Kabanata 17: Saraphine
-Palasyo-
Mula noong nangyari ang eskandalo sa pagitan nila ni Rigo, napansin ni Saraphine na tila nag-iba ang ihip ng hangin. Ang mga kasamahan niya na dating palabati at kumakausap sa kanya, ngayon tila ay umiiwas na. Kasalukuyan silang natokang manahi ngayong araw. Nauna si Saraphine sa Silid-Tahian. Nang dumating na ang iba, binati niya ito gaya ng karaniwang niyang ginagawa ngunit mga irap at pangdededma lamang ang ginanti nila sa mga bati niya. Namataan rin niya na ang iba ay nagbubulungan sa kanilang pwesto, batid niyang siya ang laman ng kanilang mga usapan. Tunay nga na konting sabi-sabi lamang, mag-iiba na ang tingin sa'yo ng lahat. Nanahimik na lang rin siya kanyang upuan at nagpatauloy sa trabaho. Ang tanging kasamahan niyang may natitirang malasakit sa kanya ay si Aling Estrella.
"Kanina ka pa tahimik. Naririnig ko ang mga kumakalat na balita ngayon tungkol sa inyo ni Prinsipe Rigo, pero hindi pa rin ako naniniwala hanggang di ko naririnig ang panig mo. Ano ba talaga ang totoo?"
Nahihiya ang dalaga na aminin ang totoo sa nag-iisa niyang kaibigan. Natatakot siya na baka pati ito tuluyan nang tumalikod at husgahan siya.
Maya-maya, dumating pa ang iba pang mga nakatatandang mga kasambahay na madalas laman ng mga tsismisan. Napatingin sila kay Saraphine at sila ay nagsenyasan sa kanilang mga mata. Nag-usap-usap sila habang dumadaan malapit kay Saraphine.
"Halika na at magsimula na tayo. Huwag tayong gumaya sa isa dyan, porket bata at maganda lang, kumekerengkeng na sa mga Prinsipe."
"Sinabi mo pa! Ang haliparot. Dati kay Prinsipe Rionne, ngayon si Prinsipe Rigo naman. Kating-kati ba siya, gusto madiligan?"
"Ang taas din naman ng ambisyon e no, di na ko magtataka kung ang Hari ang susunod niyang puntirya, ang ganyang mga babae malamang pinagsawaan na sa taberna."
Napupuno na si Saraphine sa kanilang mga pagpaparinig. Sumara ang kanyang kamao ngunit siya ay nagtimpi. Hindi makakabuti kung papatulan pa niya ang mga ito, baka lalo lamang niya ikapahamak. Maigi nang tantsahin nya ang kanyang emosyon. Marami pa siyang kailangan pagtuunan ng pansin kaysa sa pakikitungo sa kanya ng iba. Walang magandang maidudulot kung magpapatangay siya sa ingay ng kanilang walang kabuluhang pakutsada.
Hindi naman nagustuhan ni Aling Estrella ang ginagawa ng mga kapwa kasambahay. Tumayo siya at matapang na nilapitan ang mga ito dala-dala ang kanyang sinulid at karayom.
"Hoy, kayo dyan, konti na lang kukunin na kayo ng lupa pero wala pa rin kayong inatupag kundi gumawa ng tsismis at mangialam sa buhay ng iba. Gusto nyo ba tahian ko yang mga bunganga nyo? Tumigil na kayo, kundi makakarating ito sa Hari."
"Tara na nga, doon na tayo at baka mahawahan pa tayo ng kati mula sa higad."
Padabog na lumayo na ang mga tsismosang kasambahay at bumalik na rin si Aling Estrella sa tabi ni Saraphine.
"Huwag mo ng pansinin ang mga yun, palibhasa matatanda na kaya naiinggit sa'yo."
"Hindi nyo na dapat sila pinatulan, tama naman ang lahat ng sinabi nila. Totoong nakipaglandian ako kay Prinsipe Rigo."
May bahid ng pagkadismaya si Aling Estrella sa narinig ngunit pansin ni Sara na nananatili itong sinsero sa kanya.
"Ipaliwanag mo sa akin, huwag kang mag-alala, makikinig ako."
"Sa totoo lang, hindi ko rin po alam bakit kami umabot sa ganoon. Alam ko lang malungkot ako, nag-iisa. Nakita ko sa kanya ang malasakit ng lalaking minsan ko ng minahal kaya nadala ako."
"Pero paano naman si Rionne? Hindi ba siya ang higit na nagpakita ng malasakit sa'yo. Nasubaybayan ko ang pagsuyo niya sa'yo. Wala naman problema sa akin kung magkamabutihan kayo ng Prinsipe, hindi kita huhusgahan, pero Sara naman, bakit sa maling Prinsipe pa?"
Nagsimulang usigin ng kanyang konsensya si Saraphine. Hindi man alam ni Estrella ang tunay na intensyon niya kay Rigo, may punto siya kay Rionne.
"Hindi ko rin po alam. Isa lang ang sigurado ko, nagkamali ako. Nasaktan ko si Prinsipe Rionne at hindi ko alam kung paano ako makakabawi sa kanya."
"Kailangan mo nang magmadali. Sabi ni Monang aalis na si Prinsipe Rionne at naghahakot na siya ng mga gamit niya. Gusto mo magkaayos kayo, kausapin mo siya."
Tama siya, kailangan ko na siyang harapin bago pa ko mahuli.
***
Sa itaas naman, bumalik si Rigo sa kanyang silid at namataan niyang naroroon na si Reyna Helena na malamang kanina pa nag-aabang sa kanya. Hindi na nagpaligoy-ligoy pa, nilapitan niya ang nakatalikod na Reyna at niyakap ito na para bang walang nangyari.
"Kamusta ang mahal ko?" sabay halik sa leeg ng Reyna ang Prinsipe.
"Huwag mo kong matawag-tawag na mahal," yamot na kumalas sa kanya ang Reyna. "Kala mo ba nakalimutan ko na ang nangyari sa inyo ni Sara?"
Muli siyang nilapitan ni Rigo upang magpaliwanag.
"Patawarin mo na ako, sabihin mo sa akin ano ang gagawin ko para mapasaya kita?"
"Sinabihan na kita dati na layuan mo ang lintang yun, pero sinuway mo ko at nakipaglandian ka pa rin sa kanya."
"Maniwala ka, sinubukan ko naman siyang layuan, ngunit inakit ako ng babaeng yun. Nagpakita siya ng motibo sa akin, halos ibalandra na niya yung katawan niya. Siya rin ang patuloy na lumalapit sa akin kaya hindi na ko nakapagpigil pa. Anong magagawa ko, bata siya, maganda."
Lalong uminit ang ulo ni Reyna sa mga papuring binigay ng Prinsipe tungkol kay Sara at siya ay napaharap na kay Rigo.
"At ano ang tingin mo sa akin, matanda at laspag na?"
"Hindi naman sa ganun, ibig ko lang sabihin lalaki ako, normal lang na mabighani ako sa mga babaeng katulad niya."
"Ito na ang huling beses na lalapit siya sa'yo, dahil sa susunod kapag nakita ko pa kayong magkasama ulit, manghihiram na siya ng mukha sa kabayo."
"Pinapangako ko, hindi ko na uulitin. Lalayuan ko na siya."
Sa hindi inaasahan ni Rigo, bigla na lamang siyang tinulak ng Reyna papahiga sa kama. Sinimulan ni Helena na hubarin ang kanyang suot na damit at ibinalandra niya rin ang kanyang hubad na katawan sa Prinsipe habang binubusog niya ang mga mata nito.
"Bago mo ko ipagpalit sa iba, isipin at tignan mo muna kung ano ang mawawala sa'yo," may halong pang-aakit ang babala ng Reyna sa kanya.
***
Nagtungo si Saraphine sa silid ng Prinsipe at gaya ng sinabi Aling Estrella, nadatnan niya itong naghahakot ng kanyang mga damit at naghahanda ng umalis. Nakaramdam ng lumbay ang dalaga at hindi na niya nagawang tawagin si Rionne. Nanatili na lamang siyang nakamasid. Hindi nagtagal, napalingon ang Prinsipe sa may pinto. Nakita niya ang dalaga at napatigil siya sa pag-eempake.
"Anong ginagawa mo rito?"
Nahalata ni Saraphine base sa kanyang tono na may kinikimkim pa ring tampo sa kanya ang Prinsipe.
"Nabalitaan ko na aalis ka na. Tutuloy ka na ba talaga?"
"Oo, mabuti na to, ika nga ng Hari, may kalalagyan na ko sa oras na may gawin ako sa mahal niyang anak. Hindi maaayos ang lahat hanggang naririto ako."
Muling bumalik sa pag-eempake ang Prinsipe nang sa ganoon ay hindi na niya kailangan pang pagtuunan ng pansin si Saraphine. Humanahap naman ng tamang tyempo ang dalaga para sabihin ang kanyang sadya.
"Naparito ako para magpaalam."
"Nasabi mo na, maaari ka ng umalis," tinuro ni Rionne ang pinto.
"Hindi ako aalis rito at hindi rin kita hahayaang umalis hanggang hindi tayo nagkakaayos. Mag-usap tayo."
"Ano pang pag-uusapan natin? Klaro naman na ang lahat, binalewala mo lang ang pagmamagandang-loob ko. Pinanindigan mo rin na nakikipaglandian ka kay Rigo, kaya doon ka na sa kanya."
"Maniwala ka sa akin, hindi ko nais na ipahamak ka at magkagulo kayo ni Rigo. Komplikado lang talaga ang sitwasyon. Bakit ka ba kasi sumugod nang ganun sa kanya?"
Nagpakawala nang may pag-uuyam na ngisi ang Prinsipe.
"Bakit? Kailangan pa bang itanong yan? Ikaw ngayon ang tatanungin ko. Bakit ka ba talaga naririto, Sara? Ano na naman ito? Sino ba talaga sa amin ni Rigo ang gusto mo?"
"Ang gusto ko lang naman ay humingi ng tawad sa'yo. Hayaan mo kong makabawi."
"Umalis ka na, Sara. Baka kung ano pa isipin ng iba pag nalaman nilang naririto ka."
"Isipin na nila ang gusto nilang isipin. Basta ako, handa akong ipakita sa'yo na nagsisisi na ako sa nangyari. Sasamahan kita, kung nais mong may madaingan ng sama ng loob, galit ka sakin, ilabas mo lang lahat, naririto lang ako. Ang mahalaga lumisan ka ng walang sama ng loob sa akin."
Napagtanto ni Rionne na mukhang buo talaga ang loob ni Sara at wala na siyang magagawa para mapaalis ito.
"Bahala ka kung ano ang gusto mo."
Kumuha siya ng bote ng alak sa may sulok. Binuksan niya ito at tumungga. Hindi inaasahan ni Saraphine na ito ang susunod niyang gagawin.
"Tingin ko hindi magandang ideya ang pag-inom lalo pa at aalis ka."
"Nakakatulong ito mapagaan ang loob ko at makalimutan ang mga problema ng pansamantala. Ayos lang naman uminom basta huwag ka lang magpakalango. Ito."
Kumuha siya ng isang bote at inalok ito kay Sara.
"Hindi ako umiinom."
"Subukan mo. Mukhang kailangan mo. Ramdam ko may problema ka."
Napilitan lamang si Sara na kuhanin ang bote. Binuksan niya ang alak at maingat na lumagok. Napaitan ang dalaga sa lasa at siya ay napaubo nang bahagya. Sanay man siya sa amoy nito dahil kay Uranna, iba pa rin ang sipa nito pag ininom na.
"Sa una lang yan, masasanay ka rin."
Lumagok ulit ng ikalawa at ikatlo si Sara at sa pagkakataongg ito, unting-unti nang nawawala ang pait at napapalitan ng tamis.
Gaya ni Rionne.
"Masarap naman pala."
"Sabi ko sa'yo. Ngayon sabihin mo sa akin, ano ba talaga ang bumabagabag sa'yo?
Naalala ni Sara ang kanyang naantalang paghihiganti kay Rigo. Ito lang naman ang bukod tanging inaalala niya sa kabila ng lahat ng kontrobersyang kinasasangkutan niya ngayon. Tumungga na lamang siya ng alak para makalimutan ito tulad ng sabi ni Rionne.
"Alam ko na, inaalala mo ang nangyari, yung mga babala ng Hari sa'yo. Natatakot kang mawalan ng trabaho. Huwag kang mag-alala, di ka tatanggalin ni Tandang Rucaz, malakas ka naman dun."
Unti-unti ng nalalasing si Rionne at nagsisimula na ring makaramdam ng pagkahilo si Sara.
"Siguro nga isa yun sa mga inaalala ko pero may mas malalim pa akong pinoproblema."
"Ano naman yun?"
Lumagok ulit si Sara at nangalahati na ang bote. Nagsimula na ring mamula ang kanyang pisngi at nakaramdam na rin siya ng pamamanhid.
"Masyadong personal. Mabuti nang hindi ko na lang sabihin at baka kapag nalaman mo, tuluyan nang magbago ang tingin mo sa akin."
"Kahit galit ako sa'yo, hindi naman magbabago ang pagtingin ko sa'yo."
Mapanindigan nya kaya ang mga salitang ito kapag nalaman niyang may binabalak akong masama sa pamangkin niya?
Muling lumagok si Rionne bago magsalita.
"Hindi mo nasagot ang tanong ko, pero handa kong sagutin ang tanong mo kanina. Nagtaka ka kung bakit ganun na lang ang reaksyon ko kay Rigo. Dahil nais kitang protektahan. Nakita kita, hindi ako kumbinsido na gusto mo ang ginagawa niya sa'yo. Sara, marami kang hindi alam sa pamangkin ko, marami pa rin akong hindi nasasabi sa'yo."
Alam ko na, kailan ko lang rin natuklasan.
"Sa Palasyong ito, ako lang nasa panig ng katwiran at katotohanan. Sinubukan kong gawin ang nararapat, itama ang mga pagkamamali nila ngunit ano ang naging kapalit? Ako pa ang minamasama, binabalewala, pinaparantangang walang modo at nanggugulo sa pamilya. Wala na kong nagawang tama para sa kanila. Nakakapagod rin. Sa ilang taong pinaramdam nila sa akin na wala akong halaga ay ako'y nag-iisa, talagang hahantong rin ako sa puntong kailangan ko ng umalis dito sa masalimuot na lugar na ito, may partisipasyon ka man doon o wala, kaya huwag mo ng sisihin ang sarili mo. May mga baho ang Pamilyang Royal na magpapabaliktad ng sikmura mo sa oras na malaman mo. Hindi ko pa rin maatim sabihin sa'yo ngayon."
Nakaramdam ng habag si Sara sa mga saloobin ng Prinsipe. Ngayon napatunayan niyang naiiba talaga siya sa kanyang pamilya.
"Kung ganun pareho lang pala tayong may mga bagay na hindi masabi sa isa't-isa."
"Kaya siguro bagay tayo."
Lalo pang namula ang mukha ni Sara sa hirit nito.
"Biro lang, tagay tayo dyan."
Pinag-untog nila ang kanilang mga bote at sabay na tumungga ng alak. Naparami ang kay Saraphine.
"Hindi ko man masabi ang mga bagay na yun, may isang bagay naman akong hindi ko magawang ilihim sa'yo."
"Ano?"
"Ang ikalawang rason kung bakit ko nagawang sugurin si Rigo."
"May ikalawa pa pala," natawa si Sara.
"Selos. Nadala ako sa bugso damdamin ko. Hindi ko kayang makitang may ibang humahalik sa babaeng pinakamamahal ko. Wala akong magagawa, tinamaan talaga ako sa'yo. Sinubukan kong kalimutan ka pero hindi ko kaya. Kahit na sabihin kong tanggap ko nang hindi mo ko gusto at kaibigan lang ang tingin mo sa akin, hindi ko pa rin maitatanggi na ikaw lang talaga ang nilalaman nito."
Tinapat niya ang palad sa kanyang dibdib. Lasing na si Rigo pero hindi maikakailang sinsero siya sa mga salitang binibitiwan. Naapektuhan si Sara sa kanyang mga salita, nalilito na rin ang dalaga kung tama bang tinanggihan niya noon ang Prinsipe.
"Ang sakit lang isipin na gaya nila, hindi rin ako mahalaga para sa'yo."
"Hindi iyan totoo. Mahalaga ka sa akin at masaya akong dumating ka sa buhay ko. Alam mo, sa lahat ng lalaking nakilala ko, ikaw ang pinakatumatak dahil ikaw ang pinakamabuti at may purong puso. Maniwala ka man o hindi, pinahahalagahan ko lahat ng pagmamalasakit mo sa akin."
"Kung alam mo lang gaano kita kamahal nang higit pa sa buhay ko."
"Naririto naman ako, patunayan mo. Iparamdam mo sa akin ngayon kung gaano mo ko kamahal."
Napahalakhak si Rionne sa mga biro ni Saraphine at sinabayan na rin niya ang Prinsipe.
Pagkatapos, nagkatinginan ang dalawa nang mata sa mata. Tinignan ni Saraphine si Rionne nang malagkit mula mata hanggang labi. Mahahalata sa kanyang mapang-akit na tingin ang pagkauhaw at pag-aasam. Maging Rionne ay hindi maalis ang tingin sa kanya, gustuhin man niyang umiwas, nahuhumaling pa rin siya kay Saraphine.
Tuluyan nang nagdikit ang kanilang mga labi. Humalik si Saraphine na tila siya ay matagal nang nananabik sa halik nito. Mabilis, masigla at may panggigigil ang handog niyang halik, habang si Prinsipe Rionne naman ay naging maingat sa paghalik sa kanya. Malambot at makinis ang bibig ng Prinsipe at kahit sa paghalik, nananatili siyang malumanay at maamo kay Saraphine, taliwas sa mapagnasa at magaspang na estilo ni Rigo. Hindi inaasahan ng dalaga ngunit natipuhan niya ang pakiramdam ng labi ni Rionne na animo'y kasing lambot ng isang espongha. Mabango rin ang kanyang hininga na maihahalintulad sa aroma ng mga bulaklak kahit na kaiinom lang nila ng alak. Nagawa niyang hulihin ang kiliti ng dalaga sa dahan-dahan at mahinahon niyang pamamaraan. Hindi niya maipaliwanag ngunit walang kasing gaan ang presensiya ni Rionne para sa kanya ngayon. Tila siya ay nakulatang sa alapaap. Para bang mas masarap sa piling nito higit pa kay Aric.
Mahal ko na rin ba siya? Bakit ganito ang nararamdaman ko ngayon?
Hindi pa man natatapos ang kanilang paghahalikan, ipinwesto ni Saraphine ang kamay sa dibdib ni Prinsipe Rionne, unti-unti niyang tinanggal ang butones sa damit nito hanggang sa maalis niya ang kanyang pang-itaas.
Sunod namang kinuha ng dalaga ang kamay ni Rionne at pinwesto ito sa tali ng kanyang suot na damit sa may dibdib nang sa ganoon ay tanggalin na rin niya ito.
Biglang tumigil si Rionne sa paghalik sa kanya nang matauhan at mapagtanto ang nais ni Saraphine.
"Bakit?"
Sinuot ni Rionne ang kanyang damit at muli itong ibinutones.
"Ayaw mo ba sa akin?"
"Hindi," giit ni Rionne. "Gustong-gusto kita. Ikaw lang ang babaeng magpapasaya sa akin."
"Yun naman pala, halika na at ituloy natin. Pasayahin natin ang isa't-isa, kalimutan natin ang mga problem kahit ngayon lang."
"Sara, hindi maaari. Hindi sa ganitong paraan. Hindi sa ganitong sitwasyon. Naparami ka ng inom. Wala ka sa tamang wisyo. Nadadala ka lang ng kalasingan. Nirerespeto kita at ayokong samantalahin ang pagkakataong ito para dungisan ang pagkababae mo. Mahal kita at sa tamang panahon gagawin rin natin ito. Maghihintay ako kapag talagang handa ka na."
"Pero aalis ka na."
"Magkikita pa rin naman tayo. Magtiwala ka sa akin, hindi mo gustong gawin ito ngayon. Malalaman mo yan sa oras na lumipas na ang alak."
Napagtanto ni Saraphine na tama si Rionne, masyado nga lang siya nagpatangay sa bugso ng kanyang damdamin at sa kanyang kalasingan.
***
Maya-maya, hinatid ni Prinsipe Rionne si Saraphine sa isa sa mga bakanteng silid ng Palasyo. Nais sana niya itong ihatid sa kanyang silid kasama ang mga kasambahay ngunit sobrang lasing na ang dalaga. Iniiwas niya lamang ito sa kahihiyan at sa kontrobersya, alam niyang maaaring maging matunog na naman ang pangalan nito sa oras na may makakitang kasama niya ang Prinsipe at lasing. Inalalayan niya ang susuray-suray na dalaga patungo sa kama.
"Dito ka na muna at magpahinga ka na."
"Hindi, ayoko pa magpahinga, mag-inom pa tayo. Gusto ko pa."
"Huwag ng matigas ang ulo, nakarami ka na. Hindi ito makakabuti sa'yo."
"Alam mo...galit ako sa'yo...galit na galit ako sa'yo...alam mo ba yun?"
Napangiti na lamang si Rionne sa sinasabi ng dalaga at inuunawa na lamang niya ang lagay nito. Unang beses niyang nakainom, normal lamang na siya ang mas nalasing sa kanilang dalawa. Dahan-dahan niya itong ihiniga sa kama.
"Sara, huwag ka ng magalit sa akin. Sabi ko naman sa'yo di ba? May tamang panahon ang lahat."
"Lintik na tamang panahon yan!" napalakas ang nag-aalborotong boses ni Saraphine na ikinagulat ni Rionne. "Sawa na akong maghintay! Malapit na...naroroon na siya...Hawak ko na sa leeg...pero dumating ka! Sinira mo ang lahat! Ikaw! Ikaw ang may kasalanan nito!"
Hindi na napigil pa ni Saraphine ang kanyang pagluha. Sinubukan niyang bumangon sa kanyang kinahihigaan kahit na uuga-uga pa siya sa hilo ngunit siya ay ihinigang muli ni Rionne.
Nagsimula ng maguluhan si Rionne, lango man sa alak ang dalaga, nakukutuban niyang seryoso ito. "Anong sinasabi mo, Sara?"
"Papatayin ko na siya! Hawak ko na ang tarak...sasaksak ko na sana kay Rigo...patay na sana siya kung hindi ka nangialam!"
"Papatayin mo si Rigo?" Nanlaki ang mga mata ni Rionne at hindi siya makapaniwala sa naririnig. "Bakit mo gagawin yun sa pamangkin ko?"
"Halimaw siya! Pinatay niya ang kapatid ko! Nararapat lang na mamatay siya...sa pambababoy at paglagpastangan niya!"
Kinilabutan ang Prinsipe sa mga rebelasyong hindi sinasadyang naisisiwalat ni Sara. "Isa ang kapatid mo sa nabiktima ni Rigo. Sino?"
"Mababayad siya... Sisingilan ko siya...pinatay niya ang Ate Pinang ko!"
Napaisip si Rionne sa pangalang binanggit nito sapagkat pamilyar. Hindi nagtagal, bumalik na sa gunita niya ang tungkol kay Pinang at Uranna.
"Ang huli niyang biktima, si Pinang. Siya ang kapatid mo? Bakit di mo sinabi sa akin agad, Sara? Bakit kailangan pa humantong sa ganito na papatay ka ng tao."
"Wala kang pakialam...maghihiganti ako...kailangan ko na siyang patayin...para maisunod ko na si Fierro!"
Lalo pang nagulumihanan si Rionne sa kanyang mga sumunod na kataga.
"Ano namang kinalaman rito ng Mataas na Emperador?"
"Pagbabayarin ko rin siya sa pagpatay niya sa pamilya ko...sa lahat ng kasawian ko..."
"Naguguluhan na talaga ako, ano ba talagang nangyayari, Sara?"
"Huwag mo kong tawaging Sara! Cordelia ang pangalan ko...Prinsesa Cordelia...ng Imperyong..."
Tuluyan nang nawalan ng malay si Saraphine. Natulala na lamang si Rionne at napahawak sa kanyang ulo.
Dahil sa lahat ng sinambit ng dalaga, dumami na ang katanungan niya tungkol sa tunay na pakay at pagkatao ng babaeng iniibig. May katotohanan nga ba ang lahat ng kanyang binunyag? Napaisip siya kung ito na ba ang tinutukoy niyang mga bagay na makapagpapabago sa pagtingin niya sa kanya? Tunay ngang epektibo ang alak para mailabas ang katotohanan. Gulong-gulo si Rionne at hindi na alam kung ano ang kanyang iisipin. Napaisip siyang baka lasing lang siya at kung ano-ano na lang ang naririnig niya ngunit nakakasigurado naman siyang nasa tamang wisyo pa rin siya kahit na siya ay nakainom. Magulo na ang lahat tungkol sa sinasabi nitong paghihiganti kay Rigo para sa kapatid niyang si Pinang pero lalo pang naging komplikado nang masingit niya ang tungkol sa Emperador at Prinsesa. Napatingin na lamang siya sa dalaga na puno ng pagdududa. Ngayon ay tila isang estranghera na siya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro