Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 17: Miya

-Kasaganaan-

Pagsapit ng bukang-liwayway, abala si Datu Mortho at iba pang mga Myongan. Nagtutulong-tulong ang mga hindi pa dinadapuan ng sakit sa paghahakot sa mga namayapang kasapi ng Tribong Leon. Isa-isa nilang ibinalot sa mga telang tapis ang mga labi ng mga lalaki, babae, bata at matandang nasawi sa nakapangingilabot na sakit. Umabot sa limangpu ang lahat ng mga nasawi subalit sa kabutihang palad wala pa namang mga Myongan na binawian ng buhay kahit na ilan sa kanila ay malala pa rin ang lagay hanggang ngayon.

Tulong-tulong na nilabas ng mga kalalakihan ang bangkay ni Leyla mula sa kubo nila Miya at tinakpan nila ito ng tapis.

"Ito na ba ang lahat? Usisa ni Datu Mortho sa tinig na malakas lamang ng bahagya sa bulong, hindi man niya Katribo ang mga nalagas, mahahalata sa Datu ang panghihinayang sa kanyang malalim na mata. Hindi niya pa rin maiwasang mahabag sa sinapit nila.

"Siya na po ang huli, Mahal na Datu."

"Lumakad na tayo."

Sa pangunguna ni Datu Mortho, tatahakin nila ang puso ng kagubatan at doon nila ililibing at bibigyan ng maayos na himlayan ang mga namatay. Doon rin iaalay ng Datu ang kanilang panalangin para sa patay. Nais man nilang ibalik ang mga labi sa kanilang pamilya sa sariling teritoryo, hindi nila magagawa sapagkat malalala ang mga Tribong Leong naiwan sa kanilang tahanan at hindi ito ligtas para puntahan.

"Sasama po ako," nagpaalam si Miya sa Datu.

"Miya, pasensya na pero hindi kita mapapayagan."

"Pero Lo, nais kong naroroon ako kapag hinatid na natin sila sa huling hantungan."

"Malayo ang lalakbayin namin sa gubat at hindi ka pa lubusang gumagaling. Baka makasama sa'yo kung sasama ka."

Napagtanto ni Miya na tama ang kanyang Lolo Mortho. Bahagya mang umayos ang kanyang pakiramdam, may nararamdaman pa rin siyang konting hilo kapag siya ay gumagalaw at paminsan-minsan pa rin bumabalik ang kanyang pag-ubo.

"Halika na, buhatin nyo na sila."

Paalis na sana sila ngunit muli na namang pumagitna si Miya.

"Lo, sandali lang po. Kung hindi nyo po mapapayagang makipaglibing, mapapagbigyan nyo po ba akong magpaalam sa kaibigan ko."

"Sige."

Ibinaba ng mga lalaki ang bangkay. Dahan-dahang ibinaba ni Miya ang telang nakatakip kay Lelyla at pinagmasdan niya ito. Hulpak na ang mukha nito at lalo nang namutla ang kanyang kulay.

"Maaari po bang ako ang mag-alay ng panalangin sa kaibigan ko?"

"Sige, Apo. Kung iyan ang gusto mo."

Hinawakan ni Miya ang kamay ni Leyla na ngayon ay tuyot at naninigas na. Pinikit niya ang kanyang mga mata at taimtim na nag-alay ng kanyang dasal.

"Inang Maykapal, idinadalangin ko po sa inyo ang kaibigan kong si Leyla. Bigyan nyo po ng katahimikan at kapayapaan ang kanyang kaluluwa. Nawa'y gabayan nyo siya sa kanyang paglalakbay patungo sa kabilang buhay. Pabalik sa Inyong piling na siyang may likha. Dalhin nyo po siya sa lugar kung saan wala ng pighati at paghihirap. Kayo na po ang bahala sa kanya."

Pagkadilat niya ng kanyang mga mata, hindi na napigilan pa ni Miya ang kanyang mga luha. Naalala niya pa rin ang kabutihang pinamalas ng kaibigan at labis niyang ikinalulungkot ang dinanas nito.

"Patawarin mo ko..." Bulong niya sa tenga nito kahit alam niyang hindi na siya maririnig ni Leyla.

Tinakpan na nila ang mukha ng dalagita, inakay na ito ng mga kalalakihan at sila ay lumakad na kasama ang Datu, bitbit-bitbit ang mga bangkay.

Paalam, Leyla.

***

Bago lumubog ang araw, nagbalik si Datu Mortho at ang kanyang mga kasama. Napasilip si Miya mula sa kanyang bintana at siya ay namataan ng kanyang Lolo. Tumango lamang ang matandang Datu sa kanya at tumingin nang may nangugungusap na mga mata. Alam na ni Miya kung ano ang nais niyang iparating.

Tapos na, nailibing na nila si Leyla at ang iba pa.

Kinagabihan, sinubukang matulog ng dalaga ngunit sa tuwing naaninag niya ang pwesto kung saan niya inalagaan si Leyla, hindi pa rin mawala sa isip niya ang dalagita. Isang buhay na nawala nang dahil lamang sa isang walang kabuluhang sakuna.

Paulit-ulit niyang nagugunita ang mga sinabi ni Leyla bago siya mamatay, ang kanyang mga habilin.

"Kung sakaling hindi na talaga ako...makakaligtas...hanapin mo ang inay ko...siguraduhin mong ligtas sila..."

Maya-maya, sinilip siya ni Datu Mortho na kagagaling naman sa kabilang silid at nagbabantay sa kanyang mga magulang.

"Nakita ko kanina, gumalaw ang daliri ng iyong ina, malamang malapit na siyang magkamalay. Ang Ama mo naman hindi pa nagigising pero kahit papaano napawi na ang lagnat."

"Mabuti naman po at umiigi na sila, Lo."

"Ikaw, hindi ka pa natutulog. Kailangan mong makatulog nang sa ganoon magtuloy-tuloy na ang paggaling mo."

"Hindi po ako makatulog, Lo, matapos ang mga nangyari."

"Naaalala mo pa rin ang kaibigan mo?"

Napatango si Miya.

"Naiinis ako sa sarili ko. Nailigtas niya ko, pero hindi ko siya nagawang iligtas. Wala akong kwenta."

"Huwag mong sabihin yan, apo. Alam kong ginawa mo ang lahat ng iyong makakaya ngunit hanggang dito na lang siguro talaga ang buhay ni Leyla. Wala na ito sa iyong kakayahan. Hindi mo dapat sisihin ang sarili mo."

Naisin man ni Miya na pagaangin ang loob niya sa salita ng kanyang Lolo, nangingibabaw pa rin ang lumbay. Hindi siya nilulubayan nito.

"Bakit po ganoon Lo? Hindi ito nararapat sa kanya. Napakabata pa niya, marami pa siyang magagawa sa mundo. Bakit kailangan niyang mawala agad?"

Huminga ng malalim sa Mortho na para bang nabigatan siya sa tanong ng apo.

"Sa totoo lang, wala rin ako maisasagot dyan. Matanda na ako gayumpaman isa ito sa mga bagay na hanggang ngayon ay wala akong kasagutan. Isang misteryo. Naramdaman ko rin yan noong nawala ang magulang ko. Minsan nahihirapan pa rin akong paniwalaan na nalagpasan ko ang mga taon ng kanilang buhay. Isa pa ang Lola Meyrna mo, tulad ni Leyla, napakabata pa niya noong kinuha siya ng maykapal."

"Hindi talaga patas ang buhay," saad ni Miya na may bahid ng pagkadismaya.

"Doon din naman tayo patungo lahat. Sadyang may nauuna at may nahuhuli."

Naniniwala siya sa pahayag ng Datu, masakit man ito marinig ngunit totoo. Ganito talaga ang kahihinatnan ng mga mortal. Huminga nang malalim si Miya at sa kanyang paghinga, pinakawalan na rin niya lahat ng pasaning dinadala.

"Tama kayo, Lo. Dapat siguro tanggapin ko na. Sa kabila nito, naiisip ko pa rin na sana may nagawa pa ko para sa kanya."

"Ikinalulungkot kong sabihin pero wala ka ng magagawa para sa kanya ngayon."

Muling sumagi sa isip ni Miya ang huling habilin ni Leyla at isang ideya ang nabuo.

"Sa kanya wala na, pero sa mga naiwan niya, maaaring may magawa pa ako."

"Anong minumungkahi mo?"

"Bago mawala si Leyla, may hinabilin siya sa akin. Nais niyang tulungan ko ang Ina at ang pamilya niya at ipinangako ko yun sa kanya."

"Naiisip ko na ang gusto kong mangyari. Nais mong dalhin dito ang pamilya niya."

"Ganun nga po."

"Apo, alam kong nais mong makabawi kay Leyla pero natatakot ako sa maaaring kahinatnan nito. Galing sila sa lugar kung saan nagsimula ang sakuna. Paano kung pagdating nila rito, may mas matindi pa silang sakit kaysa nauna? Nag-aalala lang ako sa kalagayan ng ating tribo."

"Lo, sa tingin ko naman po napagdaanan na ng ating tribo ang pinakamalalang maaaring mangyari at nakaligtas tayo. Matibay tayong mga Myongan. Napatunayan na natin yan sa gitna ng sakuna at may tiwala rin ako na darating rin si Aric dala ang lunas at gagaling rin tayong lahat."

"Hindi ko alam, Miya. Nangangamba pa rin ako."

"May nagsasabi sa akin na kailangan ko itong gawin. Nararapat na tuparin ko ang aking pangako sa namayapa. Binigo ko si Leyla noong buhay pa siya, hindi ko na siya bibiguin ngayong patay na siya. Ito lamang ang magagawa ko para sa alaala niya. Ang masigurong ligtas ang mga mahal niya sa buhay."

Nadala si Mortho sa pakiusap ng apo, nauunawaan niya, kung man siya man ang nangako, gagawin niya rin ang makakaya niya para tuparin ito.

"Sige, bukas magtatalaga ako ng mga malulusog na Myongan para sunduin ang pamilya niya nang sa ganoon madala sila sa puder natin."

"Maraming salamat po."

"Wala iyon, ngayon magpa-"

Sa pagkabigla ni Miya, bigla na lamang inatake nang malutong at may kalakasang pag-ubo ang Datu na ngayon niya lamang narinig. Sa bawat ubo, ramdam ang pagputok ng kanyang plema. Halos kalahating minuto ang tinagal nito.

"Lo, ayos lang ba kayo? Ang lakas ng ubo nyo."

"Wala ito. Baka dala lang ng pagod sa pag-aasikaso ko sa ating tribo."

"Kung ganun, ipahinga nyo na rin po yan."

"Mainam pa nga."

Nilisan ni Mortho ang silid na pilit kinukubli ang iniinda niyang karamdaman.

***

Sumunod na araw, agad na isinakatuparan ni Datu Mortho ang kahilingan ng apo. Humingi siya ng mga Myongang magkukusang magtungo sa teritoryo ng mga Tribong Leon para sunduin ang pamilya ni Leyla at mayroon namang mabubuting katribo na naglakas-loob na magpresinta.

Bandang tanghali, dumating na sila kasama ang isang Leonesa at isang batang babae.

"Mahal na Datu," bumati ang babae.

"Kayo ba ang pamilya ni Leyla?" tanong ng Datu.

Napatango ang babae.

"Ako po si Lora at ito naman ang nakababata niyang kapatid na si Lyra."

Pinagmasdan ni Miya ang batang babae. Maaaring nasa limang taon pa lamang ito at gaya ni Leyla, payat rin ang kanyang pangangatawan. Nakikita rin niya ang pagkakahawig nito sa kanyang ate.

"Maligayang pagdating po," bati ni Miya, "may mga maysakit pa rin po ngayon pero sisiguraduhin po namin magiging mas maayos ang lagay nyo rito."

Napangiti ang nananamlay na mukha ni Aling Lora sa mainit na pagsalubong nila.

"Maraming salamat. Alam nyo ba noong nalaman namin na bubuksan nyo ang inyong tahanan para sa amin, labis ang tuwa namin. Iyon nga lang nagkahiwalay kami. Hindi kami napiling sumama sapagkat nakitaan na kami ng mga sintomas. Tanging si Leyla lang ang nakasama sa amin sapagkat siya lang ang walang sakit noon. Ayaw nga kaming iwan ng batang yun, mula kasi nang namatay ang kanyang Ama, siya na ang umagapay sa akin sa pag-aalaga sa kapatid niya. Mabuti naman at naisipan niyang dumulog sa inyo nang sa ganoon magkasama-sama na kami. Nasaan ba siya? Nananabik na kong makita siya."

Nagkatinginan si Miya at Datu Mortho. Hindi nila alam kung paano nila ipagtatapat ang masamang balita sa kanyang ina. Siguradong madudurog ang puso niya.

"Aling Lora, baka nagugutom na kayo, ipapaasikaso muna namin ang pagkain nyo."

"Hindi pa naman ako gutom, nais ko munang makausap at makamusta ang anak ko."

"Pasensya na ngunit hindi mo siya makakausap," saad ng Datu.

"Paano pong hindi, Mahal na Datu? Nandito naman siya di ba? Bakit di ko makakausap ang anak ko?"

Wala nang maisagot si Miya at Mortho kay Lora at dito na natunaw ang ngiti sa mukha niya at nagsimulang kabahan.

"May nangyari ba?"

Humanap ng tamang tyempo si Mortho para ipagtapat ang lahat.

"Wala na ang anak mo. Kabilang siya sa mga nasawi kahapon. Nailibing na namin siya sa kagubatan."

Napailing si Aling Lora, hindi makapaniwala sa narinig. "Hindi, hindi totoo yan, buhay ang anak ko. Sabihin nyong nagsisinungaling lang kayo!"

"Totoo po ang sinabi ni Lolo, Aling Lora. Wala na po si Leyla, kapiling niya ako noong nilagutan siya ng hininga. Noong bagong dating niya maayos naman po siya pero bigla na lang pong umatake ang sakit niya. Masyadong naging mabilis ang lahat at wala na po kaming nagawa para masagip siya. Patawarin nyo po kami."

Napaluhod si Aling Lora sa lupa. Sumara ang kanyang kamao sa buhanginan at napuno ng buhangin ang kanyang kamao sa paghihinagpis.

"Ang anak ko! Anak ko! Leyla!"

Nilapat ni Miya ang kanyang palad sa balikat ni Lora.

"Malaki po ang utang na loob ko sa anak nyo, inaruga nya po ako noong ako ang malala. Napakabuti po niyang tao."

Kumalas siya palayo kay Miya.

"Akala ko ba magiging ligtas siya rito sa inyo? Bakit hinayaan nyo siyang mamatay?"

Nagpasya si Mortho na mamagitan na. Hindi niya nagugustuhan ang paninisi nito sa kanila.

"Hanggang ngayon hinahanap pa rin ang lunas sa sakuna. Ang tanging magagawa lang namin ay magbigay ng aruga at mga alternatibong lunas. Nasa may katawan na lang talaga kung kaya niyang labanan ang sakit o hindi. Talagang hindi lang kinaya ni Leyla. Maniwala ka sa amin, hindi namin siya pinabayaan."

"Aling Lora, naghikahos man si Leyla, masisigurado ko sa inyong namatay siyang mapayapa," dinagdag ni Miya, nagbaka-sakaling makakatulong ito sa ina ng kaibigan.

"Natural sasabihin nyo yan para maibsan ang bigat ng kalooban ko pero hindi nyo alam ang sakit na nararamdaman ko ngayon! Bakit nyo pa ako dinala rito kung wala na siya? Ano pang silbi ng lahat ng ito? Dapat hinayaan nyo na lang ako mamatay doon sa tahanan namin!"

"Si Leyla po talaga ang may nais na madala kayo rito. Ito po ang huling habilin siya sa akin bago siya pumanaw. Ganoon niya po kayo kamahal."

Lalong tumagos sa kaibuturan ni Aling Lora ang ipinahayag ni Miya at siya ay nagpatuloy sa pagluha ng ilog sa pagkawala ng kanyang anak.

Yumuko si Miya upang damayan ang inang nagdadalamhati. "Ipinapangako ko po, hinding-hindi ko kayo pababayaan, sisiguraduhin kong magiging ligtas kayo, alang-alang kay Leyla. Kung kailangan nyo po nang masasandalan, naririto lang kami."

Napasandal na ang naghihinagpis na si Lora kay Miya, senyales na hindi na ito galit sa kanila, patuloy lamang na niyakap ng dalaga ang ina ng kaibigan.

~*~*~*~

Ngayong natupad na ni Miya ang pangako sa yumao, sa wakas dinalaw na rin ng antok ang dalaga at sa pagkahimbing ng kanyang kamalayan, natagpuan niya ang kanyang sarili sa isang kahali-halinang parang kung saan walang kasing puro ang pagkaluntian ng mga dahon at puno ng kasariwaan at kapuruhan ang mga halaman. Ang mga bulaklak ay lalong humahalimuyak sa pagdapo ng mga naniniglang paro-paro.

Sa sobrang pagkaengganyo ni Miya sa tanawin, hindi niya namalayang may mga tao rin pala sa paligid. Napansin lamang niya ito noong siya ay napalingon sa direksyong pinagmumulan ng nakakasilaw na liwanag.

Natatangi ang mga taong kanyang namataan, nakatalikod man sila, kapansin-pansin ang kanilang mahahabang mga buhok at puting mga kasuotan. Tila malayo na ang nilalakbay nila sa mala-paraisong parang at tuloy-tuloy lamang ang malumanay nilang paglalakad.

"Sandali, hintayin nyo ko," nagpasya si Miya na sumunod sa kanila.

Napukaw niya ang atensyon ng isa sa mga babae at ito ay humarap sa kanya.

Natigilan si Miya sa kanyang kinaroroonan sapagkat kilala niya ang nasabing babae.

Leyla?

Niningitian siya ng pumanaw na kaibigan. Isang ngiting banayad, payapa at puno ng pasasalamat.

Napangiti rin si Miya sa tuwa sapagkat ibang-iba na ang anyo ni Leyla kung ikukumpara noong siya ay namatay.

Nagkalaman na ito, elegante ang kanyang puting kasuotan at higit sa lahat, nakabibighani ang kanyang mahabang buhok na mas tumingkad pa sa sinag ng liwanag na animo'y hiblang maitutulad sa buhok ng mais. Ito na yata ang pinakamagandang buhok na nakita ni Miya. Walang katumbas ang pagkaaliwalas niya ngayon at ang sinumang makakakita sa kanya ay makakaramdam ng kapanatagan.

Sunod namang humarap ang iba pang mga kababaihang kasama ni Leyla. Sila ay ang mga babaeng Leonesa na nasawi rin sa sakuna. Tulad ni Leyla, kaaya-aya rin ang buhok sa kanilang mga ulo.

Hindi nagtagal, muli silang tumalikod at nagpatuloy sa paglalakbay ang mga kababaihan, iniwan na nila si Miya sa parang at tuluyang binagtas ang daan sa liwanag.

***

Nagising si Miya na may baong ngiti sa kanyang mukha. Malamang ito ang kailangan niya upang gumaan ang kanyang kalooban. Ngayon, alam na niyang masaya at mapayapa na si Leyla saan man siya naroroon. Tunay man o hindi ang nasilayan sa kanyang panaginip, maligaya na si Miya at sa kabilang buhay natupad na ni Leyla ang pangarap nitong magkaroon ng mahaba at magandang buhok.

Ilang saglit lang, kumatok sa kanilang kubo ang isang Katribo at nagdahan-dahan si Miya sa pagbangon.

"Ano pong balita?"

"Miya, ang Datu Mortho," hindi mapalagay ang mukha ng tauhan.

***

Pinuntahan ni Miya ang kubo ng Datu Mortho at natagpuan niya itong maputla at walang malay sa kanyang higaan.

"Lo!" agad na nilapitan ng dalaga ang kanyang Lolo at hinipo ito. Halos mapaso siya sa init ng kanyang noo. "inaapoy siya ng lagnat, ano pong nangyari?"

"Hindi rin namin alam, nagtungo kami sa kubo niya upang mag-ulat sa lagay ng ating mga katribo pero noong hindi niya sinagot ang mga katok namin, nag-alala na kami kaya pinasok na namin tong loob at natagpuan na lamang namin siya dyan na walang malay. Buti na lang at humihingi pa siya."

"Bakit biglaan naman? Wala ba kayong napansing kakaiba sa kanya?"

"Napansin namin nitong mga nakaraang araw na madalas siyang ubuhin at mabilis mapagod, nagpapakita na rin talaga siya ng mga senyales ng sakit."

Muling naalala ni Miya ang malalang pag-ubo ng Datu nitong nakaraan.

Dumating na ang kinatatakutan niya, nahawahan na rin si Datu Mortho nang nakapanglulumong sakit. Sa isang iglap, muling bumalik ang pagkabahala at lumbay kay Miya. Akala pa naman niya, unti-unti nang maaayos ang lahat.

"Hindi, hindi pwede ito."

Hinawakan niya nang mahigpit ang palad ng Datu at bumuhos na ang kanyang emosyon.

"Lo, lumaban ka lang. Hindi ka maaaring mawala. Ikaw ang haliging sinasandalan naming lahat. Hindi ako makakapayag."

Mula noon, hindi na umalis si Miya sa piling ng kanyang mahal na lolo.

***

Ilang oras na ang nagdaan ngunit hindi pa rin bumabalik ang kamalayan ni Datu Mortho. Pinagpapalitan ni Miya ang pagbabantay niya sa kanyang mga magulang at sa kanyang Lolo. Habang nagbabantay, bigla na lamang nakaramdam ng paninikip ng dibdib si Miya at sumunod-sumunod na ang malulutong niyang pag-ubo. Pagkatingin niya sa kanyang kamay, nakita niyang may dugo na ito galing sa kanyang bibig.

"Hindi...hindi..."

Naalala niya ang nangyari kay Leyla, tulad niya, umubo rin ito ng dugo. Senyales ito na lumalala ang kanyang sakit at kung hindi ito maaagapan, maaaring matulad siya sa kapalaran ng mga nasawi.

Nagpunta si Miya sa may bintana, wala na siyang nagawa kundi mapatingin sa itaas, sa may alapaap. Malayang nagliliparan ang mga ibon sa himpapawid.

"Inang maykapal o sa lahat ng Diyos na nakakarinig, dumudulog po ako sa inyo. Iligtas nyo po kami sa sakunang ito, lalo na po si Lolo Mortho. Nasa palad nyo na po ang aming tadhana. Kayo na po ang bahala sa aming lahat, kung balak nyo po kaming sagipin, bigyan nyo po kami ng tanda. Pabalikin nyo po rito si Aric, dala ang lunas."

Sa kasagsagan nang kanyang panalangin, may narinig siya mula sa labas.

"Nakabalik na siya!"

Totoo nga kaya?

Wala nang inaksayang oras si Miya, tumakbo siya palabas sa kubo upang salabungin ang minamahal ngunit bigla na lamang siyang natigilan sapagkat hindi si Aric ang nakita niya. Si Leyro lamang ang nagbalik at siya ay sinalubong ng kanyang mga Katribo. Hindi maganda ang kutob niya rito.

Bakit siya lang? Nasaan si Aric?

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro