Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 16: Aric

-Kasaganaan-

Saklaw ng dilim ang buong kagubatan at tanging ang buwan lamang ang nagsisilbi nitong ilaw. Himlay na rin ang bawat hayop at nilalang sa kani-kanilang mga lungga't tahanan. Ang tanging tunog na maririnig ay ang mga yabag ng mga paa ng dalawang lalaking may hawak ng tanglaw. Dalawang lalaking iisa ang misyon ngunit hindi tugma ang prinsipyo.

Patuloy na tinatahak ni Aric at Leyro ang kagubatan. Mula noong sila ay lumisan, hindi pa rin nag-uusap ang dalawa, sumusunod lamang si Aric sa direksyon ni Leyro at pinapakiramdaman niya ang kilos nito.

Sa lahat ng makakasama niya sa paglalakbay na ito, hindi niya akalaing si Leyro pa, na kanyang mortal na kaaway at karibal kay Miya. Hindi niya nais na makasama at makipagtulungan sa kanyang kaaway ngunit wala siyang magagawa. Nanganganib ang buhay ni Miya at ng buong Tribong Myongan, kailangan niyang tanggapin ang lahat ng tulong na makukuha niya, gaano man ito kalabag sa kanyang kalooban.

Kakaiba ang dilim ng gabi ngayon, tila nakikiramay ang gubat sa pinagdadaanan nilang sakuna kaya siguro patay rin ang kulay nito ngayong gabi. Hindi inaalala ni Aric ang dilim, may mas malala pa siyang nakasagupa. Ang inaalala niya ay mag-isa lamang siya kasama ang isang taong tuso at mapanganib, hindi niya alam kung ano ang tumatakbo sa isip nitong kasing dilim ng gabi. Isa lang ang natitiyak niya, dapat siyang maging alerto sapagkat hindi siya ligtas.

Tumigil muna si Leyro sa paglalakad. Nagsiga siya ng apoy at binasag na niya ang katahimikan sa pagitan nila.

"Magpahinga na muna tayo Dayo, mapanganib tahakin ang malayong kagubatan ng ganitong oras."

Nagulumihanan si Aric sa inaasta ni Leyro, hindi siya madaling nakuha sa pagiging malumanay nito at sa kataka-takang pag-intindi nito sa kapakanan niya. Hindi na nakapagpigil pa si Aric. Hinatak niya si Leyro sa suot nito na kanyang ikinagulat.

"Anong panlilinlang ito, Leyro?"

"Panlilinlang? Anong sinasabi mo, Dayo?"

"Huwag ka ng magmaang-maangan. Alam naman natin na hindi natin gusto ang isa't-isa. Natutunugan kong may masama kang binabalak sa akin."

"Tama ka, Dayo. Wala rin akong tiwala sa'yo pero isipin mo mabuti, kung may balak akong masama laban sa'yo, ginawa ko na sana kanina pa, sa dilim ng gabi."

Paangas na kumalas si Leyro sa pagkakahatak ng dayo.

"Bakit ako magtitiwala sa isang katulad mo, matapos ang pagtatangka mo kay Miya noon."

Nagpakawala ng buntong-hininga si Leyro at napayuko bago bago magsalita, tila nahihiya sa lalaking mas matangkad sa kanya.

"Nagkamali ako sa ginawa ko kay Miya, kaya nga sinusubukan kong bumawi ngayon, itama ang lahat ng pagkakamali ko."

"Hindi ako basta maniniwala sa'yo at hindi ka na dapat sumama sa akin."

"Wala ka ng magagawa. Naririto na tayo. Nangangailangan ng tulong ang aking Tribo at ganoon na rin ang mga Myongan. Kung talagang may malasakit ka sa kanila, pipiliin mong makipagtulungan sa akin. Iisa lang naman ang hangad natin. Ang makuha ang lunas. Kahit ngayon lang, isantabi na lang muna natin ang ating pagkakaiba alang-alang sa kanila."

Nakuha ni Aric ang pinupunto ni Leyro. Maging siya man ay kaya ring sabihin ang ganitong mga pahayag, gayunpaman, di niya pa rin magawang ibigay ang buong tiwala niya sa Datu. May nagsasabi sa kanya na hindi sinsero ang Datu at siya ay nagkukunwari lamang.

"Sige, handa akong makipagtulungan, pero isang maling galaw mo lang, hindi ako magdadalawang-isip na labanan ka."

"Tatandaan ko yan, dayo. Matulog na muna tayo at mahaba pa ang magiging araw natin bukas."

Humiga si Leyro sa may damuhan at naglatag na rin si Aric ng mahihigaang tela. Nagpalipas na muna sila ng gabi.

***

Nagising si Aric bago pa man umusbong ang bukang liwayway at napatingin siya sa kalangitan habang nilalamon ng kulay kahel na sinag ang dilim ng gabi. Tunay na isang kamangha-manghang senaryo na masaksihan ang kanilang pagpapalit.

Kamusta na kaya si Miya?

Ito pa rin ang tumatakbo sa kanyang isip mula noong siya ay umalis.

Nakakakain na kaya siya? Nanumbalik na kaya ang lakas niya? Naaalagaan kaya siya ng maayos?

Maya-maya, nag-almusal si Aric ng saging na dala niya mula sa kanyang maliit na kahon na yinari niya noong ginawan niya ng silya si Datu Mortho. Sa loob may mga lamang ilang piraso ng mansanas, mangga at rambutan. Masarap ang saging, hinog na ngunit katamtaman lamang ang tamis at hindi mapakla.

Maya-maya, nagising na rin ang Datu. Napatingin siya nang walang kamalay-malay sa kwadradong kahoy sapagkat ngayon lamang ito nakakita ng ganitong kagamitin.

"Ano yan?"

"Lalagyanan ko ng pagkain, ikaw wala ka bang dinala?"

Hindi makasagot si Leyro sapagkat bukod sa kanyang espada, ang dala-dala niya lamang ay ang kanyang sarili, di tulad ni Aric na kahit papaano ay may naibaon na dalahin.

"Sa bagay, biglaan ang pag-alis natin, hindi nga rin ako nakapagdala ng sapat na pagkain at hindi ito magkakasya sa ating dalawa."

"Anong nais mong gawin, dayo?"

"Kasisimula lamang ng umaga, mangalap muna tayo ng makakain."

Pumayag dito si Leyro at sila ay naglibot-libot sa puso ng kagubatan. Namitas si Leyro ng ilang piraso ng mga bungang lansones sa di kalayuan. Hindi na siya nag-abalang maghagilap pa, habang si Aric naman ay maraming nakuhang mga mangga, saging, peras, melon, pakwan at iba pa. Sagana ang gubat ngayong araw na ito upang bigyan sila ng biyayang makakain.

Sabay na bumalik ang dalawa dala ang kanilang mga nakalap. Natigilan si Leyro sa dami ng nakuha ni Aric sa kanyang kahoy na kahon. Napatingin siya sa ilang piraso ng mga lansones na kanyang nahanap at siya ay muling nainggit.

"Yan lang ang nakuha mo?" tanong ni Aric.

"Wala na kong mahanap na iba pa, mailap ang mga bunga ngayon," katwiran niya.

Imposible, wala siyang mahanap o di siya gaano naghanap?

Napailing na lamang Aric sa kapulpulan ng kasama, tinitiis na lamang niyang hindi ipakita ang kanyang pagkairita.

"Sige na, kumuha ka ng ilang piraso sa nakalap ko. Maghati na lang tayo."

Sinunod ng Datu ang dayo. Kumuha siya ng ilang piraso mula sa nakolekta ni Aric nang sa ganoon magkasya sa kanila ang mga pagkain.

Bigla namang nakaramdam ng panghihilab at sakit sa tiyan si Aric. Alam na niya ang pinapahiwatig nito.

"Sandali lang muna, kailangan ko lang magbawas. Bantayan mo maigi ang mga pagkain natin."

Nagmadaling nagtungo si Aric sa may bandang sulok at naiwan doon si Leyro na masama ang tingin sa mga pagkain nito. Habang abala ang kasama sa pagbabawas, pasimpleng kinuha ni Leyro ang kahoy na kahon. Lumingon siya sa paligid, tila naghahanap ng pupuntahan. Namataan niya ang isang bangin sa bandang kaliwa. Sa ibaba, mayroong rumaragasang ilog. Sinamantala niya ang pagkakataon at hinulog niya mula sa bangin ang mga prutas na nakalap ni Aric at pinananood niya itong maglaho sa tubig, pagkatapos binalik niya ang kahon kung saan niya ito kinuha.

Ilang minuto lang, bumalik si Aric at nadatnan niyang wala ng laman ang kahoy.

"Anong nangyari rito? Nasaan ang mga prutas? Anong ginawa mo?"

"Hindi ako, may mga matsing na dumating at ninakaw nila lahat ng mga prutas na hinakot mo."

"Lahat-lahat?"

"Wala silang tinira, sinubukan ko silang pigilan ngunit masyado silang mabilis."

Diskumpyado si Aric sa paliwanag ni Leyro. Batid niyang posibleng sinasabotahe na siya ni Leyro, pero naalala niyang nagkaroon din siya ng hindi magandang karanasan sa mga naturang hayop.

"Pilyo talaga ang mga unggoy dito, ninakawan rin nila ako noong bagong salta ako. Mapapatawad ko naman kung mga unggoy lang ang kumuha, mga hayop lang sila, higit na masahol pa ang isang taong malikot ang kamay."

Walang naisagot si Leyro sa parinig nito, ngunit sa loob-loob niya, nag-aalboroto na siya sa mga salita nito laban sa kanya. Nagtungo si Aric sa mga nakalap ni Leyro.

"Anong ginagawa mo?" nagtaka si Leyro nang makita niyang binabawi ni Aric ang mga prutas na kinuha niya. "Kala ko ba akin na ang mga yan? Mangalap ka na lang ulit ng makakain mo."

"Wala ng oras, isa pa hindi naman maaari na ikaw lang ang makikinabang sa mga inani ko, kaya yan hating kapatid."

Kinuha niya ang karamihan sa mga pinamahagi niya sa Datu at nagtira lamang siya ng kaunting piraso kasama ng kanyang mga lansones.

"Ako na rin ang magdadala ng mga pagkain para hindi na mawala."

"Ikaw bahala, kung talagang wala kang tiwala sa akin."

"Simulan natin ang pagtahak sa gubat. Saan ba tayo tutungo?"

"Ako ba ang tinatanong mo? Akala ko ba hindi ako mapapagkatiwalaan?" may bahid ng pagmamatigas sa tono ni Leyro. Kay Aric para siyang batang nagtatampo.

"Hindi nga, pero ikaw ang mas nakakaalam ng kagubatang ito kaysa sakin na isang dayo lang, gaya ng lagi mong sinasabi. Para mahanap ang Gintong Paniki, dapat makarating tayo sa bahagi ng kagubatan na wala pang nakakapaglakbay. Alam mo ba saan ang daan?"

Napaisip si Leyro sa pahayag ni Aric, mukhang ito na ang pagkakataon niya para makaisa. Umaayon na sa kanya ang sitwasyon.

"Kung gusto mong matunton ang isang lugar na wala pang nakakarating, kailangan mong tahakin ang isang lugar na hindi mo nais puntahan. Ang masukal at liblib na bahagi ng kagubatan. Hanggang doon lamang nakakarating ang mga Tribo at hindi na namin alam kung ano ang nasa kabilang dako."

Napaisip si Aric kung totoo ba ang sinasabi nito o isang panlilinlang lamang. Sa loob ng sandaling panahong nagkasama sila, mabibilang lamang niya sa kanyang daliri ang tamang nagawa ni Leyro.

"Ano pang hinihintay natin? Pangunahan mo na ang daan. Nakahanda ako sa ano pa mang makakasalubong natin sa lugar na iyon kung ang kapalit nito ay maliligtas natin silang lahat."

"Tignan lang natin," bulong ni Leyro sa kanyang sarili.

***

Sa pangunguna ni Leyro, binagtas nila ang daan sa sulok ng gubat, dala-dala ang kanilang mga tanglaw. Narating nila ang bahaging tinutukoy ni Leyro, kung saan liblib, nakakabingi ang kawalan ng ingay at malamlam ang sinag kahit na hindi pa sumasapit ang gabi. Patay ang mga matataas at patpating mga puno rito. Maraming mga naglalakihang mga bato at malubak ang daanan. Maulap rin ang paligid at ang tanging bagay na maririnig lamang ay ang kaluskos ng kanilang mga paa at ang huthot ng mga kwago.

Ngayon lamang narating ni Aric ang bahaging ito ng kagubatan at hindi na maganda ang pakiramdam niya rito. Si Leyro naman ay naglalakad lamang na tila hindi inaalintana ang nakakakilabot na paligid.

"Sigurado ka bang ito ang tamang daan?"

"Ito lang ang tanging daan. Kung gusto mo marating ang paroroonan natin, kailangan muna nating lagpasan ang bahaging ito. Masanay ka na sa ganitong paligid, maaaring mas nakagigimbal pa ang naghihintay sa atin doon. Magpatuloy ka lang."

Naglakad si Aric at tumingin-tingin sa paligid nang may pag-iingat.

"Sakaling marating nga natin ang walang katiyakan, paano mo balak hulihin ang Gintong Paniki?"

"Ako na ang bahala roon," bulong na sambit ni Aric.

"Hindi ito madali sa inaakala mo, mabilis ang mga paniki."

"Magagawan ko yan ng paraan, ako nga ang nakapatay sa Buktot di ba?"

Hindi bumilib si Leyro sa pangangalandakan ni Aric.

Napatigil si Aric nang may maaninag mula sa isang batuhan. Nilapit niya ang kanyang tanglaw at napagtanto niyang mayroong mga kalmot at kaskas sa bato na malamang ay nagmula sa isang malaki at mabangis na hayop. Habang nakatingin kung saan nakatapat ang kanyang tanglaw, isang imahe pa ang nabuo sa batuhan na bumigla sa kanya. Namataan ni Aric ang anino ng isang tao na nakataaas ang kamay at may hawak na espada. Nakatutok ito sa anino niya.

Napalingon si Aric sa likuran, doon na siya sinunggaban ni Leyro at inatake. Agad namang kinuha ni Aric ang kanyang espada bilang panangga laban sa Datu, nalaglag ang kanyang tanglaw sa damuhan.

Sinamantala ni Aric ang dilim ng kagubatan. Siya naman ang tumira kay Leyro at humagis ang espada nito sa kalayuan, kung saan man, hindi matiyak ng Datu kaya naman nagpasya itong sugurin na lang siya ng mano-mano.

Isang malutong na suntok ang humambalos sa panga ni Aric, hindi naman nagtagal bago nakabwelo ang dayo. Ginantihan niya rin ito ng solidong suntok sa mukha. Ilang ulit hanggang sa napabagsak ito sa malubak na damuhan.

Nagmadali si Aric at pumaibabaw siya sa kaaway. Tinutok niya ang espada sa lalamunan nito.

"Walanghiya ka, sinasabi ko na may masama ka ngang pinaplano sa akin!"

May kadiliman man ang gubat, naaninag pa rin ni Aric ang mapang-insultong ngisi ng Datu.

"Isa ka talagang malaking tanga, dayo, tingin mo ba makikipagtulungan ako sa isang kagaya mo na makuha ang lunas? At para ano? Para ikaw na naman ang magmukhang bayani sa mata nilang lahat! Hindi ko isinaalang-alang ang kaligtasan ng aking tribo sa kwebang iyon para lang mangyari yun!"

"Anong pinagsasasabi mo?"

"Hindi ka nililinlang ng iyong pandinig! Nagtungo kami sa kwebang yun para humanap ng itlog ng Buktot nang sa ganoon ay masakop namin ang mga Myongan, minalas nga lang at sakuna ang natagpuan namin!"

Natigilan si Aric sa isiniwalat nito. Napagtanto niyang si Leyro pala ang puno't-dulo sa lahat ng nangyayaring sakuna at kaguluhan. Siya ang may kasalanan kung bakit marami ang may sakit ngayon.

Si Miya...nasa bingit siya ng kamatayan ngayon... At ang lahat ng ito ay dahil kay...

"Ikaw pala! Hayop ka!"

"Oo ako nga, pero wala ka ng magagawa, hindi mo na ito masasabi sa kanila dahil dito ka na sa gubat na ito mamamatay!"

Umabot sa sukdulan ang galit ni Aric, nandilim na ang kanyang paningin at sinimulan niyang sakalin si Leyro sa leeg.

"Nang dahil sa kasakiman mo, marami ang nag-aagaw buhay ngayon! Papatayin na kitang demonyo ka!"

"Sige tuloy mo lang! Patayin mo na ako! Patayin mo na ako!"

Kahit na mahigpit ang pagkakasakal ni Aric sa kanya, nagawa pa ring magpakawala nang malakas na paghalakhak si Leyro na nagpadagundong sa kagubatan. Ilang segundo lamang, natabunan ang halakhak niya nang isa pang mas malakas at matinis na halakhak na nagmumula sa isang mabangis na hayop.

"Ano yun?" nabitawan ni Aric si Leyro at napalingon siya sa paligid, hinahanap kung saan nanggagaling ang ingay.

Mula sa mga tuyot na kapunuan, sumulpot ang mga pulutong ng nakakikilabot na asong gubat. Nagpagimbal kay Aric ang mapupulang mga mata nito at ang matatalim nilang tingin at pangil. Tinutok niya ang sibat sa kanila bilang pagbabala.

"Dinala mo ba ako rito para mamatay?" Tinanong niya si Leyro.

Nawala rin ang tapang ni Leyro, hindi niya akalain na mas marami pala ang asong gubat na darating at papalibot sa kanila. Napalingon ito sa kanyang kanan at namataan ang sandata habang si Aric naman ay nakikiramdam at nagdadahan-dahan sa paggalaw. Naging taliwas ang sumunod na hakbang ni Leyro, imbes na maghinay-hinay, nagpadalos-dalos ito sa pagtakbo at siya ang pumukaw sa atensyon ng mga asong gubat. Lumusob ang mga ito sa direksyon ni Leyro. Napahiyaw ang Datu nang makita niyang papalapit na ang mga ito sa kanya.

"Dayo, tulungan mo ko!" saklolo niya.

Napatiklop si Leyro na natatakot para sa kanyang buhay. Agad namang kumilos si Aric. Gamit ang kanyang sibat, nakipagsabayan siya sa mga asong gubat. Tinusok niya ang ilan sa mga ito at ang iba naman ay hinampas niya papalayo kay Leyro. Natulala lamang ang Datu sa kanyang kinaroroonan.

Naglundagan ang iba pa sa likod ni Aric pero agad naman niya itong nadadaplisan gamit ang talim ng kanyang sibat bago pa man siya nito mapinsala. Sa kasagsagan ng kanyang pakikipagsagupaan sa mga asong gubat, namataan niya ang isang malapad na puno sa may sulok kung saan papataas din ang kalupaan. Maaari silang dumaan dito nang hindi agad naaabutan ng mga aso.

"Leyro, umakyat ka roon!"

Napansin lamang ni Leyro ang nasabing daan dahil sa panuto ni Aric. Natataranta itong umakyat habang nakikipaglaban ang kasama.

Samantala, sa tulis ng kanilang ngipin, tuluyang nasira ang sibat ni Aric kaya kinuha na lamang niya ang espada. Napalingon siya at nakita niyang inaakyat na ni Leyro ang puno. Tinahak niya ang direksyon sa pataas na daanan. Naroroon pa ang Datu, nakakapit sa puno at nakatingin sa kanya. Ilapit lamang nito ang kanyang mga kamay at magagawa niyang hatakin si Aric sa taas.

"Leyro, bilis tulungan mo ko makaakyat."

Hindi kumukurap ang Datu at nakatingin lamang sa kanya na tila hindi nag-aalala sa lagay nito.

"Ano pang hinihintay mo? tulungan mo ko!"

Isang ngisi lamang ang sinagot sa kanya ni Leyro at napagtanto niya kung ano ang binabalak nitong gawin.

"Sinabi ko naman sa'yo, dito ka na mamamatay. Maligayang paglisan, Dayo!"

Tuluyan nang inakyat ni Leyro ang itaas ng puno at naglaho sa dilim.

Hindi lubos akalain ni Aric na iiwan siya ng Datu nang ganun-ganun lang matapos niyang iligtas ang buhay nito. Ilang saglit lamang, nakarating ang isa sa mga asong gubat papaakyat sa mataas na kalupaan. Wala nang nagawa si Aric kundi mapatingin sa pangingilabot nang tumalon papalapit sa kanya ang hayop.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro