Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 19: Saraphine

-Palasyo-

Sa pag-alis ni Prinsipe Rionne, tila nag-iba na ang simoy ng hangin sa Palasyo. Para bang isang magaang na presensiya rin ang tuluyang naglaho sa buhay ni Saraphine. Kabilang man si Rionne sa mapangmataas at makapangyarihang Pamilya Royal, hindi siya tulad nila. Kung sila ay apoy, siya ay tubig. Siya lamang sa kanila ang nagpakita ng puro at totoong malasakit kay Saraphine. Mabait man sa kanya ang Hari, alam niyang ito ay pakitang-tao lamang dahil may imahe siyang iniingatan at si Rigo naman ay nagpapakita lamang ng malasakit dahil ito ay may pagnanasa sa kanya. Aminin man niya o hindi, lubos siyang nananabik kahit sa katiting na anino ng Prinsipeng busilak ang puso. Ang Prinsipeng kanyang niloko, binigo at sinaktan.

Tuwing dumadaan si Saraphine sa kanyang kwarto at nakikita niya itong nakasarado, nagsusumamo ang kanyang damdamin at pinagpapalagay lamang niya na nasa loob lamang ang Prinsipe ngunit sa tuwing bubuksan niya ito para sumilip, dilim at kawalan lamang ang sumasalubong sa kanya.

Bumaba ang dalaga sa kanilang silid at napatingin siya sa mga handog nitong bulaklak na nakalagay sa plorera. Inamoy niya ito at nilanghap ang aroma. Mabango pa rin ang bulaklak sa kanyang pag-aalaga. Sunod niyang kinuha ang kwintas na ibinigay rin sa kanya ni Rionne noong nagtapat ito sa kanya. Mula noon, hindi pa niya naisusuot ito, pero sa kanyang pananabik kay Rionne, nagawa na niya itong ilagay sa kanyang leeg. Tumingin siya sa salamin at napangiti. Nakadagdag sa angkin niyang kagandahan ang nasabing kwintas.

"Makikita mo rin na suot ko ito, balang araw. Kapag ayos na ang lahat."

Habang nakatingin sa salamin, natunaw ang ngiti sa kanyang mukha nang muli niyang maalala ang nakabimbin niyang misyon.

Kung mayroon man naidulot na maganda ang pag-alis ni Rionne, ito ay wala ng hahadlang sa kanya ngayon na isagawa ang kanyang plano laban kay Rigo.

Malayo na ang narating mo, nakuha mo na ang pansin ni Rigo, pero marami ka pa ring kailangang gawin.

***

Nagtungo si Saraphine sa may itaas, malapit sa silid ni Prinsipe Rigo, dala-dala ang kanyang walis at basahan. Sinadya niya talaga na dito magtrabaho para sa oras na lumabas ang Prinsipe, siya agad ang una nitong makikita. Nagpunas lamang ang dalaga ng salamin at nagwalis-walis sa paligid habang nag-aabang, pero sa kanyang pagkabagot, lumipas ang mga sandali at hindi pa rin lumalabas ang Prinsipe.

Nagpasya na siyang gumawa ng paraan at katukin ito mismo sa pinto, ngunit bago pa man niya ito magawa, lumabas na si Prinsipe Rigo sa kanyang kwarto. Nagkasalubong ang dalawa sa daan at pareho silang natigilan habang nakatingin sa isa't-isa.

"Kamahalan," malumanay na bumati si Saraphine.

"Ano na naman ang kailangan mo?" tanong ni Rigo.

"Alam mo naman ano ang sadya ko, ikaw. Nais kitang makita," muling nagpakita ng motibo si Saraphine sa kanyang paglapit.

Napangisi si Rigo sa sinabi nito na parang hindi naniniwala. "Alam ko na rin ang nais ng mga babaeng katulad mo. Aakitin mo lang ako para pakasalan kita, maging ganap Prinsesa ka na at makuha mo na ang yaman at kapangyarihan namin. Yun naman ang gusto nyong lahat, di ba?"

Tama ka, inaakit nga kita pero sa ibang dahilan...

"Wala akong balak gawin yun, Mahal na Prinsipe. Sino ba ang nagsabi nyan sa'yo, ang Mahal na Reyna ba?"

Naalala ni Rigo ang mahigpit at walang humpay na paalala sa kanya ng Reyna tungkol kay Saraphine kaya nagpasya siyang iwasan na ito.

"Wala akong panahon sa'yo, kaya pwede ba, lubayan mo na ako."

"Hindi ko yun magagawa, dahil ang totoo, iniibig na kita," pinanindigan ni Sara ang kanyang pagpapanggap.

Muling napaharap sa kanya ang nakatalikod na Prinsipe. Nakukutuban ni Sara na kahit nagtitimpi si Rigo, tumagos ang kanyang pag-amin sa kanya.

"Sa tingin mo ba mabibilog mo ko gaya ng ginawa mo sa tiyuhin ko, na pinaibig mo at
sa huli ay tinalikuran mo rin."

"Tinalikuran ko siya dahil sa'yo ako kumampi. Hindi mo ba nakikita? Ikaw ang pinipili ko."

Masakit man sa kanya na sabihin ito tungkol kay Rionne, ginawa pa rin ni Saraphine upang makuha ang loob ni Rigo.

"Totoo ang lahat ng sinabi ko sa Hari na nahulog na talaga ako sa'yo at sana magtiwala ka sakin ngayon. Nararamdaman kong gusto mo rin ako, kahit na pinipigilan mo lang. Nakikita ko kung paano mo ako titigan nang may pagkauhaw sa iyong mga mata. Huwag mo ng ikaila na ninanais mo rin ako."

"Oo, totoo ang lahat ng hinala mo, kinababaliwan nga kita, pero anong magagawa ko? Binalaan na ako ni Ama na layuan kita at ganoon rin ikaw. Gusto mo bang mapahamak tayo pareho? Kung nais mo pang manatili rito sa Palasyo, mabuti nang itigil na natin ito."

"Hindi ako sang-ayon kung paano ka niya tratuhin. Para bang wala kang kalayaan na magpasya para sa sarili mo. Hindi tama ang sobrang paghihigpit ng magulang sa kanyang mga anak kung naisasantabi na ang kanilang kasiyahan."

Kung kailangang sirain niya ang relasyon nito sa Hari upang mapasunod ito sa kanyang palad, hindi na mag-aalinlangan pa si Saraphine, desperado na siyang mabitag ito.

"Ayoko nang gumawa pa ng isang bagay na lalo ko pang ikapapahamak. Mas hihigpitan lamang niya ako pag patuloy ko pa siyang sinuway. Kaya kahit gaano ko pa gustuhing makapiling ka, wala akong magawa."

Muling nilapitan ni Sara ang Prinsipe na may angking lantik sa kanyang mapupungay na mga mata.

"Maaari namang magpatuloy ang nasimulan natin. Hindi naman nila kailangang malaman, basta mag-ingat lang tayo at panatilihin itong lihim. Walang sinuman ang makakaalam sa namamagitan sa atin. Kaya bang ibigay sa'yo ng sinuman ang inaalok ko? Kahit ang iyong Ama, hindi kayang suklian ang pagmamahal ko sa'yo."

Nilapit ni Sara ang kanyang labi at pinalasap niya ang Prinsipe nang isang mainit ngunit saglit na halik.

Napangiti si Rigo at hinawakan niya si Sara sa may baywang. Sa pagkakataong ito, napagtanto na ng dalaga na gumana na ang kanyang pagpapaikot at pagmamanipula sa Prinsipe.

"Huwag dito at baka may makakita."

Hinatak niya ang Prinsipe patungo sa kanyang silid. Doon, pinupog ni Rigo ng halik si Saraphine, animo'y siya ay isang asong nauulol na kumasta.

"Di mo alam kung gaano ako nagnanasa sa'yo. Mula una palang kitang nakita."

Tinulak niya si Sara sa kanyang kama at sinimulan na niyang alisin ang trintas ng kanyang pang-itaas na kasuotan. Muli niyang nilantakan ng halik ang dalaga sa kanyang malambot at makinis na labi. Tinanggal niya ang kwintas na bigay ni Rionne. Tuluyan na sana niyang huhubaran ang dalaga ngunit may napagtanto si Saraphine at bigla siyang kumalas.

"Sandali."

"Bakit, ayaw mo ba?"

Natagalan ang dalaga bago sagutin ang tanong. Napag-isip-isip niyang hindi pa ito ang tamang panahon para isagawa ang kanyang plano. Masyado pang maaga at hindi pa sumasapit ang dilim, maaaring may makapansin sa pinaplano niyang pagkitil. Kailangan niya itong gawin ng tahimik at patago. Wala rin siyang nakahandang patalim ngayon na ipangsasaksak niya sa Prinsipe. Isa pa ayaw din niyang magalaw at mayurakan ang kanyang pagkababae ng taong pumaslang sa kanyang Ate Pinang.

"Hindi naman, naisip ko lang mas may angkop na oras para gawin natin to."

"Kung di pa ngayon, kailan naman yun?"

Napaisip muli si Saraphine, kailangan niya itong paghandaan nang maigi.

"Bukas. Bukas ng hatinggabi habang tulog na lahat. Abangan mo ako at pupunta ako sa kwarto mo at doon natin susulitin ang isa't-isa."

Napangisi na parang aso ang Prinsipe, "Magandang ideya, mabuti nang sigurado at ligtas, sige aabangan kita bukas."

"Maghanda ka, dahil may sorpresa ako sa'yo."

"Hindi na ko makapaghintay."

Hiindi na rin ako makapaghintay na matanggap mo ang sorpresa ko.

***

Pagbalik ni Saraphine sa kanyang silid, muli niyang kinuha sa kanyang baul ang kanyang tarak na muntikan na niyang gamitin upang kitilin ang buhay ni Rigo.

Bukas ng gabi, sasamantalahin ko ang pagkakataon at ang kahinaan mo. Para kang isang isdang kakagat sa isang kawit. Sisiguraduhin kong bago mo pa ipasok sa akin ang sandata mo, naibaon ko na ang sandata ko sa likuran mo.

***

Pagsapit ng gabi si Saraphine ang natoka sa hapag kainan upang pagsilbihan ang Hari at ang kanyang pamilya sa kanilang hapunan. Siya ang naatasang humawak ng pitsel at punan ng alak ang kanilang mga tasa habang si Aling Estrella naman ang nagluto ng pinritong karne at ginisang gulay na kanilang pagsasaluhan.

Sama-samang naghapunan si Haring Rucaz kasama sina Reyna Helena at Prinsipe Rigo. Kahit na umalis na si Prinsipe Rionne, wala rin namang pinagkaiba ang hapunang ito sapagkat karaniwan naman nilang hindi pinapasabay ang bastardong Prinsipe sa kanilang hapag.

"Mabuti naman at nagpasya nang umalis ang walang silbi mong kapatid," sinimulan ni Reyna Helena ang usapan, "sana huwag na niyang ipakita ang pagmumukha niya sa Palasyo ulit matapos ang ginawa niya kay Rigo."

Lumagok muna ng alak si Rucaz bago tugunan ang sinabi ng Reyna.

"Huwag kang mag-alala, Helena, tingin ko naman sa pagkakataong ito hindi na babalik ang hambog kong kapatid. Inako naman na niya ang kanyang pagkakamali, lumabas rin sa kanyang bibig na hindi magkakaroron ng katahimikam rito sa Palasyo hanggang nakatira tayo lahat sa iisang bubong. Wala na ako pakialam sa kanya ngayon, kung siya man ay natutulog o nagpapagala-gala sa lansangan, siya naman ang may gawa nito sa sarili niya. Binigyan ko na siya ng pagkakataon noon, tinanggap ko siya kahit bunga siya ng pakikiapid ng aking Ama, pero anong ginawa niya? Nagmalaki siya at kinalaban niya tayo. Nilapastangan pa niya ang Tagapagmana ko. Walang utang na loob ang hangal."

Sa kanyang kinatatayuan, hindi nagugustuhan ni Sara ang lahat ng sinasabi nila kay Rionne. Siya na higit na nakakakilala sa Prinsipe ang nakaalam na walang katotohanan ang kanilang pakutsada tungkol sa Prinsipe. Malayong-malayo ito sa kanyang tunay na pagkatao. Hamakin man nila si Rionne, wala pa rin sila sa kalingkingan niya.

Habang abala sila sa pag-uusap, si Prinsipe Rigo naman ay nananahimik. Nakatulala lamang ito at nakatuon ang mga mata kay Saraphine. Tila hindi na niya maitago ang pagkabighani niya sa dalaga at agad naman itong nahalata ni Reyna Helena na nakaupo lamang sa kanyang tabi.

"Anong masasabi mo, Rigo?" Gumawa ng paraan si Helena upang makuha ang pansin ng Prinsipe.

"Ano yun?" walang malay na inusisa ng Prinsipe.

"Ang tanong ng Reyna, ano raw ang masasabi mo sa pag-alis ng Tiyo Rionne mo?" inulit ng Hari sa anak.

"Masaya ako na wala na siya ngayon sa puder natin. Buti naman at natauhan na siyang lisanin ang Palasyo. Siya lang naman palagi ang nagdadala ng gulo rito."

Nagsalita ang nagmamalinis at inosenteng Prinsipe.

"Kung sa akin nga, dapat noon pa lang pinalayas nyo na siya."

Tinaaas ni Rigo ang kanyang tasa at sumenyas kay Saraphine. Mabilis siyang lumapit sa Prinsipe at pinunan ng alak ang kanyang tasa.

"Salamat, Sara," nakangiting saad ng Prinsipe.

Isang mahalimuyak na ngiti rin ang isinagot ni Sara at ang lahat ng ito ay hindi nakalagpas sa mapagsuspetsang mga mata ni Helena. Nanggigigil na ang Reyna sa kanyang kinaroroonan ngunit pilit niya itong kinukubli.

"Sige na, Sara. Iwan mo na kami," mahinahon niyang tugon sa dalaga.

***

Matapos ang hapunan, hindi na nag-atubili pa ang Reyna at kinompronta na niya si Saraphine habang mag-isa ito sa kusina.

"Wala ka talagang kadalaang babae ka!"

"Hindi ko po alam ano ang tinutukoy nyo," giit ni Saraphine.

"Huwag ka ng magmaang-maangan. Nakita ko kayo ng Prinsipe, paano kayo magngitian. Binabalaan kitang haliparot ka, layuan mo si Rigo, hindi ako makapapayag na makuha mo siya, magkakasubukan talaga tayo!"

Nagtaka si Saraphine sa eksaheradong reaksyon ni Helena, sobra pa ang kanyang pagtutol sa inaasahan niya.

"Para maging malinaw ang lahat, wala pong namamagitan sa amin ni Prinsipe Rigo. Bakit po ba ganito na lang kayo kaapektado tungkol sa amin ng Prinsipe?"

Nag-isip ng mairarason si Helena. "Dahil tinuturing kong tunay na anak si Rigo at ayokong mapasama siya dahil sa'yo. Lalasunin mo lang ang isip niya, huhuthutan at aabusuhin! Hindi ko hahayaang gawin mo yun sa kanya. Tigilan mo na ang kakadikit sa kanya, kundi isusumbong kita sa Hari at sisiguraduhin kong mapapatalsik ka rito sa Palasyo."

"Wala po kayong mapapatunayan, binibigyan nyo lang ng malisya ang simpleng senyasan namin ng Prinsipe. Masama bang ngitian ko ang among pinaglilingkuran ko?"

Nanggigil ang Reyna at hinawakan niya nang mahigpit sa braso ang dalaga.

"Aba matapang ka na ngayon, sige. Akala mo ba wala akong alas laban sa'yo? Alam ko ang tungkol sa Tiyang Uranna mo."

"Hindi ko po kilala ang taong tinutukoy nyo," bumilis ang kabog ng dibdib ni Sara nang marinig ang ngalan ng tiyahin. Mula noong binalaan niya ang tiyahin na lisanin ang kanilang dating bahay, wala na siyang natanggap na balita tungkol sa kanya.

"Alam ko kung saan siya nakatira at ngayon tinutugis na siya ng mga tauhan ko, lumiliit na ang ginagalawan niya ngayon. Sa oras na mahuli ko siya, pakakantahin ko siya ng lahat ng nalalaman niya tungkol sa'yo. Gusto mo ba yun, o baka naman mas nais mong tapusin ko na siya? Kung hindi mo lalayuan si Rigo at hindi ka lalayas sa Palasyo, asahan mong dadanak ang dugo ng mahal mong tiyahin."

Buong tapang na kumalas si Saraphine sa pagkakahawak ni Helena.

"Sige, palayasin nyo ko sa Palasyo nang ipagkalat ko sa buong bayan ang tunay na kulay ng kanilang Reyna, na kaya niyang pumatay ng isang taong inosente at walang kalaban-laban. Isisiwalat ko sa kanila kung gaano kayo kasama. Tignan natin kung hindi nila kayo kamuhian."

"Tinatakot mo na ako ngayon! Sino ka ba sa tingin mo? Sino ka ba talagang babae ka?"

Taas-noong tumindig si Saraphine kahit na mas mataas sa kanya ang Reyna.

"Hindi nyo pa ako kilala at hindi nyo na gugustuhin pang malaman kung ano ang kaya kong gawin sa mga kumakanti sakin. Para akong isang diyamanteng pinatibay ng panahon. Subukan mo kong tibagin at malalaman mong matatag pa ko sa bakal."

Gusto pa sana higitan ni Helena ang mga banat ni Saraphine ngunit walang nabuong salita sa kanyang bibig at padabog na lamang niyang nilayasan ang dalaga.

***

Pumasok si Helena sa kanyang silid na mainit ang ulo at naiimbyerna kay Sara. Naglakad siya ng paikot-ikot at hindi mapakali.

"Sino ka ba talaga? Hayop kang babae ka! Hindi ako matatahimik hanggang di ko nalalaman!"

Animo'y nabubuang na ang Reyna sa paglalaro ng dalaga sa kanyang gulong kaisipan. Hindi man niya batid sa ngayon, natutunugan niyang may masamang binabalak si Sara at ngayon si Rigo naman na kanyang pinakamamahal ang pinupuntirya niya. Natatakot siya na isang araw bigla na lamang may gawing pasabog ang misteryosong dalaga na ikabibigla nilang lahat.

"Hindi, hindi ako makapapayag na makuha niya sa akin si Rigo. Akin lang si Rigo, akin lang!"

***

Sa sobrang pagkaligalig, hindi na nakapagpigil pa si Helena at sinugod nila ng kanyang mga tauhan ang bahay ni Uranna upang humanap ng ebidensya.

"Suyurin ang buong bahay."

Nagsimulang maghanap ang kanyang mga tauhan sa mga maliliit na estante at aparador ngunit wala ng laman ang mga ito. Tinignan na rin nila ang ilalim ng kama at iba pang sulok ngunit wala silang natagpuang bagay na makapagtuturo sa kinaroroonan ni Uranna at makapagsisiwalat sa pagkatao ni Sara.

"Kamahalan, wala na pong natirang mga gamit kahit saan."

"Istupido! Hayaan nyong ako na ang maghanap."

Tinahak ni Helena ang silid ni Uranna. Ilang saglit lang, isang papel ang kanyang natapakan at ito ay pumukaw sa atensyon ng Reyna.

Pinulot niya ito at binasa. Walang ibang nilalaman ang sulat kundi ang liham pag-ibig lamang ni Uranna na nagsasaad ng kanyang pagsinta sa isang lalaki. Nalaman ng Reyna sapagkat may lagda ito ni Uranna. Malamang hindi niya ito pinadala sa nasabing lalaki sapagkat naririto ito sa bahay niya. Napairap si Helena matapos niya itong basahin, wala itong maitutulong sa kanyang pagtutuklas, gayunpaman, tinago niya sa bulsa ang sulat.

***

Pagkalabas ni Uranna ng bahay, nakasalubong niya sa dilim ang dalawang maton na naglalakad. Isang payat at isang mataba. Sina Nonong at Basyo. Pasuray-suray ang dalawa na mapapaghalataan ang kalasingan ngunit agad naman nilang namukhaan ang babaeng umaaligid sa bahay.

"Tignan mo," turo ni Basyo kay Nonong. "Ang Mahal na Reyna ba yun?"

Tinignan maigi ni Nonong si Helena. "Aba, siya nga. Si Reyna Helena."

"Kamahalan," sabay na yumuko ang dalawa bilang paggalang.

"Ano pong ginagawa nyo rito ng ganitong oras?" Tanong ni Basyo.

"May hinahanap lang akong isang tao," saad ni Helena. "May kilala ba kayong babaeng nagngangalang Uranna?"

Napahalakhak ang dalawa sa ngalang binanggit niya.

"Hindi lang namin kilala, kilalang-kilala namin ang babaeng yun," saad ni Nonong.

"Dati namin siyang kaibigan at kainuman sa taberna pero ang bruha bigla na lang naglayas at tinakasan ang utang niya samin. Bakit nyo po pala siya hinahanap, Mahal na Reyna?"

"Tulad nyo, may atraso din siya sa akin. May alam ba kayo na maaari niyang puntahan at pagtaguan?"

"Pasensya na po ngunit wala."

"Kung may alam lang sana kami, edi sana pinuntahan na namin siya at siningil sa utang niya."

Tinapik ni Basyo si Nonong sa braso, sinaway niya ito sa pamimilosopo sa Reyna.

"E mga kakilala, wala ba kayong alam na kakilala niya na maaaring makapagturo sa kinaroroonan niya?"

"Kahit laman ng taberna si Uranna, wala naman siyang gaanong kakilala bukod sa mga kasamahan niya, duda kami na may alam sila. Hindi naman kasi siya madalas umalis. Ngayon lang naman kasi nangyari ito. Mag-isa na lamang siya noong nawala ang dalawang kasama niya sa bahay."

Naging palaisipan kay Helena ang huli nilang naging pahayag.

"Dalawang kasama? Akala ko ba isa lang ang pamangkin niya. Yung ginahasa at pinatay?"

"Oo isa lang, pero may isa siyang batang inampon. Dalaga na rin yun ngayon."

Nahulaan na ni Helena sino ang tinutukoy nila. Si Sara, wala ng iba.

"Anong nalalaman nyo tungkol sa batang ito? Sabihin nyo sa akin."

"Marami," kumpiyansang sagot ni Nonong. "Sa katunayan kami nga ang dahilan kung bakit napunta sa puder ni Uranna ang batang yun."

"Paano?"

Si Basyo naman ang nagpasyang magpatuloy.

"Nakita lang namin siya ni Nonong noong bagong salta sila rito sa Silangan, maglalabinlimang taon na ang nakakaraan. Napukaw nila ang pansin namin dahil naiiba ang kutis at anyo nila, para silang mga dayuhang galing sa ibang lupain. Kasama pa nga niya ang isang babae nanay, malamang nanay niya at isang sanggol na kapatid niya. Hinabol namin sila ngunit nahulog sa ilog sa may bangin ang dalawa niyang kasama kaya ang bata na lang ang nakuha namin."

"Naisipan namin pagkakitaan ang batang ito at ibinalandra namin siya sa subasta. Noong nakita ni Uranna ang bata, nagkaroon siya ng interes dito kaya siya ang bumili sa kanya sa mataas na halaga. Pinalaki niya ito kasama ang kanyang pamangkin at alam namin balak niyang pagkakitaan ang bata balang araw."

Ngayon, unti-unti nang naisisiwalat kay Helena ang kasaysayan ni Sara. Nalaman niyang nawalan na pala ito ng tahanan at pamilya, gayunpaman, marami pa rin siyang katanungan sa kanyang tunay na katauhan.

"Bukod sa nakwento nyo, ano pa ang alam nyo tungkol sa pagkatao niya. May nalalaman pa ba kayo?"

"Wala na, hindi rin namin alam kung sino siya at bakit siya napadpad rito. Alam lang namin, dumating sila kasagsagan noong magulo sa Imperyong Cenpyre. Malamang mga Cenpyero sila na tumatakas sa kaguluhan."

"Sabi nyo pinalaki siya ni Uranna, bakit naman niya nagawang layasan ang taong kumupkop sa kanya?"

"Siguro napuno na, hindi naman maganda ang pakikitungo sa kanya ni Uranna."

"Pinipilit niya itong mamasukan sa taberna para pagkakitaan kahit na labag ito sa kagustuhan niya."

"Marami nga kayong nalalaman, mukhang maldita pala talaga ang Urannang yan."

"Sinabi nyo pa, Kamahalan. Demonyita rin ang bruhang yun. Biruin nyo, naisipan pa niyang gawan ng masama ang ampon nya. Alam nyo bang binayaran niya kami para lang gahasain ito nang sa ganun mapilit na niya itong magtrabaho sa taberna. Hindi nga lang kami nagtagumpay dahil may nangialam."

Hindi inaasahaan ni Helena na may malalaman siyang baho ni Uranna mula sa dalawa.

"Nagawa nya yun?"

"Opo, ganun siya kawalanghiya."

Sa kanilang pagkuda, tila isang ideya ang unti-unting nabuo sa isipan ni Helena. Hindi man mabigyang linaw ang totoong pagkatao ni Sara, wala na siyang pakialam ngayon. Ang hinahangad niya lang ay ang mawala na sa puder niya ang babaeng ito habangbuhay at ngayon mukhang nakahanap na siya ng paraan.

"Handa pala kayong dungisan ang mga kamay nyo para sa pera. Kung may ipag-uutos ako sa inyo, gagawin nyo ba?"

"Kung maganda kayo magbayad, sino kami para tumanggi."

"Yan ang masisigurado ko sa inyo, higit pa ang ibabayad ko sa inyo kumpara sa katiting na bayad ni Uranna. Basta gawin nyo ng tama at malinis ang trabaho."

"Kahit ano pong iutos nyo, susundin namin," tugon ng dalawa.

Kinuha ng Reyna ang sulat na may lagda ni Uranna at isang masamang ngiti ang pumorma sa kanyang labi.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro