Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 16: Covel

-Himpilan ng Mataas na Panginoon:
Sampung taon ang nakakaraan-

Nakaabang ang Mataas na Panginoon sa kanyang himpilan na noon ay bagong gawa pa lamang, hindi pa ito ganap na Kampo noong mga panahong iyon bagkus ito ay nagmimistulang paaralan sa mga batang Erroiah at Kanluraning nais maglingkod sa kanilang mahal na pinuno.

Madalas naghihintay rito si Lodell sa mga magulang o bantay na magdadala ng kanilang mga anak sa kanya. Puno ang mahabang listahan sa kanyang mesa sa dami ng mga nais na ialay ang kanilang mga supling para sa bagong henerasyon ng mga sundalo, mandirigma at Kawal ng Kanluran.

Kauupo pa lamang ng Mataas na Panginoon sa kanyang pwesto sa init ng tsiminea nang bumukas ang pinto.

"Naririto na po sila," tugon ng isa sa kanyang tauhan.

Dumating na ang unang maghahandog ng alay sa kanya.

"Papasukin mo."

Pumasok ang kanyang mga panauhin. Ang una ay isang lalaking nasa tatlumpu ang edad, bata pa ngunit manipis na ang buhok at di katangkaran. Kasama niya ang isang batang lalaking nasa labindalawang taon ang edad, maputi, mahiyain, tila may lungkot at tamlay sa kanyang malamlam na mga mata na di karaniwan sa mga batang nasa edad niya.

"Mataas na Panginoon," yumuko ang nakatatanda kay Lodell at sa bata ay binulong niya, "yumuko ka rin."

Sumunod ang bata kahit na halatang hindi ito interesado at maging siya ay yumuko nang dahan-dahan. "Kamahalan."

Matawa-tawa si Lodell sa narinig. "Hindi na kailangang tawagin akong Kamahalan, bata. Hindi naman ako ang Emperador pero tatanggapin ko itong papuri."

Tinapik ng lalaki sa braso ang batang kasama, nahihiya sa pagkakamali nito kay Lodell, kahit ang totoo ay hindi naman ito malaking bagay sa Mataas na Panginoon.

"Maligayang pagdating, Jiofelus, siya na ba ang sinasabi mo?"

"Opo, ang pamangkin ko sa yumao kong kapatid at ng kanyang kabiyak."

"Kaawaan nawa ang kanilang kaluluwa. Mag-aapat na taon na mula nang bumagsak ang dalawang Tore pero batid kong sariwa pa rin ang lahat sa mga namatayan at naulila, gaya niya. Kamusta naman siya?"

"Madalas pa ring malungkot at tulala, hindi na bumalik ang dati niyang saya at sigla mula noong maulila. Palagi na nga ring sinusumpong at minsan pati ako ay nabubulyawan."

Tinuon ni Lodell ang tingin sa bata at nagmistulang isang magulang na handa ng disiplinahin ang anak.

"Hindi naman tama yun, dapat ginagalang mo ang iyong tiyuhin, bata."

Hindi inimik ng bata si Lodell na mas lalo pang ikinahiya ni Jiofelus.

"Ganyan talaga siya ngayon, madalang na magsalita. Nahihirapan na rin ako na asikasuhin siya, kaya nga po noong nalaman kong kumukupkop kayo ng mga batang lalaki sa inyong himpilan, hindi na ko nagdalawang-isip pa na dalhin siya rito."

"Hindi lang mga lalaki, may bukod na himpilan rin kami sa mga babae, ang mga Ina ng bayan sa hinaharap. Talagang isa sa adhikain ko ang kapakanan ng mga kabataan, balak kong hasain sila sa ipakikinabang at ikauunlad ng Kanluran. Handa na ba ang mga gamit niya?"

"Dala na po namin, Panginoong Lodell."

"Magaling, tutal naririto na ang bata, maaari ka ng umalis, iwan mo na siya sa akin. Magpaalam ka na sa kanya."

"Magpakabait ka rito," saad ni Jiofelus habang yakap-yakap ang pamangkin pagkatapos ay may binulong ito sa kanya, "umayos ka ritong hinayupak ka, galingan mo para sa Mataas na Panginoon."

Pagkaalis ni Jiofelus, nilapitan na ni Lodell ang bagong kupkop na bata. Siniyasat niya ang bata mula ulo hanggang paa. Payat ang bata at may katangkaran, ngunit maaaring hubugin bilang isang sundalo balang araw.

"Ngayong naririto ka sa himpilan ko, asahan mong ito na ang simula ng pagbabago sa iyong buhay. Mula sa isang paslit, ikaw ay magiging isang ganap na lalaki. Ang balita ko galit na galit ka raw sa mga Itmai at Puttlan, totoo ba ito?

"Opo, Kama...Mataas na Panginoon. Pinatay po nila ang mga magulang ko. Kinasusuklaman ko po sila."

Napangiti si Lodell sa nalaman, nagagalak siyang makita na sa murang edad, nilalamon na ng galit ang bata.

"Kung sasanayin kita paano labanan at pabagsakin ang mga Itmai at Puttlan, papayag ka ba?"

Sa kanyang sinabi, bigla na lamang nanigla ang mukha ng bata, animo'y isang anak na nakatanggap ng regalo o laruan sa kanyang magulang. Magandang senyales, magagamit niya ang pagnanais nito sa maraming bagay.

"Ano nga ulit ang pangalan mo, bata?"

"Jiaruz po, Mahal na Panginoon."

"Ako na ang bahala sa'yo mula ngayon," kumpiyansang sagot sa kanya ni Lodell.

-Kanlungan ng Kanluran-

Kinagabihan, noong araw na tumakas ang bihag, nakaramdam ng gutom si Covel sa  kanilang paghahanap at pakikipagsapalaran. Nagpasya siyang kumuha ng isa sa mga huling salmon ni Ermin na kanyang dala noong siya ay bumalik. Tinusok ng binata ang talim ng kanyang sibat sa isda, nagsiga ng apoy at inihaw ang isda. Nakasanayan na rin niyang mag-ihaw ng isda matapos ang mahabang araw sa kabundukan.

Habang siya ay taimtim sa pag-isip, lumabas si Gavielle mula sa kanyang tolda at namataan niya ang Prinsipe sa may apoyan.

"Gusto mo?" Alok ni Covel sa dalaga nang mapansin niya ito.

Napailing si Gavielle. Nilapitan niya si Covel ngunit halata pa rin ang hiya at pagkailang sapagkat hindi niya ito matignan ng diretso sa mata.

"Gising ka pa rin." Sinubukang basagin ng Prinsipe ang pagkailang na namamagitan sa kanila ni Gavielle.

"Pagkatapos ng nangyari kanina, mahihirapan akong matulog."

"Kung ganun, dalawa tayo."

Umupo si Gavielle sa tabi ng Prinsipe at nilabanan na niya ang hiyang nararamdaman. Kailangan na niyang magpakumbaba matapos ang ginawa nito para sa kanya.

"Gusto ko lang magpasalamat sa'yo dahil pinagtanggol mo ko sa kanila."

"Walang anuman. Ayos lang yun."

"Bakit mo nga pala ginawa yun?"

"At bakit naman hindi?"

"Kasi naging masungit ako...kasi pinagbuntunan kita...kasi nagalit ako sa'yo sa isang walang kakwenta-kwentang bagay."

Mas lalo lamang napapangiti si Covel sa bawat salitang binibitawan ng dalaga. Natutuwa siya sa pagpapakatotoo sa kanya ni Gavielle.

"Wala na sa akin yun, nakita kong kailangan mo ng tulong mo. Pinagkakaisahan ka na nila. Hindi ko naman pwedeng hayaan na lang sila na tratuhin ka ng ganun."

"Sa kabila ng lahat tinulungan mo pa rin ako. Lahat sila tinalikuran ako, maliban lang sa'yo."

"Dahil nakikita kong may mabuti kang puso at hindi mo ipapahamak ang Kapatiran sa anumang paraan, hindi man ito makita ng iba sa ngayon."

Nadismaya si Gavielle sa salita ng Prinsipe at napagtanto niyang hindi pa rin nareresolba ang problema niya sa ibang kasapi kahit na ipinagtanggol siya ni Covel.

Hindi ko na dapat pinaalala, maayos na nga ang timpla niya.

Desperadong napatanong ang dalaga. "Paano ko ba mapapaunawa sa kanila na wala akong rason para tulungan ang bihag?"

"Huwag mo na munang isipin yan sa ngayon, di magtatagal, lalamig rin ang sitwasyon, aamo rin sila sa'yo. Tignan mo kami ni Toro. Noong una wala rin siyang tiwala sa akin, pero tingin ko naman ngayon kahit papaano umaamo na siya sa akin."

Sa pagkakataong ito, nagtagumpay si Covel na hindi lamang pangitiin kundi patawanin ang dalaga sa kanyang mga hirit. Simpleng napasulyap ang Prinsipe sa masiglang mga mata at maputing ngipin ng dalaga.

Maganda pala talaga siya kapag hindi nagsusuplada.

Bibihira niya lamang makitang nakangiti si Gavy, lalo pa at ang kanyang ipinamalas ngayon ay isang sinsero at purong ngiti. Sadyang may mga taong kapansin-pansin lamang ang kagandahan kapag tinignan nang masinsinan.

"Alam mo, maganda ka pala pag nakangiti."

Bahagyang nadagdagan ng pamumula ang masayang pisngi ni Gavielle, napayuko siya sa hiya at pati na rin sa kilig na pilit na kinukubli. Hindi niya inaasahan ang mabulaklak na papuri mula kay Covel. Masarap isipin na nakatanggap siya nito mula sa isang Prinsipe.

"Pag nakangiti lang ba ako maganda?" usisa niya sa tonong mas malambot sa karaniwan.

"Hindi ko pansin. Madalas ka kasing galit, mala-halimaw ka pa naman pag nagagalit."

"Baliw ka talaga," biglang nanumbalik ang pagkabargas ng dalaga at napalakas ang hampas niya sa braso ng Prinsipe.

Nasaktan si Covel ngunit hindi na lang niya pinahalata.

Aray! Lakas pala niyang manghampas.

"Paumanhin."

"Ayan, dalawa na ang utang mo sa akin."

"Ikaw kasi e, pero seryoso, mula ngayon susubukan ko ng hindi magalit kaagad."

"Ibig sabihin ba nito maayos na tayo?" Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Covel. "Napapagod na rin ako sa pagiging aso at pusa natin."

Napangiti ang dalaga na walang pag-aalinlangan. "Ako rin, napapagod na."

Batid na ni Covel kung ano pinapahiwatig ng kanyang tugon.

"Mabuti naman at ayos na tayo, mayroon din sana ako gustong hilingin sa'yo."

"Ano naman yun?"

Napatingin si Covel malapit sa tolda ng bihag at unti-unting natunaw ang sigla sa pisngi ni Gavielle.

"Hindi ba oras na para pati siya ay patawarin mo na rin?"

"Ewan ko, Covel, di ko alam kung kaya ko na. Alam mo naman gaano kalaki ang kasalanan niya sa akin."

"Hayaan mong tulungan kita."

Napatango si Gavielle na muling baon ang maamo niyang ngiti.

"Ngayon, siguradong dapat mong matikman tong salmon na dala ni Ama. Sandali lang at ikukuha kita."

Pagkaalis ni Covel para kumuha ng isda, napaisip ang dalaga sa kanyang minumungkahi.

***

Kinabuksan, sa kanyang tolda, walang malay ang iba na nagsisimula nang magdeliryo si Jiaruz dahil sa pinsalang tinamo. Paulit-ulit na bumabalik sa kanyang gunita ang mga pangyayari sa kanyang buhay: ang kanyang mga magulang, ang dalawang tore, si Lodell, ang paaralan, ang kanyang pagsasanay, ang bilanggong pinahirapan, si Wharen, ang mga babaeng kanilang hinalay, si Donello, si Gavielle, ang mga Itmai at Puttlan, ang batang kanyang niligtas. Lahat sila ay naghalo-halo sa kanyang isipan sa isang nakakahilong imahe na gumimbal at rumindi sa kanyang kaibuturan.

Nagising si Jiaruz na naliligo sa kanyang pawis. Sukdulan ang bilis ng kanyang puso at noong una nahirapan siyang habulin ang kanyang paghinga. Bukod rito, kumirot rin ang kanyang lapnos mula sa kanyang kanang likuran. Hindi pa nanunumbalik ang kanyang lakas ngunit base sa sakit na kanyang nararanasan ngayon, batid niyang malala ang pinsalang tinamo niya sa mga kaaway. Namilipit si Jiaruz sa kanyang kinahihigaan at hindi mapigilang hilingan na sana ay namatay na lang siya kaysa madama ang pasakit na ito.

-Kampo ng Kamatayan-

Isang kakaibang araw ang sumalubong kay Demetria. Kanina pa niya hindi maipaliwanag ang aura ni Wharen ngayon. Taliwas sa kanyang seryosong disposisyon na kanyang inaasahan, ngayon hindi maalis ang masamang ngisi sa kanya na parang isang asong nauulol at ito ay kanyang ikinairita.

"Anong nangyari sa'yo?"

"Matutuwa ka sa ibabalita ko," maligalig niyang hinatak si Demetria sa sulok ng kampo.

"Ano ba, masakit!"

Ibinigay ni Wharen ang mensahe ng espiya kay Demetria. Binasa niya ito at natigilan ang kasintahan sa pagkagulat.

"Totoo ba ang nakalagay rito? May espiya ang Kapatiran at nahanap na niya ang isa sa mga Prinsipe?"

"Malakas ang hinala ko na nagsasabi siya ng totoo, kailan pa ako napapaisip na may espiya sa Kapatiran sapagkat may naglalatag ng impormasyon sa kanilang mga plano."

May pagdududa pa rin si Demetria sa nasabing sulat, para sa kanya hindi ito madaling paniwalaan lalo na ang parte tungkol sa nawawalang Prinsipe, minsan ay tinuturing na lamang nilang alamat ang tungkol sa mga nawawalang Tagapagmana.

"Paano ka nakakasiguro? Baka patibong lang ito ng Kapatiran para guluhin ang Mataas na Panginoon."

"Hindi ganitong katuso ang Kapatiran para gawin ang sinasabi mo. Sila ang niloloko ng espiya."

"Kaya ka ba natutuwa kasi maiisahan na natin ang Kapatiran?"

"Hindi, ano ba pakialam ko sa mga kutong lupang yan. Maliliit na tao lamang sila. Natutuwa ako sa nalaman ko tungkol sa nawawalang Prinsipe. Mabuti na lang at ako ang unang nakakita ng sulat."

"Naguguluhan ako, kailan ka pa naging interesado sa Imperyong Cenpyre? Labas naman tayo dyan."

"Hindi mo ba nakikita? Kapag nalaman ito ng Mataas na Emperador, sino ba ang bibigyan niya ng malaking gantimpala? E di kung sino ang nagsiwalat sa kanya. Walang iba kundi tayo."

"Anong ibig mong sabihin? Sinasabi mo bang gagalaw tayo ng patalikod laban sa Mataas na Panginoon?"

"Nakuha mo, Demetria, hindi nya dapat malaman ang tungkol dito. Tayo dapat ang makahuli kay Prinsipe Covel. Tayo dapat ang magdala sa kanya kay Fierro. Hindi si Lodell."

Napailing si Demetria sa kanyang iminumungkahi. "Delikado tong binabalak mo."

"Natatakot ka rin pala, ngayon ko lang nalaman yan."

"Iniisip ko lang ang kaligtasan mo, paano kung malaman ni Lodell na sinasaksak mo siya ng patalikod, siguro ako papatayin ka niya!"

Sa pagkakataong ito, muling nanumbalik ang mahabang mukha ni Wharen, kahit papaano ay nakaapekto rin sa kanya ang mga sinabi ni Demetria, sa kabila nito, wala siyang balak magpatinag.

"Hayaan mo siya nang magkaalaman na kung sino ang mas masahol na halimaw sa aming dalawa. Sabihin na lang natin ito na ang ganti ko sa kanya sa lahat ng pagpapahiya at pagmamaliit niya sa akin. Una akong napunta sa puder nya pero sa huli mas pinaboran pa rin niya si Jiaruz at kailangan ko pa siyang sirain sa paningin niya. Ngayon, oras na para ako naman ang umangat. Pagsisisihan niya ang pagtrato niya sakin."

"Mukhang hindi na kita mapipigilan, ano ba ang mahihita mo dyan bukod sa salapi?"

"Isipin mo ito, Demetria, kapag nagtagumpay ako, patatalsikin ni Fierro si Lodell sa pwesto dahil sa kapalpakan niyang iulat ang tungkol sa Prinsipe at ako ang iluluklok niya bilang Mataas na Panginoon ng Kanluran, pagkatapos nun papakasalan na kita. Ayaw mo bang maging kabiyak ng pinakamakapangyarihang tao sa Kanluran?"

Maisip pa lamang ito ng kasintahan, siya ay nasasabik na. Silang dalawa ni Wharen, magkasamang namumuno sa Kanluran, malayang gawin ang lahat ng kanilang gusto. Walang kahit anong hadlang sa kanilang pag-iibigan.

"Ako pa ba ang aayaw? Siyempre gusto ko. Ano bang mga susunod mong hakbang?"

"Kailangan magtalaga ako ng pwersang hahanap para lamang kay Prinsipe Covel, pero hindi maaari sa sarili kong hukbo, Mahirap na baka may isang hindi makapagpigil at sabihin kay Lodell. Mabuti na ang nag-iingat."

"Ako ang bahala, may kilala akong grupo ng mersenaryo na handang gawin ang lahat para sa pera. Tiwala akong matutulungan nila tayo. Gusto mo papuntahin natin sila nang kausapin natin?"

Mula sa kanyang likuran, bumalot kay Demetria ang mainit na yakap ni Wharen.

"Kaya mas gusto kong magkasama tayo sa mga plano natin, alam kong hindi mo ako bibiguin, mahal ko."

"Sige, ipapaalam ko na kay Megalyon. Basta tuparin mo ang pangako mo sa akin," siya na ang nagpasimula ng kanilang paghahalikan.

-Kanlungan ng Kanluran-

Sa panghihikayat ni Covel, napapayag si Gavielle na puntahan si Jiaruz.

Bago sila pumasok sa loob, muli siyang tinanong ng Prinsipe na may bahid ng pag-aalala, "sigurado ka bang handa ka ng harapin siya?"

"Nakapagpasya na ko, pero huwag mong asahang magiging maayos ang kahahantungan nito. Nakadepende ang lahat sa sasabihin niya."

"Halika na at alamin natin."

"Sandali lang, may sasabihin pa ko. Kung tingin mong sumosobra na ako, ikaw na ang pumigil sa akin."

Napangiti si Covel, "makakaasa ka, ako na ang bahalang umawat sa'yo."

Pumasok ang dalawa sa tolda ng bilanggo. Natagpuan nilang may malay na ang bihag. Napatingin si Jiaruz kay Prinsipe Covel at sumunod naman kay Gavielle. Hindi naman nagsalita ang dalawa, nakamasid lamang sila sa lagay ng napinsala, nakikiramdam sa timpla nito. Sa totoo ay hinihintay lamang ng Prinsipe na magsalita ang dalaga ngunit nananatiling tikom ang kanyang bibig. Naririnig nila ang magaspang na tunog mula sa hingal na paghinga ng bihag. Para bang maging sila ay nakakaramdam ng paghihikahos nito kahit na sila ay nakatingin lamang.

"Kayo pala, anong masasabi nyo? Pwede na kayong magdiwang at malapit na kong mamatay."

"Huwag kang magmalabis, ang sabi ni Ama malaki pa ang posibilidad na malagpasan mo ito," ibinalita ni Covel.

Napangisi ang  namumutlang labi ni Jiaruz, hindi nila matiyak kung natutuwa ba ito o naiinis sa nalaman.

"Tignan mo nga naman, malakas pa rin ang kapit ko sa diyablo."

"Hindi kami naririto para makipagbiruan sa'yo. Alam ko ang dahilan ng pagtakas mo, dahil sa akin. Dahil nalaman mo na kung sino ako. Sabihin mo sa akin, may napagsabihan ka ba tungkol sa pagkatao ko?"

Tinagalan ni Jiaruz ang pagsagot at tinignan lamang niya nang matalim si Covel, tila nais nitong pakabahin ang Prinsipe.

"Kung hindi kayo dumating, malamang naipagsigawaan ko na sa mga umuusig sa akin kung sino ka. Mapalad ka pa rin, sayang at naging bato ang aking pabuya."

"Mukhang wala siyang napagsabihan," saad ni Gavy kay Covel. "Mabuti na lang."

Nakuha ng dalaga ang atensyon ng bihag at lalo itong napangiti nang painsulto sa kanila.

"Nagsalita ang mortal kong kaaway. Anong ginagawa mo rito? Papatayin mo na ba ako? Mainam pa nga, pasasalamatan pa kita kung papatayin mo na ko ngayon, tutal ito rin naman ang gusto mo di ba? Wala na rin naman patutunguhan ang buhay ko ngayon."

Napalapit si Gavielle nang malumanay at nagtitimpi na lamang.

"Kung mayroon mang Diyos na nakikinig sa taas, hindi ka lang niya parurusahan sa impyerno, pati rito sa lupa ipaparanas niya ang walang hanggang pasakit. Ito ang sentensyang ipapataw niya sa isang katulad mo. Nararapat lang sa'yo ang dinaranas mo ngayon, kulang pa nga yan kung tutuusin, sa dami ng kasalanan mo."

"Mamamatay na nga lang ako, hanggang ngayon sukdulan pa rin talaga ang galit mo sa akin."

"Nagpipigil na lang ako na hindi ka patayin ngayon, hayop ka! Gusto mo isa-isahin ko lahat ng atraso mo sa akin? Simula sa paghuli nyo sa kapatid ko, hindi pa kayo nadala, papatayin nyo na siya, pinahirapan nyo pa. Pinutulan nyo pa siya ng Kamay! At ako, inusig nyo ko na parang hayop, nagpagala-gala ako sa lansangan. Higit pa dyan, ilang ulit mo pa kong pinagbantaan na hahalayin at pagsasamantalahan mo ko, kahit nung nahuli ka namin, iyan pa rin ang bukang bibig mo. Ilang babae na ba ang nilapastangan at tinanggalan nyo ng dangal? Ano pa nga ba ang aasahan ko sa inyong mga walanghiya? Ni wala nga ako nakikitang bahid ng pagsisisi sa lahat ng kahayupang ginawa mo. Kahit simpleng paghingi ng tawad, hindi mo magawa!"

Ninamnam ni Jiaruz ang mga salitang binitawan ni Gavielle, umangat siya ng bahagya sa kanyang kinahihigaan pero di pa niya kayang bumangon sa kondisyon niya ngayon.

"Bakit? Kung magmamaakawa ba ako sayo ngayon, luluhod at hihingi ng tawad, papatawarin mo ba ako? Hindi rin naman, pero para lang alam mo kung ano ang saloobin ko, mabuting tao ang kapatid mo at hindi nararapat sa kanya ang kinahinatnan niya. Maniwala ka man sa akin o hindi, sasabihin ko sa'yo, tinutulan ko ang labis na pagpapahirap sa kanya. Hindi ko ginustong putulan siya ng kamay, kagagawan iyon ni Wharen, sinabihan kong wala siya sa lugar para paglaruan ang bilanggo, pero hindi siya nakinig sa akin. Hindi ko kagustuhan ang lahat iyon pero ano pa ba ang magagawa ko, gaya ng sabi mo, napakasama kong tao, kaya ano pa ang punto nito? Sige na, patayin mo na ako at kunin mo ang hustisya para sa inyo ng kapatid mo."

Susugurin na sana ni Gavielle ang bihag subalit inawat siya ni Covel gaya ng pinangako nito sa kanya. Sumenyas siya sa dalaga sa tingin na nagsasabing lumalagpas na ito sa linya at muli itong napakalma. Ang Prinsipe na lamang ang nagpasyang makipag-usap sa bihag.

"Masama ka nga, alam namin yun, may hindi lang ako maintindihan sa kinilos mo. Ang bata.

"Anong bata?" walang malay nitong tinanong.

"Hindi mo na maalala? Nakita namin kung paano mo tinulungan ang isa sa mga bata noong tinutugis ka nila. Nakakapagtaka lang kung bakit nagawang iligtas ng isang halang na kaluluwa ang isang inosenteng bata na kabilang sa lahing kanyang tinutugis. Ano ang kwento sa likod nito?"

"Magandang tanong, Mahal na Prinsipe," pumasok si Pinunong Haurre sa tolda na kanina pa nakikinig sa usapan at siya ay tumindig sa presensiya ng bihag. "Ipagtapat mo sa amin ang lahat nang sa ganoon ay maunawain namin kung may natitira pa bang liwanag sa maitim mong budhi? Bakit mo sinagip ang batang iyon?"

"Hindi ko siya kayang patayin," ito lang ang sinambit ni Jiaruz, maikli ngunit nagdulot ng pagtataka sa kanilang tatlo.

"Bakit?" desidido si Haurre na malaman.

"Dahil nakikita ko ang sarili ko sa kanya noong bata pa lang ako. Isa lamang siyang musmos na walang kamalay-malay sa mga nangyayaring kaguluhan sa paligid niya, kagaya ko."

Napatingin si Haurre kay Covel at Gavielle. Ngayon pa lang nila nadidiskobre na may mas malalim pang dahilan sa kanyang kwestyonableng aksyon.

"Ano ba ang nangyari sa'yo? Magbahagi ka."

"Para saan pa, hindi nyo naman din ako mauunawaan, taliwas naman ang ating mga pinaglalaban."

"Pangako, makikinig ako ng walang panghuhusga, kung ito na ang huli mong araw, maigi pang ilabas mo na ang lahat ng bigat at hinanakit sa'yong puso."

Nag-aabang si Covel sa isasalaysay ng bihag at ganoon na rin si Gavielle, gaano man niya kinamumuhian si Jiaruz, may nag-uudyok sa kanya na pakinggan kung ano man ang ibabahagi nito.

Ilang saglit lamang ay nagsimula ng magkwento si Jiaruz.

"Maligaya ang pamumuhay ko noon. Mararangal na tao ang mga magulang ko, pinalaki nila ako na magalang at may magandang asal. Wala akong kapintasan sa kanila, kaibigan sila ng lahat, hindi sila tumitingin sa anumang kulay ng balat, nirerespeto nila ang kanilang kapwa. Deboto sila ng Diyos na Puti at kada taon nagtutungo sila sa Tore para gawin ang Isang Daan. Noong walong taon ako, tuluyang nabago ang takbo ng aking buhay. Kabilang sila sa mga nasawi sa gumuhong Tore. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa. Noong mga panahong din yun, umusbong ang balitang kagagawan ito ng mga mananalakay na Itmai at Puttlan at doon nagsimula ang pagkamuhi ng aming bayan sa kanila. Lahat ng kaanak ng mga biktima sila ang sinisisi sa nangyaring trahedya. Maging ako, sa mura kong edad, galit na galit rin ako sa kanila. Sila ang dahilan kung bakit maaga akong naulila. Gusto kong gumanti, gusto kong mamatay na rin sila."

Napatigil si Jiaruz sa pagkukwento, hindi niya namalayan ang pagtulo ng mapapait niyang mga luha. Unti-unting napabilis ang kanyang paghinga at kinailangan na siyang dalhan ni Covel ng tubig.

"Uminom ka muna."

Ilang lagok lamang ang nabawas sa tubig.

"Sige, kung hindi mo pa kayang magsalita, hahayaan ka na namin, pero kung gusto mo pa, makikinig kami, ituloy mo lang."

"Sampung taon ang nakaraan, dinala ako ng aking tiyuhin sa puder ng Panginoong Lodell. Nalaman niya ang nangyari sa akin at kinupkop niya ko na bukal sa kanyang kalooban. Nangako siyang tutulungan niya kong makuha ang hustisya. Hinangaan ko siya, ginawang sandigan at tinuring na isang Ama. Utang ko sa kanya ang lahat. Ang lahat ng mayroon ako ngayon ay dahil sa kanya. Nakitaan niya ako ng potensyal at pinasok niya ko sa tinayo niyang paaralan sa mga kabataan. Hindi simpleng paaralan, isang paaralan para sa nakatataas. Ang layunin nito ay turuan at hubugin kami paano maging matapang at malakas. Lagi nilang tinatatak sa kukote namin na walang lugar sa Kanluran ang mga mahihina, lampa at mga duwag. Hindi naging madali ang buhay ko sa paaralang iyon, pero nagpatuloy ako sa kagustuhan kong maipaghiganti ang mga magulang ko. Doon sinanay nila kami, pinwersa, hinubog, binago nila ang aming paningin sa mga bagay-bagay, maging ang lahat ng aming nakagisnan."

"Sigurado ako doon ka rin nila tinuruang pumatay, mag-alipusta ng kapwa at manamantala ng mga kababaihan, tama ba?"

Natahimik si Jiaruz sa tanong ni Haurre, hindi malaman kung ano ang isasagot.

"Noong mga panahong yun, sa paningin namin sila ang tama. Na ginagawa lamang nila ang mga bagay na yun para iligtas ang Kanluran sa mga Itmai at Puttlan, na siyang anay na sumisira sa aming Lupain. Ginawa ko ang lahat ng ipinag-uutos nila, gaano man kalabag sa kalooban ko."

"Sabihin mo sa amin ano pa ang mga kasamaang ginawa mo para sa kanila. Kailan ka nila pinagsimula sa mga ganitong klaseng gawain?"

"Labin-tatlong gulang pa lamang ako noong una akong nakapatay ng tao. Tinuruan nila kaming pahirapan ang ilan sa mga bihag na Itmai hanggang sa tuluyan namin silang mapatay. Wala silang pinipili, pinapapatay nila sa amin, babae man o lalaki, bata man o matanda. Paulit-ulit nila itong pinagawa sa amin hanggang sa kami ay maging manhid na, hanggang sa maging normal na lang sa amin ang kumitil ng buhay. Kaya kong pumatay ng di kumukurap, pero sa kabila nito. May isang bagay akong hindi magawa."

"Ano yun? " tanong ni Covel habang si Gavy naman ay mas lalo pang naaalibadbaran sa mga nalalaman.

"Ang pumaslang ng bata. Sa tuwing nakikita ko silang tumatangis, naaalala ko ang sarili ko sa kanila, kung paano ko iniyakan ang aking mga magulang noong sila ay nawala. Nahirapan akong pumatay ng musmos ngunit napilitan pa rin ako dahil ako ang malilintikan sa paaralan. Tanda ko pa rin ang mga mata ng unang batang aking pinatay. Isang Puttlan na nasa 5 o 6 na taon lamang. Hindi ko iyon makakalimutan. Ipinangako ko na lang muna sa sarili ko na kapag nasa mataas na posisyon na ako, hindi ko na kailangang pumatay ng bata. Kaya noong naging Komandante na ako sa kampo, iniiwasan ko ang mga bata. Iba ang pinapagawa ko ng pagpuksa sa kanila. Wala ako problema sa pagpaslang sa mga matandang Itmai at Puttlan, huwag nga lang ang mga bata."

"Iisa lamang ang ibig sabihin ito, kahit papaano may natitira pa na katiting sa iyong konsensya," sagot ni Haurre.

"Hindi ako pinanganak na masama at puno ng pagkamuhi, tinuruan nila ako."

"Tinuruan ka nila kung paano maging isang halimaw."

Aminin man niya sa sarili niya o hindi, tumagos kay Jiaruz ang mga katagang ito.

"Halimaw man ako sa paningin ninyo, pero sana ngayon nauunawaan nyo na kung bakit wala akong awa sa mga walanghiyang Itmai at Puttlan."

"Nagkakamali ka, anak. Nauunawaan ko kung may galit ka sa pagkawala ng iyong mga magulang, pero hindi sila ang may kagagawan ng iyong kasawian sa buhay at sa lahat ng nangyayaring kaguluhan ngayon."

"Siyempre sasabihin nyo yan dahil kampi kayo sa kanila," napangisi si Jiaruz na para bang ito ang pinakanakakatawang bagay na narinig niya.

"Inipit lamang sila, pinaratangan ng walang sapat na basehan. Hindi mo ba binasa ang mga akda ni Donello? Si Lodell at Fierro ang may kagagawan ng lahat, niloko nila kayo para makuha nila ang Cenpyre at Kanluran. Minanipula nila ang lahat at pinalabas nila na ang mga nasabing lahi ang nanggugulo nang sa ganoon ay maupo sila sa posisyon at masakop tayong lahat. Hindi ka ba nagtataka, bakit walang sinumang Itmai o Puttlan ang nakakakilala sa mga lumusob sa Tore? Dahil ang totoo, sila ay mga huwad, mga mersenaryong binayaran lamang ni Lodell upang simulan ang kaguluhan. Ito ang katotohanan, maniwala ka man o hindi."

Napailing si Jiaruz sa kanyang mga pahayag, hindi pa rin niya magawang maniwala sa mga narinig.

"Pare-pareho lang kayo, nilalason nyo lang ang isipan ko. Kahit papaano, may pinagsamahan kami ng Mataas na Panginoon. Sa tingin nyo ba mas papanigan ko kayo laban sa kanya? Makabalik lamang ako sa kampo at makapagpaliwanag, sigurado akong tatanggapin nya ko gaya ng dati."

"Hindi ka na maaaring bumalik sa kanya," babala ni Haurre. "Alam mo bang naglabas na ng patong sa ulo mo ang taong tinuturing mong Ama. Sa bibig mismo ni Lodell nanggaling na tugisin ka, buhay man o patay."

"Harapin mo na ang katotohanan, Jiaruz. Pinagtaksilan ka na ng mga taong inakala mong kakampi," tinapat siya ni Covel. "Kailan ka ba magigising at mamumulat?"

"Kaaway na ang tingin nila sa'yo ngayon," may pang-aasar na dinagdag ni Gavielle.

"Inilaan mo ang buhay mo sa kanila pero ano ang ginanti nila? Matapos ka nilang gawing instrumento sa kanilang kasamaan, ngayon itinapon ka nila na parang isang gamit na basahan. Ganito naman talaga ang pamamaraan nila."

"Si Wharen ang nagtraydor sa akin, dahil gaya ko nais niya rin makuha ang pagtanggap ni Lodell," pinanindigan ng bihag, pilit na pinagwawalang-bahala ang masasakit na salita mula sa kanila.

"Sa sobrang pagkadesperado niya sa atensyon ni Lodell, nagawa kang ilaglag ng iyong kaibigan. Kita mo na? Ikaw, si Wharen at ang lahat ng naninilbihan sa kanya, wala siyang pakialam sa inyo, ginagamit lamang niya kayo sapagkat nakikinabang siya. Siya ang lumalason sa isip ninyo. Kung ano-anong maling ideyolohiya at pananaw ang tinanim niya sa inyong kaisipan. Tinuruan niya kayong kalimutan kung sino talaga kayo. Nang dahil sa kanya, nakalimutan nyo paano maging isang tao. Napakalaki ng kasalanan nya sa'yo at hindi man lang niya kayo inisip. Walang minahal si Lodell kundi ang kanyang sarili. Wala kayong halaga sa kanya at alam kong alam nyo yun, pero pinaglilingkuran nyo pa rin siya."

Sa pagkakataong ito, wala nang naisagot pa si Jiaruz. Mas masakit pa ang mapait na katotohan kumpara sa kanyang panlabas na pinsala. Unti-unti na niyang napapagtanto ang lahat ng sinasabi ng Pinuno.

"Makinig ka sa amin," payo sa kanya ni Covel sa tinig na walang bahid ng galit o panghuhusga. "Husto na."

"Pero paano ang magulang ko? Ang paghihiganti ko? Ang mga pagdurusa ko?"

"Tama ba na may ibang magdusa dahil nagdusa ka?" binalik sa kanya ni Haurre ang tanong.

Ito na ang huling katagang kailangan upang mawasak ang lahat ng kasinungaling pinaniwalaan niya sa loob ng isang dekada. Naramdaman niyang gumuho ang maling ideyolohiyang itinanim sa kanya ni Lodell, at lalo pa siyang nagulumihanan sa nagtatalo niyang diwa.

"Ano bang kailangan nyo sa akin? Bakit nyo pinag-aaksayahan ng panahon ang isang napakasamang taong kagaya ko. Patayin nyo na lang ako. Tutal wala na ang lahat sa akin."

"Hindi, nakikita kong may pag-asa pa para sa'yo. Lumubog ka na sa kumunoy ngunit may pag-asa pang maibangon ka ulit, kaya ngayon, muli kitang aanyayahan. Sumama ka sa amin. Talikuran mo na si Lodell at labanan mo ang kanyang pwersa. Makiisa ka sa amin sa pagligtas sa Kanluran at sa mga kapos-palad. Huwag mong isipin na hinihingi namin ito bilang pabor. Hindi kami ang tutulungan mo, bagkus tutulungan mo ang iyong sarili...na makabalik sa liwanag...na makabalik sa kung sino ka talaga. Napakarami mo ng nagawang pagkakasala, pero hindi pa huli ang lahat para makabawi. Marami ka pa rin magagawang kabutihan sa mundo, kailangan mo lang simulan ngayon."

"Masyado na akong malayo para bumalik... Kaya ko pa ba?"

"Alam mo ang sagot dyan, buhay ka pa ba o patay? Pag-isipan mong mabuti."

Unang lumabas si Pinunong Haurre. Sunod naman si Gavielle. Nagulat man siya nang bahagya sa kagustuhan ni Haurre na isama sa Kapatiran ang bihag, ngayon ay kalmado na siya sapagkat mas naunawaan na niya ang pinupunto ng Pinuno.

Huling lumabas si Covel at siya ay napasulyap pa sa bihag.

Sabi ko nga ba, may natitira pang kaunting kabutihan sa kanya, hindi rin pala naging madali pinagdaanan niya sa buhay. Kung minsan isang masalimout na pangyayari lamang ang kayang bumago sa isang tao, patungo sa kasamaan o sa kabutihan?

Pagkaalis ng tatlo, naramdaman ni Jiaruz na para bang gumaan na ang kanyang kalooban. Ang lahat ng bigat na kanyang dinadala mula noon, ito'y naglaho na.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro