Kabanata 2: Aric
Hatak-hatak ni Aric ang babaing niligtas niya mula sa dalawang mananamantala. Madilim ang tinatahak nilang daanan, ngunit siya ay nagpatuloy sa pagtakbo kasama ang dalagita.
"Sino ka?" nagsimula na itong magtanong sa kanya. "Bitawan mo ko!"
"Hindi kita pwedeng iwan dun, binibini, sigurado ako hahabulin ka ng mga siraulong yun," sagot ni Aric sa kanya.
"Saan mo naman ako dadalhin?" Muling pag-usisa ng dalagita na wala pa ring tiwala sa kanya.
Hindi siya sinagot ni Aric at siya ay natigilan habang nag-iisip ng susunod niyang hakbang.
Saan ko kaya siya pwedeng dalhin?
"Napakadilim dito!" naiinis na ang binatilyo sa pagrereklamo ng dalagita.
Namataan ni Aric ang isang kabahayang napapalibutan ng ilaw ng mga lampara, ito ang unang bahay na nadaanan nila sa bayan.
Siguro sapat na to para sa kanya.
Ipinuwesto niya sa liwanag ang dalagita.
"Yan, magsawa ka sa ilaw," saad niya. Nasilayan niya sa unang pagkakataon ang anyo ng dalagitang niligtas. May kaputian ang kanyang kutis, taliwas sa mga babaeng Silangan, luntian ang kanyang mga mata at siya ay nakasuot ng maiksi at mapanglantad na pulang bestida na karaniwang sinusuot ng mga dalagitang nagtatrabaho sa taberna. Hindi maitatanggi ni Aric na may kagandahan ang babae kaya muntikan na itong mapagsamantalahan ngunit sa isang banda, tila nararamdaman niya na parang pamilyar ito sa kanya.
"Sino ka ba talaga, bakit mo ba ko sinama dito? Pagsasamantalahan mo rin ba ko?"
Nagpasya si Aric na magtungo sa liwanag nang sa ganoon makita siya ng dalagita.
"Ganyan ba talaga kayong mga babae? Tingin nyo saming mga lalaki lahat kami mananamantala, ikaw na nga tong tinulungan, ikaw pa tong nag-iisip ng masama."
Tumitig ang dalagita sa kanya, hindi niya alam kung may dumi ba siya sa mukha o sadyang namangha lang ito sa kanyang matipunong anyo.
"Paumanhin, Ginoo, nadala lang talaga ako sa nangyari kanina, maaari ko bang malaman ang pangalan mo para makapagpasalamat ako sa'yo ng maayos."
"Ang pangalan ko, kanina mo pa nga tinatanong kung sino ako. Aric nga pala," napag-isipan ng binatilyo na oras na para magpakilala siya.
Napansin ni Aric na natigilan ang dalagita nang malaman nito ang kanyang pangalan. Hindi ito makaimik at para bang sinisiyasat nitong mabuti ang itsura niya.
Anong nangyayari sa kanya? Hindi na ko komportable sa ikinikilos niya.
"Ayos ka lang ba? Bakit ka biglang natahimik?" tanong ng binatilyo, "kanina tanong ka ng tanong ng pangalan ko."
"Ah wala, wala, siguro nabigla lang ako sa nangyari kanina," paliwanag ng dalagita. "Aric hindi ba? Gusto ko lang pasalamatan ka sa pagligtas sa akin, kung hindi dahil sa'yo baka kung ano na ang nagawa nila sakin."
"Wala yun," kumpiyansang isinagot ni Aric, "handa akong tumulong sa kahit sinong nangangailangan, ikaw, ano nga pala ang pangalan mo?"
"Ako si Cor..." muling natigilan ang dalagita habang nagpapakilala, "Saraphine, ang pangalan ko ay Saraphine."
"Saraphine, magandang pangalan," papuri ni Aric. Pinagmasdan niya ulit ang dalagita, mula sa kanyang mga mata, ekspresyon ng mukha at galaw. Pamilyar sa kanya ang lahat, kilala niya ang taong kapreho niya ng katangian, hindi niya lang matukoy kung tama ba ang hinala niya.
"Nagkita na ba tayo noon?" Hindi na nakapagpigil si Aric na itanong ito sa estranghera.
"Hindi pa," saad ni Saraphine.
"Para kasing nakita na kita? Nalagi ka na ba sa Imperyong Cenpyre?"
"Hindi pa, dito lang ako sa Silangan buong buhay ko," paglalahad ng dalagita.
"Sa anyo mo kasi mapapagkamalan kang Cenpyero, iba ang itsura mo kumpara sa mga babae dito."
"Maraming nagsasabi sa akin, may lahing Cenpyero kasi ang magulang ko," saad ni Saraphine.
"Nasaan sila?" Nais siyang hulihin ni Aric sa kanyang mga sagot.
"Matagal na silang patay, nakatira ako sa tiyahin ko ngayon."
"Paumanhin," napaisip ang binatilyo na baka nagkakamali lang siya, napag-isipan na lang niyang ibahin ang usapan. "Ano nga palang ginagawa ng isang dalagita sa kalaliman ng gabi at siya ay nabitag ng dalawang maton?"
"Mahabang kwento, sabihin na lang natin na tumakas ako sa taberna. Pero huwag mo kong husgahan, kahit ganito ang suot ko, hindi ako nagtatrabaho doon."
Napangisi si Aric sa sinabi niya, napasulyap siya sa maikli nitong kasuotan pero balewala naman ito sa kanya.
"Wala naman sakin yun kung nagtatrabaho ka dun o hindi, wala naman akong karapatang manghusga ng kahit na sino. Sinwerte ka nga lang at dumating ako, para bang naging ginintuang kawal ako na dumating para sagipin ka."
Nagawa niyang pangitiin ang dalagita sa kanyang mga salita.
"Ikaw Aric, medyo iba rin ang anyo mo sa mga lalaking Silangan, may lahing Cenpyero ka rin ba?"
Ako naman ba ang sinusubukan niyang hulihin ngayon? Wala naman akong kailangang itago.
"Ah oo, purong Cenpyero ako," walang paligoy-ligoy niyang ibinunyag, "pero tulad mo dito ako lumaki sa Silangan. Nagtungo kami ng Ama ko dito labing-apat na taon ng nakakaraan."
Naaalala pa ni Aric ang unang beses na nakarating sila sa Silangan, wala silang kaalam-alam sa mga kultura at tradisyon ng Kontinente, kahit ang Wikang Silangan ay hindi nila masambit pero hindi nagtagal nasanay rin sila at natutuong makipag-usap sa mga Taga-Silangan.
"Paano napapahaba na ang usapan natin at lulalalim na ang gabi," napagtanto niya, "gusto mo bang hatid na kita sa inyo?"
"Oo naman, bakit hindi?" Kapansin-pansin ang masiglang pagsagot ng dalagita. Nagtaka ang binatilyo, mula ng magpakilala siya kay Saraphine, tila nag-iba ang pakikitungo nito sa kanya, sa isang iglap nawala ang sungit at pagdududa niya at ngayon pumapayag pa siyang magpahatid.
Ihinatid niya ang dalaga hanggang sa marating nila ang bahay nito. Hindi kalayuan ang tirahan ni Saraphine sa kanyang Pandayan at sa kanyang bahay, dito lang rin siya nakatira sa Kapital, ang sentro ng Kaharian ng Silangan, ang pinakamalaking Lupain sa Kontinente ng Silangan na ipinangalan sa Hari.
"Maraming salamat ulit sa pagsagip sa akin," saad ni Saraphine.
"Walang anuman." Batid na Aric na hindi ito ang huling beses na magkikita sila. "Basta kung kailangan mo ako, pumunta sa ka lang sa Pandayan ni Rito at mahahanap mo ako dun."
"Pandayan ni Rito?" tanong ni Saraphine.
"Oo, dating panday ang ama kong si Rito," sagot ni Aric, " ngayon ako na ang nagpapanday."
Kung talagang siya nga ang inaakala niya, malamang kilala ni Saraphine ang Ama niyang si Sarito.
"O sige, tatandaan ko," paninigurado ng dalaga.
"Magandang gabi, Saraphine," pagpapaalam ni Aric.
"Ingat ka," pagpapaalam ni Saraphine.
Nahuli ni Aric ang pungay sa mga mata ng dalagita na lalong nagpalakas sa kanyang kutob.
Bago siya umalis, lumingon si Aric kay Saraphine at napalingon rin ito sa kanya, nagkangitian sila at nakilala ng binatilyo ang ngiti. Ito ang parehong ngiting ibinibigay sa kanya palagi ng isang Prinsesang nakilala niya noon.
Kahit hindi mo man sabihin, nararamdaman kong ikaw yan, Cordelia. Hindi kita makakalimutan.
***
Umuwi si Aric na napapaisip pa rin sa hiwaga ng katauhan ng dalagang nakilala. Nadatnan niya si Sarito sa may mesa na umiinom ng kape.
"Ama, ano ang posibilidad na buhay pa ang mga nawawalang mga Prinsipe at Prinsesa?" tanong ni Aric.
"Bakit mo naman naitanong yan?" Ikinagulat ito ng kanyang Ama.
Hindi magawang sabihin ni Aric na posibleng nakita na niya ulit si Cordelia. Batid niyang hindi pa ito ang panahon para ipaalala sa ama ang nakalipas.
"Napapaisip lang ako, kung buhay pa sila, mga binata at dalagita na rin sila ngayon. Wala ba kayong alam kung saan sila patungo ng gabing yun?"
"Ang alam ko lang nagkaroon ng plano ang Emperador kung saan niya pagtataguin ang mga anak kung sakaling magkagulo sa Palasyo. Kasama nila Ermin at Lynda ang mga Prinsipe, magtutungo sila sa malayong Kanluran, habang sina Edina at Editha naman ang kasama ng Emperatris at ng mga batang Prinsesa, patungo rito sa Silangan. Pero alam natin ang nangyari, naiwan ang Emperatris at si Edina at tanging si Editha na lang ang nakasama ng dalawang Prinsesa. Hindi ko nga lang alam kung natupad ang kanilang mga plano, isa lang ang alam ko. Hindi sila napunta sa kamay ni Fierro. Wala na kong alam sa kinahinatnan nila, kung buhay pa ba silang lahat o nagtatago lang sa ibang lupain."
Lalong napaisip si Aric sa sinabi ng ama, kung totoo ngang sa Silangan patungo ang mga Prinsesa, malamang iisa nga lang si Cordelia at si Saraphine na nakatira rin sa Silangan.
"Mabuti pa huwag na nating pag-usapan ito," hanggang ngayon, masakit pa rin kay Sarito ang nakaraan, "matulog ka na, at huwag mo na ring ituloy ang binabalak mong maging isang Kawal."
Tinapik siya ng Ama bago umakyat sa hagdan ng paika-ika gamit ang kanyang tungkod.
***
Bandang hating gabi, hindi pa rin dinadalaw ng antok si Aric, taimtim siya sa pag-iisip tungkol sa babaing nakilala niya. Muli niyang inaalala ang nakaraan noong panahong namumuhay pa sila ng masaya sa Palasyo. Kasama niya palagi sa paglalaro ang apat na tagapagmana ng Imperyong Cenpyre, pero sa kanilang lahat, si Prinsesa Cordelia ang pinakatumatak sa kanya. Natatandaan niyang mahilig siyang magpanggap na kawal ng Prinsesa at palagi siyang ginagantihan nito ng pungay ng kanyang mga mata, ang pungay na kahalintulad ng kay Saraphine.
Saraphine, ikaw nga ba talaga si Cordelia, naaalala mo pa kaya ako pagkatapos ng maraming taon?
Mag-iikatlo na ng madaling araw nang tuluyang mahimbing si Aric sa kanyang kama. Habang malalim ang kanyang pagtulog, lumalalalim na rin ang nararating ng kanyang panaginip.
Natagpuan ng kanyang naglalakbay na kamalayan ang isang disyerto sa kalayuan. Nakakapaso ng balat ang init ng araw, maihahalintulad sa ginto ang may kakapalan na buhangin kung saan walang maaaninag na anyong tubig kahit saan. Maaaninag lamang ang paglalakad ng mga kamelyo sa nanunuyong kalupaan.
Nasaan ako?
"Syl," narinig ni Aric ang boses ng isang matandang babae na parang sinagot nito ang kanyang tanong.
Naglakad-lakad siya sa disyerto at sa isang iglap, siya ay tinangay ng malakas na hangin kasama ng mga buhangin. Nawalan siya ng paningin sa lakas ng hangin na tila isang ipo-ipo. Hindi nagtagal, naglaho ang bagyo ng buhangin at siya ay bumagsak sa isang damuhan.
Inalis niya ang pweng at buhangin sa kanyang pilik-mata at siya ay napalingon sa paligid. Natulala si Aric nang matagpuan ang sarili sa isang napakagandang kagubatan. Purong berde ang mga puno at halaman dito at napakaraming prutas at bunga ang makikita sa mga puno, taliwas sa disyertong una niyang nakita. Kung gaano katuyot ang disyerto, ganoon naman kasagana ang kagubatan. Nasilayan niya ang iba't-ibang uri ng mga hayop, mga oso, usa, kuneho, at mga ibong iba-iba ang kulay. Nakaramdam siya ng kaluwalhatian sa nasabing gubat.
"Ano ang lugar na to?" tanong niya.
"Kasaganaan," tugon ng isang matandang babae.
"Kasaganaan?" Isang salitang nabasa na dati ni Aric, ngunit hindi na niya tanda kung saan.
Tumakbo siya nang buo ang ligaya at narating niya ang dulo ng kagubutan kung saan mayroong isang malaking dalampasigan. Hindi nalalayo sa kagubutan ang ganda ng isla, purong puti ang buhanging pino at kasing asul ng kalangitan ang tubig. Namataan ni Aric na mayroong mga kabahayaan sa isla, mga kubong idinudugtong ng mga tulay na kahoy sa may pampang. Isang kabayanan ang naninirahan sa malaparaisong lupain na ito.
Lumapit siya sa mga kabahayaan at natuklasan niyang isang tribo ang naninirahan sa may dalampasigan. Mga tribong hindi katangkaran, may kakulutan ang mga buhok at may kayumangging kutis. Ang katutubong unang nanirahan sa Kontinente ng Silangan, ang tribong inuusig ng Hari, ang tribong magiging susi niya para maging isang ganap na Kawal.
Ang Tribong Myongan...
Habang siya ay nakasilip, isang liwanag ang umakit sa kanya. Tinatawag siya ng isang liwanag na hugis ng isang binibini. Sa angkin niyang liwanag, hindi maaninag ni Aric ang itsura nito, nakikita niya lamang ay ang mga mata niyang kasing puro ng kulay ng karagatan.
Tinangay siya ng liwanag at nakita niyang nakapangibabaw sa kanyang mukha ang maliwanag na pisngi ng napakagandang dalagita. Nahumaling si Aric sa ganda ng kanyang mga mata, pagkatapos nito, naaninag niya rin ang kanyang labi na parang kinurba ng mga anghel.
Papalapit na nang papalapit ang kanilang mga labi sa isa't-isa. Handa ng hagkan ng binatilyo ang kahuma-humaling na dalagitang balot ng ilaw, ngunit mas lalong tumingkad ang kinang ng kanyang liwanag at hindi na ito nakayanan ni Aric, napaso siya sa liwanag at naramdaman niyang kinukuha nito ang lahat ng lakas na angkin niya hanggang sa...
Napabangon si Aric sa kanyang kinahihigaan, hindi pa rin nahihimasmasan sa lalim ng kanyang mga panaginip.
Disyerto ng Syl...Kasaganaan...Tribong Myongan...ang magandang binibini.
Para bang may mensaheng nais iparating ang panaginip na ito sa kanya.
Hindi na natulog ulit si Aric at siya ay naghalugkat sa kanilang mga aparador, hinahanap ang mapa ng Buong Lupain.
Agad niyang nakita ang mapa at hinanap rito kung saan ang Disyerto ng Syl. Natagpuan niya ito, sa kanyang pagkamangha, katabi lang ito ng Kaharian ng Silangan at ito ay nasa pinakadulo ng mapa.
"Ito ang disyerto, susunod ang Kasaga?" nakalimutan na ni Aric ang salita sa kanyang panaginip. "Kasaganaan! Tama."
Hinanap niya ang Kasaganaan sa mapa ngunit hindi niya ito mahanap kahit saan. Ang ipinagtataka pa niya putol na ang mapa ng Buong Lupain sa Disyerto ng Syl. Ito na ang maituturing na pinakasilangan ng Silangan, pero sa panaginip niya, tanda niyang katabi ng Syl ang masaganang Lupain.
"Bakit wala ito sa mapa? Bakit parang kulang? Hindi ako naniniwala na ang Disyerto ang pinakadulo ng Buong Lupain. Bilog ang mundo."
Isa pang pinagtataka ni Aric, pamilyar sa kanya ang salitang 'Kasaganaan', tanda niyang nabasa na niya ito dati sa isang mapa.
"Saan mo nga ba nabasa to? Alalahanin mo!"
Bumalik kay Aric ang panahong bagong salta pa lamang sila sa Silangan at nagtatrabaho pa lamang si Sarito sa dating May-Ari ng Pandayan. Minsan siyang isinama ng Ama sa trabaho. Nagtungo siya sa silid ng Panday, naglalakad siya ng madali ang paa niya sa isang piraso ng kahoy na nakausli sa may sahig. Napahiyaw si Aric sa pamimilipit at agad siyang pinuntahan ng Ama.
"Aric, anong nangyari sa'yo?" tanong ni Sarito. "Bakit ka nandito?"
"Patawad po, ama, naglilibot lang po ako."
"Paumanhin, hindi ko sinasadya na pumasok ang anak ko sa silid," saad ni Sarito sa Panday.
"Ayos lang yun," tugon ng Panday, "ako nga dapat humingi ng pasensya, muntik ng madisgrasya si Aric, delikado talaga yang kahoy na yan, aayusin ko na yan ngayon."
Napalingon si Aric sa kahoy at may namataan siyang piraso ng papel na naipit sa ilalim ng nakausling kahoy.
"Ano yun?"
Kinuha ni Aric ang nakatiklop na papel, tinignan niya ito at napag-alamang isa itong mapa.
"Kasaganaan, Ang Sikretong Lupain," binasa niya ang nakasulat, "tignan niyo, isang mapa!"
Kinuha ng Panday ang papel at tinignan ito, "oo nga."
"Hindi ba yan sa'yo?" tanong ni Sarito.
"Hindi," paglalahad ng Panday, "sa katunayan, kalilipat ko lang rin dito, baka sa dating may-ari ito ng bahay. Sabi ng ilan Cenpyero daw ito."
"Cenpyero gaya namin?" tanong ni Aric.
"Anong pangalan niya?" Dagdag ni Sarito.
"Di ko alam, ang sabi lang nila sakin, misteryoso daw ang lalaki, tahimik at hindi palakausap," paliwanag ng Panday, "ilalagay ko na lang muna to dito at baka balikan niya."
Inirolyo ng Panday ang maliit na mapa at ipinasok ito sa bote bago ilagay sa may estante.
Naaalala na ni Aric ang lahat, kailangan niyang pumunta ng maaga sa Pandayan para hanapin sa silid ang bote kung saan nakasuksok ang mapa, dinala ng binatilyo ang mapa ng Buong Lupain.
***
Kinaumagahan, nagtungo agad si Aric sa kanyang Pandayan. Kararating pa lamang ni Eron at magsisimula pa lamang itong magpanday.
"Ang aga mo ata ngayon?" Ipinagtaka ni Eron, karaniwan siya na ang pinagkakatiwalaan ni Aric na magbukas ng Pandayan at siya palagi ang nauunang pumasok.
"May kailangan lang akong hanapin," nagmamadaling saad ni Aric.
"Bakit ka nga pala di tumuloy sa taberna kahapon?" tanong ni Eron. "Sayang ang daming magagandang kalapati."
"Mahabang kwento, tsaka ko na papaliwanag," tugon ni Aric.
Nagtungo siya sa silid at kinapa sa estante ang bote, nahanap niya ito sa likod ng isang libro at mga kagamitang pangpanday.
Binuksan niya ang bote, nilatag ang mapa ng Buong Lupain at kinuha ang mapa ng Kasaganaan. Idinugtong niya ang Mapa ng Kasaganaan sa Dulo ng Mapa ng Buong Lupain kung saan naroroon ang Disyerto ng Syl. Itinabi niya ang Kasaganaan sa Disyerto ng Syl at nangatog ang binatilyo sa pagkamangha. Tugmang-tugma ang Disyerto sa Sikretong Lupain, pag pinagdikit ang dalawa, aakalaing bahagi lamang sila ng iisang mapa na napaghiwalay lamang. Ang Mapa ng Kasaganaan ang bumubuo sa kakulungan at pagkabitin ng Mapa ng Silangan.
"Tama ako, ang panaginip ko ang nagturo ng daan patungo sa pangarap ko!"
Lumabas si Aric sa may silid na dala-dala ang iskrol ng Buong Lupain, pati na rin ang mapa ng Kasaganaan.
"Aalis muna ako, Eron," pagpapaalam niya, "ikaw na ang bahala sa Pandayan."
"Nagmamadali ah," saad ni Eron, "saan ang lakad?"
"Tsaka ko na sasabihin, basta para to sa pangarap ko."
"Sige, ingat kaibigan," pagpapaalam ni Eron.
-Palasyo ng Hari-
Hindi na nag-atubili pa si Aric at nagtungo siya sa Palasyo upang ipaalam sa kanya ang natuklasan. Pagkarating niya siya may harap, hinarang siya ng dalawang guwardiyang bantay.
"Sino ka?"
"Ako si Aric, kakilala ako ni Kapitan Uwalhid," pagpapakilala niya, "ako ang kanyang Panday, may mahalaga akong sasabihin sa Mahal na Hari."
Ihinatid ng mga Kawal ang binatilyo patungo sa Pangunahing Bulwagan, nakaabang na roon sa kanya si Haring Rucaz at ang Kapitan Uwalhid.
"Mahal na Hari," yumuko si Aric bilang paggalang. Ngayon lamang niya nakita sa personal si Rucaz. "Ako po si Aric, anak ni Rito, isang Panday."
"Ikinalulugod kong makilala ka, Aric, bakit ka naparito?" tanong ni Haring Rucaz. "Ano ang sadya mo?"
"Naparito ako dahil may sasabihin akong tiyak na inyong ikakatuwa, Kamahalan," buong loob na sinambit ni Aric.
Napangisi si Haring Rucaz, "mukhang importante ang sasabihin mo at kailangan mong ipaalam sa iyong kataas-taasang Hari. Sige mapatuloy ka."
"Mukhang imposible man ito, ngunit sa tingin ko may impormasyon na ko kung saan matatagpuan ang sikretong taguan ng mga Tribong Myongan."
Nagkalingunan si Rucaz at Uwalhid, tinignan nila ng masinsinan ang binatilyo at sumabog ang Hari sa paghalakhak na sinabayan naman ng kanyang Kapitan.
"Magandang biro yan, bata," hindi magkamayaw si Rucaz sa pagtawa.
"Iba ka, Aric, akala ko panday ka lang, Tagapagpatawa ka rin nila pala," dagdag ni Uwalhid.
"Napatawa mo talaga ako," halos hindi na makahinga ang Hari sa pagtawa.
"Ipahinga mo na lang yan, baka nasobrahan ka na sa pagtatrabaho sa Pandayan at bumigay na yung isang pako sa utak mo," suhestyon ni Uwalhid.
"Oo nga, anak," saad ni Rucaz, "pero salamat na rin at napatawa mo kami ng aking Kapitan. Kailangan ko yan ngayon, isang magandang tawa para sa lahat ng suliranin ng Silangan."
"Hindi po ako nagbibiro, Kamahalan, Kapitan," paninindigan ni Aric. "Totoo po ang sinasabi ko."
Pinakalma ng Hari ang sarili niya at muling nagseryoso nang napansin niyang sinsero ang binatilyo.
"Alam mo ba kung gaano kalaki ang pwersang naghahanap sa mga pesteng Myongan sa buong Kontinente, sa 13 isla at kapuluan ng Silangan? Libo-libong mga tauhan at espiya, pero ni isa sa kanila walang nakikitang ni anino ng mga tribo."
"Hindi nyo ba naiisip na baka naghahanap sila sa maling lugar?" matapang na tugon ni Aric.
Tila hindi nagustuhan ni Rucaz at Uwalhid ang sinabi ni Aric.
"Anong karapatan mong kwestyunin ang karunungan ng Hari?" saad ni Uwalhid sa binatilyo.
Sumenyas ang Hari, nagbibigay hudyat na hayaan na muna siyang magsalita.
"Ang lakas rin naman ng loob mong sambitin yan sa iyong Hari. Kung ang mga tao kong may kakayahan hindi sila mahanap, paano mo masasabing isang katulad mo lang ang makakahanap sa kanila?"
"Oo nga, isa ka lang Panday, ano namang malalaman mo sa ganitong mga bagay?" pangmamaliit ni Uwalhid.
"Nung una natutuwa pa ko sa mga hirit mo, naaaliw ako sa'yo pero mag-ingat ka, may hangganan rin ang pasensya ko lalo na sa katangahan, umuwi ka na bata, bumalik ka na lang sa paggawa ng mga espada kung saan ka nababagay."
Sumenyas si Haring Rucaz at agarang hinatak ng mga guwardiya si Aric papalabas ng kastilyo.
"Mahal na Hari, totoo po ang sinasabi ko!" nilakasan ng binatilyo ang kanyang tinig.
"Tama na, hindi na ko makikinig sa kaululang ito, dalhin siya sa bilangguan at putulan nyo ng dila," atas ni Rucaz.
"Kamahalan, may basehan ang sinasabi ko!" Pagpupumiglas ni Aric. "May mga mapa ako kung saan sila matatagpuan, mga pruweba!"
Itinaas ni Aric ang kanyang mga mapa at sa pamamagitan nito, nakuha niya ang atensyon ng Hari.
"Sandali!" napatayo ang Hari mula sa kanyang trono. "Pakawalan siya."
Kumalas ang mga guwardiya ng Hari sa binatilyo.
"Pinagpipilitan mo talagang may basehan ka?"
"Opo," Malumanay na sabi ni Aric.
"Sige, bibigyan kita ng tsansang magsalita," muling umupo ng komportable sa kanyang trono ang Hari.
"Pero kamahalan!" pagtutol ni Uwalhid. "Niloloko nya lang kayo."
"Uwalhid, hayaan mong ako ang humusga sa kanya."
Nanahimik na namang muli ang pakialamerong Kawal.
"Magsalita ka, Aric na anak ni Rito. Paliwanag mo ang punto mo."
"Gaya ng sinabi ko, hindi nyo sila mahahanap kahit saan dahil naghahanap ang mga tauhan nyo sa maling lugar," naging mas maingat na si Aric sa kanyang pananalita. Hindi makakabuting mapikon ang Hari, nakita na niya ito kanina.
"Anong maling lugar?" pagtataka ni Rucaz. "Bukod sa Kontinente ng Silangan, may mga mata ako sa Kanluran at Imperyong Cenpyre, naghahanap na kami sa Buong Lupain, saan pa ba kami maghahanap? Sa ibang mundo? Para bang naglaho na silang lahat sa kawalan!"
"Mahirap silang hagilapin, pero hindi ako naniniwalang naglaho na lang sila sa kawalan, sa palagay ko, nagtatago sila sa isang sikretong lupaing walang sinuman ang nakakaalam o nakakarating."
"Anong sikretong lupain ang pinagsasabi mo?" Lalong naguluhan si Rucaz.
Inilapag ni Aric ang mapa ng Kasaganaan sa kanlungan ni Rucaz. "Ang Sikretong Lupain ng Kasaganaan."
Pinagmasdan ni Rucaz at Uwalhid ang nasabing mapa.
"Matatagpuan ito sa tabi ng Disyerto ng Syl, ito ang totoong Silangan ng Silangan. Hindi ba kayo nagtataka kung bakit putol ang Mapa ng Buong Lupain sa Disyerto? Dahil hindi ito ang hangganan. Pagdugtungin mo ang mga mapa at makukumpleto na ang Buong Lupain, ito ang nawawalang piraso, dito magtatapos ang mapa."
Inabot niya kay Rucaz ang mapa ng Buong Lupain, pinagdikit ng Hari ang mapa at napansin nilang magkarugtong nga ang dalawa.
"Imposible ang sinasabi mo, napakalaking disyerto ng Syl at wala itong katapusan," giit ng Hari, "wala ng nakakaabot sa dulo ng napakalaking disyerto, hindi na nila matatala ang dulo nito, yun ang rason kung bakit bitin ang mapa! Wala ng Lupain sa dulo nito, walang katapusang buhangin lamang, hindi kakayanin ng mga tao kong magtagal dito at sigurado akong hindi dadaan dito ang mga Myongan, mamamatay silang lahat sa init at pagod!"
"Kaya nga dito sila dumaan patungong Kasaganaan," punto ni Aric, "dahil iisipin nilang dito hindi sila matutunton ng inyong pwersa, sa dulo ng Disyerto, mayroong isang masaganang lupain, balot ng purong berdeng kagubatang puno ng mga hayop at dalampasigan kung saan walang kasing purong ang karagatan, dito nakatayo ang kabayanan ng mga Myongan, dito sila nagtatago noon pa man kaya hindi nyo sila mahanap kahit saan kayo maghalughog."
"Nakarating ka na dito?" saad ni Uwalhid.
Napailing si Aric, batid niyang maaari nila itong gawing butas.
"Kalokohan," hinablot ni Uwalhid ang mapa, "kung ganun, gawa gawa mo lang ang lugar sa mapang ito."
"Hindi, matagal ng nasa akin ang mapa na yan," pagtatanggol niya, "at hindi ako ang gumawa."
"Sino ang may gawa?" tanong ni Rucaz. "Iharap mo dito."
"Hindi ko alam," nahihiyang sagot ni Aric, "hindi ko siya kilala, sabi nila isang misteryosong lalaking nakatira dati sa Pandayan, natagpuan ko yan nung bata ako, nakatago sa ilalim ng sahig."
"Peke ang mapang yan," patuloy ang pagtuligsa ni Uwalhid. "Gawa-gawa lang yan ng isang nauulol na panatiko, walang masaganang Lupain sa dulo mg Disyerto. Kabaliwan ito bata."
"Nararamdaman kong totoo ang lugar na ito," paninidigan ni Aric.
"At ano ang basehan mo para masabi mong totoo nga ito?" usisa ni Uwalhid.
"Napanaginipan ko kagabi."
Napailing si Uwalhid sa kanyang paliwanag.
"Napanaginipan kong nasa Disyerto ako ng Syl pagkatapos tinangay ako ng hangin at mga buhangin sa Kasaganaan, nilakbay ko ang masaganang kagubatan hanggang sa matagpuan ko ang buong Tribo na naninirahan malapit sa dalampasigan, malayo sa sibilisasyon, nakukutuban kong hindi ito isang ordinaryong panaginip, isa itong pangitain sa kanilang kinalalagyan. Inilahad sa akin ang sikreto nilang taguan."
"Kamahalan, maniniwala pa ba kayo sa kalokohang ito?" saad ng Kapitan sa Hari, "panghahawakan ba natin ang salita ng sangganong to base lamang sa kanyang panaginip? Kung ako sa inyo, putulin nyo na ang dila niya, tutal wala rin naman siyang naipakitang pruweba, hindi ito sapat na ebidensya, bagkus isa lamang itong haka-haka ng isang mangmang na naniniwala sa isang pantasya."
"Uwalhid, pwede bang itikom mo muna ang bunganga mo?"
Sa pagkakataong ito, tuluyan nang nanahimik ang Kawal.
"Mahal na Hari, kayo na ang bahala kung maniniwala kayo sa akin o hindi, isa lang ang masasabi ko. Wala namang mawawala kung susubukan natin, malay nyo, doon talaga natin matatagpuan ang lungga nila."
Napaisip ng taimtim si Rucaz sa pahayag ng binatilyo.
"Wala akong hinahangad kundi lipulin ang Tribong Myongan, pinatay nila ang Ama ko, pinangako kong tatapusin ko ang kanyang sinimulan. Ikaw, matanong kita, ano ang mapapala mo, bakit pursigido kang tulungan kami na mahanap ang mga kalaban ko?"
"Napag-alaman ko pong balak nyong gawing isang ganap na Kawal ang sinumang makakahanap sa taguan ng mga tribo," paglalahad ni Aric. "Matagal ko ng pinapangarap na maging isang kawal at maglingkod sa bayan."
"Ah ginagawa mo pala ito para sa pangarap mo, tama ba?"
"Opo."
"Sige, bibigyan kita ng pagkakataon na patunayan ang iyong sarili at patunayan na nagkamali kami, tutal ay paalis na rin naman si Uwalhid at ang ilang piling kawal sa mga susunod araw, pasasamahin na kita. Ikaw ang magsisilbi nilang gabay sa Disyerto ng Syl patungo sa sinasabi mong lupain ng Kasaganaan. Pag nagtagumpay ka, gagawin kitang isang ganap na kawal. Ganung kadali lang."
Umaliwalas ang aura ng binatilyo sa kinahihinatnan ng kanilang diskusyon.
"Salamat po, Haring Rucaz, sa pagkakataon."
"Huwag mo muna akong pasalamatan," mahigpit na sambit ni Rucaz. "dahil sa oras na bigo ang misyon sa Disyerto at nasayang lang ang oras ng mga kawal ko, matitikman mo ang parusa ko. Magiging alipin ka ng Hari buong buhay mo."
Nagulantang si Aric sa pananakot ng Hari pero wala na siyang magagawa, "Sige po, tatanggapin ko ang anumang parusa, sakaling ako ay mabigo."
"Mabuti, maaari ka ng umalis. Susunduin ka na lang ng mga kawal ko pag kayo ay aalis na."
"Kamahalan," yumuko ulit si Aric bilang pamamaalam sa Hari.
Pagkalabas niya ng bulwagan, nilingon ng Hari ang kanyang Kapitan.
"Seryoso ba kayo Kamahalan? Isang misyon para hanapin ang isang lugar na hindi naman totoo?"
"Alam ko ang ginagawa ko, Uwalhid," paninigurado ni Rucaz, "hayaan mo siyang magpakatanga sa kanyang mga ilusyon."
"At kung mabigo siya? Ang baba namang kaparusahan ang maging isang alipin? Kanina lang balak nyo siyang putulan ng dila."
"Pag nabigo siya, alam mo na ang gagawin mo," permiso ng Hari, "paslangin mo siya sa anumang paraang gusto mo."
Napangiti si Uwalhid sa huling salita ni Haring Rucaz.
***
Maligayang-maligaya si Aric at matagumpay ang pakikipag-usap niya sa Hari sa kabila ng pagsalungat ni Kapitan Uwalhid.
"Sa oras na maisuplong ko ang mga Myongan, matutupad na ang mga pangarap ko," saad niya sa sarili.
Magiging isang kawal na ako at wala ng makapipigil sa akin.
Naglalakad na siya patungo sa Pandayan nang masilayan niyang naglalakad malapit dito si Saraphine.
"Aric," pagbati niya.
"Saraphine," sagot niya sa dalagita, kahit na alam niyang hindi nauukol sa panahon ang muli nilang pagtatagpo.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro