal ang pansamantala nilang ligaya, muling nagkaroon ng panibagong pagsubok sa pag-iibigan nila ni Miya.
Labis na nadismaya ang binata nang malaman niyang itinanggi at kinatwa ni Miya sa kanyang Lolo ang kanilang pag-iibigan. Sinubukan mang magpaliwanag ni Miya, tila hindi ito lubos na tumagos sa kanya. Nalugmok ang dayo at nagsimulang umusbong ang pagdududa kung talaga bang sigurado si Miya sa kanya. Hindi rin nakatulong na nahirapan itong sagutin ang kanyang alok na kasal. Minabuti na lamang ni Aric na mapag-isa.
Siguro nga hindi pa niya alam ano ang sagot sa tanong ko...simpleng oo o hindi lang naman at mas pinili niyang manahimik at bigyan ako ng blangkong sagot. Siguro hindi pa siya sigurado kung mahal ba niya talaga ako.
***
Gaya ng kanyang inaasahan, inanyayahan na nga siya ng Datu upang ipaalam ang balita at nagkunwari na lamang siyang walang alam tungkol rito.
"Nais nyo po akong makausap."
"Oo, Aric. Maupo ka."
Mahinahong umupo si Aric sa silya sa tapat ng Datu. Kapansin-pansin kay Mortho ang pag-aalangan at hiya sa kanyang mukha na bihira lamang niyang ipakita sa iba.
"Aric, hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon mo sa sasabihin ko, kung matutuwa ka ba o malulungkot. Tanda mo naman ang ipinangako ko sa'yo na ibibigay ko ang kamay ng aking apo sa oras na mahanap mo ang lunas sa sakit."
"Madalas po itong hindi sumasagi sa isip ko pero tanda ko po," tugon ng binata.
"Bago ko ipaalam sa lahat ang pangakong ito, napagpasyahan kong sumangguni muna kay Miya ukol dito. Ayoko nang maulit pa ang nangyari noon na napilitan lamang ang apo ko kay Leyro, kaya tinanong ko muna siya kung may nararamdaman ba siya sa'yo."
"Ano naman po ang sinagot niya?" nagpanggap si Aric na wala pa siyang malay sa napag-usapan ng maglolo.
"Ikinalulungkot kong sabihin, Aric. Kaibigan lamang ang turing niya sa'yo. Ginawa niya itong maliwanag sa akin. Ngayon nakapagdesisyon akong baliin ang aking pangako sa'yo. Pasensya na."
"Ayos lang po iyon, hindi nyo po kailangan humingi ng tawad sa akin. Hindi naman ako ang humiling, kusa nyo itong binigay sa akin at may karapatan kayong bawiin ito kung inyong nanaisin. Wala po akong sama ng loob sa inyo, sa totoo lang kaibigan at nakababatang kapatid lang rin ang turing ko kay Miya."
Masakit kay Aric na sambitin ito ngunit nagawa niya ito nang sinsero at may kumpiyansa sa kanyang tinig, sinumang makakarinig ay walang mapapansing ni konting bakas ng lungkot sa kanyang tono at salita.
"Maraming salamat sapagkat napaka-maunawain mo, dayo. Mukhang ayos na at wala na akong poproblemahin pa. Hindi ko na kailangan pang gumawa ng paghihigpit."
"Ano pong paghihigpit?" ipinagtaka ni Aric.
"Tungkol sa inyo ni Miya."
"Ibig nyong sabihin kung may namamagitan ba sa amin ni Miya, pagbabawalan nyo kami?"
Bahagyang natagalan sa pagsagot ang Datu, tila pinag-iisipan maigi ang kanyang isasagot.
"Hindi ako, Aric. Ang mga magulang niya ang may nais nito. Ayaw lang nilang mawala si Miya sa kanila. Ngayon malinaw naman na ang lahat na kaibigan lang ang turing nyo sa isa't-isa, hindi ko na kayo bibigyan ng distansya sa isa't-isa at hindi ko na rin aalalahanin pa si Maahan at Marcio sakaling natuloy man ang pag-iisang dibdib."
"Tama po," sumang-ayon si Aric.
"Huwag kang mag-aalala, Aric. Hindi naman kita pipigilang umibig ng sinumang matitipuhan mo sa ating Tribo, makakaasa ka na magiging bukas ako para suportahan ka."
"Salamat po, Mahal na Datu."
***
Matapos ang pagpupulong, dito na napagtanto ni Aric kung bakit nagawa siyang ikaila ng babaeng minamahal.
Matalino si Miya, marahil nakutuban niyang paglalayuin kami ng Datu at ng mga magulang niya kung aaminin niya ang aming relasyon. Tama siya. Ginawa nya lamang iyon para sa aming dalawa.
Nagsisi ang binata na agad niyang hinusgahan ang pagmamahal sa kanya ni Miya. Nagpadala siya sa kanyang galit at inuna niya ang bugso ng kanyang damdamin sa halip na pakinggan ang paliwanag nito. Nagawa siyang saktan ni Miya upang protektahan ang kanilang pagmamahalan. Minsan talaga sa buhay hindi maiiwasang makagawa ng mga maling bagay para sa tamang rason. Ngayon, lubos siyang nananabik kay Miya. Hindi na niya matiis na magalit at muling malayo sa kanyang piling. Si Miya ang pag-ibig ng kanyang buhay. Siya ang kanyang tahanan.
Kailangan kong humingi ng tawad sa kanya.
Nagtungo siya sa kanilang dating tagpuan st nagkita sila roon ni Miya. Matapos ang kanilang pagpapatawaran sa isa't-isa, naganap ang kanilang gawa-gawang kasal. Nanumpa ang dalawa at sila ay naging iisa sa laman, puso at kaluluwa sa panandaliang panahon kahit na hindi pa tunay ang kasal. Muli nilang pinaligaya ang isa'-isa sa init ng kanilang nag-uumapaw na pagmamahalan. Kampante, payapa at walang inaalala. Ngunit lingid sa kaalaman ni Aric, hindi pa roon nagtatapos ang suliraning haharapin niya.
***
Matapos ang kanilang lambingan ni Miya, naghatid si Myoris ng isang nakagugulantang na balita: isang dayo na naman ang muling namataan sa kanilang tahanan.
Hindi mapakali si Aric sa kanyang natuklasan. Pinangunahan siya ng kaba at pagkabalisa sa katauhan nito.
Sino kaya ang dayong ito? Nawa si Eron ito...at kung hindi... Dumating na nga ba ang kinatatakutan ko? Narating na nga kaya ni Uwalhid o ng kanyang tauhan ang Kasaganaan?
Sa pangunguna ni Myoris, nagpasya sina Aric at Miya na puntahan ang nasabing dayo upang kilatisin ito.
Pagkarating nila sa dalampasigan, maririnig ang ingay ng mga Myongang nagkukumpulan sa may pampang. Malamang kinukuyog na nila ang dayo. Inaasahan na ito ni Aric sapagkat karaniwan namang maghinala at maging maingat ang tribo sa isang bagong salta. Naranasan na rin niya ito dati.
Sumingit sina Aric, Miya at Myoris sa karamihan ng mga Myongan at nasilayan na rin nila ang estranghero.
Nanlaki ang mga mata ni Aric nang makilala niya ito. Tama ang kanyang hinila. Ang dayo ay walang iba kung hindi ang kaibigan niyang si Eron.
"Pakiusap, huwag nyo kong patayin, hindi ako mananakit, pangako," natatarantang bungad ni Eron.
Hatak-hatak siya ng mga makisig na Myongan at ginagapos nila ang kanyang mga kamay. Patuloy ang hiyawan ng mga Myongan na animo'y mga mababangis na hayop na nagambala sa kanilang teritoryo. Kinaladkad nila ang dayo at tinulak nila ito pabagsak ng buhanginan.
"Huwag nyo siyang saktan," nagpasya si Aric na pumagitna sa kanila.
Iba man ang wikang kanyang ginamit, pamilyar pa rin kay Eron ang boses na narinig.
"Aric?" saad ni Eron nang siya ay tumingala sa taas at siya ay nakahinga ng maluwag sa presensiya ng kaibigan. "Salamat at naririto ka, iligtas mo nga ako laban sa kanila. Bigla na lamang nila akong hinuli pagkarating ko. Baka patayin nila ako."
"Hindi ka nila papatayin, Eron. Sinisiguro ko sa'yo."
Kinalagan ni Aric ang kaibigan at tinulungan itong tumayo.
"Nahanap rin kita sa wakas," napayakap ang kaibigan kay Aric.
Ipinagtaka ni Miya ang interaksyon ng dalawang dayo sa isa't-isa.
"Sandali, kilala mo siya?"
"Oo, siya si Eron. Ang matalik kong kaibigan."
"Kaibigan?" tanong ni Myoris.
Pinagmasdan ng dalaga ang kaibigan ni Aric mula ulo hanggang paa. Hindi ito kasing tangkad at maskulado gaya ni Aric, bagkus katamtaman lamang ang kanyang pangangatawan at kulay kayumanggi rin ang kanyang balat na may bahid ng pamumutla, marahil epekto ng matinding pagod at kawalan ng pagkain. Gayunpaman, hindi maitatanggi na maamo ang kanyang mga mata at maganda ang hugis ng kanyang mukha, ilong at panga. Lumapit sa kanya si Myoris at inamoy siya nito, bahagya namang nailang si Eron sa ginagawa niya. Napangiti lamang ang dalaga at mukha namang hindi ito nabantutan sa kanya kahit na matagal siyang namalagi sa mainit na disyerto.
"Ako pala...Myoris," nakangiting nagpakilala ang dalaga. "Ano pangalan mo?"
"Eron," tugon ng binata kahit na hindi pa rin napapawi ang pagkailang niya.
"Ako kinaga...galak kang makilala. Eron."
"Ganun rin ako," napilitan niyang isinagot.
"Paano napadpad rito ang kaibigan mo?" tanong ni Miya.
"Mahabang kwento, Miya. Basta nagkahiwalay kami sa disyerto bago ako makarating dito."
Napansin ni Eron na iba na ang suot ni Aric, siya ay nakasuot ng tapis at bahag na kahalintulad ng sa mga Myongan at higit sa lahat, nagsasalita na ito sa kanilang lengguahe.
"Anong gagawin natin sa kanya?" Tanong ng isa sa mga Myongan.
"Huwag kayong mag-alala. Kilala ko siya. Hindi siya masamang tao."
"Isa pa rin siyang dayo," pagtutol ng isa pang Myongan. "Wala kaming tiwala sa kanya."
"Mabuti siguro isangguni muna natin ito sa Datu, siya ang magpapasya kung ano ang gagawin," suhestyon ni Miya.
"Mabuti pa nga," sagot ni Aric.
Hinawakan niya ang kaibigan at sa kanyang pangunguna, nagsunuran ang mga Myongan.
"Anong nangyayari?" Kinakabahan na bulong ni Eron kay Aric.
"Basta kumalma ka lang, ako na ang bahala. Walang gagalaw sa'yo habang naririto ako. Huwag kang matakot."
Nagtungo sila sa kubo ng Datu. Kumatok si Aric at agad itong binuksan ni Datu Mortho.
Hindi inaasahan ni Mortho na tatambad sa kanya si Aric na may kasamang isang lalaking ngayon niya lamang nakita.
"Aric, sino ang kasama mo?"
"Mahal na Datu, kailangan natin mag-usap."
***
Nagsagawa ng mabilisang pagpupulong ang Datu upang kilalanin ang bagong salta at magbigay ng kanyang pasya kung ano ang kahihinatnan nito. Dumalo rito ang mga Myongan at ganoon na rin ang mga Leonesa.
Kasama rin sa pagpupulong sina Miya, ang kanyang mga magulang at si Myoris na kanina pa hindi matinag ang mga mata sa dayo.
"Lumapit ang mga dayo."
Humarap sina Aric at Eron sa presensiya ng Datu.
"Ikaw ay magpakilala," saad ni Mortho kay Eron sa wikang Silangan.
"Ako po si Eron, tubong Silangan po."
"Magbigay-galang ka, siya ang Datu," bulong ni Aric.
Lumuhod si Eron at niyuko ang kanyang ulo tulad ng ginagawa niya sa Hari. Iba ito sa paggalang sa isang Datu kung saan karaniwang sila ay nagmamano bago yumuko, sa kabila nito, nahulaan naman ni Mortho ang nais niyang iparating.
Muling nagsalita si Mortho sa wikang Myongese at itinuon niya ang pansin kay Aric.
"Napag-alaman kong kilala mo raw ang dayong ito. Magkaibigan raw kayo."
"Totoo po iyon, Mahal na Datu."
"Isalaysay mo samin paano kayo napadpad at nagkahiwalay sa Disyerto ng Syl."
Mag-isip ka, Aric. Hindi ka pwede sumablay dito.
"Kapwa kaming mga Minero," nagpasya si Aric na panindigan ang nauna niyang kwento. "Isang araw nakahanap kami ng isang malaking diyamante. Napukaw nito ang interes ng isang Kawal. Napagpasyahan niyang bilhin ang diyamente sa amin at napagkasunduan naming magkita sa Disyerto ng Syl. Naging matagumpay ang aming pakikipagpalitan ng diyamente ngunit hindi namin inaasahan na ito ay isang patibong lamang. Binihag nila kami at pinagbantaang papatayin kung hindi namin bibigay ang iba pa naming mina. Hindi nagtagal, nakatakas kami ni Eron at napagkasunduan naming maghiwalay upang pahirapan sila sa paghahanap at doon na ko naligaw sa disyerto hanggang sa abutan ako ng buhawi at dalhin ako nito sa Kasaganaan, sa inyong puder. Malamang natagalan si Eron sa disyerto o nabihag ulit siya kaya ngayon lamang siya nakarating rito."
"Hindi pala kanais-nais ang naranasan ninyong magkaibigan, pero kailangan ko pa rin ng iyong pagkumbinsi. Bago ako magbigay ng aking pasya, ano ba ang pagkakakila mo sa kaibigan mong ito?"
"Wala po akong masasabing masama kay Eron. Isa siyang mabuti at matapat na kaibigan. Lagi lang siyang nakasunod sa akin. Mahahalintulad mo siya sa isang maamo at inosenteng hayop. Hindi nga siya makakapanakit ng langaw. Sa totoo nga, sa aming dalawa ako pa ang mas mapusok at mapangahas kaya sinasabi ko sa inyo ngayon, wala kayong dapat ipag-alala sa kanya. Wala siyang binabalak na masama sa ating Tribo."
Nakinig ng taimtim si Mortho sa mga salita ni Aric bago ituon ang pansin sa dayo.
"Ikaw ba hindi nasundan humabol sa'yo?"
Hindi man lubos na nakakasunod si Eron sa napag-usapan nila sa wikang Myongese, napagpasyahan niyang sagutin ang Datu.
"Hindi po. Ako lang po mag-isa ang nakarating dito."
"Mainam," muling humarap kay Aric ang Datu. "Mabuti nang nakasisiguro tayong ligtas ang ating tribo sa taong nanloko at umusig sa inyo."
Pagkatapos napatingin siya sa apo upang kunin ang kanyang opinyon.
"Anong tingin mo sa kanya, Miya?"
Pinagmasdan rin muna ni Miya ang estrangherong napadpad sa kanilang lugar.
"Mukha naman po siyang mabuting tao, gaya ni Aric. Sa katanuyan, tingin ko nasiyasat na siya ni Myoris at alam naman nating magaling siyang kumilatis ng tao."
Namula ng kaunti ang mukha ni Myoris sa sinabi ni Miya.
Muling tumindig si Mortho at nilapitan si Aric.
"Tatapatin kita Aric, may pag-aalinlangan pa rin ako tungkol sa kasama mo. Hindi namin siya lubos na kilala. Wala kaming tiwala sa kanya, pero may tiwala kami sa'yo at handa kaming panghawakan ang iyong salita. Sa ngayon papayagan ko siyang manatili rito bilang panauhin, alang-alang sa'yo, ngunit babalaan kita, ikaw ang may pananagutan sa anumang aksyong gagawin niya na maaaring ikapahamak ng Tribo."
Napangiti si Aric, "maraming salamat po, pinapangako ko, hindi po namin kayo bibiguin."
"Sige, tapos na ang usapan natin dito."
Muling nagbigay-galang sina Aric at Eron sa Datu bago sila umalis. Nagsunuran na rin ang ibang mga Myongan at sila ay umuwi sa kani-kanilang mga kubo.
"Anong sinabi mo? Anong nangyari?" Walang malay na tanong ni Eron.
"Pumasa ka, maaari ka ng manatili rito."
"Salamat."
Humupa ang pag-aalala ng kanyang kaibigan sa nalaman.
***
Kinabukasan, gumising si Eron na mahaba at mahimbing ang tinulog. Kahit na siya ay natulog sa matigas na banig, di hamak na mas masarap pa rin ang tulog niya rito kaysa sa mainit at magaspang na disyerto.
"Eron, gising ka na pala" pagbati ni Miya. Kamusta naman ang tulog mo?"
"Maginhawa, salamat sa pagbibigay sa akin ng tutulugan."
"Walang anuman, hindi naman namin pwedeng tanggihan ang kaibigan ni Aric. Ang kaibigan niya ay kaibigan na rin namin."
"Salamat ulit, Miya, hindi ba?"
"Tama," napangiting sagot ng dalaga.
"Marunong ka rin palang magsalita ng Silangan?"
"Ah oo, halos lahat kami rito tinuruan ni Aric, kaya marunong na kami."
"Talaga? Marami na pala siyang nagawa para sa inyo."
"Napakarami ng nagawa ng kaibigan mo para sa amin, ilang ulit na niya kaming niligtas sa kapahamakan."
"Para na pala siyang ganap na Kawal."
"Ano yun?"
"Wala, sabi ko medyo nagugutom na ko."
"Nagugutom?" Nagulat si Eron nang biglang sumulpot si Myoris sa kanyang likuran.
"Ikaw pala yan."
"Paghahanda lang kita ng pagkain."
Ilang saglit lamang binigyan ni Myoris nang mainit na sabaw sa mangkok ang dayo at dahil sa pagkalam ng kanyang sikmura, walang pag-aalangan niya itong nilantakan.
"Masarap?"
Napatango si Eron. "Anong sabaw ba ito?"
"Katas ng nilagang gulay at...ihi ng usa."
"Ano?" Hindi makapaniwala si Eron sa pandidiri sapagkat marami na siyang nahigop.
"Biro lang," natatawang saad ni Myoris.
"Masanay ka na dyan kay Myoris, pilya talaga yan."
"Kita ko nga."
"Eron, matanong ko lang...wala ba ikaw...kasintahan?"
"Wala sa ngayon."
Lalong napangiti si Myoris. "Ah wala, sabihin mo lang kung mayroon kang nagugustuhan, marami namang naririto, naghihintay lamang."
Napangiti si Eron nang may pagkailang, pagkatapos muli na siyang humigop ng sabaw.
Matapos niyang kumain, lumabas si Aric sa kanyang kubo at namataan niya si Eron kasama si Miya at Myoris.
Kausapin ko na dapat siya, baka kung ano pa ang mabunyag niya sa kanila.
"Aric, dito ka na pala. Samahan mo kami," tugon ni Miya.
"Sige, Miya, mamaya na. Kailangan ko lang munang kausapin ang kaibigan ko."
Sumenyas si Aric at napatayo si Eron.
"Mag-usap lang muna kami," nagpaalam siya sa dalawang dalaga.
Noong makarating sila sa sulok ng kagubatan, tinapat na ni Aric ang kaibigan.
"Ano bang ginagawa mo rito? Paano kung nasundan ka?" halata ang pagkayamot sa tono ni Aric at hindi ito nagustuhan ng kaibigan.
"Aba ayos, napakainit naman ng pagsalubong mo sa akin matapos ang lahat ng ginawa ko para sa'yo. Pasensya na pala at naabala pa kita rito. Hindi mo alam ang lahat ng pinagdaanan ko para lang mahanap kita. Ilang ulit na akong muntikang mamatay."
Napagtanto ni Aric na nagkamali siya ng trato sa kanyang tapat na kaibigan.
"Pasensya na, ano bang nangyari sa'yo?"
"Anong nangyari sakin? Ako ang dapat magtanong, anong nangyari sa'yo? Halos hindi na kita makilala. Ibang-iba ka na. Iba na ang suotan mo ngayon at marunong ka ng magsalita ng Wika nila. Isa ka na ba sa kanila?"
"Oo, kabilang na ako sa Tribo nila. Ito na ang buhay ko ngayon."
"Mukha nga, nakalimutan mo na kami sa Disyerto, mukhang nakalimutan mo na rin ang dati mong buhay, wala ka na bang balak umuwi? Paano ang pangarap mong maging isang Kawal? Paano ang iyong ama?"
Nahirapan siyang sagutin ang magkasunod niyang mga tanong.
"Hindi na iyon mahalaga, wala na akong pakialam sa pangarap na iyon. Aanhin ko ang pagiging isang kawal kung dudungisan ko lang rin ng inosenteng dugo ang aking Kamay. At si Ama, mabuti na rin siguro na malayo ako sa kanya nang sa ganoon hindi ko siya mailagay sa panganib. Kaya naman nilang mabuhay ni Tiyang Sania kahit wala ako."
Hindi makapaniwala si Eron sa narinig.
"Baliw, sa tingin mo ba tatantanan ng Hari si Mang Rito? Sa oras na hindi ka bumalik, sila ang malilintikan, gaya ng nangyari sa akin. Ano ba talaga ang dahilan bakit basta mo na lang tinalikuran ang lahat?"
"Tinalikuran ko ang lahat para sa pag-ibig. Ginawa ko ito para sa babaeng mahal ko, para kay Miya."
"Yung magandang babaeng kasama ng mga Myongan, kasintahan mo pala siya? Alam kong kakaiba siyang tunay pero hindi ko maintindihan bakit iiwan mo ang lahat para sa kanya?"
"Hindi mo nauunawaan, marami siyang ipinaunawa at ipinamulat sa akin. Siya lamang ang babaeng nakapagpabago sa puso ko. Dahil sa kanya nalaman kong marami pang bagay na mas mahalaga kaysa anumang titulo at ranggo. Mabubuting tao sila ng mga Myongan."
"Siya, Myongan? Imposible. Sino ba talaga siya?"
"Napag-alaman kong siya ang nawawalang Prinsesa ng Cenpyre at kapatid ni Saraphine," hininaan ni Aric ang kanyang tinig na malakas lamang ng bahagya sa isang bulong.
"Si Saraphine na kababata mo? Paano nangyari yun?" Lalo lamang naguluhan si Eron sa kanyang mga isinisiwalat.
"Mahabang kwento pero nakikiusap ako sa'yo bilang kaibigan. Wala sana munang makakaalam tungkol dito at ganoon na rin sa sitwasyon natin. Pinayagan kang manatili rito dahil sa kwentong ginawa ko. Sinabi ko sa kanila na tayo ay mga nawawalang minero lamang na napadpad rito. Walang nakakaalam tungkol sa tunay na dahilan bakit tayo naparito."
"Ibig sabihin hindi nila alam ang tungkol kina Uwalhid?"
Napailing si Aric.
"Sige, dahil magkaibigan tayo, sasakyan ko ang mga kwento mo, pero hanggang kailan mo ba balak na ilihim ito?"
"Humahanap lamang ako ng tamang pagkakataon. Ayokong masaktan si Miya at magkagulo ang mga Myongan, lalo pa at kababangon pa lamang namin sa isang sakuna. Ngayon pa lamang kami natatahimik at nagsasaya."
"Bahala ka, sinasabi ko lang sa'yo, darating ang araw sabay-sabay na bubulabog sa'yo lahat ng sikreto mo at lalo mo lamang palalalain ang lahat."
"Ako na ang bahala roon. Tapos ka ng magtanong, ako naman ang mangangamusta. Ano ang balita kay Uwalhid sa disyerto?"
"Naku, hindi maganda. Dumating na ang karagdagang pwersa ng Hari upang hanapin at tugisin, hindi lamang ang mga Myongan, kundi pati na rin ikaw. Narinig ko ang usapan nila, balak nila akong gawing pain laban sa'yo. Pinagbantaan nila ang buhay ko at binihag pa nga nila ako."
Napaisip si Aric at naalala niya ang kanyang napanaginipan.
Tumutugma ang lahat sa napanaginipan ko.
"Mabuti na lang at natakasan ko sila, pero hindi pa doon natapos ang paghihirap ko. Matagal na panahon akong nagpagala-gala sa Disyerto. Hindi ko na namalayan ang mga araw. Naroroon ako, naglalakbay. Bilad sa init at walang makain. Pagod, uhaw at nanghihina. Noong tinangay ako ng buhawi, akala ko katapusan ko na..."
Maluha-luha si Eron at napatigil siya sa pagkukwento habang inaalala ang lahat. Sa kanyang pagkahabag, napayakap sa kanya si Aric.
"Patawarin mo ko, kaibigan. Habang ako ay naririto, hindi ko man lang naisip na ganito pala kahirap ang pinagdaanan mo para sa akin. Salamat at nakarating ka rito ng buhay."
"Tandaan mo, malaki na ang utang mo sa akin," biro ni Eron.
"Babawi ako sa'yo, pangako, pero ngayon kailangan muna natin mag-ingat at magmatyag. Sa tingin mo nasundan ka nila?"
"Wala sana ako rito kung nasundan nila ako, tingin ko hindi, pero sinasabi ko sa'yo nililibot na nila ang disyerto at malapit na nila kayo matunton."
Nagsimulang mataranta si Aric nang malaman ang masamang balita.
"Paano to, anong gagawin natin?"
"May naisip akong paraan."
"Kahit anong suhestyon tatanggapin ko. Sabihin mo na."
"Mas makakabuti sigurong umalis na kayo sa lugar na ito hanggang hindi pa huli ang lahat."
"Ano? Sigurado akong hindi sila papayag, tahanan nila ang Kasaganaan. Isa pa, kahit sumang-ayon sila, saan naman kami pupunta? Nasa dulo kami ng mapa."
"Hindi ko alam, basta malayo rito. Marami pa naman sigurong ibang lupaing mas malayo rito. Di ba akala nga natin alamat lamang ang Kasaganaan, pero tignan mo nasaan tayo ngayon."
Naisip ni Aric ang malayong kagubatan, malapit sa lugar ng paniki, gayunpaman hindi pa rin siya kampante na tirahan ang lugar na ito sapagkat hindi ito ligtas.
"Kapag ginawa ko yun, paghihinalaan lamang ako ni Miya. May tiwala sila sa akin. Hindi ko sila maaaring biguin at hindi rin dapat marating ni Uwalhid ang lugar na ito."
"Kung gusto mong iligtas si Miya at ang buong tribo, hikayatin mo silang lisanin ang lugar na ito. Ako nga nakarating rito sa kabila ng kalagayan ko, paano pa kaya sila? Hihintayin mo pa bang magkaabot tayong lahat rito?"
Napaupo si Aric, hindi malaman kung ano ang kanyang gagawin pero batid niyang may punto ang lahat ng sinabi ni Eron.
Tama si Eron, kailangan ko ng kumilos bago pa mauwi sa gulo ang lahat.
-Disyerto ng Syl-
Sa paglipas ng mga linggo, walang humpay ang paghahanap nina Kapitan Uwalhid at ng kanyang pwersa kay Aric, Eron at mga Myongan. Nilibot na nila ang bawat sulok ng disyerto ngunit hanggang ngayon wala pa ring pinatutunguhan ang paghahanap nila sa sinuman sa magkaibigan o sa inuusig na Tribo. Nauubos na ang lakas ng mga Kawal sa tindi ng init na nagpapaigting sa kanilang pagod at uhaw.
Ngayong araw na ito, nagpasya ulit na maghiwa-hiwalay ang mga Kawal sa hindi mabilang na pagkakataon, umaasang mahahanap na nila ang kanilang mga puntirya. Mahirap man ang kanilang sitwasyon, hindi pa rin napapawi ang apoy ni Uwalhid na pagtagumpayan ang kanilang misyon lalo na ngayon, hindi siya makapapayag na maisahan siya ng dalawang bagito.
Matapos ang ilang oras na paghahanap, nagkita-kita ang mga kawal sa kanilang minarkahang tagpuan.
"Ano may nahanap ba kayo?" Tanong ni Uwalhid.
"Wala pa rin po, ni anino ni Eron hindi pa rin namin makita."
"Si Aric? Baka nakita nyo na ang tusong panday?"
"Hindi rin po, Kapitan. Maaaring patay na si Aric at ganun rin si Eron. Walang sinumang nag-iisa ang makakaligtas sa disyertong ito."
"Huwag nyo kong pangunahan. Iba ang kutob ko rito. Malakas ang hinala ko na magkasama na ang dalawa ngayon at doon sila naglulungga sa taguan ng mga Myongan. Hindi tayo susuko. Kung kailangan abutin tayo ng ilang dekada para mahanap sila gagawin natin! Para sa Hari! Sa ngayon kailangan muna nating bumalik sa Kampo upang magpahinga. Ipagpapatuloy natin ang paghahanap bukas."
***
Samantala, hindi kalayuan sa Kampo nina Uwalhid, nananalagi sina Datu Leyro kasama ang iba pang Tribong Leon na napatalsik sa kasaganaan nang dahil sa kanya. Ilang araw na mula noong marating nila ang Disyerto at ngayon nararamdaman na nila ang hirap ng buhay sa gitna ng ginintuang kawalan.
"Mahal na Datu, may problema po tayo?"
"Ano na naman yun?" naaasar na sagot ni Leyro.
"Malapit nang maubos ang mga imbak nating pagkain."
"Kaya nga, alam mo ang ibig sabihin nun, sa oras na maubos ito, wala na tayong makukuhanan ng pagkain, mamamatay na tayo rito habang nakabilad sa araw. Tuyot at tustado."
"Isa pang satsat mo at talagang tutustahin ko kayo. Sino ba ang nagsabing sumama kayo sa akin, mga hangal!"
"Syempre di namin kayo iiwan. Mabuti pang mamatay rito kaysa mapasailalim kami ni Mortho at ng mga Myongan."
"Tama, hindi kami magpapatinag. Makakahanap rin tayo ng pagkain."
Natuwa si Leyro sa pinapakitang katapatan ng kanyang Tribo.
"Yan ang gusto kong marinig. Mawawala lang tayo ng pansamantala, mag-iipon ng lakas at kapag nakabangon na tayo, tsaka natin babalikan sina Miya, Mortho at ang lahat ng Myongan."
"Saan tayo maghahanap ng pagkain sa lugar na ito?"
"Mag-ikot-ikot lang tayo, siguradong may makukuha rin tayong pagkain."
Naglakad-lakad ang Tribong Leon sa init ng araw at maya-maya namataan ng isa sa kanila ang Kampo ng mga Kawal.
"Mahal na Datu, ayun tignan nyo!"
"Sa wakas, ano pang hinihintay nyo?"
Tinakbo ng Tribong Leon ang kampo. Dahil sa paglilibot nina Uwalhid, ilang ulit na rin nilang pinaglipat-lipat ang kanilang kampo. Pinagmasdan ng Tribong Leon ang mga bagong tayong mga tolda at himpilan nang may pagkamangha. Ngayon lamang sila nakakita ng mga sibilisadong kagamitan at animo'y sila ay mga inosenteng bata na hinahawakan ang anumang bagay na makita.
"Halughugin ang mga yan! Maghanap kayo ng maaaring kainin."
Sinimulan ng mga Leon ang pagkakalat at paghahalungkat sa mga bariles at kahon sa toldang imbakan. Una nilang nakita ang mga bote ng alak.
"Ano ito?"
Wala silang malay kung paano buksan ang bote kaya naman binagsak na lamang nila ang bote at ito ay nabasag, sa kanilang pagkabigla.
Ngayon lamang sila nakakita ng kakaibang tubig na kulay byoleta. Sumalok si Datu Leyro sa kanyang kamay, inamoy ito nang may pag-iingat at tsaka tinikman. Sumama ang mukha niya sapagkat di siya sanay sa pait at pakla ng alak.
"Hindi natin yan kailangan, maghanap pa kayo."
Nagpursige sila sa paghahanap at di nagtagal nahanap rin nila ang mga kariton na naglalaman ng mga gulay at prutas.
"Pagkain! Meron dito!"
"Kunin ang lahat," atas ni Leyro.
Naliligalig na kinuha ng kanyang mga tauhan ang mga prutas at gulay, malaki man o maliit.
Sunod naman nilang binuksan ang iba pang bariles at nakita nilang puno ito ng iba't-ibang rasyon: mani, palay, isda, keso, asin, paminta. Mayroon ring mga karne, ang iba ay hilaw at ang iba naman ay pinatuyot at pinalutong.
"Tiba-tiba tayo, halika na, bago pa bumalik sinuman ang nagmamay-ari nito."
Sa pagkakataong ito, pinagtulungan na ng mga Leon ang pagbuhat sa mga kahon at bariles.
Natataranta ang kanyang mga tauhan sa pagmamadali nang mamataan ni Leyro ang mga dalang hayop nina Uwalhid: ang mga kamelyo.
"Kamangha-mangha. Anong uri ng hayop ito?" saad niya. "Malaki at maraming dagdag na karne sa likuran. Kunin nyo rin. Kailangan natin yan para mabuhay!"
Tinanggal nila ang lubid ng kamelyo at hinila ang mga ito sa taling nakakonekta sa kanilang bibig.
Bago pa man tuluyang makaalis ang pangkat ni Leyro, tyempo namang pabalik na sina Kapitan Uwalhid sa kampo. Habang papalabas ang Tribong Leon, sila naman ay paparating. Doon na nila nakasalubong ang mga Kawal Silangan.
"Kapitan, mga bandido! Ninanakaw ang mga kamelyo at rasyon natin!"
"Pigilan nyo!" Hiyaw ni Uwalhid.
"Umalis na tayo!" sigaw ni Leyro.
Sila ay naliligalig na lumundag at nagtakbuhan. Nagsimulang magbagsakan ang mga dala nilang mga pagkain mula sa kanilang bitbit.
"Hoy! Tigil! Mga magnanakaw!" umabot sa sukdulan ang tinig ni Uwalhid.
Nilabas niya ang kanyang espada at hinabol ang mga tumatakas na magnanakaw. Papahabol na ang kanyang mga tauhan ngunit may naisip siyang ibang paraan.
"May naisip ako. Paligirin sila at abangan sa bawat sulok, wala silang ubra sa atin!"
Ginawa ng mga kawal ang utos ng Kapitan at nag-iba sila ng daan.
"Mukhang wala na sila," palagay ni Leyro nang mapansin niyang naglahong bigla ang mga humahabol. "Hinayaan na nila tayo."
Nagpatuloy sila sa pagtakas sa disyerto nang bigla na lamang sumulpot ang mga Kawal Silangan sa kanilang daan. Nagpalit ng direksyon sa kanan si Leyro ngunit sinalubong sila ng iba pang Kawal. Tinahak nila ang kaliwa at ganoon rin ang nangyari. Ang lahat ay may nakatutok ng palasong sa kanila. Tuluyan na silang napaligiran sa bawat dako. Gumawa ng bilog na pormasyon ang mga galamay ni Uwalhid at nagtagumpay sila sa pagtambang sa mga kalaban.
"Mahal na Datu, nabitag tayo!"
Bago pa siya masagot ni Leyro, sumunggab si Uwalhid sakay-sakay ang isa sa mga kamelyo at walang paligoy-ligoy niyang inugoy ang kanyang espada sa ulo ng isa sa mga Tribong Leon.
Tumalsik ang pugot nitong ulo sa may harap ni Leyro at sila ay natigilan. Hindi na malaman ng Datu ano ang kanyang gagawin.
"Akala nyo ba basta nyo lang kami matatakasan, mga tarantadong magnanakaw. Wala na kayong kawala sa amin!"
"Kapitan, sino ang mga yan? Mga Tribong Myongan?"
Pinagmasdan ni Uwalhid si Leyro. Sa kanyang pagkakaalala, naiiba ang anyo ng mga Myongan sa mga bandidong ito.
"Hindi sila mga Myongan. Ibang Tribo ang mga ito."
Nilapitan ni Uwalhid si Leyro na hanggang ngayon ay natitigilan sa kanyang pwesto.
"Sino kayo? Sagutin mo ko, alam nyo ba kung nasaan ang mga Myongan?"
Isang masamang ngiti lamang ang sinagot ni Leyro sa kanya. Nang-init ang dugo ni Uwalhid sa kanyang pagmumukha at isang malakas na suntok ang humambalos sa mukha ng Datu, dahilan upang tuluyan siyang mawalan ng malay.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro