Kabanata 18: Saraphine
-Palasyo-
Mula noong marinig ni Rionne ang mga binunyag ni Sara sa kanyang kalasingan, hindi na natahimik ang Prinsipe sa kakaisip rito. Pagsapit ng gabi, naging mailap ang pagtulog sa kanyang naguguluhang kaisipan.
Nalilito siya kung dapat ba niyang isawalang-bahala ang narinig niya, lalo na at hinggil ito sa kaligtasan ni Rigo. Kung may balak na masama si Sara laban sa kanya, maaari itong magdala ng panganib at kapahamakan sa Palasyo. Isa ring gumulantang sa kanya ay ang rebelasyong maaaring bumago sa takbo hindi lamang ng Silangan, kundi pati ng Imperyong Cenpyre. Inangkin niyang siya ang Prinsesa Cordelia ng Imperyong Cenpyre.
Sa ngayon, isa nang malaking katanungan si Sara para sa kanya. Sino ba siya? Isa ba siyang hamak na lingkod, isang Prinsesa o isang espiya mula sa Imperyong Cenpyre?
Batid niyang hindi siya matatahimik hanggang hindi niya nalalaman ang katotohanan. Nakapagpasya na siya. Kailangan niyang magsaliksik, humanap ng patunay kung tama ba ang hinala niya o hindi.
***
Kinabukasan, sinimulan na agad ni Prinsipe Rionne ang kanyang pagsasaliksik at pangangalap ng ebidensya. Sa kanyang paghahanap, una siyang dinala ng kanyang paa sa kanilang Silid-Aklatan. Maigi nang simulan niya ang pagkuha ng mahahalagang impormasyon sa mga aklat. Ang hindi alam ng karamihan, ito ang nakakabatid.
Nilapitan ni Rionne ang Tagapangasiwa ng kanilang aklatan. Isang matandang hindi kataasan, palaging nakasuot ng makapal na salamin sa mata ngunit aktibo pa rin pag-aayos ng mga aklat. Kilala ito sa tawag na Fausto at kung mayroon mang nakakaalam ng nakatala sa Imperyong Cenpyre, nasisiguardo niyang siya iyon.
"Mahal na Prinsipe Rionne, kayo pala."
"Magandang araw po, Ginoong Fausto."
"Ganoon rin sa'yo. Matagal-tagal ka ng hindi nakakapaglagi rito. Ano ang maitutulong ko sa inyo?"
"Naisip ko lang magbasa tungkol sa isang paksa."
"Anong paksa naman ang hanap natin?"
"Sa totoo lang, medyo mahirap at sa tingin ko baka wala na kayong maibigay na aklat sa akin, bihira rin kasi itong basahin dito sa Silangan."
"Subukan nyong itanong sa akin at baka alam ko," kumpiyansang sambit ng matanda.
"Tungkol sa Imperyong Cenpyre, nais ko lang palawigin ang kaalaman ko tungkol sa mga pangyayari at mahahalagang tao sa Imperyo lalo na at nagkaroon na ng alyansa ang Hari sa Emperador."
"Ah mukhang alam ko na kung ano ang aklat na nababagay sa'yo, pero mag-iingat ka."
"Mag-iingat? Bakit naman?"
"Sandali, kukuhanin ko lang."
Siniyasat ni Fausto ang mga makakapal na libro sa estante sa sulok na bahagi ng aklatan at kinuha niya ang isa sa may dulo. Isa ito sa pinakamalaki at pinakamakapal na aklat na mayroon siya.
"Ito ang Talaan ng Kasaysayan ng Imperyong Cenpyre. Nakatala dito ang lahat ng pangyayari sa Imperyo at ganoon na rin ang linya ng Emperador at ng pamilya Imperyal, mula kay Emperador Croamas hanggang sa nasirang Emperador Costan bago pa salakayin ni Emperador Fierro ang Cenpyre. Kung nais mong makilala ang mga Prinsipe, Prinsesa, Mga Kawal at iba pa, mahahanap mo sila dyan."
"Mukhang ito na nga ang librong hinahanap ko."
Lumapit ang matanda sa Prinsipe at tinapat niya ang bibig sa tenga nito upang bumulong.
"Balik tayo sa sinabi ko kanina, mag-iingat ka, kung pwede sa atin-atin na lamang muna ito. Walang dapat makaalam na may natatago pang kopya ng libro."
"Bakit naman po?"
"Noong umupo ang Mataas na Emperador sa Trono, nagbigay siya ng mahigpit na kautusan na sunugin ang lahat ng mga aklat at dokumentong may kaugnayan kay Emperador Costan, sa kagustuhan niyang mabura ang alaala ng dating Emperador. Ang sinumang makikitaan na may pag-aari ng librong ito ay maaaring paratangan ng pagiging erehe at ipakulong. Isa ang aklat na ito sa mga orihinal na kopya at hindi ko ito magawang itapon, alam kong may magiging pakinabang ito pagdating ng araw kaya tinago ko na lang muna."
"Huwag kayong mag-alala, walang makakaalam na nasa atin pa ang aklat na ito. Makaasa kayo sa akin."
"Salamat, Mahal na Prinsipe. Maiwan ko na muna kayo nang makapagbasa na kayo."
Sinimulan ni Rionne ang pagbuklat sa pahina ng libro at dahil nagtapos ang pagtatala kay Emperador Costan, binuklat niya ito sa dulong bahagi.
"Ang pamumuno ni Emperador Costan: 527 PNC (Pagkatapos ni Croamas) hanggang sa kasalukuyang panahon."
Tunay sa sinabi ni Fausto, nakatala nga sa aklat ang pamilya ni Emperador Costan. Nakaguhit rin sa mga pahina ang kanilang mga imahe at hindi niya inaasahang sobrang detalyado ang pagkakaguhit at kulay ng mga larawan. Para bang nakatingin siya sa aktwal na mga tao. Nilakdawan ni Rionne ang sa Emperatris at nagtungo siya sa kanilang mga anak, sa mga Prinsipe at Prinsesa. Ang mga Tagapagmana.
"Prinsipe Covel, ipinanganak taong 528 PNC (Pagkatapos ni Croamas) Kasalukuyang 7 taong gulang."
Binuklat niya ang kasunod at dito na natigilan si Prinsipe Rionne nang mabasa ang hinahanap na pangalan.
"Prinsesa Cordelia, ipinanganak taong 530 PNC (Pagkatapos ni Croamas) Kasalukuyang 5 taong gulang."
Pinagmasdan niya ang larawan ng batang Prinsesa. Sa unang tingin pa lang nakilala na agad ni Rionne ang maamo at luntiang mga mata ni Sara sa kanya kahit na malaki na ang agwat ng edad nito sa nasa imahe. Mamula-mula ang buhok ng Prinsesa na naiiba sa itim na buhok ng babaeng minamahal ngunit batid niyang madali itong baguhin at kulayan kung gugustuhin niya. Bukod rito, tugmang-tugma ang anyo ng Prinsesa kay Sara, para bang nagbalik siya sa nakaraan at nakita mismo ang itsura nito noong kanyang kabataan.
"Ipinanganak siya noong 530 PNC, ngayon ay 549 PNC, ibig sabihin kung buhay ang Prinsesang ito, maaaring nasa labingwalo o labingsiyam na taong gulang na siya ngayon. Hindi nalalayo sa edad ni Sara."
Natigilan si Rionne nang mapagtanto niyang si Sara at Prinsesa Cordelia ay iisang tao nga lang. Halos manindig ang kanyang balahibo nang madiskobreng ang taong nasa larawan na itinuturing ng karamihan na bahagi ng kinalimutang kasaysayan ay naririto lamang pala sa puder nila. Buhay sa laman at nakakasama niya araw-araw. Sa buong panahong ito, naninibilhan sa kanilang Palasyo ang isa sa mga Tagapagmana ng Emperador, naririto siya, nagpapakaalila para saan? Para lang magpanggap at patayin si Rigo?
***
Pagsapit ng ika-walo ng umaga, nagising si Saraphine mula sa kanyang kinahihigaan. Hanggang ngayon namumula pa rin ang kanyang pisngi at bahagyang nahihilo dahil sa nainom na alak. Umiikot-ikot pa ang kanyang paningin noong una pero agad rin siyang nahimasmasan matapos ang ilang minuto.
Pagkalingon sa paligid, nagtaka siya sapagkat wala siya sa silid ng mga katulong, bagkus natagpuan niya ang sarili sa isang malawak at eleganteng silid na marahil ay para lamang sa pamilya Royal at sa kanilang mga panauhin. Muntikan na niyang akalain na nasa Palasyo siya ng Cenpyre.
Nasaan ako? Anong nangyari?
Pilit na inalala ni Saraphine ang mga pangyayari kagabi. Sa kanyang kalasingan, malabo ang kanyang memorya, gayunpaman may mga katiting pa rin siyang naalala.
Bumalik sa kanyang gunita ang halik na pinagsaluhan nila ni Prinsipe Rionne at ang nadama niyang kaluwalhatian nang lumapat ang labi nito sa kanya.
Hinagkan niya nga ako.
Napapangiting napahawak si Saraphine sa kanyang labi.
Pagkatapos nilang maghalikan, wala na siyang naalala. Isa lang ang sigurado niya, hindi siya sinamantala ni Rionne sapagkat nakasuot pa ang kanyang damit. Malamang ito pa nga ang naghatid sa kanya sa silid na ito.
Hindi pa sana siya nakakaalis nang makapagpasalamat ako sa kanya.
Bumangon na ang dalaga sa kama at inayos ang kanyang sarili.
***
Matapos ang almusal at konting trabaho, pinuntahan ni Saraphine si Rionne sa kanyang silid. Sa kanyang pagkagalak, naroroon pa ang Prinsipe. Nakaupo ito at abalang nagbabasa sa kanyang mesa.
"Mahal na Prinsipe, hindi ka pa pala nakakaalis, mabuti naman at naabutan kita."
Wala siyang narinig na sagot mula sa Prinsipe na patuloy lamang ang pagbabasa sa librong nakapatong.
"Gusto ko lang magpasalamat sa'yo sa pag-aasikaso mo sa akin kagabi. Pasensya na rin. Ito ang unang beses na nalasing ako at wala akong maalala kung ano ang nangyari."
Hindi pa rin siya inimik ni Rionne at sa pagkakataong ito, nakahalata na si Saraphine.
"Prinsipe Rionne, may problema ba? May nagawa ba o nasabi na ako kagabi na hindi mo nagustuhan?"
Tumayo si Rionne at hinarap ang dalaga.
"Tigilan mo na ang pagpapanggap. Alam ko na ang katotohanan, Prinsesa Cordelia ng Imperyong Cenpyre."
Natigilan si Saraphine sa kinatatayuan niya. Hindi siya makapaniwala sa sinambit ng Prinsipe. Nagsimulang mabagabag ang buong kalooban ng dalaga at nakaramdam siya ng pangangatog at kaba sa kanyang dibdib.
"Paano?" Ito na lamang ang nagawa niyang sabihin.
"Sa sobrang kalasingan mo kagabi, lumabas ang lahat sa iyong bibig. Nailantad mo ang plano mong patayin si Rigo at binanggit mo rin na ikaw ang isa sa nawawalang Prinsesa ng Imperyong Cenpyre. Alam mo bang hindi ako pinatahimik ng rebelasyong ito kaya nagpasya akong magsaliksik sa mga aklat ng Imperyong Cenpyre at ito ang natuklasan ko."
Binigay niya ang libro kay Saraphine at nakita ng dalaga ang kanyang imahe noong siya ay bata pa.
"Ngayon mo sabihin sa akin na hindi ikaw ang batang nakaguhit sa aklat na yan. Huwag ka na ring magmaang-maangan, baka sabihin mo pang lumaki ka sa bukiran."
"Magpapaliwanag ako."
"Dapat lang, marami kang kailangang ipaliwanag sa akin, Sara. O dapat bang tawagin pa kita ngalang yan?"
Sa pagkakataong, batid ni Saraphine na wala nang puwang pa ang magsinungaling dahil na kay Rionne mismo ang patunay.
"Tama ka, hindi nga Sara ang totoo kong pangalan. Ako nga si Prinsesa Cordelia, ang isa sa mga nawawalang Prinsesa. Kinailangan kong ibahin ang ngalan at pagkatao ko alang-alang sa kaligtasan ko. Alam mo naman siguro kung paano inusig ng Emperador ang buong pamilya ko. Sa oras na malaman niya kung sino ako, malalagay sa panganib ang buhay ko. Papatayin niya rin ako tulad ng ginawa niya sa mga kapatid ko. Iyon ang dahilan kung bakit walang dapat makaalam sa tunay kong pagkatao. Patawarin mo ko at tinago ko ang lahat sa'yo."
Napailing si Rionne sa inamin ng dalaga kahit na malakas na talaga ang hinala niya.
"Nauunawaan ko naman bakit mo sinikreto ang totoo mong pagkatao. Sapat naman ang rason mo. Ang hindi ko maintindihan bakit kailangan mong ilihim na malapit sa'yo ang isa sa mga biktima ni Rigo. Bakit humantong pa sa puntong nagplano ka mag-isa at nagawa mong pagtangkaan mo ang buhay ng pamangkin ko? Ito ba ang dahilan kung bakit ka namasukan sa Palasyo? Noong una palang binigyan na kita ng pahiwatig sa tunay na kulay ni Rigo. Alam mong may nalalaman ako. Nabigyan ka ng maraming pagkakataon para ipaalam sa akin ang kalagayan mo, pero bakit hindi mo ginawa?"
Hindi nagustuhan ng dalaga ang pagtataas nito ng boses sa kanya at nagpasya siyang depensahan ang kanyang sarili.
"Kapag ba sinabi ko sa'yo, tutulungan mo ko? Hindi ako tanga para basta na lang ibigay ang tiwala ko sa'yo lalo na at pamilya mo si Rigo. Sa huli alam kong siya pa rin ang papanigan mo. Minabuti ko na lang na gampanan ang papel ng isang hamak na kasambahay para maisagawa ko ang mga binabalak ko."
Napangisi si Rionne na may pag-uuyam sa kanyang mga pahayag.
"Biruin mo, higit pa palang mataas ang titulo at posisyon mo kumpara sa aming lahat, pero nagpakababa ka, nanatili at nagpaapi kay Reyna Helena sa ngalan ng paghihiganti. Sulit ba ang lahat ng ito, Sara?"
"Handa akong tiisin ang lahat makuha ko lang ang katarungan. Napakalaki ng kasalanan sa akin ng pamangkin mo. Si Ate Pinang lang ang nag-iisang taong nagmahal sa akin mula noong nawala ang pamilya ko at napadpad ako rito sa Silangan. Hindi mo alam kung paano nilapastangan, binaboy at pinaslang ng pamangkin mo ang Ate ko! Gusto mo malaman ang sagot kung bakit kumilos ako ng mag-isa? Dahil alam kong hindi magkakaroon ng hustisya hanggang pinagtatakpan nyo ang mga kasalanan niya. Kayong mga nasa posisyon at may kapangyarihang baluktutin ang katotohanan. Magagawa ba ng Hari na ipakulong at patawan ng sentensya ang sarili niyang anak? Hindi! Kaya ako na lang ang gagawa ng hindi nyo kayang gawin! Ako ang maniningil sa kasamaan niya. Ako ang magpapataw ng parusa sa kanya sa paraang alam ko!"
"Wala bang ibang paraan bukod sa pagpatay? Sa tingin mo ba kapag nagtagumpay ka at napatay mo si Rigo, magiging masaya ka na? Mapatay mo man siya, hindi na nito maibabalik ang buhay na nawala. Kahit kailan hindi magiging tama na suklian ang pagkakamali ng isa pang pagkakamali."
"Madali sa'yong sabihin yan palibhasa, hindi ikaw ang nawalan ng mahal sa buhay. Wala akong hinahangad ngayon kundi ang makitang dumadanak ang dugo ni Rigo, tsaka lamang ako matatahimik kapag hindi na siya humihinga!"
Napansin ni Saraphine ang pagkalito sa mga nangungusap na mata ni Rionne, kita niyang tila ito ay naguguluhan at napapaisip kung kilala pa ba niya ang taong kinakausap niya ngayon.
"Hindi ako makapaniwala sa naririnig ko ngayon. Hindi hustisya ang hinahangad mo, nabubulag ka na sa galit mo. Sa kabila ng maamo mong anyo, punong-puno pala ng kadiliman ang puso mo. Ang hirap lang isipin, na ang babaeng minamahal ko ay iba pala sa inaakala ko. Hindi ko pala siya tunay na kilala. Niloko mo lang ako, gaya ng panloloko mo sa lahat."
"Maniwala ka man sa akin o hindi, nilihim ko man ang pagkatao at mga plano ko, ang lahat ng malasakit at kabutihang ipinakita ko sa'yo, totoo ang lahat ng iyon. Wala itong bahid ng pagpapanggap. Nasasaktan ako at nadadamay ka pa rito. Alam mo bang sa tuwing nalulungkot ka parang nadudurog na rin ang puso ko dahil ang totoo, may nararamdaman na rin ako para sa'yo."
Muling napangiti sa pag-uuyam si Rionne, "ang bilis namang magbago ng ihip ng hangin. Dati lang tinanggihan mo ang alok kong pag-ibig sa'yo. Sabi mo sa akin hindi mo ko gusto at kaibigan lang ang turing mo sa akin, pero ngayong alam ko na ang lahat ng sikreto mo, bigla mo na lamang ipagtatapat na may nararamdaman ka na rin sa akin?"
"Tinanggihan kita noon dahil masyadong komplikado ang sitwasyon. Ayokong makasabagal ang nararamdaman ko sa pag-aasam kong makapaghiganti. Ayoko ring maipit ka sakaling lumabas ang katototohanan, kaya nagawa kong ikubli at isantabi ang binubulong ng puso ko."
"Tama na, nalilito na ko. Hindi ko na alam kung nagsasabi ka ba ng totoo o paraan mo lang ito para mapaikot mo ko nang sa ganoon maisakatuparan mo ang ma plano mo. Sinira mo na ang tiwala ko sa'yo. Paano pa kita magagawang pagkatiwalaan?"
"Ano nang gagawin mo ngayon? Ipapaalam mo ba sa Hari ang nalalaman mo tungkol sa akin?"
"Masisisi mo ba ako kung gagawin ko yun? Hindi ko hahayaang patayin mo si Rigo. Hindi ito tama."
Nilapitan ni Sara ang Prinsipe at hinawakan niya ang palad nito bilang pagmamakaawa.
"Pakiusap, Rionne, kung may natitira ka pang pagmamahal sa akin, huwag mo kong isuplong. Kapag ginawa mo yun, mawawala na ang kaunting nalalabi sa akin. Baka ito na ang maging katapusan ko."
"Binibigyan kita ng pagkakataon para lisanin ang Palasyong ito, dapat wala ka na sa oras na naipagtapat ko ang lahat sa Hari. Wala na kong pananagutan kung maabutan ka nila."
Padabog na inilayo ni Rionne ang kamay niya sa piling ng dalaga bago tuluyang lisanin ang kanyang silid.
***
Wala na, sira na ang lahat, kailangan mo ng umalis rito. Maya-maya lang tiyak na ipahuhuli ka na ng Hari at iaalay sa Emperador!
Tumakbo si Sara kahit na siya ay pinagpapawisan ng malamig sa kaba. Hindi na siya dapat magtagal sa Palasyo. Agad siyang nagtungo sa kanilang kwarto para maghakot ng kanyang mga gamit.
Bago man niya makuha ang kanyang mga damit at baul, pumasok si Aling Estrella sa silid.
"Sara, ipinapatawag ka ng Mahal na Hari."
Nanlaki ang mga mata ng dalaga. Alam niyang iisa lang ang ibig sabihin nito. Nagawa na ni Rionne ang kanyang balak gawin.
"Sinabi ba niya kung bakit?" tinanong niya sa kasamahan habang pilit na kinukubli ang nerbyos.
"Hindi e," sagot ni Aling Estrella.
***
Nagtungo si Saraphine sa Pangunahing Bulwagan at naghihintay na roon ang Hari para sa kanya. Umaabot na sa sukdulan ang pintig ng puso ni Sara, kahit na sa panlabas hindi ito halata. Sa kanyang paglalakad papasok, tila pakiramdam niya siya ay bibitayin na.
"Kamahalan," yumuko ang dalaga sa trono ng Hari bilang pagbati. "Ipinatawag nyo po ako."
"Oo, Sara. May sasabihin lang ako sa'yo. Huwag kang mag-alala, mabilis lang ito."
Ipinagtaka niya na mahinahon ang tono ni Haring Rucaz, gayunpaman, hindi pa rin makampante ang dalaga, naisip siyang baka sa umpisa lang ito.
"Tungkol ito kay Rigo."
Hindi na magawang kumurap ng dalaga nang banggitin ng Hari ang kanyang anak. Malamang ang susunod niyang kataga ay tungkol na sa plano niyang paslangin ito.
"Gusto ko lang makibalita kung nilalapitan ka pa ba niya at kung lumalapit ka pa ba sa kanya?"
Hindi inaasahan ng dalaga na ito lang ang itatanong ng Hari, ngunit siya ay bahagya ng nakahinga ng maluwag.
"Mula po noong nangyari yun, iniwasan na po namin ang isa't-isa. Hindi na po siya nalapit sa akin at hindi ko na rin siya nilalapitan."
"Mabuti naman kung ganun," tugon ni Rucaz. "Sara, ayokong umabot sa puntong mapapaalis ka sa Palasyo dahil sa anak ko. Batid kong espesyal ka at isa ka sa pinakamasipag at pinakamabuti naming tagapagsilbi. Humihingi ulit ako ng tawad sa nangyari. Nakikita ko naman ngayon na nagiging maingat ka na."
"Maraming salamat po, Kamahalan. Ako po ay humihingi rin ulit ng tawad dahil sa aking karupukan at pagpalya."
"Wala na yun, ang mahalaga natuto ka at nagkakaunawaan na tayo. Sige na, maaari ka ng umalis."
"Kamahalan," yumuko ulit si Sara bilang pamamaalam.
Habang naglalakad papalabas ng bulwagan, tuluyan ng napawi ang kaba sa dibdib ni Sara.
Hindi pa sinasabi ni Rionne sa Hari ang nalaman niya.
***
Mabilis pa sa alas-kwatro, agad na pinuntahan ni Sara ang silid ni Prinsipe Rionne upang magpasalamat. Kakatok sana siya pero bumukas na agad ang pinto nang ilapat niya ang kanyang kamay.
Pumasok siya sa loob at wala na siyang nadatnan doon. Mas luminis pa ang silid at wala na ang mga natitirang gamit ng Prinsipe.
"Umalis na siya."
Sa mga sandaling iyon, halo-halo ang emosyong nararamdaman ng dalaga. Natutuwa siya at hindi siya nagawang isuplong ni Rionne sa Hari gayunpaman, hindi rin niya maiwasang makaramdam ng lumbay sa paglisan ng Prinsipe. Si Rionne lamang ang tanging ilaw sa madilim na lugar na ito at ngayong umalis na siya, para bang lalong naramdaman ni Saraphine na mag-isa na siya. Tila iniwan na ulit siya ng isang taong mahalaga sa kanya, gaya ng kanyang pamilya, gaya ni Pinang.
Naalala niya ang una nilang pagkikita ni Rionne, kung paano siya nito niligtas, pati na rin ang mga panahong nagkasama at naging masaya sila sa piling ng isa't-isa. Hindi na maitatanggi ng dalaga na talagang umiibig na rin siya sa Prinsipe.
"Rionne," hindi na napigilan ni Sara ang kanyang luha at siya ay napasandal sa dingding.
***
Kasalukuyang nakasakay sa kanyang kabayo si Prinsipe Rionne at kalalabas pa lamang niya ng Palasyo. Muling naisip ng Prinsipe ang mga pangyayari at kung paano siya humantong sa desisyong hindi sabihin sa Hari ang nalalaman niya tungkol kay Sara.
Habang siya ay naghahakot ng kanyang mga gamit, sinadya siya ni Aling Estrella sa kanyang silid.
"Kailangan nyo ng tulong?"
"Hindi, Aling Estrella, patapos naman na ako."
Lumapit ang katulong na may bahid ng panghihinayang sa kanyang ekspresyon.
"Nalulungkot ako at aalis na kayo sa Palasyo. Kayo pa naman ang paborito naming amo. Tiyak na malulungkot ang lahat, lalo na si Sara. Alam mo naman ang batang yun, itago man niya sa iba, sa akin hindi niya maikukubli na nalulungkot rin siya."
"Talagang kilala nyo si Sara, nakakapagsalita kayo para sa kanya."
"Oo naman, parang anak ko na ang batang yun. Sa atin-atin lang muna ito pero sa tingin ko mahal ka rin nun. Hindi niya lang maamin sa ngayon."
Napangiti si Rionne sa sinabi ni Estrella. "Sana nga po ganoon talaga."
"Huwag mo siyang susukuan. Bibihira lang ang mga babaeng kagaya ni Sara na busilak ang puso. Patuloy mo lang siyang mahalin. Maghihintay lang ako sa susunod na kabanata ng pag-iibigan nyo."
Napaisip si Rionne sa mga papuring natanggap ni Sara kay Aling Estrella. Masasabi pa rin kaya niya ito kung alam niya ang totoo o baka naman nagpakatotoo talaga si Sara sa pakikitungo niya sa kasamahan. Isa lang ang hindi niya maitatanggi, dismayado at galit man siya sa nalaman sa dalaga, wala pa ring nagbago sa pagmamahal niya para sa kanya.
"Maaari ba akong humingi ng payo?"
"Syempre naman po," walang pag-alalangan na tugon ng katulong.
"Sa totoo lang, hindi sa akin, para ito sa isang kaibigan na may pinagdaraanan. Kamakailan lang kasi natuklasan niyang may maitim na sikreto pala ang isang taong mahalaga sa kanya. Isang sikretong tuluyang nagpabago sa pagtingin nya rito. Napagtanto niyang ang taong minamahal niya ay iba pala sa inaakala niya. Hindi pala niya ito lubusang kilala, pero kahit na ganoon, mahal pa rin niya ang taong ito. Ano pong masasabi nyo? Tama po ba ito?"
Taimtim na pinag-isipan ni Aling Estrella sa tanong ng Prinsipe.
"Hmm, mahirap yan. Ang masasabi ko lang depende talaga sitwasyon at sa bigat ng kanyang pagkakamali. Tayo ay mga tao lamang, hindi naman natin mapipili kung sino ang mamahalin natin, mabuti man sila o masama, titibok ang puso kung titibok ito. Sa huli ang kaibigan mo lang rin naman ang makakapagsabi kung mananatili ang pag-ibig sa kabila ng kanyang natuklasan. Siya lang rin ang makakapagpasya kung handa ba niyang tanggapin ang taong ito kahit na nalaman na niya ang katotohanan. Siya ang susukat kung matatabunan ba ng masama niyang nagawa ang mabuting pinakita nito. Nasa kanya na kung ano ang mas matimbang, ang panghuhusga o ang pagmamahal."
Tumatak sa isipan ni Rionne ang bawat salitang sinambit ng katulong, subalit lalo lamang naguluhan ang kanyang isipan kung ano ba ang nararapat niyang gawin ngayon.
***
Pinuntahan niya ang kapatid sa Pangunahing Bulwagan bago umalis ng Palasyo. Hindi inaasahan ng Hari ang presensiya ng kapatid na inatasan niyang umalis sa kanilang puder.
"Rionne, naririto ka pa pala. Hindi ba malinaw ang sinabi ko na umalis ka na muna rito sa Palasyo?"
"Kamahalan, may importante akong kailangang sabihin sa inyo."
"Ano yun?"
Handa nang isiwalat ni Prinsipe Rionne ang lahat sa Hari ngunit muling sumagi sa isip niya ang pagmamakaawa sa kanya ni Sara na alang-alang sa pag-ibig nito sa kanya at kung may natitira pa siyang malasakit, huwag na siya nitong isumbong. Naalala rin niya ang mga payo ni Estrella kung magiging matimbang ba ang panghuhusga o ang pagmamahal niya sa dalaga. Nais man niyang ipaalam ang katotohanan, animo'y pinipigilan siya ng kanyang puso na ituloy ito. Batid niyang sa oras na ipagtapat niya ang lahat sa Hari, siguradong mapapahamak ang dalaga. Maaari siyang ipakulong at higit sa lahat ipapatay. Hindi niya maaatim na makita itong nahihirapan o nasasaktan sa kabila ng kanyang pagbabalat-kayo. Ang pag-ibig niya ang humahadlang sa kanya na ipagkanulo ang babaeng binubulong ng kanyang puso.
Natagalan si Rionne sa pagsagot at natigilan. Hindi malaman ang gagawin.
"Ano ba ang sasabihin mo, Rionne? Alam mong ayaw kong sinasayang ang oras ko."
"Sasabihin ko lang sana...magpapaalam lang ako. Nakapagpasya na ako. Lalayo na ako ng tuluyan para sa ikatatahimik ng lahat. Aalis na ako mamaya."
Naghalo ang pagkayamot at sigla sa mukha ng Hari.
"Yun lang naman pala ang sasabihin mo, bakit di mo pa masabi-sabi kanina? Wala naman problema sa akin kung gusto mo na talagang lumayas ng tuluyan, pabor pa nga sa akin yun nang mawala na ang ipis dito sa Palasyong ito."
Wala ng epekto sa Prinsipe ang mga pangmamaliit at pang-iinsulto sa kanya ng Hari, sanay na siya sa mga insulto nito sa kanya.
"Nawa maging masaya na kayo at hindi na magdulot ng komplikasyon ang pag-alis ko ng Palasyo. Hanggang sa muli, Kamahalan."
"Maligayang pag-alis, kapatid," nalulugod na saad ni Haring Rucaz. Wala man lang senyales ng lungkot ang Hari sa paglisan ng kapatid.
***
Pinatigil ni Rionne nang bahagya ang kanyang kabayo. Napatingin siya sa Palasyo, ang lugar na nagbukas ng pinto sa kanya para maging isang tahanan ngunit siya ring nagbigay sa kanya ng mga mapapait na alaala. Nadagdagan na naman ang mga masasalimuot na sandali nang dahil sa nangyari sa kanila ni Sara.
Mahirap sa kanya ang lumayo sa babaeng iniirog pero ito na lang ang kaya niyang gawin sa ngayon. Hindi niya matanggap ang mga kasinungalingan at hindi niya rin magawang manindigan para sa katotohanan. Makakabuti ng alisin niya ang sarili sa sitwasyong ito, kahit na maituturing niya itong karuwagan. Pagod na siyang ikubli ang baho ng Pamilya Royal, ngayon ang lihim naman ni Sara ang pinapasan niya. Ang hinihiling niya lang ngayon, sana ay tumagos sa dalaga ang mga salita niya at hindi niya ipahamak ang sarili sa kanyang mga hakbang na gagawin, lalo na ngayon at wala na siya sa Palasyo para tulungan siya.
"Paalam, Sara," pinatakbo na niya ulit ang kanyang kabayo at sila ay lumarga na papaalis ng Palasyo.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro