Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 18: Miya

-Kasaganaan-

Sinalubong si Datu Leyro ng kanyang tribo at ganoon na rin ang mga Tribong Myongan na hindi pa dinadapuan ng sakit. Sa kanyang presensiya, tila nananabik ang lahat sa ibabalita niya na tila isa siyang tagapagligtas. Hindi si Miya, nakatayo lamang siya malapit sa mga nagkukumpulan at nagmamasid. Hindi niya inaasahan na ganitong kabilis makakabalik si Leyro. Kapansin-pansin ang kanyang ligalig na aura. Pawis na pawis siya, hinihingal at halos magkabuhol-buhol na ang kanyang mahabang buhok. Hindi siya masaya sa pagbabalik ng hambog na Datu, magiging masaya lamang siya kung kasama nitong bumalik si Aric. Hanggang ngayon, wala pa rin siyang ni katiting na tiwala para rito.

"Nakuha mo ba ang lunas?" May pananabik na tanong ni Myam-Gaam-Ot, nag-aabang ng magandang balita.

"Hindi," sinagot ni Leyro ng napapailing.

Natunaw ang sigla ng mga nakapaligid at muli silang nabalutan ng pagkataranta. Napatanong ang bawat isa ano na ang mangyayari sa kanila at sa mga mahal nila sa buhay. Akala pa naman nila nagtagumpay na ang Datu sa pagliligtas sa kanila.

"Anong nangyari?"

Hinabol muna ni Leyro ang hininga niya bago sagutin ang Manggagamot.

"Habang binabagtas namin ng dayo ang masukal na bahagi ng kagubatan, nakaengkwentro namin ang mga mababangis na asong gubat. Inabangan nila kami mula sa dilim. Napakarami nila at balak nilang lapain kami, wala akong pagpipilian kundi ang mapaurong at bumalik dito, alang-alang sa kaligtasan ko. Mabuti na lang at nakauwi akong buhay at ligtas."

"Si Aric? Nasaan siya? Bakit hindi mo siya kasama?" hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Miya.

Hindi agad nakaimik ang Datu at napansin ng dalaga ang pag-iwas ng mga mata nito sa kanya.

"Mabuti sigurong magpahinga muna ako, napagod ako sa pagtakbo pabalik rito."

"Hindi ka magpapahinga hanggang hindi mo sinasagot ang tanong ko," istriktong sambit ni Miya. "Nasaan si Aric?"

"Sige, Miya, sasagutin kita, kahit na batid kong malulungkot ka sa malalaman mo." Tugon ni Leyro. "Patawarin mo ko, pero wala na siya."

"Wala?" Nagsimula bumilis ang pintig sa dibdib ng dalaga sa narinig.

"Naiwan siya sa gubat, noong huli ko siyang nakita pinagtutulungan na siyang lapain ng mga asong gubat. Patay na siya."

Nanlaki ang asul na mga mata ni Miya, hindi siya makapaniwala sa narinig. Maging ang mga tribo ay nagulantang rin sa sinapit ng dayo.

"Gabayan nawa ng Inang Maykapal ang paglalakbay ng kanyang kaluluwa," napatingin sa itaas si Myam-Gaam-Ot para magdasal.

"Hindi," napailing si Miya, "hindi ako naniniwala, buhay pa siya. Hindi siya basta-basta mapapahamak, malamang may nangyaring kakaiba. Siguro may ginawa ka para mapahamak siya! Sinadya mo siguro talaga siyang iwan doon!"

"Miya, maniwala ka sa akin, wala akong ginawa. Sa katunayan, siya pa nga ang nag-udyok na pumunta kami sa madilim na parte ng gubat, sinubukan ko siyang pigilan pero ayaw niyang makinig sa akin, kaya nangyari ito sa kanya."

"Hindi pa rin ako naniniwalang patay na siya, sana kinutuban na ko kung may nangyaring masama sa kanya. Saksi tayong lahat sa kakayahan ni Aric. Matapang siya at malakas. Nagawa niya ngang paslangin ang Buktot, hindi ako naniniwalang ito lang ang magiging katapusan niya."

"Miya, hindi sa lahat ng pagkakataon makakaligtas siya sa panganib. Naroroon ako, kitang-kita ng dalawang mga mata ko paano siya nilusob ng mga asong gubat, imposibleng makaligtas pa siya sa dami nila."

Hindi magkamayaw sa pag-iling ang dalaga, hinahayaan lamang niyang lumabas sa kabilang tenga ang bawat salita ng Datu.

"Ayoko nang marinig pa ang kahit ano mula sa'yo. Hindi mo ko madadala sa kasinungalingan mo! Malalaman ko rin ang totoong nangyari, tandaan mo yan."

Minabuti na ni Miya na umalis na lamang. Hindi niya maatim na makasama pa si Datu Leyro.

"Magpapahinga na ako, pakisabi na lang sa Datu..."

Napalingon si Leyro at napansin niyang wala si Mortho upang salubungin siya gaya ng karaniwan.

"Nasaan nga pala ang Mahal na Datu?"

Napatingin lamang sa kanya si Myam-Gaam-Ot na may lungkot sa kanyang mga mata.

***

Sinamahan ng matandang manggagamot si Datu Leyro sa kubo ng Datu upang tignan ang lagay nito. Lumapit si Leyro at pinagmasdan niya ang himlay na katawan ng matandang Datu sa kanyang hinihigaang banig. Kapansin-pansin ang pagbagsak ng katawan nito at ganoon na rin ang pamumutla at panunuyot ng kanyang kutis. Kung hindi lang ito nahinga, iisipin niyang patay na ito.

"Tinamaan na rin pala ng sakit ang Datu Mortho," saad ni Leyro, "kailan pa?"

"Matagal na siyang nagpapakita ng senyales, mula pa noong umalis kayo, pero ngayon lamang siya lumala. Kani-kanina lamang siya natagpuang walang malay ng kanyang mga tauhan. Kung gagawing batayan ang mga nagkasakit, marahil matatagalan pa bago maibalik ang kamalayan niya, lalo na at wala pa rin ang lunas."

Napatingin ulit si Leyro sa Datu nang mapagtanto niyang mas malala pa pala ito sa inaakala niya.

"May edad na ang Datu, hindi gaya ng iba pang may sakit. Kakayanin pa ba niya itong malagpasan?"

"Nawa naman, walang makapagsasabi. Ayokong umabot sa puntong kinatatakutan ko. Na ito na ang kanyang ikasawi."

"Paano yan? Ngayong malubha ang inyong Datu, sino na ang mamumuno sa inyo ng pansamantala?"

Nagpakawala siya ng buntong-hininga sapagkat wala siyang malinaw na sagot sa tanong nito. Maging siya ngayon ay nadadala na rin ng kanilang dumaraming problema.

"Hindi ko rin alam, pwede sana ang manugang niyang si Marcio kaso pati siya ay wala pa ring malay. Sa ngayon, wala pa talagang napapagpasyahan kung sino muna ang hahalili sa Datu."

Napaisip si Datu Leyro sa natuklasan. Napangiti siya nang masama at bahagya habang hindi nakatingin si Myam-Gaam-Ot na abala sa pagpapakulo ng mga halamang erbal. Isang maitim na ideya na naman ang nabuo sa kaisipan ng Datu. Napagtanto niyang tila naging pabor pa sa kanya ng tadhana ang biglaang pagkakasakit ng Datu.

"Sa wakas, ngayong nakaratay ka dyan na parang lantang gulay, malaya ko na ring magagawa ang gusto ko. Maaangkin ko na rin ang buong Tribo mo at susunod na silang lahat sa kapangyarihan ko. Kaya matulog ka lang dyan, Mortho. Ako na ang bahala sa Tribong Myongan! Sa akin na sila!"

***

Masama man ang pakiramdam, pinilit ni Miya na puntahan ang bahay sa puno na ginawa nila para kay Aric. Inakyat ito at pumasok sa loob upang mapag-isa. Hanggang ngayon, mabigat pa rin ang puso ng dalaga dahil sa nalaman niya kay Leyro. Litong-lito si Miya kung ano nga ba talaga ang nangyari sa minamahal at kung bakit wala siya ngayon sa kanilang puder upang sagipin sila. Sa tuwing iniisip niya ang posibilidad na baka nga patay na si Aric, parang isang palakol ang paulit-paulit na sumisibak sa kanyang marupok na puso. Ayaw na niyang bigyan ng pansin ang kaisipang ito, lalo pa at wala pang kasiguraduhan ang lahat.

Pinagmasdan ng dalaga ang paligid at napatigil siya sa isang sulok. Noong siya ay humiga rito, tila ramdam niya ang init at presensiya ni Aric. Tanda niyang dito sila naghalikan, nagtawanan at gumawa ng pag-ibig, sa isang espesyal na gabing kanilang pinagsaluhan.

Aric, wala ka na ba talaga? Bakit hanggang ngayon nararamdaman pa rin kita?

Kung hindi mo pa nililisan ang mundong ito, patunayan mong mali si Leyro. Bumalik ka sa aking piling, handa akong maghintay gaano man katagal, kung ikaw ay magbabalik, Mahal ko.

Hindi na napigilan ni Miya ang kanyang mga luha sa paghihinagpis. Labis siyang nangungulila para sa lalaking nilalaman ng kanyang puso.

***

Matapos ang kanyang pagmumuni-muni para kay Aric, nagpasya si Miya na puntahan ang kanyang kaibigang si Myoris na ngayon ay umiigi na rin ang lagay. Pinuntuhan niya ito para kamustuhin at matagal-tagal na niyang hindi nakikita ang kaibigan mula noong sila ay magkasakit.

"Myoris, may panauhin ka," saad ng kanyang Ina.

Pumasok si Miya sa loob ng kanyang munting silid. Nasilayan niya ang kaibigan na nakahiga sa kanyang banig. Bahagya siyang namayat at malamlam pa rin ang kanyang mga mata, gayunpaman nagkamalay na ito at nasa tamang wisyo, na kanyang ikinatuwa.

"Kamusta, Myoris."

"Ikaw pala, Miya...narito ka," hindi inaasahan ni Myoris ang kanyang pagdalaw. "Mukhang magaling ka na."

"Bahagyang umayos ang lagay ko, ngunit minsan sinasamaan pa rin ako ng katawan. Ikaw, hindi mo pa sinasagot ang tanong ko."

"Eto, maganda pa rin." banat ni Myoris sa tinig na mahina sa karaniwan ngunit napanatili naman ang palabiro niyang tono. "Kung may magandang naidulot man ang sakit na ito, yun ang pangangayayat ko. Mas maganda na ang katawan ko ngayon."

Napatawa si Miya sa mga hirit ng kaibigan.

"Ikaw talaga, nagkasakit ka na nga ng malubha, nagbibiro ka pa."

"Syempre, matapos ang lahat ng pinagdaanan ko, ngayon ko yun mas kailangan. Ang sabi nila tumirik na raw ang mga mata ko at akala nila hindi na ko mabubuhay kaya ngayong pangalawang buhay ko na, sisikipan ko pang magbiro at piliing maging mas masaya."

"Mabuti. Hindi naman kita hahayaang mamatay."

"Ano na lang ang gagawin mo kapag nawala na ang pinakamaganda mong kaibigan?"

Muling nagkatawanan ang dalawa sa kanyang pagbibiro.

"Ang totoo, masayang-masaya ako ngayon, dahil buhay ka. Kahit papaano naiibsan ang lungkot na nadarama ko."

"Bakit anong nangyari?" napansin ni Myoris ang bahid ng lumbay sa mukha ni Miya.

Nagpigil na lamang si Miya ng kanyang luha sa harap ng kaibigan, ayaw na niyang ipakita rito na nagiging mahina na siya sa pinagdaraanang pagsubok.

"Marami, marami na ang nasawi. Si Leyla at ang iba pa, lumalala na rin ang iba nating katribo. Napakahirap ng kalagayan natin ngayon, hindi ko alam bakit kinakaya ko pa ang bigat ng mga pangyayari sa paligid."

"Dahil malakas ka. Ang mga magulang mo, ang Mahal na Datu? Kamusta sila?"

"Hindi pa nagigising si Ama at Ina, mga ilang araw lang, sumunod nang lumala si Lolo at lubhang mapanganib ang lagay niya gawa ng kanyang katandaan."

"Makakaligtas rin sila. Kung ako nga, nabuhay, sila pa kaya na higit na matatag, lalo na ang Datu. Huwag ka nang masyadong mabahala. Andyan pa naman si Aric. Dinadamayan ka ba niya?"

Sa pagkakataong ito, wala nang nagawa si Miya upang pigilan ang pagsabog ng kanyang emosyon at hinayaan na niyang tumulo ang kanyang mga luha.

"Matagal ko nang hindi kapiling si Aric. Nagtungo sila sa gubat ni Leyro para hanapin ang lunas. Pagbalik ni Leyro, mag-isa na lamang siya at sinabi niyang nilapa na si Aric ng mga asong gubat. Hindi ko alam ano ba ang paniniwalaan ko. Wala na kong malay kung buhay pa ba siya o patay."

"Teka, si Leyro ang nagsabing patay na si Aric?"

Tumango ang dalaga.

"At naniwala ka naman? Alam mo namang sukdulan ang inis ni Leyro sa kanya at gagawa yun ng kwento para sirain siya. Sinabi niya lang yan para makuha ka niya. Huwag kang magpapadala sa mga salita niya, kilala mo naman si Aric. Hindi iyon basta magpapatumba. Kapag sinabi niyang gagawin niya ang isang bagay, asahan mong tutuparin nya yun. Hindi siya ang tipong susuko na lang. Ang kutob ko, nasa gubat lang iyon at naghahanap pa rin sa lunas. Maliwanag pa sa araw, buhay yun at bigla na lang siyang magpapakita para ligtas tayong lahat.

Kahit papaano, nakatulong kay Miya ang mga salita ni Myoris. Totoo ang bawat katagang binitawan niya, nararamdaman niya yun.

"Sana nga tama ka, Myoris. Ganoon nga ang pagkakakilala ko sa mahal ko."

***

Kinagabihan, matapos makapagpahinga, muli na namang nagpakitang gilas si Datu Leyro sa lahat. Lumabas siya sa kanyang kubo at nagsalita sa tinig na buo at may kalakasan para magbigay ng isang anunsyo.

"Mga katribo, makinig kayong lahat."

Dahil marami pa ang may sakit, hindi na nagawang magkumpulan ng mga Tribo at nakinig na lamang sila mula sa kanilang pwesto.

"Nalaman ko na ang nangyari sa ating mahal na Datu Mortho at labis kong ikinalulungkot ang kanyang pagkakasakit. Malaking problema ito sa Tribong Myongan. Ika nga, ang isang tribong walang pinuno ay guguho na parang isang kubong walang matibay na pundasyon kaya ngayon kailangan natin magpasya kung sino ang pansamantalang hahalili sa Mahal na Datu hanggang hindi pa siya gumagaling."

"May ilang mga Myongan nang nasa tamang edad para gampanan ang tungkulin. Maaari natin silang suriin kung sino ang nararapat," suhestyon ni Myam-Gaam-Ot.

"Maraming salamat sa pagpresinta, Myam-Gaam-Ot, pero iba ang nasa isip ko."

Nahuhulaan ni Miya kung saan papunta ang pagpupulong na ito.

Huwag mo ng tangkain.

"Tutal, isang Datu ang hinahanap natin, bakit pa tayo lalayo? Naririto naman ang isang tunay na Datu."

"Ikaw?" rektang tinanong ni Miya sa kanya.

"Nakuha mo, Miya. Ako nga. Habang maysakit pa si Datu Mortho, nakahanda akong pamunuan ang Tribong Myongan gaya ng ginagawa ko sa aking Tribo. Walang ibang makakagawa ng tungkulin maliban sa akin. Ako lamang ang may sapat na kakayahan, tapang at talino para pamunuan kayo. Batid kong may iba sa inyo ang nagdadalawang-isip sa akin, at nauunawaan ko yun. Marami akong nagawang pagkakamali, pero sisiguraduhin kong nasa mabuting kamay ang Tribong Myongan kung mamarapatin nyong tanggapin ako bilang inyong bagong Datu."

"Hindi ako sang-ayon," matapang na sumabat si Miya palabas ng kanyang kubo. "Papayag ba kayong pamunuan tayo ng isang taong minsan nang gumawa ng masama sa isa sa atin. Nakalimutan nyo na ba ang pananamantala niya sa akin? Kung mayroon mang mamumuno sa atin, dapat isang taong lubos na pinagkakatiwalan ng Datu. Isang taong may prinsipyo, hindi kwestyonable ang intensyon at may malasakit para sa lahat."

"Sino naman tinutukoy mo? Ikaw?" natatawang ng Datu sa tonong mapang-asar. "Baka nakakalimutan mo, hindi pa nagkakaroon ng babaeng Datu sa kasaysayan ng mga Tribo, hindi ba tinuro sa'yo ng iyong Lolo?"

"Kung ganun, ako ang unang sasabak sa hamon. Wala naman nagsabing hindi ito maaaring baguhin."

Noong una, wala sa isip ni Miya na ilaban ang sarili bilang Datu ngunit sa panahong ito, batid niyang mas makabubuti nang siya ang humawak sa Tribo kaysa sa isang Datung Tagalabas.

"Sige, para hindi mo sabihing hindi kita pinagbigyan," nag-ikot ang mga mata ni Leyro sa nakapaligid na Tribo. "Mukhang hinahamon ako ni Miya. Sino sa inyo ang sumasang-ayon na siya na isang babae ang inyong maging bagong Datu? Itaas ang kamay!"

Bago sa lahat ang ganitong senaryo, kaya naman walang naglakas-loob na manindigan para kay Miya kahit na ang karamihan sa kanila ay nag-aalangan rin sa panumuno ni Leyro. Nadismaya naman ang dalaga sa takbo ng mga kaganapan sapagkat inaakala niyang buo na ang tiwala sa kanya ng tribo at siya ang papanigan ng mga ito. Malamang naging balakid ang kanyang kasarian para makuha ang suporta ng mga Myongan.  Tila natural lamang sa isang tao na iwasan ang pagbali sa isang nakasanayang tradisyon kaya naman hindi niya rin magawang magalit sa mga Katribo kung sila ay tumanggi sa kanyang panukala.

"Wala?" muling tinanong ni Leyro, nag-aabang nang may magtataas. "Iisa lamang ang ibig sabihin nito. Ako na ang Datu ng Tribong Leon...at ng Tribong Myongan."

"Mabuhay ang Datu ng dalawang Tribo!" sigaw ng isang Tribong Leon.

"Mabuhay!" nakisali na rin ang iba pa, kabilang na rin ang ilan sa Tribong Myongan.

Wala nang nagawa si Miya kundi ang manahimik, nakapagdesisyon na ang lahat at dapat niya itong respetuhin.

"Magaling! Ngayong nakapagpasya na ang lahat, ang unang utos ko bilang bagong Datu ay ang magtungo ang mga kalalakihan sa kagubatan upang manghuli ng mga kakainin natin. Mamaya magkakaroon tayo ng selebrasyon para ipagdiwang ang pagkakatalaga ko bilang Datu."

Hindi nagustuhan ng dalaga ang unang hakbang ng Datu.

"Ano? Anong selebrasyon? Marami pa ang mga maysakit at nakaratay, pero imbes na pagtuunan mo ng pansin ang paghahanap ng lunas, uunahin mo pang magpakasaya? Wala ka talagang iniisip kundi ang sarili mo."

"Miya, hindi ko lang ito ginagawa para sa sarili ko, ginagawa ko rin ito para kahit papaano maibsan ang lungkot ng ating mga Katribo at mapasaya ko sila. Nang dahil lang ba sa mga maysakit, kakalimutan na ba natin ang iba? Huwag kang mag-alala, bukas na bukas rin, sisimulan natin ang paghahanap sa lunas, pero ngayon samahan mo muna ako sa pagdiriwang."

"Magdiwang ka mag-isa mo. Kung sila maloloko mo, ibahin mo ako."

Lumayas si Miya at bumalik sa kanyang tahanan.

***

Kinagabihan, naganap ang selebrasyon gaya ng minimithi ni Datu Leyro. Ang iba ay kumain, nagpakasaya, naglaro at nagsayaw na para bang walang sakunang nagaganap. Marami man ang dumalo, marami rin ang nagpasyang alagaan at bantayan na lamang ang mga kaanak nilang maysakit. Habang sila ay nagkakasayahan, si Miya naman ay nagtungo na lamang sa kubo ng kanyang Lolo upang asikasuhin ito kaysa mag-aksaya ng oras sa walang kabuluhang selebrasyon ng kanilang bagong pinuno.

Kumuha siya ng mga pinakuluang dahon ng bayabas at dinampi niya ito sa ulo ng kanyang mahal na Lolo.

"Lo, hindi po maganda ang nangyayari ngayon sa ating Tribo, kaya nakikiusap ako sa inyo. Magpagaling ka at lumaban. Kailangan ka pa namin. Bumalik na sana ang lakas mo nang sa ganoon ay mailagay mo si Leyro sa dapat niyang kalagyan, lalo na ngayon at inaangkin na niya tayo. Hindi ako makapapayag na mapasailalim tayo ng isang taong mayabang, mapagmataas, at hindi puro ang hangarin. Wala pa rin akong tiwala sa kanya. Mauubos lamang ang buong Tribo sa sakuna kapag siya ang inasahan namin. Marami na ang nawala sa kanyang tribo. Isa na si Leyla..."

Napaisip ang dalaga noong banggitin niya ang kaibigan. Muli niyang naalala ang mga naibunyag sa kanya ni Leyla tungkol kay Datu Leyro noong nabubuhay pa ito. Sinabi nitong hindi kakalat ang sakit kung hindi lamang nagpunta ang Datu sa kweba ng mga paniki. Isang malaking palaisipan pa rin sa kanya ang pinanggalingan ng sakunang nagpapahirap sa kanila ngayon at malakas ang hinala niyang may kinalaman si Datu Leyro sa pagpapalaganap nito.

Kailangan kong malaman mismo sa kanya ano ba talaga ang totoo.

***

Kinaumagahan, nakarinig si Miya ng katok mula sa kanilang pinto. Ito ay isa sa mga tauhan ni Datu Mortho na ngayon ay naninilbihan na rin kay Leyro.

"Miya, ipinapatawag ka ng Mahal na Datu."

Hindi na pinalagpas ng dalaga ang pagkakataong ito. Naaasiwa man siyang humarap sa presensiya ni Leyro, kailangan niya itong komprontahin sa mga katanungang bumabagabag sa kanya.

"Miya," isang ngiti ang pinambati ni Leyro sa kanya.

"Mahal na Datu," pagbati ni Miya sa karaniwang tono tulad ng ginagawa niya sa kanyang Lolo. Ayaw man niyang si Leyro ang kanilang Datu, kailangan pa rin niya itong bigyan ng paggalang.

"Mabuti at narito ka na, may mahalaga akong kailangang sabihin."

"Ganoon rin ako."

"Sige, para di matabunan ang sa akin, ikaw ang mauna."

"Tatapatin na kita, noong wala ka pa, may nakaibigan akong isang Tribong Leonesa. Si Leyla. Wala na siya ngayon, namatay siya sa sakuna. Bago siya nawala, nakapag-iwan siya sa akin ng isang kataka-takang pahayag. Ang sabi niya sa akin hindi magkakasakit ang tribo nyo kung hindi raw kayo nagpunta sa kweba. Iba ito sa sinabi mo noong nakiusap kayong humingi ng tulong sa amin. Ang sabi mo, bigla na lamang sumulpot ang paniki sa teritoryo nyo at kinagat kayo. Sabihin mo sa akin, ano ba ang talaga ang totoong nangyari bakit kumalat ang sakuna?"

Hindi inaasahan ni Leyro na ito ang itatanong niya pero pilit niyang binilisan ang pagsagot sa dalaga. "Pinaninindigan ko ang mga salita ko. Bigla na lang sumulpot ang paniking yun at naghanap ng kakagatin sa amin, iyon ang totoo."

Matagal na tinitigan at inobersbahan ni Miya ang kilos at ekspresyon ng Datu. Walang naitulong ang pahayag nito para mabawasan ang pagdududa niya.

"Talaga ba? Bakit naman iba ang bersyon ni Leyla ukol sa mga pangyayari? Aamin na ako kung ako sa'yo. Kung kayo ay pumunta nga sa kweba, bakit? Anong pakay nyo?"

"Hindi ko rin alam, at sino ba yang si Leyla na yan?"

Napangisi ang dalaga sa pagmamaang-maangan ng Datu. "Nangako kang magiging mahusay kang Datu sa mga Myongan pero hindi mo man lang matandaan ang pangalan ng mga Katribo mo? Higit sa lahat, nakukutuban kong puno pa rin ng kasinungalingan ang bibig mo. Paano ka namin magagawang pagkatiwalaan?"

"Sinabi ko na sa'yo, Miya, iyon ang totoo. Ewan ko bakit iba ang nasabi nya. Kailan mo ba siya kausap? Noong may sakit na siya? Parang di mo naman alam na hindi lang panlabas ang inaatake ng sakit na ito, pati rin ang isipan sinisira nito. Baka kaya kung ano-ano na ang nasabi niya kasi wala na talaga siya sa tamang pag-iisip."

"Sana nga. Sana nga wala lang talaga sa tamang pag-iisip noon si Leyla kaya niya nasabi yun. Sana nga nagsasabi ka ng totoo at hindi ka nagkakaila nang sa ganoon hindi ikaw ang masisi sa pagpapakalat ng sakit. Marami na ang namatay, marami na rin ang nahawa at nanganganib ngayon sa mga Myongan dahil nagpasya kaming buksan ang aming tahanan at tulungan kayo. Sana naman magpakatotoo ka sa amin."

"Wala akong tinatago, Miya. Sinusumpa ko sa libingan ng aking mga ninuno."

Napagtanto ni Miya na hindi niya basta mapipiga si Leyro kung ito ay nagsisinungaling. Madali lamang sa kanyang makagawa ng palusot dahil likas na sa kanya ang pangloloko at pagkukunwari.

"Ano ang sasabihin mo sa akin?"

"Yun pala, napaisip ako sa kagustuhan mong pamunuan ang mga Myongan at napagtanto kong hindi kita masisisi kung wala kang tiwala sa akin. Isa pa, naisip ko rin na masyado ata kitang minaliit bilang isang babae, isinantabi ko ang iyong abilidad at lakas ng loob na magkusa sa tungkuling iniwan ng iyong Lolo."

Ano na namang panglilinlang ito, Leyro?

"Ibig sabihin ba nito, ipapaubaya mo na sa akin ang pagiging Datu?"

"Tama, ikaw ang mamumuno sa mga Myongan, habang ako naman ang mamumuno sa mga Leon, magiging magkaagapay tayo sa pamumuno sa ating mga Tribo, pero sa isang kondisyon."

"Ano naman yun?" Agad na naglaho ang sigla sa mukha ni Miya, batid niyang may hihinging malaking kapalit ang Datu.

"Pakakasalan mo ako," tugon ni Leyro na ikinatahimik ng dalaga.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro