Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 16: Saraphine

-Palasyo-

Walang tinag ang tingin ni Saraphine sa dalawang gamit na nakalapag sa may patungan ng salaminan. Magkatabi ang piraso ng tela at ang tarak na sumisimbolo sa dalawang bagay. Ang piraso ng tela para sa dugong dumanak at buhay na tinuldukan habang ang tarak naman para sa hustisya at katarungan.

Sunod na napasilay ang dalaga sa kanyang repleksyon sa walang kasing linaw na salamin at napagtanto niya kung gaano kaaya-aya ang kanyang anyo.

Sa wakas magagamit ko na rin ang biyayang ipinagkaloob sa akin.

Ngayon na ang araw ng paghuhukom at nakahanda na siyang dalhin si Rigo sa impyerno kung saan nababagay ang mga kagaya niya. Matitikman niya ang pait ng kanyang paghihiganti. Lahat ng ito ay dapat maisakatuparan ngayong araw.

Mapusok ka, pwes gagamitin ko ang kahinaan mo para mapunta ka sa bitag ko.

***

Wala ng inaksayang oras si Saraphine. Tinahak niya ang daan patungo sa silid ni Prinsipe Rigo. Habang papalapit sa yungib ng halimaw, pabilis rin ng pabilis ang tibok ng puso ng dalaga, hindi dahil sa kaba kundi dahil sa nagliliyab niyang pagkasuklam sa walanghiyang pumaslang kay Pinang. Pagkatapat sa pinto, napakagat sa labi ang dalaga sa panggigigil ngunit nagpakawala siya ng malalim na paghinga at tinimpi ang sarili. Inalis niya ang tatlong maliliit na butones ng kanyang pang-itaas na damit nang sa ganoon ay maging kapansin-pansin ang kanyang dibdib, pagkatapos kinatok na niya ang pinto ng Prinsipe.

Nagising si Rigo nang marinig ang katok. Madalas napupuyat ang Prinsipe sa pagroromansa nila ng Reyna kaya naman tanghali na itong nagising.

"Sino ba yan? Istorbo naman," napabangon si Rigo na wala pa sa wisyo at sabay napakamot ng ulo.

Pagkabukas niya, hindi niya inaasahan ang nasa kabilang banda ng pinto. Si Saraphine na may hawak na isang malaking buslo.

"Magandang araw po, Mahal na Prinsipe," binati siya ni Saraphine sa pinakamahinhing tonong kaya niyang gawin. Hindi niya maaaring ipahalata ang kanyang galit at umasta siya na gaya ng karaniwan. Nang may galak at ngiti sa kanyang ekpresyon.

"Anong ginagawa mo rito?" tanong ni Rigo na tila yamot at hindi masaya sa presensiya ng dalaga. Siya ba naman ang naantala ang tulog sa pagkatok nito.

"Maglalaba po ako ng mga damit, naisip ko lang po na baka gusto nyo pong ipasabay ang mga kasuotan nyo."

"May iba akong tagalaba."

"Lumuwas si Manang Ruella para puntahan ang maysakit niyang anak, kaya ako po muna ang natoka sa paglalaba ngayon."

Napabuntong-hininga ang Prinsipe, "Sige, isama mo na yung sakin."

"Hakutin ko lang po," pagpapaalam ni Saraphine.

Pumasok siya sa loob at sinimulan niya ang paghahakot ng mga nakablandrang kasoutan ni Rigo sa sahig, habang ang Prinsipe naman ay nakatayo lamang sa kanyang pwesto. Sinadya ni Saraphine na yumuko malapit sa harap ni Rigo nang sa ganoon ay makita nito ang kanyang dibdib at iyon nga ang nangyari. Bahagyang napasilip ang Prinsipe sa kanyang suso na halos kalahati na ang kita noong siya ay yumuko. Agad na inalis ng Prinsipe ang mga mata niya sa katulong, pilit nitong iniiwasan ang kanyang pagnanasa.

Sige lang, tignan natin hanggang kailan ka makakaiwas.

Nagpatuloy lamang si Saraphine sa paghahakot, marami-rami ang maruming damit ng Prinsipe at napuno ang kanyang buslo. Higit pa ang pagkabalasubas nito sa inaakala niya. Huli niyang kinuha ang malaking balabal ni Rigo at sa loob mayroon siyang nakapang isang matigas na bagay, ang korona ng Prinsipe. Isang ideya na naman ang pumasok sa isip ni Saraphine para mapalapit sa kanya si Rigo.

Nilagay niya ang balabal sa buslo at hindi niya pinaalam sa kanya na naroroon ang kanyang korona.

"Tapos ka na ba?" Naiinip na si Prinsipe Rigo na ito ay umalis sa kanyang kwarto.

"Opo, Kamahalan, sige po at lalabhan ko na po ang mga ito."

Walang sinagot sa kanya si Rigo at agad nitong sinara ang pinto.

***

Ngayong tapos na ang misyon niyang tulungan ang isa sa kaanak ng mga biktima ni Rigo, isang tao na lamang ang nais pagtuunan ng pansin ni Rionne: si Sara. Hanggang ngayon ay nahihiya pa rin siya, hindi lang sa dalaga kundi sa sarili niya, kung paano siya umasta ng ganoon. Marami siyang hindi magagandang salitang nasambit sa dalaga at hindi niya ito masisisi kung ito ay magdaramdam sa kanya. Hindi naman tama na magwala siya at magloko sa buhay porket tinanggihan ni Sara ang alok niyang pag-ibig, at lalong hindi rin tama na pagdiskitahan niya ito sa kanyang kabiguan.

Wala siyang hinahangad ngayon kundi makausap ang dalaga, makapagpaliwanag, humingi ng tawad at higit sa lahat, palayain ito. Handa na siyang tanggapin na hanggang kaibigan lamang ang turing ni Sara sa kanya, ayaw niya lang talaga na mawala ito ng tuluyan sa kanyang buhay. Mas nauunawaan na rin niya na hindi niya kontrolado ang damdamin ni Sara at dapat niyang respetuhin anuman ang kanyang pasya.

Nagpunta ang Prinsipe sa silid ng mga kasambahay ngunit pagkarating niya na roon, walang sinumang kaluluwa ang naroroon. Lahat ay abala na sa kani-kanilang toka. Papaalis na sana si Rionne nang pumukaw sa kanyang pansin ang isang plorera na nakapatong sa mesa malapit sa pwesto ni Saraphine. Lumapit ang Prinsipe at tila pamilyar sa kanya ang bulaklak.

Hindi nagtagal nang mapagtanto niyang ito ang bulaklak na binigay niya kay Sara noong tinanggahin nito ang pag-ibig niya. Ang buong akala niya ay naitapon na ito at nalanta na mula noong hinagis niya ito sa balkonahe, pero ngayon nalaman niyang buhay ito at pinakaiingatan ni Sara.

Napangiti si Rionne at ginanahan. Nagkaroon siya ng katiting na pag-asa na baka may tsansa pa siya sa puso ng dalaga.

***

Luminis ang kwarto ni Prinsipe Rigo nang kuhanin ni Saraphine ang kanyang mga damit at ibang abastos. Sa sobrang linis, tila siya na lang ang natirang kalat. Maya-maya, napansin ng Prinsipe na parang may nawawala at kulang sa kanya: ang kanyang korona. Naghalungkat siya sa kanyang mga aparador at estante kung saan niya itinatago ang kanyang mga lihim na kalat, ngunit hindi niya ito makita. Sunod niyang hinalughog ang ibabaw at ilalim ng kanyang kama, ganoon na rin ang mga unan ngunit wala rin doon.

"Saan ko ba yun nailagay?"

Pilit na inalala ni Rigo at bumalik sa kanyang gunita ang nangyari kagabi sa kanila ni Reyna Helena. Naalala niyang nailapag niya sa sahig ang Korona kasama ng makapal niyang balabal. Isa ang balabal sa hinakot ni Sara kanina para labhan. Nagmadali siya papalabas ng kanyang silid.

Samantala, sa sulok ng Palasyo, kasalukuyan ng naglalaba si Saraphine ng mga kasuotan ni Rigo. Nakasuot siya ng bestidang dilaw na walang manggas at may kaiklian ang pang ibaba. Pinili niya talagang isuot ang pinakamaikli at pinakalantad na kasuotang mayroon siya. Mabuti na lang at mayroon siyang nakita sa mga gamit ni Pinang na kanyang nadala. Para bang kahit sa kabilang buhay ay tinutulungan siya nitong makamit ang hustisya para sa kanya. Inikot ni Saraphine ang paningin. Nag-aabang-abang siya sa paligid, alam niyang darating si Rigo para kuhanin ang korona niya.

Gaya ng kanyang inaasahan, sumulpot si Rigo sa may bakuran, kalahating oras lamang ang nagdaan. Namataan niya si Saraphine na naglalaba sa hindi kalayuan. Natigilan ang Prinsipe nang mapagmasdan ang dalaga. Hindi niya mapigilang matulala sa maputi at makinis na braso nito. Mapanglantad ang kanyang itaas kung saan kapansin-pansin ang guhit sa kanyang dibdib. Ganoon rin ang kanyang maikling pang-ibaba na nagpapakita ng kanyang namimintog at makinis na biyas na maihahalintulad sa isang labanos. Hindi rin kumawala sa mata ni Rigo ang kurba ng pangangatawan ng dalaga na bumakat dahil sa masikip na bestida. Ngayon lamang niya nakitang ganito ang katulong sapagkat sanay siyang nakikita itong balot na balot at nakadamit na parang basahan. Sa sobrang pagkahalina, muntikan ng malimutan ni Rigo kung ano ang tunay niyang sadya.

"Prinsipe Rigo, kayo po pala," tinawag siya ni Saraphine na may maaliwalas na ngiti sa kanyang mukha. "Ano pong maipaglilingkod ko?"

"Ah, wala naman," pinigil ni Rigo ang kanyang sarili. "Babawiin ko lang ang korona ko, tanda ko naipulupot ko pala sa balabal ko na nasama mo sa mga labada."

"Ito po ba?" Tumayo si Saraphine at inabot ang korona sa Prinsipe.

"Yan nga, maraming salamat," mahinahong kinuha ni Rigo ang korona.

"Nakita ko nga po yan nung maglalaba na ko, babalik ko po sana pagkatapos ng mga labahin ko."

"W-wala namang problema, basta sa susunod lang, busisiin mo muna ang mga gamit ko bago mo hakutin."

"Masusunod po. Hindi na mauulit."

"Sige, babalik na ko," nagmadaling tumalikod si Rigo, umiwas siya na animo'y napapaso sa kagandahang taglay ni Saraphine.

"Ingat po."

Habang naglalakad si Rigo, napatingin si Sara sa basang sahig at may naisip na namang patibong ang dalaga.

Papalayo na ang Prinsipe nang marinig niya ang malakas na paglagapak at ang paghiyaw ng dalaga. Pagakalingon niya, natagpuan niyang nasa sahig si Sara at namimilipit. Malamang nadulas ang dalaga sa basang sahig.

"Aray, aray ko po," daing ng dalaga at siya ay napaungol sa sakit.

Agad na tumakbo si Rigo upang tulungan ang dalaga. "Ayos ka lang ba?"

"Opo, konting dulas lang."

Lumuhod si Rigo at nakita niya nang malapitan ang namimintog na hita ng dalaga, may napansin itong kulay pula sa dilaw na bestida. Inangat niya ito at nadiskobre niyang nasugatan si Sara, hindi naman kalakihan ang gasgas ngunit nagdurugo.

"May sugat ka."

"Wala po ito, malayo sa bituka."

"Kailangan nating takpan nang maiwasan ang pagdurugo."

Marami ka talagang alam sa dugo, kriminal ka!

Naghanap si Rigo nang mailalapat sa sugat pero wala siyang nakita kaya pinunit na lamang niya ang maikling tela ng kanyang puting damit at ito ay ikinabigla ni Sara. Sumagi sa imahinasyon niya na sa ganitong paraan pinunit ng Prinsipe ang damit ni Pinang. Napansin niyang bihasa na talaga ito sa pagpunit ng tela. Nilagay niya ito at ginawang benda sa sugat ni Sara.

"Ang damit nyo."

"Mapapalitan ito, mahalaga malunasan ang sugat mo."

Natapos siya sa pagtali sa kanyang hita. Sa kanyang kilos, hindi lubos aakalain ninuman na kaya nitong manakit ng langaw.

"Salamat po, Mahal na Prinsipe."

"Walang problema."

Napangiti nang matamis si Sara sa kanya. Si Rigo naman ang sumunod na gumanti ng ngiti sa kanya, pagkatapos pasimple ulit siyang napatingin sa maputing braso at magandang katawan ng dalaga.

Sige lang, titigan mo ko, mabaliw ka sa ganda ko.

Dahan-dahang inalalayan ni Rigo si Sara patayo. "Kaya mo na ba?"

"Opo, wala namang napilay sa akin."

"Sigurado ka, maaari ako magpautos ng ibang maglalaba kung hindi mo pa kaya."

"Hindi na po kailangan, kayang-kaya ko po."

"Sige, maiwan na kita."

"Maraming salamat po ulit, Prinsipe Rigo."

Sinagot siya ulit ng Prinsipe nang isang ganadong ngiti bago tuluyang umalis.

Sumama ang mukha ng dalaga nang bahagyang kumirot ang sugat niya ngunit hindi na lamanh niya ito ininda dahil sulit naman ang lahat ng ito.

"Tumatalab na ang pang-aakit ko, sa ikatlong pagkakataon, papakainin na kita ng alikabok."

***

Mag-isang nakatulala si Rigo sa kanyang silid. Mula kanina, hindi na mawaglit sa isip ni Rigo ang imahe ni Sara. Siya lamang ang babaeng inaasam nya ngayon at tuluyan ng natabunan ang pagpapantasya niya sa Reyna. Iba pa rin ang tama niya sa dalagang ito kumpara sa lahat ng babaeng kinahumalingan at nabiktima niya. Pursigido siyang gawin ang isang bagay, dapat makuha niya ito, kung hindi, baka kung ano pa ang magawa niya at lalo pang lumala ang kanyang kondisyon.

Maya-maya, habang siya ay nakahiga, nakarinig siya ng katok sa kanyang pinto. Nagmadali siyang buksan ito.

"Sara, ikaw ulit." Abot tenga ang ngiti ni Rigo sa presensiya ng dalaga. "Kamusta ang binti mo?

"Maayos naman po, nakakalakad pa."

"Mabuti naman," ibang-iba na ang pakikitungo niya sa dalaga ngayon kumpara noong una itong kumatok kaninang umaga.

"Naparito po ako para ibigay ito sa inyo, bilang pasasalamat sa paglitas nyo sa akin."

Inabot niya ang mga bagong gawang galyetas mantikilya kay Rigo at ito ay kinatuwa niya.

Kumuha siya ng ilang piraso at tinikman ito. "Masarap ah. Magaling ka pala gumawa nito, pero hindi naman na kailangan, nag-abala ka pa."

"Maliit na bagay lamang po ito pambayad sa pagtulong nyo sa akin kanina. Maraming salamat ulit kanina, ang sarap pala sa pakiramdam na may nag-aalaga gaya ng pag-aalaga nyo sakin."

"Talaga? Napasaya kita?"

"Opo. Huli ko po itong naramdaman noong kasama ko pa ang dati kong nobyo. Sa totoo nga po, hindi pa sapat ang mga ito para makabawi ako sa inyo. Parang kailangan may gawin pa ko."

"Ano naman ang nais mo?"

"Kayo po," maikli ngunit may pahiwatig sa sagot ni Saraphine.

Tila kiti-kiting hindi mapakali sa Rigo sa loob-loob niya, hindi niya maipaliwanag ang pagkaligalig kay Sara. Para siyang may matinding kati na kailangan kamutin sa lalong madaling panahon kundi siya ay masisiraan.

"Kung ano pong gusto nyo, gagawin ko," dugtong ni Saraphine sa tonong higit na mapang-akit. "Kahit ano."

Bahagyang sinara ni Rigo ang pinto sa pagnanasa niyang solohin ang dalaga sa kanyang kwarto. Nahuhulaan na ni Sara kung saan patungo ang ganitong galawan ng Prinsipe. Ang lahat ay umaayon na sa plano.

"Paano kung sabihin kong isa lamang ang gusto ko at iyon ay ikaw. Mapapagbigyan mo ba ako?"

"Wala na akong hihilingin pa," lumapit si Sara sa agwat na naaangkop lamang sa mga magkarelasyon at napakagat sa kanyang labi. "Kaparehas nyo talaga ang tipo ko sa lalaki. Malakas, matikas, kayo akong ipagtanggol, alagaan at higit sa lahat...pasayahin."

Pinulupot ni Sara ang mga kamay sa leeg ni Rigo pagkatapos hinawakan niya ang mga kamay nito at pinwesto sa kanyang baywang. Tinitigan niya nang walang kasing lantik ang Prinsipe, halos matunaw na ito. Tuluyan na niya itong nabihag sa kanyang mapanganib na kagandahan.

Hinimas ni Rigo ang baywang ni Sara papataas, patungo sa kanyang suso. Dahan-dahan nitong tinanggal ang tatlong butones ng kanyang damit.

"Ano pang hinihintay mo?" paanyaya ni Saraphine. "Iyong-iyo ako."

Hindi na nakapagpigil pa si Rigo, sa hudyat ni Sara, sinunggaban na niya ang dalaga at nilantakan ng halik ang bibig nito. Hindi nasarapan si Sara sa magaspang na labi ni Rigo at sa kanyang gigil at bara-barang atake, para sa kanya ito ay dala lamang ng libog ng laman, na salungat sa pinaranas sa kanya ni Aric na puno ng pagmamahal at masimbuyo. Gayumpaman, ipinagpatuloy pa rin niya ang pakikipaghalikan sa Prinsipe. Kung gagawin na niya ito ngayon, mabuti pang itodo na niya.

Sa wakas, kumagat ka na sa pain ko! Ito na ang huling na bagay na gagawin mo! Ito na ang huling araw mo sa mundo!

Sunod na hinagkan ni Rigo ang maputing leeg ng dalaga at pilit itong pinapapak na parang isang putahe. Lingid sa kanyang kaalaman, nakahanda na ang tarak ni Saraphine na nakakabit sa kanyang hita at kinukubli ng kanyang palda. Habang siya ay nilalamon ng Prinsipe, pasimpleng napahawak rito ang dalaga.

Ilang saglit na lang at maisasagawa na niya ang paghihiganti niya. Mabibigyan na niya ng katarungan si Pinang. Isang saksak lang ang kailangan at siya ay tapos na.

Samantala, sa may bulwagan sa labas, naglalakad si Rionne na dala-dala ang bulaklak na binigay niya kay Sara. Nagagalak siya nang malaman niyang pinahahalagahan pa rin pala siya ng dalaga.

Habang naglalakad, nakarinig siya ng kakaibang ingay mula sa silid ni Rigo. Alam niya ang ganitong tunog, narinig na niya ito sa taberna. Ang tunog ng mga paghalik.

Maingat na sumilip si Rionne. Halos lumuwa ang mga mata niya sa pagkagulat at nabitawan niya ang hawak na bulaklak. Nasaksihan niya si Rigo sa may sulok, pinupupog niya ng halik ang leeg ni Sara. Noong mga panahong yun, muling bumalik sa Prinsipe ang lahat ng krimeng nagawa ng kanyang pamangkin at nagsimulang mandilim ang paningin niya.

Sa kanyang pwesto naman, handa nang ilabas ni Saraphine ang tarak at tapusin si Rigo, itataas na niya sana ang armas nang biglang-

"Lumayo ka sa kanya!"

Narinig nila ang nag-aalborotong sigaw ni Prinsipe Rionne at agad na pinasok ni Sara ang tarak sa kinalalagyan nito.

Sumugod si Rionne na parang isang mabangis na hayop at walang pagdadalawang-isip niyang pinatikim ng kanyang kamao si Rigo na siyang nagpabagsak sa kanya sa sahig.

"Prinsipe Rionne!"

"Huwag kang makalapit-lapit sa kanya!" Banta ni Rionne. "Hindi ako makakapapayag na pati siya babuyin mo!"

Sinuntok niya si Rigo sa kanang pisngi at sumunod naman ay sa kaliwa. Nagdugo ang mukha ng Prinsipe.

"Tama na," inawat siya ni Sara ngunit hindi ito nagpatinag.

Napabangon si Rigo at siya naman ang gumanti ng suntok kay Rionne na siyang nagpahigas sa kanya sa kabilang direksyon ng silid.

Susuntukin pa sana ng nakababatang Prinsipe ang tiyuhin ngunit nakailag si Rionne. Muli siyang nakaisa sa pamangkin. Napatalsik niya ito sa may mesa at siya ay natabunan ng mga galyetas.

Hindi pa tapos sa paglusob si Rionne ngunit humarang na si Sara sa harap ni Rigo.

"Huwag!" hindi makapaniwala ang dalaga, hindi niya lubos akalain na ganito ang magiging takbo ng mga pangyayari. Wala ito sa kanyang plano.

Unti-unting nahimasmasan si Rionne sa presensiya ng iniirog, binaba niya ang kamao at siya ay kumalma na. Hinawakan niya nang mahigpit ang braso ng dalaga sa pag-aalala. Siniyasat niya ang leeg at braso niya sa kagustuhan niyang protektahan ito.

"Sara, ayos ka lang ba? Pinagsamantalahan ka ba niya? Sabihin mo sa akin."

"Rionne, nagkakamali ka."

Napakunot ang noo ni Rionne sa sinagot ni Sara.

Mula sa pinto, sumulpot si Reyna Helena at namataan niyang nakahandusay ang Prinsipe sa sahig.

"Rigo! Anong nangyayari rito?"

Labis ang pag-aalala niya nang makita niyang bugbog-sarado at duguan ang mukha ng Prinsipe.

"Anong ginawa nyo sa kanya?" Nanggagalaiti niyang tinanong kay Sara at Rionne.

"Walanghiya ka!" sigaw ni Rigo sa kanyang tiyuhin. "Sa oras na malaman ito ni Ama, tapos ka na!"

***

Magkakasamang nagtungo sa Pangunahing Bulwagan sina Saraphine, Reyna Helena at ang dalawang Prinsipe. Walang kamalay-malay ang Hari sa mga kaganapan at siya ay napatayo sa kanyang trono nang makita niya ang lagay ng anak at kapatid.

"Rigo, Rionne, ano na namang gulo to?" Napailing si Rucaz sa kunsumisyon. "At bakit kasama si Sara?"

Sinamantala ni Helena ang pagkakataong ito upang idiin si Sara at Rionne. "Naabutan ko ang magaling mong kapatid at ang katulong na yan! Pinagkakaisahan nilang kuyugin si Rigo, kaawa-awa naman ang anak mo."

"Huwag kang sumabat, Helena, hindi ikaw ang tinatanong ko, Rionne ikaw ang magsimula, ano ba talaga ang nangyari? Bakit bugbog-sarado ang anak ko?"

Tumindig si Rionne na taas-noo, hindi siya natatakot na magtapat sa Hari.

"Nakita ko si Rigo sa kanyang silid, hinahalikan niya si Sara at sa tingin ko labag ito kanya. Nahuli kong pinagsasamantalahan nya ito! Pinagtanggol ko lang siya, hindi ako makapapayag na pati siya maging biktima ng anak mo, hindi na ako mananahimik! Wala na kong pakialam kung maungkat na ang lahat ng kalokohan niya, dapat may pumigil sa kanya! Kung hindi nyo kaya, ako na lang ang gaga.."

"Tama na, Rionne, nasabi mo na ang nais mong sabihin," nag-iingat si Rucaz na baka may masabi pa ang kapatid tungkol kay Rigo habang naroroon ang kanilang katulong kaya pinigilan niya ito. Tinuon na lamang niya ang pansin sa anak. "Rigo? Magpaliwanag ka. Totoo ba ang nakita ng Tiyo Rionne mo? Binabastos mo ba si Sara?"

Pinunasan muna ni Rigo ang duguang labi bago ngumisi, "nakita niya nga na hinahalikan ko si Sara, pero nagkakamali siya ng paratang sa akin. Bigla na lang niya ako sinugod ng walang kalaban-laban nang hindi inaalam ang nangyari. Palibhasa may pagtatangi rin siya kay Sara kaya binugbog niya ko! Ang totoo, parehas naming ginusto ang nangyari sa silid. Kung ayaw nyo kong paniwalaan, tanungin nyo si Sara. Siya ang magpapatunay para sa akin."

Napayuko si Sara nang mabanggit ni Rigo ang kanyang ngalan, hindi niya akalain na aabot pa sa Hari ang mga ginawa niya. Nabulilyaso na ang lahat.

"Sara, magsabi ka ng totoo. Ano ba talaga ang nangyari?"

Hindi niya magawang lumapit sa Hari sapagkat wala pa siyang naiisip na maidadahilan ngunit siya ay sinamahan ni Rionne.

"Sige na, Sara. Huwag kang matakot, sabihin mo sa Hari kung ikaw ay minomolestiya ni Rigo," kumpiyansa si Rionne na magsasabi ito ng totoo.

"Ang totoo po..." Tumingin muna siya sa nakatatandang Prinsipe na may pagkabahala bago ituloy ang sasabihin sa Hari. "Nagkakamali si Prinsipe Rionne."

Hindi akalain ni Rionne na ganito ang isasagot niya.

"Tama po ang lahat ng sinabi ni Prinsipe Rigo, naghahalikan kami at pareho naming ginusto yun."

Napangiti si Rigo sa pagpanig sa kanya ni Sara habang si Rionne naman ay natulala, ayaw man niyang paniwalaan ang ipinagtapat ng dalaga, nakikita niya sa mga mata ni Saraphine na totoo ito sa mga isiniwalat niya.

"Sara, tinakot ka ba niya para itikom ang bibig mo? Huwag kang matakot sa kanya," sinubukan pa rin niyang kumbisihin si Sara sa huling pagkakataon.

"Sandali, huwag mo siyang pangunahan. Sara, kung totoo na pareho nyong ginusto ang ginagawa nyo, paano humantong sa ganito ang lahat? May relasyon ba kayo ng anak ko?"

"Wala pong namamagitan sa amin. Kanina po kasi habang naglalaba ako, nadulas ako at tinulungan ako ni Prinsipe Rigo. Ginamot niya ang sugat ko. Nagtungo ako sa kanyang silid upang magpasalamat, pero dahil sa sobrang naantig ako sa malasakit  na ginawa nya para sa akin, pareho kaming nadala ng aming emosyon hanggang sa umabot na sa puntong hinayaan ko siyang hagkan ako at hinagkan ko na rin siya. Doon na po dumating si Prinsipe Rionne. Mali ang inakala niya at basta na lamang niyang sinugod si Prinsipe Rigo."

Nabalot ng katahimikan ang bulwagan. Napapailing si Helena at nagtitiis na lamang siyang hindi bulyawan si Sara sa nalaman. Nag-iingat rin siyang hindi mahalata ng Hari ang relasyon nila ni Rigo. Malinaw naman na kay Rucaz ang lahat. Abswelto na ang anak niya sa kasalanan.

"Ganun naman pala, dalawa na ang nagpapatunay na walang nangyaring pananamantala. Rionne, hindi tama ang ginawa mo sa anak ko. Sino ang nagbigay sa'yo ng karapatan para saktan siya? Isa ka talagang malaking ingrato!"

"Dapat siyang parusahan," sulsol ni Helena, "sa ginawa niyang pag-atake sa susunod na Hari."

"Rionne, mabuti siguro lumayo ka na muna sa amin ng pansamantala. Ayoko munang makikita ang pagmumukha mo sa Palasyo ko. Sa susunod na may gawin ka pa sa anak ko, may kalalagyan ka na."

"Ano? Anong sa susunod pa?" hindi sang-ayon rito ang Reyna.

Maging si Rigo ay taliwas rin sa pasya ng Ama.

"Ama, ang dapat sa kanya ay bitayin sa ginawa niya sa akin!"

"Sige, ituloy mo," nanghamon si Rionne, "gusto mo samahan pa kita papunta sa berdugo, akala mo ba natatakot akong mamatay para sa tama?"

"Magtigil na kayo!" napataas ang boses ng Hari. "Rionne, umalis ka na!"

Napatingin si Rionne kay Saraphine, isang tingin na may lumbay at hinanakit. Hindi matiyak ng dalaga kung ito ay dahil sa nalaman niya sa kanila ni Rigo o dahil sa inaakala nito na pinagtatakpan niya ang Prinsipe.

"Alis na!"

Tuluyang lumisan si Rionne at nakaramdam ng awa at simpatya si Sara para sa kanya. Batid niyang siya ang dahilan kung bakit ito nalintikan.

Muling pinagbuntunan ni Helena ang katulong. "Paano naman ang hampaslupang ito, ano ang gagawin mo sa kanya? Nakipaglandian siya sa oras ng trabaho. Malalang paglabag ito sa kanyang tungkulin."

Halo ang reaksyon ni Rucaz kay Sara, para bang nanghihinayang ito sa kanyang puri at sa kabilang banda naman ay nasusuya sa kanya.

"Sara, aaminin ko na nadismaya ako sa'yo. Akala ko pa naman isa kang simpleng dalagita, hindi ko akalain na mabilis ka palang bumigay sa isang lalaki."

"Kamahalan, humihingi po ako ng tawad. Inaamin ko po, may kasalanan rin ako pero hindi ko naman po ginustong magkagulo ang mga Prinsipe nang dahil sa akin. Masyado lang po akong nasabik. Minsan na po akong magmahal at iniwan ng isang lalaki. Kay Prinsipe Rigo ko po naramdaman ang pag-aalaga ng dati kong irog kaya ako nadala, wala pong nangyari sa amin ng Prinsipe. Patawarin nyo po ako. Maniwala po kayo sa akin, hindi po ako ganoong klaseng babae."

Walang epekto ang kanyang paliwanag sa namumuhing Reyna. Nakukutuban niyang nagpapalusot lamang ang dalaga at talagang inakit nito ang Prinsipe.

"Dapat sa kanya pinapalayas na rin dito sa Palasyo, hindi natin kailangan ng mga aliping makakati."

"Kamahalan, nakikiusap po ako, huwag nyo po akong alisin sa trabaho."

Napaisip nang taimtim si Haring Rucaz kung ano ang nararapat niyang gawin. Sa kabila ng pangyayaring ito, nananatili pa ring malambot ang puso niya sa dalaga.

"Sige Sara, palalagpasin ko ang nangyari pero gaya ni Rionne bibigyan na kita ng babala. Mula ngayon ayaw ko ng makikita kang lumalapit sa anak ko. Iwasan mo si Rigo hanggang maaari. Kapag nakita kitang lumalapit sa kanya, wala na akong magagawa kundi paalisin ka rito sa Palasyo."

Hindi malaman ni Saraphine kung ano ang mararamdaman niya sa kondisyon ng Hari, mahihirapan na siyang maisagawa ang paghihiganti kay Rigo lalo na at hindi na siya maaaring lumapit rito, pero sa isang banda wala naman siyang magagawa, kung hindi niya ito tatanggapin, siya ay mapapaalis na Palasyo at lalong hindi na niya magagawa ang mga plano niya.

"Maraming salamat po sa isa pang pagkakataon, pinapangako ko hindi na po ito mauulit."

"Aba dapat lang, hindi ko hahayaang malagay sa eskandalo ang Pamilya Royal. Sige na at maaari ka na ring umalis."

Pagkaalis ni Sara, sunod na kinausap ni Rucaz ang anak, "at ikaw bata ka, ilang beses ba kitang kailangang pagsabihan na timpiin mo ang pagkahayok mo?"

"Ginagawa ko naman, Ama, pero ibang klase kasi ang ganda nya."

"Tama na, ayoko nang marinig pa yan. Umiwas ka na sa babaeng yun."

Napangisi si Helena sa pahayag ng Hari. "Masyado kang mabait sa haliparot na yun, kung sa akin lang sinibak ko na siya."

"Marami na ang nangyari ngayong araw, Helena. Masakit na ang ulo ko, kaya pwede ba, huwag ka ng dumagdag pa!"

Nilayasan ng Hari ang anak at ang Reyna. Naiwan si Helena at Rigo na walang masabi sa isa't-isa. Isang masamang tingin lamang ang binungad ng Reyna sa Prinsipe.

***

Bumalik na si Saraphine sa kanyang silid na puno ng pagkabigo. Hindi niya nagustuhan ang kinahantungan ng araw na ito. Tinanggal niya ang tarak na nakakabit sa kanyang hita. Tinignan niya ito nang may panggigil at pagkatapos ay hinagis ng padabog sa kanyang kama. Ito na lamang ang napagbuntungan ng kanyang galit sa ngayon.

Kamatayan dapat ang inaasahan kong sasalubong sa kanya ngayon, hindi mga sugat at pasa!

Napaslang na sana niya si Rigo kung hindi dumating si Prinsipe Rionne para sirain ang lahat. Sa kabilang banda hindi niya rin naman masisisi ang Prinsipe, wala naman itong alam sa kanyang mga balak at ginawa lamang nito kung ano ang sa tingin niyang tama. Pinagtanggol lamang siya nito sa salarin. Nagawa lamang niya ito nang dahil sa pag-ibig.

Pesteng pag-ibig.

Sa nangyari ngayon, tila balik na naman siya sa umpisa. Kailangan niyang mapatay si Rigo nang hindi ito nalalapitan. Hindi siya titigil sa paghahanap ng paraan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro