Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 16: Graison

-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-

May pangangatog ang mga kamay ni Aling Edina habang hawak-hawak ang isang bandeha na may nakalagay na baso ng gatas. Sa kanyang panginginig, umuuga-umaga na rin ang baso pero hindi naman natapon ang gatas. Mula noong ipinagkanulo niya si Celso kay Fierro, hindi na napawi ang pagkabalisa sa matandang katiwala. Hindi na niya inalam pa kung ano ang kinahinatnan ng espiya at wala na siyang balak usisain pa ang Mataas na Emperador. Tila may mga bagay na mas mabuti pang hindi na lamang malaman at manatiling sikreto sa dilim.

Pumasok siya sa loob ng silid at naabutan niya si Prinsipe Graison na may aliwalas sa kanyang aura.

"Tiyang Edina, magandang umaga po."

"Magandang umaga rin, Kamahalan. Ipinaghanda ko po kayo ng gatas. Mukhang maganda ang umaga nyo."

Malumanay na kinuha ni Graison ang baso mula sa bandeha.

"Masasabi nyo pong ganoon nga, " sumang-ayon ang Prinsipe. "Natutuwa lang po ako na sa kabila ng mga suliraning kinakaharap namin kay Ina, may maganda pa ring nangyari. Natulungan ko ang kaibigan kong si Cymon na mahanap ang kanyang Ama."

"Si Celso?" Ipinagtaka ni Edina.

"Opo, nagkita na sila at umalis na po patungo sa ibang lupain. Sigurado akong masaya na sila kung saan man sila naroroon."

Nagulumihanan ang katiwala sa mga pangyayari. Hindi niya alam kung paano magkikita si Celso at ang kanyang anak kung ito ay dinala niya sa puder ni Fierro. Batid niyang hindi naman ito basta pakakawalan ng Emperador sapagkat alam niya kung gaano kalupit ang animal na ito sa mga taong nagtataksil sa kanya. Nalilito na siya kung ano ang kanyang paniniwalaan.

Lalo pang nagpabalisa sa kanya ang huling sinabi ni Graison. Muli siyang nangatog at nabitawan na niya ng tuluyan ang hawak na bandeha.

"Ako na po," pinulot ni Graison ang nalaglag na kagamitan at inabot ito sa kanya. Napansin rin niya ang pamumutla at pangangatog kay Edina. "Ayos lang po ba kayo?"

"Ah oo naman," sagot ni Edina at pilit niyang tinago ang pagkabahala. "Alam mo naman tumatanda na, minsan nakakabagsak na ng mga gamit."

"Sigurado po kayo? Mabuti po siguro magpahinga na muna kayo ngayong araw."

"Hindi na po, Kamahalan. Marami pang naghihintay na trabaho sa akin. Sige po at aalis na ako."

Nang maiwan si Graison, hindi niya mapigilang mapaisip.

Ano kayang nangyari sa kanya? May nasabi ba kong hindi maganda?

***

Bandang tanghali, nagbalik si Kapitan Malko sa Sentralisadong Imperyo kasama ang kanyang pwersa matapos ang ilang araw na paghahanap. Nagpatawag ng pagpupulong si Fierro na dinaluhan nina Graison, Osylla at iba pang konseho.

Sinimulan na ni Fierro ang pagpupulong. Nananatili pa ring kalmado at walang bahid ng pag-aalala sa kanya na para bang karaniwang pagpupulong lamang ang kanilang tatalakayin.

"Ngayong nakabalik ka na Kapitan Malko, bigyan mo kami ng ulat sa inyong pag-iimbestiga at paghahanap sa aking Emperatris, batid kong nabigo kayo dahil hindi nyo siya kasamang bumalik rito."

Tumindig si Malko at tinantsa ang kanyang lalamunan bago magsalita.

"Hindi po namin natagpuan ang Emperatris at ang Panginoon sa Lupain ng Wachtor. Ang tanging sumalubong lamang sa amin doon ay ang mga bangkay ng ating pwersa, ng Ilang Kawal Wachtor at si Panginoong Wylarth."

"Nandoon si Panginoong Wylarth, anong sabi niya?" Inusisa ng Emperador. "Naikwento ba niya kung ano ang nangyari?"

"Wala kaming nahita sa kanya. Tila nag-uulyanin na siya sa katandaan at kung ano-ano lamang ang sinasagot niya sa amin na walang kaugnayan sa nangyari kay Emperatris Grasiela. Nakausap namin ang ilan sa mga babaeng kasambahay ngunit wala rin sila gaanong naibigay na impormasyon sa amin, maliban lang sa nagkaroon ng sagupaan ang pwersa natin at ng mga nagpapanggap na Kawal Wachtor. Sila ang dumakip sa dalawa. Kwento rin nila, matagal na nakatulog si Wylarth at wala na sa tamang wisyo nang magising, malamang may nilagay silang gamot sa inumin ng Panginoon kaya nasabaw na ang kanyang isipan."

Tumutugma ang kwento niya sa mga nakita ko.

"Ano naman po ang balita sa mga karatig na lugar, Kapitan?" tanong ni Graison.

"Naghanap kami sa bungad ng kakahoyan ngunit doon na natapos ang bakas na iniwan nila at wala rin kami nakita. Hindi na namin alam kung anong daan ang tinahak nila at saan sila patungo. Umiwas muna kami sa Artemias alinsunod sa utos ng Kamahalan."

Napapailing si Talas sa mga nalaman mula sa pulpol na Kapitan habang ang Mataas na Emperador naman ay nananatiling taimtim sa pakikinig.

"Mahihirapan ngang mahanap si Grasiela at ang mga dumikot sa kanila kung may iba silang dinaanan. Ang importante nagkakaroon na ng kasagutan ang mga kaganapan. Magpahinga muna kayo, Kapitan. Ipagpatuloy nyo ang paghahanap sa mga susunod na araw. Maraming salamat sa balita. Tapos na ang pagpupulong."

Tumayo na ang lahat sa kanilang pwesto, nakahanda ng umalis ang lahat maliban lamang kay Talas na halatang hindi kuntento sa natanggap na ulat.

"Kamahalan, may itatanong sana ako sa Kapitan kung inyong mamarapatin."

"Sige, Talas. Ikaw ay pinagbibigyan."

Tinuon ng lahat ang tingin nila kay Talas, nag-aabang sa itatanong nito.

"Ang sabi nyo, wala kayong nakitang bakas sa kakahoyan ng Wachtor. Naririto ka noong naglahad ng kanyang pangitain ang Mahal na Prinsipe. Wala man lang ba sa inyo nakaisip na gumawa man lang ng paraan, maglibot sa mga kalapit na gubat at kabundukan o di kaya ay pumuslit sa Artemias para doon hanapin ang pinsan ko?"

Napangisi si Kapitan Malko sa mga sinabi ng Kawal. "Ano bang pinuputok ng butse mo, Talas? Sinabi ko na sa inyo, pinaiwas kami ng Emperador sa Artemias. Huwag mo kaming kukwestyonin dahil ginawa namin ang lahat ng aming makakaya."

"Putang inang dahilan yan, hindi nyo ginawa ang lahat!" Hindi inaasahan ng lahat na sasabog ang emosyon ng palabiro at kalmadong Kawal. "Katiting na paghahanap lang ang ginawa nyo! Kung ginawa nyo ang lahat, naiuwi nyo na sana ng ligtas rito ang Emperatris at si Panginoong Ocillo."

Hindi pinalampas ni Malko ang mga tirada ni Talas. "Tandaan mong ako ang nakakataas sa'yo, Talas. Matuto kang rumespeto!"

"Nagbibigay lamang ako ng respeto sa nararapat na tumanggap nito."

Napahampas si Fierro nang tatlong beses sa mesa na siyang nagpatigil sa kanilang pag-aaway. Tinuon niya ang pansin kay Talas.

"Talas, walang lugar sa pagpupulong ang ganyang mga pananalita. Si Malko ang Kapitan mo. Galangin mo siya at pati na rin ako. Titimpiin ko ang aking dila kung ako ikaw."

Unti-unti nang kumalma si Talas ngunit hindi pa rin lubusang napapawi ang kanyang paghihimutok.

"Humihingi po ako ng patawad, Kamahalan at ganoon na rin kay Kapitan Malko."

"Ano ba ang nais mong gawin?" Napilitang itanong ni Fierro.

"Kamahalan, masyadong matagal ang ilang araw para magpahinga. Ang bawat minuto ay mahalaga. Hindi natin alam kung ano na ang nangyari at ano na ang ginawa nila kay Grasiela. Kung ako po ay inyong papayagan, hayaan nyong magtalaga ako ng pwersa para magtungo sa Artemias at doon ipagpatuloy ang paghahanap, gaya ng unang minungkahi ng Prinsipe Graison."

Napangiti si Graison sa pagtitiwala sa kanya ni Talas. Natutuwa siyang sumasang-ayon sa kanya ang tiyuhin at sana ganoon rin ang kanyang Ama.

"Hanga ako sa determinasyon mong mahanap si Grasiela pero hindi kita mapapayagang pumunta sa Artemias. Hindi natin alam kung ano ang patibong na hinahanda roon ni Aurello. Magiging delikado ito sa'yo at sa pwersang iyong pamumunuan. Paano pag nahuli nila kayo? Malaking kabawasan ito sa aking pwersa. Kahit ba sabihin nating maraming lupain ang nakaagapay sa Imperyo, tulad ng oras, ang bawat Kawal ay mahalaga sa digmaang magaganap."

"Kung ganun, kahit ako na lang. Hayaan nyo kong pumuslit sa Kastilyo ng Artemias."

"Pasensya na, Talas. Isa ka sa magagaling kong Kawal. Magiging kawalan ka sa aking pwersa kapag pati ikaw ay nabihag. Hindi ko mapapagbibyan ang kahilingan mo."

Sa tono ng Emperador, buo na talaga ang kanyang pasya at hindi na ito mababago.

"Pero, paano naman si Grasiela?"

"Kilala ko ang pinsan mo, may angkin siyang lakas at katatagan. Buo ang tiwala ko na makakauwi siya sa atin ng ligtas, pinapangako ko sa'yo na hindi ako susuko sa paghahanap sa aking Emperatris."

Hindi pa rin kumbinsido si Talas sa pinahayag ng Mataas na Emperador. Para sa kanya kulang ang pinapakita nitong pagmamalasakit sa Emperatris. Hindi niya maintindihan kung bakit ito nananatiling kalmado at mistulang hindi nag-aalala sa kaligtasan ng kabiyak.

"Maaari na po ba akong umalis, Kamahalan?"

Tumango si Fierro sa ipinaalam nito.

Tumayo si Talas at yumuko sa presensiya ng Emperador bago umalis. Nahalata ni Graison na masama ang loob nito sa kanyang Ama.

"Tapos na ang pagpupulong," anunsyo ni Fierro sa lahat ng naroroon.

***

Maya-maya, natagpuan ni Graison si Talas na nagsasanay ng kanyang espada. Tila pinanggiggilan niya ang estatwang yari sa kahoy at unanan na paulit-ulit niyang hinahampas.

"Kalmahan nyo lang, Tiyo Talas."

"Mahal na Prinsipe," binati siya nito at napatigil sa kanyang ginagawa.

"Maraming salamat sa pagtitiwala nyo sa akin. Kailan nyo lang nalaman ang kakayahan ko pero hindi nyo ko pinagdudahan."

Muling bumalik ang ngiti sa kanina pang seryosong mukha ng Kawal.

"Langya ka naman, uhugin ka pa lang kilala na kita, kaya wala yun. Totoo lang hindi ka dapat magpasalamat sa akin dahil hindi ko pa naibabalik ang iyong Ina."

"Wala naman po kayong kasalanan."

Mababakas ang lungkot sa mga mata ni Talas at tila nagpipigil na lamang ito ng luha.

"Mga bata pa lang kami pinangako kong poprotektahan ko siya sa oras na maging Kawal na ako, pero tignan mo ngayon, nakatunganga lang ako rito. Walang silbi."

"Kahit si Ama naman po walang magawa sa sitwasyon ni Ina ngayon, huwag nyo na sisihin ang sarili nyo."

"Ang pinagtataka ko lang, bakit parang wala lang sa Emperador ang nangyayari ngayon. Hindi ibang tao ang nawawala, asawa niya. Bakit di ko nakikitang nababahala siya sa kapakanan ni Grasiela?"

Hindi magawang kontrahin ng Prinsipe ang kanyang pahayag sapagkat kahit siya ganito rin ang naiiisip.

"Sanay na ako kay Ama. Siguro hindi niya lang talaga pinapahalata na nag-aalala siya kay Ina. Labing pitong taon nga siyang parang walang pakialam sa akin, kailan lang naayos ang pakikutungo niya sa akin, ngunit ngayon parang balik na naman kami sa dati."

"Porket ba-" biglang natigilan si Talas sa nais nitong sabihin. Nawala sa isip niya na hindi alam ni Graison na hindi siya tunay na anak ng Emperador.

"Porket po ano?"

Mabilis na nag-isip ng ibang maidadahilan ang Kawal. Hindi dapat sa kanya manggaling ang katotohanan sa pagkatao ng Prinsipe. Si Grasiela lamang ang may karapatng magsabi nito.

"Porket ba marami siyang responsibilidad isasantabi na niya kayong mag-ina? Kalimutan mo na lang ang sinabi ko. Pasensya na. Desperado na talaga ako."

Napaisip si Graison kung paano siya makakatulong.

"Nais nyo bang magpinta ako nang sa ganoon may makita akong imahe ni Ina?"

"Para saan pa? Para makita natin siyang nasa alanganing sitwasyon. Malalaman nga natin ang lagay niya, pero hindi rin naman natin siya matutulungan. Kung pagkakalooban lang ako ng kakaibang kakayahan gaya ng sa'yo, hihilingin kong mapuntahan ang kinaroroonan ng iyong Ina at ni Panginoong Ocillo nang sa ganoon ay mailigtas ko na sila."

At ganoon rin ang hihilingin ko.

-Lupain ng Artemias-

Muling pinuntahan ni Duke Aurello si Grasiela na ibinalik nila sa kanyang selda. Nadatnan niyang natutulog ang Emperatris sa kinahihigaan nito at siya ay napatitig sa kanya. Sa mga araw na nagdaan, nagsisimula na siyang magkaroron ng pagnanais sa Emperatris. Nakakaramdam na rin siya ng awa sa sitwasyon nito ngunit kailangan niyang isantabi ang nararamdaman alang-alang sa mga plano niya.

Maya-maya, dumating si Kapitan Roqil na halata ang pagkadismaya sa kanyang mukha.

"May balita na ba tungkol kay Celso at sa mga labi ni Ysavel?"

"Wala pa po, hanggang ngayon hindi pa siya nakakabalik, ni anino nya walang iniwang bakas."

Dismayado ang Duke sa nalaman ngunit hindi na siya nasorpresa base sa anyo ni Roqil.

"Hindi ito maaari! Dapat makabalik siya dito! Ipinangako niyang ipupuslit niya si Ysavel mula sa pinagbabawal na silid. Dapat madala niya ang bangkay sa ating puder."

"Mahal na Panginoon, hindi naman sa pinangungunahan ko, pero di kaya..."

"Di kaya ano?"

"Inisahan na tayo ni Celso at nagtanan na siya papaalis."

Hindi sumagi ang posibilidad na ito sa isipan ni Aurello.

"Sa laki ng pinangako kong pabuya, malabo niyang gawin yun. May kutob ako na baka may nangyari na sa kanya. Huwag naman sana. Ang bangkay na lamang ni Ysavel ang ating huling pag-asa para makumbinsi ang Emperatris at ang Buong Lupain sa tunay na kulay ni Fierro. Hindi ako maaaring mabigo...ano na lamang ang mangyayari sa mundo kung walang kakalaban sa sugo ng dilim na tulad niya?"

Sa kanyang kinaroroonan, nagkukunwari lamang na tulog si Grasiela at lihim niyang pinapakinggan ang kanilang usapan.

Napaisip siya sa usapan ni Aurello at Roqil. Noong una, inaakala niyang pawang paninira at kahibangan lamang ang mga paratang nito kay Fierro, pero ngayon para bang ito ay nagsasabi nga ng totoo. Hindi batid ni Aurello na siya ay gising at nakakinig kaya wala itong nagrason para magpanggap at gumawa ng kwento. Naririnig niya sa kanyang boses na tapat sa kanyang salita si Aurello.

Naguguluhan na si Grasiela kung sino ba ang dapat niyang pagkatiwalaan. Kailangan na niyang makagawa ng paraan para makatakas, hindi lamang para sa kanyang buhay, kundi para malaman na ang buong katotohanan.

Nang umalis si Roqil nagsalita ang Emperatris, "Duke Aurello."

"Gising ka na pala."

"Nakapag-isip-isip na ako sa inaalok mo. Pumapayag na ko."

"Mabuti naman at natauhan ka na."

"Pero bago ko gawin ang gusto mo, mayroon akong kondisyon."

-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-

Napatulala si Graison sa kanyang mahiwagang Pisara habang tumatakbo ang maraming bagay sa kanyang kamalayan. Hindi niya namalayang naroroon na pala si Tandang Ora na nagbabalat-kayo bilang Aling Doray.

"Mukhang malalim ang iniisip mo, Mahal na Prinsipe."

Nagulantang si Graison nang marinig ang pamilyar na tinig na matagal na niyang hindi narinig.

"Aling Doray, kayo po pala. Hindi ko na kayo nakita ulit mula noong binigay nyo sa akin ang Pisarang ito. Saan po kayo nagpunta?"

"Marami lang akong mahalagang bagay na inasikaso. Batid kong marami na ang naganap dito noong wala ako."

"Opo, marami na nga at kung kukwento ko po ang lahat, baka abutin pa tayo ng magdamag. Masasabi ko lang, nagbago ang takbo ng buhay ko mula noong matanggap ko ang Pisara. Mabuti nga po at nakita ko kayo dahil may malaki akong problema. Hindi ko alam kung makakatulong kayo pero magbabaka sakali na ako."

"At bakit naman hindi ako makakatulong? Kamahalan, kabilang ako sa orde na nagpapakadalubhasa sa mga mahika. Ang Pisara, panimula pa lang yan. Sabihin mo sa akin ano ba ang bumabagabag sa inyo?"

Nakuha ni Ora ang tiwala ni Graison at nagpasya na siyang ibahagi ang kanyang problema.

"Tungkol po ito kay Ina at kay Panginoong Ocillo, matagal na po kasi silang nawawala at lahat kami sa Palasyo ay lubos ng nag-aalala para sa kanila. Apektado na rin ng kanilang pagkawala ang mga malalapit sa akin. Ang kaibigan ko, ang tiyuhin ko at...si Ama, sigurado ako nag-aalala na rin siya, kahit hindi niya ipahalata. Gagamitin ko sana ang Pisara ngunit tulad ng sabi sakin ni Tiyo Talas, makikita ko nga sila, pero wala itong maitutulong para maibalik sila dito ng buhay at ligtas. Kaya po hihingi ako ng tulong sa inyo. Matutulungan nyo ba ako na mailigtas sila?"

"Iyon lang ba, Mahal na Prinsipe, walang problema. Kayang-kaya ko yan. May paraan para magawa ang iyong nais."

Nanliwanag ang mukha ni Graison, ito ang nais niyang marinig mula sa mahiwagang matanda.

"Talaga po? Ano pong kailangan kong gawin, nakahanda po ako."

"Mamaya, pagsapit ng gabi, pag bilog na ang buwan, magkita tayo sa may hardin," paalala sa kanya ng matanda.

-Lupain ng Artemias-

Dinala ni Aurello si Grasiela sa silid kung saan kasalukuyang nagpapagaling si Panginoong Ocillo. Wala pang malay ang Panginoon na nakahimlay sa komportableng higaan. Nabendahan na ang kanyang sugat ngunit sa tingin ng Emperatris, hindi pa rin ito umiigi ng lubusan.

"Nagkamalay na ba siya?"

"Sa ngayon hindi pa, pero huwag kang mag-alala, sabi ng manggagamot, maya-maya magigising na rin siya."

May napansin si Grasiela na hindi niya nagustuhan. "Bakit nakagapos pa rin siya?"

Natawa si Aurello sa tanong ng Emperatris kasabay ng isang pag-iling.

"Hindi ako tanga, Grasiela. Alam kong magtatangka ulit siyang tumakas pag nagkamalay na siya. Kaya mabuti nang sigurado."

"Siguraduhin nyo rin na gagaling siya," mahigpit na bilin ng Emperatris, sa tonong angkop sa isang Emperatris.

"Walang problema," kumpiyansang pumayag si Aurello. "Ngayong naibigay ko na ang hinihingi mo, ako naman ang may hihilingin sa'yo."

"Ano yun?"

"Samahan mo ako sa hapunan mamayang gabi, pag-uusapan natin kung ano ang plano laban sa Emperador."

"Sige dadalo ako mamaya," tugon ni Grasiela.

-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-

Paglubog ng araw, pasimpleng pumuslit sina Covel at Osylla sa silid ni Talas. Nagsuot sila ng mahabang balabal na nagtatago sa kanilang anyo.

"Tiyo Talas," bulong na pagtawag ni Covel sa kanya mula sa may pinto.

Nang makita ni Talas ang dalawang estranghero. Napatayo siya dala-dala ang espada at itinututok niya ito sa kanila.

"Sino kayo?"

"Sandali, kami ito," tinanggal ni Graison ang balabal sa ulo at ganoon na rin si Osylla.

"Punyemas, ikaw lang pala yan Grai, kala ko kung sino na. Anong ginagawa nyo at bat ganyan ang mga suot niyo?"

"Sumama ka sa amin. Ililigtas na natin si Ina at Panginoong Ocillo."

"Ano?" Naguluhan si Talas. "Paanong ililigtas? Hindi nga natin alam kung nasaan sila. Isa pa, hindi ko kayo ilalagay sa kapahamakan. Magsibalik na kayo at itigil nyo na ang kalokohang ito."

"Makinig ka sa amin, may taong tutulong sa atin para maligtas natin sila," paglalahad ng Prinsipe.

"Bakit parang sigurado kang matutulungan tayo ng taong ito."

"Mamaya ko na ipapaliwanag ang lahat, kailangan sumama ka sa amin."

"Maniwala po kayo kay Grai, nasabi na niya sa akin ang lahat. Mahirap man paniwalaan pero buo ang tiwala ko sa kanya," sambit ni Osylla sa Kawal.

"Sige na nga, nang matapos na ang kahibangang ito," may pagkaasar na napapayag ang kanyang Tiyuhin.

-Lupain ng Artemias-

Abala sa paghihiwa ng pulang karne si Aurello sa kanyang plato, kasalukuyan silang nagsasalo ng hapunan ni Grasiela na tulad niya ay hawak-hawak rin ang kutsilyo at hinihimay ang putaheng ipinahanda para sa kanya. Malaman ang bakang ipinaluto niya, naghahalo rin ang sebo at pulang dugo nito tuwing hinihilatsa.

"Ano masasabi mo? Masarap ba?" tugon ni Aurello na para bang labis na ginaganahan sa presensiya ng Emperatris.

"Mainam naman, malinamnam ang pagkakatimpla," sagot ni Grasiela

Pinunasan ni Aurello ang kanyang bibig gamit ang kanyang panyo, pagkatapos ay lunagok ng iniinom na alak.

"Oras na para pag-usapan natin kung paano mapapabagsak si Fierro. Ano nga pala ang nakapagpabago sa isip mo para talikuran siya?"

"Napag-isip-isip ko ang mga sinabi mo. Matagal na ko nagbubulag-bulagan sa kanya, pero ang totoo nakukutuban ko ng marami siyang tinatago sa akin. Hindi na ako magpapaloko sa kanya ngayon."

Batid ni Grasiela na kahit na siya ay nagpapalusot lamang, may bahid pa rin ng katotoohan sa kanyang pahayag.

"Mabuti, ito ang pinakamatalinong desisyong gagawin mo," lalong sumaya si Aurello sa narinig.

"Ang sabi mo noon, papakawalan mo na kami kung makikipagtulungan kami sa'yo. Kailan mo ba yun balak gawin? Handa na akong maging espiya at magpanggap kay Fierro."

"Grasiela, maghinay-hinay ka lang muna, darating tayo dyan ngunit bago yan, may hihingin pa sana akong isa pang pabor sa'yo."

"Kung kaya kong ibigay," pinagpatuloy niya ang pang-uuto.

"Sabihin na lang natin na bilang isang lalaking walang katuwang sa buhay, may mga pangangailangan rin ako at ikaw ang makakapagbigay nun sa akin."

Tinignan siya nito na may pahiwatig sa kanyang malamlam at madilim na mata. Batid na ni Grasiela na isang bagay ang tinutukoy ng Panginoon. Isang bagay na hindi niya kayang ibigay.

"Sige, pagbibigyan kita, basta tuparin mo ang napagkasunduan natin."

Hindi akalain ni Aurello na ganitong kabilis niya mapapapayag ang Emperatris, gayunpaman, nagagalak siya sa resulta ng kanyang panukala.

"Madali ka naman pala kausap at higit sa lahat maganda."

Pilit na gumanti ng ngiti si Grasiela sa papuri niya.

"Paumanhin, kailangan ko lang gumamit ng banyo."

"Sige, bilisan mo lang at marami pa tayong pag-uusapan."

Nilisan ni Grasiela ang hapag-kainan. Noong una balak niyang sakyan si Aurello upang sila ay mapakawalan ng maayos at mapayapa ngunit nagbago ang isip niya nang malaman ang isa pang 'pabor' ni Aurello. Nawawala na sa tamang katinuan ang Duke kaya ngayon sila dapat mas makatakas ni Panginoong Ocillo. Hindi siya makakapayag na yurakan ni Aurello ang puri niya bilang isang babae.

Habang naglalakad, inilabas ni Grasiela ang kutsilyong kanyang pinuslit nang palihim kay Aurello.

-Sentralisadong Imperyo ng Cenpyre-

Pagsapit ng kabilugan ng buwan, nagpunta na sina Graison, Osylla at Talas sa hardin gaya ng napagkasunduan nila ni Aling Doray.

Laking gulat ni Talas nang makita niya ang matanda sa hardin. Iba ito sa inaasahan nya, akala niya isang matipuno at malaking tao ang tutulong sa kanila.

"Takte. Siya ang tutulong sa atin? Anong matutulong satin ng matandang ito?"

"Huwag mong mamaliitin ang aking kakayahan, munting Kawal," sagot ni Ora sa kanya.

Sa kabila ng pagdududa ni Talas, buo pa rin ang kumpiyansa ni Graison. Napatunayan na niya sa Pisara na may kakaiba itong kakayahan.

"Matutulungan niya tayo, hindi ba Aling Doray? Simulan nyo na po. Sagipin na natin sila."

Pumikit si Doray at nagsimulang bumulong, animo'y gumagawa ng isang ritwal.

"O Mahiwagang Portal, ikaw ay bumukas, dalhin sila sa kanilang patutunguhan, kapangyarihan mo'y ipamalas!"

Sa kanyang pagsasalita, humambalos bigla ang buga ng hangin. Hinawi ni Doray nang paikot ang kanyang kamay at mula sa kawalan, sumulpot ang isang bola ng liwanag. Kumikinang ito habang palaki nang palaki, nag-iiba ang kulay nito gaya ng bahaghari at ito ay napapaligiran ng usok na nagpapanatili sa kanyang hugis.

Hindi kumukurap si Osylla sa pagkagulat habang si Graison naman ay nahuhumaling sa taglay nitong hiwaga.

"Puta! Ngayon lang ako nakakita ng ganito sa tanang buhay ko." Hindi makapaniwala si Talas sa pagkamangha.

"Sabihin mo kung saan ang lugar pagkatapos magtungo kayo sa portal at kayo makakarating doon ngayon mismo."

"Sa kinaroroonan ni Ina at Panginoong Ocillo," saad ni Graison.

"Hindi gagana sa ganitong paraan ang portal, kailangang sabihin nyo ang eksaktong lokasyon para mapuntahan ito."

Napaisip si Graison kung saang malakas ang kutob niyang kinarorooonan ng Ina. Ang puder ni Duke Aurello.

"Dalhin nyo kami sa Palasyo ng Artemias."

Lalong kuminang ang ilaw ng portal na kanilang ikinasilaw, senyales na pinakinggan nito ang kanyang salita.

"Maaari na kayong magtungo, paalala lang, magsasara ang portal sa loob ng 7 minuto kaya kailangan makabalik agad kayo bago kayo masaraduhan."

Tinandaan ni Graison ang babala niya.

"Tara na, Osylla."

Napahawak ang binata sa kamay ng dalaga habang sila ay papalapit sa portal. Nakahanda siyang damayan si Osylla kung ito ay natatakot. Nagpakawala ng malalim na hininga si Graison. Hindi maalis ang kaba at pagkabagabag sa kanya, batid niyang walang kasiguraduhan ang pagpunta sa portal at hindi niya alam kung saang dimensyon o lupalop sila maaaring dalhin nito.

Tuluyan na silang pumasok patagos sa loob. Sumunod naman si Talas na hindi rin kampante sa gagawin.

-Lupain ng Artemias-

Pagkahakbang nila, natagpuan nila ang kanilang mga sarili sa loob ng isang kastilyo. Nasa dulo ng bulwagan ang portal sa tapat ng mga hagdan at balkonahe. Napatingin sila sa paligid at sa di kalayuan, nakita ng Prinsipe ang imahe ni Duke Aurello na nakasabit at nakabalangkas sa dingding. Napagtanto ni Graison na ito na ang Kastilyo ng Artemias.

"Totoo ang sinabi ni Aling Doray, nakarating na tayo sa Artemias."

"Halika na at hanapin na natin sila, may pitong minuto lang tayo," paanyaya ni Talas sa kanila.

Naglibot-libot ang tatlo sa Kastilyo nang hindi gumagawa ng ingay. Pinakiramdaman nila ang paligid at sila ay napasandal sa may dingding nang may marinig na tunog.

Napasilip si Osylla nang bahagya at namataan niya ang tatlong Kawal Artemian.

"May mga bantay."

"Dyan lang kayo," paalala ni Talas, "ako na ang bahala sa kanila."

Mula sa kadiliman bigla na lamang sumunggab si Talas sa tatlong bantay na nagpapatrolya. Dinagukan niya sa likuran ang dalawa sa mga ito at ang isa naman ay napabagsak ng kanyang kamao. Kinuha niya ang kanilang mga kupya, sinuot ang isa at binigay kina Graison at Osylla ang dalawa.

"Suotin nyo nang hindi kayo makilala."

Sinunod ng dalawa ang pangunguna ni Talas at isinuot nila ang kupya.

***

Sa hindi kalayuan, binabagtas naman ni Grasiela ang daan papunta sa Kwarto ni Ocillo. Napatigil siya at napasandal sa may pader nang may maaninag siyang mga aninong papalapit sa kanyang kinaroroonan. Hinanda ng Emperatris ang kanyang kutsilyo, nakahandang lusubin ang sinumang hahadlang sa kanilang pagtakas. Lumakas ang mga yabag ng paa, nangangahulugang malapit na ang mga ito sa kanya.

Napasigaw si Grasiela at lumabas sa kanyang pinagtataguan taas-taas ang kutsilyo. Nagambala ang tatlong nilalang.

"Huwag, Grasiela kami ito!"

Tinanggal ni Talas ang kupya at ipinakita ang sarili sa pinsan.

"Talas?" saad ng Emperatris.

Tinanggal ni Graison at Osylla ang takip sa kanilang mga ulo.

"Graison."

"Ina," nanananabik na niyakap ng Prinsipe ang Emperatris. "Naririto na kami, ililigtas namin kayo."

"Salamat at naririto kayo. Paano nyo ko nahanap?"

"Huwag nyo na po alalahanin, ang mahalaga makaalis tayo rito."

"Tara na," niyaya sila ni Talas na nag-alala sa kanilang limitadong oras.

Napalingon si Grasiela kay Osylla at muli niyang naalala ang kanyang sadya. "Sandali, si Panginoong Ocillo. Bihag pa rin siya ni Aurello, kailangan muna natin siyang kalagan."

"Alam nyo po nasaan si Ama?" tanong ni Osylla.

"Oo, Osylla, pupuntahan na natin siya."

"Sige, pero bilisan natin," saad ni Graison.

***

Dinala sila ni Grasiela sa ikatlong kwarto sa ikalawang palapag kung saan naroroon si Panginoong Ocillo. Namataan nilang may nakabantay na isa pang guwardiya, kaya naman humanap sila ng tamang tyempo. Nang tumalikod ito, sinamantala na ni Talas ang pagkakataon at pinilipit niya ang leeg nito.

Pumasok si Osylla at ang mag-ina sa loob at doon na nadiskobre ng dalaga ang kalagayan ni Panginoong Ocillo.

"Ama," nag-aalalang nilapitan ni Osylla ang Ama at napatingin siya sa benda at tali sa kanyang mga kamay at paa. "Anong ginawa nila sa kanya?"

Nahihiya ngunit napahawak sa balikat ng dalaga si Grasiela. Mauunawaan niya kung siya ang sisisihin ni Osylla sa nangyari.

"Patawarin mo ko, Osylla. Sinubukan naming tumakas ngunit sa kagustuhan ng iyong Ama na makaalis ako, nanlaban siya at napuruhan."

"Ama ko," napasandal ang dalaga sa piling ng amang walang malay.

Tinantsa ni Graison ang oras.

Limang minuto na ang lumipas, dalawang minuto na lamang at magsasara na ang daluyan.

Habang siya ay nakasandal, nakarinig si Osylla nang mahinang ungol mula sa Panginoon. Gumalaw ang mukha nito at unti-unting dumilat.

"Ama."

Ang unang bagay na nasilayan niya ay ang mukha ng minamahal niyang anak.

"Osylla," hindi niya mapigilan ang kanyang luha. "Akala ko hindi na kita makikita ulit."

"Hindi mangyayari yun, Ama." Muling napayakap ang dalaga nang buong pagmamahal. "Gagaling na kayo at aalis na tayo rito."

"Kalagan na natin siya."

Ibinigay ni Grasiela kay Talas ang nakuhang kutsilyo at sinimulan na niyang alisin sa pagkakagapos ang Panginoon. Pagkatanggal, inalalayan nila ito ni Graison para makabangon.

"Dahan-dahan."

Maingat na inilabas nina Graison at Talas si Panginoong Ocillo sa silid at pilit na naglakad ng walang ingay hanggang maaari. Sumunod naman sina Grasiela at Osylla.

Lingid sa kanila, papunta sa silid ni Ocillo si Kapitan Roqil upang magpatrolya at bisitahin ang kanyang nasugatan. Pagkarating niya, napansin niya ang walang malay na bantay, lumingon siya sa paligid at nasaksihan niyang tumatakas sina Grasiela at Ocillo kasama si Prinsipe Graison.

"Hinto!"

"Nakita niya tayo, bilisan na natin," udyok ni Grasiela.

Nagmadali sila sa pagtakbo. Kahit na may kabigatan ang inaalalayan, hindi sila maaaring magpahuli. Nakasunod naman si Roqil na nag-alerto ng ibang Kawal Artemian para sila ay tugisin.

Inalala ni Graison kung saang lugar sila unang dinala ng portal. Malamang ito rin ang lugar na kailangan nilang balikan. "Diretso lang, sa may sulok, malapit sa hagdan."

Tinahak nila ang mahabang bulwagan ng Kastilyo hanggang sa maaninag ni Graison ang kumikinang na ilaw ng portal.

"Ayun, tara na!"

Nanlaki ang mga mata ni Grasiela at si Panginoong Ocillo naman ay napanganga sa kakaibang bagay na nakita.

"Ano yan?" Tanong ng Emperatris.

"Yan ang mabilis na daan natin pabalik sa Palasyo," tugon ni Graison. "Dumiretso lang kayo sa loob."

Napansin ni Graison na paliit na nang paliit ang portal at nawawala na rin ang kulay at kinang nito.

"Malapit na itong magsara, bilisan na natin."

Sinabayan ni Osylla ang naliligalig na si Grasiela at sila ay lumusot sa portal, sumunod naman sina Graison, Talas at Ocillo. Ilang segundo lamang ang nakalipas at tuluyan nang naglaho ang mahiwagang daluyan sa kawalan.

Pagkarating ni Roqil at ng iba pa, napatigil sila sapagkat wala nang lilikuan, narating na nila ang sulok. Napasulyap ang Kapitan sa balkonahe. Imposibleng makababa sila sa mataas na hagdan nang ganoong kabilis lalo na at may inaalalayan silang sugatan. Hindi sila makapaniwala at bigla na lamang nawala ang mga tumatakas na parang isang bula.

***

Nag-ulat ulit si Roqil kay Duke Aurello nang isa na namang masamang balita.

"Pinahalughog ko na po ang buong kastilyo pero walang nakitang marka ng Emperatris o ni Ocillo. Hindi ko alam kung paano sila nagawang itakas ni Prinsipe Graison sapagkat napakarami nating bantay."

Napailing na lamang si Aurello at pagkatapos ay binaba niya sa mesa ang iniinumang tasa na may lamang alak.

"Ipagpatuloy nyo ang paghahanap," malumanay niyang sinabi, "iwan nyo muna ako."

Pagkaalis ni Roqil at ng mga Kawal, napalingon ang Pinuno ng Artemias sa mga putahe sa mesa. Itinuon niya ang pansin sa nabakanteng pwesto ni Grasiela at ang kanyang mga naiwang putahe. Hindi na nakapagtimpi pa ang matandang Duke at siya ay nagpakawala ng kanyang emosyon. Pinagbuntunan niya ang bawat pagkain, plato at tasang nakikita sa kanyang pagdadabog. Sa ikalawang pagkakataon, tila hindi na naman umaayon sa kanya ang tadhana.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro