Kabanata 16: Miya
-Kasaganaan-
Mahigpit ang pagkakahawak ni Datu Mortho sa palad ng kanyang apo na hanggang ngayon ay inaapoy pa rin ng lagnat. Hindi siya mapalagay na makitang matamlay at animo'y lantang gulay ang dating mapangahas at aktibong dalaga. Wala siyang ibang minimithi ngayon kundi ang magtagumpay si Aric at Leyro sa paghahanap ng lunas bago pa may mangyaring kalunos-lunos sa kanilang lahat. Batid niyang hindi ito magiging madali para sa dalawa sapagkat masukal ang kagubatan at madilim ang gabi.
Hindi nakabuti kay Miya ang paglisan ni Aric. Kahit ba nangako itong babalik siya ng ligtas dala ang lunas, hindi pa rin maibsan ang pag-aalala niya sa lalaking minamahal lalo pa at mapanganib ang tatahakin nitong misyon. Imbes na umayos, mas pinalala lamang ng kanyang pag-aalala ang kanyang karamdaman.
Aric, bumalik ka at iligtas mo kami sa panganib. Iligtas mo rin ang puso ko sa labis na pag-aalala.
***
Habang abala si Datu Mortho sa pagbabantay kay Miya, nakarinig siya ng galabog mula sa kabilang bahagi ng kubo. Natagpuan niyang kinukumbulsyon si Maahan sa kanyang pwesto habang si Marcio naman ay nananatiling walang malay.
"Maahan, anak!"
Nilapitan niya ito at nakita niyang tumitirik na ang mga mata nito sa tindi ng dumapong sakit.
"Nandito ako, magiging maayos din ang lahat, anak ko."
Niyakap niya nang mahigpit si Maahan at mga ilang segundo lang, unti-unti nang humupa ang pangingisay ng kanyang katawan. Dahan-dahan siyang binalik ng Datu sa kanyang higaan at hinipo ang pulso nito. Bumalik na sa karaniwan ang kanyang paghinga ngunit nananatili pa ring walang malay ang anak niya. Kahit papaano naman ay nakahinga na siya ng maluwag.
Hindi madalas tubuan ng takot si Mortho. Kaya niyang harapin ang Buktot at kung ano pang mababangis na hayop, ngunit noong mga panahong iyon, umabot sa sukdulan ang pagkagimbal niya para sa buhay ng anak. Hindi niya kakayanin kung mawawala sa kanya si Maahan na nag-iisa niyang anak at ang huling alaala mula sa kanyang namayapang kabiyak.
Nakarinig ng pagkatok ang Datu mula sa pinto. Naglakad siya gamit ang saklay at halata pa din ang panginginig ng kanyang mga hita sa pagkaligalig. Pagkabukas niya, naroroon si Leyla.
"Leyla, ikaw pala yan."
"Muhurya Ognos, Mahal na Datu."
"Muhurya Ognos din, Leyla," nagalak siyang malaman na marunong din pala ng kanilang lengguahe ang Tubong Leonesa.
"Nais ko lang po sana kayong kamustahin, lalo na po si Miya. Kamusta po kayo rito?"
Nagpakawala ng malalim na paghinga si Mortho bago magbigay tugon sa dalaga. "Hindi maayos ang lagay nila. Inaapoy pa rin ng lagnat si Miya. Ang mga magulang naman niya ay nangigisay pa rin at hindi pa nagkakamalay."
Hindi nagustuhan ni Leyla ang nabalitaan. "Nawa po ay mahanap na ang lunas nang gumaling na sila."
"Sana nga. Nang maibalik na sa ayos ang lahat. Ako naman ang mangangamusta sa inyo at sa mga katribo ko, ano na ba ang lagay nila?"
"Lumalala pa rin po ang lagay ng mga katribo nyo, pero wag kayong mag-alala, nakapagpasya na po kaming mga Leonesa na tumulong sa pag-aalaga sa mga may sakit, hindi naman po malala ang aming lagay. Ito lamang ang maigaganti namin sa kabutihan nyo."
"Maraming salamat sa inyo, Leyla. Hindi ko na nga alam ang gagawin ko. Ako lang ang nag-aalaga sa pamilya ko kaya di ko na magawang bisitahin at kamustahin ang iba kong katribo. Matanda na ako at hindi na ganoong katatag ang pangangatawan ko gaya noon. Sana maintindihan nila at huwag sumama ang loob nila sa akin."
Isang ideya ang pumasok sa isip ni Leyla. "Gusto nyo po bang tulungan ko kayo. Ako na po muna ang magbabantay kay Miya at sa kanila para mapuntahan nyo na po ang iba pang mga Myongan."
"Maganda ang suhestyon mo, apo. Sige, lalabas muna ako ng sandali, pupuntahan ko lang ang iba, ikaw muna ang bahala sa kanila. Alagaan mo ang aking mag-ina."
"Ako na po ang bahala sa kanila."
"Maraming salamat, tunay na busilak ang iyong puso."
Pagkaalis ni Mortho sinimulan ni Leyla ang pagbabantay at pag-aalaga kina Marcio, Maahan at Miya. Naghanda siya ng mga kagamitan sa pagluluto.
***
Pumasok si Leyla sa loob ng kubo ni Miya at may dala-dala itong mangkok na sa sobrang init umaabot sa itaas ng usok.
"Kamusta na, Miya," saad ng babaeng Leonesa sa nakaratay na dalaga.
Napadilat nang bahagya ang namimigat na mga mata ni Miya, malabo ang kanyang paningin ngunit sapat para makita kung sino ang nasa harapan niya.
"Leyla?"
"Ako nga, dinalhan ko po kayo ng makakain."
Hindi makapaniwala si Miya, noong nakaraan lamang sina Leyla at ang ibang Leonesa ang mas malala ang sakit kumpara sa kanila.
"Bakit naririto ka? Hindi ba dapat nagpapahinga ka? May sakit ka rin"
Napangiti si Leyla, "konting ubo na lang at pagaling na rin po ako. Huwag nyo na po akong alalahanin. Nagpaalam naman ako kay Datu Mortho na tutulong ako sa pag-aalaga sa mga maysakit kasama ng iba kong mga Katribo. Hayaan mong alagaan kita ngayon."
"Gagawin nyo yun? Maraming salamat sa inyo, Leyla."
"Walang anuman, ginagawa namin ito dahil tinulungan nyo rin naman ang aming Tribo."
Isang ngiting puno ng pasasalamat ang sinagot ng maysakit na dalaga sa kanya. Ibinaba ni Leyla sa kahoy na mesa ang mangkok, sinalop niya ang kahoy na kutsara at tinapat ito sa labi ni Miya.
"Kumain na po kayo."
Tinignan ni Miya ang sabaw ngunit...
"Wala akong gana, hindi ko yan malalasahan at malakas rin ang paghilab ng sikmura ko, baka masuka ko lang yan at masayang lang."
"Pilitin mo, kailangan mo to para bumalik ang lakas mo."
"Ano ba yan?" Usisa ni Miya.
"Sabaw ng luya at bawang na may halong pulot-pukyutan, hindi man nito lubusang mapapagaling ang sakit mo, pero maiibsan naman kahit papaano ang iyong lagnat. Subukan nyo po."
Napapayag na si Miya sa alok ni Leyla, hinayaan niyang subuan siya nito ng sabaw, kahit na hindi niya ito malasahan. Dahan-dahan ang ginagawang pagpapakain ng dalagita kay Miya hanggang sa maubos na niya ito. Pagkatapos, pinunasan niya si Miya gamit ang telang binabad sa katamtamang tubig.
"Parang sanay na sanay kang gawin ito."
"Opo, sanay po kaming mga Leonesa na maglingkod, karaniwan na po namin itong ginagawa sa aming mga Ama, kabiyak at mga anak. Sa amin, dapat handang pagsilbihan ng babae ang lahat ng lalaking Leon sa kanyang pamilya. Wala kaming utos na hindi dapat sundin. Ito daw po ang tanging tungkulin namin bilang isang babae at ito na rin ang nakagsinan ko."
"Huwag nyong sabihing...kayo rin ang nangangaso ng mga pagkain gaya ng isang totoong leonesa?"
"Ganoon na nga po, bukod pa sa pag-aalaga ng mga anak, kami rin ang nagawa noon at ng iba pang gawain pwera na lang kung hindi na talaga angkop sa aming mga babae. Ganoon na siguro talaga ang nakatadhana sa aming mga Leonesa."
Nagulantang si Miya sa nalaman, ibang-iba ang trato ng mga Myongan at Leon sa mga babae. Sa kanila, mas maraming tungkulin ang mga kalalakihan. Kaugalian man nilang ang mga lalaki ang nangangaso at naghahanap ng mga pagkain ngunit hindi naman nila pinagbabawalan ang mga babae na sumama sa pangangaso kung gusto nila. Higit sa lahat, hindi nila dinidiktahan at minamandohan ang kanilang mga kababaihan na parang isang alipin.
"Hayaan mo, Leyla, magbabago na ang lahat sa oras na gumaling na tayo. Darating ang araw na kayong mga Leonesa ay magkakaroon rin ng sariling boses. Mabibigyan din kayo ng karapatang sundin ang inyong mithiin at makapagpasya para sa inyong mga sarili. Hindi na nila kayo uutusan at aalilain."
Napangiti si Leyla na sinabi niya, "aasahan ko po yan."
"Kamusta na si Ina at Ama sa kabila?"
"Nangisay sila kanina pero ngayon maayos naman na sila at nagpapahinga pa."
Balisa man siya sa nalaman, mas mainam na ito kaysa mabalitaan niyang may nangyari nang mas masaklap sa kanyang mga magulang.
"Si Lolo Mortho?"
"Pinuntahan nya muna ang iba pang mga maysakit."
"Malaking tulong talaga na naririto ka. May papakiusap sana ako kung ayos lang."
"Nakahanda po ako."
"Pagkalabas mo mamaya, maaari mo bang bigyan ng makakaing damo ang alaga kong usa. Si Puti. May naipon na kong damo, nakasabit lang doon sa may bintana."
"Sige, ako na bahala, bubusugin ko siya para sa'yo," biro sa kanya ni Leyla.
"At isa pa pala..."
"Ano po?"
"Pwede bang daanan mo ang kubo ni Myoris? Nais kong makabalita kung ano na ang lagay niya."
Tumango si Leyla bilang pagsang-ayon.
***
Makalipas ang ilang oras, lumabas si Leyla at kinuha ang mahabang piraso ng damo na nakatali sa bukana ng bintana. Pagkalabas niya, namataan niya ang alagang usa ni Miya na nakatali sa may dulo ng kubo. Ngayon lamang niya ito napansin.
"Ikaw pala si Puti."
Hinimas niya ang ulo nito na sinisumulan ng tubuan ng sungay at natawa siya sapagkat ito ay maamo sa kanya.
Inalok niya ang mga damo sa usa at malumanay itong kumain ng damo sa kanyang palad. Pinagmasdan niya ang alaga at siya ay namangha dahil sa pambihira nitong kulay. Hindi madalas nakakakita sila ng isang hayop na albino.
"Tunay ngang kakaiba ka, gaya ng iyong amo."
Pagkatapos, tinahak niya ang kubo ng kaibigan nitong si Myoris. Humarap lamang sa Leonesa ang kanyang Ina at wala pa rin siyang natanggap na magandang balita tungkol sa pilyang dalaga.
***
Bumalik siya sa kubo at nadatnan niyang gising pa si Miya.
"Nakausap ko na ang Ina ni Myoris."
"Anong sabi niya? Kamusta si Myoris?"
"Wala pa ring pinagbago, hindi pa rin siya nagigising at hindi pa humuhupa ang lagnat nya."
Nakaramdam na rin ng pag-aalala si Miya sa matalik niyang kaibigan, pero hindi siya pwedeng magpadala sa takot. Kailangan niyang lakasan ang loob para sa sarili at sa lahat ng mahalaga sa kanya.
"Kilala ko naman ang kaibigan ko, lagi niya sinasabi na matatag pa siya sa kalabaw kaya tiwala ako...malalagpasan niya ito."
"Patawarin nyo kami, Miya," napayuko si Leyla sa hiya at hindi na niya magawang tignan si Miya sa mata.
"Bakit naman?"
"Kasalanan namin ito, kung hindi kami pumunta sa puder nyo, hindi na sana kayo nahawa at nadamay pa."
"Wala kayong kasalanan...Leyla...hindi nyo naman ginusto na magkasakit kayo...wala naman dapat sisisihan sa mga sakunang ito."
"Siguro nga, kung maibabalik lang sana," pagpapatuloy ni Leyla. "Pipigilan ko silang umalis. Nagsimula lang naman ang lahat noong bumalik sina Datu Leyro galing dun sa kweba."
Kahit na lugmok ang pangangatawan ni Miya, nananatili namang malinaw ang kanyang isip at ipinagtaka niya ang ipinahayag ni Leyla.
"Anong sabi mo? Nagsimula ang lahat sa kweba?"
"Opo, nagtungo kasi sila ng iba pa niyang mga tauhan sa kweba, tila may hinahanap sila roon at pagkabalik nila, may kagat na si Leor ng paniki."
"Yun ba ang nangyari? Hindi ganun ang kinwento niya sa amin."
"Ano po bang sinabi niya sa inyo?" walang malay na binalik ni Leyla sa kanya ang tanong.
Naging palaisipan ito kay Miya. Naalala niya na sinabi ni Leyro na bigla na lamang sumulpot ang paniki sa kanilang teritoryo.
Hindi tugma ang kanyang mga kwento. Ano ba talaga ang totoo?
***
Sumunod na araw, nagtungo sa kubo ni Datu Mortho ang isa sa mga Myongan na may hatid na ulat.
"Anong nangyari?"
"Mahal na Datu, may mga binawian na po ng buhay dahil sa sakit."
Nanlumo si Datu Mortho sa natuklasan. Natigilan siya sa kanyang kinaroroonan at halos mawalan ng pakiramdam ang kanyang katawan.
"Sinasabi ko na nga ba, dumating na ang araw na kinatatakutan ko, na mayroong madamay at masawi sa ating tribo."
"Hindi po sa ating tribo."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Sa kabutihang palad wala pa naman pong namamatay sa ating mga Myongan kahit na malala ang lagay natin."
"Kung ganun sino ang sinasabi mong namatay?"
"Ang mga Tribong Leon po, yung iba sa mga tumulong sa pagbabantay at pag-aalaga sa atin kahapon. Akala namin gumaling na sila pero bigla na lamang silang nanghina at namatay. Mula silang hinagupit ng sakit. Hindi ba sila ang unang dinapuan?"
"Sandali, sinasabi mo bang mas nauunang mamatay ang mga naunang tinablan ng sakuna?"
"Batay sa mga nangyayari, maaari nga at kung di agad makukuha ang lunas, hindi malabo na tayo na ang sumunod at magaya rin tayo sa kanila."
Napahawak si Mortho sa kanyang noo, hindi na niya malaman kung ano pa ang gagawin para mapigilan ang delubyong nagbabadya at naghihintay lamang sa kanilang lahat.
***
Samantala, sa kanyang higaan, sinalubong ni Miya ang panibagong araw sa isang malakas na paghikab, bumangon siya mula sa kanyang kinahihigaan kasabay ng masiglang pag-uunat. Nagpakawala ang dalaga nang malutong na pag-ubo. Napatingin siya sa kanyang balat at napansin niyang hindi pa rin nawawala ang kanyang mapupulang pantal. Gayunpaman, kaginhawaan ang sumalubong sa pagsisimula ng kanyang umaga. Wala na siyang hilo at hilab sa kanyang sikmura. Nang hipuin niya ang kanyang leeg, balik normal na rin ang init ng kanyang pangangatawan. Humupa na ang kanyang lagnat.
Tumalab ang pinakain sa akin ni Leyla.
Hindi pa man lubusang umaayos ang kanyang lagay, ang mahalaga unti-unti ng nagkakaroon ng pagbabago.
Napalingon si Miya sa kanyang higaan at nakita niyang nakatulog si Leyla malapit sa kanyang pwesto. Napangiti ang dalaga sa ipinakita nitong malasakit sa kanya. Malaki ang utang na loob niya kay Leyla. Sa kabila ng pagkakaiba ng kanilang Tribo at mga nakagisnan, tinulungan pa rin siya nito. Dahan-dahang tinapik ni Miya si Leyla hanggang sa siya ay magising.
"Miya," sagot nito.
"Leyla, tignan mo, umaayos na ako, nawala na ang lagnat ko."
"Talaga po? Mabuting naman," tugon ni Leyla sa tinig na malakas lamang ng bahagya sa bulong.
Napansin ni Miya na para bang nananamlay ang mga mata ni Leyla at namumutla ang balat nito.
"Ayos ka lang ba Leyla?"
"Ayos lang po ako."
Tumayo ang dalagita sa kanyang pwesto ngunit nakaramdam siya nang matinding kirot sa kanyang ulo. Tuluyan siyang nawalan ng malay at bumagsak sa sahig.
"Leyla!"
Kahit na di pa lubusang bumabalik ang lakas niya, pinilit ni Miya na tumayo upang tulungan ang dalagita. Hinarap niya si Leyla at nasilayan niyang tumutulo ang mga patak ng dugo mula sa kanyang ilong.
"Anong nangyari sa'yo?"
***
Inaruga ni Miya si Leyla noong araw na iyon, ngunit sa kasamaang palad, hindi na lubusang umayos pa ang lagay ni Leyla, naratay siya sa higaan at higit pang lumala ang lagay niya kumpara sa inaalagaan. Nangayayat siya lalo at natuyot rin ang mas pumutla niyang balat.
Sinubukan siyang pakainin ni Miya at gumawa rin siya ng sinabawang bawang at luya gaya ng ginawa nito sa kanya noong siya ang malala.
"Kumain ka na, Leyla," alok ni Miya.
"G-gusto ko pero...h-hindi ko na kaya..." Ang bawat salitang binabanggit ni Leyla ay naantala ng kanyang hingal at maputok na pag-ubo.
"Pero ikaw ang nagsabi sa sakin na kailangang kumain nito para bumalik ang lakas. Sige na."
"Pabayaan mo na ako...Miya...hindi na ako magtatagal."
Kumurot sa puso ni Miya na marinig ito mula sa kanya.
"Huwag mong sabihin yan. Mabubuhay ka pa. Hindi kita maaaring pabayaan, ikaw ang nag-alaga sa akin noong malala ang lagay ko kaya ngayon ganoon rin ang gagawin ko sa'yo hanggang sa umigi ka na rin. Pakiusap, subukan mong kumain. Kahit kaunti lang, para malagyan ng laman ang sikmura mo."
Sa kabila ng kanyang paghihikahos, sinunod niya si Miya at pinilit niyang kumain. Isang lagok pa lamang ay bigla na siyang inatake ng matinding ubo, sa sobrang tindi, dugo na ang lumabas sa kanyang bibig. Lalong nag-alala si Miya, kumuha na lamang siya ng piraso ng tela at pinunasan niya ang dugo mula sa bibig nito.
Nang makatulog si Leyla, lumapit si Miya sa kanyang Lolo Mortho na kanina pa pinapanood ang pag-aalaga ng apo sa Leonesa.
"Nag-aalala na ko sa kanya, Lo. Katiting na lang ang natitira niyang lakas at wala akong nakikitang pagbabago."
"Marami na ang namatay sa kanyang mga Katribo, ika nga, unang nalalagas ang natuyot na dahon."
"Hindi siya pwedeng mamatay, malaki ang utang na loob natin sa kanya. Naging kaibigan ko na rin siya."
"Dapat maging handa ka sa anumang maaaring mangyari sa kaibigan mo. Tandaan mong kaya natin siyang bigyan ng aruga, ngunit hindi na natin hawak ang buhay niya. Matindi ang hagupit ng sakunang kinahaharap natin ngayon."
***
Kinagabihan, ilang saglit bago maghatinggabi, muling nagkaroon ng malay si Leyla na ikinatuwa niya.
"Miya."
"Leyla, anong kailangan mo? Nagugutom ka ba? Kukuha kita ng makakain."
"Hindi, may isang bagay lang...sana akong...nais hilingin sa'yo."
"Ibibigay ko kahit ano. Sabihin mo lang."
Hinawakan niya nang mahigpit ang nanghihang palad ng dalaga.
"Kung sakaling hindi na talaga ako...makakaligtas...hanapin mo ang inay ko...siguraduhin mong ligtas sila..."
Nakita ni Miya na noon lamang tumulo ang luha sa mga mata ni Leyla, dala ng sobrang pagmamahal ng dalaga sa kanyang pamilya at ito ay tumatak sa kanya.
"Pupuntahan namin siya at dadalhin namin siya rito. Magkakasama pa kayo, huwag kang magsalita ng ganyan. Kailangan mong lumaban at mabuhay. Marami ka pang gagawin kasama namin. Hindi ba magpapahaba ka pa nga ng buhok?"
Napangiti si Leyla na may bahid nang lungkot sa kanyang mga namimigat na mata, tila alam na niyang mananatili na lamang na isang pangarap ang mga salita ni Miya at hindi na niya maaabutan ang katuparan nito.
"May isa pa...akong...hiling..tungkol sa mga Leonesa...may pinangako ka...na magbabago na ang lahat...para sa amin...gusto ko po mangyari yun."
"Pinapangako ko, magiging maayos ang buhay ng mga Leonesa sa aming puder."
Huminga nang higit pang malalim ang dalagita.
Pagkatapos, may kuminang na animo'y isang liwanag mula sa may bintana at napalingon rito ang dalawa.
"Ano...yun?"
Tumayo si Miya at sumilip sa bintana. Napangiti ang dalaga sa kaaya-ayang senaryong nasilayan niya sa labas.
"Ang ganda, Leyla, gusto mo makita?"
Napatango ang nakaratay na dalagita. Dahan-dahan siyang inalalayan ni Miya. Kahit na nangayayat na si Leyla, hindi inaasahan ni Miya na magiging ganitong kabigat ang inaalagaan. Nagtungo sila sa bintana at itinuon niya rito ang dalagita upang makita niya ito.
Nasaksihan ni Leyla ang tubig sa dalampasigan. Doon nagmumula ang kumikinang na ilaw. Puno ng maliliit at bilugang bagay ang baybayin. Nagtataglay sila ng kulay bughaw na kinang. Sa bawat hampas ng alon, sumusunod ang liwanag, tila nagsasayaw at nabibigay-pugay sa gabi. Para silang mga bituin sa kalangitan na nalaglag sa dalampasigan upang maghatid ng hiwaga at himala, nang saya at pag-asa sa nalulugmok nilang kalagayan.
Ngayon lamang nakakita ng ganito si Leyla at napansin ni Miya na maging ang mga mata nito ay nagkaroon din ng kinang, gaano man ito kalamlam.
"Ang...ganda nga..."
"Alam mo ba kung ano ito? Mga lumot na nagpapakawala ng ilaw, hindi ko rin maipaliwanag kung bakit. Nagpapakita lang sila tuwing ganitong araw ng taon, kung bakit, tanging Inang Kalikasan lang ang nakakaalam. Kalooban niyang manatiling misteryoso ang mga bagay-bagay nang sa ganoon tayo ay mamangha. Alam mo sa tuwing nakikita ko ito, nagkakaroon ako ng kapanatagan at napapawi lahat ng alalahanin ko sa buhay. Pagmasdan mo lang, maya-maya, wala na sila. Ilang minuto lang sila umiilaw ngunit hindi maipaliwanag ang bighaning pinapamalas nila. Ganito siguro talaga, may mga bagay na naririto lamang ng panandalian ngunit nag-iiwan sa atin ng mga magagandang alaala."
Patuloy na pinanood ni Miya at Leyla ang pagtatanghal ng karagatan mula sa kanilang kubo. Maya-maya, unti-unti nang nanamlay ang kinang sa dalampasigan hanggang sa muli nang lamunin ng dilim ang paligid ng Kasaganaan.
"Naglaho na sila, Leyla," saad ni Miya.
Pagkatingin niya sa dalagita, hindi na ito umiimik. Nakayuko lamang ito at nakapikit ang mga mata.
"Leyla?"
Hindi na maganda ang kutob ni Miya, tila dumating na ang kinatatakutan niya. Hiniga na lamang niya ang dalagita sa may banig. Subukan mang pigilan ni Miya ang pagpatak ng kanyang mga luha pero di niya magawa. Napagtanto niyang tuluyan na ring naglaho ang nalalabing kinang sa buhay ni Leyla.
Sumabay na siya sa paglisan ng liwanag.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro