Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 18: Aric

-Bulkan-

Walang nagawa ang pagpupumiglas ni Aric sa higpit nang pagkakahawak sa kanya ng Lawin. Malayo-malayo na ang nilipad ng isa pang dambuhalang animal mula sa puder ng Ginintuang Paniki. Gumalaw ang tapis ng binata at doon lamang niya ulit napagtanto na nakuha niya nga pala ang isa sa mga anak ng paniki. Nasa kanya na ang lunas, gayunpaman, batid niyang mas malaking hamon pa ang kanyang haharapin ngayon. Akala niya malayo na ang pinagdalhan sa kanya ng nauna, ngunit mukhang mas malayo pa ang paroroonan ng maliksing ibon.

Saan niya kaya ako dadalhin?

Habang sila ay palayo nang palayo, unti-unting naglaho ang luntiang damuhan at ito ay napalitan nang mga lubak na batuhan, basalto, mala-abong kalupaan at mausok na kapaligiran. Napalingon si Aric at nanlaki ang kanyang mga mata sa nasaksihan. Napagtanto niyang dadalhin pala siya ng Lawin sa isang mataas at malawak na bulkan. Gaya ng paligid, mala-abo ang kulay nito at maitim-itim ang patusok nitong tuktok na maihahalintulad sa kuko ng isang mabangis na hayop. Sa kanyang bunganga, nagbubuga ito ng maitim at may kakapalang usok, senyales na ito ay aktibo pa. Sa kabila nito, nananatili namang kalmado ang pag-akyat ng usok sa kalangitan.

Ngayon lamang nakakita si Aric ng isang bulkan sa kanyang tanang buhay kaya naman labis itong ikinamangha ng binata ngunit sa nakagigimbal na paraan. Kinakatakot niya na paglalaruan siya ng Lawin at siya ay ilalaglag nito sa butas ng bulkan upang matusta sa nagbabagang asupre.

Dumapo ang higanteng ibon sa kanyang pugad na nakapwesto sa sanga ng isang puno. Mainit ang paligid ng bulkan. Sumisingaw at malakas ang kapit sa balat ng init at hangin. Malamang hindi basta-basta makakalakad ang sinuman sa bulkang ito, gayunpaman, isang punong may kataasan pa rin ang tumubo rito.

Ibinagsak niya si Aric sa pugad na yari sa durog at magaspang na kahoy, balahibo at dahon na parang isang dayami. Napatakip siya ng ilong sapagkat matindi ang amoy ipot sa pugad na malamang ay mula sa dumi ng ibon. Siniyasat niya ang paligid at gaya ng Ginintuang Paniki, mayroon ring mga inakay ang Lawin. Isa rin itong ina at halos kasing laki rin ng mga batang paniki ang kanyang mga anak. Hindi naman na nagtaka ang binata sa nakita.

Ilang dambuhalang hayop pa ba ang makikita ko sa lugar na ito? Ang Buktot, ang Gintong Paniki ngayon naman siya...ilan pa ba?

Pagod na siyang makaengkwentro ng mga kagaya nito, ang nais niya lang ngayon ay makauwi sa Kasaganaan nang sa ganoon ay maibigay na ang lunas sa lahat ng dinapuan ng sakuna.

Pansamantala muna siyang isinawalang-bahala ng lawin noong marinig nito ang paghuni ng mga inakay na marahil ay tumatawag na sa kanya upang sila ay bigyan ng pagkain. Namataan ni Aric ang mga labi ng mga maliliit na hayop. May kuneho, bayawak, tarsir at iba pa. Dumapo rito ang lawin, kinuha ito gamit ang tuka at nilagay isa-isa sa mga nag-aabang na bunganga ng mga inakay. Nilulunok ng mga inakay ang laman ngunit niluluwa naman nila ang mga buto. Malalaki silang ibon, malamang malaki rin ang pagkain nila, hindi sila masasayahan sa mga maliliit na uod at insekto gaya ng mga karaniwang ibon.

Naantala ang panonood ni Aric nang makaramdam siya sa kanyang kalamnan ang  pagyanig at galabog sa kanilang kinaroroonan. Nasa bulkan sila, hindi niya dapat ito kalimutan. Habang tumatagal siya sa lugar na ito, mas lalo siyang nanganganib sapagkat hindi niya alam kung kailan sasabog ang bulkan. Ipinagtaka naman niya ang presensiya ng nilalang na ito sa nasabing bulkan.

Isa siyang lawin, hindi isang buwitre, bakit niya naisipang dito mamugad sa mapanganib na lugar na ito. Bakit ko nga ba inaalala yun? Siya ang pinakamabilis na ibon, kayang-kaya niyang itakas ang mga inakay niya sakaling sumabog ang bulkan.

Abala pa sa pagpapakain ng kanyang mga anak ang Lawin nang biglang sumiyap mula sa kanyang damit ang batang paniki. Sinitsitan siya ni Aric at tila nakuha nito ang atensyon ng ibon. Itinuon niya ang tingin sa binata at lalo niyang ikinubli ang paniki sa kanyang tapis.

Iba na ang kutob rito ni Aric, alam niya ang ganitong klaseng tingin. Tingin ito ng isang hayop na natatakam na kainin siya. Isa lang naman ang rason kung bakit siya dinala rito, para gawing pagkain. Lumipad ang higanteng lawin patungo sa kanya at lalo lamang tumalim ang mga mata nito.

Napaisip ng mabilis ang binata, alam niyang walang saysay ang tumakbo pa sapagkat siya ay nasa matarik na lugar. Isa na lamang ang maaari niyang gawin. Kinuha niya ang kanyang espada, handa na siyang makipagsabayan sa kanya.

Papasunggab na ang Lawin sa kanya ng biglang inugay ni Aric ang kanyang sandata. Dumaplis ang kanyang patalim sa pakpak ng lawin at bahagyang natanggal ang konting balahibo nito sa kanang pakpak.

Hindi nagustuhan ng Lawin ang kanyang ginawa. Humiyaw ito sa kanya at lalong naging agresibo sa ginawa niyang paglaban.

Naubos na rin ang pasensya ni Aric, sumabog na siya at sinabayan niya ang mabagsik na ibon.

"Rrrrraaaaaaaahhhhhh!"

Napahiyaw na rin siya na parang isang mabangis na halimaw at napaurong rito ang Lawin.

Pagod na si Aric sa kalokohang ito, tapos na siyang magpaamo ng mga mababangis na hayop. Wala na siyang panahon para kuhanin ang loob ng isang ito. Hindi na niya ito kailangang paamuin, kailangan niya lang itong takutin nang mapalayo niya ito sa kanya.

"Huwag kang lalapit..." Tinutok ni Aric ang kanyang espada at sinimulan niyang tantsahin ang asta ng ibon. "Dyan ka lang...manatili ka lang..."

Lumayo ang lawin nang muling makita ang matalim niyang espada. Napaupo si Aric at nagpakawala ng malalim na pahinga, mabuti naman kahit papaano ay napasunod niya ito.

Ang kailangan na lang niyang gawin ngayon ay mag-abang gaya ng ginawa niya sa paniki. Ubos na ang pagkain ng kanyang mga inakay, tiyak na aalis rin ito sa kanyang pugad upang maghanap, doon niya sasamantalahin ang pagkakataon para tumakas.

***

Paglipas ng ilang oras, nakatulog si Aric sa kanyang pwesto. Pagkagising niya, natagpuan niya ang kanyang sarili sa pugad na nag-iisa, kasama ang mga inakay ng Lawin. Wala na ang kanilang ina. Hindi niya namalayan na umalis na pala ito para maghanap ng pagkain. Dumating na uli ang pagkakataon niya.

Bababa na sana si Aric nang madiskobre niyang wala na sa tapis niya ang batang paniki.

"Hindi," napakapa siya ulit sa kanyang sarili. "Nasaan ang lunas, hindi pwedeng mawala ang lunas!"

Hinanap niya sa paligid ng pugad ang sanggol na paniki. Hindi pa nagtatagal, narinig niya ang pagsiyap nito. Napatingin siya sa kanyang likuran at natagpuan niya ang pilyong paniki. Pinagmasdan niya ang ginagawa nito.

Tila ito ay tumatalon gamit ang kanyang maliliit na paa habang ginagalaw at hinahawi ang kanyang munting mga pakpak. Nahulaan na agad ni Aric ang nais nitong gawin. Nag-aaral na itong lumipad. Pinipilit na niyang lumutang sa ere ngunit palagi itong bumabagsak.

Napangiti si Aric at napailing sa kanyang nakita. Muling sinubukan ng paniki ngunit sa pangalawang pagkakataon, ito ay muling nalaglag.

"Isang ulit pa," tugon ni Aric sa kanya. "Baka makaya mo na."

Sinubukan ulit lumundag ng paniki, hinawi niya nang mas malakas at mas mabilis pa ang kanyang pakpak. Sa unang pagkakataon, nagawa na niyang magtagumpay sa paglipad kahit na umuuga pa siya at ilang sandali lamang ang tinagal niya. Sumiyap ang paniki na parang natutuwa.

"Magaling, sigurado ako matutuwa ang iyong ina kapag nakita ka niya."

Lumipad ulit ang batang paniki, patungo sa mga nag-iingay na inakay at napasunod si Aric.

"Sandali, huwag dyan."

Hinabol niya ang musmos na nilalang, nangangamba siya na baka kainin ito ng iba pang musmos na nilalang.

Napalayo ang paniki at nawalan siya ng balanse, ilang hakbang papalayo sa kinaroroonan ng inakay. Malamang mayroon itong nakitang ikinatakot niya.

"Anong nakita mo?"

Napasilip si Aric sa mga inakay at tumambad sa kanya ang mga buto at kalansay na naroroon. Ang ibang buto ay durog-durog na pero mayroon namang ibang buo pa. Napansin niya ang buto ng isang pakpak at ang maliliit na bungo na may matulis na pangil. Nagmula ito sa isang hayop na lumilipad. Napasulyap siya sa paniking nanamlay at pagkatapos sa buto upang ipagkumpara ang dalawa. Napanganga siya nang mapagtanto niyang buto nga ito ng isang paniki.

"Kinain ba nila ang ilan sa mga kapatid mo?"

Napatingin lamang sa kanya ang paniki na may lungkot sa kanyang mga mata gaya ng nasilayan niya sa kanyang ina. Hindi niya akalain na naging masalimuot pala ang buhay nilang mga Gintong Paniki sa hagupit ng malupit na Lawin.

"Halika na, umalis na tayo rito."

Napaisip si Aric na sa oras na makakuha siya ng dugo sa paniki, ibabalik niya rin ito sa kanyang ina, kung kapiranggot na dugo lamang ang kailangan. Napahiling siya na sana ganito ang nakatakdang mangyari.

Kukunin niya sana ang batang paniki ngunit ayaw na nitong magpahuli ngayong nakakalipad na ito.

"Sige, hayaan na kita, basta sumunod ka lang sa akin."

Sinimulan ni Aric ang pagbaba sa puno, nakahanda na siyang salubungin ang init, lubak at asupre, makaalis lamang siya sa hindi kanais-nais na lugar ng peligro. Sumunod sa kanya ang batang paniki na masigla sa kanyang bagong abilidad. Habang bumababa ang binata, isang maliksing pwersa ang bigla na lamang tumangay sa batang paniki mula sa ere. Batid na ni Aric kung ano ito: Ang Lawin. Tiyak na ipapakain niya ito sa kanyang mga inakay tulad ng ginawa niya sa iba pang paniki, kailangan niya itong kuhanin sa kanya.

Inakyat ni Aric ang puno pabalik sa pugad at doon na nga niya nakumpirma ang kinatatakutan niya. Hawak-hawak na ng kuko ng Lawin ang nagpupumiglas na paniki at handa na niya itong ipakain sa kanyang mga inakay.

"Pakawalan mo siya!"

Hinanda ni Aric ang kanyang espada at lumundag siya sa kanyang kalaban. Hindi naman na nagpadala sa kanya ang Lawin at binitag niya rin si Aric gamit ang kanyang matulis na kuko at naghikahos ang binata.

Sa hindi kalayuan, lumilipad ang Ina ng Ginintuang Paniki sa paligid ng bulkan, malayo man ang kanyang nilakbay, natagpuan niya rin ang pinagpupugaran ng kanyang mortal na kaaway. Nasilayan ng Paniki si Aric na bihag-bihag ng lawin kaya agad itong lumusob sa kaaway.

Nakahanda naman ang Lawin sa kanyang pag-atake. Inambahan niya ng tuka ang Paniki sa kanyang pakpak at gumanti naman ang Paniki at gamit ang kanyang pangil, dinaplisan niya ng kagat ang ibon sa katawan nito. Isang umaatikabong labanan sa ere ang naganap sa pagitan ng dalawang dambuhalang nilalang. Pareho silang nangangahas na mapuruhan ang isa't-isa at manaig.

Sa kasagsagan ng kanilang pakikipagsagupaan, muling naramdaman ni Aric ang isang nakagigimbal na pagyanig. Nagsimulang dumagundong ang isang nakakapangilabot na ingay na maihahambing sa pinaghalong kulog at putok. Nanginginig na ang kalupaan. Nagsimulang tumilapon sa hangin ang mga bato at abo sa paligid nila. Kumakapal na rin ang maiitim na usok at unti-unti nang dumidilim, para bang naglaho na ang araw. Nag-aalboroto na ang bulkan. Animo'y sumabay sa kanilang mainit na labanan ang galit ng nabulabog na bulkan.

Napuwing si Aric sa usok, maliliit na bato at alikabok na binubuga ng bulkan. Hindi man niya gaano maaninag ang paligid, isa lamang ang sigurado niya, naglalaban pa rin ang dalawang pwersa at siya ay hawak pa rin ng Lawin. Ilang saglit lamang, muling nanumbalik ang liwanag at nakita niya ang tukaan at kagatan ng mga higanteng nilalang habang ang batang paniki naman ay nasa kanyang bitag.

Pilit niyang kinuha ang espada. Siya na ang kukuha mismo sa paniki. Nang mapansin ng Lawin ang kanyang sandata, hinigpitan niya pa ang kapit niya kay Aric upang mahirapan ito. Sa paghigpit ng kanyang kuko, bumaon ang mga ito sa katawan ng binatilyo, napahiyaw si Aric na malubhang namimilipit. Sa talas ng kuko, katumbas nito ang tatlong saksak mula sa tarak.

Kahit na siya ay napinsala, wala siyang balak sumuko. Hinawakan niya nang mas mahigpit ang kanyang espada at inugay ito sa kabilang paa ng Lawin kung saan niya bitag-bitag ang paniki. Kung mamamatay lang rin siya, gugustuhin niyang hindi mapunta sa Lawin ang batang paniki. Sa lakas ng pwersang pinakawalan niya, naputol ang paa ng Lawin at ito ay napatili sa tindi ng sakit. Tuluyan na niyang nabitawan si Aric. Sabay na nahulog ang binata at ang kanyang naputol na paa pababa.

Sinamantala ng Ginintuang Paniki ang pagkakataon habang nag-iiiyak ang Lawin, muli siyang sumugod sa kaaway. Sa pamamagitan mg kanyang matalas na pangil, kinagat niya ito sa ulo at ibinaon niya ang pangil sa bungo nito. Inikot ng Paniki ang kanyang ulo at napilipit ang leeg ng Lawin. Sa sobrang pilipit, maririnig ang tunog mula sa nabali niyang leeg. Binitawan niya ang lawin at ito ay wala ng buhay na bumagsak mula sa himpapawid.

Pabagsak na rin sa tuyot at solidong kalupaan ang sugatang si Aric ngunit siya ay sinalo ng Ginintuang Paniki bago pa siya sumayad at inilipad sa ligtas na lugar sa bahagi ng berdeng kagubatan.

Dahan-dahan siyang ibinaba ng Paniki. Napatingin siya sa pinsalang tinamo at nakita niyang tatlong saksak pala ang nakuha niya mula sa mga kuko ng Lawin. Hindi na rin niya mapigilan ang pagdaloy ng kanyang dugo. Noong mga panahong iyon, handa ng sumuko si Aric.

Ito na talaga, katapusan ko na. Milagro na lang na makaligtas ako ngayon. Nabigo ko si Miya. Nabigo ko silang lahat.

Napalingon siya sa Paniki na nakatuon ang tingin sa kanya, pagkatapos nanlabo na ang kanyang paningin at tuluyang nawalan ng malay.

Makalipas ang ilang minuto, sa hindi niya inaasahan, bumalik ang kanyang kamalayan at nasilayan niyang malapit sa kanya ang mukha ng paniki. Kasalukuyang nakalapat sa kanyang sikmura ang ginintuan niyang pakpak. Nakaramdam ng kakaibang ginhawa at lamig si Aric sa kanyang katawan at nang alisin ng paniki ang pakpak nito, laking gulat niya nang makita niyang naglaho na ang kanyang mga saksak.

"Totoo nga," napatayo ang binata na puno ng pagkamangha. "Nakapagpapagaling ka nga."

Nakatingin lamang sa kanya ang paniki na para bang nauunawaan nito ang sinasabi niya.

"Maraming salamat."

Maya-maya, nakarinig sila ng matinis na sitsit sa paligid, ito ang batang paniki. Nagulantang ang ina nang marinig ang iyak ng anak. Ito ay lumipad at naglibot sa kagubatan upang hanapin ang nawawala niyang supling.

Maging si Aric ay nakisali na rin sa paghahanap. Ginamit niya ang kanyang tenga at sinundan ang direksyon kung saan malapit ang tunog. Hindi pa nagtatagal, natagpuan niya ang naputol na paa ng lawin malapit sa halamanan at naroroon pa ang batang paniki, nakakulong sa loob at nagpupumilit na lumabas.

"Sandali lang, tutulungan kita."

Pilit na ibinuka ng binata ang nakasarang daliri at kuko ng lawin, matigas man ito, hindi naman ganoong kahirap na ito ay alisin at agad niya ring napakawalan ang batang paniki. Lumipad ang batang paniki patungo sa kanyang piling nang may pagkagalak.

"Tara na at ibabalik na kita-"

Natigilan si Aric. Naisip niyang hawak na niya ngayon ang lunas. Ang tanging bagay na makapagpapagaling sa mahal niyang si Miya at sa Tribong Myongan at Leon. Kung ibabalik pa niya ito sa kanyang ina, balewala lamang ang kanyang paghihirap, pero sa isang banda, naisip niya rin ang ginawang pagtulong sa kanya ng Inang paniki, kundi dahil sa kanya, malamang ay patay na siya ngayon. Nagtatalo na ang kanyang isip kung ano nga ba ang nararapat niyang gawin.

Naglakad ang binata at siya ay napatigil nang humarang sa kanyang daan ang Ginintuang Paniki, napasiyap ito nang may kaligayahan nang makitang nahanap na ni Aric ang kanyang nawawalang anak. Lubos ring nananabik ang batang paniki na bumalik sa kanyang ina, ngunit hinigpitan ng binatilyo ang kapit niya rito. Nais ng kanyang puso na palayain ang batang paniki at hayaang sumama sa kanyang ina, ngunit pinipigilan siya ng kanyang utak na bitawan ito.

Napatingin si Aric na may nangungusap na mga mata sa Paniki at ganoon rin ito. Tila nauunawaan ng Paniki ang himutok ng binata sa kanyang mga mata at kung gaano ito kadesperado na makuha ang batang paniki para sa ikabubuti ng nakararami. Sa hindi niya inaasahan, bigla na lamang lumipad papaalis ang Inang paniki at hinayaan na lamang niya na manatili kay Aric ang kanyang anak.

Nakaramdam ang binata nang matinding pag-uusig sa kanyang puso nang pagmasdan niyang lumilipad na papalayo ang nagparayang ina. Napatingin rin siya sa batang paniki na nalulumbay sa pag-alis ng kanyang mahal na Ina. Naisip niya kung nararapat bang ilayo ang anak sa piling ng kanyang ina.

Hindi ito tama, Aric.

"Sandali! Sandali!"

Sa kanyang pagtawag at paghabol, nakumbinsi niyang bumalik ang Ina. Dumapo ito sa may damuhan malapit sa kanila.

"Alam ko ang ginawa ng Lawin sa inyo. Nawalan ka ng maraming anak, ng pamilya dahil sa kanya. Hindi ko gagawin ang ginawa niya. Hindi ko siya tutularan."

Binitawan ni Aric ang batang paniki at ito ay may pananabik na lumipad sa kanyang Ina. Sinalubong naman siya ng Ina na may buong kaligayahan. Ipinakita ng batang paniki sa kanyang Ina na siya ay nakakalipad na at napasiyap ito sa tuwa. Kitang-kita ni Aric kung gaano kasaya ang dalawa na makabalik sa piling ng isa't-isa.

Naglakad si Aric sa kagubatan na may magaan na kalooban, hindi man niya nakuha ang lunas, pinili naman niyang gawin ang tama at nararapat.

Kailangan ko na lang siguro humanap ng iba pang lunas.

Sa kanyang paglalakad, naramdaman niya ang isang pagkalabit. Ito ang Inang paniki.

"Ano yun?"

Tinulak niya ang binatilyo, malapit sa isang bulaklak na lanta na dahil sa pagsabog ng bulkan, pagkatapos sumenyas ang ulo nito sa dugo ni Aric sa may damuhan.

"Ang dugo ko? Sa bulaklak?"

Sumiyap ang paniki.

Kukunin sana ni Aric ang kanyang dugo ngunit siya ay hinarangan ng Paniki. Itinaas nito ang kanyang pakpak at itinapat niya ito sa binata na para bang itinuturo niya ito.

"Galing mismo sa akin?" Hindi man lubos na nauunawaan ni Aric ang nais nitong ipagawa, nagpasya siyang subukan ito.

Tumayo siya sa harap ng bulaklak, kinuha ang kanyang espada at dahan-dahang inilapat ang kanyang hintuturo sa patalim nito. Nagdugo ang kanyang daliri at bahagya siyang napainda sa sakit.

Tumulo ang kanyang dugo sa patay na bulaklak at ilang segundo lamang ang nakalipas, sa kanyang pagkamangha, bigla na lamang bumalik sa dating sigla at halina ang bulaklak na rosas. Muli itong nabuhay at tuluyang naghalo ang pagkalanta.

Pagkatingin ni Aric sa kanyang tinusok na daliri, napansin niya na nawala na rin ang hiwa at pagdurugo nito. Natigilan siya sa kanyang pwesto at kinilabutan sa kakayahan ng kanyang sariling dugo.

"Pinagaling mo ako, ibig sabihin ba nito nasa dugo ko na rin ang lunas?"

Sumitsit ang paniki bilang pagsang-ayon.

Nanigla ang binata sa natuklasan. Ngayon hindi na niya kailangan pang ilayo ang batang paniki sa kanyang pamilya at higit sa lahat, hindi na siya mamomroblema saan niya hahanapin ang lunas.

Sa sobrang kagalakan, napayakap si Aric sa Ginintuang Paniki.

"Salamat, Maraming salamat. Totoo ngang kayo ay kamangha-mangha at espesyal na nilalang."

Napayakap rin ang paniki gamit ang kanyang pakpak. Naantala naman ang kanilang yakap nang yumanig ang kagubatan. Mas lalo pang nag-alboroto ang bulkan.

"Kailangan na nating umalis rito. Alam kong marami ka ng naitulong sa akin, pero ayos lang bang humingi pa ako ng isa pang pabor sa'yo? Maaari bang ihatid mo ako sa lugar saan mo ako natagpuan?"

Muling sumitsit ang Ginintuang Paniki at ito ay yumuko, inaabangan na sumakay sa likod niya si Aric. Natatawang sumakay ang binata sa kanyang likuran at nilipad siya nito papalayo sa mapanganib na bahagi ng malayong kagubatan.

Habang nakasakay si Aric, napalingon siya sa ibaba at namataan niya ang putol na paa ng Lawin. Malupit at mabangis man ang ibon, nakaramdam rin siya ng kaunting habag para rito at sa kanyang mga inakay. Ngayong wala na ang kanilang ina, wala ng magpapakain sa kanila at sila ay mamamatay na lamang sa kanilang pugad ngunit sa isang banda, batid rin niya na ganito ang kalakaran at buhay sa kagubatan. Matira lamang ang matibay at kailangang may magsakripisyo. Kung hindi namatay ang Lawin, mauubos ang natitirang Ginintuang Paniki at mawawalan na ng Tagapagpagaling ang malayong kagubatan ng Kasaganaaan.

Noong sila ay makalayo na sa bulkan, naging masaya ang paglipad ng paniki sa magagandang tanawin ng kagubatan kasama si Aric. Nakasunod sa kanila ang batang paniki na ngayon ay bumibilis na rin sa paglipad kagaya ng kanyang ina.

Hintayin mo ko, Miya. Sasagipin ko na kayo.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro