Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 18: Covel

-Kampo ng Kamatayan-

Simula na naman ang panibagong araw sa Kampo ngunit sa mga kahabag-habag na mga bilanggo, ang paggising ay isa na namang panibagong kalbaryo. Nagsimula ang araw gaya ng karaniwan. Maagang pinalinya ang mga Itmai at Puttlan para sa isang "Pilian" na pangungunahan ni Alorde. Makita pa lamang nila ang matangkad at mahaba niyang anino sa lupa, nangangatog na ang mga nakalinya sa kanilang pwesto. Kahit na araw-araw nila itong isinasagawa, hindi pa rin nila magawang masanay.

Isa-isang nilalapitan ng nakapangingilabot na manggagamot ang bihag. Sinisiyasat niya ang mga ito mula ulo hanggang paa upang alamin kung pasado ba sila at tsaka magbibigay ng pasya.

"Ikaw," tinawag niya ang isa sa mga Itmai na halos wala ng natitirang laman sa kanyang katawan.

"Ikaw," tugon niya sa Puttlan na namumula ang mukha sa dami ng pantal at kurikong.

"Ikaw rin," tinuro niya sa babaeng Puttlan walang palya sa pag-ubo.

Batid na nila kung ano ang ibig sabihin ng kanyang pagpili. Sila ang napiling magmartsa sa Silid-Sunugan. Sila ang napiling mamatay ngayong araw na ito.

Marami ang napili ngayon ni Alorde at hindi maalis ang kasuklam-suklam na ngisi sa kanyang masamang mukha. Tunay na beterano na siya sa ganitong trabaho. Isang tingin pa lamang alam na niya kung sino ang mabubuhay at mamamatay. Kapag siya ang pumipili, nananatiling kaswal at mahinahon ang kanyang tono, animo'y pumipili lamang siya ng mga itatalaga para sa isang gawain, kahit na buhay ang nakasalalay. Tila ikinararangal pa niya na siya ang nagbibigay ng hatol kung sino sa kanila ang hihinga at sino ang hindi na.

Pinagmartsa na ng ilang Tagalinis ang mga napiling bihag patungo sa kanilang madilim na katapusan. Kinakaladkad nila ang mga ito at nilalatigo ang mga babagal-bagal. Maririnig pa ang tawanan ng mga Tagalinis at Tagapuksa habang pinapanood nilang nagmamartsa ang inuusig na mga lahi. Ang iba sa kanila ay pinaglalaruan pa at ginagaya ang mga iyak at pagdaing ng mga sawimpalad.

***

Sa labas ng Kampo, malapit sa tarangkahan ng impyerno at kamatayan, nakaabang na si Pinunong Haurre, Jiaruz at iba pang miyembro ng Kapatiran na nakakubli sa may puno at halamanan. Hindi sila kumukurap sa kanilang pwesto. Nagmamasid lamang sila sa kilos ng mga bantay, tila naghahanap ng tamang tyempo.

Naalala ni Pinunong Haurre ang pinagpulungan nila bago isagawa ang mapangahas nilang plano.

"Ngayon mo papatunayan sa amin na talagang tutulungan mo kami, nagawa mo na ba ang mapa?"

"Tapos na," nilapag ni Jiaruz ang mapa sa mesa at ipinresinta ito sa kanilang lahat.

Tinuro ng dating Komandante ang mga daanan at pasikot-sikot sa Kampo. Kung saan ang Kampo ng mga bilanggo, ang himpilan ni Lodell, ang laboratoryo ni Alorde at ang Silid-Sunugan sa mga gusali. Ipinaliwanag rin niya ang kanilang mga operasyon at ang mga tungkulin ng mga Komandante, Tagapuksa, Tagalinis at mga bantay.

"Mainam at naituro mo na sa amin ang lahat ng ito, pero ang tanong, paano natin ito mapapasok kung puno ito ng bantay?" tanong ni Haurre.

"Madali na yun. May mga daluyan at lusutan sa kampo na tanging ako lang ang nakakaalam. Pinagawa ko to para kung sakaling magkaroon ng matinding digmaan, may madadaanan ako palabas. Doon tayo daraan."

"Yun naman pala. Ilatag mo na sa amin kung ano ang plano, tutal ikaw ang nakakaalam ng mga nangyayari sa loob. Saan tayo mag-uumpisa?"

Pinag-isipan ni Jiaruz nang masinsinan kung saan unang aatake.

"Mahihirapan tayong lusubin ang sentro ng kampo, yun ang natitiyak ko. Naroroon ang karamihan sa mga bihag at ganoon na rin ang karamihan sa mga Tagapuksa. Masyado itong malawak at mahihirapan tayong itakas ang mga naroroon sa dami ng kanilang bilang, baka magkagulo lamang at  malagay sa peligro ang mga buhay nila pag nagkataon."

"Sang-ayon ako, ito ang pilit nating iniiwasan, na maipit sila sa pagitan natin at ng mga kalaban. Hanggang maaari, wala sanang masawi sa kanila sa ating paglusob."

"Makakabuti kung unahin nating sagipin ang mas nangangailangan ng tulong. Ang mga napiling patayin sa Silid-Sunugan at ganoon na rin ang Laboratoryo ni Alorde kung saan di karamihan ang bantay, ilang Tagapuksa lamang ang naroroon at ang karamihan ay mga Tagalinis na siyang nagsasagawa ng mga pagpuksa. Gayunpaman, kailangan natin itong gawin ng tahimik at palihim. Mabuti siguro kung hahatiin natin sa tatlo ang ating pangkat."

"Sigurado ka ba?" tanong ni Covel na may medyo nababahala. Ito ang una nilang pagsalakay sa Kampo at hindi niya maiwasang kabahan.

"Oo, may plano ako. Ang unang grupo ay dadaan sa sikretong lagusan malapit sa Silid-Apoyan, may gusali roon na akala nila sirang palikuran lamang, doon kayo manggagaling at lalabas. Isinasagawa nila ang pagpaslang bandang alas-dose ng tanghali, kailangan naroroon na kayo bago pa mapapasok sa apoyan ang mga nakapila. Mas mainam rin kung makibagay kayo sa paligid nang sa ganoon walang makahalata."

Tumingin si Haurre sa kanyang mga tauhan at tinantsa niya maigi sino ang nararapat niyang piliin.

"Jualem, Ancho, Ronis, Nolan. Kayo ang itatalaga ko sa Silid-Apoyan. Gagamitin nyong pasukan at takasan ang lagusan, magligtas kayo hanggang sa abot ng inyong makakaya at pag nakalabas na kayo ng Kampo, ibigay nyo sa kanila ang mapa patungo sa Kabundukan."

"Masusunod po, Pinuno," tugon ni Ancho. Kinuha niya ang mga mapa ng kanluran at isiniksik ito sa kanyang bulsa.

"At tandaan nyo, dapat walang makahalata sa inyo, magpanggap kayong kabilang sa hanay nila."

***

Sa loob ng Kampo, nakapwesto na sina Jualem at Ancho malapit sa Silid-Sunugan. Nakasuot sila ng mga kasuotan ng mga Tagalinis nang sa ganoon ay hindi sila mahalata. Pinagmasdan nila ang malaking gusaling nagsisilbing makinarya sa pag-ubos ng lahing Itmai at Puttlan. Kapansin-pansin ang dambulang tsiminea na bumubuo sa malaking bahagi ng bubungan. Alam nilang sa oras na isagawa na ang pagsunog, magbubuga ito ng maiitim at makakapal na usok.

Sumenyas sila kina Ronis at Nolan na kalalabas pa lamang mula sa lagusan. Nagpinta na sila nang maputlang koloreta sa kanilang balat at nagsuot ng mga kadena sa kanilang kamay bilang pagkukunwari na sila ay mga Puttlan.

"Kayo? Anong ginagawa nyo dyan? Balik sa pila," nagpanggap si Ancho na sinisiga niya ang kanyang mga kasamahan nang sa ganoon ay hindi sila mahalata ng iba pang Tagalinis.

Pumunta sa pila sila Ronis at Kamlon. Paglingon sa linya, hindi nila akalain na napakahaba pala nito at napakarami pala ng mga taong papaslangin ng mga Tagapuksa. Sa sobrang haba, abot hanggang sa kabilang dulo ng Kampo ang pila. Alinsunod sa utos ng Mataas na Panginoon, ipinatupad na nila ang pagdoble sa bilang ng mga papuksain.

***

Samantala, sina Covel, Gavielle, at Tukmul naman ay nakapasok na rin nang palihim sa Kampo. Tinatahak na nila ang daan patungo sa laboratoryo ni Alorde sa isa pang dibisyon ng Kampo. Natagpuan nila ang isang pang karaniwang bahay ngunit alam nilang maraming kinukubli ang gusaling ito. Tumutugma ito sa paglalarawan ni Jiaruz sa anyo ng laboratoryo. Inalala rin ng Prinsipe ang kanilang pagpaplano.

"Ang ikalawang grupo naman ay tutungo sa laboratoryo ni Alorde. Doon isinasagawa ng demonyong manggagamot ang kanyang mga nakapangingilabot na eksperimento sa kanyang mga pasyente."

"Talaga, anong klaseng eksperimento?" Tanong ng Prinsipe.

"Hindi ko rin alam, walang nakakaalam maliban sa kanya at sa mga nakapasok na sa loob. Mahilig siya sa mga kambal at mga kakaiba. Karamihan sa kanila hindi na nakalalabas at kung makalabas man sila, nakapanlulumo na ang lagay nila. Hindi na sila kapareho ng dati. May mga naririnig akong tsismis sa kanyang mga aktibidad pero ayoko na pag-usapan at baka bumaliktad ang sikmura ko. Kahit kaming mga halang na Tagapuksa, naaalibadbaran sa presensiya niya. Ang mahalaga, masagip ang mga nasa loob at matapos na ang kahibangan ni Alorde. Kailangang maging madiskarte at maingat ang sasabak sa misyong ito. Konti man ang nagbabantay sa loob, hindi biro ang pumasok sa laboratoryo. Sugo ng Kamatayan ang manggagamot na nananalagi roon."

Napatingin si Haurre kay Covel at nahuhulaan niya ang nais nitong ipahiwatig.

Marahil ako ang itatalaga niya rito.

"Mahal na Prinsipe, may tiwala ako sa kakayahan mo. Kakasa ka ba sa hamong ito?"

"Nakahanda po ako, Pinuno. Alang-alang sa mga nasa loob."

Tinanggap ni Covel ang kanyang utos kahit na sa totoo lang, may pag-aalinlangan pa rin siya. Tinuturing na lang niyang isang panibagong pagsubok ang kakaharaping misyon.

"Isama mo si Gavy at Tukmul, doon kayo dumaan sa isa pang lagusan malapit sa laboratoryo. Alam nyo na ang gagawin nyo."

Nagkangitian si Covel at ang dalaga sapagkat komportable na sila sa isa't-isa at pareho silang nagagalak na magkasama ulit sila sa isang misyon.

"May naisip na akong paraan kung paano kami makakapasok ng walang nanghihinala," kumpiyansang sagot ni Gavy.

"Sige, magkita-kita na lang tayo sa may puwente, kung wala pa kami, mauna na kayong tatlo pabalik sa kuta," paalala ng Pinuno.

***

Nagpinta na rin sina Covel at Gavielle nang maputlang koloreta, nagdamit ng malabasahan tulad sa mga bilanggo at nagpanggap na mga lahing Puttlan. Lumarga na ang tatlo patungo sa pinto.

"Anong numero?" tanong ng isa sa mga bantay.

Nagbigay sina Covel at Gavielle nang mga numero kahit na sila ay nanghula lamang.

"Kambal kami at napili kami ni Alorde, Ang Mahal na Manggagamot," sabi ni Covel.

"Ito namang isang ito?" Sumenyas ang bantay kay Tukmul na lalo pang naging gusgusin ang anyo.

"May sayad siya sa isip, baka kamo mapakinabangan ng Tagapaggamot ang kakaiba niyang utak," dinahilan ni Gavielle.

Nagpanggap si Tukmul na tumatawa at nagsasalita na mag-isa.

"Nasa langit na ko! Huwag kayo magulo naglalaro ako sa ulap. Whoo! Whoo!"

"Sige, pumasok na kayo," pinagbuksan sila ng bantay na tila nayayamot na kay Tukmul.

Tuluyan nang pumasok sa loob sina Covel, Gavielle at Tukmul sa misteryosong gusali.

***

Balik sa labas ng Kampo, taimtim na nakamasid si Jiaruz sa tarangkahan ng lugar na minsan na niyang tinuring na tahanan. Binalikan rin niya ang huling bahagi ng kanilang napagkasunduan.

"Ang mga hindi kabilang sa una at ikalawang grupo ang bubuo sa ikatlo kasama namin ni Pinunong Haurre. Magmamasid tayo sa labas ng Kampo."

Napangisi habang umiiling sa pagkauyam si Toro.

"Sinasabi mo bang wala tayong gagawin, magmamanman lang tayo sa labas habang ang iba nagpapakahirap sa loob? Ang galing mo rin talaga, alam ko na yan, nag-iisip ka lang ng paraan para wala kang gagawin."

"Nagkakamali ka, Toro. Sa katunayan, tayo nga ang unang gagawa ng aksyon," direktang sinagot ni Jiaruz.

"Anong ibig mong sabihin?" nilinaw ni Haurre.

"Kailangan nila ng hudyat sa loob, tayo ang magiging hudyat. Gagawa tayo ng kaguluhan na siyang maglilihis sa atensyon ng mga nakabantay. Habang magulo ang lahat, doon na isasagawa ng unang grupo ang kanilang misyon na patakasin ang mga bilanggo."

"Anong kaguluhan naman ang ihahanda natin para sa kanila?"

"Ako." buong loob na sinagot ni Jiaruz na ipinagtaka ng lahat. "Magpapakita ako sa kanila, magugulo sila sa presensiya ko at kapag tinawag ko na kayo, lulusob na kayo sa Kampo."

"Seryoso ka ba? Paano kami makasisigurong hindi mo kami tatraydorin sa oras na lapitan mo sila?" muling kinwestsyon ni Toro ang kanyang suhestyon.

"Wala akong nakikitang masama sa pinupunto nya," sinigurado ni Haurre sa kanyang mga tauhan na hanggang ngayon nagdududa pa rin sa intensyon ng dating Tagapuksa.

"Magtiwala kayo sa akin. Dito nyo mapapatunayang kakampi nyo na talaga ako."

***

Taas-noong nagtungo si Jiaruz sa may tarangkahang pinto kahit na bahagyang kinakabahan. Libong beses na siya nakapasok sa Kampo sa kanyang pananatili subalit ito ang unang pagkakataon na nakaramdam siya nang pangamba habang tinatahak niya ang daan. Napagtanto niyang ibang tao na rin siya ngayon kumpara noong huli siyang naririto.

Nagtagumpay siya na kuhanin ang pansin ng mga bantay. Natigilan ang mga ito, hindi makapaniwala sa kanilang nakita.

"Si Jiaruz!"

Sabay-sabay nilang itinutok ang kanilang mga pana sa kanya.

"Susuko na ko." Tinaas niya ang kanyang kamay habang dahan-dahan na naglalakad.

Agad na nilapitan ng bantay ang inuusig na Komandante at nagbigay ng mensahe sa kasama:

"Sabihin mo sa Mataas na Panginoon naririto na ang hinahanap niya."

Poposasan na sana ng mga bantay ang dating Komandante ngunit bigla na lamang silang nagulantang nang ito ay sumigaw hanggang sa dulo ng kanyang hininga.

"Mabuhay ang Kapatiran!"

Sa kanilang pagkaligalig, sumulpot sina Pinunong Haurre, Toro, Kamlon, Buto, Bilbel at iba pa. Sinimulan nila ang pagsugod sa mga nagbabantay sa tarangkahan.

"Kapatiran, isa itong patibong!"

Pumasok ang isa sa loob. Ipinamalita niya sa ilang Tagapuksa at Tagalinis malapit sa may Silid-Sunugan ang nangyayari sa labas. Sila ay nataranta sa kanilang mga posisyon at hindi na nila namalayan ang mga binabantayan. Ang ibang bantay ay tuluyan ng umalis para tulungan ang mga nasa labas.

Alam na nina Jualem at nang iba pa na ito na ang hudyat. Sumenyas si Ancho kay Ronis. Kumalas siya sa linya, kinuha ang kanyang armas at sinunggaban ang natitirang bantay. Ginilitan ni Ronis sa leeg ang isa sa mga bantay na ikinagulat ng lahat ng naroroon. Hindi nila inaasahan na mangangahas kumilos ang isa sa kapwa nila bilanggo.

"Mga kapatiran kami," ipinaalam ni Nolan sa mga kasama sa pila.

"Naririto kami para iligtas kayo, sumunod kayo samin," paghihikayat ni Jualem.

"Salamat sa Diyos!" mangiyak-iyak ang ilang kababaihan sa pagdating ng kanilang mga tagapagligtas.

Nagsunuran sa kanila ang mga tao at tuluyan nang nakalas ang pila sa kanilang pag-uunahan.

"Hinto! Tigil!" nagpakawala ng tira ang isa sa mga Tagapuksa pero agad naman siyang pinatahimik ni Nolan sa pamamagitan ng kanyang pana.

Ang isa namang naduduwag na Tagalinis ay pasimpleng umalis upang ipaalam sa ibang kasamahan ang nangyayari sa mga bihag.

***

Sa himpilan ni Lodell, nagtungo ang isa sa mga bantay dala ang masamang balita. Unang tingin pa lamang, batid na ni Lodell na mayroon na namang aberya.

"Anong nangyayari?"

"Mahal na Panginoon, nilulusob po ng Kapatiran ang Kampo, kasama po nila si Jiaruz!"

Napatayo ang Mataas na Panginoon sa narinig.

"Ano? Ang hayop na yun! Nasaan si Wharen?"

"Nasa sentro po ng Kampo, nagpapatrolya sa mga bilanggo. Sa ngayon, nasa labas pa ang Kapatiran, hindi pa nila tayo napapasok."

Napahampas si Lodell sa kanyang mesa at nag-isip ng agarang remedyo sa kanilang suliranin.

"Hindi dapat ito malaman ng ibang mga Itmai at Puttlan. Baka matakasan nila tayo. Sabihin mo kay Wharen na ipinag-uutos kong ipatigil ang pagtatrabaho ng mga bihag! Ikandado niyo sila sa mga silid!"

Pagkaalis ng bantay, binuksan ni Lodell ang isa sa kanyang aparador at kinuha niya roon ang kanyang espesyal na pana, ang parehong panang ginamit niya noong nilusob nila ang Palasyo ng Cenpyre.

"Talagang pinupuno nyo ko!"

***

Samantala sa sentro ng Kampo, walang kaalam-alam si Wharen at Demetria sa mga nagaganap sa labas. Abala silang naglalakad at nagbabantay sa mga bihag na pinahihirapan nilang maghukay at magbitak ng bato.

Lumapit ang bantay sa kanila. "Mahal na Komandante, may problema po."

Ibinulong niya rito ang nangyayari at ganoon na rin ang ipinag-uutos ni Lodell.

Tumambakol ang mukha Wharen. Kinuha niya ang kanyang latigo, pumwesto sa gitna at hinampas nang walang kasing lakas ang lupa na siyang pumukaw sa atensyon ng lahat.

"Makinig kayo, mga anay! Magsitigil kayong lahat sa trabaho."

Napatigil ang karamihan ngunit ang iba ay masyado nang manhid at nagtengang kawali na lamang sa kanyang anunsyo.

"Ang sabi ko magtigil!"

Walang pagdadalawang-isip niyang pinana ang ayaw tumigil sa trabaho. Nasindak na niya ang iba pa at tumigil na sila sa pagsisibak.

"Bakit anong nangyayari?" Pabulong na tinanong ni Demetria sa kasintahan.

"Sinasalakay tayo ng Kapatiran," pabulong rin na sinagot sa kanya ni Wharen.

"Pagkumpulin ang mga yan. Paghiwalayin ang mga lalaki sa babae. Ang mga lalaki, ikandado nyo sa mga kwarto. Ang mga babae, papasukin sa mga tolda."

"Narinig nyo yun!" dagdag ni Demetria sa mga Tagapuksa.

Sinimulan nilang hatakin ang mga bilanggo at pinangunahan na ng takot at nerbyos ang lahat.

"Anong gagawin nyo samin!"

"Papatayin nyo ba kami?"

"Huwag ng maraming satsat! Galaw mga uod!"

Kinaladkad nila ang mga kalalakihan na parang mga hayop at pinapasok sa kanilang bagong gawang mga silid na may kakiputan. Sa dami ng kanilang bilang, lahat ng silid ay napuno at pinwersa nilang pagkasyahin ang lahat sa loob. Kinandado nila ang mga ito na lalong ikinaligalig ng lahat. Hindi nila alam kung bakit biglaan na lamang sila kinulong dito. Kung ano-ano ang tumakbo sa kanilang isip. Akala nila papatayin na silang lahat at susunugin sa loob ng kwarto. Ang mga kababaihan naman ay pinapasok sa kanilang mga tolda at pinabantayan kaya kahit paano hindi sila gaano kinakabahan, kahit na nababahala rin sila sa mga kaganapan.

***

Sa labas ng Kampo, patuloy ang pakikipagdigma nina Haurre, Toro at iba pa sa mga Tagapuksa. Gamit ang kanilang mga espada at pana, buong pwersa nilang pinaslang ang mga Tagapuksang nagpapahirap sa mga walang kalaban-laban. Maging si Jiaruz ay nakipagsagupaan na rin sa kanyang mga dating tauhan. Inagaw niya ang espada sa mga kalaban at nagtagumpay siyang mapatay ang mga ito gamit ang kanyang sandata.

***

Pinangunahan nina Jualem at Ancho ang daan patungo sa lihim na lagusan. Nagtungo sila sa likuran, sa loob ng gusaling kanilang pinagmulan at doon nila pinadaan ang mga Itmai at Puttlan pababa sa hagdan para sila ay makatakas. Abala naman sina Ronis at Nolan sa pakikipagsabayan sa mga Tagapuksang pumupuntirya sa kanila.

Dumami na ang mga Tagapuksa nang bumalik ang nagsumbong na bantay.

"Mga Kapatiran sila. Pinapatakas nila ang mga bihag! Pigilan sila!"

"Tigil!" atas nila sa mga bilanggo.

Sinagot sila nina Ronis at Nolan gamit ang kanilang mga pana ngunit nakailag ang mga kalaban.

"Sabing tigil!"

Hindi nakinig ang mga bihag at lalo lamang silang nagkagulo na parang mga nagambalang mga langgam. Nag-uunahan sila sa pagtakas kaya naman nagkakadaganan at nagkakatapakan na ang iba sa kanila.

"Paslangin ang mga pesteng yan!"

Pinakawalan ng Tagapuksa ang kanilang mga tira at napatay ang ilan sa mga Itmai at Puttlang nagtatangkang tumakas.

Napalingon si Nolan at napansin niyang dumarami pa lalo ang mga Tagapuksang lulusob sa kanila.

"Ronis, kailangan na nating umalis. Dumarami na sila."

Tumakbo na ang dalawa at sila ay hinabol ng mga bihag at ganoon na rin ang mga bantay. Pinasok nila ang gusali kung saan inaalalayan nina Jualem at Ancho ang mga tumatakas.

"Halika na, umalis na tayo!" Niyaya sila ni Ronis.

Tutol naman si Jualem sa agaran nilang pag-alis, "Pero wala pa sa kalahati ang napapatakas natin."

"Wala na tayong magagawa, paparating na ang pwersa ng kalaban!"

"Jualem, ang sabi ng Pinuno hanggang sa abot lang ng ating makakaya, may nailigtas tayo, yun ang mahalaga," paalala sa kanya ni Ancho.

Nakuha ni Jualem ang pinupunto ng kasama. Napilitan na lamang siyang sumunod sa kanila, alang-alang sa kanilang kaligtasan. Nakita nilang papatakbo patungo sa gusali ang mga naiwang Itmai at Puttlan.

Tuluyan nang sinara at kinandado ni Ronis ang pinto. Kailangan nila itong gawin kahit labag sa kanilang kalooban. Kung hindi nila isasara ang daan, masusundan sila ng kalaban. Kinuyog ng mga bihag ang pinto, pinagkakatok ito at nagmamakaawa.

"Buksan niyo ang pinto, pakiusap!"

"Maawa kayo sa amin!"

"Papatayin nila kami."

"Pasensya na, kailangan na naming umalis," may panulumong sinabi ni Ronis.

"Babalikan namin kayo, pangako," pahayag ni Jualem at siya ay maluha-luha.

Hindi madali sa kanila na tanggihan ang kanilang pagmamakaawa at paghingi ng tulong pero wala silang magagawa ngayon.

Inabutan ng mga Tagapuksa ang mga nagpupumilit na mga bihag. Sinimulan nilang panain ang mga ito. Ang iba naman ay sumuko na lamang nang sa ganoon ay hindi sila mapatay. Sa kanilang pagbaba, naririnig nila Jualem at ng iba pa ang hiyaw at pag-iyak ng mga pinapaslang at inuusig na lahi. Tagos sa kanilang kaibuturan ang pagnanasa ng mga bihag na makaalis sa impyernong ito at nadudurog ang mga puso nila na kailangan nilang iwanan ang iba.

***

"Napakarami ng kanilang bilang, hindi natin sila masasagip lahat," naalala nilang binaggit ni Jiaruz sa kanilang pulong.

"Alam ko. Nakakalungkot man isipin, ito ang katotohanan," sagot ni Haurre. "Masyado ring malakas ang pwersang ating kakalabanin. Aaminin ko, natatakot ako, mapanganib ang ating susuungin. Maghanda na tayo sa posibilidad na maaaring may masawi sa ating pangkat."

"Kung ganun, bakit tayo susugod agad-agad?" tanong ni Toro. "Para tayong mga dagang papasok sa yungib ng mga leon."

Hindi nagpadala si Haurre sa mga pahayag ni Toro, buo pa rin ang tapang niyang isagawa ang kanilang plano.

"Ginagawa natin ito para ipamukha sa kanila na hindi natutulog ang Kapatiran at bilang na ang mga araw nila."

***

Patuloy ang pakikipagsagupaan nina Pinunong Haurre, Toro, Jiaruz at ng iba sa mga galamay ng Mataas na Panginoon. Marami man silang napapatay, nahihirapan na rin silang panatilihin ang kanilang depensa sa dumaraming bilang ng kalaban.

Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Lodell. Dala-dala ang kanyang sandata, kasama sina Wharen at Demetria, lumantad sila sa kanilang mga kalaban.

"Haurre!" pagtawag ni Lodell.

Natigilan si Haurre sa pakikipagdigma at napatingin siya sa Mataas na Panginoon.

"Matagal din kitang hindi nakita, hayop ka!"

"Ikaw ang hayop, Lodell! Magdasal ka na sa demonyong pinaglilinglikuran mo dahil nalalapit na ang katapusan mo!"

"Dyan ka nagkakamali, hindi ako ang masasawi kundi kayo ng pwersa mo. Napakatanga nyo at nangahas kayong lumusob rito. Hinukay nyo na rin ang sarili nyong libingan dahil di na kayo makakalabas rito ng buhay!"

Gaya ni Lodell, muli ring nakaharap ni Wharen ang mortal niyang kaaway na si Jiaruz.

"Jiaruz, kamusta ang buhay sa Kapatiran? Mukhang dyan ka talaga nababagay, kasama ang mga busabos tutal ganoon ka rin naman!"

Hindi na napigilan ni Jiaruz ang kanyang galit nang muling makita ang dating kaibigang nagkanulo sa kanya.

"Traydor ka, Wharen! Hintayin mo lang ang igaganti ko sa inyong lahat sa ginawa nyo sa akin! Ang pinakamalaking pagkakamaling nagawa ko ay ang nagpaimluwensiya ako sa kasamaan niyo! Mga halimaw!"

"Tama na yan!" Sumabat si Lodell. "Tapusin na natin to!"

"Lumapit ka rito, Lodell! Labanan mo ko ng patas kung talagang matapang ka," hamon ni Haurre.

"Hindi ikaw ang magpapasya rito! Baka nakakalimutan mo sino sa atin ang Mataas na Panginoon. Tapusin silang lahat!"

Sabay-sabay na nagpakawala ng tira ang mga Tagapuksa sa panuto niya at walang nagawa sina Haurre at ang iba kundi maghanap ng matataguan sa mga sulok at mga halamanan.

Magkakasamang nagpakawala ng kanilang mga tira sina Lodell, Wharen at Demetria.

Matapang na lumabas si Buto sa kanyang depensa at sinamantala ito ni Demetria. Pinana niya ang kalaban, nakaiwas man si Buto, siya ay nadaplisan pa rin sa may balikat.

"Buto!" Hinatak ni Bilbel ang kaibigang nasugatan sa bakbakan. "Ayos ka lang?"

"Oo, ayos lang ako," paninigurado nya.

Sunod na sumulpot si Toro at sinubukan niyang tamaan si Demetria ngunit agad itong nakailag. Nagsunuran sa halimbawa ng magiting na kasapi ang iba pang Kapatiran.

Nagkaroon sila ng lakas ng loob para lumaban.

Namataan ni Lodell ang isa sa mga Kapatiran na nangangahas makipagpalitan ng pana sa mga kaaway. Habang hindi ito nakatingin, tinapat niya ang kanyang espesyal na pana sa ulo nito at mabilis niya itong tinira.

Tumama sa mukha nito ang pana niya at ito ay bumagsak na wala ng buhay.

"Karolus!" sigaw ni Kamlon, hindi siya makapaniwala sa sinapit ng kasama.

Sunod namang pinuntirya ni Wharen ang isa pang matapang na kasapi ng Kapatiran. Sa kanyang pag-asinta, tumagos sa dibdib nito ang kanyang pana.

"Mandeng!" hiyaw ni Pinunong Haurre. "Mga hayop kayo!"

"Sumuko na kayo, Haurre! Wala kayong kalaban-laban sa amin!" kumpiyansa silang kinutya ni Lodell habang tumatawa.

Titirahin ni Wharen si Jiaruz pero sa kabutihang palad, agad na nakaiwas ang dating Komandante nang magtago siya sa mga halamanan. Gumanti si Jiaruz ng tira kay Wharen ngunit siya rin ay agad na nakailag at nagtago sa tarangkahan.

***

Mas malawak ang loob ng gusali kumpara sa inaasahan nila. Pagkapasok nila, isang mahaba ngunit masikip na bulwagan ang sumalubong sa kanila. Pansin nilang walang kahit anong kwadro at palamuti ang paligid. Puting dingding lamang ang magkabilang banda ng blangkong bulwagan.

Nasaan kaya ang laboratoryo? Hindi na siguro namin kailangan makita at baka totoo nga ang sinasabi ni Jiaruz.

"Talasan nyo ang inyong mga mata para sa mga taong sasagipin natin, at ganoon na rin sa mga kalaban."

Maingat na siniyasat at pinagmasdan nina Gavielle at Tukmul ang paligid.

Hindi pa nagtatagal, narating nila ang dulo ng bulwagan at namataan nila ang magkakatabi at magkakahilerang mga silid sa loob ng bahay.

"Malamang nariyan ang mga bihag."

"At isa rin rito ang laboratoryo ni Alorde," nangangatog na saad ni Tukmul.

"Magtig-isa tayo sa mga silid. Ako rito, kayo roon para mas mapabilis tayo."

Nagtungo si Covel sa may dulo, si Tukmul sa gitna at si Gavielle naman sa kabilang sulok.

Tinuloy ni Covel ang pagbukas sa pinto at natagpuan niyang naroroon ang mga bata at matatandang kambal.

Sunod namang binuksan ni Tukmul ang sa kanya at sumalubong ang mga kakaiba, ang mga maliliiit at matatangkad na mga nilalang.

Sa kanyang pinto, walang nasilayan si Gavielle na bihag, gayunpaman natagpuan na niya ang laboratoryo ni Alorde. Walang tao roon, at ang bumungad lamang sa kanya ay isang mahabang higaan, mga kutsilyo, walang laman na garapon at ilang mga bote ng gamot.

Paalis na sana siya ngunit hindi niya namalayang mayroong nagmamasid sa kanyang kinaroroonan. Bigla na lamang itong sumunggab mula sa kanyang likuran at tinakpan ng tela ang ilong at bibig ni Gavielle. Sinubukang magpumiglas ng dalaga pero agad siyang tinakasan ng kanyang kamalayan. Ang taong bumitag sa kanya ay walang iba kundi ang sugo ng kamatayan mismo: si Alorde. Dahan-dahan niyang pinasok sa kanyang laboratoryo ang dalaga at sinara ang pinto.

***

Walang humpay ang pagpana ng mga Tagapuksa sa Kapatiran. Matapang na nagpalitan ng mga pana sina Haurre at Lodell. Parehong matatag ang dalawa sa pakikidigma at walang natatamaan sa kanila.

Lalong lumakas ang pwersa ni Lodell habang bumababa naman ang morale ng Kapatiran sa pagkalagas ng ilan sa kanilang mga kasamahan.

"Huwag nyong tigilan! Ubusin nyo sila!" panghihikayat ni Lodell.

"Pinuno, umalis na tayo!" suhestyon ni Toro kay Haurre.

"Hindi pa pwede," sagot ni Haurre. "Baka hindi pa nila naitatakas ang mga bihag sa loob."

"Mauubos tayo kung di pa tayo aalis! Masyado silang malakas!"

Batid ni Haurre na tama ang sinasabi ni Toro. Walang saysay ang pakikipaglaban nila sa higanteng pwersa, tiyak na matatalo lamang sila.

"Sibat na!" Utos ni Haurre sa kanila.

Nagsitakbuhan ang Kapatiran papaalis sa kampo na parang mga maiilap na pusa. Inakay ng mga malalakas ang mga sugatan at sila ay naglaho sa mga halamanan. Masakit man sa kanila, iniwanan na nila ang mga labi ng mga nasawing kasamahan.

"Tumatakas sila!" saad ni Wharen.

"Habulin nyo!"

Sumunod ang mga tauhan ni Lodell sa kakahoyan at nagpatuloy ang kanilang pagpana kahit na hangin lamang ang tinatamaan nito.

"Bumalik na tayo sa kuta," payo sa kanila ni Toro.

Binilisan nina Haurre at ng kanyang mga tauhan ang pagtakas sa mga kalaban pero natigilan siya nang bahagya nang may maalala.

"Sandali! Wala pa sina Covel at Gavy. Kailangan natin silang puntahan sa puwente."

"Mapanganib kung pupunta pa tayo sa pwente, baka mahuli pa nila tayo," paninindigan ni Toro.

"Huwag na kayong mag-aalala kay Covel," sinigurado ni Jiaruz sa Pinuno. "Kaya na nila ang sarili nila."

***

Nilapitan ni Covel ang mga kambal sa loob ng silid. Hindi sila nagulat sa presensiya niya sapagkat nakasuot rin siya gaya ng mga bihag. Akala nila isa lamang siya sa mga bagong salta.

"Anong nangyayari rito? Bakit kinukulong nila kayo?"

"Sino ka?" tanong ng isa nang mahulaan niyang hindi lang basta karaniwang bilanggo si Covel.

"Kapatiran ako, naririto ako para tulungan kayo."

Halos hindi makapaniwala ang mga bihag sa narinig, para bang nabuhayan ulit sila at nagkaroon ng panibagong pag-asa.

"Talaga bang ililigtas mo kami?"

Tumango si Covel. Napatingin siya sa iba pang bilanggong nakahiga sa kanilang mga kama at napansin niyang ang iba ay wala ng mga kapares na kambal.

"Nasaan na ang iba?"

"Wala na sila," naluluhang sagot ng isa sa mga dalagang bihag. "Kinuha nila ang kambal ko at mula noon hindi na siya nakabalik. Ngayon ako naman ang kinuha nila."

"Ganito lagi ang buhay rito. Pipili ng isa sa amin ang manggagamot para sa kanyang mga proyekto, madalas inuuna niya ang mga bata at pagkatapos wala na kaming alam kung ano ang nangyari sa kanila. Naglalaho na silang sila na parang bula at kami ay naghihintay na lamang kung kailan ang aming oras. Maayos man ang tinutuluyan namin rito, alam naming isa lang itong patibong para hindi kami matakot. Lahat kami alam na may nangyayaring hindi kaaya-aya sa kwarto ng manggagamot. Tulungan mo kami, ayaw namin matulad sa kanila."

Pinagmasdan ni Covel ang ilan sa mga batang kambal at siya ay nakaramdam ng habag sa kanilang sitwasyon.

"Hindi na niya mailalapat ang daliri niya sa inyo dahil papalayain ko na kayong lahat. Halika na, tumakas na tayo."

Nanumbalik ang sigla ng mga kambal at lahat sila ay napabangon sa kanilang mga higaan.

Sumunod sila kay Covel nang may pag-iingat papalabas ng silid. Maya-maya, si Tukmul naman ang lumabas kasama ang iba pang mga bihag na naiiba ang anyo.

"Sumunod lang kayo sa akin, mga kapwa ko lamang-lupa."

"Hoy!"

"Patawad. Biro lang."

Sinalubong ni Covel at ng kanyang mga kasama si Tukmul at ang kanyang mga kasama.

Sa tantsa nila hindi pa lalagpas sa isang daan ang bilang ng mga pasyente ni Alorde.

"Yan na ba lahat?"

"Oo, kumpleto na sila. Umalis na tayo."

Papaalis na sila nang biglang may napansin si Covel. Hindi siya mapakali bagamat may kulang sa kanila.

"Teka lang, nasaan si Gavy?"

"Ewan ko," walang malay na sagot ni Tukmul.

"Hindi mo ba siya kasama?"

"Hindi, di ba nagkanya-kanya tayo sa mga kwarto, baka naroroon pa siya."

Iba na ang kutob ni Covel, masama ang kanyang palagay. Hindi basta lalayo si Gavielle sa kanila lalo pa at sila ay nasa lugar na hindi pamilyar sa kanila, alam nya yun. Nagsimula siyang mag-alala para sa kaibigan.

"Tukmul, mauna na kayo, itakas mo na sila."

"Pero paano ka?"

"Huwag mo na kong alalahanin, hahanapin ko lang si Gavy. Susunod na lang kami. Dali na!"

"Sige," napapayag si Tukmul. "Tara na."

"Mag-iingat kayo."

"Maraming salamat sa inyo," saad ng isa sa mga bihag bago sila umalis.

Pagkaalis ni Tukmul at ng mga bihag, dahan-dahan at may pag-iingat na tinahak ni Covel ang silid sa may sulok, mula sa kanyang bulsa, kinuha niya ang kanyang patalim mula sa kanyang sibat.

***

Bumalik ang kamalayan ni Gavielle. Nanlabo ang kanyang paningin ngunit ilang saglit lamang nanumbalik na rin ito sa tamang linaw. Napatingin ang dalaga sa paligid at tumambad sa kanya ang mga kakila-kilabot na mga bagay. Namataan niya ang estanteng puno ng mga garapon. Sa pinakaitaas na estante naroroon ang mga garapon na puno ng mga likidong iba-iba ang kulay. Ang iba ay berde, byoleta, dilaw at ang isa ay kulay dugo na mismo. Sa ibaba naman, nakasiksik sa loob ng mga garapon ang mga patay na sanggol na kung ikukumpara sa mga bunga ay hilaw pa at malamang dinukot sa sinapupunan ng ina. Sa kabilang estante naman, naroroon ang mga malalaking panghiwa, gunting, kutsilyo at iba pang matatalas na kagamitan ng manggagamot. Ang pinakanakakagimbal sa lahat ay ang piraso ng mga braso at binti na nakabalandra sa mesang malapit sa kanya. Hindi na maatim ni Gavielle ang nakikita, para bang babaliktad na ang kanyang sikmura at halos maduwal na siya. Ngayon niya napatunayang may katotohanan nga ang sinasabi ni Jiaruz tungkol sa manggagamot.

Sinubukang gumalaw ng dalaga ngunit napagtanto niyang nakagapos ang kanyang mga kamay at paa. Natagpuan niya ang kanyang sarili na nakahiga sa isang bakal na higaan.

"Nasaan ako?"

Lingid sa kanyang kaalaman, dinala siya ni Alorde sa tagong bahagi ng laboratoryo kung saan niya isinasagawa ang kanyang mga eksperimento.

"Ah gising ka na pala," bumati ang hibang na manggagamot sa kanyang bagong pasyente.  "Napansin kitang umaaligid sa laboratoryo ko. Sa totoo lang wala ka sa mga pinili ko at parang ngayon lamang kita nakita pero kung magpepresinta ka ng mauna, wala naman problema sa akin."

"Pakawalan mo ko rito!" Gigil na mando sa kanya ni Gavy.

Natawa lamang si Alorde sa sinambit ng dalaga. "Ano ka ba naman? Parang hindi mo alam ang patakaran rito, wala akong sinumang pinapakawalan hanggang hindi ko napapag-aralan. Dapat ipinapaalam na nila yan bago nila dalhin ang mga bilanggo sa sa akin."

"Hindi ako bilanggo! Miyembro ako ng Kapatiran at naririto kami para tapusin ang kasamaan nyo. Malamang sa mga oras na ito, napatakas na ng mga kasama ko ang mga pasyente mo!"

Unti-unting naglaho ang ngiti sa mukha ni Alorde. Kumuha siya ng tubig mula sa kanyang timba at dinampian niya ng tubig ang mukha ng dalaga. Natanggal ang maputlang kulay sa kanyang mukha sa pagkalas ng pinta.

"Totoo nga, hindi ka isang Puttlan, pero hindi na yun mahalaga. Wala rin akong pakialam kung may napatakas kayo sa mga pasyente ko. Madali naman silang palitan. Mas importante ang nasa harapan ko ngayon."

Tinitigan ni Alorde ang dalaga, inilapit niya ang kanyang kamay at hinaplos ang pisngi nito nang may pagnanasa.

"Maganda ka. Purong Lahing Erroiah."

"Huwag mo kong hawakan, siraulo ka! Paalisin mo na ko rito!"

"At bakit ko naman gagawin yun? Magiging mapalad ang Kanluran kung makakagawa ako ng maraming babaeng kawangis mo! Kung sakali namang hindi gumana ang pag-aaral ko, may ibang paraan pa naman para paramihin ang lahi mo."

Alam ni Gavielle kung ano ang ibig nitong iparating sa kanya.

"Saan ko kaya uunahin ang pag-aaral ko sa'yo? Sa dugo mo kaya o sa lamang loob?"

Kinuha ng manggagamot ang isa sa kanyang mahahabang kutsilyo na karaniwang ginagamit niya sa paghiwa ng balat. Nanlaki ang mga mata ni Gavielle nang nasaksihan niya kung gaano ito katalim at talas.

"Sandali! Anong gagawin mo?"

Tinaas ni Alorde ang kasuotan ni Gavielle sa may sikmura.

"Huwag kang lalapit sa akin! Nababaliw ka na talaga! Huwag! Huwag!"

Ilalapit na ng manggagamot ang patalim ng kanyang kutsilyo sa tiyan ng dalaga. Nang mga sandaling iyon, umabot sa sukdulan ang pintig ng puso ni Gavielle. Marahil ito na ang pinakanakakasindak na sandali ng kanyang buhay. Hindi niya maipaliwanag ang takot na nararamdaman niya ngayon.

"Tulong!"

Bago man maitusok ni Alorde ang kanyang kutsilyo, isang pwersa ang humatak sa kanya: Si Covel. Agad niyang pinatikim ng kanyang kamao ang manggagamot sa mukha at ito ay napabagsak.

"Gavy!"

"Covel, tulungan mo ko! Papatayin nya ko!"

Sinimulan nang tanggalin ng Prinsipe ang lubid sa dalaga nang bigla na lamang sumunggab si Alorde mula sa likod. Siya naman ang humatak kay Covel. Namataan niya ang timba ng tubig malapit sa kanila at nilublob niya ang mukha ng binata rito upang lunurin.

"Covel!" sigaw ni Gavy nang makita niya ang ginagawa ni Alorde sa Prinsipe.

Hindi nagpatinag si Covel sa kalaban. Umahon siya sa tubig at inuntog niya ang kanyang ulo sa mukha ni Alorde upang siya ay makawala sa kanya. Natanggal na rin ang maputlang kolorete sa mukha ng Prinsipe na agad ring nahalata ng manggagamot.

"Isang banyaga! Magaling, ikaw naman ang susunod kong pag-aaralan, pag natapos na ko sa kanya!"

"Walanghiya ka!" nanggagalaiting sinagot ni Covel.

Ipinagmalaki ni Alorde ang kanyang matalim na kutsilyo at sumugod siya kay Covel na parang isang nauulol na aso.

Sa kanilang pagbununo, nagulo ang paligid at nagbagsakan sa sahig ang mga garapon ng likido at dugo.

Nagsimulang mag-agawan sa kutsilyo sina Covel at Alorde. Napatingin ang Prinsipe sa kalaban at napagtanto niyang hanggang balikat lamang siya ni Alorde. Hindi niya inaasahan na ganitong kalaki at kalakas pala ang manggagamot na makakasagupa niya.

Nanaig ang lakas ng Manggagamot at hinatak niya ang Prinsipe sa pader sa may sulok. Naghihikahos pa rin ang dalawa sa pag-aagawan ng kutsilyo. Mas nahihirapan si Covel subalit mas bihasa si Alorde sa paggamit ng ganitong kagamitan. Mas kontrolado nito ang kutsilyo at nagawa niya itong itapat sa sikmura ng Prinsipe. Hindi naman hahayaan ni Covel na tuluyan siyang masaksak ni Alorde kaya nagpumilit siyang ilihis sa ibang direksyon ang patalim.

Umabot sa sukdulan ang sagupaan nila at natigilan sila sa matalas na tunog ng isang saksak. Sabay na tumigin sa ibaba sina Covel at Alorde. Nagulantang sila pareho nang mapagtanto ang pangyayari.

Napalayo si Covel at nasilayan niyang nakabaon sa sikmura ni Alorde ang kanyang panaksak. Bumulwak ang dugo sa bibig nito at bumagsak siya sa sahig. Nakadilat pa ang mga mata niya nang siya ay tuluyang lagutan ng hininga. Dumaloy ang kanyang dugo patungo sa dugo ng kanyang mga biktima at sa likido mula sa mga nabasag na garapon. Tumagos sa kanyang likuran ang mahabang kutsilyo at bahagya ring nasira ang pader.

Para sa lahat ng taong inalipusta at pinatay mo!

Wala nang inaksayang panahon pa ang Prinsipe. Kinalagan na niya agad si Gavielle mula sa kanyang pagkakagapos.

"Covel!" Napayakap nang walang kasing higpit si Gavy sa pasasalamat sa Prinsipe.

Ramdam ni Covel ang pangangatog sa katawan ng dalaga gayunpaman, nakaramdam rin ng hindi maipaliwanag na kaginhawan si Gavielle sa piling niya. Tunay na hindi biro ang pinagdaanan niya sa kamay ni Alorde at mabuti na lang at nagawa niya itong sagipin at damayan.

"Huwag kang matakot. Hanggang naririto ako, walang sinuman ang makakapanakit sa'yo."

Malumanay na hinaplos ng kanyang dalawang palad ang pisngi ni Gavielle at pinunusan niya ng daliri ang mga luha nito.

Hindi nakasagot si Gavielle, malamang gulantang pa rin siya sa mga pangyayari ngunit nauunawahan siya ni Covel. Sapat ng pasasalamat ang pagyapos nito sa kanya.

"Umalis na tayo."

***

Tumakas sina Covel at Gavy sa Laboratoryo gamit ang sikretong daluyan. Abala ang mga Tagapuksa sa kaguluhan kaya naman hindi na naging problema ang paglabas nila.

Hawak-hawak nang mahigpit ang kamay ng dalaga, binagtas nila ang puwente kung saan sila nagkaroon ng usapan nina Pinunong Haurre, ngunit pagkarating nila roon, wala silang nakita ni isang anino ng Kapatiran.

"Nasaan na sila?" pagtataka ni Gavy.

"Siguro nauna na sila sa kuta. Yun naman ang napagkasunduan. Tara umuwi na tayo."

Mahinahon na naglalakad ang dalawa, wala ng inaasahan pang sorpresa datapwat bigla na lamang sumulpot sa kanilang harapan ang grupo ng mga kalalakihan na may nakatutok na armas sa kanila.

Umatras sina Covel at Gavy, ngunit sa kanilang likuran may nakaabang na ring isang malaking lalaki, si Mikhal.

Noong pupunta silang kanan, sumulpot ang isang dambuhalang lalaki, si Guinto. Sa kaliwa naman, naroroon naman ang maliit na si Tanzo.

Natagpuan ni Covel at Gavielle ang kanilang mga sarili na napapalibutan ng mga kaaway sa bawat dako. Hindi sila mga Tagapuksa sapagkat pangkaraniwan lang rin ang mga suot nila, taliwas sa magarbong uniporme ng mga galamay ni Lodell. Walang ideya ang Prinsipe kung sino ang grupong ito na bigla na lamang humarang sa kanilang daan.

Maya-maya, lumantad ang kanilang lider. Isang matandang lalaki na may matipunong pangangatawan at magandang postura. Si Megalyon. Tinutok niya rin ang kanyang espada sa dalawa.

"Sino kayo? Ano ang kailangan nyo sa amin?" tanong ni Covel.

"Hindi na mahalaga kung sino kami," sagot nito, "ang higit na mahalaga ay kung sino ka, Prinsipe Covel."

Namilog ang berdeng mga mata ni Covel. Hindi niya akalaing tatawagin siya ng mga estrangherong ito sa kanyang titulo at pangalan.

Kilala nila ako!

"Malaki ang patong sa iyong ulo. Sumama ka amin kung ayaw nyong masaktan!"

Nagkatinginan sina Covel at Gavy, natigilan sila sa kanilang kinaroroonan, hindi malaman kung ano ang kanilang susunod na hakbang.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro