Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 17: Covel

-Palasyo-

Tandaan mong isa kang Prinsipe, dapat maging matapang ka.

Malalim na ang nilalakbay ni Covel sa kanyang himlay na kamalayan at hanggang ngayon dumadagundong pa rin sa kanya ang tinig ng kanyang Ama. Natagpuan niya ang kanyang sarili sa kanyang kamusmusan, sa Palasyo ng Imperyong Cenpyre. Ang kanyang dating tahanan. Balik sa araw na bumago sa takbo ng kanyang buhay.

"Umalis ka na, Covel. Tumakas ka na!" nakita niya si Costan na pilit siyang pinapaalis sa nagbabadyang kapahamakan.

"Hindi, Ama. Di ko kayo iiwan!" naluluhang pinanindigan ng pitong taon na si Covel.

"Bilisan mo na!"

Muling dumagundong ang paligid at mula sa kadiliman, sumulpot si Fierro, nakahanda nang usigin ang kanyang Ama at pamilya.

"Takbo!"

Sa lakas ng sigaw ni Costan, napatirapas na ng takbo ang batang Prinsipe. Hindi niya magawang lumingon sa kanyang likuran sa takot na nararamdaman ngunit narinig niya ang tinig ni Fierro.

"Katapusan mo na, Costan!"

Tuluyang lumusob ang huwad na Emperador sa kanyang Ama at rumindi sa kanyang pandinig ang nakapangingilabot nitong hiyaw na umabot sa sukdulan.

-Kanlungan ng Kanluran-

Napabangon si Covel sa kanyang kinahihigaan. Natagpuan niya ang sarili na namumuo ang pawis kahit na maginaw ang panahon at naghahabol sa kanyang hininga sa tindi ng kaba. Nahimasmasan rin agad ang Prinsipe at ang kanyang pagkaligalig ay unti-unting napalitan ng poot. Napasara ang kanyang kamao sa panggigigil sapagkat nasilayan niya ulit ang taong sumira ng kanyang buhay.

"Anak, anong nangyari?" tanong ni Ermin na nagising sa kanyang pagbalikwas. Mahina lamang ang kanyang boses nang sa ganoon ay hindi magising ang himbing na si Itoi sa kanilang tabi.

"Wala ito Itay, nanaginip lang ako," sagot ni Covel, pilit na kinukubli ang galit at pagkabagabag.

"Kilala kita, Covel. Kapag nagigising ka ng ganito, isa lang ang ibig sabihin. Napanaginipan mo na naman ang nakaraan. Nakita mo na naman ang inyong pamilya."

"Hindi, tanging si Ama lang...at si Fierro."

Natigilan si Ermin, maging siya ay may masasama ring alaala sa ngalang nabanggit ni Covel.

"Akala ko maayos na ko, nakakalimutan ko na," nagpakawala ng buntong hininga si Covel. "Ngayon napapanaginipan ko na naman ulit...hindi, isang bangungot."

"Gusto mo ba ipagtimpla kita ng tsaang pampatulog?"

"Hindi na, paliwanag na rin naman at baka magising pa si Itoi. Babangon na rin naman talaga ako."

Tumindig na si Covel at nilisan ang kanilang tolda.

***

Ilang oras na ang nagdaan ngunit hindi pa rin maalis sa isipan ni Covel ang napanagnipan. Naupo lamang siya sa sulok at tumingin nang malalim sa paligid. Batid niyang sa oras na matapos at mapagtagumpayan nila ng Kapatiran ang pagsagip sa Kanluran, kailangan niya naman harapin ang isang personal na suliranin. Ang multo ng nakaraan. Ilang ulit man niyang takasan ang nakalipas, ito ay pilit na hahabol sa kanya.

Darating ang panahon, magtutuos din kami ni Fierro. Kapag dumating na ang araw na iyon, kailangan kong maging handa. Maging matapang gaya ng sabi ni Ama.

Maya-maya, lumabas na rin si Jiaruz sa kanyang tolda at ito ay naglakad nang may paghihinay-hinay dahil sa kanyang pinsala. Kung si Covel ay hindi naging maganda ang tulog, mukhang taliwas naman ang sa kanya.

Napansin niyang taimtim na nakaupo at nagmamaktol ang Prinsipe sa sulok kaya naman ito ay nilapitan niya.

"Magandang araw, Mahal na Prinsipe."

"Magandang araw," binati rin siya ni Covel kahit na siya ay nagtataka. Hindi niya akalain na siya ang unang babati sa kanya ngayong araw. "Bumangon ka na, magaling na ba ang sugat at paso mo?"

"Oo, maayos na ko, sa totoo nga masarap ang tulog ko. Ngayon lang ako nakatulog nang ganitong katiwasay mula noong pagkabata ko."

Tunay nga sa kanyang salita, napansin rin ni Covel na iba ang aura ni Jiaruz ngayon. Para bang umaliwalas at guminhawa ang kanyang anyo at ekspresyon sa kabila ng kanyang kalagayan. Ito ang unang pagkakataon na hindi siya nakakakutyang tignan.

"Mabuti naman at umaayos ka na. Nakapagpasya ka na ba sa inaalok ni Pinuno?"

Naantala ang pag-uusap ng dalawa nang makita nila si Gavielle na lumabas sa kanyang tolda. Natigilan ang dalaga sa nakita. Gaya ng Prinsipe, hindi niya inaasahang si Jiaruz ang isa sa una niyang makikita ngayong umaga.

Iiwas na si Gavielle ngunit lumapit si Jiaruz na nangangapa sa kanya kasabay nang nahihiyang bati. "Magandang araw, Gavielle."

Napangisi at umirap lamang si Gavielle sa pagbati nito sa kanya. "Maganda na sana ang araw ko pero ngayon nasira na dahil nakita kita."

"Maaari ba tayong mag-usap?"

"Wala tayong kailangang pag-usapan at wala rin akong pakialam sa anumang sasabihin mo sa akin. Lumayo ka nga sa akin, naaalibadbaran ako sa'yo."

Hindi na nakapagpigil pa si Jiaruz at tuluyan na siyang nagpalamon sa kanyang emosyon. Napaluhod siya sa harap ni Gavielle at napahawak sa binti nito habang tumutulo ang mga luha.

"Pakiusap, pakinggan mo ko. Patawarin mo ko sa lahat ng nagawa ko sa inyo ng kapatid mo. Matagal akong namang namuhay sa kadiliman, nagbulag-bulagan ako at hindi ko alam ang mga nagawa ko, pero ngayon namulat na ko sa katotohanan. Totoong pinagsisisihan ko na ang lahat ng kawalanghiyaan ko. Ano bang kailangan kong gawin para mapatawad mo ko? Kahit ano gagawin ko."

Padabog na nilayo ni Gavielle ang sarili sa bihag.

"Gusto mo malaman ano gagawin mo? Buhayin mo si Kuya Donello at lahat ng taong pinatay nyo."

Natahimik si Jiaruz sa sinagot ng dalaga, hindi malaman kung ano ang angkop na tugon sa kanyang imposibleng hiling.

"Ano natahimik ka? Kung hindi mo kayang gawin yun, nagsasayang ka lang ng laway. Hindi kita papatawarin kahit lumuha ka pa ng dugo."

Tuluyan nang nilayasan ni Gavielle ang bihag. Balak pa sana siyang habulin ni Jiaruz ngunit pinigilan siya ni Covel.

"Hayaan mo na muna siya, hindi pa ito ang tamang oras."

-Kuta ng Mersenaryo-

Pasikretong nagtungo sina Wharen at Demetria sa isang panuluyan kung saan nagkukuta ang mga mersenaryo. Halos walang pinagkaiba ang lugar sa mga karaniwang panuluyan pero ito ay may patagong palapag sa ilalim kung saan nagaganap ang mga negosasyon at transaksyon sa mga bayarang kriminal ng Kanluran. Sa unang sulyap mukhang masikip ang sikretong himpilan ngunit sa oras na makarating na sa baba, sapat na ang espasyo nito kahit na may kulob ang hangin at bahagyang napapaligiran ng dilim ang paligid.

Sumalubong sa kanila ang isang lalaking walang buhok, maskulado ang pangangatawan at may asul na mga mata na maangas tumingin. Kakaiba ang anyo nito kumpara sa karaniwang Kanluranin. Kasama niya ang dalawang lalaking naiiba rin ang anyo. Ang isa ay dambuhala, aabot sa walong talampakan ang laki at ang isa naman ay bansot na hindi lalagpas sa apat na talampakan.

"Naghihintay na siya sa inyo," saad ng lalaking kalbo.

Sinamahan niya ang magkasintahan sa kaloob-looban at doon nag-aabang na ang namumuno sa mga mersenaryo.

"Megalyon," pagbati ni Demetria nang muling makita ang Pinuno.

"Demetria, matagal-tagal tayong hindi nagkita," sagot ni Megalyon.

Nasa animnapung gulang na ang pinuno ng mga mersenaryo. Matangkad at payat ang anyo ngunit maganda pa rin ang tindig at postura.

"Ipinakikilala ko nga pala ang aking kasin...ang Mataas na Komandante ng mga Tagapuksa. Ang Komandante Wharen."

"Magandang araw, Wharen," nakangiting bumati si Megalyon. "Aba, isa itong pambihirang pagkakataon, hindi araw-araw sumasadya sa akin ang isang taong may mataas na posisyon gaya ng iyong sarili. Ikinagagalak kitang makilala."

"Ganoon rin ako, Megalyon," nakipagkamay si Wharen sa kanya. "Marami na rin akong naririnig tungkol sa'yo. Tanyag ka bilang isang bihasang mersenaryo dito sa Kanluran."

Napahalakhak ang matanda sa papuri nito. "Wala ng iba, pero syempre hindi ko matatamasa ang reputasyong ito kung hindi rin sa tulong ng mga tauhan ko. Pinakikilala ko rin pala si Mikhal, ang aking kanang kamay at si Tanzo at Guinto, ilan sa mga tauhan ko. Batikan na ang mga yan sa panghuhuli sa ulo ng sinumang puntirya nang aming mga suki."

Si Mikhal ang maskuladong lalaking walang buhok. Si Tanzo ang unano at si Guinto naman ang higante.

"Tutal naririto na kayo, huwag na nating patagalin ito," inalok niya ng mauupuan ang dalawa. "Ano ang maipaglilingkod namin sa inyo?"

Kinuha ni Wharen ang mensahe ng espiya at pinadulas niya ito sa mesa patungo kay Megalyon. Binasa ng Pinuno ang sulat, unti-unti itong napangiti at nanigla ang mga mata niya sa pagkamangha.

"Ang Prinsipe Covel ng Imperyong Cenpyre?"

Napakunot naman ang noo ni Mikhal sa narinig.

"Hindi ka nagkakamali, siya nga," kumpiyansang kinumpirma ni Wharen.

"Mukhang alam ko na kung saan ito patungo. Nais mong hingin ang tulong namin para hulihin ang nawawalang Prinsipe, tama ba?"

"Nakuha mo, ito nga ang pakay ko kung bakit tayo nag-uusap ngayon rito."

Bumakas sa mukha ng Pinuno ang maraming katanungan. Malinaw ang minimithi ng Komandante ngunit siya ay nagugulumihanan.

"Nakakapagtaka naman, marami kayong hukbong mga Tagapuksa, bakit hindi mo na lang siya patugis sa inyong pwersa, bakit sa amin pa kayo dumudulog ng tulong?"

"Masyado ng abala ang mga tauhan ko sa pagpuksa sa mga Itmai at Puttlan at isa pa, maselang at sensitibo ang impormasyong ito, wala pang nakakaalam bukod sa amin ni Demetria. Sabihin na lang natin na wala akong tiwala sa kakayahan ng mga tauhan ko, ang kailangan ko ay isang pwersang may ibubuga at hindi papalya sa mahalagang misyong ito."

Nakadagdag lamang ang sagot ni Wharen sa mga katanungan ni Megalyon. "Sandali lang, sabi mo wala pang nakakaalam. Ibig sabihin ba nito, kumikilos kayo ng patalikod sa Mataas na Panginoon? Hindi ka ba sasabit dyan pag nagkataon?"

"Hindi naman niya kailangang malaman. Ako lamang ang makikinabang dito. Kami lang ni Demetria at kayo...kung tatanggapin nyo ang aking alok."

Kinuha ni Mikhal ang sulat at siya naman ang bumasa.

"Kalokohan ang nilalaman ng sulat na ito, paano mo mapapatunayan na totoo ito?"

"Minsan nang naituro ng taong sumulat nito sa aking mga tauhan kung saan magtutungo ang Kapatiran, minalas nga lang at sila ay napaslang. Doon pa lang mapapatunayan nang may espiya sa kanilang grupo kaya di ko na pinagdududahan ang sinasabi niyang buhay at nasa puder nila si Prinsipe Covel."

"Nakausap mo na mismo ang espiyang ito?" Duda pa rin si Mikhal.

"Hindi pa, di pa siya nagpapakita sa akin sa personal."

Natatawang napailing si Mikhal sa sinagot ni Wharen.

"Naniniwala ka sa liham ng isang taong hindi mo pa nakikilala? Nagsasayang lang tayo ng oras dito. Wala pa rin akong tiwala sa sinasabi niya. Matagal ng nawawala ang Prinsipe at hindi siya nag-iwan ng bakas tapos ganun-ganun na lang, may magsisiwalat na kasama siya ng Kapatiran. Malay ba natin kung buhay pa talaga siya. Pinapaikot lang tayo ng Komandanteng ito, huwag kang maniwala sa kalokohan niya. Isipin nyo na lang anong ligalig ang idudulot nito sa Cenpyre sa oras na kumalat ang impormasyong ito."

Nagtitimpi na lamang si Wharen sa ginagawang pangongontra ng kanang kamay ni Megalyon.

"Sa pagkakaalam ko, si Megalyon ang kinakausap ko at hindi ikaw. Bakit ba apektado ka masyado at sabat ka ng sabat?"

"Pagpasensyahan mo na, Wharen. Dugong Cenpyre kasi itong si Mikhal kaya siya ang mas apektado sa nalaman."

Sumenyas si Megalyon kay Mikhal na manahimik na ito at huwag nang makisawsaw pa sa usapan at ito ay nanahimik na muna.

"Tatapatin na kita, Wharen. Ang usaping ito ay may katiting na importansya sa akin. Hindi ako Cenpyero, isa akong Kanluranin at mas mainam na hindi kami makisali sa problema ng Mataas na Emperador. Kung tutuusin, walang mawawala sa amin kapag tinanggihan namin ang iyong alok. Marami pa kaming tinatrabaho ngayon lalo na at tayo ay nasa digmaan at tiba-tiba rin ang makukuha naming pera kapag naisagawa namin ang mga ito."

Hindi papayag si Wharen na hindi niya mapasunod si Megalyon sa kanyang kagustuhan, susubukan niya itong kuhanin sa matatamis na pangako at kung hindi ito tumalab, wala siyang magagawa kundi idaan ito sa dahas, at sisimulan niya kay Mikhal na kanina pa niya pinanggigigilan.

"Naiintindihan ko naman, pero makinig kayo sa panukala ko, sa oras na madala ko sa Mataas na Emperador ang Prinsipe, tiyak na itataas pa niya ang posisyon ko bilang gantimpala. Kapag nangyari yun, isasama ko kayo sa pag-angat ko. Babayaran ko kayo sa halagang higit pa sa inaasam nyo. Isipin nyo na lang. Hindi nyo na kailangan pang maging mersenaryo, wala na kayong gagawin kundi maligo at magpakasasa sa dami ng salapi at gintong ibabayad ko sa inyo."

Napaisip nang masinsinan si Megalyon sa mga salita ni Wharen. "Sigurado kang tutuparin mo yan?"

"Walang duda," sagot ni Demetria. "Mapapagkatiwalaan mo kami."

"Ano, may kasunduan na ba tayo? Tutulungan mo na ba kaming mahuli si Prinsipe Covel?"

"Sige, tinatanggap ko na."

Umabot sa tenga ang mala-asong ngiti ni Wharen.

"Yan ang gusto kong marinig."

"Kailan ba natin pagpaplanuhan ang pagtugis sa kanya?"

"Ngayon na."

-Kanlungan ng Kanluran-

Matapos mananghalian, sinadya ni Covel si Gavielle na nagpapahinga sa kanyang tolda. Nahuhulaan niyang malamang apektado ito sa naging interaksyon nila ni Jiaruz kani-kanila lamang.

"Nakita ko kayo ni Jiaruz kanina. Alam kong hindi mo pa rin siya napapatawad sa lahat ng ginawa niya."

Napatingin si Gavielle sa binatilyo at muling bumalik ang pait sa kanyang noo at mukha. Gayunpaman, halata rin ang pagkalito sa kanyang mga mata at tila nagtatalo rin ang kanyang isipan kung tama ba ang ginawa niyang pagmamatigas o hindi.

"Gustohin ko mang patawarin siya, hindi ko magawa. Sa tuwing nakikita ko kasi ang mukha niya, para bang bumabalik sa akin lahat ng sakit na naramdaman ko noong hinuli, pinahirapan at pinatay nila si Kuya Donello. Kahit sabihin niyang nagsisisi na siya, hindi gaanong kadali kalimutan ang mga pagkakasala niya sa amin, sa atin."

Umupo si Covel malapit sa dalagita at tinignan ito ng rekta sa mata.

"Hindi naman kita masisisi kung yan ang nararamdaman mo. Sa totoo nga, gusto ko ring humingi ng tawad sa'yo dahil madalas akong tumataliwas sa'yo noon tungkol kay Jiaruz. Iniisip ko lang ano ang makakabuti sa lahat ngunit hindi ko man lang naisip kung gaano ka nahihirapan ka sa sitwasyon nyo."

"Talaga? Bakit mo naman nasabi yan?"

May pag-aalinlangan man, nagpasya ang binatilyo na ibahagi ang kanyang karanasan. Pakiramdam niya ligtas niyang maipapahayag sa dalaga ang sentimyento na walang panghuhusga. Minsan tenga lamang ng kaibigan ang kailangan upang mapagaan ang mabigat na kalooban.

"Kanina kasi, napanaginipan ko ulit ang pagtugis ng Emperador sa aking Ama. Kung ano ang naganap labing-apat na taon na ang nakakaraan, kapareho ang nasaksihan ko. Sasaglit lang to pero pagkagising ko, ramdam kong nag-uumapaw na ang galit ko para sa taong responsable sa lahat ng kasawiang dinanas ng pamilya ko. Matagal na panahon na ang nakalipas pero hanggang ngayon, hindi pa rin nababawasan ni katiting ang pagkamuhi ko kay Fierro, pati ang kagustuhan kong makaganti at pagbayarin siya sa lahat ng kasamaang ginawa niya sa akin."

"Paumanhin, hindi ko na sana inusisa pa," sambit ng dalaga. "Masalimout rin talaga ang pinagdaanan mo noon. Kaya pala hanggang ngayon bumabalik pa rin. Hindi dapat ito nangyari sa inyo."

"Ayos lang yun, Gavy. Huwag ka ring mag-alala. Nauunawaan ko bakit galit ka pa rin kay Jiaruz. Madaling sabihin sa ibang tao na magpatawad pero hindi ito madali kung ikaw na mismo ang kailangang gumawa. Kaya huwag mong pilitin ang sarili mo na patawarin siya kung hindi mo pa kaya. Kung ako nga, hindi ko magawang talikuran ang pagkasuklam sa taong malaki ang atraso sa akin, sino ba naman ako para husgahan ka?"

"Natutuwa at mas nauunawaan mo na ako ngayon. Nakukuha mo na ang pinanggagalingan ko."

"Basta kung kailangan mo ng masasandalan upang maibsan ang iyong mga problema at alalahanin, naririto lang ako palagi para sa'yo."

Sa tuwa ni Gavielle sa sinabi ni Covel, bigla siyang napayakap sa Prinsipe. Hindi ito inaasahan ni Covel ngunit ito ay ikinagalak niya rin. Napahawak siya sa likod ng dalaga at humigpit ang kanilang yakap. Napadilat ang mga mata ni Gavielle at kumalas siya sa pagkakayakap, bahagyang nahihiya. Natawa lamang si Covel at ito ay sinabayan niya. Muling napalingon ang dalaga sa Prinsipe na may malantik na tingin sa kanyang mata.

May kakaiba talaga sa mga tingin niya, hindi ko lang malaman kung ano. Siguro ganito lang talaga magpahayag ng emosyon ang mga babae, sa pamamagitan ng kanilang malalambing na mga mata, pero bakit para akong matutunaw tuwing tinitignan niya ko ng ganito?

-Kampo ng Kamatayan-

Matapos ang pag-uusap nila ni Megalyon, nagbalik si Wharen sa kampo nang walang nakakaalam na sila ay umalis. Pagpasok niya sa bulwagan ng mga Tagapuksa, nasorpresa siya nang makita si Lodell na maayos na at masigla.

"Panginoon, bumangon na kayo. Maayos na ba ang lagay nyo? Baka kailangan nyong magpahinga ulit muna ng ilang araw. Ako na ang bahala dito sa kampo."

"Hindi, Wharen. Maayos na ako. Nakapagpahinga na ako at nahimasmasan na," saad ni Lodell sa kanyang Komandante sa tonong higit na kalmado kumpara sa kung paano niya ito normal na kausapin.

"Mainam naman kung ganoon, natutuwa ako at nagbalik na kayo sa dati."

"Ako rin, siguro dapat ko ng sabihin kung ano talaga ang nangyari sa akin nitong nakaraan. Noong pumunta ako sa Cenpyre, nagpahula ako sa kilala kong manghuhula at isang masamang pangitain ang nakita niya. Sabi niya malapit ng magtapos ang aking pamumuno sa Kanluran nang dahil sa isang maputla o maitim na nilalang na siyang lilipol sa akin. Di mabura sa isip ko ang mga hula niya kaya tuluyan akong nanghina at nagkasakit."

Natigilan si Wharen nang ilang saglit, maging siya ay nagimbal rin sa ipinagtapat nito.

"Hindi dapat kayo naniniwala sa kanya, Panginoon. Halata namang imposibleng magkatatoo ang kanyang mga hula. Nasa inyong palad ang Kanluran, walang sinuman ang makakatalo sa lakas at kapangyarihan nyo bilang Mataas na Panginoon."

"Tama ka, sa ilang araw na ako ay namahinga, napagtanto kong wala akong dapat ikabahala. Durog na durog na ang mga Itmai at Puttlan, wala na silang kalaban-laban sa atin at hindi magtatagal, tuluyan na natin silang mbubura sa Buong Lupain."

"Buo pa rin ang kumpiyansa ko sa inyo, Panginoong Lodell."

Napaakbay si Lodell kay Wharen. Nabigla ang Mataas na Komandante sapagkat ngayon lamang ito ginawa ng Panginoong pinaglilingkuran. Kahit noong bata pa siya, ni tapik sa balikat ay hindi niya natanggap mula rito.

"Maraming salamat, Wharen at patawarin mo rin sana ako kung madalas kong paboran si Jiaruz kumpara sa'yo. Sa nangyari ngayon, napatunayan ko na kung sino sa inyo ang mas tapat sa akin, at iyon ay ikaw. Parang anak na ang turing ko sa'yo. Buo ang tiwala ko sa kakayahan mo at alam kong kahit kailan hindi mo ko ipagkakanulo. Mapatawad mo sana sa mga salitang nabitawan ko."

Napangiti si Wharen sa pahayag ni Lodell, ngunit sa loob-loob niya, hindi niya alam kung ano ang kanyang iisipin, kung matutuwa ba siya, mayayamot o makokonsensiya?Narinig na niya sa wakas ang mga salitang inaasam niya sa Mataas na Panginoon subalit bakit ngayon pa kung kailan nagsisimula na ang kanyang pagtalikod sa kanya?

"Wala na sa akin yun, Panginoon. Ang mahalaga alam na natin ang katotohanan kay Jiaruz. Ano na ang susunod nating hakbang?"

Isang masamang ngiti ang ang nagpakurba sa bigote at balbas ni Lodell.

"Sa ngayon pagtuunan muna natin ng pansin ang mga bilanggo. Hindi ako naniniwala sa pangitain pero mabuti nang makasigurado. Tipunin mo ang ating pwersa. Sabihin mong doblehin, hindi, triplehin ang bilang ng pinapatay kada araw, ito ay pinatutupad ko sa lalong madaling panahon."

"Gusto ko yan, mas marami, mas masaya," sambit ni Wharen.

-Kanlungan ng Kanluran-

Pagkatapos ni Covel, si Pinunong Haurre naman ang nagpasyang kausapin si Gavielle tungkol kay Jiaruz.

"Nabalitaan ko sa Mahal na Prinsipe, sinubukan raw makipag-ayos sa'yo ni Jiaruz."

"Nahulaan nyo pa siguro ano ang kinahantungan ng usapan namin," tugon ng dalaga.

"Wala pa ring nagbago, ramdam kong sagad sa buto pa rin ang pagkasuklam mo sa kanya."

"Hindi ko pa po kayang patawarin siya, sariwa pa po ang sugat ko, hindi pa ko naghihilom. Napakabigat pa rin po sa kalooban na harapin at tignan siya."

Nagpakawala nang malalim na paghinga si Gavielle, para bang nasa bingit na siya ng pagluha ngunit pinipigilan niya lang. Umupo si Haurre sa parehong pwesto kung nasaan nagtungo ang Prinsipe kanina.

"Wala ako sa lugar para ipilit sa'yo na patawarin siya, subalit bilang pangalawa mong Ama nararapat lang na sabihin ko ito. Ang bigat na nadarama mo, hindi ito tungkol sa kanya. Masasaktan ka lamang niya kung hahayaan mo siya."

"Kung ganoon, ano po ito?" Walang muwang ang dalaga ngunit uhaw at desperado siya sa kasagutan.

"Galit, ito ang nagpapabigat ng iyong pasanin. Kapag sinubukan mong magpatawad, mapapagtanto mong doon na gagaan ang iyong kalooban."

"Paano ko po iyon magagawa?"

Napaisip muna ng paraan si Haurre paano niya ito maitatatak sa isip ng dalaga at kumuha muna siya nang panghuhugutan.

"May isasalaysay ako sa'yo. May kilala akong isang Kawal. Mayroon siyang kabiyak na mahal na mahal niya. Sa sobrang pagmamahal, siya ang naging mundo niya ngunit isang araw napansin na lang niyang bigla na lamang nanlamig sa kanya ang kabiyak. Hindi nagtagal, nalaman niya ang masakit na katotohanan. Natuklasan niyang nangangaliwa ito sa kanyang matalik na kaibigan na tulad niya ay isa ring Kawal. Hindi niya matanggap na niloko at pinagtaksilan siya ng mga taong mahalaga sa kanya. Sinubukan nilang magpaliwanag pero sa tindi ng galit niya, nandilim ang kanyang paningin at pinaslang niya ang kaibigan. Pinilit na makipag-ayos ng asawa, lumuhod ito at humingi ng tawad. Nagmakaawa siya at humingi pa ng isang pagkakataon. Hindi siya pinatawad ng Kawal, bagkus bigla na lamang niyang sinaksak ang kanyang asawa. Bago lagutan ng hininga, ipinagtapat ng kanyang asawa na nagdadalang-tao ito sa kanilang anak. Hindi siya makapaniwala sa nagawa. Hindi niya maatim na napatay niya hindi lamang ang babaeng minamahal kundi pati ang kanilang anak. Napagtanto niyang hindi sana hahantong sa ganito ang lahat kung natuto lang siyang magpatawad. Nagkaroon sana siya ng masaya pamilya pero ang lahat ng ito ay hindi na nangyari dahil nagpadala siya sa kanyang galit at dadalhin niya ang mabigat na pasaning ito habang buhay."

Halos kilabutan si Gavielle sa kwentong narinig.

"Nasaan na po ang Kawal ngayon?"

"Hindi na mahalaga kung ano na ang nangyari sa kanya at kung nasaan siya," tila umiiwas si Haurre na ungkatin pa ang tungkol aa nasabing Kawal.

Napansin ng dalaga na nanamlay ang mga mata nito at ilang minuto siyang nabalot ng katahimikan na para bang malalim pa sa karagatan ang kanyang pagninilay-nilay sa ibinahagi.

"Naunawaan mo ba ang kinwento ko sa'yo?" muli niyang binasag ang katahimikan.

Napatango si Gavy kahit na may bahid nang pag-aalinlangan.

"Ayokong magaya ka sa kanya at umabot sa puntong makakagawa ka ng isang bagay na iyong pagsisisihan, tignan mo, nagdulot nang hindi maganda ang hindi niya pagpapatawad. Alam kong mahirap ngunit ito ang tandaan mo. Hindi tayo nagpapatawad para lang sa taong may pagkakasala sa atin, nagpapatawad rin tayo dahil ito ang hihilom sa ating puso at magpapalaya sa ating sarili, sa hinanakit at galit. Hindi man ngayon pero sana balang araw mahanap mo rin sa puso mo na patawarin siya."

***

Pagkabalik ni Haurre sa kanyang himpilan, natagpuan niyang naroroon na si Jiaruz at nag-aabang sa kanya.

"Jiaruz, ano ang iyong sadya?"

"Tungkol ito sa alok nyo. Nakapagpasya na po ako," walang pagdadalawang-isip niyang sinagot.

***

Biglaan ang naging pagpupulong ng mga kasapi ng Kapatiran. Nagtipon-tipon ang lahat subalit sa kanilang pagkabigla, kabilang rito si Jiaruz na tinuturing ng lahat bilang kaaway. Naasiwa ang karamihan sa presensiya ng bihag habang ang iba naman ay naiilang sapagkat hindi sila sanay na may tagalabas na nakikinig sa pagpupulong.

"Mabuti naman at naririto na tayong lahat," sinimulan na ni Haurre.

"Tungkol saan ba ito, Pinuno, at bakit kasama ang ungas na yan?" Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Toro.

Napatingin si Haurre at Covel sa isa't-isa, sila pa lamang dalawa ang nakakaalam sa usaping kanilang pagdidiskusyonan. Alam nila pareho na hindi ito magiging madali sa lahat.

"May mahalaga akong sasabihin sa inyo. Kahapon nagkausap kami ng bihag. Naglatag ako sa kanya ng kasunduan at binigyan ko siya ng sapat na panahon para pag-isipan ang inaalok ko. Kanina nakakuha na ko ng sagot mula sa kanya. Ngayon, ikinalulugod kong ianunsyo sa inyong lahat na si Jiaruz ay nagpasya ng makipag-alyansa sa ating Kapatiran."

"Ano?" hindi makapaniwala si Toro sa nalaman.

Umani ng sari-saring reaksyon ang anunsyo ni Haurre tulad ng inaasahan nila ni Covel. Kaunti na lamang at nakahanda ng magprotesta ang karamihan sa kanila.

"Anong ibig sabihin nito, Pinuno?" tanong ni Ronis. "Kasapi na ba siya sa Kapatiran?"

"Sa ngayon hindi pa siya opisyal na kasapi, pero simula sa araw na ito makikipagtulungan na siya sa atin na pabagsakin si Lodell at ang mga Tagapuksa."

"Hindi ako naniniwala, siya makikipagtulungan sa atin? Imposible!" pinanindigan ni Toro. "Bakit naman niya gagawin yun, e kaaway niya tayo."

"Totoo yun, Toro," sumali na si Covel. "Nalaman na namin ang mga pinagdaanan niya, hindi siya kasing sama ng inaakala natin. Biktima lang rin siya ni Lodell, musmos pa lamang siya noong namulat siya sa mga maling turo ng mga Tagapuksa."

"Biktima? Baka nakakalimutan nyong isa siyang Tagapuksa. Isa siyang halimaw at kahit kailan hindi ko maibibigay ang tiwala ko sa kanya. Kung kaya niyang magtraydor at talikuran ang kanyang hanay, paano natin masasabi na hindi niya yun gagawin sa atin pagtatagal?"

Nagpasya si Jiaruz na ipagtanggol ang kanyang sarili sa mga batikos laban sa kanya.

"Malaki ang pagkakasala ko sa buong Kanluran, alam ko yun, pero maniwala kayo, muling binuksan ni Pinunong Haurre ang mga mata ko sa liwanag at katotohanan. Tinanggap niya ko hindi dahil sa nakaraan ko, kundi dahil sa kagustuhan kong itama ang aking mga pagkakamali at maging mas mabuting tao."

"Binibigyan ko siya ng isa pang pagkakataon. Ganoon rin sana ang gawin nyo," nakiusap ang Pinuno.

"Ano ito? Ganun-ganun na lang, tatanggapin na lang natin siya basta? Hindi ito patas sa lahat ng mga kasapi at mga taong namatay nang dahil sa kanya."

Walang balak magpatinag si Toro at marami pa rin ang sumang-ayon sa kanyang himutok. Maluha-luha si Jiaruz sa kanilang pangungutya.

"Hindi ko kayo masisisi kung hindi nyo ko matatanggap, kahit ako kinamumuhian ko pa rin ang aking sarili sa lahat ng kasamaang naidulot ko sa inyo at sa Kanluran."

"Huwag ka ng magpaawa, ang mga taong katulad mo hindi basta nagbabago!" saad ni Nolan sa bihag.

Napalingon si Toro kay Gavielle na kanina pa nananahimik at nakikinig lamang sa nagaganap na tensyon.

"Ikaw, tatanggapin mo ang taong ito kahit na siya ang dahilan kung bakit namatay ang kapatid mo?"

"Galit pa rin ako sa kanya at hindi ko pa rin siya napapatawad," diretsong sinagot ni Gavy. "Wala akong tiwala sa kanya, pero may tiwala ako kay Pinuno. Kung sasabihin nyang ito ang makakabuti at makakatulong sa atin, susuportahan ko ang kanyang desisyon."

"Maraming salamat, Gavy," ikinatuwa ni Haurre ang kanyang sinabi. "Ngayon magtaas na ng kamay sino ang sang-ayon, maliban kay Gavielle at sa Mahal na Prinsipe."

Lumipas ang ilang minuto ngunit wala pa ring nagtataas hanggang sa tumindig si Jualem at tinaas niya ang kanyang kamay.

"Handa akong bigyan siya ng tsansa. Dati siyang Tagapuksa, siya ang mas nakakaalam sa operasyon nila at malaki ang maitutulong niya sa ating layunin kung talagang kakampi siya."

Sumunod namang nagtaas si Ancho. Sabay na nagtaas sina Buto at Bilbel. Hindi nagtagal, nagsunuran na rin ang iba pa, pwera na lang sa grupo ni Toro na hindi pa rin sang-ayon.

"Toro?" tanong ng Pinuno.

Napailing si Toro na may pagkaasar sa kinahinatnan ng pagpupulong.

"Wala naman na ako magagawa, marami ang sang-ayon. Gayunpaman, hindi ko pa rin magagawang ibigay ng buo ang tiwala ko sa kanya hanggang hindi niya napapatunayan ang kanyang sarili na talagang kumakampi na siya atin. Kailangan kong makakita ng aksyon bago ko siya tanggapin. Huwag nyo lang ako sabihan na hindi ko kayo binalaan kapag sinasaksak niya kayo sa likod."

"Magandang punto, Toro," nakakuha ng ideya si Haurre. "Kailangan niya munang patunayan ang kanyang sarili nang sa ganoon maibigay na natin ng buo ang tiwala natin sa kanya. Nakahanda ka na bang gawin ang ipapagawa ko? Tutulungan mo na ba ang Kapatiran?"

"Handa na ako, tutulungan ko kayo sa mga nalalaman ko. Sabihin nyo lang kung ano ang nais nyong ipagawa. Kahit ngayon mismo nakahanda ako," taas-noong tinanggap ni Jiaruz ang hamon.

Bago pa makasagot si Pinuno, nagmamadaling dumating si Tukmul na may dalang importanteng ulat.

"May nasagap akong balita. Pinapamadali na ni Lodell ang pagpuksa at pagpatay sa mga Itmai at Puttlan. Nais niyang doblehin o triplehin ang napapatay kada araw."

Ikinabahala ng lahat ang mas tumitindi pang sitwasyon. Maisip pa lamang ni Covel ang mga kaawa-awang Itmai at Puttlan na papatayin, hindi na siya mapakali sa kanyang kinarorooonan.

"Kung ganun kailangan na talaga nating kumilos," atas ni Pinunong Haurre. "Jiaruz, ngayon namin lubos na mapapakinabangan ang tulong na maibibigay mo. Oras na para kumilos. Susugurin na natin ang mga Kampo."

Hindi makakurap si Covel, ganoon na rin sina Jiaruz at Gavielle lalo na at mas titindi na ang laban na kanilang haharapin.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro