Kabanata 19: Miya
-Kasaganaan-
Nagsimulang uminit ang dugo ng dalaga sa bagong Datu. Wala siyang nararamdaman ngayon sa kanya kundi pagkainis at pagkasuya. Sa kanyang alok, lalo lamang umigting ang pag-ayaw niya rito.
"Hindi ka pa rin talaga nadadala. Hanggang ngayon desperado ka pa rin na makuha ako. Alam mo na naman ang isasagot ko sa'yo. Kahit kailan hindi ako magpapakasal sa'yo."
"Kung yan ang gusto mo. Hindi naman kita pipilitin," nananatiling kalmado ang tugon ni Leyro sa kanya.
"Ginamit mo pa talaga ang mithiin kong pamunuan ang Tribo para lang makuha mo ang gusto mo. Akala mo ba mapapasunod mo ako ng ganun-ganun lang?"
"Huminahon ka, Miya. Masyado ka namang mainit. Gaya ng sinabi ko, hindi naman ito sapilitan, pero kung hindi mo ko pakakasalan, nangangahulugan lamang na pinagkakatiwala mo na sa akin ang pamumuno sa Tribong Myongan. Ano ba ang mahalaga sa'yo, ang sarili mo o ang mga Katribo mo?"
Bumilis ang tibok ng dalaga nang mapansin niyang tila nabuo ang isang damukol at madilim na aura sa mukha ng Datu.
"Sa pananalita mo, parang pinapatunayan mo sa akin na hindi talaga maganda ang hangarin mo sa mga Myongan. Ano bang binabalak mo sa amin? Ang alilain kami at pasunurin sa'yong mga palad na parang isang alipin?"
"Ikaw ang nagsabi nyan. Hindi ako. Wala akong magagawa kung pag-iisipan mo ko ng masama. Ang sa akin lang, binibigyan kita ng pagkakataon para matupad ang ninanais mo. Ang maging unang babaeng Datu ng Tribong Myongan."
"Hindi ko ito hinahangad para lang sa sarili ko. Sabihin nating papayag ako sa alok mo. Kailan mo tayo magpapakasal?"
"Sa lalong madaling panahon. Maniwala ka sa akin, pakasalan mo lang ako at ibibigay ko ang lahat ng gusto mo."
"Huwag mo na akong lokohin, marami pang ibang paraan para tulungan mo ko ng walang kapalit. Humihinga pa si Lolo Mortho at kapag gumaling na siya, matatapos na ang pamumuno mo at hindi na kakailanganin pang pakasalan kita."
"Kailan pa yun? Malubha ang Datu at mahihirapan siyang makabawi sa edad niya. Hindi magtatagal, kailangan ring may humalili sa kanya. Alam mong totoo ang sinasabi ko. Binibigyan kita ng isang araw para pag-isipan ito. Hihintayin ko ang sagot mo."
***
Nagtungo si Miya sa may pampang upang mag-isip-isip sa mga pangyayari. Nais mang ibaon sa limot at ipawalang-bahala ni Miya ang alok ng Datu, hindi niya pa rin magawa. Sa lahat ng lalaking nakilala niya, si Datu Leyro ang pinakahuling pakakasalan niya. Kinaiilagan niya ang lalaking ito sa ugali niyang mayabang, mapagmataas, makasarili at higit sa lahat, mapanlinlang. Paano niya masisikmurang mahalin at gawing katuwang sa buhay ang ganitong klaseng tao? Sa isang banda naiisip rin ng dalaga ang kalagayan ng Tribo niya ngayon. May sakit sila, malubha ang Datu at sasamantalahin ito ni Leyro. Walang aasahan ang mga Myongan ngayon kung hindi siya lamang. Natitiyak niyang sa oras na hayaan niyang mamuno sa kanila si Datu Leyro, ipagwawalang-bahala lamang nito ang kalagayan nila. Nahahalata niyang tila kuntento na ito na walang ginagawa habang marami ang lumulubha at namamatay. Mas abala pa itong atupagin ang pansarili niyang karangyaan, sa kabila ng kalunos-lunos nilang sitwasyon, Bukod rito, naaalala rin niya ang ibinahagi ni Leyla tungkol sa pamumuno ni Datu Leyro sa Tribong Leon. Wala siyang pagpapahalaga sa kanilang kababaihan, mababa ang tingin niya sa mga ito at kung hahayaan niyang mapasailalim sila ng ganitong klaseng pinuno, yuyurakan lamang nito ang kanilang dignidad, gugupitin ang buhok ng mga kababaihan at tatratuhin silang mga alila lamang.
Labag man sa kanyang kalooban, napapagtanto na rin ng dalaga na ang tanging paraan lamang upang sagipin ang kanyang Tribo laban kay Leyro ay kung papakasalan niya ito gaya ng inaasam niya. Para sa kanyang tribo, handa siyang isakripisyo at ialay ang kanyang sarili. Kailangan na niyang magpasya at sa lalong madaling panahon.
Ano pa nga ba ang magagawa ko? Mukhang hindi na talaga babalik si Aric, si Lolo naman ay nakaratay. Ako na lang ang pag-asa nila. Uunahin ko pa ba ang sarili ko kaysa kapakanan ng nakararami? Wala na ba talagang ibang paraan?
***
Maya-maya, nakarinig si Miya ng mga malumanay na yabag ng paa sa buhanginan. Pamilyar ang tunog na ito. Iisang tao lamang ang alam niyang nakagagawa nito. Napalingon siya sa kanyang likuran at nakita niyang naroroon si Aric, nakatayo malapit sa kanya.
Napabangon ang dalaga sa kanyang pwesto at sinalubong niya ang lalaking minamahal. Lumundag siya rito na parang isang batang nananabik sa kanyang mga magulang. Hindi maipaliwanag ang ligayang nadarama niya ngayon sa pagbabalik niya at niyakap niya ito ng walang kasing higpit. Maging si Aric ay lubos rin ang pananabik sa dalaga at niyapos niya ito na parang hindi na siya bibitaw.
"Totoo ba ito? Buhay ka," naluluhang saad ni Miya habang pinagmamasdan ang nobyo mula ulo hanggang paa.
"Oo, buhay ako. Hindi ba nangako ako na babalik ako para sa'yo."
Hinaplos niya ang malambot ngunit maputlang pisngi ng dalaga. Unti-unti niyang nilapit ang kanyang mukha at binigyan niya ito ng isang pambating halik sa kanyang labi. Isang halik na puno ng pag-aasam.
Napaurong si Miya nang maalala ang kanyang kalagayan. "May sakit pa ko. Baka mahawa ka."
Hinawakan ni Aric ang kanyang palad nang walang pandidiri.
"Huwag mo ng alalahanin yun. Sinisigurado ko sa'yo hindi ako tatablan ng sakuna. Magiging maayos ka na. Magiging ayos na ang lahat."
Nakita ng dalaga ang kumpiyansa sa mga salita ng kasintahan, "ibig ba sabihin nito nagtagumpay ka sa misyon mo?"
Napatango si Aric na may baong maligayang ngiti sa kanyang mukha.
"Kailangan itong malaman ng lahat."
"Ano pang hinihintay natin? Halika na."
Bago pa man nila maibalita ang kanyang pagbabalik, namataan na sila ni Myam-Gaam-Ot at ng iba pa sa dalampasigan.
"Niloloko ba ko ng paningin ko. Ikaw ba yan, Aric?" tila nakakita ng multo ang matanda.
"Opo, Myam-Gaam-Ot. Nagbalik na ko."
"Hindi nga ito panaginip, buhay ka nga."
"Buhay ako, bakit akala nyo ba patay na ko?"
"Yun ang sinabi samin si Leyro noong nakabalik siya. Ang sabi niya nilapa ka na ng mga asong gubat," pinaliwanag ni Miya.
Napailing si Aric nang malamang nakabalik na pala ang mortal na kaaway. "Ang hambog na yun."
Sumalubong sa kanila nang buong kagalakan ang mga Myongan na hindi pa dinadapuan ng sakuna. Nagsimula silang magkumpulan sa presensiya ng hinihintay nilang tagapagligtas at ngayon muli silang nabuhayan at nagkaroon ng panibagong pag-asa.
"Aric! Salamat sa Inang Maykapal at buhay ka."
"Masasagip na ang mga maysakit."
"Kamusta ang iyong pagalakbay? Nahanap mo ba ang lunas na magpapagaling sa lahat?" tanong ni Myam-Gaam-Ot.
"Opo, dala-dala ko na ang lunas," nagagalak na ibinahagi ni Aric.
Naghiyawan ang mga Tribo sa narinig at ang iba ay maluha-luha pa sa sobrang tuwa. Sa wakas, matatapos na ang delubyong nagpapahirap sa kanila.
Sa kanyang kubo, narinig ni Datu Leyro ang kanilang ingay. Napasilip siya sa kanyang bintana at nakita ang mga Tribo na may pinagkakaguluhan sa dalampasigan.
"Anong kaguluhan ito?"
Nayamot ang bagong Datu. Lumabas siya at nagpasyang alamin kung ano ang nangyayari. Sumingit siya sa mga Myongan at Tribong Leon na nakaharang sa paligid.
"Tabi dyan! Tabi! Paraanin nyo ko!"
Natigilan ang tumatayong Datu nang makita niya si Aric sa gitna kasama si Miya at ang iba pa. Ang buong akala niya patay na ito.
"Dayo? Buhay ka pa?"
Nandilim ang paningin ni Aric nang makita ang taong nagtraydor, hindi lamang sa kanya, kundi sa kanilang lahat. Sinugod niya ito at walang pag-aalinlangan niyang binanatan ng suntok si Leyro sa may panga.
"Hayop ka!"
Bumagsak si Leyro sa buhanginan sa lakas ng kanyang pagsapak.
"Anong karapatan mong saktan ang bagong Datu!" sagot nito sa kanya. Susugod rin sana ito ngunit inawat siya ng mga Katribo.
Hindi inaasahan ni Miya na magiging ganitong katindi ang paghaharap ng dalawa. Akala niya kahit papaano nagkaayos sila noong nagsama sila sa misyon.
"Tama na, Aric. Huwag mo na siyang pag-aksayahan ng panahon kung mali ang ibinalita niya. Ang mahalaga nandito ka na."
"At bakit hindi? Ang ahas na yan, nilinlang niya ako. Dinala niya ko sa liblib na bahagi ng gubat para patayin. Noong nilusob kami ng mga asong gubat, hinayaan niya lang ako roon para lapain at mamatay. Humingi ako ng tulong sa kanya pero iniwan nya ako."
"Nagkakamali ka," itinanggi ni Leyro. "Ang buong akala ko patay ka na. Niligtas ko lang ang sarili ko."
"Huwag ka ng magpalusot. Malaki ang kasalanan mo, hindi lang sa akin, kundi sa ating lahat!"
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ni Miya.
"Noong nagkasagupaan kami sa gubat, inamin niya sa akin ang totoo sa pag-aakala niyang hindi na ko makakaligtas. Siya ang dahilan kung bakit marami ang nagkasakit at namatay. Sinabi niya sa akin na kaya kumalat ang sakuna ay dahil nagtungo sila sa kweba kung nasaan naroroon ang mapaminsalang paniki, sa kagustuhan nilang humanap ng itlog ng Buktot at sakupin ang mga Myongan."
"Sinungaling! Huwag kayong makinig sa kanya. Niloloko niya lang kayo!"
Napaisip si Miya sa takbo ng mga pangyayari. Noon pa man nagdududa na siya sa magkaiba at hindi nagtutugmang pahayag ni Leyro at Leyla tungkol sa pinanggalingan ng sakit. Ngayon naririto si Aric upang isiwalat ang kanyang kabuktutan.
Sinasabi ko na nga ba, may mali sa mga kwento niya.
"Totoo ba ito, Leyro? Ikaw ang puno't-dulo ng lahat? Para ano? Para sakupin kami? Marami ang namatay nang dahil sa'yo, kabilang na si Leyla."
"Miya, hindi, walang katotohanan ang mga sinasabi niya. Maniwala ka. Nagbalik lamang ang dayong yan para guluhin tayong lahat."
Hindi nagustuhan ni Aric ang tabas ng dila niya. "Ako pa talaga ang manggugulo? Napakasama mo talaga! Wala ka ng kawala ngayon, Leyro. Magbabayad ka sa lahat ng kahayupan mo!"
"Tama na muna yan," inawat sila ni Myam-Gaam-Ot. "Batid kong may nabubuong hidwaan sa pagitan nyong dalawa pero may mas mahalagang bagay tayong kailangang pagtuunan ng pansin ngayon. Ang mga maysakit. Unahin na muna natin ang kapakanan nila. Sa oras na gumaling na ang Mahal na Datu, siya na ang bahalang magpasya kung sino sa inyo ang nagsasabi ng totoo at nagsisinungaling."
Nagtagumpay ang matandang manggagamot na pahupain nang pansamantala ang tensyon.
"Aric, nasaan na ang lunas? Ibigay mo na sa akin ang dugo ng Ginintuang Paniki."
"Hindi na po kailangan sapagkat nasa katawan ko na ang lunas."
"Ano?"
Naguluhan ang lahat at napaisip sa binunyag ni Aric.
"Anong sinasabi mo?" maging si Miya ay nagulumihanan rin sa narinig. "Kwento mo sa amin paano ito nangyari?"
"Mahabang kwento, hindi ko na iisa-isahin pa. Ang masasabi ko lang, napaamo ko ang Ginintuang Piniki, naging kaibigan ko pa nga siya at hinatid niya ko rito pauwi. Noong ako ay sugatan, ginamot niya ko gamit ang kanyang kapangyarihan at doon ko natuklasan na napasa niya sa dugo ko ang kakayahan niyang magpagaling ng mga maysakit."
Napatawa si Leyro sa sinabi niya, "naalog na yata ang utak mo sa kagubatan. Imposible ang sinasabi mo."
"Wala akong pakialam kung maniniwala ka sa akin, traydor ka," pagkatapos sagutin si Leyro, humarap si Aric sa Tribo. "Ang kailangan nating gawin ngayon ay ipasa ang dugo ko sa maysakit at kapag siya ay gumaling na, siya naman ang magpapasa nito sa iba hanggang sa tuluyan ng gumaling ang lahat."
"Magandang ideya, papagalingin tayo ng dugo niya. Sa susunod sasambahin na natin siya."
"Tumahimik ka na, Leyro," sinaway siya ni Myam-Gaam-Ot. "Wala namang masama kung susubukan natin ang suhestyon ni Aric. May alam akong pamamaraan kung paano natin ito mapapasa sa bawat isa. Sino ang unang magkukusa na subukan ito."
Dahil sa kakaiba at hindi kapani-paniwalang nilahad ni Aric, marami sa Tribo ang nag-alinlangan at walang naglakas ng loob magpresinta, maliban sa isa.
"Ako po," buong tapang na sumagot si Miya. "Buo ang tiwala ko kay Aric at handa akong tanggapin ang dugo niya. Ako ang unang susubok."
"Mainam, Miya. Ikaw ang mauuna."
***
Isinagawa ni Miya, Myam-Gaam-Ot at Aric ang proseso ng panggagamot. Naglaga ang matanda ng mainit na sabaw na siyang iinumin ng dalaga. Tinusok ni Aric ang hinlalaki gamit ang kutsilyo at tumulo ito sa sabaw. Masakit man ito sa pakiramdam, maliit na sakripisyo lamang ito para sa ikagagaling ni Miya at ng Tribo. Isang patak lang muna ang kanilang susubukan. Hinalo ng manggagamot ang sabaw na may dugo ni Aric at binigay ang mangkok sa dalaga.
"Inumin mo, hindi mo naman siguro malalasahan ang dugo at hinalo ko ito sa sabaw."
Hinigop ni Miya ang sabaw hanggang sa maubos ito. Totoo sa salita ng matanda, hindi niya nga nalasahan ang dugo ni Aric at parang uminom lamang siya ng karaniwang sabaw ng karne. Pagkatapos, pinahiga muna siya sa banig upang pakiramdaman ang sarili kung tumalab ba ang lunas o hindi.
Makalipas ang kalahating oras, nagsimula ng makaramdam ng pagbabago si Miya. Natigil ang kanyang pagbahing, nawala ang kanyang hingal at gumaan ang kanyang paghinga. Pagkahawak niya sa kanyang ilong, tuyo na ito at hindi na barado ng sipon. Sinubukan niyang umubo ngunit wala ng plemang pumuputok at lumalabas mula sa kanya. Nakaramdam rin siya ng kaginhawan sa paghupa ng pamimigat ng kanyang ulo. Maging ang kanyang pangangati at mga pantal sa katawan ay naglaho na. Napangiti ang dalaga sa pagbalik ng kanyang kalusugan.
Totoo nga.
Lumabas siya sa kubo ng manggagamot at namataan niyang nag-aabang roon si Aric at Myam-Gaam-Ot. Naglakad si Miya patungo sa kanila na kanilang ikinagulat.
"Miya, bakit bumangon ka na?" Tanong ni Myam-Gaam-Ot.
Sinagot lamang sila ni Miya nang isang masiglang pagngiti.
"Kamusta ang pakiramdam mo, tumalab ba ang dugo ko?" tanong ni Aric.
"Magaling na ko," inanunsyo ni Miya sa isang malakas na tinig at siya ay napayakap ulit kay Aric.
"Magaling ka na nga," napagtanto ng kasintahan. Para bang isang malaking tinik ang nabunot kay Aric sa paggaling ni Miya. "Salamat, salamat."
"Hindi. Sa'yo ako dapat magpasalamat dahil di mo kami binigo at pinabayaan," naluluhang saad ni Miya.
"Magandang balita, isa lang ang ibig sabihin nito. Nakuha na nga natin ang lunas at gagaling na ang lahat," halos mapatalon rin ang matanda sa tuwa, kung hindi lang mahina ang kanyang binti.
"Sunod naman nating pagalingin si Lolo," nais ng dalaga.
"Tama, tutusukin ko lang ulit ang daliri ko."
Hinawakan ni Miya ang kasintahan upang pigilan ito. "Aric, huwag na. Ako na ang magbibigay ng dugo kay Lolo."
"Sigurado ka ba?"
"Oo, nasa dugo ko na rin ang lunas, isa pa hindi naman ako natatakot sa tusok, parang kagat lang yan ng langgam. Ayokong masyado kang masaktan kung ikaw lahat ang mag-aalay ng lunas. Hindi ba sinabi mo kanina, gagawin natin ito ng nagtutulungan. Ganito natin gagamutin ang isa't-isa."
Napatango si Aric sa pagmamagandang-loob ng kasintahan.
"Mainam, maglalaga lang ako ng maraming sabaw," bumalik na si Myam-Gaam-Ot sa paghahanda.
Tinusok ni Miya ang dulo ng kanyang hintuturo at hinalo nila ang dugo niya sa pinakuluang sabaw. Naglagay ang dalaga ng lunas sa bibig ni Datu Mortho. Makalipas ang ilang sandali, nagkamalay na ang matandang Datu, sa pagkamangha nina Aric at Miya. Bumangon ito sa kanyang kinahihigaan na tila hindi pa nahihimasmasan at wala pa sa sarili. Sa kanyang angking liksi, para bang hindi siya nagdaan sa malubhang karamdaman.
"Miya, Aric anong nangyari? Pakiramdam ko ang lakas-lakas ko ngayon?"
"Magaling ka na, Lo, maayos ka na," niyakap ni Miya ang mahal na Datu at dito na siya nabalik sa wisyo. "Nagtagumpay si Aric na makuha ang lunas."
Maligaya niyang yinakap ang apo at napangiti kay Aric bilang pasasalamat.
Matapos nilang ipaliwanag ang lahat sa Datu, sunod naman siyang naghandog ng kanyang dugo para sa anak niyang si Maahan. Noong bumalik na ang malay ni Maahan siya naman ang nag-alay ng lunas sa asawa niyang si Marcio at ganito rin ang ginawa nito para kay Myam-Gaam-Ot sa iba pang Tribong Myongan.
Kahit na pinigilan ni Miya si Aric sa pag-aalay ng maraming dugo, tumulong pa rin siya. Nagbigay siya ng lunas sa mga batang maysakit, kasama na sina Mylka, Maoro at iba nilang kaanak. Ganito rin ang ginawa ni Miya na nagpasyang tulungan si Myoris at ang kanilang pamilya. Nang sila ay gumaling ng lubusan, sinundan nila ang halimbawa nina Miya at Aric. Naghandog rin sila ng kanilang mga sariling dugo para sa iba pang mga Katribo. Myongan man o Tribong Leon, nagpasa-pasa na ang dugo ng mga napagaling sa mga maysakit. Buong araw ang ang ginugol nila sa pagtutulungan upang pagalingin ang isa't-isa sa pamamagitan ng isang patak ng dugo. Bago pa matapos ang araw, wala ng nalabing may sakit sa buong komunidad at tuluyan nang nagtapos ang sakuna sa Lupain ng Kasaganaan.
Dahil sa ginawa ni Aric, mas lalo syang minahal at hinangaan ng mga Myongan. Itinuring siyang bayani sapagkat siya ang naging daan para masagip ang buhay ng nakararami at lalo namang nayamot si Datu Leyro.
***
Kinabukasan, sa harap ng dalawang Tribo, nagpasya si Datu Mortho na magkaroon ng isang pagpupulong ukol sa mga mainit na kaganapan noong kasagsagan ng sakuna. Kasama sa mga dumalo sa pagpupulong sina Miya, Myam-Gaam-Ot, mag-asawang Marcio at Maahan, Myoris at iba pa. Marami ring Tribong Leon ang nag-aabang. Pangunahing paksa ng pagpupulong na ito ang dalawang tumahak sa misyon.
"Aric, Leyro, lumapit kayo," panuto ng Datu.
Sabay na lumapit ang dalawa na hanggang ngayon ay masama pa rin ang tingin sa isa't-isa.
"Ipinatawag ko kayong dalawa rito upang alamin ang katotohanan sa hidwaang kinasasangkutan nyo. Ako ang maglilitis kung sino sa inyo ang nagsasabi ng totoo at nagsisinungaling. Bubusisiin ko ng maigi ang bawat detalye at gagawin ko ito sa patas na pamamaraan... Uunahin ko na ang paratang laban sa'yo, Leyro."
"Mahal na Datu," yumuko si Leyro bilang paggalang na parang isang maamong tupa.
"Napag-alaman ko ang mga binunyag ni Aric tungkol sa'yo. Ayon sa kanya, pinangunahan mo siya sa liblib na bahagi ng kagubatan, doon pinagtangkaan mo siyang paslangin at noong inatake kayo ng mababangis na hayop niligtas ka niya pero sinamantala mo ang pagkakataon para iwanan siya at hinayaan mong malapa ng mga asong gubat. Gaano ito katotoo?"
"Wala itong katotohanan, Mahal na Datu. Gumagawa lang siya ng kwento," pinanindigan ni Leyro.
"Bakit naman gagawa ng kwento si Aric?"
"Dahil malaki ang galit niya sa akin at nais niya akong siraan sa inyong lahat. Matagal na siyang inggit sa akin pagkat higit ako sa kanya."
Napailing si Aric at napangisi siya nang may pagkauyam sa pakutsada ng Datu.
"Alam mo nakakatawa ka. Bakit ko naman kaiinggitan ang isang traydor na katulad mo, batid naman natin na mas marami akong nagawa para sa Tribo. Kung ako sa'yo aamin na lang ako. Lalabas at lalabas rin ang katotohanan."
"Aric, ako lang muna ang magsasalita," mahinahong sinaway ni Mortho si Aric. Nakikta niyang nadadala na ito ng kanyang emosyon. Nagpatuloy lamang ang Datu.
"Walang katotohanan? Pinabubulaan nyo ang pahayag ng isa't-isa pero isang bagay lang ang nagtutugma. Nakarating kayo sa masukal na bahagi ng kagubatan at nilusob kayo ng mga asong gubat. Nagkakatalo lamang kung sino sa inyo ang nanguna sa daan patungo roon. Mailalahad mo ba sa amin, Leyro, bakit iginigiit mong si Aric ang nagdala sa'yo roon ganung alam naman natin na ikaw ang mas pamilyar sa kagubatan?"
Natagalan si Leyro sa pagsagot at napaisip muna ng ilang saglit paano niya mapapanindigan ang kanyang kwento.
"Hindi ko po alam paano niya nagamay ang gubat, Mahal na Datu. Baka inaral na niya bago pa man siya mapadpad sa puder nyo. Sa totoo lang may nais akong ibunyag sa inyo tungkol sa dayo."
"Ano yun?"
"Noong magkasama kami ng dayo, nakita ko siyang may kausap ng palihim sa sulok, Isang estranghero ring gaya niya, hindi ko narinig ang pinag-usapan nila pero masama na ang kutob ko, tingin ko may masama siyang binabalak sa Tribong Myongan. Malamang magpapadala siya ng isang pwersa para lusubin kayo. Kaya niya siguro ako dinala sa kagubatan para patayin nang sa ganoon wala ng hahadlang sa plano nila ng kanyang mga kasabwat."
Natigilan si Aric sa kanyang pwesto at napailing, hindi ito makapaniwala sa sinabi nito.
Tinuon ni Mortho ang pansin sa binata. "Anong masasabi mo rito, Aric?"
Nagtitimpi na lamang si Aric na hindi sumabog. Naaalibadbaran siya sa ginagawang pag-iimbento ng karibal.
"Nagsisinungaling siya. Wala akong sinumang kinita o kinausap noong magkasama kami. Kung may masama akong binabalak sa inyo hindi na sana ako bumalik pa dala ang lunas na halos ibuwis ko na ang buhay ko, makuha ko lamang. Siya ang totoong nagsabotahe sa aming misyon, una tinapon niya ang mga pagkain, pagkatapos sinabi niya sa akin na kailangan naming dumaan sa liblib na daan dahil yun ang pinakamabilis na daan. Magsabi ka na kasi ng totoo, Leyro."
"Maraming salamat sa paliwanag," tugon ni Mortho kay Aric bago niya muling usisain ang Datu. "Leyro, mapangahas ang iyong pahayag laban kay Aric pero may isang bagay lamang ako na pinagtataka. Nakutuban mong may masamang binabalak si Aric sa aming Tribo pero bakit ngayon mo lamang ito ipinagtapat? Noong nakabalik ka, sinabi mong naiwan mo si Aric habang ikaw ay tumatakas sa mga asong gubat. Nakapagtataka lang at hindi mo ikinwento sa tribo na pinagtangkaan kang patayin ni Aric. Bakit ngayon mo lamang naisipang ibunyag ang lahat ng ito, dahil ba naiipit ka?"
Muling nablangko si Leyro at bahagyang natagalan sa kanyang pagsagot. Hindi niya akalaing ganito pa rin pala katalas ang isip ng Datu pagdating sa pagtatanong.
"Nagpasya akong manahimik na lamang noon dahil ayoko ng makadagdag pa sa alalahanin ng Tribo at isa pa akala ko namatay na ang dayo kaya wala na ring rason para ipaalam ko pa ang ginawa niya sa akin. Naisip kong wala naman na siya at hindi na niya magagawang ituloy ang masama niyang binabalak."
Napapairap si Miya sa mga palusot nitong sandamakmak ang butas.
Kalokohan ang lahat ng sinasabi niya.
"Pero sabi mo may kasama siyang iba pang dayo, hindi mo man lang ba naisip na balaan kami tungkol sa natuklasan mo? Lalo na at isa itong panganib na maaaring nagbabadya sa aming lahat. Hindi mo man lang minabuting ipaalam kahit kanino? Parang ang hirap naman yatang paniwalaan nito."
"Gulo na po kasi ang isip ko noong mga panahong yun sa kakaintindi sa kalagayan ng tribo ko, marami ang nagkakasakit at namamatay, kaya nakalimutan ko ng bigyan ito ng pansin."
"Yan lang ba ang masasabi mo?"
"Opo, Mahal na Datu."
"Ngayon mapunta tayo sa panig ni Aric. Sabi mo pagkarating nyo sa gubat, sinunggaban ka ni Leyro at sinubukan ka niyang saksakin ng tarak. Habang nagbubuno kayo, may mga naisawalat siyang mga bagay. Maaari bang ilahad mo ulit sa amin ngayon?"
Tumindig si Aric, nakahanda nang ipagtapat ang lahat nang walang pag-aalinlangan.
"Inamin niya sa akin na siya ang dahilan kung bakit kumalat ang sakuna sapagkat nakuha nila ito noong nagpunta sila sa kweba. Pakay nilang maghanap ng mga itlog ng Buktot para masakop niya ang lahat ng Myongan. Malamang doon nakagat ng paniki ang isa sa kanyang mga tauhan. Lakas-loob niya itonh ibinulgar sa akin sa pag-aakalang mapapatay niya ako at hindi ko na mailalahad sa inyo ang kasamaang ginawa niya, pero nabigo siya at nakaligtas ako."
"Totoo ba ang lahat ng ito, Leyro?"
"Hindi, bakit naman ako maghahanap ng Bluklot? Ganoon ba akong katanga para pumunta sa kweba at ilagay ang sarili kong tribo sa panganib? Ilang ulit ko nang sinabi noon, bigla na lamang sumulpot ang paniking yun sa teritoryo namin."
Batid ni Miya na magmaang-maangan lamang ito at hindi siya nagkamali sa hinala. Ginawa na niya ito dati sa kanya. Napatingin siya sa Datu at nahahalata niyang puno rin ng pagdududa ang Lolo niya kay Leyro.
"Talaga ba? Mayroon kang isang katribo na tumataliwas sa iyong salaysay kung paano nyo nakuha ang sakit. Miya, pakikwento naman."
Lumapit si Miya at huminga ng malalim bago magsalita.
"Nagmula ito sa yumao kong kaibigan na si Leyla. Sabi niya sa akin hindi naman madadamay ang iba pang Tribong Leon sa sakuna kung hindi kayo nagpunta sa kweba noong araw na yun. Tugma ito sa sinabi ni Aric tungkol sa'yo. Dalawa na silang nagpapatunay na nagsisinungaling ka at niloloko mo kami. Iniba mo pa ang kwento, sabi mo si Aric ang may binabalak ngunit ang totoo ikaw ang nagpaplanong sakupin kami."
"Kalokohan, mga pawang salita lamang. Magtitiwala kayo sa salita ng isa sa mga maysakit kong katribo na wala na sa tamang pag-iisip dulot ng sakit. Walang basehan ang mga salita niya."
"Para malaman natin ang katotohanan, magpapatawag ako ng ilan sa iyong mga Katribo," sagot ni Mortho.
Sa kanyang hudyat, ilang lalaking Leon at babaeng Leonesa ang humarap sa Datu, kabilang ang Ina ni Leyla.
"Sabihin nyo sa akin ano ang katotohanan sa pagkalat ng sakit. Ano ba talaga ang totoo? Kumalat ba ang sakit dahil nagpunta si Leyro at ang iba pa sa kweba o bigla na lamang may sumulpot na paniki sa inyong lugar? Magsabi kayo ng tapat at totoo."
Taimtim na napaisip ang ilan bago sumagot at sila ay napatingin muna kay Leyro na nanlilisik ang mga mata sa kanila. Nagpasyang sumagot ang Ina ni Leyla.
"Totoo po ang sinabi ni Datu Leyro. Bigla na lamang po sumulpot ang isang malaking paniki sa aming lugar at kinagat ang isa sa mga ktatribo namin. Ito po ang pinagmulan ng sakuna. Kung ano man po ang di tugmang nasabi ng anak ko, yun ay dahil malubha na siya at wala na sa tamang pag-iisip."
"Sigurado ba kayo?" Hindi inaasahan ni Miya na ito ang isasagot ng ginang.
"Walang duda," sagot ng isa pang lalaking Leon. "Hindi ba naroroon tayong lahat."
"Oo," sagot ng iba pa.
Napangiti si Leyro nang may pang-aasar kina Miya at Aric.
"Sabi sa inyo, ayaw nyo pa kasi maniwala sa akin. Sila na ang nagpapatunay sa mga salita ko."
Hindi pa rin kumbinsido si Miya, nakikita niya ang takot sa mga mata ng Tribong Leon. Malakas ang hinala niyang malamang sinindak at binantaan na ni Leyro ang kanyang mga katribo para magsinungaling bago pa man magsimula ang pagpupulong. May sakit man si Leyla noon, masisigurado niyang nasa tamang pag-iisip pa rin ito, taliwas sa pahayag ng kanyang Ina.
Tumayo si Mortho nang may panginginig sa tuhod gamit ang kanyang tungkod para sa isang anunsyo.
"Tapos na ang aking pagsisiyasat at ngayon magbibigay na ko ng hatol. Magiging batayan ko ang inyong mga pahayag, ang inyong bawat kilos, hindi lamang ngayon kundi pati noong nakaraan. Sino ba ang maraming naitulong at naiambag sa Tribo? Masasabi kong si Aric. Siya ang pumatay sa Buktot at siya rin ang sumagip sa ating lahat sa sakuna. Sino ba ang napatunayang may sala noon, walang iba kundi si Leyro, sapagkat sinubukan niyang pagsamantalahan ang apo kong si Miya. Kung pagbabasehan ang lahat ng ito, may sapat na rason ako para katigan si Aric. Sa kanya ko ibibigay ang pagtitiwala ko. Kumpiyansa ako na sa inyong dalawa, siya ang nagsasabi ng katotohanan."
Napangiti si Miya at Aric sa naging pasya ng Datu, kahit maraming naging palusot si Leyro, hindi pa rin ito umubra sa hustisya ni Mortho.
"Maraming salamat po, Mahal na Datu," tugon ng dayo.
"Hindi, nagkamali kayo ng pasya. Niloloko niya lang kayo!" hindi matanggap ni Leyro ang kinalabasan ng paglilitis.
Hinampas ni Mortho nang may kalakasan sa sahig ang kanyang tungkod.
"Tumahimik ka, Leyro. Mabigat ang paratang laban sa'yo. Kung totoo ang lahat ng ito, wala kang kasing sama. Paano mo ito nagawa sa amin? Pinagtaksilan mo kami at dahil sa ambisyon mong sakupin ang aming Tribo, ipinahamak mo pa ang sarili mong Tribo. Sila ang nagbayad sa lahat ng pagkakasala mo. Marami ang nagkasakit at namatay nang dahil sa kawalangyaan mo. Muntik nang mamatay si Miya at pati na rin kami. Tutuusin dapat noon pa man pinarusahan na kita sa paglalapastangan mo sa apo ko, pero ngayon hindi ko na palalagpasin ang pagkakataon. Hinahatulan kita ng parusang kamatayan bilang kabayaran sa lahat ng buhay na nasayang."
"Hindi!" Hiyaw ni Leyro.
"Dakpin siya."
Pumagitna ang mga Tribong Leon na nanatiling tapat kay Leyro.
"Sandali! Kung papatayin nyo ang aming Datu, wala kaming magagawa kundi makipagsabayan sa inyo. Hindi lang dugo niya ang dadanak dito, kundi dugo nyong mga Myongan! Handa kaming makipagdigma sa ngalan ni Leyro!"
Nilabas nila ang kanilang mga sandata at itinutok ito sa mga Myongan. Hindi naman nagpasindak ang mga Myongan at kinuha rin nila ang sa kanila. Nagsimulang mabuo ang tensyon sa pagitan ng dalawang tribo, batid ni Mortho na magdudulot ng malaking gulo kung itutuloy niya ang sentensya kay Leyro. Hindi niya ito hahayaang mangyari.
"Kumalma kayong lahat. Hindi na dapat humantong pa sa ganito. Sige, walang dadanak na dugo ngayon. Napagpasyahan kong babaan ang parusa ng taong responsable sa sakuna. Pinaparusahan ko si Leyro ng habang buhay na pagpapatapon sa labas ng Kasaganaan. Hindi na siya maaaring tumungtong sa ating Lupain."
"Hindi ako aalis rito. Tahanan ko ito, kung mayroon mang dapat umalis dito, walang iba kundi ang dayo!" Lakas loob na tumutol si Leyro sa pagpapatalsik sa kanya.
"Ikaw ang nararapat na umalis dito, dahil ikaw ang totoong salot sa Kasaganaan!" Bwelta ni Aric sa kanya.
"Ikaw ang aalis!"
"Hindi, ikaw dapat!"
Nagsimula nang magkagulo sa paligid. Ang mga Myongan ay panig kay Aric at ang mga Leon naman ay para kay Leyro. Sa kasagsagan ng tensyon, narindi na si Mortho. Muli niyang hinampas sa sahig ang tungkod nang mas malakas at ito ang pumukaw sa atensyon ng lahat.
"Magtigil kayong lahat. Tutal ayaw nyong magpaawat. Ganito na ang mangyayari. Para maging patas sa lahat, ipauubaya ko na sa Inang Maykapal ang pagpapasya. Magbibigay ako ng isang hamon. Kayo, Aric at Leyro ay magtutunggali sa isang palakasan. Ang mananalo ang mananatili at ang matatalo ang aalis!"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro