Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 2: Saraphine

Ramdam ni Saraphine sa kanyang pulso ang init sa kamay ng lalaking humatak sa kanya papalayo kina Nonong at Basyo. Patuloy pa rin ang pagtakbo nila sa madilim na daan. Hindi niya alam kung saan sila papunta at kung sino ang estrangherong kasama niya.

"Sino ka?" Tanong ni Saraphine. "Bitawan mo ko!"

"Hindi kita pwedeng iwan dun, binibini, sigurado ako hahabulin ka ng mga siraulong yun."

Kahit papaano ay naibsan ang takot ng dalagita sa lalaki nang marinig niya ang katamtaman at kalmado niyang tinig.

"Saan mo naman ako dadalhin?"

Hindi sumagot ang lalaki, na tila nag-iisip kung saang direksyon sila tutungo.

"Napakadilim dito!"

Dinala siya ng lalaki sa pinakamalapit na bahay sa bayan, kung saan may maaaninag na liwanag mula sa lampara. Ipinuwesto ng lalaki sa liwanag si Saraphine.

"Yan, magsawa ka sa ilaw."

"Sino ka ba talaga, bakit mo ba ko sinama dito? Pagsasamantalahan mo rin ba ko?"

Nagtungo ang lalaki sa liwanag at naaninag na ni Saraphine ang anyo nito. Siya ay mayroong mahaba at may kaitimang buhok, matipunong pangangatawan at may bahid ng pamumula ang kulay kape niyang mga mata.

"Ganyan ba talaga kayong mga babae? Tingin nyo saming mga lalaki lahat kami mananamantala, ikaw na nga tong tinulungan, ikaw pa tong nag-iisip ng masama."

Napatitig si Saraphine sa lalaking nagligtas sa kanya, nang magtagpo ang kanilang mga mata, para bang mayroon siyang alaalang nanumbalik sa isip niya.

"Paumanhin, Ginoo, nadala lang talaga ako sa nangyari kanina, maaari ko bang malaman ang pangalan mo para makapagpasalamat ako sa'yo ng maayos."

"Ang pangalan ko, kanina mo pa nga tinatanong kung sino ako." sagot ng lalaki, "Aric nga pala."

Natigilan si Saraphine nang marinig niya ang pangalang matagal na niyang hindi naririnig mula pagkabata.

Aric?

Ang kababata ko sa Palasyo?

Natigilan siya at halos hindi na makapagsalita, taimtim niyang tinitigan ang anyo ng binatilyo, base sa kanyang pagkakaalala, may pagkakapareho nga ang kanyang istura sa batang nakalaro niya dati, hindi siya maaaring magkamali, si Aric nga ito.

"Ayos ka lang ba? Bakit ka biglang natahimik?" tanong ni Aric sa kanya, "kanina tanong ka ng tanong ng pangalan ko."

"Ah wala, wala, siguro nabigla lang ako sa nangyari kanina, Aric hindi ba? Gusto ko lang pasalamatan ka sa pagligtas sa akin, kung hindi dahil sa'yo baka kung ano na ang nagawa nila sakin."

"Wala yun," tugon ng binatilyo, "handa akong tumulong sa kahit sinong nangangailangan, ikaw, ano nga pala ang pangalan mo?"

"Ako si Cor..." Natigilan si Saraphine, "Saraphine, ang pangalan ko ay Saraphine."

Hindi niya pwedeng malaman na ako ito, ang kababata niyang si Cordelia, ang Prinsesang madalas niyang kalaro noon.

"Saraphine, magandang pangalan," saad ni Aric, pagkatapos nito napansin ng dalaga na ang binatilyo naman ang nagnanakaw ng titig sa kanya na parang may inaalala ito. "Nagkita na ba tayo noon?"

Magtimpi ka Saraphine.

"Hindi pa," itinanggi niya.

"Para kasing nakita na kita? Nalagi ka na ba sa Imperyong Cenpyre?"

"Hindi pa, dito lang ako sa Silangan buong buhay ko," muli niyang itinanggi.

"Sa anyo mo kasi mapapagkamalan kang Cenpyero, iba ang itsura mo kumpara sa mga babae dito."

"Maraming nagsasabi sa akin, may lahing Cenpyero kasi ang magulang ko," paliwanag niya.

"Nasaan sila?" Usisa ni Aric.

"Matagal na silang patay," hindi na kailangang magsinungaling ni Saraphine sa parteng to, "nakatira ako sa tiyahin ko ngayon."

"Paumanhin," sambit ni Aric, "Ano nga palang ginagawa ng isang dalagita sa kalaliman ng gabi at siya ay nabitag ng dalawang maton?"

"Mahabang kwento, sabihin na lang natin na tumakas ako sa taberna," sagot ni Saraphine. "Pero huwag mo kong husgahan, kahit ganito ang suot ko, hindi ako nagtatrabaho doon."

Napangisi ang binatilyo sa sinabi niya, pagkatapos ay mabilis nitong tinignan ang kanyang mapanglantad na pulang bestida.

"Wala naman sakin yun kung nagtatrabaho ka dun o hindi, wala naman akong karapatang manghusga ng kahit na sino. Sinwerte ka nga lang at dumating ako, para bang naging ginintuang kawal ako na dumating para sagipin ka."

Napangiti si Saraphine sa sinabi niya, kawal naman talaga kita, kahit nung mga bata pa tayo.

"Ikaw Aric, medyo iba rin ang anyo mo sa mga lalaking Silangan, may lahing Cenpyero ka rin ba?"

"Ah oo, purong Cenpyero ako," paglalahad niya, "pero tulad mo dito ako lumaki sa Silangan. Nagtungo kami ng Ama ko dito labing-apat na taon ng nakakaraan. Paano napapahaba na ang usapan natin at lulalalim na ang gabi, gusto mo bang hatid na kita sa inyo?"

"Oo naman, bakit hindi?" Mabilis na napapayag si Saraphine na masiglang tono sa kanyang boses. Kampante na siya ngayon at nasa piling niya ang isang kaibigan.

Tila nagtaka ang binatilyo sa biglang pagpayag ni Saraphine, nawala agad ang duda sa kanya ng binibini. Hinatid ni Aric ang dalagita hanggang sa marating nila ang bahay nito.

"Maraming salamat ulit sa pagsagip sa akin."

"Walang anuman. Basta kung kailangan mo ako, pumunta sa ka lang sa Pandayan ni Rito at mahahanap mo ako dun."

"Pandayan ni Rito?" tanong ni Saraphine.

"Oo, dating panday ang ama kong si Rito, ngayon ako na ang nagpapanday," paliwanag niya.

Napagtanto niya na ang Ritong sinasabi niya ay ang dating kawal ng kanyang Ama na si Sarito.

"O sige, tatandaan ko," pangako ni Saraphine

"Magandang gabi, Saraphine," pagpapaalam ni Aric.

"Ingat ka," pagpapaalam ni Saraphine na may pungay sa kanyang mga mata.

Bago sila tuluyang maglayo ng landas, nagkalingunan muna ang dalawa at pareho silang napangiti sa isa't-isa.

-Taberna-

Nagpasuray-suray sina Basyo at Nonong pagbalik ng Taberna, bugbog sarado ang dalawa, namamaga ang kanilang mga mata at puno ng pasa ang kanilang mga mukha.

"Putang ina, anong nangyari sa inyo?" Saad ni Uranna nang makita niya ang pagmumukha ni Basyo at Nonong. "Nagawa nyo ba ang pinapapagawa ko sa inyo?"

"Mukha bang nagawa namin?" Mangiyak-iyak si Basyo sa sakit ng kanyang mukha ng katawan.

"Magagawa na sana namin kaso may nangialam na isang lalaki," paliwanag ni Nonong.

"Sino?" tanong ni Uranna.

"Malay namin," sagot ni Basyo, "madilim nun, hindi naman nakita ang mukha, pero malakas siya at magaling makipaglaban."

Napahampas si Uranna sa mesa, "mga ugok! Naisahan kayong dalawa ng iisang lalaki! Wala talaga akong aasahan sa inyo! Nasaan si Saraphine?"

"Tinangay nung lalaki papalayo, hindi na namin nahabol, bugbog-sarado na kami."

"Palagi na lang sinuswerte ang batang yun! Lagot siya sa akin pag-uwi ko!" Nanggagalaiti sa galit si Uranna.

"Uranna baka naman pwedeng mabawi namin yung pera namin?" tanong ni Nonong. "Hindi naman namin napakinabangan yung alaga mo."

Kinuha ni Uranna sa kanyang bulsa ang sako ng perang ibinayad sa kanila ng dalawa at padabog itong hinagis sa mesa.

"Ito na ang walang kwenta nyong pera! Lumayas nga kayo sa harapan ko! Naiimbyerna ako sa pamumukha nyo!"

Kimuha ng dalawa ang pera at sila ay umalis ng pa-ika-ika.

***

Pagkauwi ng bahay, nagtungo si Saraphine sa kanyang silid, siya ay napahiga at napatingin sa itaas, hanggang ngayon si Aric pa rin ang laman ng kanyang isipan. Naalala niya kung paano siya ipinagtanggol ng kababata sa mga mananamantala at kung paano nito sinagip ang buhay niya, bumalik rin sa kanyang gunita ang paglalaro nila noong mga bata pa sila. Siya ang Prinsesa at siya naman ang kanyang Kawal. Tandang-tanda pa niya, muntik na niyang halikan si Aric noon sa kanilang mga laro kung hindi lang siya napigilan ng kanyang Ina, dati hindi niya maintindihan kung bakit sila pinagbawalan ni Ysavel pero ngayong isa na siyang ganap na dalagita, nauunawaan na niya kung bakit.

Dumating si Pinang ilang minuto lamang at lubos ang pag-aalala niya sa kapatid.

"Saraphine, buti naman at nakauwi ka na," nakahinga siya ng maluwag nang makita ang kapatid sa kwarto, "alalang-alala ako sa'yo, ano bang iniisip ni Tiyang Uranna at dinala ka niya sa taberna? Buti na lang talaga nandoon ako at..."

Napansin ni Pinang na hindi nakikinig sa kanya si Saraphine, bagkus siya ay nakangiti habang nakatingin sa malayo.

"Nakikinig ka ba?" tanong ni Pinang.

Natauhan si Saraphine sa pagtatanong ng kanyang Ate, "pasensya na Ate. Ano ulit yun?"

"Kanina pa ko dakdak ng dakdak dito tapos nandyan ka lang nakangiti at tulala. Ang sabi ko, buti at nakauwi ka."

"Ah oo, medyo nagkaroon lang ng aberya, pero ayos naman na ako," tugon ni Saraphine.

"May aberya tapos ganyan ang ngiti mo?" pagtataka ni Pinang, "alam ko na ang ganyang ngitian, tungkol yan sa lalake no?"

"Paano mo nalaman?" pagkamangha ni Saraphine.

"Alam ko dahil dumaan din ako dyan, may mga natipuhan din akong lalaki dati," paglalahad ni Pinang, "ikwento mo sa akin ang lahat."

"Ganito kasi yun, Ate," nagsimulang magkwento si Saraphine, "pagkalabas ko ng taberna, madilim sa daan. Bigla akong hinarang ng dalawang lalaki, naaalala mo yung siansabi kong dalawang nagbenta sa akin sa subasta noon?"

"Oo," saad ni Pinang.

"Sila yun. Sinubukan nila akong halayin," pagpapatuloy ni Saraphine. "Akala ko katapusan ko na."

"Tangina!" napasigaw ang Ate niya sa kanyang ikinuwento.

"Tapos may isang lalaking dumating, iniligtas nya ko mula sa kanila," salaysay ni Saraphine.

"Siya yung lalaki," napagtanto ni Pinang.

"Mabait siya, gwapo, matipuno at higit sa lahat may respeto siya sa mga babae, di tulad ng karamihan sa mga lalaki dito sa Silangan," pagmamalaki niya. "Hinatid pa nga niya ako dito."

"Mukhang tinamaan ka nga sa kanya," palagay ni Pinang. "Basta kung magpapaligaw ka, kailangan muna niyang dumaan sa akin. Kailangan muna siyang kilatisan ng Ate Pinang mo."

Napahalakhak si Saraphine sa pagbibiro ng Ate niya.

"Kung ako sa'yo kilalanin mo muna siya, baka mamaya sa una lang yan," suhestyon ni Pinang.

"Hindi Ate, hindi siya ganun, at tingin ko magugustuhan mo siya."

"Kung magsalita ka parang kilala mo na siya."

"Dahil kilala ko nga talaga siya," pagbubunyag niya.

"Sino?" usisa ni Pinang.

"Ang kababata kong si Aric," sambit ni Saraphine.

"Si Aric!" napalakas ang tinig ng kanyang ate, "teka lang, yung kababata mo dati sa Palasyo, yung palagi mong kalaro dati na kinukwento mo sa akin?"

"Siya nga," pagsang-ayon ng dalagita, "sa dinami-dami ng lalaki sa Buong Lupain, siya pa ang nagligtas sa akin."

"Parang pinagtagpo kayo ng tadhana," dagdag ni Pinang, "anong sabi niya nung nagkita kayo?"

"Wala naman, nagpakilala ako bilang si Saraphine. Hindi ko sinabing ako si Prinsesa Cordelia."

"Hindi ka ba niya namukhaan?"

"Medyo napapaisip siya pero tingin ko di naman, sa tagal ba naman naming hindi nagkita baka nakalimutan na niya ako."

"Ano ka ba? Bakit hindi mo sinabing ikaw si Cordelia," panghihinayang ni Pinang.

"Hindi maaari, walang dapat makaalam kung sino talaga ako," paninindigan ni Saraphine, "ipinangako ko yun sa sarili ko, maaari ko itong ikapahamak at maaari din siyang mapahamak pag nalaman niya, mas mabuti na tong ganito na hindi niya alam."

"Sige, kung yan ang pasya mo," naintidihan ni Pinang ang punto ni Saraphine.

"Napag-alaman kong malapit lang siya dito, isa siyang Panday, at maaari ko siyang puntahan pag nais ko siyang makita."

"Suportado ka lagi ni Ate, basta ito lang ang tatandaan mo," payo niya, "kung iibig ka, huwag mong ibibigay ang lahat, magtira ka ng para sa sarili mo."

Niyakap ni Saraphine ang kapatid.

***

Kinaumagahan, umuwi si Uranna na nagdadabog at nagising ang magkapatid. Agad siyang nagtungo sa silid ni Saraphine.

"Tulog pa pala ang Mahal na Prinsesa," may pag-uuyam niyang sinabi kay Saraphine, "bumangon ka na dyan! Kung kahapon natakasan mo ko, hindi ka na makakaulit ngayon! Papasok ka sa taberna!"

"Hindi," pagtutol ni Saraphine, "pagkatapos ng nakita ko kahapon, hindi mo na ko mapipilit na bumalik sa lugar na yun!"

"Bwisit ka talagang bruha ka!" Nanggagalaiting isinigaw ni Uranna, "pinahihirapan mo pa ko! Napakaarte mo! Sino ka ba sa tingin mo? Pare-parehas lang tayong mga babae dito! At ang babae ng Silangan iisa lang ang papel, ang magpasaya at magpagamit sa mga lalake! Kala mo kung sino kang espesyal, sigurado ako masangsang rin naman ang puke mo!"

Hinatak niya si Saraphine sa braso, papalabas ng kanyang silid.

"Ate Pinang!" umiiyak na pagtawag ni Saraphine.

Narinig ni Pinang ang paghingi niya ng tulong at inawat niya ang tiyahin.

"Tiyang! Bitawan nyo si Saraphine!"

"Hindi, sasama siya sa akin at wala na kayong magagawa!" giit ni Uranna. "Ako ang masusunod dito!"

"Ayoko!" hiyaw ni Saraphine. "Ate tulungan mo ko!"

"Matigas ka talagang bruha ka! Kung hindi ka sasama sa akin, lalayas ka sa pamamahay ko! Mamili ka!"

"Tiyang Uranna, tama na!" Pinantayan ni Pinang ang tinig ng tiyahin. "Hindi ko hahayaang pilitin nyo si Saraphine na magtrabaho sa taberna gaya ng ginawa nyo sa akin!"

Natigilan si Uranna sa lakas ng boses ni Pinang, pagkatapos lumingon siya kay Saraphine at siya ang pinagbuntungan niya ng kanyang inis.

"Kung ganun, maghakot ka na ng mga gamit mo at lumayas ka na dito!" itinulak niya ang dalagita at ito ay napabagsak sa sahig "Layas!"

Dinamayan ni Pinang ang humahagulgol na kapatid. Itinayo niya si Saraphine at hinarap niya ang tiyahin.

"Hindi!" Sumabog na si Pinang sa katarantaduhan ni Uranna, "hindi lalayas ang kapatid ko! Sa loob ng 5 taon na nagtrabaho ako sa taberna sa pamimilit mo, halos lahat ng kinikita ko roon, ikaw ang nakikinabang. Katiting na nga lang ang napupunta sa akin! Wala akong reklamo, ni minsan hindi ako nagsalita o sumuway sa kagustuhan mo, pero ngayon hayaan mo kong magsalita! Sa oras na palayasin mo si Saraphine, pati ako lalayas at wala ka ng makukuhang ni isang kusing sa akin! Kapag pinilit mo pa ulit si Saraphine na pumasok sa taberna, hindi kami magdadalawang-isip na lumayas sa bahay na ito!"

Natameme si Uranna sa pagbabanta ng pamangkin sa kanya, napagtanto niyang hindi na uubra sa magkapatid ang mga pang-aabuso at pamimilit niya sapagkat natututo na silang lumaban sa kanya.

Napahiyaw na lamang siya nang may pagdadabog. "Mga bwiset! Panira ng araw!"

Nilisan niya ang silid at bumalik na lamang sa taberna.

"Ate," niyakap ni Saraphine nang napakahigpit ang kapatid, "hindi ko na alam ang gagawin ko kung wala ka."

"Hindi ka na maaalipusta ni Tiyang mula ngayon, hawak ko na siya sa leeg," paninigurado ni Pinang.

-Ang Pandayan-

Kinabukasan, napagpasyahan ni Saraphine na magtungo sa Pandayan ni Rito upang bisitahin si Aric, wala namang tao sa bahay at kahit papaano nais niyang makalimutan ang nangyari sa kanila ng kanyang Tiyang Uranna.

Pumasok siya sa loob ng Pandayan, at napatingin siya sa mga espada, tarak, kutsilyo at iba pang mga armas na nakasabit sa dingding, sa may dulo, nakita niya ang isang binatilyong halos kasing edad ni Aric na nagpapanday ng mga kutsilyo.

"Magandang umaga, magandang binibini," pagbati ng lalaki. "Anong maipapaglingkod ko sa'yo?"

"Dito ba nagtatrabaho si Aric?" tanong niya.

"Hindi dito nagtatrabaho si Aric, dahil siya ang may-ari ng establishamentong ito," paglalahad niya.

"Oo nga, pala."

"Ako nga pala si Eron," nagpakilala ang lalaki kay Saraphine.

"Saraphine," kinamayan niya si Eron kahit na marumi pa ang kamay nito sa pagpapanday.

"Ano nga pala kailangan mo sa kanya?"

"Kaibigan niya ako," saad ni Saraphine, "gusto ko lang siyang makausap, nandyan ba siya?"

"Ay yun lang," tugon ni Eron, "wala siya rito, may pinuntahang mahalaga."

"Saan?"

"Pasensya na, hindi ko pwedeng sabihin kahit kanino, ang masasabi ko lang, abala siya ngayon sa maraming bagay."

"Ganun ba? Sige, pakisabi na lang, nagpunta si Saraphine dito." Aalis na sana si Saraphine.

"Sandali, kung gusto mong maghintay, pwede naman," tugon ni Eron, "baka umuwi rin naman agad yun, maupo ka muna,"

Inalok niya ng upuan si Saraphine at siya ay naghintay sa kaibigan, habang si Eron naman ay nagpatuloy sa pagpapanday.

-Taberna-

Isang komosyon ang namamagitan sa mga mabababang kalapati ng taberna, iyon ay dahil may mahalagang panauhin sila ngayong araw. Ang Prinsipe Rigo. Hati ang opinyon ng mga kababaihan sa Prinsipe, ang ilan ay may takot sa nasabing Prinsipe dahil may ugong at tsismis na kumakalat tungkol sa ugali nito lalo na sa mga babae, ang iba naman ay pinag-aagawan ang gwapong Prinsipe. Kabilang sa mga nakiki-agaw ay si Uranna.

"Tandaan nyo lahat, kung mayroong unang makakatikim kay Prinsipe Rigo, ako yun," babala ni Uranna sa mga kabataang kalapati. "Ako ang pinakamatanda dito."

"Alam namin," sagot ng isang dalagita.

"Halata naman," biro ng isa.

"Inggit lang kayo, dahil pagtanda nyo, hindi nyo pa rin mapapantayan ang ganda ko," pagmamalaki ni Uranna, "dyan lang kayong lahat, tignan nyo kung paano ko siya mapapaikot sa alindog ko!"

Nilapitan ni Uranna si Prinsipe habang nanonood ang mga mabababang kalapati.

"Mahal na Prinsipe, baka gusto mo ng panandaliang aliw,"alok niya, umupo siya sa harapan ni Rigo, "kaya kong tanggihan ang lahat ng lalaki dito para sa'yo."

Ningitian kunwari ni Rigo an gurang na kalapati, nang lumingon si Uranna sa kanyang mga kasamahan, masuka-suka na ang mukha ng Prinsipe, mapapaghalataan na ayaw niya sa matandang kalapati.

"Maganda po kayo," saad ni Rigo na nagpangiti kay Uranna, " kaya lang gusto ko kasi yung mas sariwa pa."

"Bakit sariwa pa naman ako," pagmamalaki ni Uranna.

"Sa susunod na lang siguro," pagtanggi ni Rigo

"Maghihintay ako, kahit anong oras, Prinsipe Rigo," saad ni Uranna, pagkatalikod niya sa Prinsipe, napairap ang matandang kalapati sa pagtanggi nito sa kanya, napahiya siya sa kanyang mga kasamahan.

"Anong nangyari?" tanong nila.

"Kala ko ba mapapaikot mo siya?"

"Masyadong mababa ang alok sa akin, tinanggihan ko," katwiran ni Uranna para hindi siya mapahiya, "baratin ba naman ako, naturingang Prinsipe!"

Sa kanyang kinauupuan, nagmamasid-masid si Rigo sa paligid, naghahanap ng babaeng mabibingwit. Napalingon siya sa kanyang harapan at namataan niya ang isang nakakahalinang dalagita. Walang iba kundi si Saraphina, na may kahalikang lalaki sa mesa ilang hakabang lang sa kanya. Tinitigan ni Rigo ang dalagita mula sa maganda nitong mukha, bilugang suso hanggang sa namimintog nitong biyas. Hindi maalis ang tingin ng Prinsipe sa kanya at maya-maya napalingon sa kanya si Pinang, binigyan niya ng mapang-akit na kindat ang Prinsipe bago niya hagkan ang lalaking inaaliw niya.

Sa kabilang sulok naman, isang lalaking nababalutan ng balabal sa ulo ang nakabantay kay Prinsipe Rigo. Si Prinsipe Rionne, na nag-iisa sa kanyang mesa, ang tanging dahilan lamang kung bakit siya pumunta rito ay upang bantayan ang pasaway niyang pamangkin.

Napansin siya ng isang dalagita, "kailangan nyo ba ng panandaliang saya, gwapong ginoo?"

"Salamat na lang," saad ni Prinsipe Rionne.

"Sigurado ka ba?" Mapang-akit na tanong ng dalagita. "Mababa ang presyo namin ngayon, hindi ka magsisisisi kung ikakama mo ko."

"Hindi talaga," dineretso na ni Rionne ang dalagita, "isang bote na lang alak."

Dismayadong umalis ang babae, ipinagpatuloy ni Rionne ang pagmamasid sa pamangkin.

"Nakatutok lang ang mga mata ko sa'yo, Rigo," saad niya sa kanyang sarili. "Kung totoo ang sinasabi nila tungkol sa'yo, kailangan kitang protektahan laban sa iyong sarili."

-Pandayan, Ilang oras ang makalipas-

Mabilis na lumipas ang mga oras at nanatiling naghihintay si Saraphine kay Aric habang si Eron naman ay natapos na ang huling tarak na pinapanday niya. Malapit ng mag-ika-anim ng gabi, papasara na ang Pandayan ngunit wala pa rin ang hinihintay niyang kababata.

"Saraphine, pasensya ka na pero magsasara na kasi ako ng Pandayan," nahihiyang saad ni Eron, "hanggang hapon lang talaga kasi kami. Pasensya na rin at hindi kayo nagkita ni Aric."

"Wala yun," paninigurado ng dalagita, kahit na sa loob-loob niya ay dismayado na siya. "Ayos lang, pwede naman akong bumalik sa ibang araw."

"Sige, marami kasi talagang inaasikaso ngayon si Aric, mga bagay na ginagawa niya para matupad ang matagal na niyang inaasam at pinapangarap. Ayos ka lang ba talaga? Gusto mo bang hatid na kita sa inyo, pagabi na at maraming loko sa daan."

"Salamat sa malasakit, Eron," saad ni Saraphine, "malapit lang naman ang bahay ko dito."

"Sige, ingat ka," tugon ni Eron bago niya tuluyang isara ang establishamento.

Pangarap? Tanda ko ng mga bata pa kami, walang ibang pinapangarap si Aric kundi ang maging isang Kawal gaya ni Kapitan Sarito, ito kaya ang pangarap na tinutukoy ni Eron?

Naglakad papaalis ng pandayan si Saraphine, handa ng umuwi, nang magkasalubong sila ni Aric sa may daanan. Mayroon siyang dalang espada, mga iskrol at mga mapa.

"Aric," pagtawag niya.

"Saraphine," sagot sa kanya ng binatilyo.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro