Kabanata 18: Graison
-Lupain ng Artemias:
Ilang Araw Bago ang Paglusob-
Bago pa man salakayin ng mga Kawal Artemian ang Lupain ng Ossig, masusing pinag-isipan ni Duke Aurello ang kanilang susunod na hakbang upang malamangan ang Emperador. Nagbasa siya sa mga aklat at kinausap ang ilan sa mga batikang Kawal ng Lupain. Sa kanyang pagsisiyasat, isang ideya ang nabuo sa kanyang kukote. Tinipon niya si Kapitan Roqil at ang kanyang buong pulutong upang ipaalam ang kanilang misyon.
Matapos ang mabusising pagsasanay, wala ng inaksayang panahon pa si Aurello at nagbigay siya ng kautusan na isagawa ang kanilang pagkubkob sa lalong madaling panahon.
"Roqil, ano na ang balita sa hukbo natin?" usisa ni Aurello.
"Nagmamartsa na sila sa Lupain ng Ossig, ilang oras lang masosorpresa na sila sa pasabog nyo."
Napangiti si Aurello sa kanyang ulat. Sa pagkakataong ito, sisiguraduhin na niyang aayon ang lahat sa kanyang nais.
"Mahusay, sigurado ako hindi magtatagal, makakarating rin sa Sentralisadong Imperyo ang balitang ito at natitiyak kong gagawa agad ng aksyon ang Emperador. Nakalatag na ang bitag natin sa kanila."
Habang sila ay nagbubunyi, nagtataka naman si Konde Sethro sa planong ito ni Aurello. Kung siya ang tatanungin, iba ang gagawin niyang estratehiya.
"Sigurado ka ba sa binabalak mo?"
"Anong pinag-aalala nyo, Konde Sethro?"
"Naisip ko lang, nais nyong ipaalam mismo kay Fierro na sasakupin nyo ang Ossig nang sa ganoon ay lusubin rin nila ang Lupain. Hindi ba lalo nyo lang nilalagay ang pwersa nyo sa kapahamakan kung hahayaan nyo silang atakihin kayo? Bakit hindi nyo sinama ang pwersa ng Entrafor?"
"Magandang tanong, kaibigan. Isa lamang ito sa mga bahagi ang aming plano, Hindi ko pa nasasabi sa'yo ang kabuuan. Kaya ko hindi pinasama ang iyong hukbo dahil walang mangyayaring labanan sa Lupain ng Ossig."
Sa halip na mabawasan, mas lalo lamang nadagdagan ang katanungan ng Konde.
"Anong ibig mong sabihing walang mangyayaring labanan?"
"Hindi sila ang aatake sa atin, tayo ang aatake sa kanila. Doon ko kakailanganin ang hukbo ng Entrafor para tulungan kami. Habang tinatahak nila ang daan patungo sa Ossig, sigurado ako mapapagod ang mga yun, magugutom at aantukin. Magpapahinga sila at hindi direktang magmamartsa sa Ossig. Sabihin mo sa akin, ano nga ba ang namamagitan sa Sentralisadong Imperyo at sa Lupain ng Ossig?"
"Ang Libong Punong Kakahoyan," hulang sinagot ng Konde.
"Doon natin sila lulusubin nang wala silang kamalay-malay. Pagkarating nila roon, nakahanda na tayo para sa kanila."
Nanigla ang ekpresyon ni Konde Sethro sa ipinaliwanag ni Aurello.
"Nakuha ko na ang pinaplano mo! Isang sorpresang pag-atake. Magaling!"
"Sana lang at kasama si Fierro dahil hindi na ko magsasayang ng panahon na tapusin siya."
Pinunan ni Sethro ng alak ang kanyang tasa at itinaas ito. "Para sa ikababagsak ng Mataas na Emperador!
Nakangiting tumagay si Duke Aurello sa pagsang-ayon at sabay nilang ininom ang alak.
-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-
Sumara nang mahigpit ang kamao ni Fierro habang pinapakinggan ang ibinabalita ng Kawal Ossig. Nasa kanan ng kanyang trono si Grasiela at nasa kaliwa naman si Panginoong Ocillo na taimtim ring nakikinig sa mensahe.
"Sabihin mo sa amin, gaano kalala ang sitwasyon doon base sa iyong nasaksihan?"
"Malala po, tipong handa silang sirain ang bayan. Nagawa na nga nilang sirain ang tarangkahan. Tingin ko balak talaga nilang sakupin ang Ossig."
"Hindi," napapailing si Panginoong Ocillo nang marinig ang balita sa kanyang Lupain. "Hindi ang Ossig! Mapayapa ang mga kababayan ko, hindi ito nararapat sa kanila! Baka kung ano ang gawin sa kanila ng mga Kawal Artemian, Kamahalan, dapat kumilos na tayo."
"Huminahon kayo, Panginoong Ocillo. Baka makasama sa lagay nyo." Payo ng Emperatris sa kanya.
"Huwag kang mag-alala, Ocillo. Babawiin natin ang Ossig laban sa kanila. Hayop na Aurellong yan! Tingin nya hahayaan ko siyang basta na lang lusubin at sakupin ang isa sa ating mga Lupain? Nagkakamali siya. Gusto niya talaga ng gyera, bibigyan natin siya ng gyera! Tatapusin na natin sa Ossig ngayon ang gulong sinimulan niya!"
Tinawag ni Fierro ang kanyang Kapitan. "Malko."
"Kamahalan," yumuko ito bilang pagbati.
"Paghandain mo ang pwersa natin at ganoon na rin ang mga Kawal na pinadala ni Lodell. Magmamartsa tayo sa Lupain ng Ossig."
"Masusunod po, ngayon din."
"Sasabihan ko na rin ang aking hukbo rito," paalam ni Ocillo. "Kamahalan, humihingi ako ng permisong sumama sa pakikidigma."
"Kaya mo na ba?"
"Kakayanin, ibang usapan na ito. Lupain namin ang nilalapastangan nila. Kailangang naroroon ako."
"Sige, kung ito ang iyong pasya."
Nananahimik lamang si Grasiela sa kanyang pwesto, hindi niya malaman kung ano ang mararamdaman niya sa mga pangyayari at nalilito siya kung kanino siya papanig.
"Bago tayo umalis, may kokonsultahin muna ako ukol sa magaganap na digmaan."
"Kanino naman?" tanong ni Ocillo
"Sa isang taong malaki ang maitutulong sa atin."
***
Sa kanyang madilim na lungga, abala si Tandang Ora sa kanyang ritwal na isinasagawa para magkaroon siya ng komunikasyon sa kanyang Panginoon. Nakapikit ang kanyang mga mata habang nakatapat ang kanyang mukha sa usok na nagmumula sa kumukulong paso. Tila may buhay ang usok na nagmumula rito at ito ay rektang nagtutungo papasok sa tenga ng Matandang Mangkukulam.
"Ano iyon, Panginoon? Mahalaga ang araw na ito? Bakit?"
Tahimik siyang nakikinig habang patuloy na naglalakbay papasok sa kanyang pandinig at isipan ang usok na nagtataglay ng mga salita ng Itim na Diyos.
"Susubukin nyo ulit ang Panginoon ng Apoy? Pero ilang ulit nyo na siyang nasubok hindi ba? Noong tinanggap niya ang kanyang kapalaran, noong nagawa niyang palayain ang sarili niya sa pagkakabilanggo. Hindi pa ba sapat ang lahat ng iyon upang mapatunayan niya ang sarili niya sa inyo?"
Muling bumulong ang usok sa kanyang tenga at tila hindi mawari ni Tandang Ora ang nais ng kanyang Diyos.
"Bibigyan nyo siya ng huling pagsubok kung siya ba ay susunod sa inyong kalooban bago ang araw na itinakda? Susubukin nyo ulit siya kung magagawa niyang magtimpi o magpadala sa kanyang damdamin? Ito ang magiging batayan ng kanyang katapatan."
Nakarinig ulit siya ng sagot mula sa Itim na Diyos at sa pagkakataong ito para bang isang utos ang binigay niya sa tapat na lingkod.
"Kung ano po ang nais nyo, susundin ko."
***
Hindi na nag-aksaya pa ng oras si Fierro. Pumasok siya sa silid ni Graison. Minabuti niyang sa kanya lang komunsulta at hindi kay Tandang Ora. Mahimbing pa ang tulog ng Prinsipe ngunit hindi ito naging sagabal para gisingin niya ito.
"Graison, Graison gumising ka," malumanay niya itong tinapik sa balikat.
"Ama?" nagising ang Prinsipe at napahikab kasabay ng pag-uunat. "Bakit po?"
"Bumangon ka na at kailangan ko ang tulong mo. Kunin mo ang Mahiwagang Pisara."
Inalis ng Prinsipe ang antok sa kanyang sarili, bumangon at kinuha ang Mahiwagang Pisara ng Yelo pati na rin ang kanyang brotsa at mga pintura.
"Para saan po ba ito?"
"Makinig ka, maya-maya lang aalis na kami patungong Ossig para makidigma sa pwersa ni Aurello. Hindi ba ang sabi mo nais mong makatulong na sagipin ang Imperyo, ngayon na ang pagkatataon mo para gawin iyon. Ilang beses na nating napapatunayan na may kakayahan kang masilayan ang magaganap sa hinaharap, ngayon tulungan mo ang ating pwersa. Ipinta mo sa Pisarang yan kung saan nagkukuta ang hukbo ni Aurello nang sa ganoon malamangan namin sila at madaling matatalo."
Napaisip ng masinsinan si Graison sa hiling ng Ama, animo'y nababahala.
"Wala po akong hinahangad kundi ang makatulong sa inyo, kaso lang..."
"Kaso lang ano?"
"Hindi ko po maididikta na maipinta ang imaheng gusto nyong makita, karaniwan po kasi ang mga pinta ko ay nagmumula sa mga panaginip at pangitaing isinisiwalat ng kaisipan ko. Kusa lang silang dumarating sa akin. Ngayon kasi mahimbing po ang tulog ko at tahimik ang isipan ko. Hindi ko po natitiyak kung may maipipinta ako sa pisara ngayon."
Binalewala ni Fierro ang mga pagdadahilan ni Graison. Hindi siya kumbinsido na walang maibubuga ang pinta niya sa kasalukuyan nilang sitwasyon.
"Pilitin mo, alang-alang sa Buong Lupain. Gawin mo lang ang palagi mong ginagawa, ipikit mo lang ang mga mata mo habang nagpipinta ka, gaya ng dati. Pakiusap, gawin mo ito para sa akin, anak."
Naguguluhan na si Graison sapagkat wala siyang matandaang anumang imaheng tumakbo sa kanyang isip sa nakalipas na magdamag ngunit sa isang banda hindi rin niya magawang tanggihan ang hiling ng Ama. Ayaw niya itong biguin. Tiyak na madidismaya ito kung wala siyang maibibigay na tulong.
Subukan mo, Graison. Kung kailangang pigain mo ang isip mo, gawin mo.
Kinuha ng Prinsipe ang kanyang brotsa, ipinikit ang kanyang mga mata at nagsimulang magpinta.
***
Sa ilalim ng Palasyo, hawak-hawak ni Tandang Ora ang kanyang bolang krystal. Nakapikit rin ang kanyang mga mata sa pagsasagawa ng ritwal na inutos sa kanya ng Panginoon.
"Mahiwagang Krystal, dinggin aking hiling. Harangan mo ano man ang makikita ng Prinsipe sa kanyang kaisipan. Huwag mo siyang imulat sa mga kaganapan! Pigilan mo siyang makita ang hinaharap!"
***
Naghikahos si Graison at tila sari-saring imahe ang sumasagi sa kanyang isipan, masyado silang mabilis upang maaninag niya ang mga ito. Para bang libo-libong larawan ang pinapakita sa kanya ng sabay-sabay ngunit walang kaliwanagan ang mga ito. Wala silang kaalam-alam na ang lahat ng ito ay dahil sa pagmamanipula ni Tandang Ora.
Hinayaan na lamang niyang gumalaw ang kanyang kamay sa pisara at si Fierro ay nanonood lamang nang hindi kumukurap.
Ayusin mo, Graison! Huwag mong biguin si Ama, ipinta mo lang ang pinakamalinaw na bagay na nakikita mo!"
Pinagalaw niya nang mas matulin pa ang kanyang kamay at matapos ang ilang minuto, natapos na siya at dinilat ang kanyang mga paningin upang tignan ang naipinta.
Simple lamang ang nilalaman ng pisara. Ang asul na bandera ni Duke Aurello at isang piraso ng purong berdeng dahon na bumagsak sa gitna ng watawat.
"Nagawa ko na po, ano pong masasabi nyo, Ama?" nahihiyang tanong ni Graison sa Emperador.
"Ito na yun?" halata ang panlulumo sa tinig ng Emperador. "Ito lang ang nakita mo?"
"Opo, sinubukan ko po pero yan lang ang naibigay ng isip ko."
Napansin ng Prinsipe na hindi kuntento ang Mataas na Emperador sa imahe.
"Bandera lang ito ni Aurello na may nahulog na dahon, ano ang maititulong nito sa gagawin naming paglusob?"
"Hindi ko po alam, baka may nakatagong simbolismo sa larawan."
Napangisi si Fierro na tila walang katuturan ang mga pahayag ng anak
"Simbolismo? Hindi ko kailangan ng simbolismo, kailangan ko ang mismong pangyayari! Subukan mo ulit magpinta ng iba at baka gumana na sa pangalawa!"
Naligalig si Graison sa pagtaas ng tono ng kanyang Ama. Batid niya kung gaano ito kadesperado na maipanalo ang labanan ngunit ano pa nga ba ang magagawa niya?
"Mahihirapan na po ako magpinta ulit sa ngayon. Habang pinipilit kong magkaroon ng mga pangitain, mas lalo lamang gumugulo ang isipan ko."
"Sinasabi mong wala ka ng maititulong sa ngayon?"
"Paumanhin po, Ama." Napayuko si Graison sa pagkabigo. "Kung mayroon lang talaga."
Napailing si Fierro. "Akala ko pa naman maaasahan kita sa digmaang ito. Nagkamali pala ako."
Nilisan ng Mataas na Emperador ang silid. Inaasahan na ng Prinsipe ang dismayadong reaksyon ng kanyang Ama, gayunpaman hindi pa rin maiwasan ni Graison na mangamba, maliitin at sisihin ang sarili sa kanyang pagkabigong makatulong sa Ama at sa Cenpyre.
***
Makalipas ang ilang sandali, naghanda na sina Fierro, Ocillo at ang kanilang mga pwersa. Isinuot ni Talas ang kanyang armas at kupyal at siya ay humanay sa kanilang linya, sa pangunguna ni Kapitan Malko. Pinamunuan rin ni Panginoong Ocillo ang maliit na bilang ng kanyang hukbo.
Bago sila umalis, nilapitan ng nag-aalalang si Osylla ang kanyang mahal na Ama.
"Ama, mag-iingat po kayo," paalala niya, "hanggang maaari umiwas kayo sa panganib."
"Mukhang malabo yan, anak. Paano ako makakaiwas, panganib nga mismo ang susuungin namin."
Bahagyang natawa si Osylla sa biro ng Ama. "Sasama ba talaga kayo? Kailan lang gumaling ang sugat mo."
"Wala na ito, Osylla. Ipinapangako kong babawiin natin ang ating Lupain kay Aurello."
"Ipangako nyo rin na uuwi kayong buhay at ligtas."
"Ako pa ba?"
Sabay na nagkatawanan ang mag-ama.
Pinagmamasdan ni Grasiela ang kabiyak habang siya ay nagsusuot ng kanyang kapa, armas, panangga at kupyal.
Napatingin sa kanya si Fierro na tila may inaabangan mula sa Emperatris. "Hindi ka man lang ba magpapaalam sa akin at hihilingin ang pag-iingat ko. Sasabak kami sa digmaan."
Nananatiling mapait at mapagmatigas ang Emperatris sa kabila ng lahat.
"Kung totoo ang sinasabi ni Duke Aurello, hindi na kailangan. Ang sabi nga nila ang masamang damo, matagal mamatay."
"Hindi mapapanindigan ni Aurello ang mga sinabi niya sa akin kung siya mismo ang magbabaon ng espada sa katawan ko."
Ito na lamang ang sinagot ni Fierro na bahagyang nagbigay ng pag-uusig sa kalooban ng Emperatris. Tuluyan nang umalis ang kanilang buong pwersa patungo sa sinakop na Lupain.
-Libong Punong Kakahoyan-
Tinahak nina Emperador Fierro at ng iba pa ang daan patungo sa lupain ng Ossig, pero dahil sa tanghali na sila umalis, inabot na sila ng gabi nang marating nila ang kakahoyang namamagitan sa Sentralisadong Imperyo at sa Lupain ng Ossig: Ang Libong Punong Kakahoyan na siyang itinuturing na isa sa pinakamalaking kakahoyan sa Imperyo. Totoo sa kanyang pangalan, aabot nga sa libo ang nagtataasan at magkakakonektang mga puno. Ang daan naman ay mabato at malubak, minsan papataas ang lupa at minsan naman ay pababa, kaya naging maingat sila sa kanilang mga hakbang.
Sa kanilang paglilibot, nakahanap sila ng isang pwestong malaki ang espasyo at hindi gaano magkakadikit ang mga puno.
"Dito na muna tayo magkampo," utos ng Emperador. "Gabi na at kailangan na nating magpahinga. Bukas pagsapit ng liwanag, tsaka tayo susugod sa Ossig."
"Mabuti pa nga, mahirap tahakin ang kakahoyan sa ganitong oras ng gabi," sumang-ayon si Ocillo. "Baka mamaya, matuklaw pa tayo ng ahas o kung anong mabangis na hayop pa ang makasalubong natin."
Nagsimula sa pagkilos ang kanilang mga sundalo. Nagtulong-tulong sila sa pagtatayo ng mga toldang tutuluyan sa hamog ng gabi.
Pagkatapos itayo ni Talas ang kanyang tolda, pati na rin sa iba, nakasalubong niya si Kapitan Malko na hindi man lang niya nakitang nagbanat ng buto.
"Ikaw, ikaw, ikaw," turo niya sa mga tauhan. "Itayo nyo ang tolda ko, bilis! Ikaw rin Talas."
Hindi nagustuhan ng Kawal ang pagmamando nito sa kanila.
"Langya, may kamay at paa ka naman bakit hindi ikaw ang gumawa?"
"Dahil ako ang Kapitan at ako ang masusunod, ngayon kilos na! Magbabantay ka pa mamaya."
"Masusunod, 'Kapitan'," may pag-uuyam na tugon ni Talas.
Wala silang kamalay-malay na minamanmanan na sila ni Kapitan Roqil at ng iba pang Kawal Artemian mula sa mga halamanan.
Gaya ng tinoka ni Malko, si Talas nga ang isa sa naatasang magbantay magdamag sa kakahoyan. Naging maayos naman ang pagmamasid niya sa paligid. Hanggang sa pagsapit ng bukang-liwayway, wala siyang naririnig o napapansing kakaiba sa lugar sapagkat gumamit ng kakaibang estilo ang mga tauhan ni Aurello. Nagmanman ang pwersa ng kalaban na tahimik pa sa bangkay at umalis na ito agad noong napagtanto nilang pwersa nga ng Emperador ang nagtayo ng kampo.
***
Bumalik si Roqil sa kanilang itinayong kampo, hindi kalayuan sa kinaroroonan ng pwersa ng Emperador upang ibalita ang lahat sa kanilang pinuno.
"Panginoon, may magandang balita po kami. Nagkampo na rito sa kakahoyan ang hukbo ng Mataas na Emperador. Markado na namin ang lokasyon ng kanilang kampo."
Umabot sa tenga ang ngiti ni Aurello sa nilahad nito. "Magandang balita nga yan. Gaya ng inaasahan ko, mabibitag nga natin sila rito. Natantsa nyo ba kung ilan sila?"
"Siguro mga kapareho ng dami natin. Kasama rin ni Panginoong Ocillo ang ilan sa kanyang pwersa."
"Makakaya natin sila. Paghandain na ang lahat, oras na para lusubin natin sila."
Pinaghanda ni Roqil ang mga Kawal Artemian at ganoon rin ang ginawa ni Konde Sethro sa kanyang hukbo. Kinuha na nila ang kanilang mga espada, sibat, pana at palakol para sa pakikipagdigma.
-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-
Napabalikwas si Graison sa kanyang kinahihigaan. Sa pagkakataong ito, nagkaroon siya ng isang panaginip na maliwanag pa sa sikat ng araw. Nasilayan niya ang ginagawang pagpaplano ni Duke Aurello laban sa kanyang Ama. Nakita niya ang lahat, pinalilibutan na ng kanilang pwersa sa bawat anggulo ang hukbo nina Fierro at Ocillo.
Bakit ngayon ka pa nagpakita sa akin? Kung kailan nakaalis na sila Ama.
Mabilis pa sa alas-kwatro, kinuha ni Graison ang kanyang Mahiwagang Pisara. Taimtim niyang ipinikit ang kanyang mga mata at inilapat ang brotsa sa nagyeyelong pisara. Inalala niya ang kanyang panaginip at sa kanyang pagkamangha, ito ay nadugtungan pa. Nasaksihan niyang isang madugong labanan ang nagaganap sa Kakahoyan.
Pagkadilat niya, tumambad sa kanya ang isang nakakapangilabot na imahe. Nagkakaroon ng matinding kaguluhan sa Libong Punong Kakahoyan. Apat na pwersa ang nakikipaglaban at nagpapatayan. Dumarami ang mga bangkay sa bawat pangkat at sinisipsip ng berdeng damuhan at lubak na lupa ang kanilang mga dugo.
Bumilis ang paghinga ni Graison at ang bawat pintig ay para bang mga tambol na dumadagundong sa kanyang kaibuturan. Pinangunahan ng gimbal si Graison sa kanyang naipinta. Hindi niya sigurado kung nangyari na ba ang lahat ng ito pero kung pagbabasehan sa mga dati niyang pinta, malamang hindi pa. Mangyayari pa lang ang labanang ito. Maaaring ngayon, mamaya, bukas o sa mga susunod na araw pa ito magaganap.
"Nasa peligro ngayon sina Ama at Panginoong Ocillo. Kailangan ko silang puntahan at bibigyan ng babala sa kakahoyan! Pero paano?"
Nasa Palasyo pa siya ngayon at ilang milya na ang layo ng Emperador na nasa Kakahoyan. Malamang mahuhuli na ang kanyang babala kung ngayon rin mismo aatake ang hukbo ni Aurello. Napaisip ang Prinsipe ng iba pang paraan paano siya makakarating doon ng mabilis. Isa lang ang naisip niyang paraan.
"Kung magagamit ko lang sana ang Mahiwagang Lagusan, siguradong makakarating ako agad sa kinaroroonan nila."
Nang mga sandaling iyon, bigla na lamang nanliwanag at nagsimulang kuminang ang pisara, sa pagkabigla ng Prinsipe.
-Libong Punong Kakahoyan-
Bandang ika-pito ng umaga, nagkaroon na ng masamang kutob si Talas sa paligid. Aniya para bang may nanonood sa kanila at nakakarinig na siya ng mga hindi pangkaraniwang kaluskos at paggalaw sa mga halamanan. Patapos na ang kanyang pagbabantay ngunit nag-aatubili pa rin siyang iwanan ang kanyang pwesto.
Nilapitan siya ng isa niyang kasamahan, "Talas, tama na yan, magpahinga ka naman."
"Sige, ayos lang ako rito," sagot niya.
Nagtungo ang kanyang kasamahan sa sulok ng isang puno upang umihi. Hindi pa tapos ang Kawal nang bigla na lamang may tumamang ligaw na palaso sa kanyang ulo.
"Putang ina!" Nagulantang si Talas sa pangyayari at kasabay nito, dito na nagsulputan ang mga Kawal Artemian sa bawat sulok ng Kakahoyan, sumisigaw na pasugod dala-dala ang kanilang mga sandata. Ang iba ay tumatakbo at ang iba naman ay nakasakay sa kanilang mga kabayo.
"Napaligiran tayo! May mga kalaban!" Anunsyo ni Talas sa lahat.
Sa kanyang tolda, narinig ni Emperador Fierro ang nangyayaring komosyon at ganoon na rin si Panginoong Ocillo.
Sinubukan panain ng isa sa mga Kawal Artemian si Talas ngunit sa kabutihang palad ay nakailag siya at nagtago sa likod ng isa sa mga tolda.
Kasisimula pa lamang ng umaga pero karamihan sa mga Kawal ng Emperador ay gising na at naghahanda. Ang iba ay nag-aalmusal at ang iba naman ay naghahasa ng kanilang mga espada. Mayroon ring ilang Kawal na mabigat ang katawan na nakahilata pa at ang iba ay himbing pa sa pagtulog.
Sinamantala ng kalaban habang hindi pa nakakapaghanda ang mga Kawal at sinimulan nila ang pagsugod sa mga tolda. Agad nilang pinaslang ang mga Kawal Imperyal na nakahiga pa sa kanilang pwesto gamit ang kanilang mga pana, sibat at palakol. Sinagasaan naman ng mga kabayo ang iba pang tolda at napipi ang ilang Kawal na walang kamalay-malay sa mga kaganapan. Higit namang pinalad ang mga maagang nagising. Nagawa nilang kuhanin ang kanilang mga espada at nakipagsabayan sa mga lumulusob.
Kinuha ni Fierro ang kanyang espada bago sumilip sa labas. Namataan niya ang ginagawang sorpresang pag-atake ng mga Kawal Artemian sa kanyang hukbo. Nakita niya kung paano pinapasok ng mga kalaban ang mga tolda at ang iba naman ay sinusunog ang mga ito.
Sa toldang nakatapat, sumilip rin si Panginoong Ocillo at napatanong sa kanya, "anong nangyayari?"
"Isa itong patibong! Nilulusob na tayo ni Aurello!"
"Ano? Akala ko nasa Ossig sila?"
"Iyon rin ang akala ko pero inaabangan na pala nila tayo rito!"
"Anong plano?"
Lumabas si Fierro nang buong tapang sa kanyang tolda at humiyaw sa abot ng kanyang hininga.
"Walang susuko. Lalaban tayo para sa Imperyo! Makinig kayo sa inyong Emperador! Maliit na pwersa lamang sila! Kayang-kaya natin silang lipulin! Laban lang!"
Nagkaroon ng lakas ng loob ang mga Kawal Artemian. Nakatulong sa kanila ang mga salita at panghihikayat ng kanilang Emperador. Matagumpay nilang natalo at napaslang ang mga nakakasagupang kalaban.
Napalingon si Panginoong Ocillo sa kanyang hukbo, "narinig nyo yun! Ano pang hinihintay nyo! Sugurin sila!"
Nagsilbing reserba ang mga Kawal Ossig at sila ay nagsimulang sumugod para tulungan ang mga Kawal Imperyal sa mga Kawal Artemian. Hindi naman nila inaasahan na isa pang hukbo ang bigla na lamang susulpot mula sa mga halamanan dala ang kanilang mga kabayong pangdigma, si Konde Sethro at mga Kawal Entrafor. Habang abala ang mga Kawal Artemian sa mga Kawal Imperyal, pinuntirya naman nila ang mga Kawal Ossig. Sa kanilang pagsulpot, tuluyan nang nagsimula ang sagupaan ng apat na hukbo.
Sa kasagsagan ng digmaan, nagkatinginan sina Panginoong Ocillo at Konde Sethro.
"Panginoong Ocillo, ikaw pala yan!" pagbati ng Konde.
"Hayop ka, Sethro, isa kang dakilang balimbing!" sagot ni Ocillo.
"Mabuti nang maging balimbing, kaysa magiging tuta ng isang demonyo!"
Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Sethro at inugay niya ang kanyang palakol sa Panginoon pero nakaiwas naman si Ocillo sa kanyang tira. Hinugot ng Panginoon ang kanyang palakol at siya naman ang sinubukang tamaan si Sethro.
"Sumuko ka na, masyado ka ng matanda para umubra sa akin," kumpiyansa nitong sagot habang umiilag.
Nilakasan ni Ocillo ang pag-ugay at nagawa rin niyang tamaan sa tagliran ang Konde.
"Baka di mo alam, may ibubuga pa ang matandang ito."
Bumagsak si Konde Sethro na namimilipit sa kanyang tinamong pinsala.
Si Kapitan Roqil ang nagsisilbing pinuno ng mga Kawal Artemian at dahil sa kanyang taas at tindig, naging madali lang sa kanya ang pagsaksak at pagpana sa mga bagitong Kawal Imperyal. Nagawa niyang ibaon sa bungo ng isang Kawal ang kanyang palakol at walang hirap naman niyang ginilitan sa leeg ang isa.
Napalingon siya sa paligid at namataan niya ang isang Kawal Imperyal na pumukaw sa kanyang pansin dahil sa galing sa pakikidigma, ito ay si Talas. Nasaksihan niya kung paano nito sinaksak ng sibat ang ilan sa kanyang mga Kawal. Napagtanto niyang ito ang taong nais niyang makalaban sapagkat magkasing husay sila.
Sumunggab siya mula sa likuran ni Talas at nabitawan nito ang kanyang sibat. Nagpagulong-gulong dalawa pababa sa malalim na kalupaan. Kinuha ni Talas ang kanyang espada at kumalas kay Roqil. Nilabas rin ng Kapitan ang kanyang espada. Nagpakiramdaman muna ang dalawa at humanap ng tamang tyempo. Nagpasya nang sumugod si Roqil at sinabayan siya ni Talas. Kapwa nag-ugayan ng kanilang mga sandata ang dalawa sa kagustuhang mapuruhan ang isa't-isa. Matapos ang ilang minutong sagupaan, nanaig si Talas at nagtagumpay siyang paliparin palayo ang espada ng kalaban. Walang balak magpatalo si Roqil, nakita niya ang isang pana at palaso sa damuhan at siya ay nag-isip nang mabilis. Kinuha niya ito at pinuntirya si Talas. Muling nakailag si Talas at nagtago sa likod ng puno.
Hahabol pa sana si Roqil ngunit humarang sa kanya ang nagmamagaling na si Malko.
"Ako ang harapin mo, Kapitan sa Kapitan!"
Napangisi lamang si Roqil sa kanya. Susugurin na sana siya ni Malko ngunit agad itong nakaiwas, sinunggaban niya sa leeg ang nagtatangkang Kapitan at inipit rito ang kanyang pana. Naghikahos si Malko sa mahigpit na pagkakasakal sa kanya. Tinapakan niya ang paa ni Roqil at siya ay kumawala sa kanyang pagkakabihag. Nataranta ang Kapitan at siya ay tumakbo na parang natatakot na usa, papalayo sa kalaban.
"Bumalik ka rito, duwag ka pala!" Kutya ni Roqil.
-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-
Lalo pang tumingkad ang kinang sa paligid. Nasisilaw man si Graison, napatingin siya sa may dingding kung saan nakatutok ang pisara.
Pamilyar sa kanya ang senaryong ito, hindi man siya makapaniwala sa nakita. Sumulpot ulit ang Mahiwagang Lagusan, sa panahong kinakailangan niya ito. Nanigla ang mga mata ng Prinsipe. Ngayon magagawa na niyang puntahan at balaan ang kanyang Ama.
Salamat, salamat at lumitaw ka.
Humakbang ang Prinsipe papalapit sa lagusan, nilagay niya muna ang kanyang kamay upang subukin kung ito ay tatagos at tama nga siya.
"Dalhin mo ako sa Libong Punong Kakahoyan."
Nagpatuloy na si Graison sa pagpasok sa lagusan.
-Libong Punong Kakahoyan-
Pagkatagos niya sa loob, natagpuan niya ang sarili sa mismong kakahoyan, sa gitna ng tumtinding digmaan. Pinagmasdan ni Graison ang paligid at tugmang-tugma ang nakikita niya sa kanyang ipininta sa Pisara. Wala nang humpay ang sagupaan ng apat na pwersa at ngayon ay naiipit na rin siya sa gulo.
Ito ang unang pagkakataon na mapasabak sa totoong gyera ang Prinsipe at hindi niya maiwasang masindak sa nakikita niya. Nanlaki ang mga mata ni Graison nang makita niya sa kanyang harapan ang pagtagos ng espada sa katawan ng isa sa kanilang mga Kawal. Tumambad sa kanya ang presensiya ng mga bangkay at ng mga dugong dumanak. Marami na ang nasawi at nagsimula nang magkapatong-patong ang mga patay. Ang damuhan ay puno na ng lasog-lasog na katawan, pugot na ulo, mukhang nawakwak ng palakol, mga lamang loob at mga putol na braso at hita. Iniwasan na lamang niyang tignan ang mga ito at siya ay para nang masusuka. Batid niyang lalaki man siya, marahil hindi siya ginawa ng mga Diyos para sa pakikidigma.
Kailangan kong makita si Ama at maihatid siya sa portal bago pa ito magsara.
Habang abala ang lahat sa pakikipagpatayan sa isa't-isa, naglakad si Graison sa paligid at hinanap ang Emperador. Magulo na ang paligid at siya ay nahihilo na sa paliko-likong paglalakad sa pag-iwas sa mga naglalaban at ganoon na rin sa mga ligaw na pana at mga nakasakay sa kabayo. Napansin niyang siya lamang ang naiiba ang anyo sapagkat ang lahat ay nakasuot ng mga armas, panangga at kupyal. Dapat siyang makihalo sa kanilang anyo, mahirap na at baka makilala siya ng mga kalaban bilang ang Prinsipe ng Imperyong Cenpyre at gamitin pa siyang pain ni Aurello.
Nag-ikot ang kanyang mga mata sa paligid, sa mga nakahigang mga labi at humanap siya ng maaaring ipangtakip sa sarili. Kinuha niya ang isang bilugang panangga at ganoon na rin ang kupyal ng isang nasawing Kawal Imperyal at isinout ito sa kanyang ulo.
Ayan, hindi na nila ako mahahalata.
Nagpatuloy si Graison sa paglalakad at siya ay may naisip ulit. Kailangan niya ring kumuha ng armas para madepensahan ang kanyang sarili sakaling may mag-amok sa kanya kahit na alam niyang hindi siya gaano bihasa sa paggamit. Habang siya ay naghahalungkat sa mga patay, napansin niyang nakatuon sa kanya ang tingin ng isa sa mga Kawal Artemian. Siguradong siya ang pagdidiskitahan nito at gaya ng kanyang hinala, tumakbo nga ito agad pasugod sa kanya. Kinuha ng Prinsipe ang pana mula sa ibaba at itinutok ito sa kalaban. Natatakot niyang pinakawalan ang kanyang tira kasabay nang paiwas na pagpikit. Pagkadilat niya, nakita niyang tinamaan sa ulo ang Kawal at ito ay bumagsak sa kalupaan. Ito ang unang taong napatay niya at nagsimulang mangatog ang Prinsipe.
Hindi pa naman siya nahihimasmasan sa nagawa, isang Kawal Artemian ang bigla na lamang humatak at bumalibag sa kanya. Ngayon lamang niyang naisip na lalo lamang pala siyang pupuntiryahin ng mga kalaban sapagkat aakalain nilang isa siya sa mga Kawal. Sinubukan siya nitong saksakin gamit ang kanyang espada ngunit hinarang ni Graison sa katawan ang kanyang panangga. Ilang ulit inugoy ng Kawal ang espada sa kanya, tila wala itong balak na lubuyan siya. Natigil lamang siya noong may tumamang palaso sa kanyang leeg. Bumagsak malapit kay Graison ang napatay na kalaban at lumantad kung sino ang pumana rito. Walang iba kundi ang kanyang Tiyo Talas.
"Ayos ka lang ba?" Inalok niya ang kamay sa Prinsipe, hindi pa namamalayan na si Graison ito.
Inalalayan niya tumayo si Graison. Bumagsak ang maluwag na kupyal mula sa kanyang ulo at nakilala na ni Talas ang kanyang tinulungan.
"Punyeta, Graison. Anong ginagawa mo rito?"
"Nagtungo ako rito para balaan kayo sa hinanda nilang patibong pero huli na pala ako."
"Lumayo ka na, hindi ka dapat naririto at mapanganib, baka mapaano ka pa."
"Hindi, kailangan kong hanapin si Ama para pauwiin na siya gamit ang portal."
"Ang portal?" Ilang segundong napaisip si Talas bago mapagtanto ang sinabi nito. "Nagamit mo ulit?"
"Opo at kailangan ni Ama ng tulong, ililigtas ko siya sa kapahamakan."
"Nababaliw ka na ba? Sigurado akong napapaligiran na siya ng mga kalaban ngayon. Ikaw ang mapapahamak sa ginagawa mo. Kung ako sa'yo aalis na ko. Dumaan ka sa likod, umalis ka na."
Hindi pinansin ni Graison ang panghihikayat ni Talas. Imbes na sundin ang kanyang payo, nagpatuloy siyang tahakin ang daan sa harap kung saan mabigat ang labanan.
"Graison, sandali! Anak ng tokwa naman!"
Sinubukan niyang sundan ang pamangkin ngunit naglaho na lamang ito sa kanyang paningin, sa dami ng mga naglalaban.
Hindi lingid sa karamihan, si Emperador Fierro mismo ay nakikipagdigma rin ng mano-mano sa mga galamay ng kalaban. Gamit ang kanyang espada, marami na ring napaslang na mga Kawal Artemian at Kawal Entrafor ang Emperador at walang nagtatagumpay sa mga nais pumaslang sa kanya.
Pagkakitil niya sa huling susugod, napalingon ang Mataas na Emperador sa kanilang kampo. Pinagmasdan niya ang pagsaksak ng mga kalaban sa kanyang pwersa at ang unti-unting pagkalagas ng mga Kawal Imperyal sa kamay ng kanyang mga kaaway. Nakita niyang dumadanak ang dugo ng kanyang hukbo at muling bumalik sa kanyang gunita ang naranasan niya noong nauubos ang pwersang tumulong sa pagpapatakas sa kanya sa Dusa ng Bilanggo.
Nang dahil sa masamang alaalang ito, nabalutan ang Emperador nang halo-halong emosyon. Nagsimula siyang magpawis ng malapot at ang kanyang paa ay umuga na rin sa pangangatog. Naranasan niya uling pangunahan ng takot at pagkabalisa, mga emosyong alam niyang nagpapahina sa kanya. Hindi naman hinayaan ng Emperador na magpatinag sa kanyang damdamin. Kung mayroon man siyang kailangang pairalin ngayon, ito ay ang galit at ang pagkauhaw niya sa dugo ng mga kaaway. Nararamdaman niyang nang-iinit na ang kanyang kamay at katawan sa liyab na kinikimkim ng kanyang kaibuturan.
Tumagos ang init ng kanyang palad sa espada at noong sinaksak niya ang isa sa mga Kawal, nagpakawala ito nang nakapangingilabot na hiyaw, hindi dahil sa pagkasaksak, kundi dahil sa napaso ito sa init ng kanyang espada.
Sunod niyang itinaas sa ere ang isang Kawal Entrafor gamit ang kanyang kamay. Nagsimulang mamula ang mga mata ni Fierro sa panggagalaiti. Naramdaman ng kalaban sa kanyang leeg ang nakakapasong init na nagmumula sa kanyang palad. Nalapnos ito na siyang naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Ibinagsak ni Fierro ang napatay at muling natauhan. Sumara ang kamao niya sa tindi ng kanyang poot.
Noong mga panahong iyon, nais nang sumabog ni Fierro at sunugin ang lahat ng tauhan nina Aurello at Sethro. Kung maaari lang gagawin na niya ito ngunit bumalik sa kanya ang paalala ni Tandang Ora na hindi pa niya maaaring ipakita sa publiko ang kanyang kapangyarihan sapagkat hindi pa ito ang araw na itinakda ng Itim na Diyos, kaya kahit gustuhin man niyang pakawalan ang mangkok ng kanyang poot, batid niyang hindi niya ito maaaring gawin. May tamang panahon para paulanan niya ng apoy ang lahat ng kanyang mga kaaway.
Isa lang ang pinagtataka niya ngayon, naririto halos ang buong pwersa ni Aurello ngunit hindi pa niya ito nakakaengkwentro sa digmaang ito. Napaisip ang Emperador kung nasaan nga ba ito.
Kasalukuyang nakasakay si Duke Aurello sa kanyang kabayo, nakapwesto siya sa mataas na kalupaan ng kakahoyan at kanina pa siya nagmamasid sa nagaganap na labanan. Parte ito ng kanyang plano. Wala siyang balak na makipagsagupaan sa ibang mga Kawal. Kay Fierro lamang nakatuon ang paningin niya. Inaabatan niyang mabakante ang Emperador sa pakikipaglaban nang sa ganoon ay magawa na niyang puntiryahan ito ng patago.
Noong napatigil ang Emperador sa iisang pwesto, hindi na nagdalawang-isip pa si Aurello. Kinuha niya ang kanyang pana at itinutok ito ng palihim kay Fierro.
Samantala, sa kabila ng maraming balakid at kaguluhan sa kanyang daan, sa wakas at nahanap na rin ni Prinsipe Graison ang kanyang Ama. Namataan niya itong nakatayo sa isang sulok at nakatulala, tila may iniisip.
Ama, nahanap rin kita.
Papalapit na sana si Graison nang mayroon siyang napansin sa itaas sa may kanang bahagi ng kanyang Ama. Kitang-kita niya na nakatutok kay Fierro ang pana ni Duke Aurello. Umabot sa sukdulan ang kabog sa puso ng Prinsipe sa nasaksihan.
Papatayin niya si Ama! Hindi! Hindi ako makapapayag! Liligtas ko siya!
Nakahanda nang pakawalan ni Aurello ang tirang papaslang sa Mataas na Emperador.
"Tatapusin na kita ngayon, Fierro!"
Wala nang pinalagpas na pagkakataon si Graison at tumakbo siya sa pinakamatulin na kayang abutin ng kanyang paa patungo sa Emperador.
"Ama!"
"Graison," nabigla si Fierro nang marinig ang tinig ng Prinsipe.
Sabay na pinakawalan ni Aurello ang kanyang tira habang papalapit si Graison. Lumundag ang Prinsipe sa harap ni Fierro at siya ng sumalo sa palasong na dapat ay para sa kanya. Tumama ito sa sikmura niya. Natigilan ang Emperador sa bilis ng mga kaganapan at para bang hindi pa ito lubos na lumalapat sa kanyang kaisipan. Bumagsak ang Prinsipe sa damuhan. Nakatusok pa rin ang palasong na tumama sa kanya. Napahawak ang naghihikahos na Prinsipe sa kanyang sikmura at pagkaalis niya ng kanyang palad, puno na ito ng dugo. Nanlaki ang mga mata ni Fierro at napanganga sa nangyari kay Graison. Hindi niya inaasahan na magagawang magsakripisyo ng anak-anakan para sa kanya, kahit pa batid niyang wala namang saysay ang pagtatangka sa kanyang buhay sapagkat ipinagkaloob sa kanya ang imortal na kapangyarihan.
"Graison!" Napaluhod ang Emperador upang lapitan ang anak.
Natigilan sina Panginoong Ocillo, Talas at ang iba pang mga Kawal nang marinig ang tinig ng Emperador at dito na nila napagtanto ang nangyari sa Prinsipe.
Napalingon si Fierro sa direksyon kung saan nanggaling ang pana at nakita niya si Duke Aurello na nakasakay sa kanyang kabayo. Maging ito ay hindi rin makapaniwala sa nangyari. Hindi niya akalaing haharang ang Prinsipe sa Ama niya. Wala sa kanyang plano na dungisan ang kanyang kamay ng dugo ng isang musmos.
"Graison! Graison! Huwag kang bibitaw, magiging maayos ka."
Sinubukang magsalita ng Prinsipe ngunit hindi niya kaya. Ang nag-aalalang mukha ng kanyang Ama ang huli niyang nasilayan bago tuluyang dumilim ang lahat.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro