Kabanata 2: Graison
-Artemias-
"Aurello," nangininig ang tinig ng naghihikahos na matanda. Umalingawngaw ito sa pandinig ni Duke Aurello na labis niyang ikinagimbal.
"Sino yan?" tanong ng Duke habang umiikot ang paningin sa apat na sulok ng kanyang bulwagan.
"Ako to, anak," malapit lamang ang pinagmumulan ng kanyang mga daing.
Nakilala ni Aurello kung sino ang nagmamay-ari ng tinig. Hindi siya maaaring magkamali.
"Ama?" Nangingilid ang luha sa kanyang mga mata.
"Anak!"
Napalingon si Aurello sa may sulok kung saan ang lahat ay balot ng dilim. Nasilayan niyang nakatayo ang Amang si Duke Aragon, ilang hakbang mula sa kadiliman. Halos lumuwa ang mga mata ni Aurello, hindi makapaniwala na muli niyang makikita ang Ama.
Nilapitan niya ito ng dahan-dahan, nakatuon lamang sa kanya ang paningin, walang pinagbago ang anyo ni Aragon mula nang huli siyang makita ng anak.
"Ama, nagbalik ka," napangiti ang Duke nang may kagalakan. "Buhay ka!"
"Hindi, anak," maririnig sa tono ni Aragon ang hinagpis at pasakit. "Hindi."
Nagsimulang lumuha ang matandang Duke, ngunit ang luhang lumalabas sa kanya ay malalapot na dugo. Tumayo ang balahibo ni Aurello. Napaurong siya ng ilang hakbang mula sa Ama.
"Si Fierro, anak!" Ito ang paulit-ulit na sinasambit ni Aragon. "Si Fierro! Ipaghiganti mo ko, Aurello! Ipaghiganti mo ko!"
Narindi si Aurello sa dumagundong na sigaw ng namayapang Ama.
"Ama!" Hiyaw ni Duke Aurello, napagtanto niyang isang masamang panaginip lang ang lahat, nakatulog pala siya sa kanyang pwesto sa may bulwagan. Nagmasid siya sa paligid at wala na roon ang kanyang Ama.
"Hayop ka, Fierro!" nanginginig ang mga labi ng Duke sa pagkamuhi.
***
Ipinatawag ng Duke ang Kapitan ng mga Kawal na si Roqil para sa isang pribadong pagpupulong.
"Ano pong nangyari, Mahal na Duke?"
"Nakita ko siya," tugon ni Aurello. "Nakita ko siya sa isang panaginip!"
"Sino po?"
"Si Ama." paglalahad niya. "Lumuluha siya ng dugo! Humihingi siya ng hustisya sa akin! Wala siyang ibang binabanggit kundi ang pangalang Fierro."
Napailing ang Duke sa kanyang kinauupuan.
"Naniniwala pa rin kayo na may kinalaman ang Mataas na Emperador sa pagkawala ng inyong Ama?" tanong ni Roqil.
"Walang duda, Roqil," walang bahid ng pag-aalinlangan si Aurello. "Siya ang pumatay sa Ama ko! Si Ama na mismo ang nagsabi. Kailangang makahanap ako ng patunay!"
"May balita na po ba mula sa mata nyo sa Palasyo?"
"Wala pa, masyadong maingat si Fierro. Hindi siya mahuhuli sa kanyang mga salita."
"Tingin ko nakakahalata na ang Emperador sa ating mga plano," palagay ni Roqil. "Kailangang maging mas maingat ang inyong mata."
"Sinabihan ko na rin siya," Pagpapaalam ng Duke. "Sa ngayon inutusan ko muna siyang maghalughog sa bawat sulok ng Palasyo at humanap ng ikasisira ni Fierro. Naniniwala akong ibinenta niya ang kaluluwa niya sa Itim na Diyos. Kailangang mapatunayan natin sa lahat na siya ang pumatay sa Ama ko at isa siyang alagad ng kadiliman! Wala akong pakialam kung magkaroon pa ng digmaan sa pagitan namin! Gagawin ko ang lahat para makamtan ang hustisya para sa aking Ama at makitang bumagsak sa kawalan ang Mataas na Emperador."
"Mapapagtagumpuyan po natin iyan, Duke Aurello," saad ni Roqil.
"Salamat," saad ng Duke. "Roqil, ikaw lang ang sinabihan ko ng aking mga plano, dahil may tiwala ako sa'yo. Kahit ang mga Tagapayo ko ay walang alam ukol dito, nakikita kong tatalikuran nila akong lahat sa oras ng kagipitan at sa huli kakampi rin sila kay Fierro."
"Hindi ko po kayo tatalikuran," paninindigan ng Kapitan. "Suportado ako sa inyo hanggang sa huli. Nawa ay hindi pumapalpak ang ating mata sa kanyang misyon."
"Sana nga."
Desidido talaga ang Duke na mapabagsak ang Emperador.
-Palasyo-
Sumapit ang ika-siyam ng gabi sa Sentralisadong Imperyo at ang lahat ng mga trabahador ay abala na sa pagbalik sa kanilang mga silid-tulugan, kasama na rito si Cymon na muntikan ng makatunggali ni Graison sa pangangabayo at ang Ama niyang si Mang Celso na naninilbihan bilang Tagalinis sa Palasyo. Hindi pa rin nakakalimutan ni Cymon ang ginawang pag-atras ni Graison at hanggang ngayon ay pinagmamalaki pa rin niya ang sarili sa ama.
"Nakita nyo ba ang nangyari kanina sa palakasan?" tanong ni Cymon sa kanyang ama. "Mismong si Prinsipe Graison bumahag ang buntot sa akin, hindi niya ko nakayanang labanan! Wala talaga siyang binatbat."
"Huwag kang maingay, anak baka may makarinig sa'yo," sinaway ni Mang Celso ang anak. May makarinig lang sa ganitong usapan, maaari na nila itong ikapahamak.
"Pag naging kawal na ko, Itay, mas lalong mawawala sa kalingkingan ko ang Prinsipe." Ipinagpatuloy ng binatilyo ang pagmamalaki sa kanyang sarili.
"Sige na, matulog ka na, anak," para bang walang pakialam si Mang Celso sa mga sinabi ng anak, tila may iba itong inaalala.
Nang makatulog na si Cymon, may kinuha siya mula sa ilalim ng kanyang higaan, inirolyo niya ang isang papel, naglalaman ito ng mapa ng Palasyo mula pinakababa hanggang pinakataas na baitang. Nilalagyan niya ng ekis ang bawat palapag na napuntahan na niya.
"Saan kaya ako susunod na maghahanap?"
Napansin niyang wala pang marka ang pinakaibabang baitang sa may sulok malapit sa bilangguan kung saan bibihira lang ang nakakapunta, sinasabi ng ilan na tanging ang Emperador lamang ang maaaring pumunta rito at mahigpit niyang ipinagbabawal ang sinuman.
"Dito," Nakaisip na ang mga mata ni Aurello kung saan ang susunod niyang pupuntiryahin.
***
Pasikat pa lamang ang Haring Araw, magkakapatong na ang mga librong may kakapalan sa kanyang kama, taimtim na nagbabasa si Prinsipe Graison ng mga aklat na nagpapaliwanag ng mga panaginip, alalala at isipin ng isang tao. Nagugulumihanan pa rin ang batang Prinsipe sa nangyari sa kanya noong nakaraang araw.
Ano ba talaga ang nangyari sakin kahapon? Bakit may mga bagay at mga tao akong nagugunita, pero magulo sa akin ang lahat.
Kahit anong basa niya sa mga libro, hindi niya makuha ang sagot na kanyang hinahanap, inilagay na lang niya sa estante ang mga libro at siya ay nagpakawala ng mahabang bugtong-huminga pagkahiga niya ng kanyang kama at ipinahinga ang pagod niyang kaisipan.
Ilang minuto lamang nakarinig siya ng pagkatok mula sa kanyang silid. Bumangon ang Prinsipe sa kanyang higaan at binuksan ang pinto. Sa kabilang banda, nakatayo si Aling Doray na isa sa mga naninilbihan sa Palasyo, nasa pitumpu na ang edad ng kasambahay at may kanipisan na ang anit niyang may mapuputing buhok, hawak-hawak nito ang isang bagay na balot ng tela.
"Aling Doray, kayo po pala," pagbati ni Graison, bahagya siyang napatingin sa hawak nito. Hawak niya ang ang isang malapad na bagay na nababalutan ng tela. "May kailangan po kayo?"
"Wala naman, may nais lang akong ibigay sa'yo, kung iyong mamarapatin," malumanay na sagot ng babae. "Isang regalo, Mahal na Prinsipe,"
"Talaga po," napangiti si Graison , "nakakahiya naman po sa inyo at nag-abala pa kayo."
"Wala yun, Prinsipe Graison, handog ko talaga ito para sa'yo."
Tinulungan ng Prinsipe ang matanda sa pagbubuhat sa kanyang regalo, hugis parihaba ito gaya ng mga pisarang ginagamit niya sa pagpipinta.
"Buksan mo na, naghihintay na siya," pang-eenganyo ni Aling Doray.
Sinunod ni Graison ang kanyang payo at agaran niyang inalis ang balot, pagkaalis niya sa tela, bumungad sa Prinsipe ang sarili niyang imahe. Ang regalo ay isang parihabang yelo na animo'y isang salamin. Naglalabas ng usok ang yelo at kumapit sa balat niya ang taglay nitong lamig, kinapa niya ito gamit ang kanyang daliri, wala itong kasing lamig pero hindi rin ito basa at natatanaw. Hindi mapawi ang tingin ng Prinsipe sa pagkamangha.
"Aling Doray, ano po ito?" namamanghang tanong ni Graison. "Salamin? Yelo?"
"Iyan ang Mahiwagang Pisara ng Yelo," paglalahad ni Doray.
"Pisara? Gaya ng mga pinagpipintahan ko?" tanong ni Graison.
"Tama, Prinsipe Graison, pero hindi ito pangkaraniwang pisara, ito ay gawa sa purong yelong kailanman ay hindi natutunaw."
Muli itong hinawakan ng Prinsipe at hindi man lang nabasa ang kanyang daliri.
"Kamangha-mangha," saad ni Graison.
"Oo, kamangha-mangha," pag-uulit ni Doray, "bakit hindi mo subukan, kunin mo ang iyong brotsa at magpinta ka.."
Kinuha ni Graison ang kanyang brotsa at isinawsaw ito isa mga tinimpla niyang pampinta, itinatapat niya ito sa yelong pisara. Natigilan ang Prinsipe na tila nag-aalinlangan.
"Sigurado po ba kayong kayang kapitan ng pinta ang yelo?"
"Oo naman, kamahalan, huwag kang mag-aalala," may kumpiyansa sa tinig ng matanda, inaantabayan ang kilos ng Prinsipe.
Sinimulan ng ilapat ni Graison ang kanyang brotsa sa pisara at gaya ng sinabi ni Aling Doray, kumapit nga ang pinta na ikinatuwa ng Prinsipe.
"Ang pinaka-kahanga-hanga nitong katangian ay ang nagagawa nito sa iyong mga pinta. Sa pamamagitan ng pisarang ito, mabibigyang-buhay ang iyong mga pinta, gagalaw ang lahat ng larawang iyong ginuhit at malilibang ka sa mga imaheng makikita mo. Sa oras na magpinta ka, hindi mo na nanaisin pang gumihit sa ibang pisara."
"Imposible!" sambit ni Graison. "paano ito nangyari?"
"Dahil sa mahika," pagbubunyag ng matanda, "yari sa purong mahika ang yelong pisara, mahikang namana at natutunan ko pa sa aking mga ninuno at ngayon ay nais kong ibahagi sa'yo. Mahal na Prinsipe."
"Bakit sa akin?" ipinagtaka ng Prinsipe.
"Dahil sa'yo ito nararapat."
Bumalik sa alaala ni Graison ang imaheng nakita niya kahapon at ang mga naipinta niya, dahil dito nagdadalawang isip ang Prinsipe kung tatanggapin ba niya o hindi ang handog ni Doray.
"Maganda at kamangha-mangha po ang Mahiwagang Pisara pero hindi ko po sigurado kung magugustuhan ko ang mga imaheng makikita ko, nanggagaling sa isipan ko ang lahat ng ipinipinta ko at madalas at naguguluhan ako sa mga ito. Natatakot ako at kinakabahan sa mga bagay na maaari kong makita."
"Iyan nga ang dahilan kung bakit ikaw ang napili kong bigyan ng napakagandang handog na ito, nakikita kong espesyal ka, Prinsipe Graison, malawak ang iyong imahinasyon at mayroon kang kakaibang kakayahan, ang kakayahang masilayan ang mga bagay na naganap, nagaganap at magaganap pa lamang. kahit ang pinakamahusay na manghuhula ay walang iuubra sa mga kaya mong makita."
Tumatak sa isipan ni Graison ang ipinahayag ng matanda. Sa lahat ng nabanggit nya, dito siya lubos na nagimbal. Halos hindi niya matiyak kung totoo ba o hindi ang lahat ng lumalabas sa bibig ni Doray.
Ako may kakaibang kakayahan? Ito ba ang dahilan kung bakit maraming bagay ang naglalaro sa isipan ko.
"Talaga po?" tanong ni Graison. "Paano nyo nalaman?"
"Mahika," sagot ni Doray. "Nararamdaman ng mahika ang kapangyarihang nananalaytay sa'yo. Ikaw lamang pinagkalooban ng ganitong regalo. Ayaw mo bang matutunan kung paano mo ito magagamit? Ayaw mo bang gamitin ang pisara bilang instrumento? Ayaw mo bang maging makapangyarihan sa mata ng iyong Ama?"
Nakuha ni Doray ang atensyon ni Graison nang banggitin nito ang kanyang Ama.
"Alam ito ni Ama?" pag-usisa ni Graison.
"Oo, ako mismo ang nagpaalam sa Mataas na Emperador, tatanggapin mo na ba?" Inaabangan na ni Doray ang kanyang pasya.
"Hindi po ako mapapahamak sa hiwagang taglay ng pisara?" may pangangatog sa boses ni Graison, mahahalata ang takot sa kanya, "maipapangako nyo ba na walang mangyayaring masama sa akin sa oras na gamitin ko na ang sinabi nyong kapangyarihan?"
"Oo naman, handa akong itaya ang aking buhay," pangako ni Doray habang nakadiretso ang tingin sa kanya, mata sa mata.
Nagsimulang magkagulo ang mga tinig sa isipan ni Graison, natatakot siyang tanggapin ang regalo ngunit sa isang banda, naaakit din siyang tuklasin pa ang tungkol sa kakayahan niya na maaaring magpabago sa pagtingin ni Fierro sa kanya.
"Sige, tinatanggap ko ang regalong ito," buong loob niyang sinabi.
"Mabuti naman," umabot sa tenga ang ngiti ng Matanda sa kanyang desisyon.
"Isang tanong lang po, paano kung gusto ko ng magpinta ng iba, mabubura ba ang aking pinta?"
"Punasan mo lang ito ng basang tela at ito ay mabubura na. Bibigyan lang kita ng babala, Mahal na Prinsipe. Maraming pagbabago ang mangyayari sa'yong buhay sa oras na ginamit mo ang iyong kapangyarihan ngunit ang lahat ng ito ay makakabuti sa'yo."
Sana nga, sana nga tama ang naging desisyon ko.
***
Pagkaalis ni Doray sa silid ni Graison, nagtungo ang matanda sa pinakailalim ng Palasyo, ang lugar na wala ng nakakaalam kundi ang Panginoon ng Apoy at ang kanyang tagasunod. Nag-aabang na si Fierro sa kanyang pagdating.
"Nagawa mo na ba?" tanong niya kay Aling Doray.
Nag-iba ang anyo ng babae at siya ay bumalik sa pagiging si Tandang Ora.
"Tapos na, Panginoon ko," saad ng mangkukulam. "Manghang-mangha ang Prinsipe sa mahika ng pisara, wala siyang kaalam-alam na nilanlang natin siya. Sa pamamagitan ng pisarang yan, malalaman natin ang lahat ng nasa isip niya, mga bagay na makakatulong sa ating mga plano."
"Nasaan si Aling Doray?" tanong ni Fierro.
Lumingon ang mangkukulam malapit sa kadiliman at namataan ni Fierro ang duguang braso ni Aling Doray, nakukubli ng dilim ang kanyang mga labi at tanging ang laslas na braso lamang niya ang maaaninag sa katiting na liwanag.
"Ngayon, ang gagawin na lang natin ay maghintay kung ano ang ipipinta ng Mahal na Prinsipe," nag-aabang na si Tandang Ora mula sa kanyang bolang krystal, dito nila makikita ang lahat ng ipipinta ni Graison. "Sigurado akong nagpipinta na siya sa mga oras na ito."
***
Totoo sa hinala ni Tandang Ora, sisimulan na nga ni Graison ang pagpipinta niya sa mahiwagang pisara.
Oras na para gamitin ko ang kakayahan ko? Pero paano?"
Hindi batid ng Prinsipe kung paano niya naaalala ang mga bagay-bagay, sapagkat bigla na lamang itong pumapasok sa isipan niya sa panahong hindi niya inaasahan. Sinusubukan niyang mag-isip habang nakapikit ang mga mata ngunit walang pumapasok na imahe o alaala, nananatili lamang blangko at madilim sa kanyang nakapikit na mata.
"Siguro, mas mabuti kung hayaan ko na lang diktahan ng kamay ko kung ano ang ipipinta ko."
Nagsimula ang kanyang pagpipinta, para matakpan ang malasalamin na linaw, gumamit siya ng mga madidilim na kulay, pagkatapos ay gumuhit siya ng maliit na parihabang pinto sa may gitna.
"Isang pintuang napapaligiran ng dilim?" ito ang idinikta ng kanyang kamay. "Bakit ito ang naipinta ko?"
Tinitigan ni Graison ang pisara, inaabangan ang paggalaw nito tulad ng ipinangako ni Aling Doray. Lumipas ang ilang minuto at hanggang ngayon, walang kagalaw-galaw ang imahe.
"Niloko lang ata niya ko."
Nagpasya nang umalis si Prinsipe Graison, sumulyap siya ulit sa pisara at napansin niyang tila lumaki ang imahe ng pintuan. Muli siyang napabalik sa kanyang pwesto at tinuon ang mga mata sa kanyang pinta, sa kanyang pagkamangha, lumalaki nga ang pinintang pintuan mula sa kadiliman na animo'y mayroong isang taong naglalakad papalapit rito.
"Totoo nga," sambit ni Graison, "gumagalaw na ang aking pinta."
Nagpaulit-ulit ang paggalaw ng kanyang pinta, sa bawat sandaling lumalapit ang imahe ng pintuan, inaalala ng Prinsipe kung saan niya nakita ang nasabing larawan. Sigurado siyang nakita na niya ito noon.
"Ang pinto? Naririto lang siya sa Palasyo," napagtanto niya, "ito ang ipinagbabawal na silid. Anong mayroon dito? Sino ang naglalakad papunta rito?"
***
Sa kanilang lungga, hawak-hawak ni Ora ang bolang krystal habang nagriritwal. Nananabik na ang Panginoon ng Apoy sa impormasyong makukuha nila.
"Anong nakikita mo?" tanong ni Fierro.
"Ito ang ipininta niya."
Tumingin sila sa bolang krystal at pinanood ang gumagalaw na imahe sa pinta ni Graison. Hindi makapaniwala ang Panginoon ng Apoy sa imaheng ipininta ng Prinsipe.
"Ito ang ipininta niya? Ang daan patungo sa silid kung saan ko..."
Nagmadaling nilisan ang Emperador ang kanilang lungga matapos mapagtanto ang maaaring kahinatnan nito.
"Bakit?" Tanong ni Ora.
"Kilala ko ang batang yan, mahilig siyang magtuklas! Pupuntahan nya ang silid na to, kailangan ko siyang pigilan!"
***
Nang mga sandaling iyon, totoo sa ipininta ni Graison, mayroong ngang isang taong naglalakad at umaaligid sa ipinagbabawal na silid. Ang mata ni Duke Aurello na si Mang Celso, pasikreto niyang napasok ang madilim na silid na walang nakakaalam at nakakakita, dito niya nagpasyang maghanap dahil nakukutuban niyang dito maraming tinatago ang Emperador kaya niya ito ipinagbabawal sa sinuman.
Narating niya ang pintuan, tumingin siya muna sa paligid at nang walang nakitang nakatingin, dahan-dahan niyang binuksan ang pinto handa ng pasukin ang silid. Nakakandado ang silid, ngunit ito ay kinalikot niya gamit ang mga alambre at matagumpay niyang nabuksan ang kandado.
Tyempo namang naglalakad si Graison sa silid nang mamataan niyang malapit na sa loob si Mang Celso.
"Mang Celso?" pagtawag ni Graison sa trabahador.
"Mahal na Prinsipe," mahahalata ang pagkabulabog sa kilos ni Mang Celso, isinara niya agad ang pinto ng silid at pasikretong inilagay sa bulsa ang kandado.
"Ano pong gagawin nyo sa Ipinagbabawal na Silid?" may pagtatakang tanong ng Prinsipe.
"Ah," Nag-isip ang trabahador ng maidadahilan, "naglilinis kasi ako nang madatnan kong nakabukas ang pinto, kaya sinara ko na. Sinara ko lang."
Napatango si Graison ngunit siya ay bahagya pa ring nagsususpetsa. Sa tingin naman ni Mang Celso, napaniwala niya ang Prinsipe sa kanyang dahilan.
"Sige po, bumalik na po kayo sa taas," atas ng Prinsipe, "hindi magugustuhan ni Ama na mayroong umaaligid sa sikreto niyang silid."
"Salamat po, Mahal na Prinsipe," pagkatalikod ni Mang Celso, sumama ang mukha niya sa pag-antala ng Prinsipe sa binabalak niyang gawin.
Pagkaalis ni Mang Celso, aalis na rin sana si Graison, kaso tila tinatawag ng Silid ang kanyang pansin at muli siyang napasulyap sa pintuan. Ito nga ang silid na pinakita ng pisara sa kanya, walang pinagkaiba ang kulay ng pinto at ang madilim na paligid. Ngayon lang siya ulit nakapunta malapit sa sikretong silid at ngayon, hindi niya mapigilan ang kanyang sarili.
Anong tinatago ni Ama sa loob at kailangan niya itong ipagbawal? Bakit sa lahat ng bagay ito ang naipinta ko?
Nilapitan niya ito at hinawakan ang bukasan.
Hindi naman siguro masama kung sisilip lang ako saglit
Wala nang nagawa si Graison para pigilan ang kanyang tukso, tuluyan na niyang binuksan ang pinto at maingat na pumasok sa misteryosong silid.
Sinara niya nang dahan-dahan ang pinto nang makapasok siya sa loob, pagkaharap niya, nasilayan na niya kung ano ang nasa loob ng silid. Naglibot-libot siya sa paligid at pinagmasdan ang bawat bagay na kanyang nakikita. Malinis naman ang silid, tulad ng pangkaraniwang ginagamit, taliwas sa kanyang inaakala. Inaasahan niyang madumi, maalikabok, puno ng sapot at malabodega ang loob nito. Ipinagtaka niya kung bakit ba ito kailangang itago ng Ama sa kanila.
Sa kanan mayroong bukas na aparador na may mga nakasabit na kasuotang pambabae, kinuha niya ang isang kulay byoleta, maihahalintulad ito sa mga bestida at kasuotan ng kanyang Ina, mababango ang mga damit at walang kasing elegante.
"Kanino to?" tanong ni Graison sa kanyang sarili.
Nang magpunta siya sa kaliwang sulok, nakita niya ang isang malaking imahe. Isang napakagandang babae ang nasa larawan, kasing-puti ng niyebe ang kanyang balat, at nakakahumaling ang pagka-asul ng kanyang mga mata. Ito ang dating Emperatris Ysavel noong kanyang kabataan. Hindi magawang alisin ni Graison ang pagtingin lalo na sa mga mata nito.
Parang nakita ko na siya?
Biglang nakaramdam ng sakit sa kanyang ulo ang Prinsipe malapit sa peklat kung saan nabagok ang kanyang ulo noon.
"Yrvin!"
Kung ano-anong pangalan ang naririnig niya sa mga taong hindi niya matandaan at kung ano-anong pangyayari na naman ang nagkakagulo sa kanyang isipan. Isang nakakangilong tunog ang rumindi sa kanyang pandinig, lumayo siya mula sa imahe, narating niya ang kabilang sulok ng silid at siya ay nabangga sa isang mahabang bagay na nababalutan ng tela. Para itong isang kabaong o puntod base sa haba at lapad nito, pwedeng magkasya ang isang tao sa loob.
Muling nadala si Graison sa kanyang pagtuklas at nais niyang tanggalin ang tela upang malaman kung ano ang nasa loob nito.
Naramdaman niyang biglang may humatak sa kanyang braso bago pa niya matanggal ang tela. Ito ay ang kanyang Ama.
"Anong ginagawa mo rito?" may panggagalaiting bulong ni Fierro
"Ama!"
Hindi inaasahan ni Graison na mahuhuli siya ng Ama sa silid.
"Mahigpit kong ipinagbabawal na puntahan ang Silid na ito!" Bahagyang lumakas ang tinig ng Emperador.
"Paumanhin, hindi ko naman po sinasadyang pumasok sa loob," tugon ni Graison. "Napapaisip lang talaga ako. Para saan ba talaga ang silid na to? Sino ang babaing yan?"
Humarap si Graison sa imahe bilang pagturo sa kanyang ama.
"Umalis ka na!" Ito lang sinambit ni Fierro sa kanya.
"Ano ang nasa loob nun?" Itinuon ulit ni Graison ang tingin sa bagay na ikinukubli ng tela.
"Wala akong kailangang ipaliwanag sa'yo! Lumabas ka na habang nakakapagtimpi pa ko sa'yo!"
"Pero, Ama, lumabas ang silid na ito sa Pinta ko."
"Sinabing lumayas ka na!" Dumagundong sa buong silid ang lakas ng sigaw ni Fierro na siyang nagpatahimik kay Graison. "Ayoko ng makikita ang pagmumukha mo dito at baka kung ano pa ang magawa ko sa'yo, Layas!"
Ipinagtabuyan niya palabas ng silid ang anak-anakan at padabog niyang isinarado ito sa kanyang mukha, Naluluhang umalis si Graison ng silid.
***
Tumakbo si Graison pabalik ng kanyang silid, nakasalubong niya ang kanyang Ina.
"Anong nangyari?" tanong ni Grasiela nang makita ang anak, "bakit ka namumutla?"
Niyakap ni Graison ang Ina, pinipigil ang pagbagsak ng kanyang mga luha.
"Ina, patawarin mo ko, hindi ko sinasadyang suwayin si Ama, ihingi nyo ko ng tawad sa kanya, ipinapangako ko. Hindi ko na po uulitin."
"Ano bang nangyari? Sabihin mo sa akin," sinamahan ni Grasiela ang anak sa silid.
***
Kinagabihan, hindi pa rin pinapatahimik si Graison ng kanyang magulong kaisipan, mula nang pasukin niya ang ipinagbabawal na silid, kung ano-ano na ang kanyang nakikita at naririnig. Mga tinig at pagkanta tulad ng ginagawa ng isang ina sa kanyang mga anak.
Ikaw ang aking mundo, ang aking buhay
Ang aking karagatan at kalangitan,
Pag-ibig ko sa'yo ay hindi pagkakaitan
Tumatagos ito sa Prinsipe, pero sa paraang nagbibigay ng kapanatagan sa kanyang kaluluwa.
"Gry, dinalhan kita ng gatas," naantala ang himig sa pagpasok ng kanyang ina.
"Hindi ka pa rin ba nakakatulog?" tanong ni Grasiela.
Umiling si Graison.
"Anak, huwag mo ng isipin ang nangyari kanina, nadala lang siguro ang Ama mo, kakausapin ko siya tungkol dito."
Inilapag niya ang tasa ng gatas malapit sa may lampara.
"Ina, may panahon ba sa buhay ko na pinakitaan ako ng pagmamahal ni Ama?" saad niya, "parang wala akong maalala, ang alam ko lang palagi siyang galit at malayo sa akin."
"Isa sa mga araw na ito anak, nararamdaman ko, babawi ang iyong Ama, tandaan mo lang palagi na mahal ka niya."
"Hindi lang mawala sa isip ko yung nakita ko sa ipinagbabawal na silid," pagbabahagi ni Graison, "mayroong mga damit at imahe ng isang napakagandang babae, para siyang isang Dyosa. Ina, may iba bang minahal na babae si Ama bukod sa inyo?"
"Wala," pagtanggi ni Grasiela, "iniisip mo bang ito ang babaing nakita mo roon?"
"Parang napakahalaga ng babaeng yun at ng silid na yun sa kanya."
"Baka naman imahe lang yun ng kanyang Ina, ng iyong Lola Artura. Alam mo namang maagang naulila ang iyong Ama."
"Sigurado po ba kayo na tapat si Ama?" pagdududang tanong ni Graison
"Sigurado ako sa isang bagay, hindi ako pinagtataksilan ng iyong ama," pinanindigan ni Grasiela sa kanya, "Ako lang ang mahal niya at wala ng iba. Inumin mo na ito at matulog ka na."
Dahan-dahang lumagok ang Prinsipe hanggang sa maubos niya ang gatas.
"Ina, bukod dito may isa pang bumabagabag sa akin."
"Ano yun?"
"Mula ng pumasok ako sa silid na yun, may naririnig akong kumakanta sa isipan ko. Parang hele ng isang babae sa kanyang mga anak, napakaganda ng kanyang tinig at tuwing naririnig ko ito, para bang nagkakaroon ng kapayapaan sa kalooban ko, hindi ko maipaliwanag."
Nabahala si Grasiela sa inilahad ng anak-anakan, gayunpaman hindi niya ito pinahalata.
"Siguro, nagpapaprinig ka lang sa akin," iniba niya ang takbo ng usapan. "gusto mo lang magpahele sa akin."
Kiniliti niya si Graison at kahit papaano ay muling nanumbalik ang ngiti sa mukha ng anak.
"Humiga ka sa kanlungan ko at ihehele kita, anak."
"Ina, matanda na ko masyado para ihele mo," namumula sa hiya ang binatilyo.
"Kahit gaano ka pa katanda, ihehele pa rin kita, ikaw pa rin ang munti kong anak." Labing-pitong taon na si Graison ngunit sa mga mata ni Grasiela, siya pa rin ang musmos na kinupkop niya noon.
Ihiniga niya si Graison sa kanyang kanlungan at hinaplos ang may kakulatan nitong buhok at nagsimulang awitin ang kanyang hele.
"Oh munting anak, matulog ka na sa kanlungan ni Ina,
Ipikit ang mga mata hanggang umaga."
Nang matapos ang hele nakatulog ang Prinsipe, lumabas si Grasiela at pinagmasdan ang Prinsipe habang natutulog, inaakalang wala na ang kanyang Ina, idinilat ni Graison ang kanyang mga mata, hindi na gumagana sa kanya ang mga hele ni Grasiela.
Nararamdaman ng Emperatris na na unti-unti ng bumabalik ang alaala ng Prinsipe at unti-unti na ring lumalayo ang loob ng kanyang anak-anakan, lalo pa ngayon at sa tingin niya nalalapit na nitong maalala ang kanyang tunay na Ina. Hindi man kilala ni Grasiela kung sino ang Ina ni Graison, hindi pa rin nawawala ang takot na isang araw, mawawalan na siya ng puwang sa puso ng bata sa oras na makilala at mahanap nito ang tunay niyang ina. Ayaw man niyang dumating ang araw na iyon, batid nyang hindi niya ito mapipigilan.
Nanumbalik sa pandinig ng Prinsipe ang himig na kanyang nagugunita.
Araw man o gabi,
Ako'y palaging nasa iyong tabi
Dahil ikaw ang aking mundo, ang aking buhay.
Ito ang tanging heleng nakapagpatulog sa kanya.
***
Pagkapasok ni Grasiela sa kanilang silid, kinompronta niya ang Emperador.
"Nalaman ko ang nangyari kanina sa inyo ni Graison."
Sinagot ni Fierro nang may pag-uuyam na ngiti ang kabiyak.
"Nagsumbong na pala siya sa'yo, humahagulgol na naman siya siguro na parang isang sanggol. Alam mo ba ang ginawa niya? Nilabag nya ang isa sa pinakamahigpit kong utos at pumunta siya sa kwartong ipinagbabawal ko!"
"Nagkamali siya at pinagsisisihan nya yun," pagpapatuloy ni Grasiela, "hindi mo siya dapat sinigawan."
"Wala akong pakialam sa nararamdaman niya," saad ng Emperador.
Kahit sinong makarinig kay Fiero masasabing seryoso siya sa mga salitang binitiwan.
"Ganyan mo lang ba tatratuhin ang anak mo?"
Napakagat sa labi ang Emperador sa panggigigil.
"Ilang beses ko bang uulitin sa'yo, Grasiela, hindi ko anak ang batang yan!"
Hindi maiwasang mapikon si Fierro tuwing ipagpipilitan ito ng kabiyak sa kanya.
"Fierro, ang gusto ko lang naman ay magkausundo kayo ni Graison nang sa ganoon ay maayos ang pamilya natin."
"Pamilya?" halos matawa-tawa si Fierro. "Sa publiko lang tayo mukhang isang pamilya. Asawa lang kita, at sa isang utos ko lang, maaaring magbago yun, at ang batang iyan, inampon mo lang rin naman yan, alam kong hindi ikaw ang tunay nyang ina. Napulot mo lang siya at dinala dito sa aking Palasyo."
"Hindi mo ba talaga kayang mahalin si Graison?"
"Sinubukan ko naman, pero mabigat talaga ang loob ko sa kanya," pagbununyag niya.
"Naaawa ako sa bata, uhaw na uhaw siya sa pagmamahal ng isang Ama. Hindi niya maunawaan kung bakit ganito na lang kalamig ang pakikitungo mo sa kanya. Mahal na mahal ka niya, wala siyang ibang tinitingala at hinahangaan kundi ikaw. Wala siyang ibang ninanais kundi ang pagtanggap mo sa kanya bilang anak at Tagapagmana."
"Ayoko ng pag-usapan ito, Grasiela. Kung alam ko na sa ganito lang pala hahantong ang lahat, na wala akong maiiwanang tunay na tagapagmana, hindi na sana kita-"
"Ano? Hindi mo na sana ako pinakasalan?" naluluhang tinapos ni Grasiela. "Iyan ba ang sasabihin mo?"
Hindi siya nagawang sagutin ng Emperador.
"Akala mo ba hindi ako nahihirapan, kung alam mo lang. Araw-araw ko itong dinadala sa aking isipan Bakit hindi kita mabigyan ng mga Prinsipe at Prinsesa? Bakit kahit anong gawin ko, hindi kita mapasaya?"
"Anong sinasabi mo?" Naiiritang inusisa ni Fierro.
"Alam kong hanggang ngayon siya ang laman ng puso mo," paglalahad ni Grasiela. "Siya ang pinupuntahan mo sa silid na yun, doon nakatago ang mga alaala at imahe niya."
Narinig na niya dati na minsang umibig si Fierro sa dating Emperatris na si Ysavel, nais man niyang kumuha ng impormasyon tungkol sa unang pag-ibig ng Emperador, minabuti niyang hindi na lamang niya kilalanin ang babae, sapagkat ayaw niyang ikumpara ang sarili niya dito, ayaw rin niyang malaman kung ano ang wala siya na mayroon kay Ysavel. Lumipas ang mga taon, unti-unti na niyang nababatid hindi na rin siya sapat para sa Emperador dahil mayroon itong ibang iniirog.
"Tama ka," kimumpirma ni Fierro ang hinala niya, "kaya ko nga pinananatiling sikreto ang silid dahil ayokong masaktan ka, pero nariyan ang magaling mong anak at sinabi niya sa'yo."
"Fierro, panakip-butas lang ba talaga ako?"
Nagsimulang tumulo ang mapapait na luha ni Grasiela. Nanahimik si Fierro sa pag-iyak ng Emperatris, umiisip ng angkop na sagot.
"Mahal kita Grasiela, pero hindi nito mapapantayan ang pagmamahal ko sa kanya," sagot ni Fierro. "Siguro kung iba lang sana ang naging kapalaran natin bilang mag-asawa, kung nagkaroon lang sana tayo ng mga anak, baka nakalimutan ko na ang babaing tinutukoy mo."
"Sana hindi na lang ako naging baog," Pagpapatuloy ni Grasiela. "Sana nabigyan kita ng Tagapagmana, sana isa ka ng Ama ngayon, wala akong ibang hinihiling pa. Kung talagang gusto mong maging isang Ama, bakit hindi mo magawa kay Graison? Subukan mong magpaka-Ama sa isang batang ulila. Kahit hindi bukal sa kalooban mo, sana ipakita mo na kahit papaano ay may katiting na malasakit ka sa kanya. Yun lang, malaking bagay na sa kanya. Mayroon kang asawa, anak, pamilya, hindi mo lang sila nakikita dahil binubulag ka ng nakaraan."
Naluluhang tinalikuran ni Grasiela ang Emperador, sinubukang kalimutan ni Fierro ang sinabi ng asawa ngunit hindi niya ito mawaglit sa kanyang isip.
***
Nanumbalik ang kamalayan ni Graison sa kalagitnaan ng gabi, nakaharap malapit sa kanya ang Mahiwagang Pisara ng Yelo. Sumama ang kanyang aura nang makita ang Pisara. Binalutan niya ito ng tela at ikinubli sa ilalim ng kanyang higaan.
Matunaw ka na lang sana at maglaho! Akala ko matutulungan mo ko pero napahamak lang ako. Nang dahil sa'yo lalong nagalit sa akin si Ama. Hindi na kita gagamitin pa kahit kailan, at ayoko na ring maging makapangyarihan, gusto ko lang ay katahimikan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro