Kabanata 19: Covel
-Bayan ng Gremon-
Hindi magmaling ang pagkabahalang nadarama ni Covel. Umabot sa sukdulan ang kanyang kaba sa presensiya ng mga estrangherong nakapaligid sa kanya sa bawat dako. Napalingon siya kay Gavielle, tulad niya nangangamba na rin ang kaibigan. Makikita ito sa kanyang nanlalaki at hindi kumukurap na mga mata. Hinawakan niya ang palad ng dalaga at pinapwesto ito sa kanyang likuran upang maprotektahan ito. Nagpasya siyang hindi magpadala sa takot kahit siya rin ay lubos na nag-aalala sa kahihinatnan nila. Ang buong akala nila nalagpasan na nila ang pinakamasahol matapos ang madugong engkwentro nila kay Alorde ngunit ngayon isang hindi inaasahang sorpresa ang sumalubong sa kanilang daan. Malinaw ang kanilang pakay: Ang nawawalang Prinsipe ng Imperyong Cenpyre.
Sino ba sila? Mga bayaring kriminal o mga tauhan ng Mataas na Emperador? Paano nila nagawang matagpuan ako?
Nilakasan ni Covel ang loob at tumindig siya nang buong tapang sa pwersa ni Megalyon.
"Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa magpasukol ako sa inyo."
Nagpakawala ng halakhak si Megalyon at ang iba pang mersenaryo sa sinambit ng Prinsipe.
"Dadalhin ka namin sa Emperador, buhay man o patay. Kaya kung gusto mo ng mamatay, sige lang. Mas mapapadali pa nga ang trabaho namin. Dakpin sila!"
Sa hudyat ng kanilang lider, susugod na ang mga mersenaryo papalapit kina Covel at Gavy. Naghanda na rin si Covel at nilabas na niya ang kanyang espada, nakahanda nang harapin ang mga umuusig sa kanya.
"Gavy, sa oras na magtagpo ang aming mga sandata, tumakbo ka na."
"Ano? Hindi kita iiwan," pinanindigan ng dalaga.
Papalapit na kay Covel ang mga kalaban ngunit isang pwersa ang sumalubong sa mga ito at humarang sa dalawa nang hindi nila inaasahan. Isang lalaki ang nangahas na sumugod sa mga maton. Agad na natandaan ni Covel ang nilalang na ito. Siya rin ang lalaking nakakubli ng mala-abong balabal na nagligtas sa kanya sa mga Tagapuksa noon. Gamit ang kanyang latigong may bolang tinik, nagawa nitong patalsikin ang mga lumulusob na galamay ni Megalyon.
Natigilan si Covel at Gavy sa kanilang kinatatayuan. Namangha sila sa biglaang pagsulpot ng misteryosong taong ito sa oras ng kanilang pangangailangan. Maging si Megalyon ay nagulantang rin sa biglaang pangingialam nito.
Sunod na sumalakay sina Mikhal, Guinto at Tanzo sa lalaki ngunit maging sila ay wala ring binatbat sa angking liksi at lakas ng sandata nito. Humambalos sa maliit na si Tanzo ang bolang tinik at nagmistulang siyang isang sisiw na humagis papalayo. Kahit na sina Mikhal at Guinto na makikisig at malalaking tao ay walang kalaban-laban at napataob sa hindi maipaliwanag na kakayahan ng natatanging lalaki.
Sumulyap ang maputlang lalaki kina Covel at Gavy na hanggang ngayon ay nananatili pa rin sa kanilang kinaroroonan. Tinuro niya gamit ang kanyang ulo ang daan sa hindi kalayuan. Napalingon ang Prinsipe at nakuha niya ano ang nais nitong iparating.
"Halika na Gavy, umalis na tayo."
Muling hinawakan ni Covel ang kamay ni Gavy at sila ay tumakbo papalayo sa kabilang direksyon.
"Habulin sila!" Namataan ni Megalyon na tumatakas ang dalawa "Hindi pwedeng makawala ang Prinsipe!"
Sumunod ang iba pa niyang tauhan at sinimulan nila ang paghabol sa dalawa. Muling pumagitna ang misteryosong lalaki. Tinaas niya ang kanyang kamay at biglaan na lamang humagis sa ere ang mga humabahol nang hindi man lang niya nilalapat ang kanyang daliri sa mga ito. Sa kanyang ginawa, lalong napurnada ang paghabol nila kay Covel.
Napuno na si Megalyon sa mga nasaksihang mahika. Kinuha niya ang kanyang mahabang espada. "Talagang sinusubok ako ng salamangkerong ito!"
Susugurin na niya mula sa likuran ang lalaki ngunit muli nitong ginamit ang kanyang kapangyarihan. Tinutok niya ang kanyang kamay sa papalundag na si Megalyon at sa isang iglap, tumigil ang paggalaw ng Pinuno ng mga Mersenaryo sa ere at pati na rin ang iba pa niyang mga tauhan. Animo'y napatigil o napabagal niya ang oras para sa kanila. Mabilis pa sa kisapmata, tumakbo papaalis ang lalaki at naglaho sa kawalan.
Lumipas ang talab ng kanyang mga mahika at muling bumalik sa dati ang lahat. Bumagsak si Megalyon sa sahig at ganoon na rin ang iba. Napatingin siya sa paligid at wala na ang makapangyarihang nilalang.
"Nasaan na siya?" Pagtataka ni Mikhal.
"Hindi na yun, mahalaga. Habulin nyo si Prinsipe Covel, mga gago!"
Nagsunuran ang kanyang mga tauhan at nagtungo ang mga ito sa direksyon na tinahak nila Covel at Gavy.
"Nalintikan tayo ng hayop na yun!" padabog na hinagis ni Megalyon ang kanyang espada sa sahig.
-Kampo ng Kamatayan-
Naglibot-libot sina Lodell, Wharen at Demetria sa Kampo at siniyasat nila ang pinsalang tinamo sa ginawang pagsugod ni Haurre at ng kapatiran. Pagkarating sa Silid-Sunugan, tumambad sa kanila ang mga napaslang na Tagapuksa at Tagalinis. Nagkalat ang mga bangkay at nagbaha ang kanilang mga dugo ngunit parang wala lamang ito sa kanila.
"Nabawasan tayo ng mga tauhan," saad ni Demetria.
"Wala pa iyan sa dami ng ating pwersa," sagot ni Lodell sa tonong natural sa kanyang pananalita.
"May napakawalan silang mga bihag," dagdag pa ni Wharen sa kagustuhan niyang bulabugin ang isipan ng Mataas na Panginoon.
"Higit na marami pa rin ang natira," nananatili namang kalmado ang Mataas na Panginoon sa kabila ng naging aberya.
"Doon sila dumaan," tinuro ng Mataas na Komandante ang bakanteng gusali ng kanilang Kampo. "Hindi ko alam na may sikretong lagusan pala si Jiaruz dito. Pinapahalughog ko na sa ating mga tauhan kung saan ang labasan at lusutan na maaaring magturo sa atin sa kinaroroonan ng Kapatiran."
"Sige, gawin nyo yun. Hayop na Kapatiran yan at pati na rin ang traydor na Jiaruz. Akala nila magtatagumpay sila sa paglupig sa ating Kampo. Nagsipaglikas lamang sila na parang mga natatakot na daga. Tara at siyasatin pa natin ang iba pang bahagi ng Kampo."
***
Nagtungo sila sa laboratoryo ni Alorde upang alamin kung nakarating doon ang Kapatiran. Pinuntahan ni Lodell ang silid ni Alorde habang sina Wharen at Demetria naman ay nagtungo sa silid ng kanyang mga bilanggo.
Sa kanyang pagpasok, napansin ng Mataas na Panginoon ang kalat sa loob ng silid na para bang isang malakas na bagyo ang nanalanta sa lugar. Nagkalat sa sahig ang mga basag-basag na garapon at mga likidong tumapon. Hindi pa nagtatagal, natagpuan na ni Lodell sa may sulok ang duguang bangkay ni Alorde. Nakabaon pa sa kanyang sikmura ang kanyang matalim na kutsilyo at nakadilat pa ang kanyang mga mata. Napatingin lamang si Lodell sa kanya na walang bahid ng kahit katiting na emosyon sa kanyang blangkong mukha.
Maya-maya, pumasok sina Wharen at Demetria upang mag-ulat ng isang masamang balita.
"Panginoon, kumpirmado, napasok rin ng Kapatiran ang laboratoryo, napatakas nila ang lahat ng mga bilanggo."
Hindi sila inimik ni Lodell.
Dahan-dahang nagtungo ang dalawa sa kinatatayuan ni Lodell at nasilayan na rin nila ang walang buhay na manggagamot.
"Napatay nila ang punong manggagamot natin," sabi ni Wharen. "Kung sino man ang may gawa nito, may angkin siyang galing para paslangin ang isa sa kinatatakutang tao dito sa Kampo."
"Si Alorde ang pinakamagaling nating manggagamot," tugon ni Lodell habang nakatuon pa rin ang tingin niya sa mga labi. "Hindi matatawaran ang kanyang katapatan sa akin at ang kanyang mga kontribusyon sa ating Kampo."
"Pagbabayarin natin ang Kapatiran sa ginawa nilang pagpatay sa kanya," tugon ni Wharen na nagkukunwaring naapektuhan sa pagkamatay ni Alorde, ngunit sa totoo lang, nagagalak siya na wala na sa wakas ang isa pang kinaiinisan niya sa Kampo.
"Hindi siya kawalan. Marami pang mahuhusay na manggagamot sa ating hanay, mapapalitan rin siya. Sunugin na yan kasama pa ng iba pang mga bangkay," matapos nito, nilisan na ng Mataas na Panginoon ang silid.
Nagulumihanan si Wharen sa sagot ni Lodell, nahalata niyang parang hindi man lang nalungkot si Lodell sa pagkamatay ni Alorde lalo pa at nakita niyang magkasundo ang dalawa noong nabubuhay pa ito. Dito napagtanto ni Wharen na bato na nga talaga ang puso ng Mataas na Panginoon. Napagtanto niya kung si Alorde nga na tinuring nitong kaibigan ay tila wala halaga sa kanya, hindi rin malabo na ganito rin ang magiging trato sa kanya ni Lodell kapag wala na siyang pakinabang sa kanya.
-Kanlungan ng Kanluran-
Kanina pa hindi magkamayaw sa paglalakad nang paikot si Ermin. Sa tuwing nagkakaroon ng misyon ang Kapatiran, karaniwan siyang naiiwan upang bantayan si Itoi kaya naman palagi siyang pinangungunahan ng kaba kapag siya ay naghihintay sa kanilang pagbabalik. Aktibo pa rin naman ang amahin ni Covel at may kakayahan pa siyang makidigma kasama ang iba pang kasapi ngunit alam niyang kailangan niyang bantayang maigi ang anak na may espesyal na kondisyon.
"Itay, bakit po kayo naikot? Itoi nahihilo na," saad ni Itoi.
Bahagyang natawa si Ermin sa pagtatanong ng anak, "pasensya na anak, nag-aalala lang kasi ang Itay para sa Kulev mo at sa Kapatiran. Sana makabalik na sila agad."
Ilang saglit lamang nakarinig sila ng mga yabag ng paa mula sa hagdan sa itaas.
"Sila balik na! Itoi saya na!"
Akala ni Ermin, kabilang si Covel sa nagbalik pero sila ay ang grupo nina Jualem, Ancho, Ronis at Nolan.
"Kamusta ang misyon nyo? Nagtagumpay ba kayo?" tanong ni Ermin.
"Nagtagumpay naman po, Mang Ermin," sagot ni Jualem kahit na halata pa rin ang lungkot at panghihinayang sa kanyang mga mata.
Sumunod naman na nakabalik sina Pinunong Haurre, Jiaruz, Toro, Buto, Bilbel at ang iba pa.
"Pinuno, anong nangyari?"
"Umayon naman sa plano ang lahat. Naipakita natin kay Lodell na hindi tayo matitinag na makipaglaban sa kanila. Kaso nga lang may mga nasawi sa ating pangkat."
"Wala na sina Karolus at Mandeng," napapailing na pinaalam ni Toro sa kanila.
Nalungkot ang iba pang kasapi sa pagkamatay ng ilan sa kanilang mga kasama. Madalas man silang malagasan ng mga kasamahan, hindi pa rin naiibsan at nababawasan ang sakit sa tuwing ito ay nangyayari.
"Mag-aalay tayo ng panalangin mamayang gabi para sa mga namaalam nating mga kasama," anunsyo ni Haurre.
Napatuon ang tingin ng Pinuno sa unang grupo.
"Bakit matamlay kayo? Di ba kayo nagtagumpay sa misyon nyo?"
"Nagtagumpay naman po, Pinuno," sagot ni Ancho. "Pinatahak na namin sa kanila ang daan patungo sa Kabundukan. Ligtas na sila."
Lumapit si Jualem na siyang pinakaapektado sa nangyari sa Silid-Sunugan.
"Nalulungkot lang po kami kasi marami po kaming naiwan na bilanggo. Nagmamakaawa silang tulungan namin sila, pero naiwan namin sila. Malamang ang iba sa kanila, kinulong o pinatay na rin ng mga Tagapuksa."
Nagpakawala ng buntong-hininga ang Pinuno. Inaasahan ko na yan. Gustuhin man natin tulungin silang lahat, imposible itong magawa sa ngayon. Kakaunti lamang tayo at kapos ang ating kakayahan. Nauunawaan ko ang nararamdaman nyo, maging ako ay nalulungkot rin sa tuwing naiisip ko ang mga sawimpalad na hindi natin nagagawang tulungan."
Matapos ang kanilang pag-uusap, napansin ni Ermin na wala pa rin ang anak.
"Nasaan si Covel, hindi nyo ba siya kasama?"
"Pasensya na, Ermin. Hindi na namin sila nagawang hintayin dahil hinabol na kami ng pwersa ni Lodell, pero nasisiguro ko sa'yo makakabalik ang Mahal na Prinsipe. Magtiwala ka lang."
Muli silang nakarinig nang mga yabag mula sa hagdan.
"Ayan na sila."
Natunaw ang saya sa mukha ni Ermin nang makitang sina Tukmul at ang mga kasamang mga bihag lamang ang dumating.
"Tukmul, may mga kasama ka pala," saad ni Haurre. "Maligayang pagdating sa aming himpilan."
"Magandang araw po, Pinuno. Maraming salamat po sa pagsagip sa amin." Sagot ng isa sa mga bihag.
"Walang anuman, mahalaga ligtas na kayo."
"Hindi ko na sana sila isasama pero nagpumilit sila, nais daw nilang makita kayo at magpasalamat ng personal," paliwanag ni Tukmul.
"Tukmul, magkwento ka, ano bang nangyari?"
"Natagpuan namin sila sa laboratoryo, grabe pala ang ginagawa sa kanila ng demonyong manggagamot."
Lumapit ang isa sa mga kambal na babae at nagkwento.
"Para kaming mga hayop na pinag-aaralan. Pinili nila kami dahil kami ay kambal o kaya ay kakaiba pagkatapos kung ano-ano ang eksperimentong ginagawa nila sa amin, pinuputulan kami ng iba-ibang parte ng katawan, iniiba ang kulay ng mga mata, kinukuha ang dugo. Ilan lamang yun sa mga kahayupang pinaparanas nila sa amin."
Napailing si Haurre sa natuklasan sa mga bilanggo. "Napakasama talaga nila, nakakasuka ang paglapastangang ginagawa nila sa inyo sa Kampo at hindi pa kasama roon ang pagsunog at paggutom nila sa iba pa. Naaawa ako sa Kanluran at sinumang pumapanig sa kanila. Bulag na sila sa katotohanan. Ang buong akala nila pinapatay sa maayos at makataong paraan ng pagbitay ang mga Itmai at Puttlan, hindi nila alam ang kapighatiang nararanasan ninyo sa kanila. Kung gaano kabrutal ang ginagawa nila sa inyong lahi. Huwag kayong mag-alala, ang lahat ng ito ay matatapos na. Imumulat na natin sa kanila ang totoong nagaganap sa likod ng mga dingding ng Kampo."
"Paano?" tanong ni Toro.
"Sa pamamagitan nila," tinuro ni Haurre ang mga bihag. "Bago kayo tuluyang umalis, hihingi ako ng isang mahalagang pabor sa inyo."
"Ano po yun, Pinuno?"
"Nais kong ipakalat ninyo sa Kanluran ang kalupitan ng mga Tagapuksa. Ipamalita nyo sa lahat kung ano ang nangyayaring inhustisya sa inyo nang sa ganoon mas dumami pa ang maglakas loob na umanib at makiisa sa ating pinaglalaban. Sa oras na dumami pa ang ating bilang, lilinisin natin ang mantsang iniwan nila sa Kanluran at ibabalik natin ang katahimikan at kapayapaan."
"Makakaasa po kayo sa amin, ipagkakalat namin sa lahat ang ginagawa nilang pang-aalipusta at pambababoy sa amin. Malalaman nila ano ang tunay na kulay ng Kampo."
"Salamat, mukha lang itong maliit na bagay pero malaki ang maitutulong nito sa ating layunin."
Sumang-ayon ang lahat sa ipinanukala ng Pinuno, lahat sila ay umay na sa kasamaang pinapamalas ng pwersa ni Lodell.
Nilapitan ni Ermin si Tukmul upang usisain, "nasaan sina Covel at Gavy? Bakit ikaw lang ang kasama nila?"
"Nagpaiwan ang Mahal na Prinsipe. Nagkahiwalay kasi sila ni Gavy kaya nagpasya siyang hanapin ito at paunahin kami."
"At ngayon wala pa sila, kinakabahan ako, paano kung nabihag na sila ng mga Tagapuksa sa Kampo."
Tinapik ni Haurre ang balikat ng kaibigang si Ermin. "Matapang at maabilidad ang Prinsipe. Tiwala akong makakabalik sila rito ng ligtas. Ikaw naman, Tukmul, bakit mo siya iniwang mag-isa?"
"Siya ang may sabi. Gusto ko nga sana siyang samahan pero yung idolo ko matigas din pala ang ulo."
"Sinong matigas ang ulo?" Nabigla ang lahat nang marinig nila ang tinig ni Covel sa likuran.
"Covel, anak," masayang nilapitan ni Ermin ang anak-anakan. "Salamat at nakabalik na kayo."
"Sabi ko naman sa'yo, Ermin. Hindi mo dapat siya pinagdududahan," pabirong hirit ni Haurre. "Kamahalan, Bakit kayo natagalan, anong nangyari sa inyo ni Gavy?"
Nagkatinginan si Covel at Gavy. Kapansin-pansin na rin ang pagod at dungis sa mga pinagdaanan nila ngayong araw.
"Marami pong nangyari sa amin. Nabihag ni Alorde si Gavy, pero huwag kayong mag-alala dahil napatay ko na siya. Tapos na ang paghahasik niya ng kasamaan."
Napangiti sa tuwa ang mga bihag ni Alorde sa nabalitaan at ang iba ay maluha-luha pa sa kagalakan na kinuha na rin ni kamatayan ang sugo ng kamatayan.
"Totoo po iyon, Pinuno. Niligtas ako ng Mahal na Prinsipe at utang ko sa kanya ang buhay ko," napatingin nang may lantik sa kanyang mga mata ang dalaga sa binata.
"Hindi lang po yun ang pagsubok na nilampasan namin."
"Mayroon pa?"
"Noong papauwi na kami, isang grupo ang humarang sa daan at pinalibutan nila kami. Hindi namin sila kilala, pero kilala nila ako. Ako ang pakay nila. Batid nilang ako ang Prinsipe Covel. Ang sabi nila may patong raw sa ulo ko at dadalhin nila ako sa Emperador buhay man o patay."
Ikinabahala ng lahat ang ibinalita ni Covel.
"Mabuti at natakasan nyo sila."
"Opo, Pinuno. Hindi kami makakaalis doon kung hindi dahil sa tumulong sa amin."
"May tumulong sa inyo? Sino?" tanong ni Ermin.
"Hindi ko rin alam. Isa siyang malaking palaisipan para sa akin. Di lang ito ang unang beses na niligtas niya ang buhay ko, sinagip na rin niya ako dati sa mga Tagapuksa."
"Ano ang itsura niya?" nais malaman ng Pinuno.
"Isa siyang lalaking maputla, nakasuot ng kulay abong balabal at nakakubli ang mukha."
Hindi na namangha si Haurre sa deskripsyon ng Prinsipe, tila inaasahan na niya ito.
"Mukhang alam ko na sino ang tinutukoy mo. May naririnig akong sabi-sabi tungkol sa isang misteryosong lalaki na gaya natin ay tumutulong at sumasagip sa mga nangangailangan. Marami na rin daw natulungan ang taong ito. May mga haka-haka na isa rin itong Puttlan dahil sa putla ng kanyang balat. May mga nagsasabi ring isa siyang salamangkero sapagkat may mga saksi na di umano'y siya ay may angking kapangyarihan."
"Sana lang magtagpo ulit ang aming mga landas nang makapagpasalamat ako sa kanya," sagot ng Prinsipe.
Sa pagkakataong ito, taliwas naman ang saloobin ni Haurre.
"Mabuti nang umiwas ka sa kanya. Kumikilos siya ng mag-isa at hindi natin siya kaanib. Wala tayong alam kung ano ba talaga ang pakay niya bakit niya ginagawa ang lahat ng ito. At ang ipinagtataka ko pa sa lahat, bakit gumagalaw siya ng palihim at tinatago pa niya ang kanyang mukha."
Tama si Pinuno, wala akong alam tungkol sa totoong motibo ng taong ito, pero bakit nakukutuban kong mabuti ang kanyang hangarin?
Ang kaninang kabadong si Ermin naman ay natahimik sa kanyang pwesto mula noong marinig niya ang tungkol sa kakaibang lalaking sumagip sa kanyang anak.
"Ngayong nakabalik na ang lahat, gusto kong batiin ang bawat isa sa inyo sapagkat ginawa ninyong lahat ang inyong parte at dahil dito, tagumpay ang ating misyon."
Natuwa ang lahat at napapalakpak sa kanilang tagumpay na misyon.
"Gusto ko ring pasalamatan si Jiaruz sapagkat napatunayan niyang isa siya sa ating mithiin. Malaki ang naging ambag niya sa pagpaplano sa ating misyon at hindi niya tayo niloko tulad ng inaakala ng iba."
"Masaya akong nakatulong ako sa inyo," malumanay na sagot ni Jiaruz sa tinig na malakas lamang ng bahagya sa bulong. "Masaya rin ako at naniniwala na kayo sa akin."
"Jiaruz," tinawag ni Gavielle sa mahinahong timbre ang taong kanyang kinamumuhian. "Tama si Pinuno. Kung wala ka, hindi namin mapapagtagumpayan ang misyon kaya binabati kita. Mabuti ang iyong ginawa."
Nahihiya namang napatango si Jiaruz kay Gavielle, hanggang ngayon mahahalata pa ring nagkakailangan ang dalawa sa isa't-isa pero nauunawaan naman ng karamihan ang kanilang sitwasyon.
"Sa pagpanig ni Jiaruz sa Kapatiran, asahan nyong tuloy-tuloy na ang ating mga isasagawang misyon, habang kumikilos ang mga napalayang bihag, patuloy rin tayong kikilos. Iisa-isahin natin ang bawat operasyon nila. Gagawin natin ang lahat upang isabotahe ang pwersa ni Lodell at makapagligtas ng mga sawimpalad hanggang sa ating makakaya, hanggang sa huling katao. Hindi masasayang ang mga buhay na binuwis ng ating mga kasapi. Hindi sila namatay para sa wala. Hindi na rin tayo mapipigilan ni Lodell ngayon. Para sa Kapatiran!"
"Para sa Kapatiran!" sabay-sabay na inulit ng bawat kasapi.
***
Kinagabihan, sa labas malapit sa kanyang tolda, nakaupo si Gavielle na nakatulala at may baong matamis na ngiti sa kanyang makinis na pisngi. Hanggang ngayon hindi pa rin niya makalimutan ang nangyari sa kanila ni Covel kanina. Paulit-ulit niyang naalala ang ginawa nitong pagsagip sa kanya sa puder ni Alorde, kung paano nito hinawakan ang kanyang kamay at pinangakong hanggang siya ay naririto, walang pwedeng makapanakit sa kanya. Hindi rin mawaglit sa isipan niya ang maaamong mga mata ni Covel, ang mga matang nagpakalma sa kanya sa mga panahong ang buong katauhan niya ay puno ng kilabot at pagkaligalig.
Muli ring bumalik sa kanyang gunita ang mga panahong nagkasama sila ni Covel sa mga misyon, ang kanilang mga kwentuhan at pati na rin ang kanilang mga bangayan. Hindi niya mapigilang lalong mapangiti. Sa piling ng Prinsipe, pakiramdam niya siya ay kuntento at payapa. Para bang pinadala sa buhay niya si Covel upang bigyan siya ng pag-asa na sa kabila ng masalimuot niyang buhay, sa huli magiging maayos rin ang lahat, sa piling niya. Hindi niya mawari ano ba ang kakaibang pakiramdam na ito, pabilis nang pabilis ang pintig ng kanyang puso sa bawat alaala kay Covel, ngunit hindi siya naghihikahos, bagkus kaginhawan ang pinapabatid nito, mula sa ritmo ng kanyang kaibuturan.
Naglalakad sina Buto, Bilbel at Tukmul. Namataan nila ang nakangiting si Gavy mula sa kanyang pwesto at hindi mapigilan ng tatlo na matawa. Nagpasya silang maglakad ng dahan-dahan upang sorpresahin ang dalaga.
Pumitik si Tukmul mula sa kanyang likuran. "Hoy, baka matunaw ka na dyan."
Natauhan si Gavy sa kanilang pambibigla. "Kayo pala. Anong ginagawa nyo rito? Buto kamusta na ang sugat mo?"
"Maayos naman na, alam mo naman kami, kumakain ng palasong para sa almusal," birong pinagmalaki ni Buto.
"Ikaw ang dapat naming tanungin, ano bang ginagawa mo at maganda pa ang ngiti mo dyan, bihira lang namin yan makita sa'yo," sambit ni Bilbel.
"Kayo talaga, wala to, doon na nga kayo at inaasar nyo na naman ako."
"Hindi pwedeng wala yan," pinagpilitan ni Tukmul na engganyo pa rin sa pang-aasar. "Mga ganyang ngitian ng babae, alam na alam namin yan."
"Babae? Sinong babae rito, hindi ako babae," sinabayan na ni Gavy ang biro nila.
"Gavy, kahit na puro lalaki kaming kasama mo rito, hindi mo maitatanggi na babae ka pa rin."
"At ang babae kapag ngumiti at natulala nang ganyan, isa lang ang ibig sabihin. Umiibig ka na no?" usisa ni Buto.
"Uy hindi," giit ng dalaga at nagsimula nang mamula ang mukha, "hindi ba pwedeng napangiti dahil masaya lang."
"Hindi, magkaiba ang saya sa pag-ibig. Tignan mo namumula na ang pisngi mo. Sabihin mo, isa sa amin tama? Sino ba yan?" tanong ni Bilbel.
"Sino pa ba, edi syempre yung idolo nating lahat. Wala nang iba kundi ang Mahal na Prinsipe mismo. Si Covel no? Mahal mo na siya."
Naghiyawan sina Buto at Bilbel sa sinabi ni Tukmul. Lalo lamang namula ang pisngi ni Gavy, mas tumamis pa ang kanyang ngiti at kumislap ang kanyang mga mata sa kanilang panunukso.
"Oo aaminin ko na, si Covel ang dahilan kung bakit ako nakangiti ngayon. Naaalala ko lang kung paano niya ako sinagip kanina. Masaya lang ako dahil sa ginawa nya para sa akin. Kayo naman, binibigyan nyo agad ng malisya."
Muling sumingit si Tukmul. "Huwag ako, Gavy. Alam na alam ko yan. Yung pagiging aso pusa, away bati nyo, sa ganyan rin nagsimula ang Lolo at Lola ko. Sinasabi ko na nga ba sa pag-iibigan din kayo hahantong. Nahuhulaan ko na yan noon pa na bagay talaga kayo sa isa't-isa."
"Anong bagay? Tigilan nyo nga ako."
Nagkindatan sina Buto at Bilbel habang nagsesenyasan, balak nilang hulihin sa kanyang mga salita si Gavielle.
"Nasabi mo na ba kay Covel ang nararamdaman mo?"
"Hindi pa, wala siyang alam."
"Ah kung ganun, totoo nga? Mahal mo na nga talaga siya."
"Wala akong sinabing ganun," umabot sa sukdulan ang pamumula sa mukha ng dalaga at habang kinukubli niya ito, mas lalo lamang siyang napapaghalataan. "Ibig kong sabihin, hindi ko pa nasasabi sa kanya gaano ako nagpapasalamat at nagagalak sa pagligtas niya sa buhay ko."
"Huwag mo nang itanggi, halata ka na," napatalon si Tukmul sa kanyang pagkaligalig.
"Kung mayroon man akong nararamdaman sa kanya, masama ba?"
"Kailan ba naging masama ang magmahal?"
"Naisip ko lang kasi, tama ba na unahin mo ang nararamdaman mo sa ganitong kalagayan natin ngayon? Nararapat bang umusbong ang pag-ibig sa panahon ng matinding digmaan, kung saan ang lahat ng bagay ay walang kasiguraduhan? Masyadong komplikado ang lahat. Mahirap na at baka makasagabal ang ating mga damdamin sa laban na ating kakaharapin. Hindi ko sinasabing talagang may nararamdaman ako, sinasabi ko lang kung sakali."
Napaisip ang tatlo sa mabibigat na salita ni Gavy at sila ay nagseryoso.
"May punto ka, mahirap nga ang umibig sa ganitong sitwasyon, pero alam mo kung ano ang mas hirap. Yung kinikimkim mo ang nararamdaman mo sa loob." payo ni Buto.
"Kung talagang may nararamdaman ka na sa kanya, sabihin mo na," udyok ni Bilbel.
"Ako? Ako pa na isang babae ang magsasabi ng nararamdaman ko sa isang lalaki?"
"Wala naman kaming nakikitang mali roon," saad ni Tukmul.
"Tandaan mo, maikli lang ang buhay, Gavy, lalo pa sa mga tinutugis na tulad natin. Hindi lahat nabibigyan ng pagkakataon. Ikaw na ang nagsabi, walang kasiguraduhan ang lahat."
"Basta kung handa na, susuportahan ka lang namin."
Napaisip si Gavielle sa payo nina Buto at Bilbel. Naliwanagan man siya sa kanilang mga suhestyon, naguguluhan pa rin ang dalaga kung dapat ba niyang sundin ang isinisigaw ng kanyang puso at damdamin.
Tyempo namang lumabas rin si Covel sa kanyang tolda at naglakad papalapit sa kanila.
"Eto na pala siya," turo ni Tukmul.
"Paano maiwan na namin kayo," kinikilig na nagpaalam si Bilbel.
"Sigurado ako kailangan nyo ng oras para sa isa't-isa. Hindi na namin kayo gagambaliin, dyan lang kayong dalawa," sinabayan pa ni Buto ang panunukso sa kanila.
"Kayo talaga, mga baliw! Lumayas na nga kayo," birong sambit ni Gavy sa mga kasamahan.
"Anong meron?" tanong ni Covel.
"Wala, nag-aasaran lang kami."
Umupo ang Prinsipe at tinabihan niya ang dalaga, naghahanap ng tamang tyempo upang magsalita.
"Gavy, maaari ba akong humingi ng pabor sa'yo?"
"Matapos mo akong protektahan, makakatanggi ba naman ako? Malaki ang pasasalamat ko sa'yo, Covel. Wala na sana ako kung hindi ka dumating."
Napangiti si Covel sa kanyang mga malalambot na pahayag.
"Wala yun, kahit kanino naman gagawin ko ang ginawa ko. Ako nga ang nahihiya sa'yo, pinabayaan kong makuha ka ni Alorde at muntikan ka na ring madamay sa gulo kanina nang dahil sa akin."
"Hindi, wala kang kasalanan. Di mo naman ginustong mapahamak tayo. Mabuti na lang talaga at may dumating na tulong sa atin. Nagpapasalamat ako sa kanya, gaya ng pagpapasalamat ko sa'yo."
"Ito nga ang nais kong pag-usapan natin ngayon. Gusto ko lang magbahagi ng aking saloobin tungkol sa taong ito. Talagang nahihiwagahan ako sa kanya. Para bang may nag-uudyok sa akin na hanapin at tuklasin kung sino siya."
Bahagyang nag-aalala ang dalaga sa binabalak ng Prinsipe.
"Pero di ba sabi ni Pinuno, mainam ng umiwas tayo sa kanya."
"Alam ko ang sinabi ng Pinuno, pinag-iingat lamang niya tayo, pero hindi ko alam kung bakit may nagsasabi sa akin na nagtataglay ng mabuting puso ang taong iyon. Nakita ko yun sa mga mata niya, gaano man ito kaputla. Dalawang beses na niya akong tinulungan at nilayo sa kapahamakan. Kaya nga hinihling ko na sana magkita ulit kami. Pakiramdam ko marami pa akong bagay na malalaman at matututunan sa kanya. Kung totoo ang mga balita na siya ay may mahika o kapangyarihan, sa tingin ko malaki ang maitutulong niya sa Kapatiran sa oras na siya umanib sa atin. Mas lalong lalakas ang pwersa natin laban sa ating mga kaaway."
"Nakuha ko. Nauunawaan kita, tunay ngang kamangha-mangha ang taong yun, misteryoso pero magaling makidigma. Huwag kang mag-alala, kung gusto mo siyang hanapin, hindi kita hahadlangan at kung kailangan mo ng tulong ko, magsabi ka lang at naririto lang ako."
"Maraming salamat, Gavy. Maaasahan ka talagang kaibigan."
Napangiti nang papilit si Gavy. Isang kaibigan, ito ang salitang pumigil sa dalaga na ipagtapat ang kanyang namumuong pag-ibig para sa Prinsipe.
-Lungga ng mga Mersenaryo-
Kinabukasan, nagtungo si Wharen sa lungga ng mga mersenaryo upang alamin kung nagtagumpay sila sa paghuli sa nawawalang Prinsipe. Walang kaalam-alam si Lodell na batid na ng Mataas na Komandante ang planong pag-atake ng Kapatiran sa Kampo bago pa man ito maisagawa, sapagkat binunyag ito ng espiya sa kanyang bagong liham. Nalaman niyang kasama rito ang Prinsipe Covel kaya naman pinatambangan niya sa mga mersenaryo ang daang tatahakin ng Prinsipe.
Hindi nagpaligoy-ligoy pa si Wharen at pinahayag ang kanyang sadya.
"Kamusta ang pagtambang nyo kay Prinsipe Covel? Nakita nyo ba siya?"
Natigilan si Megalyon nang bahagya at nagkatinginan muna sila ni Mikhal at ng iba pang kasama bago sagutin ang tanong ni Wharen.
"Oo, nakita namin ang Prinsipe."
"Mabuti naman kung ganun, ibig sabihin hindi tayo niloko ng espiya. Tiwala akong nahuli nyo na siya. Saan siya nakapiit? Gusto ko siyang makita."
"Nakita nga namin siya pero hindi namin siya nahuli," nahihiyang binunyag ni Megalyon.
Napangisi si Wharen na nagugulumihanan sa kanyang pag-amin. "Anong pinagsasasabi mo? Anong hindi nahuli?"
"Nabitag na namin siya, sigurado kaming mahuhuli na namin siya pero bigla na lamang may tumulong sa kanila."
Napailing si Wharen, "tulong? Ibig mong sabihin nadaig kayo ng Kapatiran?"
"Hindi siya Kapatiran. Isang natatanging lalaki. Malamang isang salamangkero, bigla na lamang siyang pumagitna at pinatakas niya ang Prinsipe, pagkatapos ginamitan niya kami ng mahika na para bang pinatigil niya ang oras at lahat kami ay nanghina para kalabanin siya. Kakaiba ang taong ito."
Lalong nangitngit si Wharen sa kanilang kwento.
"Nauulol na yata kayo. Hindi kapani-paniwala ang naririnig ko ngayon. Gumagawa lang kayo ng palusot sa pagkabigo nyong mahuli si Covel."
"Anong karapatan mong tawagin kaming sinungaling?" Hindi na nakapagtimpi pa si Mikhal. "Wala ka sa mismong pangyayari kaya manahimik ka na lang! Lahat kami ay magpapatunay sa sinabi ni Megalyon. Tignan mo na lang ang mga tinamo naming sugat sa pakikipaglaban sa taong yun!"
"Sabihin na nating totoo nga ang sinasabi nyo, sa tingin nyo dapat akong matuwa na sa dinami-rami nyo, natalo kayo ng iisang lalaki at natakasan rin kayo ng isang Prinsipeng walang kalaban-laban. May mahika ba talaga ang taong humadlang sa inyo o sadyang mga pulpol lang kayo at walang binatbat!"
Hindi na nakapagpigil pa si Megalyon at siya ay padabog na napatayo sa kinauupuan niya.
"Magtigil ka! Isa pang salita galing sa magaspang mong bibig at may kalalagyan ka samin! Sino ka ba para hamakin at maliitin ang aming orde? Sumususo ka palang sa puta mong ina, kami ay bihasa na sa pakikipaglaban! Ang lakas rin ng loob mong insultuhin kami sa sarili naming teritoryo! Kung mas magaling ka sa amin, hindi mo na kakailangan pa ang tulong namin sa paghuli sa Prinsipe, pero andito ka ngayon, umaasa sa tulong namin. Ikaw ang may kailangan sa amin, hindi kami ang may kailangan sa'yo. Kung tutuusin dapat nga may paunang bayad kami sa pinsalang tinamo namin!"
Nawala ang kahambugan sa aura ni Wharen at nagpasya siyang pahupain muna ang nabubuong tensyon sa pagitan nila.
"Pasensya na, hindi ko nais na insultuhin kayo. Tama ka, kailangan ko nga kayo. Patawarin nyo ko sa pagkakamali ko."
Tumayo si Wharen at naglakad papalapit kay Megalyon.
"Alam mo tama ka, dapat nga may paunang bayad kayo sa inyong mga pinsala, tanggapin nyo sana itong munting bayad ko."
Kinapa ni Wharen ang kanyang bulsa, tila may huhugutin. Akala ng lahat ito ay sako ng pera ngunit isang matalim na tarak ang nilabas ng Mataas na Komandante.
Sinunggaban niya ng walang babala si Megalyon mula sa likuran at sinaksak niya sa leeg ang lider ng mga mersenaryo. Napatayo sina Mikhal at ang iba pa sa pagkagulantang, hindi nila inaasahan na ito ang gagawin ni Wharen.
Nagpumiglas ang naghihikahos na si Megalyon ngunit hinigpitan pa lalo ni Wharen ang pagkakahawak sa kanya. Tinanggal niya ang tarak sa leeg upang ito ay ibaon ulit at walang humpay niyang pinagsasaksak ang leeg ni Megalyon. Nagtalsikan ang bumubulwak na dugo mula sa kanya at sa dami ng saksak na kanyang tinamo, halos mawakwak na ang leeg nito. Tinulak ni Wharen ang walang buhay na Pinuno malapit sa kanyang mga tauhan at ito ay bumagsak na umaagos ang dugo sa sahig.
"Hayop ka!" Tinutok ni Mikhal at ng iba pa ang kanilang mga pana kay Wharen.
"Sige, itira mo!" Nanlisik ang mga mata ni Wharen. "Akala nyo ba mag-isa ako?"
Nagsilabasan ang mga Tagapuksa at pinaligiran nila ang mga mersenaryo sa bawat direksyon. Sunod namang tinutok ng ibang mersenaryo ang kanilang pana sa kapwa nila mersenaryong sila Mikhal, Guinto at Tanzo, sa kanilang pagkabigla.
Napagtanto na ni Mikhal na sila lamang 3 ang nananatiling tapat kay Megalyon at ang lahat ay nabili na ni Wharen. Wala na silang nagawa kundi ibaba ang kanilang mga sandata.
"Mula ngayon ako na susundin nyo!" Paalala sa kanila ni Wharen at wala ng nagawa pa sina Mikhal at ang iba pa.
-Iba't-ibang Lupain ng Kanluran-
Totoo sa salita ni Pinunong Haurre, sinimulan na ng Kapatiran ang pagsabotahe sa mga aktibidad ng mga Tagapuksa sa tulong ni Jiaruz. Sa direksyon at impormasyon ng dating Komandante, inisa-isa nila ang bawat Bayan at Lupain. Tinambangan nila ang mga karaniwang operasyon ng mga galamay ni Lodell. Sa tuwing sila ay manghuhuli ng mga nagtatagong Itmai at Puttlan, nakaabang na ang Kapatiran bago pa man nila isagawa ang paghuli. Hinahayaan muna nilang tapusin ng mga ito ang kanilang operasyon at pagkatapos tsaka nila ito papaligiran at sasalubungin sa daang tinatahak. Doon nila sinasamantala ang pagkakataon upang paslangin ang mga ito at sagipin ang mga pinagmamartsang mga bihag. Sa bawat Lupaing sinasalakay ng mga Tagapuksa, nakabuntot na rin ang Kapatiran upang salakayin sila. Sunod-sunod ang mga paghuling naisabotahe. Sa paglipas ng mga araw, pakaunti nang pakaunti ang mga bihag na nakakarating sa Kampo na ikinagalit ni Lodell. Sunod nilang pinuntirya ang iba pang mga maliliit na Kampo kung saan si Jiaruz at ang mga piling Tagapuksa lamang ang nakakaalam. Dahil sa iilan lamang ang bantay, matagumpay nilang nalusob ang mga ito. Pinakawalan nila ang bawat bilanggo at bihag at pagkatapos sinusunog ang mala-impiyernong lugar ng pagdurusa. Dumami pa lalo ang bilang ng mga Itmai at Puttlang kanilang naililigtas sa bingit ng kamatayan. Binibigyan nila ang mga ito ng mapa na magtuturo ng ligtas na daan patungo sa kabundukan. Sunod-sunod ang naging tagumpay ng Kapatiran sa kanilang mga pagsagip at paglaban sa kasamaang bumabalot sa Kanluran. Dahil dito naging matunog sila sa bawat Lupain.
Hindi lamang ang Kapatiran ang kumikilos, kundi pati na rin ang mga bihag at bilanggo na nakaranas ng kalupitan sa Kampo. Ipinamalita ng mga Itmai at Puttlan ang ginagawang proseso ng pagpatay sa kanila sa pamamagitan ng pagsunog, sapilitang pagtatrabaho, pagpapahirap at paggutom. Ganoon rin ang ginawa ng mga bihag ni Alorde. Ipinagkalat nila ang mga karumal-dumal na eksperimentong ginagawa sa kanila sa laboratoryo. Ipinaalam nila ito sa kanilang mga kaanak at kakilala. Nagpasalin-salin sa mga bibig ang rebelasyong kanilang siniwalat at nailantad na sa Kanluran ang kasamaan nina Lodell at ng kanyang mga Tagapuksa. May ilang nanatiling tapat sa Mataas na Panginoon ngunit higit na marami ang mga loyalistang Erroiah na namulat ang mga mata sa katotohanan. Kinondena nila ang walang awa at di makataong pagpatay ng mga Tagapuksa sa mga Itmai at Puttlan. Nagsimulang magprotesta ang ilang Kanluranin at Erroiah sa Kampo at ganoon na rin sa himpilan ni Lodell sa Plaza. Isinisigaw nila ang pagbagsak ni Lodell at ang paglaya ng Kanluran sa kanyang diktadurya. Iisa ang tinig ng taumbayan: Ang Kapatiran ang kanilang tanging pag-asa para masagip ang buong kontinente. Nagsimula nang mag-iba ang tingin ng mga tao sa Kapatiran. Kung noon sila ay tinuturing na mga rebelde at mananalakay sa paninira ni Lodell, ngayon sila ay nagsisilbing mga bayani ng mga inaapi at maliliit na tao. Naging inspirasyon sila ng nakararami para tumindig at lumaban. Ang iba ay nagsimulang bumuo ng kanilang mga pangkat na gaya ng Kapatiran, lumalaban na rin sila sa mga Tagapuksa. Ang isa sa grupo ay tinawag rin ang kanilang mga sarili bilang "KNK" o Kakampi ng Kapatiran. Layunin nilang umagapay at tumulong sa Kapatiran para sa ikatatagumpay ng kanilang layunin.
Nagbubunga na ang matagal ng pinaghirapan ng Kapatiran at sa unang pagkakataon sa mahabang panahon, muling nagkaroon ng katiting na liwanag sa Kanluran.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro