Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 19: Aric

-Kasaganaan-

Sa pagsisimula ng umaga, bumalot sa damuhan ang maitim at malawak na anino mula sa kakaibang nilalang na lumilipad. Ito ang Ginintuang Paniki. Sa kanyang likuran nakasakay si Aric, habang ang anak naman niya ay lumilipad hindi kalayuan sa kanila at nagsimula na siyang makasabay sa liksi ng kanyang Ina. Ilang oras na ring naglilipad ang paniki mula sa bulkan, patungo sa pamilyar na bahagi ng Kasaganaan. Nagulo man ang makapal at may kahabaang buhok ni Aric, masaya pa rin siya sa kanilang paglalakbay sapagkat marami siyang nakitang nakakamanghang tanawin, halos mapigilan na niya ang kanyang hininga sa taglay nitong ganda.

Nang marating na nila ang dulo ng mababaw na kagubatan, sumenyas si Aric sa kanyang bagong kaibigan at ibinaba siya nito sa may bungad, malapit sa dalampasigan.

"Nandito na tayo. Nakauwi na ko. Mukhang dito na nagtatapos ang paglalakbay natin."

Sumiyap ang paniki at ginaya siya ng kanyang anak na mas matinis ang tinig sa kanya.

"Maraming salamat sa pagtulong nyo sa akin. Mag-iingat kayo palagi para sa panahong may mangangailangan sa inyo, matutulungan nyo rin sila gaya ng ginawa nyo sa akin."

Muling niyakap ni Aric ang paniki at hinimas niya ang batang paniki sa ulo. Lumipad na ang dalawa paalis sa kagubatan patungo sa kanilang tahanan at sila ay naglaho na sa alapaap.

"Paalam," nakaramdam rin ng bahagyang pagkalungkot si Aric sa paglisan ng kanyang mga bagong kaibigan.

***

Nagpatuloy si Aric pabalik sa dalampasigan. Una niyang nadatnan ang kasintahang si Miya na nakaupo sa pampang, tila nag-iisip. Naibsan ang kanyang pag-aalala. Kahit na mukhang matamlay pa rin ang dalaga, kahit papaano mas maayos na ang kondisyon nito kumpara noong huli niya itong nakita. Hindi na nag-aksaya ng panahon ang binata at naglakad siya papalapit sa minamahal. Nakilala ng kasintahan ang tunog ng kanyang mga paa at napalingon ito sa kanya.

Sumalubong sa kanya si Miya nang may buong pananabik. Dito na nagsimulang umayon sa kanila ang kapalaran. Inalay niya ang lunas na tinataglay ng kanyang dugo at hindi lang si Miya ang nasagip nito sa bingit ng kamatayan, pati na rin si Datu Mortho at ang lahat ng Tribong Myongan at Leon. Sa kanyang kontribusyon, tinuring na bayani at tagapaligtas ang dayo.

Sa kabila ng lahat, puno pa rin ng tensyon ang kanyang pagbabalik nang makita niya ang kalabang nagtraydor at nagtangka sa kanyang buhay. Ang nag-aastang bagong Datu ngayon, si Datu Leyro. Hindi siya nakapagpigil sa sobrang galit niya sa taong ito kaya naman isang malakas na sapak ang ipinambati niya rito.

Ang kapal rin ng mukha niyang magpakita sa kanila at angkinin ang pamumuno sa mga Myongan.

Hindi niya makakalimutan ang inamin nito sa kanya sa gubat. Kung ito ang mamumuno sa tribo, silang lahat ay nasa panganib. Tuso ang taong ito at kung siya nga nagawa niyang saksakin patalikod, paano pa kaya ang mga Tribong walang kalaban-laban sa kanya? Siya ang may sala sa lahat ng sakunang pinagdaanan nila. Nasa kamay niya ang dugo ng lahat ng taong nasawi sa trahedyang ito, kaya naman nararapat lamang siyang singilin sa lahat ng kanyang kasalanan. Bukod rito, batid rin niyang batikan rin ito sa pagsisinungaling at paggawa niya ng kwento, kahit siya ay gigil na gigil sa kanyang pagbubulaanan, namangha siya nang bahagya sa kwento nitong may kasabwat siyang iba pang dayo at pwersang Taga-Labas. Pinutol man niya ang koneksyon kina Uwalhid ngayon, nagtugma ang kanyang pag-iimbento sa dati niyang intensyon.

Naalala ni Aric ang pagpapatuloy ng pagpupulong. Napuno na si Datu Mortho sa kanilang pag-aaway at nagpasya itong bigyan sila ng hamon na sila ay magtatagisan sa isang palakasan. Mananatili ang mananalo at aalis ang matatalo.

"Lo, ano pong palakasan ang paglalabanan nila?" tanong ni Miya.

"Isang palakasang susubok sa kanilang lakas, bilis at katatagan. Mainam nang hindi nyo muna malaman sa ngayon. Bukas ko na sasabihin. Masasabi ko lang, kailangan nyo itong paghandaan mabuti."

Doon na muna nagtapos ang pagpupulong.

Batid ni Aric na kahit na hindi maganda ang motibo niya noon sa Tribo, malaki na ang pinagbago niya ngayon at ang lahat ng pinapakita niyang malasakit sa Tribo ay puro at walang bahid ng pagpapanggap, kaya siya ang mas nararapat na manatili ngayon kaysa kay Leyro.

***

Pagkatapos ng kanilang pagpupulong, nagpasya si Aric na paghandaan ang kanilang sagupaan ni Leyro at sinimulan niya ang pagsasanay. Nagtatakbo siya sa bungad ng gubat upang sanayin ang liksi ng kanyang paa. Humanap siya ng punong may katamtamang kapal at sunod niyang sinanay ang kanyang kamao sa pagsuntok. Sinubukan rin niyang hamunin ang kanyang sarili sa pag-akyat sa mga punong magagaspang at maraming tangkay upang subukin ang kanyang katatagan. Namataan ni Miya ang ginagawa ng kasintahan sa kalaliman ng gabi.

"Mukhang handang-handa ka na para bukas."

Napatigil si Aric nang marinig ang tinig nito.

"Kailangang maging handa ako, Miya. Dito nakasalalay ang pananatili ko. Ang hindi ko lang maunawaan, bakit pati ang pananatili ko ay nalagay rin sa alanganin? Hindi naman sa sinusumbat ko pero hindi pa ba sapat na nasagip ko ang Tribo sa dalawang pagkakataon. Nagtaka lang ako sa naging pasya ng Datu."

"Kilala ko si Lolo, siguro nais niya lang talagang maging patas ang lahat at umiwas sa gulo. Nakita mo naman ang reaksyon ng ibang Tribong Leon, hindi nila maaaring mapuna na may pinapaboran si Lolo, kaya ipinaubaya na niya sa tadhana ang lahat."

Naunawaan ni Aric ang pinupunto ni Miya, alam niyang sa nangyari kanina, muling nagkaroon ng dibisyon sa pagitan ng dalawang Tribo.

"Marahil ito nga ang dahilan."

"Huwag kang mag-alala, may kumpiyansa ako na ikaw ang mananalo at sigurado ako na ganoon rin si Lolo. Kayang-kaya mong pakainin ng alikabok si Leyro. Ikaw pa ba?"

"Hindi natin yan matitiyak, Miya. Tuso si Leyro, minsan na niya tayong tinira ng patalikod, gagawin niya ang lahat para siya ang manatili rito at ako ang mapaalis, kaya kailangan malamangan ko siya sa lahat-lahat. Sa bilis, lakas at katatagan."

Napangiti si Miya sa pagkabahala ng kasintahan at mukhang hindi siya nag-aalala sa kahihinatnan ng labang haharapin ng nobyo.

"Mahal, hindi mo ba nakikita? Lamang na lamang ka na sa kanya, lalo na rito," nilagay niya ang palad niya sa dibdib ng kasintahan.

"Pinapangako ko, ipapanalo ko ito para sa iyo at sa buong Tribo," sapat na ang mga salita ng minamahal upang mapalakas ang loob niya.

"Magpahinga ka na, kagagaling mo pa lang sa pag-aalay ng dugo, isa pa kakailanganin mong ipunin ang lakas mo para bukas."

Isang halik sa pisngi ang hinandog sa kanya ni Miya bago sila umuwi.

***

Kinabukasan, maagang nagising ang lahat para sa magaganap na tapatan sa pagitan nina Aric at Leyro. Isang maalinsangang umaga ang sumalubong sa kanila. Tirik na tirik ang araw, saktong-sakto para sa dalawang lalaking magtatagisan ng galing. Nagtungo ang lahat sa kakaibang parte ng kagubatan. Ang bahaging ito ay puno ng makakapal at nagtataasang mga baging, ang tinatawag nilang kalatagan ng kagubatan. Sa ibaba naman, ang damuhan ay mabato at napapaligiran ng malagkit na putikan. Sa hindi gaanong kalayuan, matatanaw ang isang matarik at mataas na batuhan na maihahalintulad sa taas ng isang burol.

Pinagmasdan ni Aric ang paligid, lalo na ang buhol-buhol na bagingan at may isang bagay na pumukaw ng pansin niya. Sa itaas, mayroong dalawang kahabaang tanglaw ang nakasabit sa mga ito. Kapwa may sindi ng apoy ang dalawang tanglaw.

Pinalapit ni Datu Mortho ang dalawa sa kanya upang ibigay ang kanyang panuto.

"Nakikita nyo ba ang dalawang tanglaw sa itaas ng bagingan? Para sa inyong pagtutunggali, kailangan nyong makuha ang tanglaw sa sala-salabat na bagingan. Tig-isa kayo. Pag nakuha nyo, kailangan nyong magpaunahan sa maputik at malubak na damuhang ito patungo sa batuhan kung saan kami mag-aabang. Ang unang makarating sa tuktok at magtusok ng nakasinding tanglaw sa butas na inilaan ko dito sa batuhan ang siyang mananalo sa tagisang ito."

Sa paliwanag pa lang ng Datu, alam na ni Aric na hindi magiging madali ang hamong ito, lalo pa at maselang rin ang apoy, sa katiting na kilos maaari itong mamatay.

"May tanong po ako, Mahal na Datu."

"Sige, ano yun, Aric?"

"Sakaling mamatay ang apoy sa tanglaw, maaari ba naming sindihan ulit ito?"

"Magandang tanong, Aric. Pinapahintulatan ko kayong magsiga ng apoy kung sakaling ito ay mamatay, pero mas mabuting huwag nyo nang paabutin sa ganun at maaari itong magpabagal sa inyo."

"May tanong rin ako," syempre hindi magpapatinag si Datu Leyro na magsalita. "Habang kami ay nagkakarera, pwede ba naming pigilan ang isa't-isa na mauna sa itaas ng batuhan?"

"Oo, maaari nyong pigilan ang inyong mga kalaban, pwede kayong magtulakan, maghilahan at makipagbuno para mapabagal ang inyong mga katunggali basta hindi nyo pakikialaman at sisiraan ang tanglaw ng bawat isa. Kung matatandaan nyo ang sinabi ko, ang palakasang ito ang susukat sa inyong bilis, lakas at katatagan. Ito rin ang magdidikta kung sino ang mananatili at sino ang lilisan. Handa na ba kayo?"

"Opo, Mahal na Datu," halos sabay na tugon nina Aric at Leyro.

"Pumwesto na kayo sa may kalatagan. Aabangan ko na lang kayo sa may batuhan," sumenyas si Mortho sa kasama niyang tauhan na siyang magpapasimula ng laban. "Ikaw na ang bahala sa kanila."

Pumosisyon ang dalawa sa hudyat nito. Tinignan ng masama ni Leyro si Aric.

"Maghanda ka ng umalis, pagkatapos kitang talunin, mawawala ka na sa Kasaganaan."

Hindi na lamang pinansin ni Aric ang kanyang pang-aasar. Walang saysay pakinggan ang kanyang mga insulto. Itinali niya ang kanyang mahabang buhok nang sa ganoon hindi ito makaabala sa kanya.

Nagbigay na ng hudyat ang inatasan ni Mortho.

"Maghanda, pwesto...ngayon na!"

Nagsimula na ang kanilang pagtutunggali. Pumili si Aric ng baging na may kakapalan nang sa ganoon hindi ito mapiktal habang siya ay naakyat. Puntirya niya ang tanglaw na nasa kanan. Sa kanilang pagsisimula, napagtanto nilang higit na mahirap ang pag-akyat kumpara sa inaakala nila sapagkat madulas pala ang nasabing baging kaya naman ito ang nagpabagal sa pag-usad ng dalawa. Napatingin si Aric sa kalaban at namataan niyang dumudulas-dulas rin si Leyro sa kanyang baging. Mabilis na napaisip si Aric nang stratehiya kung paano mapapabilis ang kanyang pagpanik. Sinubukan niyang ipitin ang kanyang mga hita at binti sa pagitan ng baging habang ginagapang ang mga ito paitaas. Gumana ang kanyang estilo at tumataas na ang kanyang naaakyat.

Nang makita ni Leyro na tumalab ang ginagawa ni Aric, ginaya niya rin ito. Habang umaakyat, napatingin si Aric at ngayon niya lang napansing mataas na pala ang nararating niya, maaaring lagpas isang daang talampakan na. Iniwasan na lamang niyang tumingin sa ibaba upang hindi siya malula at pangunahan ng kaba. Itinuon na lamang niya ang pansin sa tanglaw. Ilang talampakan na lamang ang layo nito sa kanya. Malapit-lapit na siya ngunit hindi pa rin tapos ang pagsubok sa pagkuha nito. Ito na ang bahaging sukdulan ang pagkakabuhol ng mga nagkakapalang mga baging. Sa kabila ng lahat, desidido pa rin si Aric na makuha ito. Tinalon niya ang sala-salabat na baging at nagpalambi-lambitin rito. Ilang hakbang na lang at mapapasakamay na niya ang tanglaw.

Samantala, sa ibaba naman namataan ni Leyro na malapit nang makuha ni Aric ang tanglaw at hindi ito makapapayag. Napatingin siya sa itaas at nakita niya ang magkakapulupot na mga baging sa itaas ni Aric, malapit ang mga ito sa baging na kanyang kinakapitan. Inugoy ni Leyro ang kanyang baging nang sa ganoon ay magalaw ito at malaglag kay Aric. Nagtagumpay nga ang kanyang plano. Makukuha na sana ni Aric ang tanglaw ngunit sa hindi niya inaasahan ay biglang nagbagsakan sa kanya ang nagkakapalang mga baging. Nagkabuhol-buhol ito sa kanya habang ang tanglaw naman ay nalaglag sa ibaba at sumabit sa isa pang makapal na baging, nananatili pa ring nakasindi. Sa ginawa ni Leyro, napabagal niya si Aric at malapit na niya itong maabutan sa kanyang posisyon. Naghikahos si Aric sa pagkakasabit ng kanyang ulo, katawan, braso at hita sa mga makakapal na baging. Maingat niyang tinanggal ang sarili sa pagkakabuhol at hindi ito naging madali. Ang ibang maninipis na baging ay madaling makalas habang kailangan naman ng sapat na lakas upang matanggal ang mas makakapal. Hindi siya maaaring magkamali ng galaw at ikapapahamak niya ito. Isang sablay lamang at posibleng siya ay mabigti o di kaya ay mawalan ng balanse at malaglag sa kanyang kamatayan. Mahigpit man ang pagkakakapit sa kanya ng mga baging, nagpursige pa rin siyang makawala sa pagkakagapos ng kagubatan at siya ay tuluyan ring nakawala. Napatingin siya sa ibaba at nakita niya ang pinupuntirya niyang tanglaw. Wala ng inaksayang panahon pa si Aric at siya ay tumalon patungo sa kinaroroonan nito. Sa kanyang pagkilos, muling nagalaw ang mga baging at sa pagkakataong ito, si Leyro naman ang nabagsakan at nagkabuhol-buhol rin ito sa kanya. Nagkasabit-sabit hindi lamang ang kanyang ulo at katawan, kundi pati na rin ang kanyang mala-leon na buhok.

Abot kamay na ni Aric ang tanglaw at matagumpay niya itong nakuha. Dumulas siya pababa ng kinakapitang baging at siya ay nakarating sa damuhan. Nakahinga ng maluwag si Miya sa may batuhan, na kanina pa kinakabahan sa ginagawa nilang paglalambitin.

Dala-dala ang may sinding tanglaw, tinahak na ni Aric ang daan patungo sa batuhan, sa may malubak at maputik na damuhan. Gaya ng inaasahan, naging balakid rin ang malubak at malagkit na daan kaya naman nag-ingat siya na huwag matisod at madapa kahit na may kabilisan pa rin ang kanyang pagtakbo. Hindi nagtagal, nakalagpas na siya sa kalahati ng daan, naririnig niya ang hiyawan ng mga Tribong nanonood malapit sa damuhan. Kumpiyansa na si Aric na mararating na niya ang batuhan ngunit sa isang iglap, hindi niya namalayang nakaabot na rin pala sa kanya si Leyro at hinila siya nito papalayo. Sinuntok ni Leyro si Aric sa mukha at siya ay napabagsak sa putikan. Sa hindi inaasahan ng lahat, inagaw ni Leyro ang tanglaw ni Aric at walang pag-aalinlangan itong hinagis sa putikan. Tuluyang namatay ang apoy sa kanyang tanglaw. Nangatog si Aric sa ginawa ng kalaban at nagpasya siyang gumanti. Nagbuno ang dalawa at binirahan niya rin ito ng suntok sa mukha na nagpabagsak sa kanya sa putikan. Nagkapalit sila ng pwesto at si Aric ang nangibabaw sa kanila. Pareho nang madungis sa putik ang dalawa.

Lalong lumakas ang hiyawan ng mga nanonood na Myongan, inuudyakan nilang tapusin na niya si Leyro. Muling sinuntok ni Aric nang may panggigigil ang katunggali.

Para kay Miya!

Sinuntok niya ito sa kabilang pisngi.

Para sa akin!

Binanatan niya ulit ito at sa sobrang lakas, nakarinig siya ng malutong na tunog sa ilong ng Datu.

Para sa lahat ng nasawi dahil sa kahayupan mo!

Nawalan ng malay si Leyro sa may putikan. Napalingon si Aric sa paligid at namataan niyang nakatusok ang nakasindi nitong tanglaw sa may damuhan. Napatingin rin siya sa kanyang namatay na tanglaw. Imbes na sabotahe rin niya ito, nagpasya na lamang siyang balewalain ang tanglaw ng kalaban at pinagtuunan na lamang niya ng pansin ang sarili niyang tanglaw. Muling ginamit ni Aric ang talas ng kanyang pag-iisip kung paano niya masisindihan ang tanglaw. Naghanap siya ng mga kagamitan sa paligid. Kumuha siya ng maliliit na bato, dahong pansiga at mga patpat. Sinubukan niyang gumawa ng apoy gamit ang mga nakuha at sinimulan niyang kiskisan ang mga patpat at bato.

Ilang saglit lamang, nagkaroon na ng malay si Leyro. Tumayo siya at kinuha niya ang kanyang tanglaw kahit na siya ay hilo at pasuray-suray pa. Sinamantala niya ang pagkakataon habang abala pa si Aric at inakyat na niya ang batuhan. Natagalan ang dayo sa pagbuo ng apoy. Nangangalahati na si Leyro sa itaas ng batuhan nang magtagumpay siyang makabuo ng mitsa. Nilagay niya ang tanglaw sa apoyan at sinindihan ito.

Hindi nagtagal, nakarating na si Leyro sa tuktok. Wala na siyang sinayang na oras at itinusok niya ang tanglaw sa may butas ng batuhan na may buong pagmamalaki.

"Nanalo ako!" Napatalon siya sa tagumpay.

Napansin niyang nakatayo lamang si Datu Mortho, Miya at ang iba pa. Tila siya lamang ang masaya at walang makikitang kahit anong reaksyon sa kanilang mga mukha.

"Hindi nyo ba ako babatiin sa pagkakapanalo ko?"

"Mamaya na, hintayin muna nating makaakyat si Aric bago ako magsalita," sagot ng Datu.

Makalipas ang ilang saglit, nakarating na si Aric sa itaas ng batuhan na naghihikahos sa paghahabol ng hininga at nababalutan ng putik. Nakita niyang nakalagay na ang tanglaw ni Leyro sa butas at siya ay nanlumo. Tinusok na lamang niya ang tanglaw sa may sulok at napailing sa panghihinayang, pinagpapalagay na siya ang aalis.

Huli na ko.

"Ano ka ngayon, dayo? Sinabi ko naman sa'yo na matatalo kita, kaya magpaalam ka na sa kanila."

"Sandali lang," sinaway siya ni Datu Mortho. Nagtungo siya malapit sa tanglaw ni Leyro upang magbigay ng anunsyo. "Leyro, ikaw ang naunang makapaglagay ng tanglaw sa tuktok ng batuhan...iisa lang ang ibig sabihin nito."

Tinanggal ni Mortho ang tanglaw sa butas at bigla na lang niya itong hinagis sa may putikan sa ibaba. Tuluyang namatay ang apoy ng kanyang tanglaw. Ikinabigla ito nina Aric, Miya at lalo na si Leyro. Hindi siya makapaniwala sa ginawa ng Datu.

"Bakit nyo yun ginawa?"

"Dahil hindi ikaw ang nagwagi."

"Paanong hindi ako? Malinaw na malinaw, ako ang unang nakarating rito at nakapaglagay ng tanglaw sa tuktok. Naunahan ko siya. Napatunayan kong ako ang mas mabilis, mas malakas at mas matatag. Ako ang nanalo!"

Napailing si Mortho sa pagmamayabang ni Leyro.

"Yan ang inaakala nyo, na sinusubok ko lang ang bilis, lakas at katatagan ninyo, pero ang totoo sinusukat ko ang inyong katauhan, asal at higit sa lahat, ang inyong puso. Nakita ko ang ginawa mo kanina, pinakialaman mo ang tanglaw ni Aric. Hindi ka naging patas at nilabag mo ang patakaran. Marumi kang maglaro. Habang si Aric, may kakayahan rin siyang puntiryahin ang iyong tanglaw, pero hindi niya ginawa, bagkus minabuti niyang pagtuunan ng pansin ang sarili niyang tanglaw at naglaro siya ng patas at malinis."

Natahimik si Leyro sa sinabi ng Datu at wala siyang maidahilan sa kanyang kalokohan. Nawala sa isip niya na bawal nga palang galawin ang tanglaw ng kalaban.

"Sa ginawa mong pandaraya kanina, pinatunayan mo lang sa amin na totoo nga ang lahat ng sinabi ni Aric na sinabotahe mo ang inyong misyon at ikaw nga ang dahilan kung bakit kumalat ang sakuna sa ating mga Katribo. Tahasan kong ipinapawalang bisa ang pagkakapanalo mo sa tunggaliang ito."

"Hindi! Hindi ako makapapayag. Ako ang nanalo!"

Dumagundong ang tinig ni Leyro sa batuhan sa sobrang panggagalaiti.

"Hanggang ngayon di mo pa rin nauunawaan, sa kagustuhan mong manalo, mas lalo ka lang matatalo."

"Tama na, Leyro. Tanggapin mo nang talo ka," nagkaroon na ulit ng panibagong lakas ng loob si Aric.

"Alam mo ang ibig sabihin nito, ikaw ang aalis," dagdag ni Miya.

Ngumisi ang Datu sa apo at ginawa na niyang pormal ang pagpapatalsik dito.

"Datu Leyro, pinapatawan kita ng habang buhay na pagpapatalsik sa Kasaganaan, hindi ka na maaaring tumungtong pa sa aming Lupain. Kapag nakita ka pa namin rito, wala kaming magagawa kundi ipataw ang parusang nararapat sa'yo. Lilisanin mo na ang Kasaganaan sa lalong madaling panahon."

"Hindi ako aalis! Ang Dayo ang dapat umalis!"

Sumenyas si Mortho at hinuli ng kanyang mga tauhan si Leyro.

"Bitawan nyo ko!"

"Nararapat lamang ito sa'yo sa pagpapalaganap mo ng sakuna sa aming lahat."

"Tandaan nyo to, sa oras na makabalik ako, magdadala ulit ako ng panibagong sakuna sa inyong lahat, isang sakunang hindi nyo na matatakasan!"

"Ilayo nyo na siya," dinedma ng Datu ang kanyang pagbabanta.

"Sandali, sasama kami sa aming Datu," nagpresinta ang mga lalaking Tribong Leon na tapat sa kanilang pinuno. Maging sila ay sumuko at kusang nagpadakip sa mga Myongan.

Habang hatak-hatak, napatingin si Leyro sa mga babaeng katribo na nakamasid lamang sa kanila.

"Kayo! Ano pang hinihintay nyo! Magsikilos kayo!"

"Hindi," nanindigan ang Ina ni Leyla kahit hanggang ngayon may bahid pa rin ng pangangatog sa kanyang boses. "Hindi na kami sasama sa inyo."

Matawa-tawa ang Datu, "Baka nakakalimutan nyo, magkakatribo tayo, kung nasaan ako, naroon kayo. Makinig kayo sa inyong Datu."

Muling tumindig si Miya sa harap ng pinalayas na Datu.

"Mula ngayon sa amin na sila maninirahan, malayo sa'yo. Tapos na ang pagpapahirap mo sa kanila. Hindi na sila magpapaalipin sa ilalim ng pamumuno mo."

"Pagbabayaran nyo to! Tandaan nyo ang araw na kinanti nyo ang Datu ng Tribong Leon!"

"Ilayo nyo na sila, malayo pa ang lalakbayin nyo sa disyerto."

Kinaladkad nila pababa ng batuhan si Leyro at ang kanyang mga lalaking Tribong Leon. Tuluyan na silang napatalsik ni Datu Mortho. Naiwan ang mga Leonesa. Sila ay nakahinga ng maluwag at nagbunyi. Sa wakas nakalaya na rin sila kay Leyro.

"Salamat," tugon ng Ina ni Leyla kay Miya at napayakap siya sa dalaga.

"Wala pong anuman, tinupad ko lamang ang pangako ko sa anak nyo. Sigurado ako, masaya na si Leyla nasaan man siya ngayon."

Pagkatapos ng pagpapaalis, muling humarap si Mortho sa kanilang lahat.

"Ngayong wala na si Leyro, iisa lamang ang ibig sabihin nito. Aric, ikaw ang tunay na panalo at mananatili ka pa rito."

Sumenyas si Mortho sa dayo at napatingin sa kanyang tanglaw. Hinugot ni Aric ang kanyang tanglaw at nilagay niya ito sa may butas bilang tanda ng kanyang tagumpay. Naghiyawan sa tuwa sina Myoris, Mylka, Maoro at ang iba pa, habang sina Maahan at Marcio naman ay may pag-aalinlangan pa rin sa pananatili ng dayo.

Hindi na nakapagpigil pa si Miya at napayakap siya kay Aric kahit na ito ay madungis. "Sabi ko naman sa'yo, ikaw ang mananalo, hindi ako nagduda sa'yo."

"Salamat, Miya. Masaya ako na mananatili pa ko sa Kasaganaan kahit na sobrang dumi ko ngayon."

Napahalakhak ang lahat sa pahayag ni Aric. Maya-maya, nagsibabaan na ang lahat mula sa batuhan.

Bago tuluyang bumaba, napasulyap ang binata sa tanglaw na walang tinag na nakatayo sa tuktok ng batuhan. Hindi lamang ito tanda ng kanyang pagkapanalo, tumatayo rin itong simbolo ng kanyang katapatan at pagmamahal sa Tribo.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro