Kabanata 19: Graison
-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-
"Graison," kinatok ni Grasiela ang kwarto ng anak bandang hapon upang kausapin ito ngunit walang bumukas ng pinto at wala rin siyang narinig na sagot mula sa kanya.
Nagpasya ang Emperatris na buksan na ng kusa ang pinto at pagkapasok niya, nadiskobre niyang wala ang anak niya sa silid, sa kanyang pagtataka. Hindi niya ito inaasahan sapagkat madalas na mapag-isa ang Prinsipe sa kanyang kwarto na karaniwang nagbabasa ng libro at nagpipinta sa kanyang pisara tuwing ganitong oras.
Ilang saglit lamang, namataan ni Grasiela si Aling Edina na patungo rin sa silid ng Prinsipe at may dalang baso ng gatas.
"Nakita mo ba si Graison?" tanong niya sa katiwala. "Wala kasi siya sa kwarto niya."
"Hindi po," tugon ni Aling Edina, "akala ko naririto siya, dadalhan ko sana siya ng gatas."
"Nasaan kaya ang batang yun?" may bahid ng pag-aalala sa tinig ni Grasiela. Hindi maganda ang pakiramdam niya kung bakit wala ngayon ang anak.
"Alam ko na, baka magkasama sila ni Binibining Osylla, madalas ko silang makitang magkasama nitong mga nakaraan," sambit ni Edina.
"Baka nga, hanapin natin sila," kahit papaano naibsan ang kaba ng Emperatris.
Sinamahan siya ni Edina at sabay nilang hinanap ang Prinsipe.
-Kakahoyan ng Ossig-
Nakatuon pa rin ang tingin ni Aurello sa nangyaring komosyon. Nagsimulang maglapitan kina Emperador Fierro at Prinsipe Graison ang kanilang pwersa kabilang na sina Talas at Panginoong Ocillo.
"Mahal na Prinsipe! Humihinga pa ba siya?" balisang tanong ng Panginoon.
Lumapit si Talas at tinapat niya ang kanyang tenga sa dibdib ni Graison upang pakinggan ang kanyang puso.
"Humihinga pa siya, pero mabagal sa karaniwan."
"Mabuti naman, kayo alisin nyo ang palasong sa katawan ng Prinsipe, bilis!" Inutusan ni Ocillo ang kanyang mga tauhan.
"Huwag," sinaway ni Talas ang mga Kawal. "Hindi makakabuting hugutin basta ang palasong kung ito ay tumama sa delikadong bahagi ng katawan. Nasa sikmura niya ito, baka lalo lamang siya malagay sa peligro."
"Kamahalan, ano ng gagawin natin?"
Ngayon lamang natauhan si Fierro na kanina pa walang imik at nakatulala lamang malapit sa anak.
"Malubha ang tama niya, kailangan niyang maipagamot agad," tugon ng Emperador.
Sa kanilang kinaroroonan, nagmamasid lamang si Aurello at ang kanyang pwersa. Pansamantalang natigil ang bakbakan ng dalawang panig dahil sa nangyari sa Prinsipe.
Nilapitan ni Kapitan Roqil ang kanyang Panginoon, "tamang-tama, Panginoon. Magulo sila ngayon, ito na ang pagkakataon natin para lusubin sila. Patayin nyo na si Fierro habang hindi siya nakatingin."
"Hindi," pabulong na sinagot ni Aurello na hindi inaasahan ng kanyang Kapitan.
"Pero Panginoon?"
"Ang sabi ko hindi," pinatakbo ni Aurello ang kanyang kabayo patungo sa kanyang pwersa. "Atras, magsi-atras kayo!"
"Narinig nyo ang Panginoon," sinunod na lamang ni Roqil ang utos ni Aurello kahit na hindi niya ito lubos na nauunawaan. "Umalis na tayo!"
Hinipan ng Kapitan ang trumpeta, isang hudyat na itigil muna ang digmaan.
"Anong nangyari?" maging si Konde Sethro hindi rin makapaniwala sa narinig niya.
Nagsunuran ang mga nagugulumihanan na Kawal Artemian at sila ay tuluyang umatras. Pinaatras na rin ni Konde Sethro ang Kawal Entrafor at sila ay nagsimulang umalis ng kakahoyan.
Napatingin si Talas sa mga kalaban, "tignan nyo, umaatras na sila."
"Hindi ba natin sila pipigilan?" usisa ni Ocillo.
"Ang mahalaga ngayon ay ang masagip si Graison," pinanindigan ni Fierro. "Umalis na rin tayo! Maiwan ang ibang Kawal upang paligiran ang Ossig. May araw din sakin si Aurello."
"Magandang ideya, magpapaiwan rin ako ng mga Kawal ko," sagot ni Ocillo.
Nagtulong-tulong sina Talas at ang iba pang Kawal sa pagbubuhat sa sugatang Prinsipe. "Dahan-dahan. Ingatan natin siya."
Sa kanyang hudyat, inakay nila si Graison at inilagay sa isang kariton. Doon na muna natigil ang labanan sa pagitan nina Fierro at Aurello.
-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-
Kinagabihan, nakauwi ang pwersa ng Mataas na Emperador sa Palasyo. Nakaabang na sa kanila sina Emperatris Grasiela, Osylla at Edina na kanina pa abala sa paghahanap kay Graison.
Pagkapasok sa Palasyo, hindi nila inaasahan ang senaryong nasaksihan. Karaniwang nauuna ang Mataas na Emperador sa pagpasok sa pangunahing pinto ngunit hindi ganito ang nangyari ngayon. Namataan nilang naliligalig si Talas at ang iba pang mga Kawal at may akay-akay silang isang lalaking walang malay. Kasunod naman nila ang Emperador sa likod. Nanlaki ang mga mata ni Grasiela nang makita niyang si Prinsipe Graison ang buhat nila. Hindi makapaniwala ang Emperatris nang makitang sugatan ang anak at may nakabaon na palasong sa kanyang sikmura. Natulala rin si Osylla habang si Aling Edina naman ay napatakip sa kanyang nakangangang bibig.
"Bilis! Bilis!" utos ni Fierro pagpasok sa loob.
"Graison!" agad na nilapitan ng Emperatris ang anak. "Anong nangyari sa anak ko?"
"Mamaya ko na ipapaliwanag, dalhin na natin siya sa silid."
"Edina, Tumawag ka ng manggagamot, bilis," atas ng Emperatris sa katiwala.
Pinasok na nila sa kwarto ang walang malay na Prinsipe. Hindi pa nagtatagal, sinama na ni Edina sa silid ang manggagamot. Upang mapabilis ang paggamot, nagpasya ang lahat na lumabas muna ng silid at maghintay sa labas. Gamit ang kanyang kakayahan at kagamitan, matagumpay na natanggal ng manggagamot sa katawan ni Graison ang palasong nang hindi napalalala ang kanyang pinsala, pagkatapos nagsagawa ito ng iba pang proseso. Nilinis niya ang bukas na sugat gamit ang isang alak, pagkatapos pinahiran niya ito ng mga gamot na gawa sa halamang erbal, taba ng hayop at iba pang kemikal. Nang matapos na, binalutan niya ito ng bendang yari sa tela.
"Ama, ano ba talaga ang nangyari kay Grai?" Tanong ni Osylla kay Ocillo. "Bakit siya sugatan? Hindi nyo naman siya sinama sa digmaan, di ba?"
"Ito nga rin ang akala namin, hindi namin inaasahan na sumunod pala siya. Nagulat na lamang kami nang tamaan siya ng palasong na para sa Mahal na Emperador."
Narinig ni Grasiela ang usapan ng mag-ama at siya ay napabalikwas.
"Ano?" pagkatapos nilingon niya si Fierro na hanggang ngayon ay matipid pa rin sa mga detalye. "Ibig sabihin, nasa panganib ang buhay niya ngayon dahil niligtas niya ang buhay mo."
"Oo, sinagip niya ko kay Aurello noong pinagtangkaan niya kong paslangin. Wala rin akong alam na pumuslit pala siya sa labanan. Hindi ko rin akalain na kaya nyang ibuwis ang buhay niya para sa akin."
Lalo lamang uminit ang dugo ni Grasiela sa mga pahayag ng asawa. Sa tono nito, parang wala lamang ang nangyari sa anak.
"Hindi akalain? Alam mo namang gagawin ng anak mo ang lahat para lang sa'yo. Ganoon ka niya kamahal. Sa loob ng maraming taon, ginawa niya ang lahat makuha niya lang ang pagtanggap mo at ang pagmamahal na hindi niya nararamdaman mula sa'yo. Akala ko noong una totoong nagbago na ang pakikitungo mo sa kanya, pero ginawa mo lamang pala iyon para mapasunod siya sa kagustuhan mo. Ginamit mo lamang siya at ang mahika ng kanyang mga pinta, pagkatapos ngayon malalaman ko pang nasa bingit siya ng kamatayan nang dahil lang sa kapabayaan mo. Masaya ka na ba? Sana ngayon makita mo na ang halaga niya sa'yo."
"Grasiela, maniwala ka. Hindi ko ginusto na mapahamak ang anak natin. Nauunawaan ko kung sisisihin mo ko ngayon, pero sa tingin mo ba nanaisin ni Graison na makita niya tayong nag-aaway? Hintayin na lang natin ang sasabihin ng manggagamot."
Mga ilang minuto lamang, lumabas na ang manggagamot at agad siyang nilapitan ni Grasiela.
"Kamusta na ang lagay ng anak ko? Maayos na ba siya?"
Tila hindi maipinta ang mukha ng manggagamot at malamang nahirapan siya sa kalagayan ng Prinsipe.
"Nabigyan ko na siya ng paunang lunas pero tatapatin ko kayo, malalim ang tama ng palasong sa sikmura niya. Mataas rin ang lagnat niya. Bukod rito, wala akong matukoy na kahit kaunting reaksyon at paggalaw mula sa kanya. Mabuti na lang at nagbalik na sa normal ang pulso niya. Gaano katagal na siyang walang malay?"
"Ilang oras na rin," sagot ni Fierro.
"Hindi ito magandang senyales."
Mas nabahala ang Emperatris sa nalaman.
"Anong ibig nyong sabihin? Diretsuhin nyo na kami. Magigising pa ba ang anak ko?"
Pinag-isipan muna ng manggagamot ano ang angkop na isasagot niya kay Grasiela, maging siya ay wala ring kasiguraduhan sa kahihinatnan ng Prinsipe.
"Maaaring magkamalay pa siya...at maaari ring hindi na. Mahalaga ang darating na magdamag dahil ito ang magiging batayan natin kung makakaligtas ba ang Mahal na Prinsipe."
"Ano pong magagawa namin para makatulong sa paggaling niya?"
"Wala siyang malay, hindi siya makakakain at makakainom kaya mainam na painumin siya at lagyan sa bibig ng mainit na tubig o sabaw. Huwag masyadong marami."
"Babantayan ko siya kahit gaano katagal pa abutin," pinanindigan ng Emperatris.
"Kailangan rin niya ng taimtim nyong pagdarasal," huling paalala ng manggagamot.
Nilapitan ni Grasiela ang malubhang anak at hinaplos ang buhok nito. Hindi na napigilan pa ng Emperatris ang pagtulo ng kanyang luha. Nadudurog ang puso niya na makita ang anak sa ganitong kalagayan.
"Graison, anak, kumapit ka lang, huwag kang bibitaw. Hindi ka pa mawawala."
-Templo-
Nagtungo si Osylla sa Banal na Templo upang mag-alay ng panalangin para kay Graison. Tahimik ang Templo sa ganitong oras at siya lamang ang tanging kaluluwang naririto ngayon, kasama ang mga Diyos. Nagsindi siya ng kandila at nilagay ito malapit sa estatwa ng Diyos ng Lupa.
Maya-maya, nagpunta rin si Aling Edina sa Templo para maghandog ng kandila at nadatnan niya ang dalaga na nakaluhod at taimtim na nananalangin.
"Binibining Osylla, naririto ka rin."
Napadilat ang dalaga at natinag sa pagdarasal nang marinig ang pamilyar na tinig.
"Opo, Aling Edina. Nag-aalay po ako ng dasal sa Diyos ng Lupa na sana huwag pa niya munang pabalikin ulit sa alabok ang Mahal na Prinsipe. Wala man po ako magawa, sana man lang sa ganitong paraan, makatulong ako sa kaibigan ko."
"Sigurado ako na matutuwa si Graison kapag nagising siya at nalaman niyang ipinagdasal mo siya, walang ni isang dasal ang nasasayang, tandaan mo yan."
"Ipagdarasal nyo rin po ba si Grai?" tanong ng dalaga.
"Oo, parang apo na ang turing ko sa batang yun. Nais ko sana siyang bantayan at arugain pero mapilit ang Emperatris na siya na raw ang mag-aalaga sa anak niya. Nauunawaan ko naman ang pinanggagalingan niya. Maraming nagmamahal kay Prinsipe Graison, sigurado ako hindi siya pababayaan ng mga Diyos."
"Sana nga po gumaling na siya agad. Masyado pa po siyang bata, marami pa siyang magagawa. Tatanda pa siya, bubuo ng pamilya, magiging isang magaling na Emperador. Marami pa rin akong hindi nasasabi sa kanya."
Pinagmasdan ng katiwala ang dalaga at nakikita niya ang pananabik sa kanyang mga mata.
"Mukhang marami ka pa ngang dapat sabihin sa kanya."
Nangingilid na ang mga luha sa mata ni Ossyla na may bahid ng pagsisisi.
"Nangangamba lang po ako, na baka huli na ang lahat. Hindi ko pa nasasabi sa kanya ang tunay kong nararamdaman. Kung gaano ko siya kamahal."
Hinawakan ni Edina ang kamay ng dalaga.
"Maaring may oras pa, manalig ka lang."
Napangiti si Osylla at sabay nilang pinagdasal ang kaligtasan ng Prinsipe.
***
Bago sumapit ang hatinggabi, binisita ni Talas si Graison. Nakita niyang abala pa rin ang kanyang pinsan sa pagbabantay.
"Kamusta siya?"
Napahinga muna ng malalim ang Emperatris bago muling ituon ang tingin sa Prinsipe. Namumugto na ang kanyang mga mata sa sobrang pag-iyak.
"Wala pa ring pinagbago, hindi pa humuhupa ang lagnat niya. Natatakot ako na baka tuluyan na siyang matulog. Si Graison ang dahilan kung bakit may rason ako para magpatuloy sa kabila ng kinakaharap naming problema. Pinunan niya ang bahaging kulang sa buhay ko. Hindi ko kakayanin pag nawala siya sa akin."
"Magtiwala ka sa anak mo, kaya niya yan," pinalakas ni Talas ang loob ng Emperatris. "Isa siya sa pinakamatatag na taong nakilala ko. Nakaya nga niyang magpagala-gala sa lansangan nang may sugat sa ulo, kayang-kaya niya ring lagpasan ang simpleng sugat at lagnat."
Bahagyang napangiti si Grasiela sa mga banat ng pinsan. Humanap muna ng tamang tyempo si Talas para sabihin ang nais niya.
"Grasiela, gusto ko sanang humingi ng tawad sa'yo."
"Bakit?"
"Ang totoo ako ang unang nakakita kay Grai sa labanan. Sinubukan ko siyang pigilan at pauwiin pero mapilit talaga siya. Sabi niya nasa panganib ang Emperador at kailangan niya itong tulungan. Magulo noon, kasagsagan ng digmaan at bigla na lamang siyang naglaho sa paningin ko. Hindi ko na dapat siya hinayaang makalayo. Hindi ko man lang siya naprotektahan. Habang buhay kong sisisihin ang sarili ko kapag may nangyari sa kanyang masama."
"Talas, wala kang kasalanan sa nangyari. Alam ko naman gaano ka nagmamalasakit sa kanya. Maraming salamat rin dahil sinabi mo sa akin ang totoo. Isa ka sa iilang taong pinagkakatiwalaan ko."
Gumaan ang kalooban ng Kawal sa sinabi ng kanyang pinsan.
Bago pa man magpatuloy ang kanilang usapan, pumasok sa loob ng silid ang Mataas na Emperador. Dinedma lamang siya ng Emperatris at muli niyang tinuon ang pansin kay Graison.
"Maiwan ko na muna kayo," nagpasya si Talas na bigyan ng pribadong oras ang Pamilya Imperyal kahit na alam niyang nagkaka-ilangan ang magkabiyak.
"Kamahalan," yumuko siya sa Emperador bago umalis.
Paglabas ni Talas, nilapitan ni Fierro ang wala pa ring malay na si Graison.
"Magpahinga ka na, Grasiela. Ako na ang magbabantay kay Graison."
Wala pa ring tinag si Grasiela sa kanyang kinaroroonan, tila walang balak na sundin ang Emperador.
"Hindi ako aalis sa tabi niya hanggang hindi siya nagigising. Ako ang kailangan niya, hindi ikaw. Bumalik ka na sa pag-asikaso sa giyera nyo."
"Walang problema kung magpapahinga muna ako sa giyera ngayon. Nabalitaan ko naman kay Panginoong Ocillo na nabawi na ng ating pwersa at ng Kawal Ossig ang kanilang Lupain mula kay Aurello. Sabi niya malamang nagkaroon ng panibagong tapang at lakas ng loob ang ating mga Kawal na lumaban alang-alang sa kanilang Mahal na Prinsipe. Magiging maayos rin ang lahat. Gigising rin siya."
"Dapat ako ang una niyang makita pagdilat niya."
"Sinisisi mo pa rin ba ako sa nangyari?" tanong ng Emperador. "Batid naman natin pareho na kung may dapat mang sisihin dito, iyon ay walang iba kung hindi si Aurello. Siya ang pumana sa anak natin. Siya na kinampihan mo laban sa akin. Wala ka rin bang pagsisisi na pumanig ka sa taong nanakit sa anak natin? Hindi ka rin ba nakokonsensiya sa nangyari kay Graison, na hinayaan mo siyang makaalis sa Palasyo?"
Hindi na nakapagtimpi pa si Grasiela. Tumayo siya mula sa kinauupuan at binigyan si Fierro nang isang malakas at malutong na sampal sa pisngi.
"Wala kang karapatang kwestyunin ang pagiging Ina ko kay Graison! Sa ating dalawa ako ang nagparamdam ng totoong pagmamahal at pagmamalasakit sa kanya!"
Napahawak si Fierro sa mukhang nasaktan sa kanyang pagsampal, halata naman sa pamumula at pagbakat ng kamay ng Emperatris sa kanyang pisngi.
"Pagbibigyan kita ngayon dahil may pinagdaraanan ka, pero binabalaan kita. Sa susunod na pagbuhatan mo ng kamay ang Mataas na Emperador, sisiguraduhin kong lalagapak ka nang mas mababa pa sa kung paano kita nadatnan noon."
"Umalis ka na," ito lamang ang sinagot sa kanya ni Grasiela.
Lumayas na lamang sa silid si Fierro na nanggagalaiti sa ginawa ng Emperatris.
-Lupain ng Artemias-
Nakabalik si Aurello at ang kanyang hukbo sa Artemias nang walang aberya ilang oras matapos ang naganap na labanan. Ipinagamot niya ang nasugatang si Konde Sethro na hindi naman ganoong kalala ang tinamo mula kay Ocillo. Bandang gabi, isang mensahero mula sa kanilang pwersa sa Lupain ng Ossig ang nagpadala ng sulat sa Kastilyo at ito ay natanggap ni Kapitan Roqil.
"May masama pong balita, Mahal na Panginoon, nabawi na ng Kawal Imperyal at Kawal Ossig ang Lupain ng Ossig. Marami ang nalagas sa ating pwersa at sa Kawal Entrafor."
Walang makikitang kunsumisyon o pag-aalala sa ekspresyon ni Aurello.
"Inaasahan ko na yan. Ganito naman talaga sa digmaan, may panahong nananalo tayo at may panahon ring natatalo. Hayaan nyong namnamin muna nila ang maliit nilang tagumpay. Iyan ang huling bagay na nasa isip ko ngayon."
Hindi nagustuhan ng iika-ikang si Konde Sethro ang pagwawalang-bahala ng Panginoon.
"Huling bagay? Malaking bagay sa kanila ang pagkatalo natin, baka nakakalimutan mo ring may nabawas rin sa mga Kawal ko. Mga magagaling na Kawal na nagtiwala at sumunod sa'yo. Ano bang nangyayari?"
Natagalan si Aurello na sagutin sila, naninibago sila sapagkat kanina pa ito walang imik, tila wala sa sarili at taimtim sa pag-iisip mula noong natamaan niya si Graison.
Lumapit si Kapitan Roqil kay Aurello nang may pag-iingat upang usisain ito.
"Huwag nyo po sana masamain ang sasabihin ko pero hindi ko lang maintindihan. Kanina may sapat na oras at kakayahan na kayo na tapusin si Fierro at maipanalo ang digmaang ito, pero hindi nyo ginawa. Bakit?"
Nagpasya si Sethro na sumabat. "Yan rin ang pinagtataka ko. Akala ko ba wala kang hinahangad kundi ang mawala si Fierro, bakit pinalagpas mo ang pagkakataon?Nahihibang ka na ba?"
"Hindi ako nahihibang, kung alam nyo lang gaano ako nag-aasam na kitilan ang buhay ng walanghiyang Fierro. Hindi ko naman inaasahan na haharangan siya ni Prinsipe Graison. Wala ito sa plano ko. Si Fierro lang ang puntirya ko, hindi na dapat siya nadamay pa. Tingin nyo ba nais kong dungisan ang kamay ko ng dugo ng isang musmos?"
Napapailing na napangisi ang Konde. "Ano naman? Giyera ito, dapat batid mo ng hindi lang siya ang musmos na madadamay sa labang ito, lalo pa siya na anak ni Fierro."
"Kakaiba ang kutob ko kay Graison. Wala ba kayong nababalitaang haka-haka ukol sa totoo niyang pagkatao?"
"Yun ba ang inaalala mo? Isang kalokohan! Malinaw naman na gawa-gawa lang ito ng mga loyalista ng nasirang Emperador. Bakit naman aangkinin ni Fierro ang anak ng kanyang mortal na kaaway? Pinatay na niya sana si Graison noon pa imbes na ituring na anak at tagapagmana."
"Iba pa rin ang tingin ko sa batang iyon. Hindi siya pwedeng mamatay hanggang hindi ko pa nalalaman ang totoo. Malaki pa rin ang posibilidad na anak nga siya ni Emperador Costan at tinatago lang ito ni Fierro sa ating lahat."
Napaisip si Konde Sethro sa teoryang ito.
"Kung totoo ang hinala mo kay Prinsipe Graison, ibig sabihin apo siya ng pinsan kong si Sandra at kadugo ko rin siya."
"Kaya nga kailangan siyang ingatan. Maaaring siya ang totoong Tagapagmana sa Trono ng Cenpyre. Sakaling mabigo ako sa laban ko kay Fierro, may isa pang titindig upang bawiin sa kanya ang Buong Lupain."
"Hindi po kayo matatalo, Mahal na Panginoon. Hanggang sa huli, kasama nyo kami sa laban nyo para pabagsakin siya," pinanindigan ni Roqil.
"Maswerte lang si Fierro at nakaligtas siya sa akin ngayon. Hinayaan ko muna sila nang sa ganoon ay masagip nila ang Prinsipe. Sa susunod na magkita kami, hindi ko na palalagpasin ang pagkakataon na patayin siya."
-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-
Pagsapit ng madaling araw, pasimpleng pumasok si Fierro sa silid ni Graison. Nakatulog na si Grasiela sa pagbabantay at nakasandal siya sa may kama, malapit sa anak. Sinamantala niya ang pagkakataon para pagmasdan ang nakahimlay na Prinsipe sa kanyang higaan.
Payapa at panatag ang anyo ng Prinsipe at para lamang siyang natutulog ng normal sa kanyang kama. Walang ni katiting na galaw sa kanyang katawan. Habang siya ay nakatitig sa anak-anakan, hindi maiwasan ni Fierro na muling maalala ang nangyari sa pagitan nila. Paano ipinananggalang ni Graison ang kanyang sarili para sa kanya. Nangusap ang kanyang mga mata, animo'y nakakaramdam siya ng matinding bugso ng damdamin na hindi niya lubos na maipaliwanag at maintindihan. Nais niyang hawakan at haplusin ang Prinsipe ngunit pinipigilan niya ang kanyang sarili na lumambot sa batang ito, at siya ay nahihirapan.
Hindi nagtagal, unti-unting nakita ni Fierro ang mukha ni Ysavel sa anak at siya ay napaurong sa kanyang kinatatayuan. Totoo ngang malaki ang pagkakahawig ni Graison sa kanyang tunay na Ina lalo na ngayon at siya ay nakahimlay rin gaya niya. Hindi lang ito ang unang pagkakataon na nangyari ito. Nagpasya na lamang siyang umiwas sa bata at nilisan niya ng tuluyan ang silid.
***
Balik sa kanyang lihim na himpilan, kinamusta ni Tandang Ora ang lagay ni Graison.
"Buhay pa ba ang bata?"
"Buhay pa nga, pero daig pa ang lantang gulay. Tila nasa mahimbing na pagtulog."
Napansin ng matanda ang pananamlay sa boses ni Fierro.
"At hindi ka masaya na nasa ganito siyang kalagayan?"
"Hindi ko maintindihan kung ano ba ang dapat kong maramdaman ngayon."
"Aking Panginoon, naalala mo ba noong sinabi kong nakikitaan kita ng kahinaan noon? Nakikita ko ulit ito sa'yo ngayon."
Binuksan ni Fierro ang kanyang kamao at pinagmalaki niya ang maliwanag at nagliliyab na pagsiklab ng kanyang apoy.
"Nasisiraan ka na, hindi pa ko nakaramdam ng totoong kahinaan mula noong nasa selda ako. Kung tutuusin mas lalo pa ngang lumalakas ang kapangyarihan ko sa pagdaan ng mga araw."
Napailing ang mangkukulam. "Dyan ka nagkakamali. Hindi man halata sa panlabas, nakikita kong may kahinaan ka sa panloob. Ang batang yun. Siya ang kahinaan mo. May nararamdaman ka sa kanya. Isang bagay na hindi mo dapat panatilihin, sapagkat ito ang sisira sa'yo."
"Ilang ulit ko bang sasabihin sa'yo, wala akong nararamdamang kahit ano para sa kanya. Si Grasiela na ang nagsabi, naghahangad siya sa pagmamahal na hindi ko naibigay. Siguro kung may nararamdaman ako sa kanya, awa lamang sa sinapit niya. Nakaramdam lang ako ng kaunting pasasalamat dahil niligtas niya ako."
"Balewala ang ginawa nya sapagkat hindi ka naman tatablan ng nakamamatay na palasong."
"Kahit na, hindi mahalaga kung tatablan ako, ang mahalaga lamang ay ginawa niya. Sa buong buhay ko, wala pang nakagawa sa akin ng ginawa niya. Sino ba ang naglakas loob na nagsakripisyo para sa isang katulad ko?"
"Ama ang tingin niya sa'yo, natural at gagawin yun ng sinumang anak. Baka nga gagawin mo rin yun kay Cresento kahit na hindi mo siya tunay na Ama."
Napanatili lamang ni Fierro na kalmado ang kanyang sarili kahit na binanggit ni Ora ang katotohanan sa kanyang pagkatao. Tila natatabunan ni Graison ang pagsabog ng kanyang galit.
"Masama ba ang nararamdaman ko? Na maawa at makonsensiya ako sa nangyari sa kanya nang dahil sa akin?"
"Awa, konsensya," napangisi ang matanda na para bang ito ang pinakawalang kwentang narinig niya, "para lang yan sa mahihina. Tandaan mong hindi ka na tao ngayon. Isa ka ng Panginoon ng Apoy, at ang Sugo ng Diyos ay walang nararamdamang awa. Isantabi mo na ang kahibangang ito. Kalimutan mo na ang ginawa ng batang yun. Wala itong kabuluhan. Pinapakinabangan lang natin siya ng pansamantala. Alam mo kung sino ang sumagip sa'yo? Hindi siya. Ang Itim na Diyos. Siya ang nagbigay sa'yo ng lakas at kapangyarihan para makaligtas ka sa piitan. Siya ang pinagkakautangan mo ng lahat."
Napaisip si Fierro sa paalala ng matanda. Alam niya ano ang magiging kahihinatnan ng lahat kapag sinuway niya ang Itim na Diyos, kaya nitong bawiin ang lahat ng mayroon siya. Ang Trono, ang Cenpyre, ang kapangyarihan, higit sa lahat, ang kanyang buhay. Lahat ng ito isasaalang-alang ba niya para lang sa batang yun?
"Tama ka, sinabi mo nga pinakikinabangan lamang natin siya, ito lang siguro ang dahilan bakit hindi ko pa nais na siya ay mawala. Hindi ko na dapat siya inaalala pa. Doon na rin siya patungo. Mamamatay na rin naman siya at pag nangyari yun, mabubunutan na rin ako ng tinik, gaya noong pinatay ko ang Ama niya."
"Malamang naglalakbay na nga ang kaluluwa niya ngayon," palagay ni Ora.
***
Sa kanyang kinahihigaan, bahagyang gumalaw ang mga daliri ng sugatang Prinsipe. Nagsimula rin siyang magpakawala nang mahinang pag-ungol ngunit hindi ito napansin ni Grasiela sapagkat himbing siya sa pagtulog.
Tunay sa sinabi ni Tandang Ora, nagsisimula na ngang maglakbay ang kamalayan ni Graison sa malayong lugar. Natagpuan ng Prinsipe ang kanyang sarili sa isang madilim at malalim na kawalan.
Nasaan ako?
Lumingon siya sa paligid, tila naghahanap ng ilaw o di kaya isang daan palabas ngunit ang buong paligid ay blangko at nilalamon lamang ng itim na kulay, walang pinagkaiba sa nakikita niya kapag siya ay nakapikit.
Ilang saglit lamang, nakaramdam si Graison na parang may isang nilalang ang humawak sa kanyang binti. Tila kamay ng isang batang maliit. Sunod siyang nakarinig ng mga paghalakhak ng isang musmos at ito ay dumadagundong sa kanyang tenga at sa buong paligid.
Muli siyang lumingon sa paligid at sa wakas nasilayan niya ang isang batang maliit na walang kasing sigla sa pagtakbo. Maaaring nasa tatlo o apat na taong gulang lamang siya.
"Sandali!" sigaw ng Prinsipe sa bata at ito ay hinabol niya.
Napatigil ang bata sa pagtakbo at ito ay nakatalikod sa kanya.
"Sino ka?" nais malaman ni Graison.
Humarap ang paslit sa Prinsipe at nilantad niya ang kanyang anyo. Nanlaki ang mga mata ni Graison nang makita ang mukha ng bata. Kulot ang buhok nito at dumadaloy ang dugo mula sa kanyang noo patungo sa kanyang mukhang walang kasing pamilyar sa kanya.
Ako?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro