Kabanata 2: Covel
-Lupain ng Nievah-
Mula ng lisanin ni Ermin ang Kabundukan ng Nievah, naging palaisipan kay Covel ang biglaang pag-alis ng Ama patungo sa Lupain ng Gremon. Nagtungo siya sa itaas ng kabundukan, taimtim sa kanyang pag-iisip. Bandang ikapito ng umaga bumaba siya sa kabundukan at bumalik sa kanilang kabayanan. Nasilayan niyang papalabas na ng kanilang tolda si Lynda at Eryn.
Sumalubong si Masugid sa kanya at ito ay hinimas niya sa ulo habang patuloy ang pagdila sa kanya ng alaga.
"Nay, nandito na si Kuya Colev," maligayang tinuro ni Eryn sa Ina ang kapatid.
"Eryn, gising na kayo, mukhang abala kayo ni Inay," saad ni Covel.
"Opo, Kuya maglalaba kami ni Inay ng mga mabalahibo nating damit doon sa sapa," paliwanag ni Eryn.
"Buti naman nandito ka na, at may magbabantay na kay Itoi," saad ni Lynda, "marami kaming gagawin ni Eryn, ikaw muna ang bahala sa kapatid mo habang wala ang Ama mo."
"Sige po, Nay, pero may gusto po sana akong itanong," diniretso na ni Covel ang ina, "Ano po ba talagang gagawin ni Ama sa Gremon?"
Natigilan si Lynda sa pagtatanong ni Covel at nagkunwari siyang abala sa paghahakot ng kanilang mga kasuotang lalabhan nila ni Eryn.
"Magtitinda siya ng mga salmon, di ba nya sinabi sa'yo?"
"Yan rin ang sinabi niya sa akin bago siya umalis, pero nakukutuban kong may iba siyang sadya sa Lupaing yun. Baka may sinabi siya sa inyo, kung ano talaga ang pakay niya. Para kasing may ikinukubli siya, nakikita ko sa mga mata niyang may bumabagabag sa kanya."
"Colev, magtitinda lang talaga siya," paninindigan ni Lynda, "walang inililihim sakin ang ama mo."
"Pasensya na po," tugon ni Covel, "iniisip ko lang po si Ama, baka mapahamak siya. Napakadelikado pa naman ng pupuntahan niyang lugar."
"Masyado ka lang nag-aalala, anak," sagot ni Lynda, "kilala nating lahat ang Tatay Ermin mo, hindi niya ilalagay ang sarili niya sa panganib. Sige na at marami pa kaming gagawin, alagaan mo si Itoi."
Nagtungo si Lynda at Eryn sa sapa upang maglaba, hindi naman ito kalayuan sa kabayanan. Naiiwang napapaisip si Covel sa kanilang munting tolda.
Noong una si Itay lang, ngayon pati si Inay pakiramdam ko may tinatago na rin sa akin. Ang titipid ng mga sagot nila tuwing nagtatanong ako, kailangan kong malaman kung ano ang tinatago nyo sakin.
***
Nang magising si Itoi, maligalig niyang kinuha ang kanyang mga laruang yari sa kahoy at siya ay masayang naglaro. Si Covel naman ay nananatiling nag-iisip sa may sulok habang tinatantsa ang talim ng kanyang sibat.
"Magtago ka na kalaban, nandito na si Itay para talunin ka!" saad ni Itoi habang nilalaro ang kanyang mga laruan.
"Ako si Ermin, tatalunin kita," kunwari ang ama niyang si Ermin ang taong kahoy na umaatake sa isa pa niyang laruan.
Napangiti si Covel sa paglalaro ng kapatid. "Si Itay talaga ang bayani sa mga laro mo."
"Opo Kulev," saad ni Itoi, "lalo ngayon makikipaglaban Itay sa mga kalaban."
Nagulumihanan ang binata sinabi ng kapatid, "anong sabi mo? Si Itay makikipagalaban, saan mo naman narinig yan?"
"Sa kanila ni Inay," ibinunyag ni Itoi, "usap sila kahapon, rinig ni Itoi. Sabi Inay makikipaglaban daw Itay, nagalit pa nga siya."
Tila nagtagpo-tagpo na ang mga pirasong hinahanap ni Covel. Lumilinaw na sa kanya ang lahat. Napagtanto niyang malamang ito ang lihim na ayaw ipagsabi sa kanya mg mga magulang niya.
Si Itay makikipaglaban? Bakit at kanino?
Dahil sa pag-aalala, napagpasyahan ni Covel na sundan ang Ama sa Lupain ng Gremon, naghakot siya ng mga gamit at pagkain, pati na rin ang kanyang sibat.
"Itoi, dito ka lang muna hanggang di pa bumabalik sina Inay," paalala niya sa bunsong kapatid.
"Alis Kulev? Saan ka punta?" inosenteng tanong ni Itoi.
"Basta babalik rin agad si Kulev," sagot ni Covel.
"Sama Itoi."
"Hindi pwede, dito ka na lang muna," pagtanggi niya.
Nayamot ang bata sa pagtanggi ng kanyang kuya.
"Dito ka na lang muna, sige ka pag lumabas ka, di ka na sasama ni Kulev mangisda."
"Sige na nga," saad ni Itoi na napipilitan lamang, sa wakas ay nagawa na niyang pasunurin ang kapatid.
"Dyan ka lang, pauwi na rin si Inay at Eryn."
Nilisan ni Covel ang tolda, hindi niya namalayang pasikretong sumunod sa kanya ang nakababatang kapatid.
***
Binisita ni Covel ang isa sa mga Itmai na tumuloy sa kabundukan upang magtanong ng direksyon.
"Noong ihinatid kayo dito ng kapatiran mula Gremon saan kayo dumaan?"
"May alam silang sikretong daluyan sa ilalim ng lupa, doon kami dumaan, pag-akyat namin, malapit na kami sa ilog na nagdudugtong sa Bayan ng Uz at Nievah," sagot ng Itmai.
"Maaari ko bang malaman kung saan ang daluyan?" Pagpapaalam ni Covel.
"Naku, pasensya na, hindi ko maaaring sabihin kahit kanino, mahigpit itong bilin sa samin ng kapatiran, iniligtas nila kami noon, ito lang ang maitutulong namin sa kanila, ang manatiling sikreto ang daluyan."
"Naiintidihan ko," saad ni Covel, "maraming salamat."
"Walang anuman," sagot ng Itmai.
***
Pumunta si Covel sa may ilog kung saan nakahanda na ang kanyang bangka, pati na rin ang kahon ng isda na palagi nilang dinadala ng Ama tuwing sila ay mangingisda. Nagsimulang magsagwan ang binata at naglayag patungo sa Lupain ng Gremon.
Habang nagsasagwan, napansin niya na parang may gumagalaw sa kanyang kahon ng mga isda. Unti-unti niya itong nilapitan upang siyasatin.
"Ah-choo!"
Nakarinig siya ng isang bahing. Binuksan niya ang kahon at nadiskobre niya si Itoi na nagtatago sa loob, kasama ang mga salmon.
"Itoi!" laking gulat ni Covel nang makita ang kapatid, napapalatak siya sa pamomroblema, "anong ginagawa mo rito, di ba sinabi ko sa'yo dun ka lang sa bahay?"
"Ayaw, Sasama Itoi," pagmamatigas ng bata.
"Hindi pwede, malayo ang pupuntahan ni Kulev."
"Gaano layo?" tanong ni Itoi.
"Malayong-malayo, kaya kailangang iuwi na kita habang di pa tayo nakakalayo ng ilog."
"Hindi, hindi uwi Itoi," nanatiling nagmamatigas ang kanyang kapatid.
"Huwag ka ng makulit, di ka talaga pwedeng sumama, susundan ko si Itay sa Lupain ng Gremon, delikado ang lugar na yun lalo na sa mga bata. Babalik kita kay Inay."
"Hindi pwede, pag uwi Itoi, uwi rin Kulev, nagalit Inay kay Itay, sigurado galit rin siya sa'yo. Di ka rin payagan."
Naisip ni Covel na may katwiran ang kapatid. Tama siya pag umuwi ako, pipigilan lang ako ni Inay na sumunod kay Itay.
"Siya siya, sige na nga," pumayag na rin siya at siya naman ngayon ang napilitan.
"Yeeey!" Nagpalundag-lundag si Itoi at nagpa-uga-uga ang kanilang bangka.
"Huwag kang tumalon baka lumubog tayo," utos niya sa kapatid. "Sasama ka pero may dalawang kondisyon."
"Sige sige," saad ni Itoi. "Ano-ano?"
"Una, huwag kang lalayo kay Kulev at pangalawa, huwag makulit."
"Di layo Itoi, Di ingay Itoi," humalakhak ang bata na kita ang gilagid.
Naaliw si Covel sa kapatid, "sige na, humiga ka na dyan, matulog ka na."
Kinagabihan, nakatulog na si Itoi habang si Covel naman ay patuloy pa rin ang pagsasagwan kahit na siya ay dinadalaw na rin ng antok. Mabigat na ang kanyang mga mata pero nagpasya siyang ipagpapatuloy ang pagbagtas sa nasabing Lupain.
"Hindi ka dapat matulog, Covel. Nasa gitna kayo ng ilog, baka kung ano pa ang mangyari kay Itoi."
-Lupain ng Uz-
Pagsapit ng bukang-liwayway, wala pa ring tigil ang pagsagwan ni Covel. Sa di kalayuan, namataan niya ang dulo ng ilog at narating na nila ang unang bayan.
"Itoi, gising na," kalmado niyang ginising ang kapatid, "umaga na."
Bumaba ang magkapatid sa bangka ng pupungay-pungay ang mga mata. Nagmasid sila sa paligid.
Nasa isang bayan sila kung saan maaliwalas at matiwasay ang paligid, mas saklaw nito ang sinag ng Haring Araw kaysa sa Lupain ng Nievah, sagana sa mga malalago at luntiang halamanan ang sulok ng mga kabahayang yari sa bato ngunit di naman kataasan sa kanilang tolda sa kabundukan, ang mga tao ay abala sa pag-ani ng mga gulay at prutas, ang iba naman ay abala sa pagtapak sa mga ubas na malamang ay gagawin nilang alak.
"Imposibleng ito ang Gremon," sabi ni Covel.
Namataan niya ang isang matandang naghahakot ng mga bariles sa kanyang munting kariton, mga bariles na may laman na alak. Dahan-dahang nilapitan ni Covel ang matanda.
"Manong, paumanhin po kung naabala ko kayo, magtatanong lang po ako, nasaang Lupain na po kami?"
"Ito ang Lupain ng Uz," sagot ng matandang tinatawag nilang Eseng.
"Alam nyo po kung gaano katagal ang paglalakbay kung maglalakad kami ng kapatid ko mula dito hanggang Lupain ng Gremon?"
"Lakad?" Halos matawa na si Manong Eseng sa pahayag ni Colev. "Bago nyo marating ang Gremon dadaan muna kayo sa Lupain ng Lod, hindi pwede ang sinasabi mong lakad. Aabutin kayo ng isang linggo kung paa lang ang gagamitin nyo, kung meron kayong karwahe o kariton tulad ng sa akin, kaya lang tong marating ng ilang araw."
"Alam nyo po ang daan doon?" tanong ni Covel.
"Oo naman," paglalahad ng matanda, "doon nga ako patungo ngayon."
"Maaari ba kaming sumabay sa inyo?" Alok ng binatilyo.
"Seryoso ka ba bata? Bakit nyo namang nanaising pumunta sa lugar na iyon? Wala kayong mahahanap doon, kundi kaguluhan at paslangan, dugo at mga bangkay."
"Pero kayo nga pupunta rin sa Gremon."
"Pupunta lang ako roon dahil ako ang tagapaghatid ng mga alak ng Mataas na Panginoon, kundi dahil doon hindi ako magtutungo sa kagimbal-gimbal na Kapital. Nakikita nyo ang ginhawa dito sa Uz, sobrang tahimik at aliwalas, yun ay dahil sinalba ng mga ubas na ito ang lupaing ito. Nagustuhan ng Mataas na Panginoon ang lasa ng alak kaya naman binigyan niya ng trabaho ang lahat ng nakatira at nangakong hindi magmamarka dito ang digmaan, sa isang kondisyon, may bayad ang sinumang makapagtitimbre ng mga Itmai at Puttlan."
Pinagpalagay ni Covel na baka ito ang dahilan kung bakit kinailangang gumamit ng sikretong daluyan ang mga Itmai at Puttlan mula sa Gremon patungong ilog.
"Hindi natin alam, maaaring may mga espiya dito ang Mataas na Panginoon at nagkukunwaring ordinaryong mamamayan ng Uz. Kayo, ako naman ang magtatanong, bakit ba gusto nyong pumunta ng Gremon?"
"Dahil patungo doon ang aking ama," sagot ni Covel.
"Ang lahat ng nagtutungo ng Gremon ay naghahanap lang ng gulo, para siyang kunehong pumunta sa lungga ng isang tumanggong para magpakain. Umuwi na kayo, mga bata. Binabalaan ko na kayo."
"Manong pakiusap naman, kailangan naming marating ang Gremon, ano bang pwede naming gawin para pumayag kayo?"
"May pera ba kayo?" usisa ni Eseng. "Sasabay ko kayo kung mababayaran nyo ko."
"Wala po kaming dalang pera," hindi gumagamit ng pera sa Lupain ng Nievah.
"Kung ganun, pasensya na at hindi ko kayo matutulungan."
Tinalikuran ng matanda ang binatilyo at nagpatuloy sa paghahakot ng mga bariles.
"Sandali lang po," tinawag siya ni Covel, "baka pwedeng makapagbayad kami sa ibang paraan."
Binuksan ni Covel ang kanyang kahon at ipinakita ang mga salmon sa matanda.
"Ito po, mga salmon galing sa Lupain ng Nievah, samin lang po kayo makakahap ng ganitong uri ng isda, masarap, malapad at malaman. Ihatid nyo lang kami sa Gremon at sa inyo na po itong lahat. Buong kahon, ito po ang pambayad namin."
Napukaw nila ang pansin ng matanda nang makita nito ang kanilang mga isda.
"Sige na nga, mukha namang masarap yan," saad ni Eseng, sumakay siya sa kanyang kabayo at idinugtong dito ang kanyang kariton na may mga bariles ng alak. "Dyan na lang muna kayo sa kariton, pasensya na at wala akong karwahe, magtiis-tiis lang muna kayo dyan, may kalamigan ang gabi ngayon."
"Wala na kayong dapat ipag-alala," paninigurado ni Covel, "kung mayroon man nakakaalam ng tunay na lamig, kami yun ng kapatid ko."
"Sanay Itoi sa lamig," dagdag ni Itoi.
-Kanlungan ng Kanluran, Ilang Araw ang Makalipas-
"Naghihintay na siya," saad ni Ancho kay Ermin, matapos nilang marating ang himpilan ng Kapatiran. Ginamit nila ang sikretong daluyan hanggang sa marating nila ang Gremon.
Ihinatid ni Ancho si Ermin sa kanilang pulungan, nakaabang na roon ang mga kasapi ng samahan. Nakatitig si Toro at ang kanyang mga kaibigan sa kanya.
"Maligayang pagdating po, Mang Ermin," pagbati ni Jualem. Tinanguan ni Ermin ang binatilyo bilang pagbati.
Sa bawat sulok, nakatutok lahat ang mga mata sa kanya, sa isang dekada niyang pagreretiro sa samahan, hindi na niya kilala ang karamihan sa mga kasapi,iilan na lamang ang namumukhaan niya.
"Ermin, ikaw na ba yan?" Saad ng isa sa mga beteranong kasapi.
"Oo, ako ito," sagot niya.
Narating niya ang dulo ng himpilan kung saan nakaabang na si Pinunong Haurre, Naglakad siya patungo sa dating Pinuno, nakatuon ang tingin ni Haurre sa dating kaibigan mula ulo hanggang paa, nananatiling seryoso ang kanyang nangungusap na mukha.
"Pinunong Haurre," nagbigay ng pagbati si Ermin, nag-aabang sa kanyang reaksyon.
"Ermin!" nagulat ang lahat nang biglang sumigla ang tinig ng Pinuno kasabay ng isang masayang halakhak.
Niyakap niya ang dating kaibigan at maging si Ermin ay natuwa rin sa kanyang masayang pagbati.
"Pinuno, nagagalak akong makita kayong muli," sabi ni Ermin.
"Aking kaibigan, nagbago ka na, pero kilalang-kilala pa rin kita," saad ni Haurre.
"At ikaw naman ay di pa rin nagbabago, Pinuno," sagot sa kanya ni Ermin, "tulad ka pa rin ng dati noong huli kitang kita."
"Ilang taon na nga ba ang nakaraan mula ng lumagay ka sa tahimik?" tanong ni Haurre.
"Sampung taon," sagot ni Ermin.
"Kay bilis nga naman ng panahon, kamusta na kayo ni Lynda at ni Eryn?"
"Maayos naman kami ni Lynda, matatag pa rin ang pagsasama namin, dalawa na ang anak namin," paglalahad ni Ermin, "si Eryn ay magdadalaga na, may kakulitan naman ang bunso kong si Itoi."
"At ang Mahal na Prinsipe?" Mahinahong usisa ni Haurre.
"Isa nang ganap na binatilyo," pagbubunyag ni Ermin. "Ligtas siya sa puder namin."
"Mabuti naman kung ganun," tinapik ni Haurre sa balikat ang dating kaibigan, "May kalayuan ang nilakbay mo mula sa Bundok ng Nievah, ipaghanda nyo siya ng maiinom at makakain."
Naghain si Bilbel ng isang sinabawang karne ng baka at naglagay si Buto ng alak sa isang tansong tasa. Kumain ang kapatiran kasama ang dating miyembro at sa sandaling panahon, sila ay nakapagbunyi ng parang walang alalahanin sa mundo.
-Lupain ng Gremon-
Narating nina Covel at Itoi ang Lupain ng Gremon nang mabilis at walang abala, salamat sa kariton ni Mang Eseng. Kung anumang aliwalas at katiwasayang nakita ng magkapatid sa Lupain ng Uz, ang lahat ng ito ay naglaho ng marating nila ang Lupain ng Lod, walang katao-tao ang nasabing lugar at ito'y kasing tahimik ng sementeryo ngunit mas masaklap pa rin dito ang anyo ng Lupain ng Gremon. Abandonado at sira-sira na ang mga kabahayan at establishamentong dating pagmamay-ari ng mga inuusig na lahi. Sa bawat sulok ng kalsada, makikita ang mga bangkay ng mga pinaslang na Itmai at Puttlan, ang kanilang mga kalat-kalat na kagamitan at ang dugong dumanak sa kanila. Hindi maiwasan ni Covel na matulala sa mga nakita. Sa tanang buhay niya ngayon lamang siya nakakita ng isang lupaing walang buhay at kulay. Ang tanging kulay na makikita lamang nila ay ang kulay pulang tumanggong sa bandera na nakasabit sa ilang poste at bintana na sumisimbolo sa Mataas na Panginoon.
"Dito ko na kayo iiwan," saad ni Eseng sa magkapatid, "sabi ko sa inyo, nakakapanlumo ang lugar na to."
"Maraming salamat po sa paghatid samin dito, Mang Eseng," saad ni Covel.
"Huwag nyo na kong pasalamatan, may bayad nga to di ba," pagbibiro ng matanda, "mukhang masarap tong salmon, sigurado ba kayo na ibibigay nyo na sa akin lahat?"
"Opo, maraming dalang isda ang Itay ko," paglalahad ni Covel, "maipapayo ko sa inyo, mas masarap yan pag inihaw. Hihingi lang sana ako ng pabor bago kayo umalis."
"Ano yun?"
"Pagkabalik nyo na ng Uz, pwede bang itago nyo muna yung bangka namin, kukunin namin ulit pag babalik na kami ng Nievah."
"Walang problema bata," sagot ng matanda, "kung kailangan nyo ng tulong, alam nyo na kung saan ako hahanapin, sana ay makita nyo na ang Itay nyo."
Tuluyan ng iniwan ng matanda ang magkapatid at naglakad-lakad sila sa kalunos-lunos na lupain.
"Bakit ang daming patay, Kulev?" hindi na nagugustuhan ni Itoi ang nakikita niya.
"Nasa mapanganib na lugar tayo, Itoi," sagot ni Covel, "kailangang maging maingat tayo."
"Ayoko na dito, gusto na Itoi uwi," pagyayaya niya sa kanyang kuya.
"Uuwi rin tayo agad, hahanapin lang natin si Itay," tugon ni Covel.
"Saan naman natin hanap, Itay?"
"Hindi ko rin alam."
Masyadong malaki ang Kapital, maraming mga kanto, at pasikot-sikot ang mga daan. Sa hindi kalayuan, nagsimulang makarinig si Covel at Itoi ng pagyabag ng maraming mga paa na para bang may nagmamartsa, agad na nagtago ang dalawa sa dulo ng isa sa mga kabahayan at sinilip kung sino ang mga ito.
Kasalukuyang nagmamartsa ang mga Tagapuksa, hawak-hawak ang bandera ni Lodell sa kanilang kanang-kamay, marami ang kanilang bilang at sabay-sabay ang paggalaw ng kanilang mga paa, mga sundalong sinanay para maging isang bato.
Sa kanilang likuran, nakasunod sa kanilang linya ang mga Puttlan na kanilang mga hinuli, nakabantay sa mga inuusig ang ilang Tagapuksa na may nakatutok na pana at espada sa kanila.
Mga Puttlan. Pinahuli ng Mataas na Panginoon.
-Kanlungan ng Kanluran-
Matapos ang kainan at panandaliang kasiyahan ng Kapatiran, naglakas loob na si Ermin na usisain si Haurre, "Pinuno, masaya ako na muli tayong nagkikita lahat, ngunit di ko rin maiwasang mapaisip, bakit nyo ba talaga ako inimbitahang magtungo rito sa Gremon?"
Nanatiling seryoso ang aura ni Haurre sa tanong ni Ermin, tumindig siya sa kanyang pwesto at kinuha ang atensyon ng kanyang mga tagasunod, "iwan nyo muna kami ni Ermin, may mahalaga kaming pag-uusapan ng pribado."
Nilisan ni Toro at ng iba pang miyembro ng kapatiran ang pulungan at naiwang mag-isa si Haurre kasama si Ermin.
"Ermin, nababalitaan mo naman siguro ang mga kaganapan dito sa Gremon?" tanong ni Haurre.
"Sa katunayan, wala akong nababalitaan masyado mula sa Kabundukan," sagot niya, "pero noong nakaraan lang, dumating sa Nievah ang ilang pamilyang Itmai at Puttlan na inyong nailigtas. Humihingi sila ng tulong sa amin at iyon ay ipinagkaloob ng aming Amang."
"Kaibigan, lumalala na ang sitwasyon dito," pahayag ng Pinuno, "inuubos na nila ang kalahati sa populasyon ng mga Itmai at Puttlan, patuloy na lumalakas ang pwersa ni Lodell habang ang Kanlungan ng Kanluran ay patuloy na humihina, sa bawat digmaan may nalalagas na miyembro, kumakaunti na ang bilang ng Kapatiran. Kinatatakutan ko na dumating ang araw na wala ng matira sa amin, na tuluyan ng mauubos ang mga taong nagliligtas at nagmamalasakit sa Kanluran."
"Ano ang maitutulong ko, Pinuno?" nais ni Ermin na kahit papaano ay makatulong siya sa samahan.
"Kailangan namin ng dagdag na miyembro, doon ka makakatulong," direktang ipinahayag ni Haurre.
"Pinuno, hindi na ako maaaring bumalik pa sa kapatiran, alam nyo yan. Lumagay na ko sa tahimik, pamilyado na ako at isa pa kahit gusto ko man, hindi na rin ako papayagan ni Lynda."
Ang buong akala ni Ermin siya ang nais ng Pinunong Haurre na maging kasapi ng kapatiran.
"Ermin, nagkakamali ka, hindi ikaw ang tinutukoy ko," pagtatama ni Haurre.
Naguluhan si Ermin sa sinabi nito, "kung ganoon sino?"
"Kilalang-kilala mo na kung sino ang tinutukoy ko, isang taong makapangyarihan ngunit hindi batid ninuman."
Napaisip si Ermin at nanlaki ang kanyang mga mata nang mapagtanto niya ang minimithi ni Haurre.
"Huwag nyong sabihing si..."
"Tama ka, siya nga," kinumpirma ng Pinuno.
Pero bakit siya? Bakit si Covel?" Pagtataka ni Ermin.
"Dahil siya ang tunay na Tagapagmana ng Imperyong Cenpyre," paliwanag ni Haurre, "isipin mo tong mabuti, kung magiging kasapi siya ng Kapatiran, marami kaming maituturo sa kanya, matututo siyang makipaglaban, maging isang mandrigma! Matutulungan namin siyang labanan si Fierro at mababawi niya ang Trono at sa oras na mangyari yun, matutulungan niya rin kaming muling maibangon ang Kanluran sapagkat imumulat namin ang mga mata niya sa pag-aalipustang nangyayari dito ngayon."
Napapailing si Ermin sa mga salitang binitawan ng Pinuno.
"Pinuno, hindi naman sa pinag-iisipan ko kayo ng masama, pero lumalabas kasi sa akin na parang gagamitin nyo lang si Covel para matupad ang inaasam ng Kapatiran. Kinukuha nyo siya dahil alam nyong balang araw maaari siyang maging makapangyarihan tulad ng kanyang ama at sa oras na iyon lalo kayong didikit sa kanya. Handa kayong isalang siya sa digmaang hindi sa kanya para labanan. Hindi ba parang lumalabas na makasarili kayo?"
"Makasarili?" Ibinalik sa kanya ni Haurre ang kanyang tanong. "Kung kami ay makasarili e di sana matagal na naming pinabayaan ang Kanluran sa mga nananamantala, nagtago at lumagay na rin sa tahimik. Ang tanging bagay na minimithi namin ay ang kalayaan ng buong kontinente, na dumating ang araw na magkaroon muli ng kahulugan sa Lupaing ito ang salitang 'pagkakapantay-pantay.' Hindi namin to ginagawa para sa mga sarili namin, ginagawa namin ito para sa ikabubuti ng Kanluran."
Natahimik si Ermin sa paliwanag ni Haurre at siya ay patuloy na nakinig.
"Sinasabi mong hindi laban ni Covel ang digmaan sa Kanluran pero hindi ba siya ang totoong tagapagmana ng Imperyong Cenpyre? At hindi ba bahagi ng Imperyong Cenpyre ang Kanluran? Maaari mong sabihing dumidikit kami sa kanya dahil gusto namin ng kapangyarihan, hindi namin ito nais para sa aming mga sarili, bagkus gusto lang namin magkaroon kami ng kapangyarihan upang malabanan ang mga makapangyarihang nang-aapi sa mga walang-wala."
"Patawarin nyo ko Pinuno kung napag-isipan ko kayo ng masama at pati na rin ang samahan," tugon ni Ermin, "siguro umiral lang sa akin ang pagka-ama ko sa kanya kaya nadala ako ng aking emosyon."
"Nauunawaan kita, kaibigan, kung ako ang nasa katayuan mo, malamang ganito rin ang maging reaksyon ko. Ano ang iyong pasya?"
"Sa totoo lang di ko pa alam," tugon ni Ermin, "tahimik na ang buhay ni Covel sa Nievah at wala siyang balak na sumali at makipaglaro sa digmaan. Matagal na niyang tinalikuran ang Cenpyre at ang pagiging isang Prinsipe."
"Hindi magdaling magpasya, Ermin," sambit ni Haurre. "Bibigyan kita ng isang araw para makapag-isip-isip at kung ano man ang iyong maging desisyon, rerespetuhin ko yun,"
"Maraming salamat sa pag-unawa, Pinuno."
Bago pa man makasagot si Haurre, nagmamadali siyang pinuntahan ni Toro.
"Pinuno, may kaguluhan! Inuusig ngayon ang daan-daang Itmai! Pinatuloy sila ng mga espiya ng Mataas na Panginoon sa isang taguan sa Lupain ng Evero, ang hindi nila alam patibong ang lahat at sila ay pinaghuhuli. Pinagmamartsa na sila ngayon dito sa Gremon patungo sa Kampo ng Kamatayan. Dumadanak na naman ang dugo sa mga sandaling ito!"
"Toro, paghandain mo ang lahat at susugod tayo," atas ni Haurre sa tauhan.
"Pinuno, tutulong ako," pagpresinta ni Ermin.
"Hindi, Ermin. Delikado, manatili ka na lang dito sa himpilan, babalik rin kami agad." Mahigpit siyang pinagbawalan ni Haurre.
-Lupain ng Gremon-
Naghihiyawan ang mga Puttlan na pilit na pinagmamartsa ng mga Tagapuksa. Ang ilan ay pagod na sa ilang oras na paglalakad mula sa Lupain ng Evero kung saan sila nahuli. Pinagtutulak ng mga Tagapuksa ang ilang babagal-bagal sa paglalakad habang tutok-tutok ang espada at pana sa kanila.
"Bilisan nyo mga anay!" Hiyaw ng isang Tagapuksang magaspang ang tinig.
Nahuhuli ang isang Itmai na may katandaan na ang edad, napabagsak ito sa lupa, ngunit sinubukan nitong tumayo. Nang makabangon siya, isang pana ang tumama sa kanyang ulo.
Sumigaw ang isa sa mga babaeng kasama niya sa paghihinagpis at siya'y pilit na pinagmartsa ng mga Tagapuksa.
"Walang babagal-bagal mga hayop!"
"Kayo ang hayop!" Hindi na nakapagpigil pa ang isang lalaking Puttlan sa kanyang galit at inatake niya ang isang tagapuksa. Pinagtulungan siya ng ilang mga Tagapuksa at siya ay walang humpay na pinagtataga hanggang mamatay, maririnig ang sakit sa bawat taga.
Kumalas ang ilang pamilya sa linya at sinubukang tumakas kasama ang kanilang mga anak.
"May tumatakas!" Anunsyo ng isang Tagabantay.
Itinutok ng mga Tagapuksa ang kanilang mga pana sa tumatakbong pamilya at walang pag-aalinlangan nilang pina-ulanan ng mga pana ang mga ito. Tinamaan silang lahat at nagbagsakan sa lupa ang kanilang mga duguang katawan, maging ang mga labi ng mga batang nasa edad lamang nina Itoi at Eryn.
Nagtago si Itoi sa likuran ni Covel at kumapit ito ng mahigpit sa kanyang binti.
"Kulev, takot Itoi, bakit nagkakagulo?"
Maging si Covel ay tinubuan ng pangingilabot sa kanyang dibdib, ngayon lamang niya nakita kung paano tugisin ng mga alagad ng Mataas na Panginoon ang mga Puttlan, pinapaslang sila na parang mga hayop, hindi nya lubos akalain na may mga taong ganito, na handang pumatay at manakit ng mga inosente ng walang habag at pagsisisi. Higit itong mas masahol kaysa sa inaakala niya.
Sa bawat paligid, makikita ang paglapastangan sa mga taong kagaya niya, maririnig ang pag-iyak at pagdurusa ng mga bata at matanda. Tumagos sa kanyang kaluluwa ang mga mga hiyawan, nadudurog ang kanyang puso tuwing may nakikita siyang Puttlan na sinasaktan. Nagkalat ang dugo at mga bangkay, gaya ng sinabi ni Mang Eseng, totoo ngang nakakagimbal ang Lupaing ito.
Isang batang Puttlan na nasa limang taon ang edad ang kumalas sa linya at nagsimulang tumakbo palayo sa kaguluhan.
"Habulin nyo!"
Sumunod sa bata ang isang Tagapuksa, dala-dala ang kanyang pana, itinapat niya ito sa tumatakas na musmos. Nakutuban na ni Covel kung ano ang balak niyang gawin sa bata.
Ikinubli niya si Itoi sa likod ng isang bariles sa sulok ng kabahayan, "Itoi, dyan ka lang, babalikan kita."
"Kulev!" sigaw ni Itoi ngunit nanatili ang bata sa kanyang pwesto sa takot.
Handa nang pakawalan ng Tagapuksa ang kanyang tira sa tapat ng batang tumatakbo, walang pagdadalawang-isip na umaksyon si Covel. Nilundagan niya ang Tagapuksa, naantala ang kanyang pagtira at tuluyang nakatakas ang bata.
Humagis papalayo ang pana ng Tagapuksa ngunit mayroon itong espada, sa kanyang galit inugay niya ang espada kay Covel, ginamit ng binatilyo ang kanyang sibat bilang panangga sa espada ng kalaban. Sa kanyang pagkamangha, matagumpay niyang naiilagan ang bawat tira kahit na wala siyang kaalaman sa pakikidigma, Siya naman ang umugay sa kanyang armas, itinapat niya lang ang talim gaya ng ginagawa niya sa paghuli ng isda, nadaplisan ng kanyang sibat sa braso ang Tagapuksa at ito ay napabagsak ng namimilipit.
"May kasabwat sila!" sigaw ng isang Tagapuksa, inaakalang kakampi si Covel ng mga inuusig. "Habulin!"
Napagtanto ni Covel na siya na ang uusigin ng ilang Tagapuksa, mabilis siyang nag-isip ng paraan kung paano sila malulusutan, binuhat niya ang bariles kung saan nagtatago si Itoi at ihinagis niya ito sa mga umuusig. Tinamaan ang ilan sa kanila. Kinarga niya ang kapatid at tumakbo papalayo habang patuloy ang paghabol ng Tagapuksa sa kanilang likuran.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro